Ano ang Katotohanang Realidad?

Maraming taong sumasampalataya sa Diyos, ngunit kakaunti ang naghahangad sa katotohanan. Paano mo matutukoy kung ang isang tao ay naghahangad ng katotohanan? Paano mo masusuri kung ang isang tao ay taong naghahangad ng katotohanan? Ipagpalagay nang may isang tao na pito o walong taon nang naniniwala sa Diyos. Nakapagsasalita siya ng maraming salita at mga doktrina, ang kanyang bibig ay puno ng mga espirituwal na bokabularyo, madalas siyang tumulong sa iba, mukhang napakasigasig niya, kaya niyang talikdan ang mga bagay-bagay, at ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin nang sobrang sigla. Ngunit walang nakakakita na nagsasagawa siya ng maraming katotohanan, ni hindi niya kayang talakayin ang mga tunay na karanasan sa buhay pagpasok, lalong walang nakakakita ng pagbabago sa disposisyon niya sa buhay. Masasabi nang may katiyakan na ang ganitong tao ay hindi naghahangad ng katotohanan. Kung ang isang tao ay tunay na nagmamahal sa katotohanan, pagkaraan ng ilang panahon, magagawa niyang talakayin ang kanyang pagkaunawa, at magagawa niyang kumilos man lang ayon sa mga prinsipyo sa ilang bagay; magkakaroon siya ng ilang karanasan sa buhay pagpasok, at kahit paano ay magpapakita siya ng ilang pagbabago sa pag-uugali. Iyong mga naghahangad ng katotohanan ay may espirituwal na kalagayan na palaging bumubuti, unti-unting nadaragdagan ang kanilang pananampalataya sa Diyos, mayroon silang kaunting pagkaunawa sa kanilang inilalantad at sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at mayroon silang personal na karanasan at tunay na kabatiran kung paano gumagawa ang Diyos para iligtas ang mga tao. Lahat ng bagay na ito ay unti-unting tumataas sa kanila. Kung nakikita mo ang mga pagpapamalas na ito sa isang tao, malalaman mo nang may katiyakan na siya ay isang taong naghahangad ng katotohanan. Medyo masigasig ang mga tao kapag nagsisimula pa lang silang sumampalataya sa Diyos, ngunit wala silang nalalaman tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pagiging isang mabuting tao at pagtahak sa tamang landas. Kalaunan, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pakikinig sa mga sermon at pagbabahaginan, nakakikilatis na sila ng iba’t ibang usapin. Napagtatanto nilang may mga tiwaling disposisyon ang mga tao at na dapat nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito, at na dapat nilang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, at nauunawaan nila ang ibig sabihin ng pananampalataya sa Diyos. Unti-unti silang nagkakaroon ng pagkaunawa sa gawain ng Diyos at sa layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Unti-unti itong naiipon, at unti-unti silang tumatahak sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Unti-unting tumataas ang kanilang pagkaunawa at karanasan sa mga katotohanang realidad, at hindi na nila pinanghahawakan ang mga literal na interpretasyon o ang mga salita at mga doktrina. Kung ang isang tao ay ilang taon nang sumasampalataya sa Diyos at patuloy na bumibigkas ng mga salita at mga doktrina, madalas na nagbabanggit ng ilang salawikain tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at mukhang medyo maayos naman ang takbo ng kanyang pananampalataya, ngunit hindi siya makapagtalakay tungkol sa karanasan sa buhay o tungkol sa pagkilala sa kanyang sarili, at hindi niya makilatis ang mga hindi mananampalataya at masasamang tao, kung umiiral ang mga problemang ito sa kanya, nangangahulugan itong hindi niya alam ang gawain ng Diyos, at matutukoy na hindi niya hinangad ang katotohanan sa ilang taong sumampalataya siya sa Diyos. Isa itong napakalinaw na tanda.

Upang masukat kung taglay ng isang lider o manggagawa ang katotohanang realidad, tingnan muna kung naglalaman ang kanyang pagbabahagi ng tunay na patotoo at bagong perspektiba. Kapag ilang taon mo nang hindi nakikita ang ilang tao, maaaring sa simula ay tila bago at sariwa ang kanilang pagbabahagi dahil nakapagsasalita sila nang may bagong perspektiba matapos makarinig ng isang sermon. Gayunpaman, pagkatapos mo silang makasama nang dalawa o tatlong araw, magsisimula na naman silang magsalita tungkol sa kaunting karanasan at patotoo mula sa kanilang nakaraan, tungkol sa kung paano sila iniligtas ng Diyos at kung paano nagkaloob ang Diyos ng biyaya at mga pagpapala sa kanila. Wala pang isang linggo, inuulit na nila ang mabababaw na karanasan at kaalamang iyon na tinalakay na nila noon. Pag-usad ba ito? Sa isang tingin pa lang ay makikita mo nang hindi ito pag-usad. Pagkatapos sumampalataya sa Diyos sa loob ng ilang taon, nasasangkapan na sila ng maraming salita at mga doktrina at kaya na nilang magsabi ng ilang bagay na tama, ngunit kapag may mga nangyayari sa kanila, nalilito pa rin sila at hindi nila kayang pangasiwaan ang mga ito. Hindi nila kayang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, ni kilatisin ang mga tao. Pag-usad ba ito? (Hindi.) Hindi ito pag-usad. Bagama’t ilang taon na nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, kung tatanungin mo sila kung nakamit na nila ang katapatan sa Diyos, sila mismo ay hindi ito maunawaan. Ano’t anuman, dumadating sila sa tamang oras para sa bawat pagtitipon at mukhang ginagampanan nila nang normal ang kanilang mga tungkulin. Ngunit kung tatanungin mo sila kung sumailalim na sila sa anumang tunay na pagbabago, wala silang maibibigay na malinaw na sagot. Problema ito. Ipinakikita nitong hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Kung naunawaan nila ang katotohanan, malinaw nilang makikita ang mga problemang ito. May ilang taong nagkakaroon ng ilang resulta sa kanilang mga tungkulin, ngunit kung tatanungin mo sila kung bakit nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, ang masasabi lang nila ay na dapat gampanan ng mga nilikha ang tungkulin ng mga ito, ngunit hindi malinaw sa kanila ang mga detalye. Kung tatanungin mo sila kung nagtataglay sila ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, hindi nila ito matantiya. Masasabi mo bang magagampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin? (Hindi, hindi nila maayos na magagampanan ang mga ito.) Hindi ito pag-usad. Hindi ba’t nakayayamot na walang pag-usad? Kung tatanungin mo sila kung paano nila hinaharap ang pagpupungos habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, sasabihin nilang sila ay nakikinig, sumusunod, at hindi lumalaban. Ito ang prinsipyo nila ilang taon na ang nakararaan, at ito pa rin ang prinsipyo nila ngayon, at hindi ito nagbago. Ano’t anuman, ginagawa lang nila kung ano ang iniuutos sa kanila. Kung tatanungin mo sila kung nagtamo sila ng anumang pagkaunawa mula sa pagpupungos sa kanila, kung natuklasan na nila ang sarili nilang rebeldeng kalagayan at tiwaling kalikasan, o kung lalo bang lumalim ang pagkakilala nila sa sarili, hindi nila nalalaman o nauunawaan ang alinman sa mga iyon. Ano’t anuman, pinanghahawakan nila ang isang panuntunan: Kapag nahaharap sa pagpupungos, kailangan nilang sumunod, ayusin ang kanilang mentalidad, huwag lumaban o pangatwiranan ang kanilang sarili, at kailangan nilang magtiis at maamong sumunod. Ito ang pananaw nila dati, at lalo pa nila itong pinanghahawakan ngayon. Isa ba itong pagpapamalas ng pagtatamo ng katotohanan? (Hindi.) Sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, ang mga taong ito ay hindi pumasok sa realidad ng anumang aspekto ng katotohanan, at hindi nila mahigpit na pinanghawakan ang mga prinsipyo ng anumang aspekto ng katotohanan. Kahit na sinabihan silang, “Kapag may mga nangyayari sa inyo, kailangan ninyong isagawa ang katotohanan, mahigpit na panghawakan ang mga katotohanang prinsipyo, at huwag kayong lumayo mula sa saklaw na ito,” hindi pa rin nila alam kung paano hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kapag may mga nangyayari sa kanila, hindi sila metikuloso, at iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay. Tila pinanghahawakan nila ang pangkalahatang direksyon, na sila ay masunurin at nakikinig, na ginagawa nila nang maayos ang kasalukuyan nilang gawain, nang hindi pabasta-basta, at na kaya nilang protektahan ang mga interes ng iglesia, ngunit nauunawaan ba nila ang mga detalye ng bawat aspekto ng katotohanan? Kaya ba nilang isagawa ang mga ito? Nakasalalay ito sa kung ang mga tao ay may tunay na kaalaman at karanasan sa bawat aspekto ng katotohanan. Hindi nila alam ang pagkakaugnay-ugnay ng bawat aspekto ng katotohanan, o kung aling mga aspekto ng katotohanan at aling kalagayan ang partikular na may kinalaman kapag may nangyayari, o kung aling disposisyon ang nagdulot sa kalagayang iyon. Kung may dalawang taong magsasabi ng parehong bagay, hindi nila alam ang mga pagkakaiba ng mga kalikasan ng dalawang taong iyon, ni kung paano tatratuhin ang mga iyon. Pagkaunawa ba ito sa katotohanan? Hindi ito pagkaunawa sa katotohanan. Kung tatlo hanggang limang taon ka nang sumasampalataya sa Diyos ngunit hindi mo alam ang praktikal na aspekto ng mga katotohanang ito, at kung walo o sampung taon ka nang sumasampalataya sa Diyos at hindi mo pa rin ito alam, kung gayon ay hindi mo natamo ang katotohanan. Ano ang wala sa inyo ngayon? Karamihan ng tao ay sumasampalataya sa Diyos na parang pinanghahawakan nila ang isang hanay ng labanan, iniisip na basta’t pinanghahawakan nila ang mga salitang “pananampalataya sa Diyos” hanggang sa pinakahuling sandali, magtatagumpay sila. Gayunpaman, hindi sila nagkukusang hanapin o tanggapin ang katotohanan; nabibigo silang gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin, manindigan sa kanilang patotoo, at talunin ang kaaway na si Satanas; at hindi nila natamo ang katotohanan at ang buhay. Isang malaking pagkakamali! Ganito kaawa-awa ang sumampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon nang walang anumang karanasan sa buhay. Kapag nasasadlak ang mga tao sa gayong kalagayan, nagpapakaabala na lang sila araw-araw sa panlabas, pinanghahawakan nila ang ilang patakaran, hindi nilalabag ang mga atas administratibo sa saklaw na ito, at tinatapos ang kasalukuyan nilang gawain. Itinuturing itong angkop sa mga mata ng tao, at kung susukatin mo ang kalagayang ito gamit ang katotohanan, hindi sila nakagawa ng malaking pagkakamali. Ano ang palagay mo sa ganitong paraan ng pananampalataya? (Hindi ito gusto ng Diyos.) Pawang doktrina lang ang sagot na ito. Mula sa sarili mong perspektiba, hindi matatamo ng ganitong uri ng pananampalataya ang katotohanan dahil kailanman ay hindi ka umuusad. Kapag, sa loob ng ilang panahon, nagtatalakay ang sambahayan ng Diyos ng mga katotohanan tungkol sa pagkilala sa Diyos, tumutuon ka sa pagkilala sa Diyos; kapag nagtatalakay ito ng tungkol sa pagbabago sa disposisyon, tumutuon ka sa pagbabago ng disposisyon; kapag nagtatalakay ito ng tungkol sa pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao, tumutuon ka sa pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao; kapag nagtatalakay ito ng tungkol sa mga pangitain ng gawain ng Diyos, tumutuon ka sa mga katotohanang may kaugnayan sa mga pangitain; kapag nagtatalakay ito ng mga katotohanang tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, tumutuon ka sa aspektong ito ng katotohanan. Pinakikinggan at iniintindi mo ang anumang sinasabi ng sambahayan ng Diyos, kaya kapag walang nagsesermon upang magtustos sa iyo, magkakaroon ka ba ng sarili mong landas? Makauusad ka pa rin ba? Paano ka tatahak? Halimbawa, kapag nagbabahaginan ang mga tao sa mga pagtitipon tungkol sa kung ano ang pagpapasakop sa Diyos, sinasabi mo, “Wala akong masyadong malalim na karanasan dito, nararamdaman ko lang na napakahalaga ng pagpapasakop sa Diyos.” Kapag tinatanong ka ng mga tao kung paano mo isinasagawa ang pagpapasakop sa Diyos, sinasabi mong, “Ang pagpapasakop sa Diyos ay ang pag-iisip sa kung ano ang sinasabi ng Diyos kapag may mga nangyayari sa iyo, at ang pagsasagawa alinsunod sa Kanyang mga salita.” Kapag hinihiling sa iyo ng mga tao na mas magbahagi ka ng mga detalye, at tinatanong kung ano ang gagawin kung hindi ka makapagpasakop kapag may nangyayari sa iyo, o kung ano ang gagawin kapag nasasangkot ang iyong mga personal na interes, sinasabi mo, “Hindi ko pa naranasan ang mga bagay na iyon.” Ibig sabihin nito ay hindi ka pa nakapagtamo ng pagpasok. Sa loob ng ilang panahon, tinatalakay ng sambahayan ng Diyos ang mga katotohanan tungkol sa pagkilala sa Diyos. Kapag may nagtatanong sa iyo kung nakausad ka na sa iyong pagkilala sa Diyos, sinasabi mo, “Nakausad na ako. Sa palagay ko, ang pagkilala sa Diyos ang pinakamahalagang bagay sa pananampalataya sa Diyos. Kung hindi nakikilala ng mga tao ang Diyos, palagi nilang malalabag ang disposisyon ng Diyos, at kung palagi itong gagawin ng mga tao, masasadlak sila sa kadiliman, mabababaw na salita lang ang masasabi nila, at wala silang mauunawaang anumang katotohanan, magiging katulad sila ng mga walang pananampalataya—palagi silang gagawa ng mga bagay na lumalabag sa katotohanan, at palagi silang gagawa ng mga bagay na lumalaban sa Diyos.” Nagtatanong ulit ang taong iyon, “Kung gayon, paano mo nakikilala ang Diyos? Kapag nararanasan mo ang gawain, ang kataas-taasang kapangyarihan, at ang patnubay ng Diyos sa iyong pang-araw-araw na buhay, aling mga bagay ang kinikilala mo bilang pagpapatnubay sa iyo ng Diyos, at sa anong mga bagay mo malinaw na nadarama ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Paano mo nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Sa tunay na buhay, batay sa kung ano ang iyong namamalayan at nararamdaman, anong aspekto ng disposisyon ng Diyos ang nakikita mo sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan?” Kung wala kang anumang masabi, pinatutunayan nitong wala kang karanasan. Kung sasabihin mo, “May isang bagay na nararamdaman ko ang patnubay ng Diyos,” pagkakaroon lang ito ng kaunting pakiramdam, at hindi ito nangangahulugang may pagkakilala ka sa Diyos. Sa katunayan, sa tunay na buhay, ang lahat ng bagay ay pinamamahalaan, isinasaayos, at inoorden ng Diyos. Kung marami nang naranasan ang mga tao, mararamdaman nilang walang bagay na simple, at na nangyayari ang lahat ng bagay upang matuto ang mga tao ng mga aral, at makita nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang Kanyang pagkamakapangyarihan sa lahat, at sa huli ay malaman nila ang disposisyon ng Diyos. Kapag nakuha mo na ang resultang ito ay saka mo lang malalaman kung paano magpasakop sa Diyos nang naaayon sa Kanyang mga layunin, pagkatapos ay ganap ka nang magkakaroon ng landas pasulong sa iyong pagsasagawa. Sa ganitong antas ng karanasan, bukod sa tumitibay nang tumitibay ang pananampalataya ng isang tao, ang pinakamahalagang bagay ay na nagkakaroon pa siya ng pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos, at nalalaman niya kung paano magpasakop sa Diyos. Ito ang pagtatamo ng katotohanan.

May ilang taong palaging may mga paglihis sa kanilang paghahangad sa katotohanan; palagi silang tumutuon sa walang kabuluhang pananalita tungkol sa ilang espirituwal na doktrina at mga walang katuturang teorya upang makapagpasikat. Ano ang palagay ninyo sa ganitong uri ng paghahangad? Hindi mahalaga kung sa palagay ninyo ay naghahangad kayo ng katotohanan o hindi, ang pinakamahalagang tanong ngayon ay kung nagkamit kayo ng ilang praktikal na bagay, partikular na, ng praktikal na kaalaman? (May kaunti akong nakamit.) Ano ang nakamit ninyo? Masusuri ba ninyo ito? (Nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa at kabatiran sa kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at sa masamang mundong ito.) Nagkamit na kayo ng kaunting kaalaman. Kaya, mababago ba ng kaalamang ito ang iyong direksyon sa buhay, ang iyong mithiin sa buhay, at ang iyong mga prinsipyo sa pag-asal sa iyong tunay na buhay? Sa aling grupo ng tao ka man namumuhay, maiimpluwensiyahan ba ng kaalamang ito o ng mga katotohanang iyong naunawaan ang iyong buhay at ang iyong mithiin sa buhay? Kung hindi ka ganap na mababago ng mga ito, kahit papaano ay dapat na magkaroon ng kaunting pagbabago at kaunting pagpipigil sa sinasabi at ginagawa mo. Sa ngayon, hindi ba’t karamihan sa inyo ay hindi pa rin makausad sa antas na ito pagdating sa inyong tayog? (Oo.) Nangangailangan ito ng pag-unlad. Kung masyadong mababaw ang inyong pagkaunawa sa katotohanan, wala iyong pakinabang, wala ring pakinabang ang makapagbigkas lang ng kaunting doktrina at magkaroon ng kaunting paghihigpit. Dapat mong maunawaan ang katotohanan para magkaroon ka ng landas upang isagawa ito at mabago ang iyong mithiin sa buhay. Kung ang lahat ng katotohanang iyong nauunawaan at lahat ng sermon na iyong napakinggan ay natanggap na ng iyong puso at makaiimpluwensiya sa iyong buhay, makapagbabago sa direksyon at mithiin ng iyong pag-asal, at makapagbabago sa iyong mga prinsipyo ng pag-asal, hindi ba’t medyo mas maganda ito kaysa sa mga nagiging epekto ng pagtanggap ng kaunting paghihigpit? Sa ngayon, hindi ka makausad mula sa pagtanggap ng mga paghihigpit at pagsunod sa mga regulasyon—ito ba ang landas ng aktibong pagsasagawa at pagpasok? Talagang hindi. Kung habambuhay kayong mananatiling hindi nakauusad mula sa pagtanggap ng mga paghihigpit o pagsunod sa mga regulasyon, ano ang mga magiging kahihinatnan? Makapapasok ba kayo sa katotohanang realidad? Magagawa ba ninyong sumailalim sa tunay na pagbabago? Dagdag pa rito, habang pinaghihigpitan at sumusunod sa mga regulasyon, nakakuha na ba kayo ng anumang resulta sa pagsasagawa ng katotohanan? Hindi pa talaga. Samakatuwid, ang pagtuon pa rin sa pag-unawa sa katotohanan ang pinakamahalagang bagay. Ang mapaghigpitan at ang pagsunod sa mga regulasyon ay hindi nangangahulugang nauunawaan ninyo ang katotohanan, lalong hindi na nagsasagawa kayo ng katotohanan. Ang mapaghigpitan at pagsunod sa mga regulasyon ay hindi makakamit ang epekto na pagkaunawa sa katotohanan at pagsasagawa sa katotohanan. Wala itong saysay! Samakatuwid, kahit gaano pa karaming pagdurusa ang tiisin ng isang tao mula sa paghihigpit at pagsunod sa mga regulasyon, wala itong ni katiting na halaga o kabuluhan.

Pagkatapos makinig sa mga sermon at maunawaan ang katotohanan, nakaranas na ba kayo ng anumang tunay na pagbabago? Halimbawa, ang pag-iisip na ang dati ninyong mga paghahangad sa mapanlihis na kaalaman at mga teorya, at ang inyong paghahangad sa katanyagan, pakinabang, at katayuan ay hindi pananampalataya sa Diyos, at na sa halip, nabibilang ito sa relihiyosong paniniwala, at na ang paghahangad sa katanyagan, pakinabang, at katayuan ay kasuklam-suklam, at na kung mamumuhay at aasal kayo nang ganoon, ganap kayong magiging demonyo na dapat mapunta sa impiyerno, at na masyadong masakit ang mamuhay nang ganoon. Taglay ba ninyo ang karanasan at kaalamang ito? Ano ang personal na karanasan mo? Na talagang nakapapagod ang paghahangad sa kaalaman at katanyagan, pakinabang, at katayuan! Pakiramdam mo ay masyadong maraming pagtatalo, na masyadong maraming gulo, at na nakapapagod ang buhay at masyadong mahirap mamuhay kasama ang mga walang pananampalataya. Sinasabi mo, “Hindi ko kayang mamuhay nang ganoon. Kung mamumuhay ako na tulad nila, labis akong mahihirapan na tulad nila. Kailangan kong makaalpas mula sa kanilang paraan ng pamumuhay.” Sariling karanasan mo ba ito? Lubha mo nang naranasan na ang tiwaling sangkatauhan ay hindi tumatanggap ng ni katiting na katotohanan, na lahat sila ay naglalabanan, nagpapakana, at sinusubukang dayain ang isa’t isa, na palihim nilang pinahihina ang isa’t isa, at na nagbubugbugan sila hanggang sa dumanak ang dugo para lang sa kaunting pakinabang. Naranasan mo na kung paanong wala sa kanila ang nagnanais na tumahak sa tamang landas ng buhay, at na sa halip, umaasa sila sa mga pandaraya at pakana sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ano ang pinakanadarama mo habang namumuhay sa gayong kapaligiran? Nararamdaman mong walang pagiging patas at pagiging matuwid sa mundong iyon, na masyado itong buktot at masyadong madilim, at na namumuhay roon ang mga tao na parang mga demonyo. Iniisip mong kung susubukan mong maging isang mabuting tao, hindi ito magiging madali at hindi mo ito maisasakatuparan. Pakiramdam mo, kung gusto mong makibagay sa mundong iyon, kakailanganin mo ring maging isang demonyo at mamuhay na parang isang demonyo, upang magmukhang kabilang ka sa mga grupo ng mga demonyo at makasali ka sa mga kalakaran ng lipunan; upang makipaglaban para sa kaunting pagkain at para sa sarili mong kabuhayan at pananatiling buhay, kakailanganin mong makipaglaban sa kanila at magsabi at gumawa ng mga bagay na labag sa iyong kalooban. Magiging lubhang nakapapagod ang mamuhay nang ganito kada araw, ngunit kung hindi ka mamumuhay nang ganoon, itatakwil ka ng mga tao, at magiging imposible para sa iyo na mabuhay. Sa ganitong uri ng kapaligiran ng pamumuhay, ano na ang naranasan mo? Pasakit, pagdurusa at pakiramdam mo ay wala ka nang magagawa. Naranasan mo na ang kabuktutan, kalupitan, at kadilimang umiiral sa pagitan ng mga tao, at hindi mo makita ang liwanag ng buhay ng tao. Noong sumampalataya ka sa Diyos at tumuon sa pagbabasa sa mga salita ng Diyos, ano ang naranasan mo? (Naunawaan ko ang katotohanan sa aking puso, naramdaman kong mas mabuting sumampalataya sa Diyos, at guminhawa ang aking puso.) Habang naninirahan sa sambahayan ng Diyos, maligaya ka, nasa iyo ang mga pagpapala ng Diyos, at marami kang katotohanang nauunawaan; kapag kasama mo ang iyong mga kapatid, kaya ninyong tulungan at suportahan ang isa’t isa, tratuhin nang patas ang isa’t isa, at mamuhay nang nagkakasundo. Araw-araw, ang iyong puso ay panatag, at malaya at maginhawa. Hindi mo kailangang alalahanin na malilinlang ka at hindi ka na nasusupil at namamaltrato ng iba. Ang masasamang tao ay unti-unting nabubunyag at natitiwalag, at paunti na nang paunti ang bilang nila. Ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ng katotohanan at ng Diyos. Ang mga hinirang ng Diyos ay malayang nakapagsasalita nang walang limitasyon, may karapatan silang maghalal, at karapatang maglantad ng masasamang tao. Ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan at, ang mas malala, ang mga nakagagawa ng kasamaan ay unti-unting napaaalis. Walang taong pinahihirapan o sinisiil sa sambahayan ng Diyos. Kung may isyu, tinatalakay ito ng lahat. Kung may problema, pinagbabahaginan ng mga lider at manggagawa ang katotohanan upang lutasin ito. Unti-unting nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at paunti nang paunti ang mga nangyayari na labag sa batas. Ang lahat ng hinirang ng Diyos ay kayang tanggapin ang katotohanan, magpapigil sa katotohanan, at gumawa ng mga pagbabago pagdating sa kanilang mga salita at gawa. Kung may sinumang gumagawa ng kasamaan, malinaw itong nakikita at iniuulat ito ng lahat. Kaya naman, paunti nang paunti ang masasamang tao sa sambahayan ng Diyos. Ngayon, lalo mo pang nararamdaman na tunay na mabuti ang kapaligiran ng sambahayan ng Diyos—nagmamahalan ang mga kapatid at ang sinumang may mga suliranin o paglihis ay maaaring humingi ng tulong; malulutas ang paghihirap ng sinuman, at kung may mga problemang hindi malulutas, maaaring umasa ang mga tao sa Diyos at sumandig sa Kanya, at lutasin ang mga ito alinsunod sa Kanyang mga salita. Sa pamumuhay sa sambahayan ng Diyos, nagiging maligaya ka at napupuno ka ng pag-asa, nakikita mo ang liwanag, at lubusan mong natatamasa ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Lubhang kapaki-pakinabang ang kapaligirang ito sa pag-usad ng mga tao sa buhay. Sa pamumuhay sa iglesia, sa kapaligirang ito na nagtataglay ng katotohanan, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan, unti-unting gagaan ang iyong puso, at magiging malaya at maginhawa ang pakiramdam mo. Ang mga ito ang mga resultang nakakamit sa pamamagitan ng pagkaunawa sa katotohanan. May isang kapansin-pansing katangian ang mga taong nakapagtamo ng katotohanan: Medyo malaya at maginhawa sila. Hindi nila kailangang mapaghigpitan, iimpluwensiyahan ng katotohanan ang kanilang mga salita at gawa, at babaguhin nito ang paraan ng kanilang pamumuhay at ang direksyon ng kanilang buhay. Kapag lumitaw ang isang pusong may takot sa Diyos sa kalooban mo, at kapag mayroon kang pusong may takot sa Diyos na gumagabay sa iyo, ang kalikasan ng mga bagay na ginagawa mo ay ganap na maiiba sa mga ginawa mo dati noong kinokontrol at pinaghihigpitan mo pa ang iyong sarili. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, kung mabibigyan ka ng katayuan, at mayroon kang pagkakataon at mga tamang kondisyon upang pahirapan ang iba, gagawin mo pa rin ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? Ito ba ay dahil hindi mo planong pahirapan ang mga tao, o dahil wala kang kakayahang pahirapan ang mga tao? (Ito ay dahil nagbago na ang disposisyon ko.) Tama iyan, magkakaroon ka ng pusong may takot sa Diyos, at magkakaroon ka ng mga prinsipyo at ng batayan para sa iyong mga ikinikilos. Sa puntong ito, anumang tukso ang iyong kakaharapin, masasabi mo mula sa iyong puso, “Ang paggawa nito ay hindi nakapagbibigay-lugod sa Diyos, at hindi ako puwedeng gumawa ng mga bagay na nagkakasala sa Diyos.” Natural na darating ang iyong tayog sa yugtong ito, at masasabi mo ang gayong mga salita. Sa ngayon, kaya ba ninyong isakatuparan nang napakanatural ang hakbang na ito? (Hindi pa.) Pinatutunayan nitong wala pang nagiging epekto ang katotohanan sa kalooban mo; pinipigilan lang nito ang iyong kilos, ngunit hindi nito kayang mahigpit na pigilan ang iyong puso, o baguhin ang direksyon ng iyong buhay, ni ang mga prinsipyo at mithiin ng iyong pag-asal.

Ngayon ay nakapagsimula na kayong lahat na tumuon sa paghahangad sa katotohanan sa inyong pananampalataya sa Diyos, kaya saan ninyo ibinabatay ang inyong pag-asal? Sa konsensiya, sa pamantayan ng pag-asal ng tao, at sa moralidad. Gaano kalayo ang mga bagay na ito sa katotohanan? May kaugnayan ba sa katotohanan ang konsensiya, ang batayang pamantayan sa pag-asal ng tao, at ang moralidad? Malayo ang mga ito sa katotohanan. Sa pinakamainam, maaari kang maging isang mabuting tao sa pamamagitan ng pag-asal batay sa konsensiya, ngunit malayong-malayo ito sa hinihingi ng Diyos. Ang hinihingi ng Diyos ay ang umasal ang mga tao batay sa katotohanan at ang mamuhay sila ayon sa Kanyang mga salita. Kapag ang isang taong sumasampalataya sa Diyos ay kayang intindihin ang katotohanan, maunawaan at isagawa ang katotohanan, at pigilan ang kanyang sarili ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, umunlad na siya. Kung hindi niya hinahangad ang katotohanan, kailanman ay hindi siya uunlad. May ilang taong nakapagsimula nang maghangad sa katotohanan, at may determinasyon sila, sinasabing, “Dapat kong gawin ang lahat ng makakaya ko upang magsikap tungo sa katotohanan at magsumikap na magsagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, upang gawin ang mga bagay alinsunod sa mga panuntunan, upang kumilos nang may mga prinsipyo at limitasyon, at upang umiwas sa paggawa ng mga bagay na nakalalabag sa disposisyon ng Diyos o na nagkakasala laban sa Diyos, nang hindi kinakailangan ng sinumang mamamahala, pipigil, o susubaybay sa akin upang magawa iyon. Bagama’t walang sumusubaybay sa akin, kung ang paggawa ng isang bagay ay makalalabag sa disposisyon ng Diyos, magpapakita ng kawalan ng pusong may takot sa Diyos, at magkakasala sa Diyos, talagang hindi ko ito gagawin. Kahit na nasa puso ko ang ideyang iyon, kaya kong pigilan ang sarili ko—hindi ko ito dapat isakatuparan.” Aktibo at positibo ang kalagayang ito. Halimbawa, sabihin nang hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa isang tao na ingatan ang isang bagay na may halaga, at iilang tao lang ang nakakaalam tungkol dito. Kapag may ibang taong nakaalam tungkol sa bagay na ito, nagagawa ng taong pinaghabilinan na alagaan nang mabuti ang bagay na ito, na magkaroon ng malasakit dito, at na iwasang mawala, mapinsala, manakaw, o masira ito. Kasabay niyon, naiiwasan din niyang maging sakim at mapang-angkin, at sa kanyang puso, lubusan niyang itinuturing na banal ang bagay na ito. Hindi ba’t isa itong mabuting tao? Mula sa kasalukuyang perspektiba, masasabing isa siyang mabuting tao dahil wala siyang mga ideya o kaisipan na kurakutin ang bagay na ito. Higit pa rito, nagagawa niyang ingatan ang bagay na ito nang may buong katapatan sa kanyang posisyon, at pasanin ang responsabilidad na ito nang buong puso at sa abot ng kanyang makakaya, at masasabing ibinibigay niya ang kanyang buong puso rito, at ginagawa nang maayos ang kanyang trabaho. Ngunit isang araw ay nagbabago ang mga bagay-bagay. Ang ilan sa mga taong nakakaalam tungkol sa bagay na ito ay naaaresto at nakukulong, at ang ilan ay inililipat sa iba’t ibang lugar. Ang taong iyon na lang ang natitirang nakakaalam tungkol sa bagay na ito. Sa mga sitwasyong ito, hindi ba’t nagbago na ang kanyang kapaligiran? Oo, nagbago na ang kanyang kapaligiran, at dumating na ang pagsubok. Sa simula, nananatiling hindi natitinag ang kanyang puso, at seryoso at responsable pa rin niyang iniingatan ang bagay na ito nang walang ibang naiisip. Kalaunan, nababalitaan niyang naglaho na ang mga taong nakakaalam tungkol dito. Magkagayunman, iniisip pa rin niya, “Hindi ako pwedeng bumuo ng mga plano tungkol sa bagay na ito; dapat kong ipagpatuloy ang pag-iingat dito nang mabuti. Kahit na hindi alam ng mga tao ang tungkol dito, alam naman ito ng Diyos!” Hindi ba’t isa siyang mabuting tao? (Sa kasalukuyan ay mukha pa rin siyang isang mabuting tao.) Bakit ganoon? Dahil, kapag sinukat batay sa mga pamantayan ng pagiging isang mabuting tao, kung maaabot ng isang tao ang antas na ito, napakabuti na niya. Ngunit isang araw, nagkaroon ng isang malaking krisis sa kanyang pamilya, kagyat siyang nangangailangan ng pera, at hindi sapat ang hawak niyang pera. Nagbago na naman ang kapaligiran niya, at kapag nagbabago ang kapaligiran, dumarating na naman ang oras upang siya ay subukin. Sa umpisa, pinag-iisipan pa rin niyang mangutang, ngunit pagkatapos ng dalawa o tatlong bigong pagtatangka, nagsisimulang mapukaw ang kanyang puso: “Hindi ba’t nasa akin ang isang bagay na may halaga? Hindi ba’t kalokohan na mangutang ako, gayong mayroon naman akong bagay na may halaga sa mismong harapan ko? Walang nakakaalam na iniingatan ko ang bagay na ito. Isa pa, naaalikabukan lang dito ang bagay na ito. Hindi ba’t tama lang namang gamitin ko ito? Mabuti pa nga!” Pagkatapos ay may naiisip siyang mas maganda, mas lohikal, “Hindi ba’t inihanda ito ng Diyos para sa akin? Pinakikitaan ako ng Diyos ng biyaya, salamat sa Diyos!” Habang mas pinag-iisipan niya ito, lalo niyang nararamdaman na ito ang nararapat na gawin. Pagkatapos mag-isip-isip nang dalawa o tatlong araw, napapanatag na ang kanyang puso, at hindi na siya inuusig ng kanyang konsensiya. Sa wakas, nagpapasya siya, “Gagamitin ko na lang ang perang ito!” Ano ang nangyari? (Nagsimulang magkaroon ng pagbabago sa kanyang pag-iisip.) Paano naganap ang pagbabagong ito sa kanyang pag-iisip? (Idinulot ito ng kapaligiran.) Kaya, may problema ba sa kapaligiran? Binago ba siya ng kapaligiran? (Hindi.) Kung gayon ay paano natin ito tumpak na mailalarawan? Nang dalawang beses na magbago ang kanyang kapaligiran noon, bakit hindi natinag ang kanyang puso noon? (Hindi pa iyon panahon ng matinding kahirapan at kabiguan.) Bago umabot sa puntong ito, hindi malalantad ang mga tunay na saloobin at mga tunay na disposisyon ng isang tao. Sa panahong iyon, masasabi ba nating matapat sa Diyos ang taong ito? O na minamahal niya ang katotohanan? Masasabi natin iyon, dahil nang iningatan niya ang handog, nagawa niya ito nang buong puso at lakas niya, nang walang ibang ideya o aktibong naiisip. Kailanman ay hindi siya bumuo ng anumang plano tungkol sa bagay na iyon—kay dakila niya! Gayunpaman, nang magbago ang kapaligiran ng kanyang pamumuhay at maramdaman niyang nasusukol siya at imposibleng makatakas, lumabas ang mga aktibo niyang kaisipan, at nagsimula siyang bumuo ng mga plano tungkol sa handog. Ang totoo, hindi sa hindi niya naisip ang mga ito noon, bagkus ay itinago niya ang mga isiping ito sa kanyang puso. Nang maharap sa angkop na kapaligiran, ang mga kaisipan niya ay likas na bumulwak na parang tubig sa bukal. Sa huli, nakahanap pa siya ng mga “batayan” para dito, sinasabing inihanda ito ng Diyos para sa kanya. Nang mahanap ang mga “batayan” na ito, hindi ba’t nalantad ang kanyang buktot na kalikasan? Saan na napunta ang kanyang katapatan, kabutihan, at pagpapahalaga sa katarungan? (Nawala na ang mga iyon.) Kung gayon, isa lamang bang palabas ang mga nauna niyang pagpapamalas? Hindi palabas ang mga iyon; mga likas na pagbubunyag din ang mga iyon, ngunit hindi malalalim ang mga iyon. Ang mga iyon ang pinakamabababaw na pagbubunyag, mabababaw na penomena ang mga iyon. May ilang ilusyon sa mabababaw na penomena sa pagkatao, at kung minsan ay hindi malinaw na nakikita ng mga tao ang mga iyon at madali silang nalilihis. Halimbawa, may ilang taong mukhang napakaayos na gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa loob ng anim na buwan o isang taon, ngunit pagkalipas ng isang taon, nagiging negatibo na sila. Pagkalipas ng dalawang taon, maaari silang tumakas at bumalik sa sekular na mundo; ang ilan ay para kumita ng pera, at ang ilan ay para magkaroon ng sarili nilang buhay. Kaya, mali na tukuyin mo sila na taos-pusong gumugugol para sa Diyos batay sa kanilang pagganap sa loob ng anim na buwan o isang taon. Ang pag-uugali nila sa loob ng anim na buwan o isang taong iyon ay, sa totoo lang, isang ilusyon, isang pansamantalang kasiglahan. Kapag naharap sa ilang kapaligiran at tukso, nalalantad ang tunay nilang mukha, at ang mga karumihan sa mga layunin sa likod ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Hindi ba’t totoo ito? Hindi talaga sila nagbago. Ano ba talaga ang gustong baguhin ng Diyos sa mga tao? Anong mga problema ang gustong lutasin ng Diyos sa pamamagitan ng panghihikayat sa mga tao na tanggapin ang katotohanan? (Ang mga bagay na nakapaloob sa kalikasan ng tao.) Tama iyan, ang mga bagay na nakapaloob sa kalikasan ng tao ang dapat na malutas. Kapag walang nangyayari sa kanila, ang mga tao ay may pundamental na moral na pamantayan at hindi sila nananamantala ng iba. Madalas sabihin lalo na ng matatanda, “Huwag mong pagnasahan ang mga pag-aari ng iba, at huwag mong ipamigay ang sa iyo.” Ibig sabihin, huwag mong basta-bastang ipamigay ang sarili mong mga pag-aari, at huwag kang maging sakim o magkaroon ng mga kaisipan ng pagnanasa sa mga pag-aari ng ibang tao. Ito lang ang dapat na taglayin ng normal na pagkatao at malayo ito sa katotohanan. Kaya, makakamit ba ito ng mga tao? (Hindi.) Ni hindi nga ito makamit ng mga tao, subalit sinasabi pa nilang huwag magkaroon ng mga mapagnasang kaisipan. Ang pagkamkam sa mga pag-aari ng ibang tao nang hindi man lamang hinihintay na magkaroon ng mga mapagnasang kaisipan sa kalooban nila—ito ang resulta ng pangingibabaw ng kalikasan ng isang tao. Basta’t pinahihintulutan ng kapaligiran, ni hindi na ito kailangang pag-isipan ng mga tao, ibinubunyag nila ang buktot na kalikasan na nasa kalooban nila, at ang kanilang malupit, sakim, at mapanlinlang na mga disposisyon. Tungkol naman sa taong nangurakot ng handog sa halimbawang binanggit Ko—alin sa mga ideya at pagpapamalas niya ang mapanlinlang? (Kinamkam niya ang handog sa Diyos, habang sinasabing inihanda ito ng Diyos at nagbukas ang Diyos ng paraan para makaahon siya.) Mapanlinlang ito, panlilinlang ito sa sarili pati na sa iba. Dinaya niya ang kanyang sarili at sinubukan din niyang dayain ang Diyos. Ginamit niya ang mga salitang ito na maganda sa pandinig upang magpaligoy-ligoy, at upang pagaanin ang sarili niyang konsensiya upang maiwasan niya ang mga pang-uusig nito. Higit pa rito, nag-imbento siya ng isang magandang kasinungalingan para sa sarili niya, at ninais niyang gamitin ang kasinungalingang ito upang lokohin at lansihin ang Diyos. Hindi ba’t mapanlinlang ito? (Oo.) Mapanlinlang ito. Kapag nahaharap ka sa gayong mga kapaligiran, at ang iyong kalikasan ay nagbubunga ng mga kaisipan at nagdudulot sa iyong magnais na gumawa ng isang bagay, una sa lahat, magkakaroon ng epekto sa loob mo ang iyong konsensiya, at pagkatapos ay magkakaroon din ng epekto ang mga katotohanang iyong nauunawaan, kaya mapagtatanto mo na wala kang mapapala sa pag-iisip sa ganitong paraan, na kasuklam-suklam at buktot ito, at na ang iniisip at pinaniniwalaan mo ay hindi ang katotohanan. Bagama’t pansamantala kang nagkakaroon ng bugso ng damdamin na gawin ang bagay na ito, pagkatapos magdasal sa Diyos, naiisip mo, “Hindi ko ito pwedeng gawin; magiging pagkakasala ito sa Diyos. Buktot ito! Ang paggawa nito ay hindi tugma sa katotohanan, at hindi ba’t ito ay magiging panlalansi sa Diyos? Hinding-hindi ko ito magagawa. Isa itong bagay na pinabanal, pagmamay-ari ito ng Diyos, at talagang hindi ito dapat na galawin. Bagama’t walang nakakaalam tungkol sa bagay na ito, at tanging ang Diyos ang nakakaalam dito, dahil ang Diyos lang ang nakakaalam dito, talagang hindi ko ito pwedeng galawin.” Kung kaya ng isang taong mag-isip sa ganitong paraan, may tunay siyang tayog. Kung umasa siya sa kanyang mabubuting layunin at moral na pamantayan, mapipigilan ba niya ang kanyang sarili? Magagarantiya ba niyang hindi niya nanakawin ang handog? (Hindi.) Ano ba ang dapat taglayin ng isang tao upang makamit ito? (Dapat siyang magkaroon ng takot sa Diyos sa kanyang puso.) Tanging ang mga katotohanang iyong nauunawaan, ang iyong pagkakilala sa Diyos, at ang takot sa Diyos sa iyong puso ang makapipigil sa iyong puso at sa iyong mga kilos, at makatutukoy kung ano ang landas na iyong pipiliin at kung paano ka aasal alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Bukod sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, may iba pa bang bagay na makatutulong sa mga taong makamit ito? Wala. Ito lang ang paraan; matutulutan ka nitong matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Anumang uri ng mga kapaligiran ang harapin mo, mga pagsubok man o mga tukso ang mga ito, hindi mababago ng mga ito ang iyong katapatan at pagpapasakop sa Diyos. Sa sandaling mapatibay mo ang iyong determinasyon, hinding-hindi ito magbabago. Kahit gaano pa kahirap ang isang kapaligirang iyong hinaharap, kahit na isa itong napakalaking tukso para sa iyo, ang iyong determinasyon ay hindi pa rin magbabago, at ang iyong mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay ay hindi pa rin magbabago. Sa ganitong paraan, maninindigan ka sa iyong patotoo, at matatamo mo ang katotohanan. Hindi ka na ulit susubukin ng Diyos tungkol sa bagay na ito. Mapagtatagumpayan mo ito at makapaninindigan ka. Sa ngayon, maaabot ba ng karamihan ang ganitong tayog? (Hindi.) Hindi pa rin nila ito kayang abutin, na nagpapatunay na hindi nila naging buhay ang katotohanan. Kung gayon ay anu-anong bagay ang naging buhay nila ngayon? Ang mga pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo, ang mga lason ni Satanas, at ang ilang likas na gawi ng tao, iyon ay, ang panghawakan ang pamantayan ng moralidad at pag-asal ng tao, pati na ang ilang espirituwal na doktrina at pagpapahayag na nakuha nila pagkatapos sumampalataya sa Diyos. Matapos maintindihan ang mga bagay na ito, palaging iniisip ng mga tao, “Natamo ko na ang katotohanan. Napakarami ko nang naunawaan sa aking pananampalataya sa Diyos. Nagbago na ako at may nakamit na ako.” Ano ang nakamit nila? Ang totoo, mabababaw na bagay lang ito. Pagkakaroon lang ito ng kaunting pagpipigil sa kanilang pag-uugali, at pagiging medyo mas kontrolado ng kanilang pag-uugali. Dagdag pa rito, kaya nilang magnilay sa isang mas positibong paraan sa kanilang isip at puso at mas mag-isip tungkol sa mga positibong bagay. Dahil sa impluwensiya ng kanilang kapaligiran, sa madalas na pakikinig sa mga sermon, pati na sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, at sa mas madalas na pakikipag-ugnayan sa mga positibong bagay, naaapektuhan sila sa ilang positibong paraan. Ang mga ito ang mga pakinabang at pagbabagong idinudulot ng kapaligiran ng iglesia sa mga tao. Ngunit gaano kalaki at gaano karami ang mga pagbabagong idinudulot ng katotohanan sa mga tao? Depende ito sa kanilang paghahangad. Kung tunay na isa kang taong naghahangad sa katotohanan, palagi kang may makakamit pagdating sa mga praktikal na aspekto ng katotohanan, at may kaunti kang makakamit at kaunting mauunawaan sa bawat yugto. Sa kanilang puso, nauunawaan at nararamdaman ng mga tao kung may nakamit sila o wala. Ano ang nararamdaman ng karamihan sa mga tao ngayon? Na, batay sa mabubuti nilang layunin, madalas ay masipag at sadya silang gumagawa ng ilang mabubuting gawa, mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at mga bagay na hindi magdudulot sa kanila na maakusahan o mapuna ng iba. Kahit na mabubuting gawa ang mga ito, hindi masasabing pagsasagawa ng katotohanan ang mga ito. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Karamihan ng tao ay may pundamental na prinsipyo sa kanilang mga kilos, iyon ay na ang kumilos ayon sa kanilang konsensiya. Pakiramdam nila ay masyadong malalim, masyadong abstrakto ang katotohanan, at na tila napakalayo nito sa mga tao. Hindi nauunawaan nang mabuti ng mga tao ang katotohanan at hindi nila ito kayang ipaliwanag nang malinaw, kaya kumikilos lang sila alinsunod sa kanilang konsensiya, at iniraraos lang nila ang araw-araw. May ilang tao pa nga na wala man lang kamalayan sa konsensiya, at hindi sila kumikilos alinsunod sa mga pamantayan ng konsensiya. May ilang tao na gumaganap sa kanilang mga tungkulin nang hindi talaga nagkakaroon ng anumang resulta; nanghuhuthot lang sila at nagtatamasa ng biyaya ng Diyos ngunit wala silang anumang isinusukli, nang hindi man lang nakokonsensiya ang kanilang puso. May konsensiya at katwiran ba ang mga taong ito? Kung tatanungin mo sila, “Ano ang pakiramdam mo sa pamumuhay nang ganito?” Sasabihin nila, “Masyadong dakila ang mga layunin ng Diyos, hindi ko maabot ang mga ito. Ano’t anuman, isa akong tao na taos-pusong sumasampalataya sa Diyos, at hindi ako gumawa ng kasamaan. Payapa ang puso ko.” Isinasagawa ba ng ganitong mga tao ang katotohanan? Bagama’t ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, taos-puso ba nilang ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos? Mula sa perspektiba ng tao, tila ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, ngunit wala talaga silang nakukuhang resulta mula sa mga ito. Masasang-ayunan ba sila ng Diyos? Maaaring sabihin nila, “Ginagampanan ko ang aking mga tungkulin batay sa aking konsensiya, hindi ako batugan, hindi ako tamad, at nagbabayad ako ng halaga.” Ngunit ipinahihiwatig ba ng pamantayang ito ng konsensiya na isinasagawa nila ang katotohanan? Kapag may oras kayo, dapat kayong magnilay-nilay, mag-isip ng paksa para pagbahaginan ninyo nang magkakasama, at tingnan ninyo kung paano kayo dapat kumilos upang maisagawa ang katotohanan. Huwag kayong basta tumigil sa pamantayan ng konsensiya, o sa mga pamantayan ng pagiging isang mabuting tao at pagkakaroon ng magandang pag-uugali. Huwag kayong makontento sa pagiging mapagpalugod ng mga tao. Kailangan ninyong maghangad at pumasok sa rurok ng katotohanan. Sa ganitong paraan lang ninyo mabibigyang-lugod ang mga layunin ng Diyos at mapapasok ang katotohanang realidad. Kung palagi mong hahangaring mabigyang-kasiyahan ang iyong konsensiya, at iisiping maayos ang lagay mo basta’t hindi mo nalalabag ang moral na pamantayan, kung gayon ay palagi kang mananatili sa saklaw na ito kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay, at hindi ka lalagpas sa saklaw na ito, na nangangahulugang kailanman ay hindi magkakaroon ng anumang kaugnayan sa iyo ang katotohanan. Kung kahit kailan ay hindi magkakaroon ng anumang kaugnayan sa katotohanan ang iyong mga kilos at salita, matatamo mo pa rin ba ang katotohanan? Mahihirapan kang matamo ang katotohanan.

Noong sinaunang panahon, madalas pag-aralan ng mga iskolar ang mga aklat na “Mga Pilosopiya ni Confucius,” “Tao Te Ching,” at “Tatlong Titik na Klasiko.” Buong maghapon silang iiling-iling, na para bang paulit-ulit na binibigkas ang mga kasulatan, palaging bukambibig ang mga klasikal na kasabihan. Pagkatapos basahin ang ilang aklat at kabisaduhin ang ilang tulang Tang at Song, iniisip na nilang malawak ang kaalaman nila at ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pagsesermon sa iba, iniisip na talagang kahanga-hanga ang kanilang sarili. Sa buong buhay nila, wala silang naisakatuparang anumang matuwid at umasal sila batay lang sa ilang aklat na iyon ng mga pantas na nabasa nila. Wala silang anumang naintindihan, at wala silang anumang maunawaan. Iniraraos lang nila ang buhay, walang nakakamit. Subalit, sa kanilang mga puso ay nasisiyahan pa rin sila sa kanilang sarili, iniisip na marami silang nauunawaan at na nakatataas sila sa iba. May isang pariralang tinatawag na “pag-aakalang mas banal kaysa sa iba”—talagang tama ito, at talagang hindi kayo dapat mamuhay sa gayong kalagayan. Palaging nadarama ng ilang tao na mayroon silang kaalaman at kabutihang-loob at pagiging matuwid sa kanilang puso. Dahil dito, pakiramdam nila ay mas banal sila kaysa sa iba, at iniisip nilang talagang karapat-dapat silang matawag na mabuting tao at maginoo. May ilang taong masyadong nagpapahalaga sa katapatan at haharap sa panganib para sa kanilang mga kaibigan. May ilang taong masyadong nagpapahalaga sa konsensiya at nagagawang tuparin ang mga salitang: “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal.” May ilang taong hindi nagpapakasal, at nililinang nila ang kanilang mga isipan at katawan sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa sarili, at naghahangad sila ng imortalidad. May ilang taong ganap na ginugugol ang sarili sa pag-aaral ng mga aklat ng mga pantas at hindi nagbibigay-pansin sa mga panlabas na usapin. Tunay bang mabubuting tao ang mga diumano’y mabubuting tao na ito? Namumuhay sila ayon sa kanilang kaalaman, at nagsasalita at kumikilos sila nang may kaunting konsensiya, kaya maituturing bang may katotohanang realidad ang mga taong ito? Magagarantiya ba talaga na hindi sila gagawa ng kasamaan? May ilang taong may mabubuting hangarin sa iba, at madalas na nagkakawanggawa at tumutulong, kaya’t naniniwala sila na sila ay mga dakilang pilantropo. Ngunit tumpak bang husgahan kung ang isang tao ay mabuti o masama sa pamamagitan ng palaging pag-asa sa mga pahayag ng tradisyonal na kultura? Ang palaging paggamit ng mga moral na pamantayan upang suriin ang iba at magpasikat ay pag-aakalang mas banal ka kaysa sa iba. Taglay ba ng mga taong nag-aakalang mas banal sila kaysa sa iba ang katotohanan? Kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito? Talagang hindi. Kung magkakaroon sila ng kapangyarihan at katayuan, kaya ba nilang labanan ang Diyos at malupit na usigin ang mga taong sumasampalataya sa Kanya? Kayang-kaya nilang gawin ito, na nagpapakitang may masama pa rin silang hangarin sa kanilang kalikasan, at na ang kanilang kalikasan ay ang kalikasan ni Satanas. Batay rito, matutukoy na ang mga taong palaging namumuhay ayon sa kaalaman at tradisyonal na kultura ay pawang mapagpaimbabaw, kayang gumawa ng kasamaan at lumaban sa Diyos. May ilang taong ilang taon nang sumasampalataya sa Diyos, subalit nakapagtataka na wala silang pagkilatis sa tradisyonal na kultura at kaalaman. Hindi nila lubusang maunawaan na, sa diwa, ang mga bagay na ito ay satanikong mga pilosopiya, lohika, at mga batas, at na ang mga ito ay kaalaman at kultura na nakapipinsala sa mga tao. May katotohanang realidad ba ang gayong mga tao? Ang mga taong hindi malinaw na nakakikita sa tradisyonal na kultura at kaalaman, at walang pagkilatis sa mga iyon, ay mga taong talagang hindi nakauunawa sa katotohanan, at mga taong hindi nagtataglay ng ni katiting na katotohanang realidad. May mga taong nag-iisip na may ilang uri ng kaalaman na makatutulong din sa mga taong maging mabuti at na ang ganitong mga uri ng kaalaman ay nagtuturo sa mga taong gumawa ng mabubuting bagay. Maling-mali ito. Ang kaalaman ay hindi ang buhay; isa itong uri ng regulasyon, salungat ito sa katotohanan, at isa itong maling paniniwala. Kahit gaano pa katayog o kalalim ang kaalaman ng isang tao, ni hindi naman niya malinaw na makita ang tiwaling diwa ng sangkatauhan, o ang sarili niyang kalikasan, o kung ano ang tiwaling sangkatauhan. Kung gayon ay ano ang silbi ng kanyang kaalaman? Hindi ba’t ito ang pinakamababaw at pinakamapanlihis na doktrina? Tulad ng teoryang Confucianista at ng “Tao Te Ching”—ang mga salita sa mga diumano’y klasikal na aklat na ito ng pantas na Tsino ay mapanlihis, mga maladiyablong salita ang mga ito na nililihis ang mga tao, mga mapagpaimbabaw na maling pananampalataya at maling paniniwala ang mga ito, at mga satanikong lason at lohika ang mga ito. May ilang tao na sinasamba ang mga bagay na ito bilang ang katotohanan—mga mananampalataya pa rin ba sila sa Diyos? Kung sumasampalataya ka sa Diyos sa iyong puso at nakikinig ka sa mga sermon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw, bakit hindi mo maunawaan ang katotohanan? Bakit hindi mo magawa na ang katotohanan ang maging mithiin ng iyong paghahangad? Ang mga taong ito ang mga pinakahangal at pinaka-ignoranteng tao, mga halimaw sila na nakadamit-tao, at hindi sila tao.

Ano ba ang katotohanan? Una sa lahat, kailangang matukoy na ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ay talagang hindi ang katotohanan, at na ang mga alituntuning pamatnubay ng mga tanyag at dakilang tao ay hindi ang katotohanan. Ang mga kasabihang mula sa Confucianismo at Taoismo, ang magagandang pag-uugali at kilos na minana at karaniwang kinikilala ng tiwaling sangkatauhan, ang mga bagay at teoryang gumagabay sa isipan ng mga tao, at iba pa—wala sa mga bagay na ito ang katotohanan. Ang pagiging masaya ba sa pagtulong sa iba ay ang katotohanan? (Hindi.) Ang pagiging masaya sa pagtulong sa iba at ang pagiging mapagkawangga ay mabubuting gawa, at kahit papaano, ang isang taong may mabuting-loob ay mabuti ang puso at naaawa sa iba—bakit hindi ito naaayon sa katotohanan? (Walang mga prinsipyo sa paraan ng pagtulong nila sa mga tao.) Ang pagtulong ba sa mga tao nang walang mga prinsipyo ay pagiging isang mabuting tao? Iyon ay pagiging mapagpalugod ng mga tao at pagsubok na makasundo ang lahat ng tao. Ang pagpapakita ba ng pagiging mabuting anak ang katotohanan? (Hindi.) Ang pagiging mabuting anak ay isang tama at positibong bagay, ngunit bakit natin sinasabing hindi ito ang katotohanan? (Dahil ang mga tao ay hindi nagpapakita ng pagkamabuting anak nang may mga prinsipyo at hindi nila nakikilatis kung anong uri talaga ng tao ang kanilang mga magulang.) Ang paraan kung paano dapat tratuhin ng isang tao ang kanyang mga magulang ay nauugnay sa katotohanan. Kung naniniwala ang iyong mga magulang sa Diyos at tinatrato ka nang mabuti, dapat ka bang maging mabuting anak sa kanila? (Oo.) Paano ka naging masunuring anak? Iba ang pakikitungo mo sa kanila sa pakikitungo mo sa mga kapatid. Ginagawa mo ang lahat ng sinasabi nila, at kung matatanda na sila, dapat kang manatili sa kanilang tabi upang alagaan sila, na pumipigil sa iyo na lumabas upang tuparin ang iyong tungkulin. Tama bang gawin ito? (Hindi.) Ano ang dapat mong gawin sa gayong mga pagkakataon? Depende ito sa mga pangyayari. Kung kaya mo pa rin silang alagaan habang tinutupad mo ang iyong tungkulin nang malapit sa iyong tahanan, at hindi tinututulan ng iyong mga magulang ang pananampalataya mo sa Diyos, dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad bilang isang anak na lalaki o babae at tulungan ang iyong mga magulang sa ilang gawain. Kung mayroon silang karamdaman, alagaan mo sila; kung may bumabagabag sa kanila, aliwin mo sila; kung ipahihintulot ng iyong kalagayang pinansiyal, ibili mo sila ng mga bitamina na pasok sa budget mo. Subalit, ano ang dapat mong piliing gawin kung ikaw ay abala sa iyong tungkulin, walang magbabantay sa iyong mga magulang, at sila rin naman, ay naniniwala sa Diyos? Anong katotohanan ang dapat mong isagawa? Yamang ang pagiging masunurin sa mga magulang ay hindi ang katotohanan, kundi isa lamang responsabilidad at obligasyon ng tao, ano, kung gayon, ang dapat mong gawin kung ang iyong obligasyon ay sumasalungat sa iyong tungkulin? (Gawing prayoridad ang aking tungkulin; unahin ang tungkulin.) Ang isang obligasyon ay hindi naman tungkulin ng isang tao. Ang pagpili na gampanan ang tungkulin ng isang tao ay pagsasagawa ng katotohanan, samantalang ang pagtupad sa isang obligasyon ay hindi. Kung ganito ang kondisyon mo, maaari mong tuparin ang responsabilidad o obligasyong ito, pero kung hindi ito pinahihintulutan ng kasalukuyang kapaligiran, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihin na, “Kailangan kong gawin ang aking tungkulin—iyon ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang pagiging mabuting anak sa aking mga magulang ay pamumuhay ayon sa aking konsensiya at hindi ito pagsasagawa sa katotohanan.” Kaya, dapat mong unahin ang iyong tungkulin at itaguyod ito. Kung wala kang tungkulin ngayon, at hindi malayo sa bahay mo ang pinagtatrabahuhan mo, at malapit ang tirahan mo sa iyong mga magulang, maghanap ka ng mga paraan para alagaan sila. Gawin mo ang makakaya mo para tulungan silang mabuhay nang mas maayos at mabawasan ang paghihirap nila. Pero depende rin ito sa kung anong klase ng tao ang mga magulang mo. Ano ang dapat mong gawin kung ang mga magulang mo ay may masamang pagkatao, kung palagi ka nilang hinahadlangan na sumampalataya sa Diyos, at kung lagi ka nilang inilalayo sa pananampalataya sa Diyos at pagganap sa iyong tungkulin? Anong katotohanan ang dapat mong isagawa? (Pagtanggi.) Sa pagkakataong ito, kailangan mo silang tanggihan. Natupad mo na ang iyong obligasyon. Ang iyong mga magulang ay hindi sumasampalataya sa Diyos, kaya wala kang obligasyong magpakita ng pagkamabuting anak sa kanila. Kung sumasampalataya sila sa Diyos, sa gayon ay pamilya sila, mga magulang mo. Kung hindi sila sumasampalataya, magkaibang mga landas ang tinatahak ninyo: Sumasampalataya sila kay Satanas at sumasamba sa haring diyablo, at tinatahak nila ang landas ni Satanas; sila ay mga taong tumatahak ng mga landas na kaiba sa mga sumasampalataya sa Diyos. Hindi na kayo isang pamilya. Itinuturing nilang mga kalaban at kaaway ang mga mananampalataya ng Diyos, kaya wala ka nang obligasyong alagaan sila at kailangan nang ganap na putulin ang ugnayan sa kanila. Alin ang katotohanan: ang pagiging masunurin sa mga magulang o ang pagganap sa tungkulin? Siyempre, ang pagganap sa tungkulin ang katotohanan. Ang pagganap sa tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay hindi lamang tungkol sa pagtupad sa obligasyon at paggawa ng kung ano ang dapat gawin. Ito ay tungkol sa pagganap sa tungkulin ng isang nilikha. Ito ang atas ng Diyos; ito ay obligasyon mo, responsabilidad mo. Isa itong tunay na responsabilidad, na tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon sa harap ng Lumikha. Ito ang hinihingi ng Lumikha sa mga tao, at ito ang dakilang usapin ng buhay. Samantalang ang pagpapakita ng pagkamabuting anak sa mga magulang ay responsabilidad at obligasyon lamang ng isang anak. Talagang hindi ito iniatas ng Diyos, at lalong hindi ito naaayon sa hinihingi ng Diyos. Samakatuwid, sa pagitan ng pagpapakita ng pagkamabuting anak sa mga magulang at pagganap sa tungkulin, walang duda na ang pagganap sa tungkulin ng isang tao, at iyon lang, ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang pagganap sa tungkulin bilang isang nilikha ay ang katotohanan, at isa itong obligasyon. Ang pagpapakita ng pagkamabuting anak sa mga magulang ay tungkol sa pagiging mabuting anak sa mga tao. Hindi ito nangangahulugang ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin, ni nangangahulugang isinasagawa niya ang katotohanan. Pagkatapos pagbahaginan ang mga bagay na ito sa ganitong paraan, dapat ay matukoy na ninyo ang pagkakaiba-iba ng mga bagay na ito, at malaman na ninyo kung ano ang katotohanan at kung ano ang hindi katotohanan. Pag-isipan ninyo ngayon kung ano pang mga bagay na pinahahalagahan ng mga tao ang itinuturing bilang katotohanan? (Ang terminong “positibong enerhiya” ay madalas na ginagamit sa lipunan; isa rin itong negatibong bagay at hindi ang katotohanan.) Karamihan sa mga terminong binabanggit ng mga walang pananampalataya ay mga maladiyablong bagay. Sa anong kapaligiran ba nagmula ang terminong “positibong enerhiya”? Itong mga sikat na kasabihan, kakaibang teorya, o terminolohiyang lumilitaw sa lipunan ay pawang may kapaligirang pinanggalingan. Alam ba ninyo ang kapaligirang pinanggalingan ng terminolohiyang ito? Sa Tsina, lalong nagiging masama ang kalagayang panlipunan, at isinusulong ng mga tao ang kasamaan. Ang anumang sabihin o gawin ng mga diyablo ay sinusunod ng mga tao. Bagama’t may ilang taong hindi ito matiis at nagkokomento sila tungkol dito, wala rin namang saysay, at walang sinuman ang tumutugon. Sa Tsina, naging kalakaran na ang kasamaan, at walang grupo ng mga tao ang makapipigil sa masamang kalakarang ito. Nadarama ng lahat na lalong bumababa ang moralidad ng bansa sa paglipas ng bawat araw. Masasamang demonyo ang may hawak ng lahat ng kapangyarihan, at lubusang kumokontrol sa bansa at sa mga mamamayan nito. Ginagawa ng mga diyablo ang anumang naisin nila, at walang sinumang makapipigil sa kanila. Upang maloko ang madla, ang mga nasa kapangyarihan ay marami nang ginawang mapanlihis na bagay upang lihisin at linlangin ang mga tao, sinasabi pa nga nilang ang mga kilos na ito ay pawang nabibilang sa positibong enerhiya. Ito ang kapaligirang pinanggalingan ng “positibong enerhiya.” Ano ba ang ibig sabihin ng mga walang pananampalataya sa “positibong enerhiya”? Ito ang tinatawag nilang pagkamatuwid o isang uri ng mabuting pag-uugali. Totoo bang maaaring magkaroon ng epekto sa lipunan ang positibong enerhiyang ito? Malulutas ba nito ang pagiging talamak ng masasamang kalakaran? Mapipigilan ba nito ang tendensiyang mabuo ang masasamang kalakaran? Hindi; wala itong anumang mababago. Bakit wala itong anumang mababago? Tila napakamakapangyarihan ng terminong “positibong enerhiya,” kaya bakit wala itong anumang mababago o anumang problemang malulutas? Ni hindi nito mabago o malutas ang problema ng pagkakalulong ng mga bata sa internet nang buong araw. Noon, may kaunti pang pagmamahal at kaunting konsensiya at katwiran sa pagitan ng mga tao, at may kaunti pang kagandahang-asal sa pagitan ng mga kapwa tao, ngunit iba na ngayon. Naging pabago-bago na at hindi matibay ang ugnayan ng mga tao, at parang estranghero na ang lahat ng tao sa isa’t isa. Ni wala nang pakialam ang mga tao kapag nakikita nilang naaaksidente ang kapwa nila, hindi rin sila nangangahas na makialam kapag may nakikita silang humihingi ng tulong. Ano ba ang problema rito? Dahil ba sa walang positibong enerhiya kaya nagkakaganito ang mga tao? Maaari kayang may positibong enerhiya sa lipunan noon? Hindi, pareho lang ang kalagayan noon at ngayon. Ang “positibong enerhiya” ay isa lang terminong maganda sa pandinig, walang anumang praktikal dito. Isa itong walang kabuluhang teoryang ganap na hindi epektibo.

Sabihin ninyo sa Akin, sino ba ang mas masahol: ang mga tao dati o ang mga tao ngayon? (Mas masahol ang mga tao ngayon.) Paano ninyo nasusukat iyon? Ang pananaw ninyo ay na matigas ang puso ng mga tao sa panahon ngayon, at walang pagmamahal sa pamilya at tunay na mga kaibigan, na wala nang may pakialam sa katapatan o konsensiya, at na palaging sinasabi ng mga tao, “Ano ba ang halaga ng konsensiya?” “Ano namang tungkol sa konsensiya? Mas mahalaga ang kumita ng pera!” Iniisip mong nawalan na ng konsensiya ang mga tao, at na normal na ngayon para sa mga taong mandaya ng iba kapag nagbebenta ng mga produkto at kumita ng perang galing sa masama, at na niloloko at dinadaya nila ang sinumang kaya nilang lokohin at dayain. Sa kabaligtaran naman, naniniwala kang ang mga bihasang mangangalakal noong sinaunang panahon ay may mga prinsipyo sa pagbebenta ng mga produkto, na binebenta nila ang kanilang mga produkto sa mga pirming halaga, na tapat sila sa lahat ng parokyano nila, kapwa bata at matanda, at wala silang nililinlang. Samakatuwid, iniisip mong mas mabuti ang mga tao noon kaysa sa mga tao ngayon. Kaya, ano ba ang tinutukoy ng “mas mabuti”? Ang totoo ay nakabatay ito sa konsensiya at sa mga pag-uugaling isinasabuhay nila. Kung susukatin mo ang mga tao batay rito, mas mabuti ang mga tao noon kaysa sa mga tao ngayon. Mas simple at mas walang muwang ang mga tao noon, at nakararamdam sila ng konsensiya at kahihiyan. Mayroon silang batayang pamantayan sa kanilang pag-asal at kahit papaano ay hindi sila gumagawa ng anumang bagay na lubhang walang konsensiya, ni gumagawa ng anumang bagay na nagdudulot sa mga taong punahin sila kapag hindi sila kaharap o na magbibigay sa kanila ng masamang reputasyon. Ang mga tao ngayon ay wala nang pakialam sa mga bagay na iyon; wala na silang nararamdamang kahihiyan. Gusto lang nilang kumita ng pera at magtagumpay. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabing lubos na masama ang mga tao sa panahon ngayon. Kaya, paano ba nagkaganito ang mga lubos na masamang tao sa panahon ngayon? Hindi ba’t dumadami lang sila sa sali’t salinlahi, mula noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan? Ang mga tao sa panahon ngayon ay walang ipinagkaiba sa mga tao noong sinaunang panahon. Hindi nagbago ang DNA nila, ni ang itsura nila. Iyon nga lang, mas maganda na ang mga kalagayan ng pamumuhay kaysa noong sinaunang panahon. Sa panahon ngayon, mas komplikado na ang mga bagay na natututuhan ng mga tao at mahusay sila sa mas maraming larangan, mas mataas ang kanilang kaalaman kaysa sa mga sinaunang tao, nagtataglay sila ng mas maraming kasanayan kaysa sa mga sinaunang tao, at puhunan nila ang pagmamataas. Kung titingnan natin ito mula sa perspektibang ito, tumpak bang sabihing mas masahol ang mga tao ngayon kaysa sa mga tao noon? Paano natin masusuri kung ang pahayag na ito ay tumpak at naaayon sa katotohanan? Idetalye natin ito nang ganito: Kung manonood ka ng mga historikal na palabas, tungkol man ang mga iyon sa palasyo ng emperador, sa Jianghu,[a] o sa buhay ng mga pangkaraniwang tao, ang mga kwento niyon ay puno ng alitan. Ito ang tunay na mukha ng sangkatauhan. Naglalabanan ang mga tao para sa kapangyarihan at para sa sari-sarili nilang mga pagnanais sa mga labanang nakataya ang kanilang buhay. Dito, lubus-lubusan at buong-linaw na nalalantad ang kalikasan ng tao at katulad na katulad ito ni Satanas. Kaya, totoo bang ang lahat ng bagay na nakikita mong nangyayari ngayon ay nagaganap lang sa isang yugto ng panahon? Matindi bang naglalabanan ang mga tao sa mga partikular na lugar sa mundo dahil masama ang feng shui roon, at dahil naglipana roon ang maruruming demonyo? O ito ba ay dahil sa masasama ang genes ng mga taong iyon, na nagdudulot sa kanilang maging likas na agresibo? (Walang tama sa alinmang nabanggit.) Kung gayon ay paano ba nagsisimula ang mga alitang ito? Naglalabanan ang mga tao para sa lahat ng iyon alang-alang sa kapangyarihan, katayuan, at pansariling interes. Anuman ang antas sa lipunan, mula sa mataas hanggang sa mababa, noon pa man ay palagi nang naglalabanan at nagkukumpitensya ang mga tao, naglalabanan hanggang sa mapagod sila, at nagkukumpitensya hanggang sa halos mamatay na sila. Ano ang makikita natin mula sa mga pangyayaring ito? Batay sa iilang halimbawang ito ng buong kasaysayan ng tao at mula sa perspektiba ng mga tunay na pangyayari sa kasaysayan, hindi kailanman nagbago ang kalikasan ng sangkatauhan. Hangga’t nabubuhay ang mga tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, ang nilalaman ng buhay na nagaganap sa bawat panahon at bawat yugto ay ganoon pa rin, gayon din ang diwa nito. Ito ay dahil ang mga mithiin, sanhi, at ugat ng mga alitan ng tao ay iyon at iyon din palagi—pinaglalabanan ang lahat ng iyon alang-alang sa kapangyarihan, katayuan, at pangunahin na, sa pansariling interes. Iisa ang pinagmulan ng lahat ng klase ng alitan—ang kalikasan at disposisyon ni Satanas. Bakit ba hindi pa rin nagbago ang mga klase at pamamaraan ng alitan ng tao? Ito ay ganap na dahil sa kalikasan ng tao. Ang mga tao ay nag-iisip nang matindi at naghahanap ng bawat paraan upang labanan at pinasalain ang isa’t isa, niloloko, nililinlang, at dinadaya ang isa’t isa—gumagamit sila ng lahat ng uri ng mapanlinlang na pamamaraan. Sa malalaking politikal na pakikibaka man o sa mga alitan sa mga karaniwang pamilya, palagi nilang ipinaglalaban ang sarili nilang mga interes. Ito ang tunay na mukha ng sangkatauhan, ang tunay na kulay ng sangkatauhan. Ang sangkatauhang umusad sa kasalukuyan ay ang pareho pa ring sangkatauhan at ito pa rin ang parehong Satanas na nagtitiwali sa sangkatauhan. Kahit na unti-unting nagbabago ang panlabas na kapaligiran, hindi ito nangangahulugang nagbago na ang kalikasan ng tao. Bagama’t maaaring medyo nagbago na ang mga pamamaraan at diskarte ng mga alitan ng tao, ang kalikasan ng taong mahilig makipaglaban at ang pinagsimulan ng mga alitang ito ay walang anumang pinagbago. Iisa pa rin ang kalikasan ng tao, at iisa pa rin ang mithiin at iisa ang pinagmumulan ng mga alitang ito—walang anumang pinagbago ang mga bagay na ito. Sinabi ninyo na mas mabuti ang mga tao noon. Sa anong paraan sila mas mabuti? Medyo napipigilan sila ng tradisyonal na kultura, kaya medyo kaya nilang gumawa ng ilang mabuting gawa. Ngayon ay umusad na ang sangkatauhan hanggang sa panahong ito, at gaano man kataas ang kalidad ng buhay, gaano man karaming kaalaman o kataas ang edukasyong makuha ng mga tao, o gaano man kalawak ang kanilang karanasan, hindi nagbago ang kalikasan ng tao. Dagdag pa, sa pag-unlad ng lipunan, ang mga paghahayag ng kalikasan ng tao ay lalong nagiging buktot, lantaran, at imoral. Kahit gaano pa karaming salita ang bigkasin ng Diyos o gaano karaming katotohanan ang Kanyang ipahayag, binabalewala ng mga tao ang mga iyon. Hindi talaga minamahal ng mga tao ang katotohanan, sa halip ay lalo pa silang nagiging tutol sa katotohanan, at lalo pa silang napopoot dito. May mga tao pa bang gumagawa ng mabubuting bagay sa lipunan ngayon? (Mayroon, ngunit mas kaunti na kaysa sa dati.) Kung gayon, masasabi mo bang mabuti ang mga taong ito, at na hindi sila naging masama? (Hindi.) Tiyak bang hindi sila namumuhay nang hindi naiimpluwensiyahan ng iba? Ano bang uri ng mabubuting bagay ang kanilang ginagawa? Mabubuting pag-uugali at mabubuting layunin lamang ang mga iyon. Kung kakausapin mo sila tungkol sa mga usapin ng pananampalataya sa Diyos, gaya ng pananampalataya sa Diyos upang maging mabuting tao at sumamba sa Diyos, obserbahan mo ang mga reaksyon nila. Kung malalaman nilang uusigin ng pamahalaan ang mga tao kung sasampalataya ang mga ito sa Diyos, tatratuhin ka nila bilang kaaway at kukutyain ka nila. Kung ikaw ay tinutugis at inuusig, at susubukan mong sandaling magtago sa mga tahanan nila, isusuplong ka nila at isusuko sa pamahalaan. Dadalhin nila sa ospital ang isang biktima ng aksidente sa sasakyan upang iligtas ang buhay nito, subalit ibibigay rin nila ang isang mabuting taong sumasampalataya sa Diyos sa mga kamay ng masasamang demonyo, upang maabuso ito o mausig pa nga hanggang sa mamatay. Paano mo ito ipaliliwanag? Aling pag-uugali ang sumasalamin sa kalikasan nila? Ang pangalawang nabanggit ang kalikasan nila. Inililigtas nila ang ibang tao, at inilalagay rin nila ang ibang tao sa mga nakamamatay na sitwasyon. Mga tao ba o mga demonyo ang gayong mga tao? Kung may isang araw lang na hindi iwawaksi ng isang tao ang kanyang satanikong kalikasan, makakaya niyang gumawa ng kasamaan at lumaban sa Diyos. Basta’t kaya niyang lumaban sa Diyos, hindi siya isang mabuting tao. Tama ba ang pahayag na ito? (Oo.) Ano ang tama tungkol dito? (Ang isinasagawa niya ay hindi ang katotohanan. Kahit gaano pa kabuti ang kanyang mga panlabas na kilos at pag-uugali, ang kanyang kalikasan ay mapanlaban pa rin sa Diyos.) Ang kanyang kalikasan ay mapanlaban sa Diyos. Totoo ang pahayag na ito. Paano ba natin ipaliliwanag ang pahayag na ito? Bakit ba natin sinasabing ang isang taong mapanlaban sa Diyos ay hindi isang mabuting tao? (Ang Diyos ay isang simbolo ng lahat ng positibong bagay. Kung kaya ng isang taong maging mapanlaban sa Diyos, pawang negatibo ang nasa loob niya.) Sa teorya, ganoon iyon, at totoo ang pahayag na iyon. Kahit gaano pa kabuti o kabanal ang anyo ng isang tao sa panlabas, kahit gaano pa siya nasisiyahan sa pagtulong sa iba o gaano pa siya kabait sa iba, kung nakararamdam naman siya ng pagkasuklam at pagkamuhi kapag nakaririnig siya ng mga positibong bagay, at kung hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan kapag narinig niya ito at nakararamdam siya ng pagiging tutol dito, anong uri siya ng tao? Hindi siya isang mabuting tao. Ang mga taong kaaway ng mga positibong bagay at ng katotohanan ay hindi mabubuting tao. Sa pangkalahatan, masasabi mo iyon. Siyempre, maraming detalyeng nakapaloob dito. Hayaan mong bigyan kita ng halimbawa, at pagkatapos ay maiintindihan mo kung bakit ang pahayag na ito ang katotohanan. Halimbawa, tinatalikuran ng ilang tao ang kanilang mga pamilya dahil sumasampalataya sila sa Diyos at gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Nagiging tanyag sila dahil dito at madalas na hinahalughog ng pamahalaan ang mga bahay nila, nililigalig ang kanilang mga magulang, at pinagbabantaan pa nga ang mga ito upang isuko sila. Pinag-uusapan sila ng lahat ng kapitbahay nila, sinasabing, “Walang konsensiya ang taong ito. Wala siyang pakialam sa kanyang matatandang magulang. Bukod sa hindi siya mabuting anak sa kanyang mga magulang, nagdudulot pa siya ng napakaraming problema sa mga mga ito. Isa siyang hindi mabuting anak!” Naaayon ba sa katotohanan ang alinman sa mga salitang ito? (Hindi.) Ngunit hindi ba’t itinuturing na tama ang mga salitang ito sa mga mata ng mga walang pananampalataya? Sa mga walang pananampalataya, iniisip nilang ito ang pinakalehitimo at pinakamakatwirang paraan ng pagtingin dito, at na naaayon ito sa etika ng tao, at alinsunod sa mga pamantayan ng pag-asal ng tao. Gaano man karaming paksa ang kalakip ng mga pamantayang ito, katulad ng kung paano magpakita ng pagkamabuting anak sa mga magulang, kung paano sila aalagaan sa kanilang pagtanda at isasaayos ang kanilang mga libing, o kung gaano kalaki ang isusukli sa kanila, at naaayon man ang mga pamantayang ito sa katotohanan o hindi, sa mga mata ng mga walang pananampalataya, mga positibong bagay ang mga ito, positibong enerhiya ang mga ito, tama ang mga ito, at itinuturing ang mga ito na hindi mapipintasan sa lahat ng grupo ng mga tao. Sa mga walang pananampalataya, ang mga ito ang mga pamantayang dapat ipamuhay ng mga tao, at kailangan mong gawin ang mga bagay na ito upang maging isang sapat na mabuting tao sa kanilang mga puso. Bago mo sampalatayanan ang Diyos at maunawaan ang katotohanan, hindi ba’t matibay mo ring pinaniwalaan na ang gayong asal ay pagiging isang mabuting tao? (Oo.) Dagdag pa, ginamit mo rin ang mga bagay na ito upang suriin at pigilan ang sarili mo, at hiningi mo sa sarili mong maging ganitong uri ng tao. Kung ninais mong maging isang mabuting tao, tiyak na isinama mo ang mga bagay na ito sa mga pamantayan mo ng pag-asal: kung paano maging mabuting anak sa iyong mga magulang, kung paano mabawasan ang pag-aalala nila, kung paano sila bibigyan ng karangalan at papuri, at kung paano bibigyan ng kaluwalhatian ang iyong mga ninuno. Ang mga ito ang mga pamantayan ng pag-asal sa iyong puso at ang direksyon ng iyong pag-asal. Gayunpaman, pagkatapos mong pakinggan ang mga salita ng Diyos at ang Kanyang mga sermon, nagsimulang magbago ang iyong pananaw, at naunawaan mong kailangang mong talikdan ang lahat ng bagay upang gampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at na hinihingi ng Diyos sa mga taong umasal sa ganitong paraan. Bago ka nakatiyak na ang pagganap sa iyong tungkulin bilang isang nilikha ang katotohanan, inakala mong dapat kang maging mabuting anak sa iyong mga magulang, ngunit pakiramdam mo rin ay dapat mong gampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at nagtalo ang kalooban mo. Sa pamamagitan ng patuloy na pagdidilig at pagpapastol ng mga salita ng Diyos, unti-unti mong naunawaan ang katotohanan, at saka mo napagtantong ang pagganap sa iyong tungkulin bilang isang nililkha ay ganap na likas at may katwiran. Magpahanggang sa araw na ito, nagawa nang tanggapin ng maraming tao ang katotohanan at lubos na talikuran ang mga pamantayan ng pag-asal mula sa mga tradisyonal na kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Kapag lubos mo nang nabitiwan ang mga bagay na ito, hindi ka na mapipigilan ng mga salita ng panghuhusga at pagkokondena mula sa mga walang pananampalataya kapag sinusunod mo ang Diyos at ginagampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at madali mong maiwawaksi ang mga iyon. Kaya, bakit naglaho na sa iyong puso ang mga luma, tradisyonal na kuru-kurong iyon? Maaari kayang naging masama ka na? Naging matigas na kaya ang iyong puso at naglaho na ang iyong konsensiya? (Hindi.) Sa katunayan, hindi nagbago ang konsensiya mo, ganyan ka pa rin, at hindi nagbago ang iyong personalidad, mga kagustuhan, at mga pamantayan ng konsensiya at moralidad. Kaya, bakit hindi ka nalulungkot o nasasaktan kapag sinasabi ng mga walang pananampalataya ang mga salitang iyon ng panghuhusga at pagkokondena, at sa halip ay napapanatag at nagagalak ang iyong puso? Isa itong malaking pagbabago, paano ka naging ganito? (Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at pagkaunawa sa ilang katotohanan, nagkaroon ako ng mga tamang pamantayan ng pagsusuri, at nagawa kong kilatisin na ang kanilang mga salita ay mga maling paniniwala lang.) Ang mga walang pananampalataya ay nagpapakalat ng mga sabi-sabi tungkol sa atin, nagsasabi na, “Pagkatapos sumampalataya ang mga taong ito sa Diyos, hindi na nila inaalagaan ang mga pamilya nila, wala na silang pagmamahal sa mga pamilya nila, at masyado na silang malamig—nagiging katulad na sila ng mababagsik na hayop.” Maaaring magmukhang ganoon nga sa panlabas, ngunit hindi ito ang realidad. May isang pangunahing problema rito na imposibleng makita ng mga nabubulagang tao. Maaari kaya talagang pinatitigas ng katotohanan ang puso ng mga tao pagkatapos nilang magsimulang sumampalataya sa Diyos? (Hindi.) Kaya, ano ba talaga ang nangyayari? (Nagbago na ang mga pananaw ng mga mananampalatayang iyon sa mga bagay-bagay; naunawaan na nila ang katotohanan at nagkaroon na sila ng pagkilatis.) Ito ay isang resultang nakamit sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Paano nakamit ang resultang ito? Ano ang bumago sa iyong pananaw sa mga bagay-bagay? Kailan ito nagsimulang magbago? Ang mga salita ng Diyos ang bumabago sa mga pananaw ng mga tao, binabago ang lahat ng pananaw nila sa buhay at sa iba’t ibang bagay, ginagawa silang naiiba sa mga walang pananampalatayang iyon.

Dati, palaging kumikilos ang mga tao batay sa kanilang mga konsensiya at ginagamit nila ang mga ito para sukatin ang lahat. Laging kailangang makapasa ang mga tao sa pagsubok ng konsensiya, lagi nilang iniisip na katakot-takot na bagay ang tsismis, at natatakot silang mapagtawanan o magkaroon ng masamang reputasyon, o matawag na “walang konsensiya, isang masamang tao.” Kaya, atubili silang nagsasabi at gumagawa ng mga bagay-bagay para makiayon sa kapaligiran. Paano na dapat sukatin ang mga bagay na ito ngayon? (Sa pamamagitan ng mga katotohanang prinsipyo.) Kumusta ba ang mga bagay-bagay noon, noong nakatali ang buhay ng mga tao sa mga kuru-kuro at maling pag-iisip ng mga walang pananampalataya? Halimbawa, mula noong maliit ka pa, palagi kang tinuturuan ng mga magulang mo ng mga salitang tulad ng: “Paglaki mo, dapat maipagmalaki ka namin; kailangan mong magdala ng karangalan sa ating pamilya!” Ano ba ang mga salitang ito sa iyo? Pagpapalakas ng loob, o pagpipigil? Isang positibong impluwensiya, o isang uri ng negatibong pagkontrol? Sa katunayan ay isang uri ng pagkontrol ang mga iyon. Nagtakda ang mga magulang mo ng isang layunin para sa iyo batay sa kung anong pahayag o teorya na sa palagay ng mga tao ay tama at mabuti, itinutulak kang mabuhay sa paglilingkod sa layuning iyon, at sa huli ay nawawalan ka ng kalayaan. Bakit humantong ka sa pagkawala ng iyong kalayaan at pagkahulog sa kontrol nito? Dahil iniisip ng mga tao na ang pagdadala ng karangalan sa kanilang pamilya ay isang mabuting bagay na dapat magawa. Kung hindi ka sang-ayon sa isiping iyon o hindi nag-aasam na gumawa ng mga bagay na nagdadala ng karangalan sa iyong pamilya, ituturing kang isang hangal na walang silbi, isang walang pakinabang na talunan, at mamaliitin ka ng mga tao. Upang maging matagumpay, kailangan mong mag-aral nang mabuti, magkamit ng higit pang mga kasanayan, at magdala ng karangalan sa pangalan ng iyong pamilya. Sa ganoong paraan, hindi ka aapihin ng mga tao sa hinaharap. Hindi ba’t, samakatuwid, ang lahat ng bagay na ginagawa mo alang-alang sa layuning ito ay mga tanikalang gumagapos sa iyo? (Ganoon nga.) Yamang ang paghahangad sa tagumpay at pagdadala ng karangalan sa pamilya ang hinihingi ng mga magulang mo, at yamang kumikilos sila para sa kapakanan mo upang magkaroon ka ng magandang buhay at maipagmalaki ng pamilya mo, natural lamang na aasamin mo ang gayong pamumuhay. Pero sa totoo, ang mga bagay na ito ay uri ng mga paghihirap at tanikala. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, iniisip nila na ang mga bagay na ito ay positibo, ang katotohanan, ang tamang daan, at samakatuwid, ipinagwawalang-bahala nila ang mga iyon at sinasang-ayunan ang mga ito o sinusunod ang mga ito, at sumusunod talaga sila sa mga salita at hinihinging nagmumula sa kanilang mga magulang. Kung nabubuhay ka ayon sa mga salitang ito, nagsisikap at iniaalay ang iyong kabataan at iyong buong buhay sa mga ito, at sa wakas ay naabot mo na ang rurok, nagkaroon ka ng magandang buhay, at naipagmalaki ng iyong pamilya, maaaring pambihira ka sa ibang tao, pero sa loob, lalo kang nagiging hungkag. Hindi mo alam kung ano ang punto ng buhay, o kung anong destinasyon ang dala ng hinaharap, o kung anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao sa buhay. Wala kang anumang naunawaan o nakamit tungkol doon sa mga misteryo ng buhay na inaasam-asam mo ang mga kasagutan, at gusto mong malaman, at gusto mong maunawaan. Hindi ba’t sa totoo ay nasira ka ng mabubuting layunin ng iyong mga magulang? Hindi ba’t nasira ang kabataan at ang buong buhay mo sa mga hinihingi ng mga magulang mo, na sa mga salita nila ay “para sa kapakanan mo”? (Ganoon nga.) Kaya, tama ba o mali ang mga magulang mo na humingi ng mga bagay na “para sa iyong kapakanan”? Maaaring totoong iniisip ng mga magulang mo na kumikilos sila para sa kapakanan mo, pero sila ba ay mga taong nakauunawa sa katotohanan? Taglay ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Maraming tao ang naggugugol sa kanilang buong buhay sa pakikinig sa mga salita ng mga magulang nila, “Kailangan ay maipagmalaki ka namin, kailangan kang magdala ng karangalan sa pamilya”—mga salitang nagbibigay-inspirasyon sa kanila, at nakaiimpluwensiya sa buong buhay nila. Kapag sinasabi ng mga magulang na, “Para ito sa kapakanan mo,” nagiging udyok ito sa buhay ng isang tao, nagbibigay ng direksyon at layunin para pagtrabahuhan. Bilang resulta, gaano man kakaakit-akit ang buhay ng taong iyon, gaano man karangal at kamatagumpay ito, sa totoo ay sira na ang kanyang buhay. Hindi ba’t ganoon nga? (Ganoon nga.) Nangangahulugan ba ito na kung hindi nabubuhay ang isang tao ayon sa mga hinihingi ng kanyang mga magulang ay hindi siya nasira? Hindi; may sarili rin siyang layunin. Ano ang layuning iyon? Ganoon pa rin iyon, gaya ng “magkaroon ng magandang buhay at maipagmalaki ng kanyang mga magulang,” hindi dahil sinabi sa kanya ng mga magulang niya, kundi dahil tinanggap niya ang layuning ito mula sa iba. Gusto pa rin niyang mabuhay batay sa mga salitang ito, at maipagmalaki ng kanyang mga magulang, at maabot ang rurok, at maging isang kagalang-galang, marangal na tao. Hindi nagbago ang kanyang layunin; iniaalay pa rin niya ang buong buhay niya, at buong buhay niyang sinusubukang kamtin ang mga bagay na ito. Kaya naman, kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at marami silang tinatanggap na diumano ay mga tamang doktrina, tamang pahayag, at tamang pananaw na nangingibabaw sa lipunan, ginagawa nilang direksyon, saligan, at motibasyon ang mga tamang bagay na ito para sa mga sarili nilang pagsisikap sa buhay. Sa huli, walang pagkokompromiso at walang pasubaling nabubuhay ang mga tao alang-alang sa mga layuning ito, nagpapakahirap sa buhay hanggang sa sila ay mamatay, sa puntong iyon, ang ilan ay hindi pa rin handang makita ang katotohanan. Kaawa-awa ang buhay ng mga tao! Gayunman, sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan, hindi ba’t pagkatapos ay unti-unti mong iniiwan ang diumano ay mga tamang bagay, tamang aral, at tamang pahayag, pati na ang mga inaasahan sa iyo ng mga magulang mo? Sa sandaling unti-unti mong iwanan ang diumano ay mga tamang bagay na ito, at ang pamantayan kung saan mo sinusukat ang mga bagay-bagay ay hindi na nakabatay sa mga pahayag ng tradisyonal na kultura, hindi ba’t kung ganoon ay hindi ka na nakagapos sa mga pahayag na iyon? At kung hindi ka na nakagapos sa mga bagay na ito, malaya ka na bang mabubuhay? Maaaring hindi ka pa maging ganap na malaya noon, pero kahit paano ay lumuwag na ang mga tanikala. Sa kanilang paniniwala sa Diyos, ang mga tao ay marami pa ring kuru-kuro, imahinasyon, layunin, at karumihan, pati na mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, mga mapanlinlang na kaisipan, mga tiwaling kalikasan, at iba pa. Kapag nalutas na ang mga bagay na ito, at ganap nang nakakapamuhay ang mga tao batay sa katotohanan, mamumuhay sila sa harapan ng Diyos at magiging tunay na maginhawa at malaya.

Ano ang unang priyoridad pagdating sa paghahangad at pagkakamit sa katotohanan ngayon? Ito ay ang suriin muna ang mga mapanlihis na maling paniniwala at kasabihang dati ninyong inakalang tama at na nabibilang sa mga tradisyonal na kuru-kuro, at ang iwaksi ang mga iyon sa sandaling lubusan na ninyong maunawaan ang diwa ng mga iyon. Ang mga bagay na ito ang unang hanay ng mga tanikalang gumagapos sa mga tao. Ngayon, ilan sa mga bagay na ito ang isinasapuso pa ninyo? Ganap na ba ninyong naiwaksi ang mga ito? (Hindi pa.) Madali bang iwaksi ang mga bagay na ito? Halimbawa, may ilang taong gustong gampanan ang kanilang mga tungkulin ngunit pakiramdam din nila ay dapat nilang igalang ang kanilang mga magulang, na may kaakibat na mga damdamin. Kung patuloy mo lang na pupungusan ang iyong mga damdamin, sasabihin sa sarili mong huwag isipin ang mga magulang at pamilya mo, at isipin lang ang Diyos at tumuon sa katotohanan, ngunit hindi mo pa rin mapigilang isipin ang iyong mga magulang, hindi nito malulutas ang pundamental na problema. Upang malutas ang problemang ito, kailangan mong suriin ang mga bagay na inakala mong tama, pati na ang mga kasabihan, kaalaman, at teoryang minana mo at na naaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Dagdag pa rito, kapag nakikitungo sa iyong mga magulang, tinutupad mo man ang iyong mga obligasyon bilang isang anak na alagaan sila, dapat ay ganap itong nakabatay sa iyong mga personal na kalagayan at sa mga pamamatnugot ng Diyos. Hindi ba’t lubos nitong naipaliliwanag ang usapin? Kapag iniiwanan ng ilang tao ang kanilang mga magulang, pakiramdam nila ay malaki ang utang na loob nila sa kanilang mga magulang at na wala silang ginagawa para sa mga ito. Ngunit kapag kasama naman nila ito sa bahay, hindi talaga sila mabubuting anak sa kanilang mga magulang, at hindi nila tinutupad ang alinman sa kanilang mga obligasyon. Isa ba itong tunay na mabuting anak? Pagsasabi ito ng mga walang kabuluhang salita. Anuman ang gawin, isipin, o planuhin mo, hindi mahalaga ang mga bagay na iyon. Ang mahalaga ay kung kaya mong unawain at tunay na paniwalaan na ang lahat ng nilikha ay nasa mga kamay ng Diyos. Taglay ng ilang magulang ang pagpapala at tadhanang makapagtamasa ng kaligayahan sa tahanan at ng saya ng isang malaki at masaganang pamilya. Kataas-taasang kapangyarihan ito ng Diyos, at isa itong pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa kanila. May ilang magulang na walang ganitong kapalaran; hindi ito isinaayos ng Diyos para sa kanila. Hindi sila pinagpalang matamasa ang pagkakaroon ng isang masayang pamilya, o matamasa ang pananatili ng kanilang mga anak sa piling nila. Pamamatnugot ito ng Diyos at hindi ito maipipilit ng mga tao. Anuman ang mangyari, sa huli, pagdating sa pagiging mabuting anak, kahit papaano ay dapat na magkaroon ang mga tao ng mentalidad ng pagpapasakop. Kung pinahihintulutan ng kapaligiran at may paraan ka upang gawin ito, maaari mong pakitaan ng pagiging mabuting anak ang iyong mga magulang. Kung hindi pinahihintulutan ng kapaligiran at wala kang paraan, huwag mong subukang ipilit ito—ano ang tawag dito? (Pagpapasakop.) Pagpapasakop ang tawag dito. Paano ba nagkakaroon ng ganitong pagpapasakop? Ano ba ang batayan ng pagpapasakop? Ito ay nakabatay sa lahat ng bagay na ito na isinasaayos ng Diyos at pinamamahalaan ng Diyos. Bagama’t maaaring naisin ng mga taong pumili, hindi nila magagawa iyon, wala silang karapatang pumili, at dapat silang magpasakop. Kapag nararamdaman mong dapat magpasakop ang mga tao at na ang lahat ng bagay ay pinamamatnugutan ng Diyos, hindi ba’t mas nagiging kalmado ang iyong puso? (Oo.) Kung gayon ay makararamdam pa rin ba ng pang-uusig ang iyong konsensiya? Hindi na ito palaging makararamdam ng pang-uusig, at hindi na mangingibabaw sa iyo ang ideya ng hindi pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang. Paminsan-minsan, maaari mo pa rin itong maisip dahil ang mga ito ay normal na kaisipan o likas na damdaming nakapaloob sa pagkatao, at walang sinumang makaiiwas sa mga ito. Halimbawa, kapag nakita nilang may sakit ang nanay nila, ang mga normal na tao ay nababagabag at nagnanais na sila na lang sana ang magdusa sa halip na ang kanilang ina. Sinasabi ng ilang tao, “Kung puwede lang sanang gumaling ang nanay ko, kahit na ang kapalit nito ay iikli ang buhay ko nang ilang taon!” Ito ang positibong aspekto ng pagkatao; likas na damdamin ito ng tao. Kaya, kapag nakikita mong may sakit ang nanay mo at nababagabag ka, problema ba ang kalungkutang ito? Hindi ito problema, dahil isa itong bagay na dapat taglayin ng normal na pagkatao. Ang pagkabagabag ng iyong puso ay isang mabuting bagay; pinatutunayan nitong may puso ka at na may pagkatao ka. Sa mundong ito, ang nanay mo ang taong isinaayos ng Diyos na maging pinakamalapit sa iyo. Kung may sakit at nahihirapan siya, at wala kang pakialam, tao ka pa ba? Kung sasabihin mo, “Wala akong pakialam sa kanya at wala akong pakialam sa paghihirap niya, nasasaktan lang ako kapag nasasaktan ang Diyos!” Totoo ba ang pahayag na ito? Hindi ito totoo; mali ito. Ang nanay mo ang nagsilang sa iyo, pinalaki ka niya sa loob ng mahabang panahon, siya ang taong pinakamalapit sa iyo, at siya ang pinakanagmamahal sa iyo. Kapag siya ay nagkakasakit at nasasaktan, kung hindi nababagabag ang puso mo, malamang na napakatigas ng puso mo! Hindi ito normal; huwag mong sikaping maging ganitong uri ng tao. Normal na normal lang na mabagabag tungkol dito, ngunit kung titigil ka sa pagganap sa iyong tungkulin dahil sa pagkabagabag na ito at magrereklamo ka tungkol sa Diyos, normal ba ito? (Hindi ito normal.) Bakit hindi ito normal? Dahil ang iyong pag-iisip ay hindi naaayon sa katotohanan at hindi ito ang dapat na taglayin ng normal na pagkatao, hindi ito normal. Taglay ng mga tao ang kalikasan ni Satanas, namumuhay sila ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya’t kaya nilang labagin ang katotohanan at mawalan ng konsensiya at katwiran, katulad ng biglang pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip. Hindi ito normal, kaya paano ito nangyayari? Ito ay dulot ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Sa sandaling mahayag ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya na nilang labanan ang Diyos kahit kailan at kahit saan, at kaya nilang makabuo ng ilang kaisipan na hindi naaayon sa katotohanan at na naghihimagsik laban sa Diyos kapag naisipan nila kahit kailan at kahit saan. Ganoon iyon.

Ang lahat ng tiwaling tao ay may mga damdamin at madalas silang napipigilan ng mga ito, na nagdudulot sa kanilang hindi makapagpasakop sa Diyos o makakilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Upang magkaroon ng pagpapasakop sa Diyos, dapat na lutasin ng isang tao ang usapin ng mga damdamin. Aling uri ng mga damdamin ang pinakanakahahadlang sa mga tao na maisagawa ang katotohanan at ang dapat na maiwaksi? Aling uri ng mga damdamin ang bahagi ng dapat na taglayin ng normal na pagkatao at hindi naman isang problema? Aling uri ng mga damdamin ang nabibilang sa tiwaling disposisyon? Dapat ay malinaw na makilatis ang mga bagay na ito. Halimbawa, sabihin nang naapi ang iyong anak, at bilang kanyang nanay, poprotektahan mo siya at hahanapin ang pamilyang nang-api sa iyong anak upang paliwanagan sila—normal ba ito? Anak mo iyon, kaya angkop at normal na protektahan mo siya. Ngunit kung mang-aapi ang iyong anak ng ibang bata, kung mang-aapi pa siya ng mababait na bata, at nakikita mo ito ngunit wala kang pakialam, at naniniwala kang nakatutuwa ang anak mo, at palihim mo pa siyang tinuturuang manakit ng ibang tao, at kapag pinupuntahan ka ng ibang tao upang paliwanagan ka, pinagtatanggol mo pa rin ang iyong anak, tama ba ang pag-uugaling ito? Hindi ito tama. Ano ang problema sa pag-uugaling ito? Ito ay nauudyukan ng mga damdamin. Bakit Ko sinasabing nauudyukan ito ng mga damdamin? Iniisip mong hindi katanggap-tanggap na apihin ng ibang tao ang anak mo, at kung medyo magdurusa ang anak mo, agad kang kikilos upang lutasin ang problema at hihingi ka ng paliwanag, kaya bakit bulag ka sa pang-aapi ng anak mo sa mga anak ng ibang tao? Hinihikayat mo pa ang anak mong manakit ng iba, hindi ba’t mapaminsala iyon? Ang mga taong gumagawa nito ay may mapaminsalang disposisyon. Paano ito maipaliliwanag sa usapin ng mga damdamin? Ano ang nagbibigay-katangian sa mga damdamin? Tiyak na hindi ang anumang positibo. Ito ay nakatuon sa mga pisikal na relasyon at nagbibigay-kasiyahan sa mga kagustuhan ng laman. Paboritismo, pagtatanggol sa mga kakulangan ng iba, pagkagiliw, pagpapalayaw, at pagpapakasasa ay lahat nasa ilalim ng mga damdamin. Ang ilang tao ay masyadong nagtitiwala sa mga damdamin, tumutugon sila sa anumang nangyayari sa kanila batay sa kanilang mga damdamin; sa kanilang puso, alam na alam nilang mali ito, gayunpaman ay hindi pa rin nila magawang maging obhetibo, lalo na ang kumilos ayon sa prinsipyo. Kapag palaging napipigilan ng mga damdamin ang mga tao, kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? Napakahirap nito! Ang kawalan ng kakayahan ng maraming tao na isagawa ang katotohanan ay pangunahing bunga ng mga damdamin; itinuturing nila ang mga damdamin bilang napakahalaga, inuuna nila ang mga ito. Mga tao ba sila na nagmamahal sa katotohanan? Tiyak na hindi. Ano ang mga damdamin, sa diwa? Ang mga ito ay uri ng tiwaling disposisyon. Ang mga pagpapamalas ng mga damdamin ay mailalarawan gamit ang ilang salita: paboritismo, pagprotekta sa iba nang walang prinsipyo, pagpapanatili ng mga pisikal na relasyon, at pagkiling; ito ang mga damdamin. Ano ang mga posibleng kahihinatnan ng pagkakaroon ng mga tao ng mga damdamin at pamumuhay ayon sa mga ito? Bakit pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga damdamin ng mga tao? Ang ilan ay palaging napipigilan ng kanilang mga damdamin, hindi nila maisagawa ang katotohanan, at bagamat nais nilang magpasakop sa Diyos, hindi nila magawa, kaya pakiramdam nila ay pinahihirapan sila ng kanilang mga damdamin. Maraming tao ang nakakaunawa sa katotohanan ngunit hindi ito maisagawa; ito rin ay dahil napipigilan sila ng mga damdamin. Halimbawa, nililisan ng ilang tao ang kanilang tahanan upang gampanan ang kanilang mga tungkulin, ngunit araw-gabi nilang iniisip ang kanilang pamilya, at hindi nila magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t problema ito? Ang ilang tao ay may lihim na nagugustuhang tao, at ang taong iyon lang ang may puwang sa kanilang puso, na nakaaapekto sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t problema ito? Hinahangaan at iniidolo ng ilang tao ang iba; wala silang ibang pinakikinggan kundi ang taong iyon, hanggang sa puntong ni hindi na sila nakikinig sa sinasabi ng Diyos. Kahit na may ibang taong nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, ayaw nila itong tanggapin; ang mga salita lang ng taong iyon ang pinakikinggan nila, ang mga salita ng idolo nila. Ang ilang tao ay may iniidolo sa kanilang puso, at hindi nila pinahihintulutan ang ibang taong magsalita tungkol sa kanilang idolo o banggain ito. Kung may magsasalita tungkol sa mga problema sa idolo nila, nagagalit sila at kinakailangan nilang ipagtanggol ang kanilang idolo at baligtarin ang mga salita ng taong iyon. Hindi nila hinahayaang dumanas ang kanilang idolo ng kawalang-katarungan nang hindi nila naipagtatanggol at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila upang protektahan ang reputasyon ng idolo nila; gamit ang kanilang mga salita, ang mga kamalian ng kanilang idolo ay nagiging tama, at hindi nila hinahayaan ang mga taong magsabi ng totoo o ilantad ang kanilang idolo. Hindi ito katarungan; mga damdamin ang tawag dito. Nakapatungkol lang ba ang mga damdamin sa pamilya ng isang tao? (Hindi.) Napakalawak ng saklaw ng mga damdamin; ang mga iyon ay isang uri ng tiwaling disposisyon, ang mga iyon ay hindi lamang tungkol sa mga ugnayan ng laman ng mga miyembro ng pamilya, hindi limitado sa ganoong saklaw ang mga iyon. Maaari ding magkaroon ng kinalaman ang mga iyon sa nakatataas sa iyo, o sa isang taong pumabor o tumulong sa iyo, o sa isang taong pinakamalapit sa iyo o kasundo mo, o sa kababayan o kaibigan mo, o maging sa isang taong hinahangaan mo—paiba-iba ito. Kung gayon, ang pagwawaksi ba ng mga damdamin ay kasing simple lang ng hindi pag-iisip sa iyong mga magulang o pamilya? (Hindi.) Napakadali bang magwaksi ng mga damdamin? Karamihan sa mga tao, kapag trenta ayos na sila at kaya na nilang mamuhay nang nagsasarili, hindi na sila masyadong nangungulila sa kanilang tahanan, at kapag nasa edad kwarenta na sila, nagiging ganap na normal na ito. Kapag wala pa sa hustong gulang ang mga tao, labis silang nangungulila sa kanilang tahanan at hindi nila maiwan ang kanilang mga magulang dahil hindi pa nila taglay ang kakayahang mamuhay nang nagsasarili. Normal lang na mangulila sa iyong pamilya at mangulila sa iyong mga magulang. Hindi ito isang usapin ng mga damdamin. Kapag ang iyong saloobin at pananaw sa paggawa ng mga bagay-bagay ay nakokontamina ng mga damdamin, saka ito nagiging usapin ng mga damdamin. Dahil magkadugo kayo ng iyong mga magulang sa antas ng laman, at magkasama kayong namuhay sa loob ng napakaraming taon, normal lang na mangulila ka sa iyong mga magulang. May ilang taong nagsasabing hindi talaga sila nangungulila sa kanilang mga magulang, ngunit marahil ay kaaalis lang nila sa kanilang tahanan, at ang lahat ng nakikita nila ay kakaiba at bago, sa wakas ay natakasan na nila ang pangungulit ng kanilang mga magulang, at wala nang sumusubok na kontrolin sila, kaya masaya sila. Ngunit ibig bang sabihin ng pagiging masaya ay wala na silang mga damdamin? Hindi ganoon iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Ilang taon na akong sumasampalataya sa Diyos, at may ilang katotohanan na akong naunawaan. Ginagampanan ko ang aking tungkulin nang hindi talaga napipigilan ng mga damdamin at wala na akong mga damdamin.” Praktikal ba ang pahayag na ito? Malinaw na mga salita ito ng isang taong hindi nakauunawa sa katotohanan. Kapag ang mga tao ay nakikinig sa maraming sermon, nakauunawa ng ilang salita at doktrina, at nakapagtatalakay ng ilang espirituwal na teorya, iniisip nila, “Lumago na ang aking tayog at marami na akong katotohanang nauunawaan. Kung maaaresto ako, hindi ako magiging isang Hudas. Kahit papaano ay taglay ko ang pananampalataya at determinasyong ito. Hindi ba’t tayog ito? Kapag inaalala ko ang kasiglahan ko noong una akong sumampalataya sa Diyos, handa ako noon na ialay ang buong buhay ko sa Diyos. Ang kasiglahan at pangakong iyon ay hindi nagbago at hindi nabawasan kahit kaunti. Hindi ba’t pag-usad ito?” Isa ba itong paimbabaw na penomena? (Oo.) Paimbabaw na penomena ang lahat ng ito. Kung nais ng mga taong magkaroon ng tunay na pag-usad, kailangan nilang maunawaan ang katotohanan. Makagagawa ba ng tunay na pagbabago ang pagkakaroon ng kakayahang magtalakay ng mga doktrina at espirituwal na teorya? (Hindi ito makagagawa ng tunay na pagbabago.) Kung ni hindi mo malutas ang sarili mong mga problema at hindi mo maisagawa ang alinman sa katotohanan, magiging kapaki-pakinabang ka ba sa iba? Walang saysay ang pakikinig lang sa mga sermon at pag-unawa sa mga doktrina; kailangan mong isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, kailangan mo itong isagawa; saka ka lamang magtataglay ng realidad. Mauunawaan mo lang nang mas malalim ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsasagawa rito, matatamo mo lang ang katotohanan kapag tunay mo na itong nauunawaan, at lalago ka lang sa pamamagitan ng pagkakamit ng katotohanan.

Ano na ang nauunawaan ninyo ngayong nagbahagi na Ako sa inyo at tinulungan kayong matukoy ang pagkakaiba sa kung ano ang katotohanan at kung ano ang mga tamang salita? (Na kailangan naming tingnan ang mga bagay batay sa mga katotohanang prinsipyo, at na hindi namin maaaring tratuhin ang mga karaniwang panlabas na mabuting pag-uugali o espirituwal na doktrina bilang ang katotohanan.) Ang mabubuting pag-uugali at mga tamang kasabihan ay hindi makababago ng isang tao. Kahit gaano pa katotoo ang mga iyon, bukod sa hindi ang katotohanan ang mga iyon, wala pang kinalaman ang mga iyon sa katotohanan. Kung palagi mong pinanghahawakan ang mga iyon at itinuturing bilang ang katotohanan, hinding-hindi mo mauunawaan ang katotohanan at hinding-hindi mo makakamit ang katotohanan. Isang aspekto ito. May isa pang aspekto, ito ay: Mabibigyang-kakayahan ba ng mga espirituwal na doktrina ang isang tao na maunawaan ang katotohanan? (Hindi.) Bakit? Bagama’t ang lahat ng espirituwal na doktrina ay maituturing na mga tamang salita, hindi magreresulta ang mga iyon sa pagbabago sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Kaya, ano ba talaga ang maaasahang makababago sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao? May ilang taong nagsasabing umasa sa katotohanan, may ilang taong nagsasabing umasa sa pag-unawa at pagtanggap sa katotohanan, at may ibang nagsasabing umasa sa pagsasagawa sa katotohanan. Tama ba ang mga salitang ito? Mula sa isang literal na perspektiba, may tamang aspekto sa lahat ng ito, ngunit ang lahat ng ito ang pinakamabababaw na doktrina; ang mga doktrinang ito ay hindi makapagliligtas sa iyo o makalulutas sa mga paghihirap mo. Kapag nahaharap ka sa isang sitwasyon at sinasabi sa iyo ng mga tao na kailangan mong tanggapin ang katotohanan, sasabihin mo, “Paano ko ito matatanggap? May mga suliranin ako, at hindi ko mabitiwan ang mga iyon!” Maaari bang maging landas mo sa pagsasagawa ng katotohanan ang mga doktrinang ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na kapag nahaharap ka sa isang sitwasyon, dapat kang kumain at uminom ng mas marami pang salita ng Diyos. Maraming beses mo na itong narinig, ngunit alin sa mga paghihirap mo ang nalutas nito? Tama na kumain at uminom ng mas maraming salita ng Diyos, ngunit aling aspekto ng mga salita ng Diyos ang dapat mong kainin at inumin? Paano mo dapat iugnay ang mga iyon sa iyong mga paghihirap? Pagkatapos mong iugnay ang mga iyon sa iyong mga paghihirap, paano mo lulutasin ang mga iyon? Ano ang landas ng pagsasagawa? Aling aspekto ng katotohanan ang dapat mong gamitin upang lutasin ang iyong mga paghihirap? Hindi ba’t mga tunay na problema ang mga ito? (Oo.) Ang mga ito ang mga tunay na problema. Samakatuwid, hindi malulutas ng mga tamang doktrina ang mga praktikal na paghihirap ng mga tao, lalong hindi malulutas ng mga ito ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Ano ba talaga ang makalulutas sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Alam naman ng lahat na tanging ang katotohanan ang makalulutas sa problema ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, ngunit kung hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan, o kung hindi nila hinahanap o tinatanggap ang katotohanan, malulutas ba ang mga tiwaling disposisyon nila? (Hindi.) Samakatuwid, upang malutas ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao, kailangan niyang danasin ang gawain ng Diyos. Ibig sabihin, madadalisay lang ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao sa pamamagitan ng pagdanas sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Hinihingi nito sa mga tao na maghangad sa katotohanan at makiisa sa gawain ng Diyos upang magkamit ng mga resulta. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at tutuon ka lang sa pag-unawa sa mga espirituwal na doktrina, nang ni hindi nalalaman kung ang mga iyon ang katotohanan o hindi, ngunit tinatanggap ang mga iyon bilang ang katotohanan, malulutas ba nito ang mga tiwaling disposisyon mo? Dagdag pa rito, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, kapag nagpapakita ka ng tiwaling disposisyon, makikilatis mo ba ito? Maihahambing mo ba ito sa mga salita ng Diyos? Isandaang porsiyento ang katiyakan na hindi mo ito magagawa. Maaaring pikit-mata kang gumamit ng mga regulasyon, na lalo namang hindi makalulutas ng mga tiwaling disposisyon mo. Ano ang pinakamahalagang bagay sa paglutas sa mga tiwaling disposisyon? Ang pinakamahalagang bagay ay dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan. Sa ngayon, itinuturing ng karamihan ang mga doktrina bilang ang katotohanan at hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan. Katulad ng halimbawa ng mga damdamin na Aking binanggit, ang unang paraan ng nanay ay ang protektahan ang kanyang anak sa pang-aapi, na makatwiran naman. Sa inyong pananaw, “Mga damdamin ito, hindi mo pwedeng gawin iyon. Dapat na punahin at kondenahin ang ganitong pag-uugali.” Tinutukoy ninyong mga bagay na lumalabag sa katotohanan ang mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan, na walang kaugnayan sa katotohanan, at, sa katunayan ay ang ilang bagay na dapat na likas na gawin ng mga tao, at pagkatapos ay tinatanggihan ninyo ang mga bagay na iyon. Iniisip ninyong ang pagsunod sa prinsipyong ito ay pagsasagawa sa katotohanan. At tungkol naman sa pangalawang paraan ng pangungunsinti ng nanay sa pang-aapi ng kanyang anak sa mga anak ng ibang tao, kapag talagang may kinalaman ito sa pagpapakita ng isang tiwaling disposisyon at pagsasagawa sa katotohanan, iniisip mo, “Basta’t hindi ito paggawa ng kasamaan, hindi ito ganoon kalaking problema.” Bakit may mga ganoon kang kaisipan at pagkaunawa? (Dahil hindi namin nauunawaan ang katotohanan.) Narito ang problema! Kaya, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kadalasan ay pinipili ng mga tao ang isang pamamaraang sa tingin nila ay tama, at inaakala nilang isinasagawa nila ang katotohanan. Sa maraming pagkakataon, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, magagamit at masusunod lang ng mga tao ang mga regulasyon, at kapag nahaharap sa mga usapin, hindi nila alam kung paano pangangasiwaan ang mga ito, kaya itinuturing nila ang pagsunod sa mga regulasyon bilang pagsasagawa sa katotohanan. Magkakamit ba ng pag-usad sa buhay ang mga taong sumasampalataya sa Diyos nang ganito? Magkakamit ba sila ng pagkaunawa sa katotohanan at makapapasok ba sila sa realidad? Maraming taong naniniwalang ang kakayahang magtalakay ng mga salita at doktrina ay pag-unawa sa katotohanan at pagiging angkop na mananampalataya ng Diyos. Kung gayon, bakit nagpapakita pa rin sila ng mga tiwaling disposisyon sa maraming usapin? Bakit hindi nila malutas ang mga praktikal na problemang kanilang hinaharap? Pinatutunayan nitong ang kakayahang magtalakay ng mga salita at doktrina ay hindi talaga pag-unawa sa katotohanan. Kahit gaano pa karaming doktrina ang kaya mong talakayin, hindi nito pinatutunayang nagkamit ka na ng katotohanan. Dapat ay magawa mong lutasin ang mga praktikal na problema at hanapin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, iyon lang ang tunay na pag-unawa sa katotohanan. Maraming taong nag-iisip na basta’t kaya nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin, magdusa, at magbayad ng halaga, kahit ano pang mga tiwaling disposisyon ang kanilang ihayag, hindi ito malaking problema. Iniisip nilang basta’t ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, basta’t kaya nilang magdusa, at hindi magreklamo tungkol sa Diyos, ibig sabihin ay minamahal na nila ang Diyos at nagpapakita na sila ng katapatan. Maraming pagkakataon kung saan, dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nagpapakita sila ng ilang mabuting layunin, ngunit sa katunayan ay nagagambala at nagugulo nila ang gawain ng iglesia, subalit iniisip nilang iniingatan nila ang mga interes ng Diyos at ng sambahayan ng Diyos. Ano ba ang nangyayari? Nangyayari ito dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at wala silang praktikal na kaalaman tungkol sa katotohanan, na nagdudulot sa kanilang palaging gumawa ng mga bagay na taliwas sa katotohanan. Samantala, inaakala nila na ginagawa nila ang tama, na naisagawa nila ang katotohanan, at na natupad nila ang mga layunin ng Diyos. Ito ang pinakamalaking suliranin nila. Bagama’t isa itong suliranin, palaging may paraan upang lutasin ito. Ang tanging paraan ay na sa tuwing nahaharap ka sa problema at nagpapakita ka ng tiwaling disposisyon, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili at hanapin ang katotohanan upang maunawaan ito. Hangga’t may mga tiwaling disposisyon sa kalooban mo, maraming uri ng kalagayan ang lilitaw sa iyo. Kapag namumuhay ang mga tao sa iba’t ibang kapaligiran at kalagayan, maghahayag sila ng ilang kaisipan, pananaw, at layunin—ang mga ito ang mga totoo nilang panloob na kalagayan. Sa pamamagitan ng pagmamasid sa mga kaisipan, pananaw, at layunin ng mga tao, makikita mo ang kanilang mga disposisyon at malalaman kung ano ang kanilang mga kalikasan. Sa pamamagitan ng pagninilay sa iyong sarili at pagkilatis sa iba sa ganitong paraan, madaling makakakuha ng mga resulta. Sa pamamagitan ng pagtuklas sa sarili mong mga tiwaling disposisyon at lubos na pag-unawa sa diwa ng mga iyon ay saka ka lang lubos na makapagkakamit ng mga resulta sa pagkilala sa iyong sarili. Pagkatapos ay likas ka nang magkakaroon ng landas kung paano mo dapat hanapin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon. Basta’t kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, maaaring madalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at madaling malulutas ang problema ng kanilang katiwalian. Kung hindi kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, hinding-hindi magkakaroon ng pagbabago ang kanilang mga buhay disposisyon. Ngayon, handa na kayong lahat na hangarin ang katotohanan, kaya dapat ninyong pagtuunan ang katotohanan.

Upang malutas ang kalikasan ng mga tao, kailangan nating hukayin ang pinakaugat nito, at ang mga disposisyon ng mga tao, sa halip na ang mga paraan ng paggawa ng mga tao sa mga bagay-bagay. Hindi rin natin dapat bigyang-diin ang mga obhetibong dahilan at kondisyon, sa halip ay dapat natin itong ihambing sa katotohanan. Ang katotohanang ipinapahayag sa mga salita ng Diyos ay nakatuon sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Gamitin nating halimbawa ang mga damdaming nabanggit kanina: Iniisip ng mga tao na ang paminsan-paminsang pangungulila ng isang tao sa kanyang mga magulang o pangungulila sa kanyang pamilya ay mga damdamin. Pareho ba ang mga ito sa tinutukoy ng Diyos na mga damdamin? (Hindi.) Kung gayon, ang mga damdaming iyong nauunawaan ay hindi maaaring itumbas sa mga damdaming sinasabi ng Diyos. Ang mga damdaming sinasabi mo ay nabibilang sa mga normal na kalagayan ng tao, hindi nabibilang ang mga iyon sa isang tiwaling disposisyon. Kung itinuturing mong mga idolo ang iyong mga kamag-anak sa laman, at dahil dito ay hindi ka sumusunod o nagpapasakop sa Diyos, masyadong matindi ang iyong mga damdamin, at nabibilang ito sa isang tiwaling disposisyon. Samakatuwid, may kinalaman ito sa isyu ng kung dalisay ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Kapag itinuturing mong mga damdamin ang iniisip mong pangungulila sa pamilya o pagiging medyo mas mabait sa mga magulang, hindi ba’t isa itong baluktot na pagkaunawa sa katotohanan? Sa katunayan, ang nauunawaan mo ay hindi ang katotohanan, at hindi ito naaayon sa katotohanan; isa lang itong panlabas na pangyayari. Ano ang mga damdaming sinasabi ng Diyos? Ang mga iyon ang pangalawang paraan ng pagtrato ng nanay sa kanyang anak na nabanggit kanina, na isang kalagayan ng paboritismo at walang prinsipyong pagpoprotekta sa isang tao. Ang mga ito ang mga damdaming inilalantad ng Diyos—ang pagpapakita ng nanay ng isang tiwaling disposisyon sa bagay na ito. Hindi ba’t malaki ang pagkakaiba ng dalawang paraang iyon? Ang unang paraan ay isang normal na penomeno, at hindi na ito kinakailangang pungusin, ni siyasatin, suriin, at lalong hindi na kinakailangan pang ikumpara ito sa katotohanan, o isagawa ang isang partikular na aspekto ng katotohanan o bitiwan ang isang bagay. Kung gayon, wasto ba ang pamamaraang ito? Kinakailangan bang kumilos sa ganitong paraan? Hindi ito kinakailangan; walang tama o mali sa paraang ito. May nakapaloob na disposisyon sa pangalawang paraan. Anong uri ng mga pagpapamalas ng mga damdamin ang may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon? (Paboritismo, pagpoprotekta sa iba nang walang prinsipyo, pagpapanatili ng mga ugnayan sa laman, at kawalan ng katarungan.) Ang mga ito ang mga bagay na kumakatawan sa mga salitang “mga damdamin” na sinasabi ng Diyos. Kung kaya mong unawain ang mga ito at tunay na iugnay ang mga bagay na ito sa iyong sarili, dapat mong pagsikapang lutasin ang mga tiwaling disposisyong ito. Kapag hindi ka na napipigilan ng mga damdaming ito ay saka lang magiging pagsasagawa sa katotohanan ang lahat ng mga kilos mo. Kung gayon, ang mga kalagayang saklaw ng mga damdamin, sa pagkaunawa mo, ay ganap na tutugma sa mga salitang “mga damdamin” gaya ng sinabi ng Diyos. Ito ang katotohanan na iyong mauunawaan. Kung hihilingin sa iyong magbahagi tungkol sa kung ano ang mga damdamin, at tatalakayin mo ang tungkol sa unang naging paraan ng nanay, isa itong pagpapamalas ng hindi pagkaunawa sa katotohanan. Kung magbabahagi ka tungkol sa pangalawang paraan ng nanay at susuriin mo ang kanyang tiwaling disposisyon, nauunawaan mo ang katotohanan. Kung ang mga bagay na iyong ibinabahagi, nararanasan, at nauunawaan ay naaayon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, at walang mga kontradiksyon o di-pagtutugma, pinatutunayan nitong nauunawaan mo ang mga salita ng Diyos, na naiintindihan mo ang kahulugan ng mga ito, at na kaya mong isagawa at gamitin ang mga ito. Kung gayon ay natamo mo na ang katotohanan at ang buhay, at ang implikasyon nito ay na nakapasok ka na sa katotohanang realidad. Sa panahong iyon, kapag nakita mo ulit ang ganitong uri ng bagay, makikilatis mo na ito, at malalaman mo na kung anong uri ng mga pagbubunyag ang normal, at kung anong uri ng mga pagbubunyag ang mga pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, at ganap na magiging malinaw sa puso mo ang tungkol dito. Sa ganitong paraan, hindi ba’t magiging tumpak ang mga kilos mo? Hindi ba’t aayon ang mga kilos mo sa katotohanan? Hindi ba’t magkakaroon ka ng katotohanang realidad? Kung kumikilos ka nang tumpak at nauunawaan mo ang katotohanan, hindi ba’t ang pagkaunawa at mga karanasang iyong ibinabahagi ay makatutulong sa iba at makalulutas sa kanilang mga paghihirap? (Oo.) Ito ang praktikal na aspekto ng katotohanan.

May ilang taong hindi maayos na gumaganap sa kanilang mga tungkulin dahil mahina ang kanilang kakayahan, ngunit palagi nilang sinasabing ito ay dahil sa wala silang konsensiya. Aling paliwanag ang tumpak? (Na mahina ang kanilang kakayahan.) Kung minsan, kapag ginagampanan ng isang tao ang isang tungkulin, maaaring naiintindihan niya ang mga pangunahing konsepto ng propesyonal na kaalamang iyon, ngunit hindi niya nauunawaan ang mas malalalim na aspekto nito, dahil kailanman ay hindi niya natutuhan ang mga iyon noon. Binabansagan siya ng kanyang lider na pabasta-basta, tuso, at tamad magtrabaho, ngunit ang totoo, sadyang wala siyang propesyonal na kaalaman, at hindi pa niya natututuhan ang mga bagay na iyon, ngunit ginagawa naman na niya ang kanyang makakaya. Subalit sinasabi ng lider niya na pabasta-basta siya—hindi ito naaayon sa mga katunayan. Walang pakundangang paggamit ito ng terminolohiya at walang pakundangang pagbabansag. Bakit ba walang pakundangang gumagamit ng terminolohiya at nagbabansag ng iba ang mga tao? Hindi ba’t ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Ang ilang tao ay tiyak na sasang-ayon, ang ilang tao ay magsasabing dahil ito sa mababa ang kakayahan niya at masyado siyang naguguluhan, at ang ibang tao naman ay magsasabing dahil ito sa masyadong masama ang kanyang pagkatao at mali ang mga layunin niya. Aling paliwanag ang tama? Ang totoo, umiiral ang tatlong kalagayang ito, at dapat na gumawa ng paghatol ayon sa partikular na kaso. Kung dulot ito ng hindi niya pagkaunawa sa katotohanan, ngunit may nagsasabing ito ay dahil sa mahina ang kakayahan niya at masyado siyang naguguluhan, hindi tumpak ang mga salitang ito. Kung malinaw na dulot ito ng kanyang masamang pagkatao at mga lihim na motibo, ngunit may nagsasabing ito ay dahil sa mahina ang kakayahan niya at masyado siyang naguguluhan, pagbabaluktot ito sa mga katunayan, at malamang na dahil dito ay makalusot ang masasamang tao. May ibang kasong dulot ng hindi pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan, ngunit sinasabi ng iba na dulot ang mga iyon ng masamang pagkatao ng mga taong iyon. Hindi tumpak ang ganitong pagtingin sa mga bagay, at malamang na ituturing nilang masasamang tao ang mabubuting tao, na magiging masama ang mga kahihinatnan. Maraming taong hindi nakakikilatis sa mga bagay na ito at hindi lubusang nakauunawa sa diwa ng problema. Pikit-mata silang gumagamit ng mga regulasyon at bumubuo ng mga kongklusyon batay sa sarili nilang mga ideya, at pagkatapos, pakiramdam nila ay may pagkilatis na sila at na nakikita na nila nang malinaw ang mga bagay. Hindi ba’t ito ay pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba? Kung masama ang pagkatao ng isang tao, at walang pakundangan niyang binabansagan at kinokondena ang mga tao batay sa sarili niyang mga lihim na motibo, ito ay ang kalikasan ng isang masamang tao. Kaunti lang ang gayong mga tao; karamihan ng mga tao ay gumagawa ng ganitong uri ng bagay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Ang mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan ay walang pakundangang gumagamit ng mga regulasyon at ng mga espirituwal na terminolohiya. Halimbawa, may ilang taong malinaw na may problema sa kanilang pagkatao, palagi silang naghahanap ng mga paraan upang magpakatamad at hindi sila nagsisikap habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, ngunit sinasabi ng mga taong walang pagkilatis na mahinang kakayahan ito. May ilang taong malinaw na may pagpapahalaga sa katarungan, at kapag may nakikita silang bagay na lumalabag sa mga prinsipyo, isinusumbong nila ito at iniingatan nila ang mga interes ng iglesia, ngunit madalas silang nababansagang mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ng mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan, at itinuturing pa nga silang masasamang tao, na talagang hindi makatarungan sa mabubuting tao. May ilang taong malinaw na mababa ang tayog, at pansamantala silang nanghihina habang napipigilan ng kanilang mga damdamin, at ilalarawan sila ng mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan bilang mga taong masyadong matindi ang mga damdamin at walang sinserong puso para sa Diyos. Ganito ang mga taong walang taglay na katotohanan—palagi silang walang pakundangang gumagamit ng mga regulasyon nang hindi isinasaalang-alang ang pinagmulan o ang aktuwal na sitwasyon, sa una ay ganito ang sinasabi nila, at sa susunod ay iba na naman. Kaya bang gamitin ng gayong mga tao ang katotohanan upang lumutas ng mga problema? (Hindi.) Kapag sinusubukan ng mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan na lumutas ng mga problema, hindi nila kayang magbigay ng tamang lunas. Para bang sinusubukan nilang gamutin ang isang taong masakit ang tiyan sa pamamagitan ng paggamot sa ulo nito; hindi nila mahanap ang ugat ng problema. Hindi nila nauunawaan kung nasaan ang ugat ng problema o kung ano ang sinasabi at tinutukoy ng mga salita ng Diyos. Hindi ito pagkaunawa sa katotohanan. Marami ba o kaunti ang nauunawaan ninyo sa katotohanan ngayon? (Kaunti.) Halimbawa, kung may magtatanong, “Bakit hindi ka makapagpasakop kapag nangyayari sa iyo ang bagay na ito?” Madalas sabihin ng mga tao, “Dahil hindi ko kilala ang Diyos!” Tama ba ang paliwanag na ito? Minsan ay tama ito at minsan ay mali. Kadalasan ay mali ito, at walang pakundangang pagbabansag lang ito. Nakaiintindi ang mga tao ng kaunting espirituwal na terminolohiya at pagkatapos ay walang pakundangan itong isinasagawa at ginagamit, at ang resulta, maraming nagiging problema. Ang ilan ay maling interpretasyon at ang ilan ay panghuhusga, at lumilikha ito ng mga mapaminsalang resulta, at nagdudulot pa nga ng kaguluhan. Kapag may natututuhan ang mga taong iyon na walang espirituwal na pang-unawa, walang pakundangan nila itong isinasagawa at ginagamit. Sila ang pinakamalamang na makagagawa ng mga pagkakamali at malaki ang tendensiyang makagawa ng mga pagkakamali sa prinsipyo. Samantala, ang mga taong may kakayahang makaunawa ay maaaring makagawa ng ilang pagkakamali, ngunit ang mga pagkakamaling ito ay hindi mga isyu ng prinsipyo at kaya nilang makapulot ng mga aral mula sa mga pagkakamaling iyon. Kung katawa-tawa ang pag-unawa ng mga tao, kung mali ang interpretasyon nila sa mga salita ng Diyos kapag binabasa nila ang mga iyon, kung may mga paglihis sa pagkaarok nila kapag nakikinig sila sa mga sermon, at kung may tendensiya silang maghanap ng pagkakamali at ng maipipintas, masyado itong nakayayamot. Bukod sa imposible na silang makapasok sa katotohanang realidad, sa paglipas ng panahon ay magsisimula pa silang kumilos nang walang-ingat at magdulot ng mga panggugulo sa gawain ng iglesia. Isa itong malubhang resulta.

Ngayon, dapat ninyong pag-isipan: Ang madalas ba ninyong tinatalakay na mga salita, doktrina, at espirituwal na teorya ay ang katotohanan? Nauunawaan ba ninyo ang katotohanan, o mga doktrina lang ang nauunawaan ninyo? Gaano karaming katotohanang realidad ang inyong nauunawaan? Sa sandaling maunawaan ninyo ang mga bagay na ito ay tunay kayong magkakaroon ng pagkakilala sa sarili at malalaman ninyo ang antas ng pagkaunawa ninyo. Halimbawa, marami na kayong naibahaging katotohanan na tungkol sa kung paano maging isang matapat na tao, ngunit talaga bang naunawaan na ninyo ang mga iyon? Siguro ay kaya ninyong magbahagi ng ilang salita at magtalakay ng ilang pagkaunawa, ngunit gaano karami sa mga realidad na ito ang napasok na ninyo? Matapat na tao na ba talaga kayo ngayon? Kaya ba ninyo itong talakayin nang malinaw? Sinasabi ng ilang tao, “Ang ibig sabihin ng pagiging isang matapat na tao ay hindi pagsisinungaling, pagsasabi ng anumang nasa iyong puso, hindi pagtatago ng kahit na ano, at hindi pag-iwas sa kahit na ano. Ito ang pamantayan ng pagiging isang matapat na tao.” Ano ang palagay ninyo sa pahayag na ito? Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Maaari kang magtalakay tungkol sa mga salita at doktrina, ngunit pagdating sa mga detalye ng pagsasagawa o ng mga partikular na problema, wala kang masabi. Hindi ito pagkaunawa sa katotohanan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, ngunit palagi nilang iniisip, “Marami na akong nauunawaan, pero hindi ako ginagamit ng Diyos. Kung gagamitin ako ng Diyos, at magiging lider ako ng iglesia, masisiguro ko na mauunawaan ng bawat kapatid ang katotohanan.” Hindi ba’t napakayabang ng ganitong pananalita? Talaga bang may ganoon kang kakayahan? Matatapat na tao ba ang mga taong kayang magyabang at magmalaki? Hindi na nga nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan, subalit nagyayabang at nagmamalaki pa sila—hindi ba’t kaawa-awa sila? (Oo, kaawa-awa sila.) Marami na kayong pinakikinggang sermon ngayon ngunit kung kailanman ay hindi ninyo mauunawaan ang katotohanan, hindi magtatagal ay tatahakin ninyo ang landas na pareho ng sa mga Pariseo, at pagkatapos ay magiging makabagong-panahong Pariseo kayo. Hindi ba’t posible ito? (Oo.) Malaki ang posibilidad nito. Malalim na nakatanim ang mga satanikong kalikasan ng mga tao. Kung makakukuha sila ng kaunting kaalaman o edukasyon, at makapangangaral ng ilang tamang teorya at matayog na sermon, malaki ang posibilidad na magiging mga Pariseo sila. Kung ayaw ninyong maging Pariseo o matahak ang landas ng isang Pariseo, ang tanging paraan upang maiwasan ito ay pagsikapan ninyong maunawaan ang katotohanan at pumasok sa realidad, at gawing realidad ng katotohanan ang mga doktrinang inyong nauunawaan. Kung gayon, ano ang itinuturing na tunay na pagkaunawa sa katotohanan ng pagiging matapat na tao? Dapat ninyo itong pag-isipan at pagbahaginan kapag may kaunting libreng oras kayo. Ano ba talaga ang isang matapat na tao? Anu-ano ang mga pamantayang hinihingi sa mga salita ng Diyos para sa mga matapat na taong sinasabi Niya? Alin sa mga pamantayang ito na hinihingi ng Diyos ang kayang isagawa ng mga tao? Ano ba ang mga katangian ng matapat na tao na sinasabi ng Diyos? Aling aspekto ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao ang pinagtutuunan ng isang matapat na tao? Hindi ba’t karapat-dapat na masusing siyasatin ang mga katanungang ito? Ang mga salita at katotohanang hinihingi ng Diyos na isagawa ng mga tao ay hindi patungkol sa mga paraan ng paggawa ng mga tao sa mga bagay-bagay o sa pag-uugali ng mga tao. Patungkol ang mga iyon sa mga satanikong kalikasan at disposisyon ng mga tao. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabing ang mga salitang ito ang katotohanan. Kung ang tanging layunin ng mga iyon ay baguhin ang pag-uugali ng mga tao at turuan ang mga tao kung paano mag-isip, hindi katotohanan ang mga iyon kung gayon, magiging isang uri lang ng teorya ang mga iyon. Masasabing ang sinumang guro ay maaaring magkaroon ng kaunting impluwensiya sa mga tao at mababago nila nang kaunti ang pag-uugali ng mga tao, at sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagbubuod sa mga itinuro, maaaring unti-unting mapangasiwaan ang pag-uugali ng mga tao. Maraming ganitong uri ng kaalaman, ngunit ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan dahil hindi kayang lutasin ng mga ito ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, ni lutasin ang problema ng ugat ng kanilang mga kasalanan. Tanging ang mga salita ng Diyos ang makadadalisay at makalulutas sa katiwalian ng mga tao, tanging ang mga salita ng Diyos ang lubusang makalulutas sa mga satanikong kalikasan ng mga tao, at samakatuwid, tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Ano ang tunay na kabuluhan ng katotohanan ng mga salita ng Diyos? Karapat-dapat itong pagnilayan, pag-isipan, at madalas na sama-samang pagbahaginan. Huwag na huwag ninyo itong kalilimutan: Ang mga bagay na nakapagbabago lang ng pag-uugali ng mga tao ay hindi ang katotohanan; kaalaman at mga batas lang ang mga iyon. Hindi lang pag-uugali ng mga tao ang kayang baguhin ng katotohanan, kaya rin nitong baguhin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Dagdag pa rito, kaya nitong baguhin ang kanilang mga ideya at kuru-kuro, at maging buhay ng isang tao. Iyon ang katotohanan. Ngayon, kakaunti lang ang mga taong nakakikita nang malinaw sa bagay na ito. Hindi kailanman natatanto ng maraming tao na ang mga bagay na iyon na kumokontrol sa pag-uugali at nagbibigay-kakayahan sa mga taong magkaroon ng mukhang maayos na buhay ay hindi ang katotohanan, at pawang kaalaman, mga doktrina, at mga satanikong pilosopiya ang mga iyon. Kapag tinatanggap ng mga tao ang mga bagay na iyon, bagama’t lalong nagiging marangal, kagalang-galang, at pino ang kanilang panlabas na pag-uugali, ang kanilang puso ay puno ng kataksilan at kabuktutan, at pasama ito nang pasama. Ang mga bagay na ito ang mga lason at teorya ni Satanas, mga bagay na ginagamit ni Satanas upang ilihis at gawing tiwali ang mga tao. Ang mga ito ay talagang hindi ang katotohanan, at hindi sa Diyos nanggagaling ang mga ito. Tanging ang mga bagay na nagbibigay-kakayahan sa mga taong maging matapat, maginhawa, at malaya, na nagbibigay-kakayahan sa kanilang makilala ang Lumikha, magkaroon ng mga pusong natatakot sa Diyos, at magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, ang katotohanan. Kahit ano pang perspektiba ang iyong tinatanggap at kahit ano pang landas ang iyong sinusundan, kung bumubuti ang iyong pag-uugali at nagiging tanyag ka, ngunit bahagya lang ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso, at bahagya lang ang tunay na pananampalataya mo sa Diyos, at talagang hindi maganda ang ugnayan mo sa Diyos, at lalong lumalayo ang puso mo sa Diyos, ang mga bagay na pinanghahawakan mo ay hindi mga positibong bagay at ang mga iyon ay talagang hindi ang katotohanan. Kung pumipili ka ng landas o ng paraan ng pamumuhay, at tinatanggap mo ang ilang bagay, at idinudulot ng mga bagay na ito na maging totoo at matapat ka, at idinudulot na mahalin mo ang mga positibong bagay at kapootan ang mga buktot at negatibong bagay, at idinudulot sa iyo na magkaroon ka ng may-takot-sa-Diyos na puso at bukal sa loob na tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha, ang mga bagay na ito ang katotohanan, at talagang sa Diyos galing ang mga ito. Masusukat mo ang mga bagay ayon sa mga pamantayang ito. May ilang doktrinang kayang sabihin at sinasabi na ng mga tao nang maraming taon. Gayunpaman, pagkatapos sabihin nang maraming beses ang mga bagay na ito, hindi naman nagbago ang mga panloob na disposisyon ng mga tao, kahit bahagya ay hindi nagbago ang kanilang mga kalagayan, at ang mga pananaw, paraan ng pag-iisip, at ang pinagsimulan at mga layunin sa likod ng mga kilos nila ay hindi nagbago sa anumang paraan. Kaya dapat kayong magmadali na isuko ang mga bagay na iyon at huwag na ninyong panghawakan ang mga iyon; ang mga iyon ay talagang hindi ang katotohanan. Kapag nagsisimula pa lang ang mga taong magsagawa ng ilang salita, tila matrabaho at mahirap na gawin iyon, at hindi nila maintindihan ang mga prinsipyo. Gayunpaman, pagkatapos nilang maranasan at maisagawa ang mga iyon nang ilang panahon, nararamdaman nilang bumuti na ang mga panloob nilang kalagayan, na mas napalapit na sa Diyos ang puso nila, na mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, na hindi na sila masyadong mapagmatigas o rebelde kapag may mga nangyayari sa kanila, na hindi na ganoon katindi ang mga pansarili nilang layunin at pagnanais, at na kaya na nilang magpasakop sa Diyos. Positibo ang kalagayang ito; ang mga salitang ito ang katotohanan, at ang mga ito ang tamang landas. Makikilatis ninyo ang mga bagay batay sa mga prinsipyong ito. Hindi magiging madaling bigyang-kahulugan ang katotohanan nang gamit lamang ang isang pangungusap. Kung bibigyang-kahulugan Ko ito gamit ang isang pangungusap, at mauunawaan ninyo ang katotohanan pagkarinig nito, magiging maganda iyon. Ngunit kung ituturing ninyo itong isang pregulasyon at isang doktrinang dapat na sundin, magiging nakayayamot iyon—hindi iyon pagkakaroon ng espirituwal na pagkaunawa. Kaya, ibinigay Ko sa inyo ang mga prinsipyong ito, at dapat kayong gumawa ng mga paghahambing, dumanas, magsagawa, at magtamo ng kaalamang batay sa karanasan nang alinsunod sa mga prinsipyong ito. Huwag kayong basta kumilos at umasal alinsunod sa mga prinsipyong ito, dapat din ninyong tingnan ang mga tao at bagay, at suriin ang mga tao ayon sa mga prinsipyong ito. Sa pamamagitan ng pagdanas at pagsasagawa sa ganitong paraan, malalaman ninyo kung ano ang katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan, at kung hindi nila alam na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, matatamo ba nila ang buhay? Matatamo ba nila ang pagbabago sa buhay disposisyon? Bagama’t sa panlabas hindi masyadong mataas na mga pamantayan ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao sa Kanyang mga salita, at medyo simple lang ang mga iyon, kung hindi mo nauunawaan ang ipinahihiwatig na kahulugan ng katotohanan, o kung gaano karaming praktikal na paksa ang nakapaloob sa katotohanan, at nauunawaan mo lang ang katotohanan sa usapin ng mga salita at doktrina, hinding-hindi ka makapapasok sa mga katotohanang realidad na hinihingi ng Diyos na pasukin ng mga tao.

Mayo 26, 2017

Talababa:

a. Ang Jianghu ay isang terminong Tsino na tumutukoy sa kathang-isip na mundo ng mga martial artist at kriminal sa sinaunang Tsina.

Sinundan: Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Sumunod: Ano ba Talaga ang Inaasahan ng mga Tao Para Mabuhay?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito