Ano ang Pagsasagawa ng Katotohanan

Maraming tao ang nakikinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, ngunit hindi nauunawaan kung ano ang katotohanan, o sa kung aling aspekto ng katotohanan nila dapat ituon ang kanilang mga pagsisikap. Nakikinig lang sila at iyon na iyon, palaging walang ingat na parang mga taong hindi nag-iisip at walang puso. Hindi kataka-takang nananampalataya sila sa Diyos nang ilang taon, ngunit wala pa rin silang patotoong batay sa karanasan. Ang isang taong tunay na naghahangad sa katotohanan ay dapat magnilay-nilay sa kanyang sarili: Naaayon ba sa katotohanan ang sinasabi at ginagawa ko? Ano ang kulang sa akin? Anong mga kakulangan ang dapat kong punan? Gaano ko kahusay na ginagampanan ang aking tungkulin? Nagagawa ko bang kumilos alinsunod sa mga prinsipyo? Kung hindi malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan. Kung nais mong hangarin at matamo ang katotohanan, dapat mong madalas na basahin at pagnilayan ang mga salita ng Diyos. Anuman ang tungkuling ginagampanan mo, dapat mong pagnilayan at alamin ang mga katotohanang kailangan mong maunawaan, at kailangan mong maisagawa at maranasan ang gaano man karaming katotohanang nauunawaan mo. Kailangan mong palaging pag-isipan, “Nakapagsagawa at nakapasok na ba ako sa katotohanang ito? Aling mga aspekto ng buhay ang tinutukoy ng katotohanang ito? Aling mga kapaligiran? Aling mga sitwasyon?” Kailangang nakapirmi ang mga katanungang ito sa puso mo, at dapat mong subukang alamin ang mga ito sa iyong libreng oras. Kung iniisip mo ito ngunit hindi mo naiintindihan, kailangan mong magdasal-magbasa, lumapit sa Diyos at buksan ang puso mo sa Kanya. Karamihan sa mga tao ay hindi nakatutok ang puso sa katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos. Nasaan ang kanilang puso? Palaging nakatutok sa panlabas na mga bagay ang puso nila, palaging nababahala nang husto tungkol sa mga isyu ng banidad at pride, sa kung ano ang tama at kung ano ang mali. Hindi nila alam kung aling mga bagay ang nauugnay sa katotohanan at alin ang hindi, at iniisip nila, “Hangga’t may ginagawa ako sa sambahayan ng Diyos, nagpapakaabala at nagtitiis ng paghihirap para magampanan ang aking tungkulin, isinasagawa ko ang katotohanan.” Hindi ito tama. Isinasagawa ba ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay-bagay para sa sambahayan ng Diyos, pagpapakaabala at pagtitiis ng hirap? May anumang basehan ba para sabihin iyon? Ang pagtitiis ng hirap habang gumagawa ng mga bagay-bagay at ang pagsasagawa ng katotohanan ay dalawang magkaibang bagay. Kung hindi mo alam kung ano ang katotohanan, paano mo ito maisasagawa? Hindi ba’t kalokohan iyon? Ikaw ay kumikilos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, ikaw ay nasa isang nalilitong kalagayan, gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa sarili mong mga ideya. Ang puso mo ay nalilito, nang walang anumang mga layon, direksyon, o prinsipyo. Gumagawa ka lang ng mga bagay-bagay, at nagtitiis ng hirap habang ginagawa ang mga ito—ano ang kaugnayan niyon sa pagsasagawa ng katotohanan? Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, anuman ang gawin nila, at anumang mga paghihirap ang tiisin nila, sila ay malayo sapagsasagawa ng katotohanan. Palaging ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang kagustuhan, at para lang matapos ang mga bagay-bagay; hindi man lang nila isinasaalang-alang kung naaayon ba o hindi ang mga kilos nila sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi mo alam kung naaayon ba sa katotohanan ang ginagawa mo, walang duda na hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Maaaring sabihin ng ilan, “Gumagawa ako ng mga bagay-bagay para sa iglesia. Hindi ba iyon pagsasagawa sa katotohanan?” Mali talaga iyon. Ang paggawa ba ng mga bagay-bagay para sa iglesia ay nangangahulugan na isinasagawa ng isang tao ang katotohanan? Hindi talaga ganoon—matutukoy lamang iyon sa pamamagitan ng pag-alam kung may mga prinsipyo sa mga kilos ng taong iyon o wala. Kung walang mga prinsipyo sa kung ano ang ginagawa ng isang tao, para kanino man niya ito ginagawa, hindi niya isinasagawa ang katotohanan. Kahit pa gumagawa siya ng isang mabuting bagay, dapat itong gawin alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo upang maituring bilang pagsasagawa ng katotohanan. Kung nilalabag niya ang mga prinsipyo, anumang kabutihang ginagawa niya ay mabuting pag-uugali lamang at hindi sapat sa pagsasagawa ng katotohanan. Maraming tao ngayon ang hindi kailanman pinagsisikapan ang mga katotohanang prinsipyo sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, nangangahulugan ito na nagtatrabaho lamang sila. Kung ang isang tao ay hindi kailanman pinagsusumikapan ang katotohanan, hindi niya magagampanan nang sapat ang kanyang tungkulin; ang ganitong uri ng tao ay tiyak na hindi kabilang sa mga tao ng Diyos, maaari lamang siyang tawaging isang trabahador. Kung makapagpapatuloy siya sa pagtatrabaho hanggang sa huli, maaari siyang ituring na isang tapat na trabahador at payagang manatili. Ngunit kung nakagawa siya ng ilang masasamang bagay sa panahon ng pagseserbisyo, ititiwalag siya sa isang punto, tulad ng isang pana-panahong manggagawa na hindi na kinakailangan. Karamihan sa mga trabahador ay itinitiwalag sa ganitong paraan. Hindi pasado sa pamantayan ang pagtatrabah nila, kaya tiyak na hindi sila makapaninindigan.

Ano ang pagsasagawa ng katotohanan? Paano isinasagawa ng isang tao ang katotohanan kapag tinatapos ang isang gawain o ginagampanan ang isang tungkulin, o paano ang hindi pagsasagawa nito? Ang hindi pagsasagawa ng katotohanan ay nangangahulugan na ang ginagawa ng isang tao ay walang kaugnayan sa katotohanan. Maaaring ginagampanan ng taong iyon ang isang tungkulin, ngunit walang gaanong kaugnayan sa katotohanan ang ginagagawa niya. Isa lamang itong uri ng mabuting pag-uugali, at maituturing itong mabuting gawa, ngunit malayo pa rin ito sa pagsasagawa ng katotohanan—may pagkakaiba sa pagitan ng mga bagay na ito. Ano ang pagkakaiba? Ikaw ay sumusunod lamang sa isang saklaw o sa mga regulasyon kapag gumagawa ka ng isang bagay. Hindi mo pinahihintulutan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos na magdusa ng anumang kawalan, nagpapakaabala ka ng kaunti pa at dumaranas ng kaunti pang paghihirap, nakamit mo ang mga bagay na ito, at kung ang mga kinakailangan para sa iyo ay hindi partikular na mataas, maaaring ginagampanan mo ang iyong tungkulin nang sapat. Ngunit may iba pang dapat isaalang-alang: Natuklasan at nailantad mo na ba kung anong mga tiwaling disposisyon, kaisipan, at mga bagay-bagay na hindi nakalulugod sa Diyos ang nasa loob mo kapag ginagawa mo ang bagay na iyon? Nakarating ka na ba sa tunay na pagkakilala sa sarili sa pamamagitan ng paggawa niyon at sa pagganap ng iyong tungkulin? Nahanap mo na ba ang katotohanan na kailangan mong isagawa at pasukin? (Bihira—kung minsan ay basta ko lang inihahambing ang sarili ko sa mga salita ng Diyos, kinikilala nang kaunti ang sarili ko at iyon na iyon.) Kung gayon ay karaniwang mayroon ka lamang na teoretikal, mala-pormulang pagkakilala sa iyong sarili, hindi praktikal na pagkakilala. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, kung gayon kahit na wala kang nagawang malalaking pagkakamali at wala kang nalabag na mga pangunahing prinsipyo, at hindi ka aktibong nakagawa ng masama at lumilitaw na isang mabuting tao na may kaunting pagkatao, hindi ka pa rin nagsagawa o nagkamit ng katotohanan, at ang iyong kawalan ng mga pagkakamali at pagpapakita ng pagkatao ay hindi pa rin kapareho ng pagiging alinsunod sa katotohanan o ng pagsasagawa nito. Ang mga bagay na ito ay malayo at naiiba mula sa pagsasagawa ng katotohanan. Matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng ilang taon, natutuklasan ng maraming tao na sila ay mga karaniwang trabahador. Nagtataka sila kung paano sila naging mga trabahador, ngunit wala silang nakukuhang sagot, gaano man sila magmuni-muni. Kapag kasisimula pa lang manalig sa Diyos ang mga tao, hindi nila balak na maging mga trabahador. Plano nilang maging mga mabuting mananampalataya, upang makamit ang pag-unawa sa katotohanan, at sa huli ay mailigtas at makapasok sa kaharian ng langit—o na mabuhay man lang. Iniisip din nila na bilang mga mananampalataya, kailangan silang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at magpasakop sa Kanya. Paanong nagiging mga trabahador sila nang hindi nila namamalayan? Iyon ay dahil hindi mo kailanman naisasagawa ang katotohanan o napapasok ang katotohanang realidad sa iyong tungkulin, at sa mga kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa iyo—palagi kang nagsisikap sa halip na ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Iyon ang dahilan. Kaya, pagkatapos mong gampanan ang iyong tungkulin nang ilang panahon, kapag pinatatahimik mo ang iyong sarili at iniisip na, “Ano ba ang nakamit ko sa panahong ito? Noong minsang lumabas ako, muntik na akong maharap sa panganib, pero pinrotektahan ako ng Diyos,” ang makitang pinrotektahan ka ng Diyos ay maituturing bang pagkakilala sa Kanya? Hindi ka mabibigyang-inspirasyon ng mga bagay na ito na patibayin ang iyong pananampalataya sa Diyos, ni magbibigay-daan ito sa iyo na magkaroon ng tunay na pagkaunawa sa sarili mong tiwaling disposisyon at kalikasang diwa. Sa paggunita kung paano mo ginampanan ang iyong tungkulin sa panahong ito, nakagawa ka ba ng anumang pag-usad sa iyong buhay pagpasok? Kung isinasagawa mo ang katotohanan habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at kumikilos ka ayon sa mga prinsipyo, tiyak na uusad ka. Kung sasabihin mo na, “Pagdating sa positibong aspekto ng mga bagay-bagay, malalim ang katotohanan ng pagkilala sa Diyos; hindi ko pa talaga ito nauunawaan at wala pa akong gaanong natututunan dito. Pero patungkol sa negatibong aspekto ng mga bagay-bagay, alam ko na ang mga tiwaling disposisyon na pinakamahirap tukuyin ay ang tiwaling disposisyon ng mga tao gaya ng inilalantad ng Diyos: ang kanilang diwa na mapanlaban sa Diyos at lumalaban sa Kanya, ang kanilang buktot na kalikasan at pagiging mapanlinlang, pati na rin ang tiwaling disposisyon na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao na inilantad ng Diyos. Hindi ko ito maiugnay sa aking sarili noon, pero ngayon ay napagtanto at naiugnay ko na ito, at medyo nararamdaman ito ng puso ko.” Ito ay pag-usad. Mayroon ka ng mga damdaming ito, at kapag pinatatahimik mo ang iyong sarili at sinusubukan mong pag-isipan itong mabuti, makikita mo na masyadong mababaw ang ilang taon mong karanasan sa pananampalataya sa Diyos, at makikita mo na napakaraming bagay ang kulang sa iyo. Mayroon kang kaunting pagkaunawa sa katotohanan ng iyong sariling katiwalian, ngunit kasisimula mo pa lang magsisi. Nabawasan ang iyong pagkakasala, at nagpapakita ka ng ilang maliliit na pagbabago sa pag-uugali, ngunit hindi pa talaga nagbabago ang disposisyon mo sa buhay. Kapag mayroon ka nang ilang taon pang karanasan, at mayroon ka nang mas malalim na pagkaunawa sa iyong tiwaling disposisyon, at ilang pagbabago sa iyong buhay disposisyon, pagkatapos ay madarama mo na sa wakas na nakatanggap ka ng dakilang kaligtasan mula sa Diyos, at sasabihin mong, “Ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tao ay totoo, at sinasabi ko ang Amen sa mga salita ng Diyos. Ang mga salita Niya ang katotohanan, at napakatotoo ng mga ito!” Kapag hindi kilala ng mga tao ang sarili nila, sinasabi nilang lahat na, “Maaaring ipagkanulo ng iba ang Diyos, ngunit hinding-hindi ko iyon gagawin. Maaaring talikdan ng iba ang Diyos, ngunit hinding-hindi ko iyon gagawin.” Hindi ba’t walang kabuluhan ang mga salitang ito? Matapos maibunyag ng mga katunayan, nararamdaman ng mga tao na sila mismo ay masyadong hindi mapagkakatiwalaan, na kailangan nila ang Diyos para alagaan at protektahan sila, na talagang hindi nila kayang iwan ang pangangalaga ng Diyos, na sa pamamagitan lamang ng biyaya at awa ng Diyos kung kaya’t umabot ang mga tao sa araw na ito, at na wala silang dapat ipagmalaki. Kung nararamdaman mo ito, nagmumula ito sa iyong karanasan, at hindi dahil itinanim ito sa iyo ng iba. Nagmumula ito sa personal mong pinagdaanan at naranasan. Napakapraktikal at napakalalim ng mga bagay na ito, higit na mas praktikal kaysa sa matatayog pero walang kabuluhang salita na madalas binibigkas ng mga tao. Kapag mayroon kang ganitong uri ng karanasan, at may ganitong pakiramdam ang puso mo, mauuhaw ito sa Diyos, sa Kanyang mga salita, at sa katotohanan. Mabibigyang-inspirasyon ka na pahalagahan ang mga salita ng Diyos, mabibigyang-inspirasyon ka na isagawa at danasin ang Kanyang mga salita, at mas mapapalapit ka sa Diyos sa ugnayan mo sa Kanya. Patunay ito na nasa tamang landas ka na ng pananampalataya sa Diyos, at nagsimula ka nang makapasok sa katotohanang realidad. Yaong mga taong nangangaral lamang ng mga salita at doktrina at mga walang kabuluhang teorya ay palayo nang palayong itinatapon, lalo’t lalong ibinubukod at ipinapahiya sa sambahayan ng Diyos. Kailangan nilang pagnilayan ang kanilang sarili, at oras na para magising sila.

Ano ang mga batayan sa pagsukat kung taglay ba ng isang tao ang katotohanang realidad? O upang makita kung isinasagawa ng isang tao ang katotohanan? Kapag may nangyayari sa kanya, kailangan mong tingnan kung anong saloobin ang mayroon siya sa Diyos, kung kaya ba niyang hanapin ang katotohanan, kung mayroon ba siyang tunay na pagkakilala sa kanyang sarili, at kung kaya ba niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa pagkakaroon ng malinaw na pananaw sa mga bagay na ito, matutukoy mo kung isinasagawa niya ang katotohanan o taglay niya ang katotohanang realidad. Kung palaging nangangaral ang isang tao ng mga salita at doktrina at nagsasalita ng matatayog na salita kapag may nangyayari sa kanya, malinaw na hindi niya taglay ang katotohanang realidad. Kapag may nangyayari sa isang taong walang katotohanang realidad, maisasagawa ba niya ang katotohanan? Hindi niya magagawa ito. Maaaring sabihin niya na, “Nangyari na ang bagay na ito, nagpapasakop ako sa Diyos!” Bakit gusto mong magpasakop sa Diyos? Ang prinsipyo ay tama, ngunit maaaring kumikilos ka batay sa mga damdamin mo, gamit ang isang pamamaraang tinimbang mo at pinagpasyahan mo. Nagsasalita ka tungkol sa pagpapasakop sa Diyos, pero sa puso mo, palagi mong pinagdududahan ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Hindi mo nauunawaan kung bakit kumikilos ang Diyos sa paraang ginagawa Niya, ngunit patuloy mong sinasabi sa sarili mo na kailangan mong magpasakop sa Kanya, gayong sa katunayan, wala kang intensiyong gawin ito. Sa panlabas ay mukha ka lang hindi tumututol, hindi nagrereklamo at ginagawa mo ang sinasabi sa iyo. Mukhang nakapagpasakop ka, pero ang ganitong uri ng pagpapasakop ay hanggang salita lamang, isang pagsunod lamang sa mga regulasyon. Hindi mo isinasagawa ang pagpapasakop. Kailangan mong ilantad at himayin ang tiwaling disposisyon na pumipigil sa iyong magpasakop, at ihambing ito sa mga salita ng Diyos. Kung magkakamit ka ng tunay na kaalaman sa iyong tiwaling disposisyon, kung tunay mong mauunawaan ang Diyos, at malalaman kung bakit Siya kumikilos sa paraang ginagawa Niya, kung ganap mo itong mauunawaan, makapagpapasakop ka sa Diyos. Sasabihin mong, “Gaano man kalaki ang paghihirap, gaano man kahina o kalungkot ang pakiramdam ko, hindi ako magiging negatibo, at magpapasakop ako sa Diyos, dahil alam kong mabuti ang ginagawa ng Diyos, na lahat ng ginagawa Niya ay tama. Wala Siyang gagawing mali.” Kapag nakamit mo ito, ganap nang nalutas ang problema mo. Ang ilang tao ay hindi hinahanap ang katotohanan at hindi nilulutas ang mga problema sa ganitong paraan. Nagpapangaral lamang sila ng mga salita at doktrina, at tila nauunawaan nila ang lahat, ngunit kapag sumasapit sa kanila ang tunay na paghihirap, hindi nila maisagawa ang katotohanan, kahit na gusto nila. Ang mga reklamo at maling pagkaunawa ay namamalagi sa mga puso nila—ngunit hindi nila hinahanap ang katotohanan para malutas ang problema. Ang mga reklamo at maling pagkaunawang ito ay nakatago sa loob ng mga tao. Ang mga ito, sa katunayan, ay isang kanser, at lalabas sa angkop na kapaligiran. Bago mangyari iyon, hindi nararamdaman ng mga tao ang mga ito, at inaakala nilang nauunawaan nila ang buong katotohanan at wala silang mga paghihirap. Ngunit kapag may nangyari sa kanila kalaunan, hindi nila maisagawa ang katotohanan. Pinatutunayan nito na wala kang tunay na pananalig sa Diyos at na hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan. Ano ang ibig sabihin niyon? Nangangahulugan ito na kaya mong mangaral ng ilang salita at doktrina at sumunod lamang sa ilang regulasyon. Bagamat maaaring nakapagpapasakop ka minsan, ito ay isang pagpapasakop na pagsunod sa mga regulasyon, at ito ay napakalimitadong pagpapasakop. Kung may mangyayari sa iyo na hindi tugma sa iyong mga kuru-kuro, hindi ka makapagpapasakop. Ipinapakita nito na hindi ka isang taong tunay na nakapagpapasakop sa Diyos at na hindi pa nalulutas at nagbabago ang iyong tiwaling disposisyon. Kailangan mong malaman ang iyong tiwaling disposisyon batay sa mga nangyayari sa iyo, at kailangan mong malaman, maunawaan, at maisaalang-alang ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Pagkatapos niyon, kailangan mong magkamit ng tunay at kusang-loob na pagpapasakop, at anumang mangyari sa iyo, o gaano man ito di-tumutugma sa mga kuru-kuro mo, kailangan mong makapagpasakop. Ito ang antas na kailangang maabot upang maging isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos at isang taong tunay nang nagbago.

Karamihan sa mga taong ilang taon nang nananalig sa Diyos ay hindi alam kung ano ang pagpapasakop sa Kanya. Alam lang nila kung paano bumigkas ng mga salita at doktrina, hindi kung ano ang pagsasagawa ng katotohanan, o kung paano isagawa ang katotohanan upang makapagpasakop sa Diyos. Bakit ganito? Ang ilang tao ay palaging nagpapasakop sa Diyos ayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at kapag hindi tumutugma sa kanilang mga kuru-kuro ang sinasabi ng Diyos, hindi sila makapagpasakop. Pagkatapos, umuusbong sa kanila ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, at hindi nila hahanapin ang katotohanan. Kung talagang sila ay mga taong nagpapasakop sa Diyos, magagawa nila ito, tumutugma man o hindi ang mga salita ng Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, dahil ang pagpapasakop ng tao sa Diyos ay ganap na likas at may katwiran. Kung nagsasagawa ang isang tao sa ganitong paraan, siya ay nagpapasakop sa Diyos, at kung mauunawaan ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsasagawang ito, taglay niya ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Kapag sinusubukan ng karamihan ng mga tao na isagawa ang katotohanan, isinasagawa lamang nila ang literal na doktrina ng mga salita ng Diyos, at inaakalang isinasagawa nila ang katotohanan. Ang katunayan, ang paggawa niyon ay pagkabigong isagawa ang katotohanan. Kailangang mayroong mga prinsipyo sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi mahanap ng isang tao ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, sumusunod lamang siya sa mga regulasyon, at wala sa pagsasagawang ito ang kinakailangang detalye ng pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Maraming tao ang nagtataguyod lamang sa mga regulasyon ng mga salita at doktrina, at walang mga prinsipyo sa kanilang pagsasagawa. Hindi nito naaabot ang mga pamantayan sa pagsasagawa ng katotohanan. Ang lahat sa relihiyon ay kumikilos ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon at iniisip nila na ito ay pagsasagawa sa katotohanan. Maaaring nangangaral sila tungkol sa pagmamahal, halimbawa, o tungkol sa kababaang-loob, ngunit ang ginagawa lang nila ay ulitin ang pagsasabi ng mga salitang magandang pakinggan. Ang pagsasagawa nila ay walang mga prinsipyo, at hindi nila maarok ang mga pinakapangunahing bagay. Paano makapapasok ang isang tao sa katotohanang realidad kung ganito siya magsagawa? Ang katotohanan ay ang salita ng Diyos; ang realidad ay isinasabuhay ng tao. Kapag naisasagawa na ng isang tao ang katotohanan at naisasabuhay na niya ang mga salita ng Diyos, saka lang siya nagtataglay ng katotohanang realidad. Sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, nakakamit ng mga tao ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at ang tunay na kaalaman sa mga salita ng Diyos. Saka lang nila mauunawaan ang katotohanan. Ang mga taong talagang nakauunawa sa katotohanan ay kayang tukuyin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag naarok mo na ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, magkakaroon ng mga prinsipyo ang iyong pananalita at mga kilos, at magiging alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo ang pagganap mo sa iyong tungkulin. Ito ang pagsasagawa ng katotohanan; ito ang pagkakaroon ng katotohanang realidad. Kapag naisasabuhay mo na ang katotohanang realidad ay saka mo lang naisasagawa ang katotohanan, at kung hindi mo isinasabuhay ang katotohanang realidad, hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi isang usapin ng pagsunod lamang sa mga regulasyon, gaya ng inaakala ng mga tao, at kailangang hindi magsagawa ang isang tao sa anumang paraang gusto niya. Tinitingnan ng Diyos kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan sa panahon ng iyong pagsasagawa at pagdanas ng Kanyang mga salita, at kung may mga katotohanang prinsipyo ang pananalita at mga kilos mo. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at naisasagawa mo ito, magkakaroon ka ng buhay pagpasok. Anumang karanasan at kaalaman mayroon ka sa mga salita ng Diyos, anumang pagpapahalaga mayroon ka, ang mga bagay na ito ay direktang nauugnay sa iyong buhay pagpasok. Kung marami ka nang naranasan, maraming beses ka nang nabigo, natuto ka na ng mga tunay na leksiyon, at nagkaroon ka na ng mga praktikal na karanasan, maaari mong maramdaman na taglay mo ang katotohanang realidad. Tumpak ba ito? Hindi. Maaasahan ba ang ganitong pakiramdam? Hindi rin ito maaasahan. Ang mga taong may katotohanang realidad ay kayang magpasakop sa Diyos at magpatotoo para sa Kanya, at lubos na nakapagbibigay ng magandang halimbawa sa iba na marinig ang kanilang patotoo. Ang mga taong iyon lamang ang masasabing may katotohanang realidad. Tanging ang isang taong kayang magtamo ng pagkilala at pagsang-ayon ng mga taong nakauunawa sa katotohanan ang nagtataglay ng katotohanang realidad. Kung mayroon kang katotohanang realidad ay lubhang nakadepende sa kung mauunawaan mo ang katotohanan at makikilala mo ang Diyos sa iyong pagsasagawa at pagdanas ng Kanyang mga salita. Kung hindi nauugnay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ang pagsasagawa at karanasan mo, wala kang tunay na karanasan sa buhay. Pinatutunayan din nito na hindi normal ang ugnayan mo sa Diyos. Bakit Ko sinasabing hindi normal ang ugnayan mo sa Diyos? Dahil wala kang pagsasagawa o karanasan sa Kanyang mga salita, at hindi mo natamo ang pagkaunawa sa katotohanan. Ipinapakita niyon na hindi ka isang taong nakakaranas sa gawain ng Diyos, lalong hindi isang taong nagpapasakop sa Diyos. Kapag maraming taon ka nang nananalig sa Diyos, sumailalim ka na sa maraming pagsubok at kapighatian, at lumago na ang pananalig at pagmamahal mo sa Diyos, at nakapanindigan ka na sa iyong patotoo, saka lang makikita na mayroon kang tunay na pananalig sa Diyos. Ang gayong tunay na pananalig ay dapat mapatunayan sa pamamagitan ng paninindigan sa iyong patotoo; kung magagawa mo ito o hindi ay napakahalaga. Tinutukoy ng pagsubok na ito kung nagsasagawa ka ng katotohanan o hindi, at ibinubunyag nito kung mayroon kang tunay na pananalig o wala. Halimbawa, ano ang magiging saloobin mo kung magsasaayos ang Diyos ng sitwasyon, at makikita mo na nilalayon Niyang kunin ang taong pinakamamahal at pinakapinahahalagahan mo, o ang mga bagay na pinakakinagigiliwan mo? Hindi ito parang ang pagsasabi lang ng, “O Diyos, lahat ng ginagawa Mo ay mabuti. Pinasasalamatan at pinupuri Kita,” ay nangangahulugan na makakapasa ka sa pagsubok. Kapag nakikita mo ang taong pinakamamahal mo sa kanyang huling hininga, magdurusa at maliligalig ang puso mo, at sasabihin mong, “Hindi ako mabubuhay kung mamamatay siya. Mamamatay ako kasama niya, dahil hindi ko kayang wala siya! Kung mamamatay siya, hindi na ako mananalig sa Diyos.” Sa kasong ito, wala kang katotohanang realidad, at ganap kang nabunyag. Mayroon ka bang tunay na pananalig? Namatay ang mahal mo sa buhay at hindi mo na kayang mabuhay; ayaw mo pa nga sa Diyos. Namatay ang mahal mo sa buhay at hindi ka man lang nagpapasakop sa Diyos. Pinatutunayan nito na ang minamahal mo ay tao at sa tao ka nagpapasakop. Hindi ba’t nabunyag ka dahil dito? Hindi ka talaga isang taong nagpapasakop sa Diyos, lalong hindi isang taong nagmamahal sa Kanya. Ang iyong normal na pagbabahagi sa iba ay tiyak na puno ng walang kabuluhang pananalita at doktrina, hindi ng praktikal at taos-pusong mga salita. Kung ang mga doktrinang sinasalita mo at ang mga sawikaing ipinapahayag mo ay nagmumula sa iyong pananalig, at kung tunay mong pagkaunawa ang mga ito, ay mabubunyag kapag sinubok ka. Lumalabas na ikaw ay isang huwad na mananampalataya, isang impostor, at isang hindi mananampalataya. Puro salita ka lang sa iyong pananampalataya sa Diyos; hindi nagkapundasyon sa puso mo ang Kanyang mga salita. Ang pinakanakakatakot na uri ng pananampalataya sa Diyos ay kapag nauunawaan ng isang tao ang lahat ng doktrina, ngunit wala siyang kahit katiting na tunay na pananalig sa Diyos. Paano mapatutunayan ang tunay na pananalig? Pangunahing sa pamamagitan ng pagsuri kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at isagawa ito kapag may nangyayari sa kanya. Kung hindi niya kailanman tinanggap ang katotohanan, o isinagawa ito, ang totoo ay nabunyag na siya, at hindi na kailangan pang maghintay ng isang pagsubok para ibunyag siya. Kapag may nangyayari sa isang tao sa pang-araw-araw na buhay, malinaw mong makikita kung taglay niya ang katotohanang realidad. Maraming tao ang hindi karaniwang naghahangad ng katotohanan, at hindi nagsasagawa ng katotohanan kapag may nangyayari sa kanila. Kailangan ba ng mga taong tulad nito na maghintay ng isang pagsubok para ibunyag sila? Talagang hindi. Pagkaraan ng ilang panahon, kung hindi sila magbabago, ibig sabihin ay nabunyag na sila. Kung napungusan sila, ngunit hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan at nananatili silang determinadong ayaw magsisi, mas lalo pa silang nabunyag, at dapat silang paalisin at itiwalag. Yaong mga hindi karaniwang tumutuon sa pagtanggap ng katotohanan o pagsasagawa nito ay pawang mga hindi mananampalataya, at kailangang hindi pagkatiwalaan ng anumang gawain, o umako ng anumang responsabilidad. Makakapanindigan ba ang isang taong walang katotohanan? Mahalaga bang isagawa ang katotohanan? Tingnan lamang yaong mga taong hindi kailanman isinagawa ang katotohanan—hindi aabutin ng maraming taon para mabunyag silang lahat. Wala silang patotoong batay sa karanasan. Masyado silang naghihikahos at kahabag-habag, at tiyak na hiyang-hiya sila!

Paano nagkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos ang isang tao? Nagmumula ito sa karanasan. Paano ito nagmumula sa karanasan? Kung kaya mong hanapin at pag-isipan ang mga layunin ng Diyos sa bawat tao, pangyayari, at bagay na nakakatagpo mo, at sa pamamagitan nito ay maunawaan Siya, pagkatapos ng maraming karanasan, unti-unti mong mauunawaan nang tunay ang Diyos—hindi isang pagkaunawa sa salita lamang, kundi isang malalim na kabatiran sa kalooban mo. Ang Diyos na pinananaligan ng puso mo at kinikilala mo sa salita ay namumuhay sa puso mo, at walang sinuman ang makakaalis sa Kanya. Tulad lang ni Job, noong sinubok siya, sinabi ng mga kaibigan niya, “Nagkasala ka at nilabag mo ang Diyos. Hingin mo agad sa Diyos na si Jehova na patawarin ka!” Hindi ganoon sa tingin ni Job, ngunit bakit? Ito ay dahil matapos ang ilang dekada ng buhay, ang pagkaunawa niya sa Diyos ay hindi batay sa karanasan; hindi niya sinabing: “Pinagpapala ng Diyos ang tao at maawain Siya sa tao, at hindi Niya kailanman pinagkakaitan sila.” Ang naranasan niya ay na nagbibigay ang Diyos sa tao, ngunit nag-aalis din Siya. Kapag nagbibigay Siya sa tao, kung minsan ay nagtutuwid, nagdidisiplina, at nagpaparusa rin Siya. Ang ginagawa ng Diyos sa mga tao ay hindi idinidikta ng isipan, pag-iisip, o imahinasyon ng tao. Kaya, ang deka-dekadang karanasan sa buhay ni Job ang umakay sa kanya na maghinuha na “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Ibig sabihin, lahat ng ginagawa ng Diyos, maituturing man itong mabuti o masama sa mga mata ng tao, ay bahagi ng Kanyang mga pangangasiwa. Kahit pa mangyari ang masasamang bagay, hindi nangangahas si Satanas na kumilos laban sa tao kung walang pahintulot ng Diyos. Ang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, at sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan ay wala silang dapat ikatakot. Kahit pa mahulog ka sa mga kamay ni Satanas, nasa ilalim pa rin ito ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi mangangahas si Satanas na hawakan ka kung walang pahintulot ng Diyos. May ganitong antas ng pagkaunawa si Job kaya hindi siya nagreklamo, anuman ang ginawa ng Diyos. Malinaw niyang nakita na ang Diyos na si Jehova lamang ang tunay na Diyos na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at na lahat yaong mga anghel, masasamang espiritu, at demonyo ay hindi Diyos. Sino ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat? Sino ang may kataas-taasang kapangyarihan sa sangkatauhan, at sa lahat ng bagay? Ang Diyos. Sa karaniwang pagpapahayag, ang Diyos ang pinakadakila. Ang pamilya ng isang tao, ang antas ng kanilang kayamanan, kung lumilipas ang kanilang mga araw sa ginhawa o pasakit, at ang haba ng kanilang buhay—lahat ito ay nasa mga kamay ng Diyos. May malalim na karanasan si Job sa bagay na ito, at hindi lamang isa o dalawang beses sa buhay niya. Sa tuwing may nangyayari, kung nauunawaan niya na nangyari ito sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, naging malalim itong nakaukit sa alaala niya. Nagbigay ito sa kanya ng malalim na pakiramdam at pagkadama na hindi nangyari ang mga bagay na ito nang nagkataon lang, o sa pamamagitan ng kalooban ng tao o ni Satanas, kundi iyon ay gawain ng Diyos, at hindi siya maaaring magreklamo. Ano ang napagtanto ni Job nang dumanas siya ng gayong malalaking pagsubok? Na ang Diyos ang pinakamataas, ang Diyos ay matalino. Kaya niyang palaging purihin ang Diyos, anuman ang ginawa ng Diyos. Kung mangyayari sa iyo ang mga bagay na tulad nito pero hindi mo ito maunawaan, huwag kang manghusga o maglapat ng sarili mong mga konklusyon. Kung hindi mo alam kung ano ang mabuting kalooban ng Diyos, hanapin mo ito, maghintay ka, at pagkatapos ay magpasakop ka. Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagsasagawa, at ang pinakamagandang landas ng pagsasagawa, kung hindi ay mapapahiya at mahihiya ka. Si Job ay may malalim na kaalamang batay sa karanasan tungkol sa mga bagay na ito. Kung palagi mong hindi nauunawaan ang Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan, at mawawalan ka ng pagkakataon sa mga pagpapala ng Diyos. Kahit pa magdusa ka ng maraming paghihirap, wala kang makakamit dahil hindi normal ang ugnayan mo sa Diyos, hindi mo tinatrato ang Diyos bilang Diyos, hindi mo nauunawaan ang gawain Niya, at hindi ka tunay na nagpapasakop sa Kanya. Dahil dito, hindi mo makakamit ng tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos ay nagsasalita at gumagawa, at gaano man kaingat ang Kanyang mga pagsusumikap para sa iyo, at anuman ang uri ng kapaligirang nililikha Niya para sa iyo, ang lahat ng ito ay upang makilala mo ang Diyos sa wakas. Sa sandaling makilala mo ang Diyos, magiging mas malapit at mas normal ang ugnayan mo sa Kanya. Hindi kumikilos ang Diyos nang walang dahilan, lalong hindi Niya pinaglalaruan ang isang tao dahil sa pagkabagot, at normal lang kung hindi nauunawaan ng mga tao kung paano Siya gumagawa. Ngunit dapat nilang hanapin ang katotohanan, at kahit papaano man lang ay huwag limitahan ang Diyos—ito ang ibig sabihin ng pagiging makatwirang tao. Gaya ng sinabi ni Pedro, paano man tinatrato ng Diyos ang mga tao bilang mga laruan, at paano man Niya sila tratuhin, Siya ay palaging tama. “Kung tatratuhin ako ng Diyos na parang laruan, paanong hindi ako maghahanda at papayag?” Ano ang nagtulak kay Pedro na sabihin ang mga salitang ito? (Ang karanasan ni Pedro ang nagtulak sa mga salitang ito. Napagtanto niya na anuman ang gawin ng Diyos, palaging mabuti ang mga layunin ng Diyos.) Minsan, hindi mo malalaman ang layunin ng Diyos, kaya ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong maghintay, hanapin ito, at subukang makilala ito. Bagamat nabuhay sina Job at Pedro sa magkaibang panahon, magkaiba ang pinanggalingan nila, dumanas sila ng magkakaibang bagay, at nagsalita ng magkaibang mga salita, iisa lang ang kanilang mga landas at paraan ng pagsasagawa, at pareho ang kanilang saloobin sa Diyos kapag nangyayari ang mga bagay-bagay. Magkaibang wika lang ang ginamit nila para ipahayag ang ideyang ito. Ngunit ano ang naiintindihan ng mga tao mula rito? Na kailangan mong magsagawa ng pagpapasakop, habang hinahanap at hinihintay na makita kung ano ang ninanais ng Diyos. Huwag kang mabalisa. Tama na magkaroon lang muna ng ganitong saloobin. Kung labis kang nababalisa kapag may nangyayari at hindi mo alam kung paano hanapin ang katotohanan, bagkus ay patuloy kang nagrereklamo tungkol sa Diyos, magkakaroon ng problema. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko lang maintindihan! Bakit tayo tinatrato ng Diyos nang ganito? Hindi ko kayang magpasakop kung tinatrato tayo na parang mga diyablo at mga Satanas. Ito ay hindi makatwiran at hindi makatarungan!” Karapat-dapat ka pa rin ba sa patnubay ng Diyos kapag ang iyong pantaong isipan, mga kuru-kuro, imahinasyon, paghihimagsik, at pagsuway ay nagwawala? Ang pagpapasakop ay hindi kasingsimple ng pagsasabi lamang na nagpapasakop ka, o pangangaral ng doktrina, o pagpapahayag ng kaunting determinasyon, at pagkakaroon ng kaunting pagpipigil sa sarili. Hindi ito ganoon kasimple. Kung magpapasakop ka sa Diyos, ang iyong gantimpala sa huli ay ang magkaroon ng pagkakilala sa Kanya, ang maunawaan ang mga kapaligirang itinatakda Niya para sa iyo, at ang magkaroon ng tunay na kaalamang batay sa karanasan. Ibig sabihin, mauunawaan mo ang puso ng Diyos at ang taimtim Niyang layunin, at na dismayado Siya na hindi mo naabot ang mga inaasahan Niya. Ayaw ng Diyos na makita kang namumuhay sa mga tiwaling disposisyon, kundi gusto Niyang matakasan mo ang mga ito. Kaya’t kailangan Niyang gumamit ng mga pamamaraan tulad ng paghatol at pagkastigo sa iyo, pagpupungos sa iyo, at pagsuway, at pagdidisiplina sa iyo, kaya’t tila ba walang pagsasaalang-alang ang Diyos sa iyong mga damdamin, na parang kinokondena at pinarurusahan ka Niya, o pinaglalaruan ka. Ano ang gagawin mo kung gayon? Kung kaya mong maarok ang taimtim na layunin ng Diyos, kahit kapag kumikilos Siya nang ganito, sapat na iyon—tunay kang magpapasakop. Habang siya ay sinusubok, sinabi ni Job, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova.” Ano ang pagkaunawa niya sa usapin? “Lahat ng mayroon ako ay ibinigay ng Diyos na si Jehova, at maaari Niyang alisin iyon kung nanaisin Niya, dahil Siya ang Diyos at taglay Niya ang kapangyarihang ito. Wala akong karapatang tumanggi, dahil ang lahat ng mayroon ako ay mula sa Kanya.” Ito ang naunawaan at naranasan ni Job. Ano ang kapasyahan niya noong panahong iyon? “Dapat kong maunawaan ang Diyos, gumawa ng mga makatwirang bagay, at maging isang makatwirang tao. Ang lahat ng ito ay ibinigay sa akin ng Diyos, at maaari Niya itong kunin anumang oras. Hindi ako pwedeng magtangkang mangatwiran sa Diyos tungkol dito; ang gawin iyon ay paghihimagsik laban sa Kanya. Ang pagtanggi sa mga kilos ng Diyos ay makakasakit sa puso Niya, at hindi ako magiging isang tunay na mabuting tao, o isang tunay na nilikha kung gagawin ko iyon.” Ganito siya nagsagawa noong panahong iyon, at ano ang mga resultang idinulot sa kanya ng pagsasagawang ito? Sa katunayan, ang totoong resulta ay hindi na naging mas mayaman siya, o na nagkaroon siya ng mas maraming baka at tupa kaysa dati, o na nagkaroon siya ng mas magagandang anak kaysa dati. Ito ay mga bagay lamang na ibinigay ng biyaya ng Diyos. Sa pamamagitan ng karanasang ito, ang tunay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ay isang mas mabuting pagkaunawa sa Diyos, pagpapasakop, isang mas malapit na ugnayan sa Diyos, at pagiging mas malapit pa sa puso ng Diyos. Naunawaan ni Job ang anumang ginawa ng Diyos, at hindi na siya nagsabi ng mga salitang pawang kalokohan o kahambugan, o ng mga salitang nakakasakit sa puso ng Diyos. Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ng mapalaya mo ang iyong sarili mula sa iyong tiwaling disposisyon? Hindi ka na makokontrol ni Satanas; wala ka na sa ilalim ng kontrol nito, kundi sa ilalim ng kontrol ng Diyos. Kaya mong magpasakop anuman ang gawin ng Diyos, at ikaw ay pag-aari Niya. Ito ang kalagayan ni Job noong panahong iyon, at ang saloobing mayroon siya. Bukod dito, dahil kumilos siya sa ganitong paraan at pumasok sa realidad na ito, sa huli ay nagpakita sa kanya ang Diyos. Ang pagpapakita ba ng Diyos, sa anumang anyo nito, ay nagpalalim ng kanyang pagkaunawa sa Diyos? (Oo.) Oo, pinalalim talaga nito ang kanyang pagkaunawa. Mula sa dating pagkarinig tungkol sa Diyos sa mga alamat, hanggang sa pagkumpirma ng Kanyang pag-iral, hanggang sa pagkakita sa Kanya—alin sa mga ito ang masasabi ninyong higit na pagpapala para sa sangkatauhan, kumpara sa biyayang ibinibigay ng Diyos? (Ang pagkakita sa Diyos ang higit na pagpapala.) Tiyak iyan. Kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos ngunit hindi nauunawaan ang katotohanan, palagi nilang hinihiling na protektahan sila ng Diyos, pagkalooban sila ng biyaya, itaas sila sa iba at pagpalain ang kanilang buong pamilya ng kaligtasan at kaligayahan. Hinihiling nila na sila ay mangaral saanman sila magpunta at upang kainggitan at hangaan sila ng iba. Ito ang gusto ng mga tao, ngunit hindi nila alam ang pinakadakilang pagpapala na gustong ibigay ng Diyos. Hinihiling lamang nila ang panlabas na materyal na biyaya, ngunit ang lahat ng kanilang hinihingi ay inilalayo lamang sila sa puso ng Diyos. Nawawala sa kanila ang pinakamalaking biyaya sa lahat, at nawawala sa kanila ang pagpapala ng Diyos. Kung hindi mo makakamit ang pagkakilala sa Diyos, at hindi mo makakamit ang katotohanan, makapamumuhay ka ba sa Kanyang presensiya? Makapagpapasakop ka ba talaga sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos? Ganap itong imposible.

Ang proseso ng pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad ay talagang isang proseso ng pag-unawa sa iyong sarili, at pagwawaksi sa iyong tiwaling disposisyon. Isa rin itong proseso ng pakikipag-ugnayan sa Diyos nang harapan, at pagkakilala sa Kanya. Sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan, ngunit bakit hindi mo kilala ang Diyos? Bakit hindi naging mas malapit ang ugnayan mo sa Diyos? Sinasabi mong nananalangin ka at binubuksan mo ang iyong puso sa Diyos araw-araw, kaya, nararamdaman mo bang mas malapit ka sa Kanya sa yugtong ito ng panahon? Nararamdaman mo bang tumibay ang iyong pananalig sa Diyos? Sa panahong ito, pakiramdam mo ba ay nagkamit ka na ng higit na pagkaunawa sa Diyos, na nabawasan na ang reklamo mo tungkol sa Kanya, at na hindi ka na gaanong nagkakamali ng pagkaunawa at naghihimagsik laban sa Kanya? Kung wala kang nakikitang ganito sa sarili mo, at katulad ka lang ng dati, hindi mo naisagawa ang katotohanan at nag-aksaya ka ng oras, gumagamit lang ng lakas. Walang pumipilit sa iyo na magtrabaho o magsikap, at gayon din, walang pumipigil sa iyo na isagawa ang katotohanan. Sarili mong desisyon ito, at tinatahak mo ang landas ng pagtatrabaho. Kung hindi isasagawa ng mga tao ang katotohanan o hahangarin ang katotohanan, hindi nila maiiwasang maging isang trabahador. Napakahirap para sa mga tao na isagawa ang katotohanan. Hindi nila alam kung paano magpasakop sa Diyos, at palagi silang kontento na sa pagpapakapagod at pagtatrabaho lamang. Kapag sa wakas ay nakaunawa sila ng ilang doktrina, hindi nila alam kung paano isagawa ang katotohanan. Sa halip, muli lamang silang nagtatrabaho, ngunit hindi man lang nila ito namamalayan. Samakatuwid, kailangan mong maglaan ng ilang oras paminsan-minsan sa pagninilay-nilay, pagsusuri sa iyong sarili, at pakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid sa kung ano na ang nakamit mo sa panahong ito. Sasabihin mong, “Marami pa akong kinikimkim na maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at hindi ko pa nalulutas ang karamihan sa mga ito.” Sasabihin naman ng isa pa, “Pakiramdam ko, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa puso ng Diyos nitong mga araw na ito. Isang magandang bagay para sa Diyos na hayaang magdusa ang sangkatauhan. Dati, takot akong magdusa, at gusto kong magtago o tumakas kapag nahaharap sa pagdurusa. Ngayon, pakiramdam ko, mapapatahimik lamang ng mga tao ang kanilang sarili sa harap ng Diyos, at mapipigilang lumihis sa mga panlabas na bagay ang kanilang pagtuon, matapos nilang magdusa nang kaunti. Mabuti ang pagdurusa, kaya palaging gumagawa ang Diyos ng mahihirap na kapaligiran para subukin at dalisayin ang mga tao. Pakiramdam ko ay nauunawaan at nararamdaman ko nang kaunti ang layon at taimtim na layunin ng Diyos. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti!” Kailangang ganito kayo magbahaginan. Aani ka ng mga pakinabang sa pamamagitan ng pagbabahaginan. Kung may ilang taong nagtitipon-tipon sa kanilang libreng oras para magtsismisan, manghusga, o magsabi ng iba pang bagay na maaaring magdulot ng pagtatalo, maaaring mukha silang nag-uusap tungkol sa kanilang pananampalataya sa Diyos o mga karanasan sa buhay, ngunit kung hindi payapa ang kanilang puso, kailangan nilang isagawa kung paano maghanap at magsikap para sa katotohanan, at pagsikapang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Kung palagi mong hinahangad ang katotohanan sa ganitong paraan, gagawaan at bibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu. Ituring mo ang kawalan ng mga katotohanan bilang isang pasanin para maghangad, magsagawa ka at dumanas, at magsikap para sa katotohanan. Paano mo ito dapat isagawa? Dapat kang maghanap at humingi ng patnubay mula sa isang taong nakauunawa sa katotohanan tungkol sa mga bagay na hindi mo nauunawaan o hindi mo maarok. Kung palagi kang magsasagawa nang ganito, mas mauunawaan mo ang katotohanan at marami kang makakamit. Kadalasan, hindi ninyo alam kung paano magbahaginan sa katotohanan, tumutuon lamang kayo sa pagtatalakay sa gawain, o palaging pinag-uusapan ang mga pamamaraan at hindi ang mga prinsipyo. Isa itong paglihis, samantalang sa katunayan ay dapat kayong magbahaginan sa mga bagay na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo kapag nag-uusap kayo tungkol sa gawain; makabubuti ito sa inyong sariling buhay pagpasok. Sa sandaling malinaw na kayong nakapagbahaginan sa mga bagay na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, magkakaroon kayo ng landas sa buhay pagpasok. Ito ay kapaki-pakinabang para sa paggawa ng gawain at pagganap ng inyong tungkulin, pati na rin para sa sarili ninyong buhay pagpasok. Hindi ba’t kapaki-pakinabang ito para sa dalawang iyon? Kailangan ninyong magbahaginan nang dalisay at bukas tungkol sa inyong karanasan sa pananampalataya sa Diyos upang makakuha ng mga resulta at makamit ang buhay pagpasok. Ang palaging pagtsitsismisan o panghuhusga ay walang anumang pakinabang sa buhay pagpasok, at dahil dito, nawawalan ng pagkakataon ang isang tao na mailigtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos. Sa pananampalataya sa Diyos, kailangang palaging nakatuon sa pagsasagawa ng katotohanan. Habang mas isinasagawa ninyo ito, mas lumalaki ang pag-asa ninyong mailigtas. Kung masyadong kaunti ang nauunawaan ninyo sa katotohanan, kailangan ninyong lalo pa itong hanapin. Sa pamamagitan lamang ng pagkamit ng pagkaunawa sa katotohanan, at pagsasagawa nito, kayo makakaranas ng tunay na pagbabago, at magtatamo ng mas higit at mas tiyak na pag-asang mailigtas.

Hulyo 16, 2017

Sinundan: Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya

Sumunod: Tungkol sa Maayos na Pakikipagtulungan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

I-type ang hinahanap mong term sa search box
Mga Nilalaman
Mga Setting
Mga Aklat
Hanapin
mga Video