Ano ba Talaga ang Inaasahan ng mga Tao Para Mabuhay?
Aling aspekto ng katotohanan ang pinakagusto ninyong marinig ngayon? Bibigyan Ko kayo ng ilang paksang pagpipilian, at puwede tayong magbahaginan sa alinmang gusto ninyo. Narito ang unang tanong: Paano mo nakikilala ang iyong sarili? Ano ang paraan para makilala mo ang iyong sarili? Bakit dapat mong kilalanin ang iyong sarili? Ang pangalawang tanong ay: Ano ang ipinapamuhay ng mga tao sa mga taon ng kanilang pananalig sa Diyos? Namuhay ka ba sa salita ng Diyos at sa katotohanan, o namuhay ka sa mga satanikong disposisyon at pilosopiya? Anong asal ang nagpapakita na namumuhay ka sa salita ng Diyos at sa katotohanan? Kung namumuhay ka sa mga satanikong disposisyon at pilosopiya, paano ipapamalas at ibubunyag ng iyong katiwalian ang sarili nito? Ang pangatlong tanong ay: Ano ang tiwaling disposisyon? Tinalakay natin dati ang anim na aspekto ng mga tiwaling disposisyon, kaya tatalakayin Ko kung aling mga kalagayan ang mga partikular na pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyong ito. Ngayon kayo ang pipili. Aling tanong ang pinakahindi ninyo naunawaan, pero ang pinakagusto ninyong maunawaan, at ang pinakamahirap para sa inyong maintindihan? (Pinipili namin ang pangalawang tanong.) Magbabahaginan tayo sa paksang ito. Sandali kayong magmuni-muni. Ano ang ipinapamuhay ng mga tao sa mga taon ng kanilang pananalig sa Diyos, at anong mga bagay ang nakapaloob sa paksang ito? Ang pangunahing punto ng pangungusap na ito ay ang salitang “ano.” Ano ang kasama sa saklaw ng “ano”? Alin dito ang nauunawaan ninyo? Ang mga bagay na iniisip ninyong pinakamahalaga, ang dapat isagawa kapag nananampalataya sa Diyos, at dapat na taglay ng mga tao ay kasama sa saklaw ng salitang “ano.” Anuman ang mga bagay na nakakatagpo ninyo sa pang-araw-araw ninyong buhay, anuman ang mga bagay ang nauunawaan ninyo sa pamamagitan ng inyong kakayahan at pagkaunawa, ang iniisip ninyong positibo, ang iniisip ninyong malapit at naaayon sa katotohanan, ang iniisip ninyong realidad ng mga positibong bagay, at ang mga iniisip ninyong naaayon sa mga layunin ng Diyos, ay ang mga bagay na ipinapamuhay ninyo habang sinusunod ninyo ang Diyos at ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin sa mga taong ito, para mailabas natin ang mga ito at makapagbahaginan tayo sa mga ito. Ano ang mga bagay na iniisip ninyo? (Sa palagay ko, sa aking pananalig sa Diyos, kailangan ko lang magdusa, magbayad ng halaga, at magkaroon ng mga resulta sa tungkulin ko para makamit ang pagliligtas ng Diyos.) Ang pananaw na ito ay isang bagay na itinuturing mong positibo. Kaya ano ang kaibahan ng pananaw na ito at ng pananaw ni Pablo? Hindi ba’t pareho lamang ang diwa? (Ganoon nga.) Pareho ang diwa. Hindi ba’t ang diwa ng pananaw na ito ay imahinasyon lang? (Oo.) Sa mga nagdaang taon, namuhay ka sa imahinasyong ito at sa kung ano ang iniisip mong tama. Umasa ka rin dito para manampalataya sa Diyos, tumupad sa iyong tungkulin, at ipamuhay ang buhay iglesia. Isang sitwasyon ito. Una, kailangan mong pagtibayin kung tama ang mga kaisipan at pananaw mo at kung may basehan ang mga ito sa salita ng Diyos. Kung sa palagay mo ay tama ang mga ito, na mayroong basehan ang mga ito, at na ang ginagawa mo ay pagsasagawa ng katotohanan, pero talagang mali ka, iyan ang tatalakayin natin sa ating pagbabahaginan ngayon.
Ang pinakasimpleng paraan para magbahagi tungkol sa aspekto ng katotohanan ng kung ano talaga ang ipinamuhay ng mga tao ay ang magsimula sa isang paksang nauunawaan ng lahat ng tao, ang kaso ni Pablo, at pagkatapos ay iugnay ito sa inyong sariling kalagayan. Bakit si Pablo ang pag-uusapan? Alam ng karamihan ng tao ang kuwento ni Pablo. Anong mga kuwento o paksa ang mayroon sa Bibliya tungkol kay Pablo? Halimbawa, ano ang mga pinakakilalang kasabihan ni Pablo, o ano ang mga katangian, personalidad, at talento niya? Sabihin ninyo sa Akin. (Si Pablo ay tinuruan ng doktor ng kautusan na si Gamaliel, na isang mabuting marka para sa kanya, katumbas ng pagtatapos sa isang prestihiyosong unibersidad.) Sa modernong pananalita, si Pablo ay isang estudyante ng teolohiya na nagtapos mula sa isang prestihiyosong paaralan ng teolohiya. Ito ang unang maihahambing na paksang kumakatawan kay Pablo, tungkol sa pinanggalingan niya, antas ng edukasyon, at katayuan sa lipunan. Para sa pangalawang paksa, ano ang pinakakilalang kasabihan ni Pablo? (“Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8).) Ito ang motibasyon para sa mga ginagawa niya. Sa modernong pananalita, si Pablo ay nagdusa at nagbayad ng halaga, nagtrabaho, at nangaral ng ebanghelyo, pero ang motibasyon niya ay para magkamit ng putong. Ito ang pangalawang paksa. Maaari kayong magpatuloy. (Sinabi ni Pablo, “Sa akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang” (Filipos 1:21).) Ito rin ay isa sa mga klasikong kasabihan ni Pablo. Ito ang pangatlong paksa. Kababanggit lang natin ng tatlong paksa. Ang una ay si Pablo ay isang estudyante ng doktor ng kautusan na si Gamaliel, ang katumbas ng isang nagtapos sa seminaryo sa panahon ngayon. Tiyak na mas marunong siya tungkol sa Bibliya kaysa sa mga ordinaryong tao. May kaalaman si Pablo tungkol sa Lumang Tipan, dahil nagtapos siya sa isang paaralang gaya niyan. Iyan ang pinag-aralan ni Pablo. Paano nito naimpluwensiyahan ang mga pangangaral niya sa hinaharap at paglalaan sa mga iglesia? Maaaring may ilang benepisyo ito—pero nagdulot ba ito ng anumang pinsala? (Oo, nagdulot ito.) Naaayon ba ang pagkatuto ng teolohiya sa katotohanan? (Hindi.) Ang pagkatuto ng teolohiya ay pawang mga mapanlinlang na bagay, mga walang katuturang teorya. Hindi ito praktikal. Ano ang pangalawang paksa? (Sinabi ni Pablo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran.”) Namuhay si Pablo sa mga salitang ito; naghangad siya ayon sa mga ito. Masasabi ba natin, kung gayon, na ang mga ito ang intensyon at mithiin ni Pablo sa kanyang pagdurusa, sa halagang binayaran niya? (Oo.) Ang kanyang layunin, sa madaling salita, ay magantimpalaan, na nangangahulugan na natapos niya ang kanyang takbuhin, nagbayad ng kanyang halaga, at nakibaka ng kanyang mabuting pakikibaka para ipagpalit ang mga bagay na iyon para sa putong ng katuwiran. Ipinapakita nito na ang mga taon ng paghahangad ni Pablo ay tungkol sa pagtanggap ng gantimpala at pagkamit ng putong ng katuwiran. Kung hindi ito ang naging layunin at mithiin niya, magagawa kaya niyang dumaan sa gayong pagdurusa at magbayad ng gayong halaga? Magagawa ba niyang gampanan ang gawaing ginawa niya at bayaran ang halagang binayaran niya sa pamamagitan ng kalidad ng sarili niyang moral na katangian, ambisyon, at mga pagnanais? (Hindi.) Ipagpalagay nating nauna nang sabihin sa kanya ng Panginoong Jesus, “Noong nagsilbi ako sa mundo, inusig mo Ako. Ang mga taong gaya mo ay pinarusahan at sinumpa. Anuman ang gawin mo, hindi mo mababawi ang gayong mga pagkakamali; gaano ka man magsisi, hindi kita ililigtas.” Anong uri ng saloobin ang magkakaroon si Pablo? (Maaaring inabandona niya ang Diyos at hindi na nanampalataya.) Hindi lamang sa maaaring hindi siya nanampalataya sa Diyos, maaaring itinanggi niya ang Diyos, itinanggi na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo, at itinanggi ang pag-iral ng Diyos sa langit. Kaya ano ang ipinamuhay ni Pablo? Hindi niya minahal ang Diyos nang buong-puso, at hindi siya isang taong nagpapasakop sa Kanya, kaya bakit nagawa niyang magpatuloy sa napakaraming paghihirap sa pangangaral ng ebanghelyo? Makatarungang sabihing ang pangunahin niyang suporta ay ang kanyang pagnanais para sa mga pagpapala; iyan ang nagbigay ng lakas sa kanya. Gayundin, noong nakita ni Pablo ang dakilang liwanag ng Diyos sa daan patungong Damasco, nabulag siya. Napaluhod siya sa lupa, na nanginginig ang buong katawan niya. Naramdaman niya ang kadakilaan ng Diyos at ang pagiging kahanga-hanga Niya, at natakot siya sa pagpalo sa kanya ng Diyos, kaya hindi na siya nangahas tanggihan ang atas ng Diyos. Kailangan niyang magpatuloy na mangaral ng ebanghelyo, gaano man katindi ang mga paghihirap. Hindi siya maaaring maging tamad. Iyon ay bahagi nito. Ang pinakamalaking parte nito, gayunpaman, ay ang labis niyang paghahangad na mapagpala. Gagawin ba niya ang ginawa niya kung wala ang pagnanais na mapagpala, ang kislap na pag-asang iyan? Tiyak na hindi. Ang pangatlong paksa ay si Pablo ay nagpatotoo na para sa kanya, ang mabuhay ay si Cristo. Unahin muna nating tingnan ang gawaing ginawa ni Pablo. Maraming kaalaman sa relihiyon si Pablo; mayroon siyang antas ng kasikatan at medyo katangi-tanging pinag-aralan. Maaari mong sabihing mas may alam siya kaysa sa mga ordinaryong tao. Kaya, ano ang sinandigan niya para gampanan ang gawain niya? (Ang mga kaloob at talento niya, at ang kaalaman niya sa Bibliya.) Sa panlabas, maaaring nangangaral siya ng ebanghelyo at nagpapatotoo sa Panginoong Jesus, pero nagpatotoo lamang siya sa pangalan ng Panginoong Jesus; hindi siya tunay na nagpatotoo na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos na nahayag at gumagawa, at na ang Panginoong Jesus ay ang Mismong Diyos. Kaya, sino ang talagang pinapatotohanan ni Pablo? (Nagpatotoo siya sa sarili niya. Sinabi niya, “Sa akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.”) Ano ang ipinapahiwatig ng mga salita niya? Na si Pablo ang Cristo, ang Panginoon, at Diyos, hindi ang Panginoong Jesus. Nakalibot at nakapangaral si Pablo sa ganitong paraan dahil sa kanyang mga intensyon at ambisyon. Ano ang kanyang ambisyon? Ang mapaniwala ang lahat ng tao, ang mga napangaralan niya at nakapakinig sa kanya, na nabuhay siya bilang Cristo at Diyos. Ito ay isang aspekto, namuhay siya sa mga pagnanais niya. Gayundin, ang gawain ni Pablo ay nakabatay sa kanyang kaalaman sa Bibliya. Ang pangangaral at mga pananalita niya ay nagpakitang lahat na may kaalaman siya sa Bibliya. Hindi niya tinalakay ang gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu o ang mga katotohanang realidad. Ang mga paksang ito ay hindi matatagpuan sa mga liham niya at tiyak na hindi siya nagkaroon ng ganitong uri ng karanasan. Wala saan man sa mga ginawa niya na nagpatotoo si Pablo sa mga salitang sinabi ng Panginoong Jesus. Tingnan natin, halimbawa, ang katuruan ng Panginoong Jesus kung paano dapat isagawa ng mga tao ang pangungumpisal at pagsisisi, o ang maraming salita ng mga katuruang sinabi ng Panginoong Jesus sa mga tao—hindi kailanman nangaral si Pablo tungkol sa mga ito. Wala sa mga ginawa ni Pablo ang may kaugnayan sa mga salita ng Panginoong Jesus, at ang lahat ng ipinangaral niya ay mga bagay na galing sa mga natutunan niya sa teolohiya at teoryang inaral niya. Ano ang nilalaman ng mga natutunan niya sa teolohiya at teorya? Mga kuru-kuro ng tao, imahinasyon, pilosopiya, at hinuha, karanasan, at aral na ibinubuod ng mga tao, at iba pa. Sa madaling salita, ang lahat ng mga bagay na iyan ay galing sa pag-iisip ng tao at sumasalamin sa mga kaisipan at pananaw ng tao; wala sa mga ito ang katotohanan, o naaayon sa katotohanan. Ang lahat ng ito ay hayag na salungat sa katotohanan.
Pagkatapos ninyong marinig ang halimbawa ni Pablo, ihambing ninyo ang sarili ninyo sa kanya. Pagdating sa paksang pinag-uusapan natin ngayon, “Ano ang ipinapamuhay ng mga tao sa mga taon ng kanilang pananalig sa Diyos,” naaalala ba ninyo ang ilan sa mga sarili ninyong kalagayan at asal? (Naiisip ko ang katunayan na naniniwala ako na kung hindi ako kailanman magkakaroon ng pamilya, kung hindi ko kailanman tatalikuran ang atas ng Diyos, hindi ako magrereklamo laban sa Diyos kapag may dumarating na mga matinding pagsubok sa akin, sa huli, hindi hahayaan ng Diyos na mamatay ako.) Iyan ay pamumuhay sa pangarap, na medyo malapit sa paksa ng pagbabahaginan ngayon at tumatalakay sa aktuwal na kalagayan. Ito ay isang pananaw sa praktikal na paghahangad sa tunay na buhay. Mayroon pa bang iba? (May pananaw ako: Pakiramdam ko na hangga’t sinusunod ko ang Diyos sa sukdulan ng pananampalataya ko, pagpapalain ako at magtatamo ako ng kahanga-hangang kalalabasan at destinasyon.) Maraming tao ang may gayong pananaw, hindi ba? Ito ay simpleng pananaw na maaaring sang-ayunan ng lahat. Mayroon bang sinuman na may ibangpananaw? Pakinggan natin. May ipapakita ako sa inyo: May ilang taong nananampalataya sa Diyos nang maraming taon, at batay sa kanilang mga sariling personal na karanasan, imahinasyon, o ilang uri ng karanasan at ilang halimbawang nakuha nila sa pagbabasa ng mga espirituwal na aklat, binubuod nila ang ilang pamamaraan na may kaugnayan sa pagsasagawa, gaya ng kung paano dapat kumilos ang mga mananampalataya sa Diyos para maging espirituwal, kung paano sila dapat kumilos para maisagawa nila ang katotohanan, at iba pa. Iniisip nilang ang ginagawa nila ay pagsasagawa ng katotohanan, at na sa paggawa ng mga bagay na ito, maisasakatuparan nila ang mga layunin ng Diyos. Halimbawa, kapag nagdurusa sa sakit ang ilang tao, nangangailangan ang usaping ito na hanapin ang layunin ng Diyos at ang katotohanan. Ito ay isa sa mga pinakasimpleng bagay na dapat malaman ng mga mananampalataya sa Diyos. Pero paano sila dapat magsagawa? Sinasabi nila, “Ang sakit na ito ay isinaayos ng Diyos, at dapat akong mabuhay sa pananampalataya, kaya hindi ako iinom ng gamot, hindi ako magpapa-ineksyon, o pupunta sa ospital. Ano ang tingin mo sa pananampalataya ko? Matibay, hindi ba?” Mayroon bang pananampalataya ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Sumasang-ayon kayo sa pananaw na ito, at ganito rin kayo magsagawa. Iniisip ninyo na kung may sakit kayo, ang hindi pagpapa-ineksyon, hindi pag-inom ng gamot, o hindi pagpunta sa doktor ay katumbas ng pagsasagawa sa katotohanan para isakatuparan ang mga layunin ng Diyos. Kaya, sa anong batayan ninyo sinasabi na ito ay pagsasagawa sa katotohanan? Tama bang magsagawa sa ganitong paraan? Ano ang batayan? Napatunayan ba ninyo ito? Hindi kayo sigurado. Dahil hindi ninyo alam kung ito ba ay naaayon sa katotohanan o hindi, bakit ipinipilit ninyong magsagawa sa ganitong paraan? Kung may sakit ka, ipinipilit mo lang ang pananalangin sa Diyos, hindi pagpapa-ineksyon, hindi pag-inom ng gamot, hindi pagpunta sa doktor, at sa kalooban mo ay sumasandig ka lang at nananalangin sa Diyos, hinihiling sa Diyos na alisin ang sakit na ito o inilalagay ang sarili mo sa habag Niya—tama ba ang pagsasagawang ito? (Hindi.) Naiisip ninyo lang ba ngayon na mali ito, o napagtanto na ninyo noon na mali ito? (Dati, noong nagkasakit ako, pakiramdam ko na ang pagpunta sa doktor o pag-inom ng gamot ay panlabas na pamamaraan, at ito ay isang paghahayag ng kawalan ng pananampalataya, kaya sumasandig ako sa panalangin o sa ibang paraan ng pagharap sa usaping ito.) Ipinapahiwatig ba nito na kung bibigyan ka ng Diyos ng sakit, at pinagamot mo ito, na tinatalikuran mo ang Diyos at hindi nagpapasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos para sa iyo? (Iyan ang pananaw ko.) Kaya, sa palagay mo ba ay tama o mali ang pananaw na ito? O nalilito ka pa rin, at hindi mo alam kung ito ay tama o mali, at iniisip na, kung tutuusin, ganyan ka palaging kumilos, at walang sinumang nagsabi na mali ito, at hindi ka nakokonsensiya tungkol dito, kaya patuloy ka lang nagsasagawa sa ganoong paraan? (Palagi akong nagsasagawa sa ganitong paraan, at wala akong naramdamang anuman sa partikular.) Nakakaramdam ba kayo ng kaunting kalituhan sa paggawa nito? Isantabi natin kung tama o mali kayo, pero maaari tayong maging tiyak sa isang bagay, na ang pagsasagawa nang gaya nito ay hindi naaayon sa katotohanan. Dahil, kung naaayon ito sa katotohanan, malalaman ninyo kahit papaano kung aling katotohanang prinsipyo ang sinusunod ninyo at kung anong prinsipyo ang sumasaklaw sa gayong pagsasagawa. Pero kapag tiningnan natin ito ngayon, makikita natin na kumikilos ang mga tao nang ganito batay sa mga sarili nilang imahinasyon. Ito ay isang balakid na inilalagay nila sa sarili nila. Bilang karagdagan, itinatakda ito ng mga tao bilang isang pamantayan para sa sarili nila batay sa mga sarili nilang imahinasyon, iniisip na dapat nilang gawin ito kapag may sakit sila, pero hindi nila alam kung ano ang eksaktong hinihingi o ibig sabihin ng Diyos. Kumikilos lang sila alinsunod sa isang pamamaraan na sila mismo ang nag-isip at nagpasiya, hindi nalalaman kung ano ang magiging resulta ng pagkilos sa ganitong paraan. Ano ang ipinapamuhay ng mga tao kapag sila ay nasa kalagayang ito? (Ang mga sarili nilang imahinasyon.) May kuru-kuro ba sa mga imahinasyong ito? Ano ang kanilang kuru-kuro? (Na maaari nilang makuha ang pagsang-ayon ng Diyos sa pagsasagawa sa ganitong paraan.) Ito ay isang kuru-kuro. Ito ba ang tamang pang-unawa ng usapin? (Hindi.) May kahulugan at resulta rito: Kapag nabuhay ka sa gayong kuru-kuro at gayong mga imahinasyon, hindi mo isinasagawa ang katotohanan.
Sa puntong ito, napag-isipan na ninyo nang kahit papaano ang paksa ng “Ano ba Talaga ang Inaasahan ng mga Tao Para Mabuhay,” at humigit-kumulang ay alam ninyo kung ano ang pagbabahaginan sa paksang ito. Kaya, pag-usapan natin ang tungkol sa ilang uri ng kalagayan. Makinig kayong mabuti at magmuni-muni habang nakikinig kayo. Ano ang mithiin ng pagmumuni-muning ito? Ang ihambing ang mga kalagayang tatalakayin Ko sa mga sarili ninyong kalagayan, para maunawaan ang mga ito, at para malaman na mayroon kayo ng ganoong mga uri ng kalagayan at problema, at pagkatapos ay para hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito, nagsisikap na mamuhay sa katotohanan sa halip na namumuhay sa iba’t ibang bagay na walang anumang kaugnayan dito. Ang “Ano ba Talaga ang Inaasahan ng mga Tao Para Mabuhay” ay isang paksang tumatalakay sa maraming bagay, kaya umpisahan natin sa mga kaloob. May ilang taong malinaw at magaling magsalita. Nagsasalita sila at nakikipag-ugnayan sa mga tao nang may mga hindi sinsero at matatamis na dila, at sila ay partikular na mabibilis mag-isip. Sa bawat sitwasyon, alam nila kung ano ang eksaktong dapat sabihin. Sa sambahayan ng Diyos, ginagampanan din nila ang kanilang mga tungkulin gamit ang matatamis nilang dila at mabilis na pag-iisip. Dahil sa kanilang mga huwad at matamis na salita, ang mga ordinaryong problema ay hindi nagiging mga isyu. Tila kaya nilang lutasin ang maraming problema. Sa pamamagitan ng katalinuhan nila, kasama ng mga karanasan nila sa lipunan at ng kanilang pagiging may malalim na pang-unawa, nakikita nila kung ano ang nangyayari sa anumang ordinaryong bagay na nangyayari sa kanila; ang kailangan lang ay ilang salita mula sa kanila para lutasin ang problema. Hinahangaan sila ng ilang tao, na iniisip, “Napakadali para sa kanila ang harapin ang mga bagay-bagay. Bakit hindi ko kaya?” Labis din silang nasisiyahan sa sarili nila, at iniisip nila, “Tingnan ninyo, ibinigay sa akin ng Diyos itong kagalingang magsalita at matamis na dila, ang katalinuhang ito, ang malalim na pang-unawang ito, at ang kakayahang ito na tumugon nang mabilis, kaya walang anumang bagay na hindi ko kayang pangasiwaan!” At dito nagmumula ang problema. Maaaring gamitin ng isang taong magaling magsalita at mabilis mag-isip ang kanyang mga talento at kakayahan para gampanan ang ilang tungkulin, at sa pagtupad niya sa kanyang tungkulin, nalulutas niya ang ilang problema o nakakagawa siya ng ilang bagay para sa sambahayan ng Diyos, pero kung detalyado mong susuriin ang lahat ng bagay na ginagawa nila, mauuwi ka lang na may tanong kung ang lahat ba ng ginagawa nila ay naaayon sa katotohanan, kung naaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo, at kung naisasakatuparan nito ang mga layunin ng Diyos. Madalas hindi nauunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan o kung paano dapat kumilos ayon sa katotohanan, pero ginagampanan pa rin nila ang mga tungkulin nila. Pero gaano man kaayos nila ginagampanan ang mga tungkulin nila, ano ang sinasandigan nila? Ano ang puntong pinanggagalingan ng pagganap nila sa mga tungkulin nila? Ang kanilang pag-iisip, malalim na pang-unawa, at ang kanilang mga matatamis na dila. Mayroon bang sinuman sa inyo na gaya nito? (Oo.) Alam ba ng taong nabubuhay sa kanilang isipan, talino, o galing magsalita kung ang ginagawa nila ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) May mga prinsipyo ba kayo kapag kumikilos kayo? O, sa ibang salita, kapag kumikilos kayo, ginagawa ba ninyo ito sa pamamagitan ng mga satanikong pilosopiya, ng sarili ninyong talas ng pag-iisip, ng sarili ninyong talino at karunungan—o ginagawa ba ninyo ito ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo? Kung palagi kayong kumikikilos sa pamamagitan ng mga satanikong pilosopiya, sa mga sarili ninyong kagustuhan at ideya, walang anumang prinsipyo sa inyong mga pagkilos. Pero kung nagagawa ninyong hanapin ang katotohanan, at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, sa mga katotohanang prinsipyo—iyan ay pagkilos nang may mga prinsipyo. Mayroon bang anumang bagay sa paraan ng inyong pagsasalita at pagkilos ngayon na salungat sa katotohanan? Sumasalungat ba kayo sa mga prinsipyo? Kapag ginagawa ninyo, alam ba ninyo ito? (Minsan.) Ano ang ginagawa ninyo sa mga pagkakataong iyon? (Nananalangin kami sa Diyos, pinagtitibay ang aming pasyang magsisi, at sumusumpa sa Diyos na hindi na uli kami kikilos sa ganoong paraan kailanman.) At sa susunod na may kaparehong bagay na mangyari sa inyo, ganyan ba uli ang ikikilos ninyo, at pagtitibaying muli ang pasya ninyo? (Oo.) Palagi kayong bumabalik sa pagpapatibay ng inyong kalooban tuwing may mga bagay na nangyayari sa inyo—bueno, sa sandaling maging matibay ang inyong kalooban, talaga bang isinasagawa ninyo ang katotohanan? Talaga bang kumikilos kayo nang may mga prinsipyo? Malinaw ba ito sa inyo? Maraming tao ang hindi naghahanap sa katotohanan kapag may mga nangyayari sa kanila, kundi nabubuhay sa kanilang mga munting paraan, sa mga kaloob nila. Ang pagkakaroon ba ng talino at pagiging magaling magsalita ang tanging uri ng kaloob na mayroon? Paano pa naipapamalas ang pamumuhay sa mga kaloob? Halimbawa, may ilang taong gustung-gustong kumanta, at kaya nilang kantahin ang isang buong kanta pagkatapos itong pakinggan nang dalawa o tatlong beses. Samakatuwid, may mga tungkulin sila sa larangang ito, at iniisip nila na ang tungkuling ito ay ibinigay sa kanila ng Diyos. Tama at wasto ang pakiramdam na ito. Sa mga paglipas ng mga taon, natuto sila ng maraming himno, at habang lalo silang kumakanta, mas gumagaling sila. Gayunpaman, may isang problemang hindi nila alam. Ano ito? Mas gumagaling nang gumagaling ang kanilang pagkanta, at itinuturing nilang buhay nila ang kaloob na ito. Hindi ba’t mali ito? Namumuhay sila sa kanilang kaloob araw-araw, at sa pagkanta nila ng mga himno araw-araw, naniniwala silang nagkamit sila ng buhay, pero hindi ba’t ilusyon lang ito? Kahit na naaantig ka ng pagkanta, nasisiyahan ang iba, at nakikinabang ang iba dito, mapapatunayan ba nitong nagkamit ka ng buhay? Mahirap sabihin. Nakadepende ito sa kung gaano mo nauunawaan ang katotohanan, kung isinasagawa mo ang katotohanan, kung may mga prinsipyo ka sa mga pagkilos at tungkulin mo, at kung may tunay kang patotoong batay sa karanasan. Sa mga aspektong ito mo lamang mahuhusgahan kung tinataglay ng mga tao ang mga katotohanang realidad. Kung tinataglay nila ang mga katotohanang realidad, sila ang mga may buhay, lalo na ang mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, pati na rin ang mga taong tunay na nagmamahal at nagpapasakop sa Diyos. Kung may mga kaloob at talento ang isang tao, at may mabubuting resulta rin sa kanyang tungkulin, pero hindi niya hinahangad ang katotohanan at namumuhay lamang siya sa kanyang mga kaloob, ipinagyayabang ang kanyang mga kuwalipikasyon, at hindi kailanman sumusunod kaninuman, maaari bang taglayin ng gayong tao ang buhay? Ang susi kung may buhay ba o wala ang isang tao ay kung tinataglay niya ang mga katotohanang realidad. Paano makakamit ng isang taong may mga talento at kaloob ang katotohanan? Paano siya mabubuhay nang hindi sumasandig sa mga kaloob niya? Paano siya makakatakas sa pamumuhay nang ganito? Dapat niyang hanapin ang katotohanan. Una, dapat malinaw niyang malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng kung ano mga kaloob at kung ano ang buhay. Kapag ang isang tao ay pinagkalooban ng talino o may talento, ibig sabihin na siya ay likas na mas magaling sa isang bagay o nangunguna sa ibang paraan kung ihahambing sa iba. Halimbawa, maaaring mas mabilis kang tumugon kaysa sa iba, mas mabilis maunawaan ang mga bagay-bagay kaysa sa iba, nalinang ang kasanayan sa ilang partikular na kakayahang propesyonal, o maaaring isa kang magaling na tagapagsalita, at iba pa. Ang mga ito ay mga kaloob at talentong maaaring taglayin ng isang tao. Kung may mga partikular kang talento at kalakasan, napakahalaga kung paano mo nauunawaan at pinangangasiwaan ang mga ito. Kung iniisip mong hindi ka mapapalitan dahil wala nang ibang taong mayroong mga talento at kaloob na gaya ng sa iyo, at na isinasagawa mo ang katotohanan kung ginagamit mo ang mga kaloob at talento mo para gampanan ang iyong tungkulin, tama ba o mali ang pananaw na ito? (Mali.) Bakit mo sinabing mali ito? Ano ba talaga ang mga talento at kaloob? Paano mo dapat unawain ang mga ito, gamitin ang mga ito at harapin ang mga ito? Ang katunayan ay anumang kaloob o talento ang mayroon ka, hindi ito nangangahulugang mayroon ka ng katotohanan at buhay. Kung mayroong partikular na mga kaloob at talento ang mga tao, nararapat lang para sa kanila na gumanap ng isang tungkulin kung saan ginagamit ang mga kaloob at talentong ito, pero hindi ibig sabihin nito na isinasagawa nila ang katotohanan, hindi rin ito nangangahulugang ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Halimbawa, kung ipinanganak kang may kaloob sa pagkanta, kinakatawan ba ng kakayahan mong kumanta ang pagsasagawa ng katotohanan? Ibig sabihin ba nito na kumakanta ka ayon sa mga prinsipyo? Hindi. Sabihin natin, halimbawa, na mayroon kang likas na talento sa mga salita at magaling ka sa pagsusulat. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, sasang-ayon ba ang iyong pagsusulat sa katotohanan? Ibig sabihin ba nito may patotoo kang batay sa karanasan? (Hindi, hindi ito ang ibig sabihin.) Kaya, ang mga kaloob at talento ay iba sa katotohanan at hindi maaaring paghambingin ang mga ito. Anuman ang kaloob na mayroon ka, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi mo gagampanan nang maayos ang iyong tungkulin. May ilang taong madalas na ipinagmamalaki ang mga kaloob nila at karaniwang pakiramdam nila na mas magaling sila sa iba, kaya hinahamak nila ang ibang tao at ayaw nilang makipagtulungan sa iba kapag tumutupad sila ng mga tungkulin nila. Palagi nilang gustong sila ang nasusunod, at ang resulta nito ay madalas nilang nilalabag ang mga prinsipyo kapag ginagampanan nila ang mga tungkulin nila, at napakababa rin ng kahusayan nila sa pagtatrabaho. Dahil sa mga kaloob, naging mapagmataas sila at mapagmagaling, naging mapanghamak sa iba, at nagdulot ito upang palagi nilang maramdaman na mas mabuti sila kaysa ibang tao at na walang sinumang kasingbuti nila, at dahil dito ay naging hambog sila. Hindi ba’t nasira na ang mga taong ito ng kanilang mga kaloob? Ganoon nga. Ang mga taong likas na matalino at may mga talento ay ang pinakamalamang na maging mapagmataas at mapagmagaling. Kung hindi nila hahangarin ang katotohanan at palagi silang mabubuhay sa mga kaloob nila, napakamapanganib na bagay iyan. Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao sa sambahayan ng Diyos, anumang uri ng talento ang mayroon siya, kung hindi niya hahangarin ang katotohanan tiyak na mabibigo siyang tuparin ang tungkulin niya. Anuman ang mga kaloob at talentong mayroon ang isang tao, dapat niyang gampanan nang maayos ang uri ng tungkuling iyan. Kung nauunawaan din niya ang katotohanan at nagagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, magkakaroon ng papel na gagampanan ang mga kaloob at talento niya sa pagtupad ng tungkuling iyan. Ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan, at hindi humahanap sa mga katotohanang prinsipyo, at sumasandig lamang sa mga kaloob nila para gawin ang mga bagay-bagay ay hindi magkakamit ng anumang resulta mula sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin, at maaari pa silang matiwalag. Narito ang isang halimbawa: May ilang taong may talento sa pagsusulat pero hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at walang anumang katotohanang realidad sa mga isinusulat nila. Paano iyan makakapagpalakas sa iba? Mas kaunti ang epekto nito kaysa sa isang taong hindi nakapag-aral pero nakakaunawa sa katotohanang sinasalita tungkol sa kanyang patotoo. Maraming tao ang nabubuhay sa gitna ng mga kaloob at nag-iisip na sila ay mga kapaki-pakinabang na tao sa sambahayan ng Diyos. Pero sabihin ninyo sa Akin, kung hindi sila kailanman sumapit sa paghahangad sa katotohanan, mahalaga pa rin ba sila? Kung may mga kaloob at talento ang isang tao pero wala siyang mga katotohanang prinsipyo, magagampanan ba niya nang maayos ang kanyang tungkulin? Malalaman ng sinumang tunay na nakakaunawa ng isyung ito at nakakaintindi nito kung paano dapat tratuhin ang mga kaloob at talento. Ano ang dapat mong gawin, kung ang kalagayan mo ay ang palagi mong ipinagyayabang ang mga kaloob mo at iniisip na may katotohanang realidad ka, na mas magaling ka sa iba habang hinahamak mo sila kapag nag-iisa ka? Kailangan mong hanapin ang katotohanan; dapat mong makita ang diwa ng pagyayabang ng mga kaloob. Hindi ba’t ito ang sukdulan ng kahangalan at kamangmangan, ang pagyayabang ng mga kaloob? Kung magaling magsalita ang isang tao, ibig sabihin ba nito may katotohanang realidad siya? Ang pagkakaroon ba ng mga kaloob ay nangangahulugan na ang isang tao ay may katotohanan at buhay? Hindi ba’t walanghiya ang taong nagyayabang ng mga kaloob niya, kahit na wala siyang anumang realidad? Kung naunawaan niya ang mga bagay na ito, hindi siya magyayabang. Narito ang isa pang tanong: Ano ang pinakamatinding hamon na hinarap ng mga taong may kaloob at talento? Mayroon ba kayong karanasan ng ganitong bagay o pagkalantad dito? (Ang pinakamatindi nilang hamon ay ang palagi nilang iniisip na mas magaling sila kaysa sa iba, na magaling sila sa lahat ng paraan. Napakayabang nila at labis ang pagpapahalaga sa sarili nila; hinahamak nila ang lahat ng tao. Hindi madali para sa mga taong gaya niyan na tanggapin at isagawa ang katotohanan.) Iyan ay bahagi nito. Ano pa? (Mahirap para sa kanilang pakawalan ang mga kaloob at talento nila. Palagi nilang iniisip na malulutas nila ang maraming problema sa paggamit ng mga kaloob at talento nila. Hindi lang nila alam kung paano tingnan ang mga bagay ayon sa katotohanan.) (Palaging iniisip ng mga taong may kaloob na kaya nilang pangasiwaan ang lahat ng bagay sa sarili nila, kaya kapag may mga nangyayari sa kanila, mahirap para sa kanila ang sumandig sa Diyos, at ayaw nilang hanapin ang katotohanan.) Ang sinasabi ninyo ay mga katunayan, at wala nang iba kundi mga katunayan. Iniisip ng mga taong may kaloob at may mga talento na napakatalino nila, na nauunawaan nila ang lahat ng bagay—ngunit hindi nila alam na ang mga kaloob at talento ay hindi kumakatawan sa katotohanan, na ang mga bagay na ito ay walang koneksyon sa katotohanan. Kapag sumasandig ang mga tao sa mga kaloob nila at imahinasyon sa mga kilos nila, kadalasang sumasalungat sa katotohanan ang mga kaisipan at opinyon nila—ngunit hindi nila ito nakikita, iniisip pa rin nila, “Tingnan ninyo kung gaano ako katalino; napakatalino nang nagawa kong mga pagpapasya! Napakatalinong mga desisyon! Hindi ako kayang pantayan ng sinuman sa inyo.” Magpakailanman silang nabubuhay sa kalagayan ng narsisismo at pagpapahalaga-sa-sarili. Nahihirapan silang patahimikin ang kanilang puso at nahihirapan silang magbulay-bulay sa hinihingi sa kanila ng Diyos, kung ano ang katotohanan, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Kaya nahihirapan silang maunawaan ang katotohanan, at kahit na gumaganap sila ng isang tungkulin, hindi nila nagagawang isagawa ang katotohanan, kaya napakahirap din para sa kanila na pumasok sa katotohanang realidad. Sa madaling salita, kung hindi kaya ng isang taong hangarin ang katotohanan at tanggapin ang katotohanan, anuman ang mga kaloob at talentong mayroon siya, hindi niya magagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin—walang kahit katiting na pagdududa dito.
Ang mga kaloob at talento ay maaaring ituring na magkaparehong uri ng bagay. Ano ang mga talentong mayroon? May ilang tao na partikular na magaling sa isang uri ng teknolohiya. Halimbawa, mahilig ang ilang lalaki na magkalikot ng mga gadyet, at may ilang taong talagang mahusay sa mga elektroniko, na labis na komportable pagdating sa paggamit ng mga internal computer code o software program. Kaya nilang magpakadalubhasa sa mga bagay na ito at mabilis nilang naaalala ang mga ito—ibig sabihin, pambihira ang kakayahan nilang maunawaan at matandaan ang mga bagay na ito. Ito ay isang talento. May ilang tao na magaling sa pag-aaral ng mga wika. Anumang wika ang pag-aralan nila, napakabilis nilang matuto, at nahihigitan ng memorya nila ang memorya ng mga ordinaryong tao. May ilang taong magaling sa pagkanta, pagsayaw, o pagguhit, may ilang magaling sa makeup at pag-arte, may ilang pwedeng maging direktor, at iba pa. Anuman ang uri ng talento, basta’t nakikibahagi ang isang tao sa isang trabaho, tumatalakay ito sa paksang “Ano ba Talaga ang Inaasahan ng mga Tao Para Mabuhay.” Bakit ba natin kailangang himayin ang mga kaloob at talento ng tao? Dahil tinatamasa ng mga tao ang pamumuhay sa mga kaloob at talento nila, at itinuturing ng mga tao bilang kapital ang mga ito, bilang pinanggagalingan ng mga ikinabubuhay nila, bilang buhay, at bilang ang halaga, hinahangad na layunin, at kahulugan ng kanilang buhay. Ang pakiramdam ng mga tao ay likas para sa kanila ang sumandig sa mga bagay na ito para mabuhay, at nakikita ang mga ito bilang isang bahagi ng buhay ng tao na hindi puwedeng mawala. Halos lahat ng tao ngayon ay nabubuhay sa kanilang mga kaloob at talento. Ano ang mga uri ng kaloob ang ipinapamuhay ng bawat isa sa inyo araw-araw? (Sa tingin ko ay may kaloob ako sa wika. Kaya ipinapakalat ko ang ebanghelyo gamit ang kaloob na iyan—kapag may kausap akong isang taong sinisiyasat ang tunay na daan, nahihikayat ko siya, at gusto niyang pakinggan ang sinasabi ko.) Kung gayon, mabuti ba o hindi na mayroon kang ganitong kaloob? (Ngayong narinig ko ang pagbabahagi ng Diyos, sa tingin ko ay magiging hadlang ang kaloob na ito sa paghahanap ko sa mga katotohanang prinsipyo.) Sinasabi mo na hindi mabuting magkaroon ng kaloob sa wika, at hindi mo na gustong gamitin pa ang kaloob na ito, tama ba? (Hindi.) Ano ang sinasabi mo? Kailangan ninyo ngayong maunawaan kung ano ang pagtutuunan ng pansin sa talakayan ngayon, kung alin sa mga problema ninyo ang lulutasin nito, ano ang mali sa pamumuhay sa mga kaloob na ito, at ano ang tama tungkol dito. Dapat maging malinaw sa inyo ang mga bagay na ito. Kung hindi ninyo nauunawaan ang mga bagay na ito, at kung, sa huli, pagkatapos ng labis na pagsasalita, pakiramdam ninyo na ang mga tamang bagay ay mali, at ang mga maling bagay ay mali rin, at na ang lahat ng bagay na ginagawa ninyo ay mali, malulutas ba ninyo ang problema sa pamumuhay sa inyong mga kaloob? (Hindi. Sa pamamagitan ng pagsandig ko sa kaloob sa akin sa wika upang maipakalat ang ebanghelyo, sa tingin ko ang intensyon ko ay hindi para gampanan nang maayos ang tungkulin ko para mapalugod ang Diyos, at sa halip, ito ay para magyabang, hangaan ang aking sarili, at magkaroon ng magandang pakiramdam sa sarili ko.) Kakapahayag mo pa lamang ng dahilan kung bakit mali ang mamuhay sa iyong mga kaloob. Iniisip mong ang kaloob na ito ang kapital mo, isang pagkaunawa ng kahalagahan ng iyong sarili, at ang mga kaisipang ito at ang puntong pinanggalingan nito ay mali. Paano mo malulutas ang problemang ito? (Kailangan kong malaman na ang kaloob sa akin ay kasangkapan lamang para sa pagganap sa aking tungkulin. Ang layunin ng paggamit sa aking kaloob ay ang magampanan nang maayos ang aking tungkulin at matapos ang atas ng Diyos.) Pagkatapos mag-isip sa ganitong paraan, bigla mo bang maisasagawa ang katotohanan? (Hindi.) Kaya paano ka makakapagsagawa ng katotohanan at hindi mamumuhay sa mga kaloob na ito? Kung, kapag ginagampanan mo ang tungkulin mo, ginagamit mo ang mga kaloob mo para ipagyabang ang iyong mga personal na kahusayan at kakayahan, namumuhay ka sa mga kaloob mo. Gayunpaman, kung ginagamit mo ang iyong mga kaloob at kaalaman para gampanan nang maayos ang iyong tungkulin at ipakita ang iyong katapatan, at pagkatapos ay nagagawa mong tuparin ang mga layunin ng Diyos at kamtin ang mga resulta na hinihingi ng Diyos, at kung pinag-iisipan mo kung paano magsalita at kung ano ang sasabihin para mas makapagpatotoo ka sa Diyos, at mas maging maigi sa pagtulong sa mga tao na maunawaan at malinawanagan tungkol sa kung anong gawain ang ginagawa ng Diyos, at sa wakas ay matulungan ang mga tao na tanggapin ang gawain ng Diyos, isinasagawa mo ang katotohanan. Mayroon bang pagkakaiba rito? (Oo.) Minsan ba ay nadala na kayo habang ipinagyayabang ninyo ang inyong mga kaloob, talento, o kakayahan, at nakalimutan ninyo na ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, at sa halip ay nagyabang kayo sa harap ng iba, gaya ng isang walang pananampalataya? Nangyari na ba ito sa inyo kahit kailan? (Oo.) Kaya sa mga sitwasyong ito, ano ang kalagayan ng kalooban ng isang tao? Ito ay kalagayan ng pagpapakasasa sa sarili, kung saan wala siyang may-takot-sa-Diyos na puso, pagpipigil, o pagsisisi, kung saan walang mga layunin o prinsipyo sa isipan niya kapag gumagawa siya ng mga bagay-bagay, at kung saan nawala na sa kanya ang pangunahing dignidad o kagandahang-asal na dapat mayroon ang isang Kristiyano. Ano ang nangyari rito? Ito ay naging pagyayabang niya ng mga kahusayan niya at pagbibida ng personalidad niya. Sa pagganap mo ng tungkulin mo, madalas mo bang nararanasan ang mga kalagayan kung saan ang iniisip mo lang ay ang pagpapakita ng iyong mga talento at kaloob, at kung saan hindi mo hinahanap ang katotohanan? Kapag naroon ka sa gayong kalagayang, mapapagtanto mo ba ito sa sarili mo? Mababaliktad mo ba ang landasin mo? Kung mapapagtanto mo ito at mababaliktad mo ang landasin mo, maisasagawa mo ang katotohanan. Pero kung ikaw ay palaging ganito, at nararanasan mo ang kalagayang ito nang paulit-ulit, sa mahabang panahon, ikaw ay isang taong lubos na namumuhay sa kanyang mga kaloob at hindi talaga nagsasagawa ng katotohanan. Sa tingin ninyo saan nanggagaling ang pagpipigil ninyo? Ano ang nagtatakda sa kapangyarihan ng inyong pagpipigil? Itinatakda ito ng kung gaano mo minamahal ang katotohanan at kung gaano mo kinamumuhian ang kasamaan at mga negatibong bagay. Kapag naunawaan mo ang katotohanan, hindi mo gugustuhing gumawa ng masama, at kapag kinamumuhian mo ang mga negatibong bagay, hindi mo gugustuhing gumawa ng kasamaan—at agad-agad na lamang, nagkakaroon ng pakiramdam ng pagpipigil. Imposible para sa mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang kamuhian ang masasamang bagay. Iyan ang dahilan kung bakit wala silang pakiramdam ng pagpipigil, at kung wala iyan, maaari silang magpatalo sa pagkabuwag, nang hindi lumalaban. Sila ay hindi makatuwiran at walang pag-iingat, at wala silang ni katiting na pakialam kung gaano karaming kasamaan ang ginagawa nila.
Mayroon pang isang kalagayan na nararanasan ng mga taong sumasandig sa kanilang mga kaloob. Anuman ang mga talento, kaloob, o kahusayang mayroon ang mga tao, kung gumagawa lang sila ng mga bagay-bagay at nagpapakapagod, at hindi kailanman hinanap ang katotohanan, ni hindi sinubukang arukin ang mga layunin ng Diyos, na para bang hindi umiiral ang konsepto ng pagsasagawa ng katotohanan sa mga isipan nila, at ang tanging nagtutulak sa kanila ay tapusin ang trabaho at gawin ang gawain, hindi ba’t ito ay ganap na pamumuhay sa kanilang mga kakayahan at kahusayan? Sa kanilang paniniwala sa Diyos, gusto lang nilang magpakapagod para magkamit sila ng mga pagpapala, at ipagpalit ang sarili nilang mga kaloob at kahusayan para sa mga pagpapala ng Diyos. Ito ang kalagayan ng karamihan ng tao. Karamihan ng tao ay nagkikimkim ng ganitong perspektiba lalo na kapag iniaatas sa kanila ng sambahayan ng Diyos ang ilang uri ng paulit-ulit na trabaho—ang ginagawa lang nila ay magpakapagod. Sa madaling sabi, gusto nilang sumandig sa pagpapakapagod para matupad ang mga layunin nila. Minsan ito ay sa pamamagitan ng pagsasalita o sa pagtingin sa isang bagay; minsan ito ay sa pagtatrabaho gamit ang mga kamay nila o pagiging abala. Iniisip nila na sa paggawa nito, marami na silang naiambag. Ito ang ibig sabihin ng mabuhay nang sumasandig sa mga kaloob ng isang tao. Bakit natin sinasabi na ang pamumuhay sa iyong mga kaloob at talento ay pagpapakapagod sa halip na pagtupad ng tungkulin mo, na walang sinasabi tungkol sa pagsasagawa sa katotohanan? May pagkakaiba. Halimbawa, sabihin nating binigyan ka ng isang gawain ng sambahayan ng Diyos, at pagkatapos mong simulan ito, iniisip mo kung paano mo tatapusin ang gawain sa lalong madaling panahon, para makapag-ulat ka sa lider mo at matanggap ang papuri niya. Maaari pa ngang mayroon kang medyo tapat na saloobin at gumagawa ka ng hakbang-hakbang na plano, pero nakatuon lang ang pansin mo sa pagtatapos ng gawain at paggawa nito para tingnan ng iba. O, maaari kang maglagay ng pamantayan para sa sarili mo habang ginagawa mo ito, iniisip kung paano mo gagawin ang gawain sa paraang nagpapalugod at nagpapasaya sa iyo, at naaabot ang pamantayan ng pagiging perpekto na hinahanap mo. Paano ka man magtakda ng mga pamantayan, kung walang kaugnayan sa katotohanan ang ginagawa mo, kung hindi ito ginawa pagkatapos hanapin ang katotohanan, at pagkatapos maunawaan at mapagtibay ang mga hinihingi ng Diyos, at kung sa halip ito ay ginawa nang wala sa loob at nang may litong isipan, pagpapakapagod ito. Ito ay paggawa ng mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagsandig sa sarili mong isipan, mga kaloob, kakayahan, at kahusayan habang nagkikimkim ka ng kaisipan ng pangangarap. Ano ang resulta ng paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Marahil natatapos mo ang gawain, at walang sinumang nagsasabing mayroong anumang problema. Napakasaya mo, pero sa proseso ng paggawa ng gawain, para sa mga nagsisimula, hindi mo naunawaan ang layunin ng Diyos. Pangalawa, hindi mo ito ginawa nang buong puso, isipan, at lakas; hindi hinanap ng puso mo ang katotohanan. Kung hinanap mo ang mga katotohanang prinsipyo at hinanap ang layunin ng Diyos, nakaabot sana sa pamantayan ang pagganap mo ng gawain. Nagawa mo rin sanang makapasok sa mga katotohanang realidad, at naunawaan mo sana nang tama na ang ginawa mo ay naaayon sa layunin ng Diyos. Gayunpaman, kung hindi mo ibinubuhos ang puso mo rito, at iniraraos mo lang ang gawain, kahit na matatapos ang trabaho at magagawa ang gawain, hindi mo malalaman sa puso mo kung gaano mo ito kaayos nagawa, wala kang magiging anumang pamantayan, at hindi mo malalaman kung nagawa ang gawain ng naaayon sa layunin ng Diyos o sa katotohanan. Sa kasong iyan, hindi mo ginagampanan ang tungkulin mo, ikaw ay nagtatrabaho.
Dapat maunawaan ng lahat ng nananalig sa Diyos ang mga layunin Niya. Tanging ang mga gumaganap nang maayos sa mga tungkulin nila ang makakapagpalugod sa Diyos, at sa pamamagitan lang ng pagtupad sa atas ng Diyos magiging kasiya-siya ang pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin. May isang pamantayan para sa pagsasakatuparan ng atas ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.” Ang “pag-ibig sa Diyos” ay isang aspekto ng hinihingi ng Diyos sa mga tao. Saan dapat ipamalas ang hinihinging ito? Na dapat mong tapusin ang atas ng Diyos. Sa praktikal na pananalita, ito ay pagtupad ng iyong tungkulin nang maayos bilang isang tao. Kaya ano ang pamantayan para sa pagtupad nang maayos sa iyong tungkulin? Hinihingi ng Diyos na gampanan mo ang iyong tungkulin bilang isang nilikha nang buong puso, kaluluwa, isipan, at lakas mo. Dapat madali lang itong maunawaan. Para maabot ang hinihingi ng Diyos, pangunahin mong kailangang ilagay ang puso mo sa iyong tungkulin. Kung kaya mong ilagay ang puso mo rito, magiging madali para sa iyong kumilos nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin sa pamamagitan lang ng pagsandig sa mga imahinasyon ng iyong isipan, at sa pagsandig sa iyong mga kaloob, maaabot mo ba ang mga hinihingi ng Diyos? Tiyak na hindi. Kaya, ano ang pamantayan na dapat maabot para matupad ang atas ng Diyos, at para magampanan ang iyong tungkulin nang tapat at maayos? Ito ay ang gampanan mo ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Kung susubukan mong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin nang walang mapagmahal-sa-Diyos na puso, hindi ito uubra. Kung ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso ay lumagong lalo pang mas malakas at mas totoo, likas mong magagawang gampanan ang iyong tungkulin nang maayos, nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong isipan mo, buong lakas mo—ang “buong lakas mo” ang huli; ang “buong puso mo” ang una. Kung hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin nang buong puso mo, paano mo ito gagawin nang buong lakas mo? Kaya ang simpleng pagsubok na gawin ang iyong tungkulin nang buong lakas mo ay hindi magkakamit ng anumang resulta—o kahit makakaabot man sa mga prinsipyo. Ano ang pinakamahalagang bagay na hinihingi ng Diyos? (Nang buong puso ng isang tao.) Anuman ang tungkulin o bagay na ipinagkakatiwala ng Diyos sa iyo, kung ikaw ay nagpapakapagod lang, nagiging abala, at nagsisikap, maaari ka bang umayon sa mga katotohanang prinsipyo? Maaari ka bang kumilos nang naaayon sa mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Paano ka makakaayon sa mga layunin ng Diyos? (Nang buong puso namin.) Madaling sabihin ang mga salitang “nang buong puso mo,” at madalas itong sinasabi ng mga tao, kaya paano mo ito gagawin nang buong puso mo? Sinasabi ng ilang tao, “Ito ay kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang may kaunti pang pagsisikap at sinseridad, mas mag-isip pa, huwag hayaan ang anumang bagay na punuin ang isipan mo, at ituon lang ang pansin sa kung paano gagawin ang atas na gawain, hindi ba?” Ganyan ba iyan kasimple? (Hindi.) Kaya pag-usapan natin ang ilang pangunahing prinsipyo ng pagsasagawa. Ayon sa mga prinsipyong karaniwan ninyong isinasagawa o naoobserbahan, ano dapat ang una ninyong gagawin para magawa ang mga bagay-bagay nang buong puso ninyo? Dapat gamitin ninyo ang buong isipan ninyo, gamitin ang inyong lakas, at ilagay ang inyong puso sa paggawa ng mga bagay-bagay, at huwag maging pabasta-basta. Kung hindi kaya ng isang taong gawin ang mga bagay-bagay nang buong puso niya, nawala na ang puso niya, na tulad ng pagkawala ng kaluluwa ng isang tao. Ang kaisipan niya ay maliligaw habang nagsasalita siya, hindi niya kailanman ilalagay ang puso niya sa paggawa ng mga bagay-bagay, at magiging wala siyang ingat anuman ang ginagawa niya. Dahil dito, hindi niya magagawang pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang maayos. Kung hindi mo ginagampanan ang tungkulin mo nang buong puso mo at hindi mo inilalagay ang buong puso mo rito, gagampanan mo nang hindi maayos ang tungkulin mo. Kahit ilang taon mong gampanan ang tungkulin mo, hindi mo ito magagawa nang sapat. Wala kang magagawang anumang bagay nang maayos kung hindi mo ilalagay rito ang puso mo. Ang ilang tao ay mga hindi masigasig na manggagawa, palagi silang pabago-bago at kapritsoso, masyadong mataas ang mithiin nila, at hindi nila alam kung saan nila iniwan ang puso nila. May puso ba ang gayong mga tao? Paano ninyo masasabi kung may puso ang isang tao o wala? Kung madalang magbasa ng mga salita ng Diyos ang isang taong nananalig sa Diyos, may puso ba siya? Kung hindi sila kailanman nananalangin sa Diyos anuman ang nangyayari, may puso ba siya? Kung hindi niya kailanman hinahanap ang katotohanan anuman ang mga paghihirap na hinaharap niya, may puso ba siya? Ang ilang tao ay gumaganap sa mga tungkulin nila nang maraming taon nang walang nakukuhang anumang malinaw na resulta, may puso ba sila? (Wala.) Maayos bang magagampanan ng mga taong walang puso ang kanilang mga tungkulin? Paano magagampanan ng mga tao ang mga tungkulin nila nang buong puso nila? Una sa lahat, dapat ninyong isipin ang responsabilidad. “Ito ang aking responsabilidad, kailangan ko itong pasanin. Hindi ako pwedeng tumakas ngayon kung kailan ako pinakakailangan. Dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ko at magbibigay ako ng ulat sa Diyos tungkol dito.” Ibig sabihin nito ay mayroon kang teoretikal na batayan. Pero ang simpleng pagkakaroon ba ng teoretikal na batayan ay nangangahulugang ginagawa ninyo ang tungkulin ninyo nang buong puso ninyo? (Hindi.) Malayo pa rin kayo sa pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos sa pagpasok sa katotohanang realidad at sa paggawa ng inyong tungkulin nang buong puso ninyo. Kaya, ano ang ibig sabihin ng gawin ang inyong tungkulin nang buong puso ninyo? Paano magagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang buong puso nila? Una sa lahat, kailangan ninyong isipin, “Para kanino ko ba ginagawa ang tungkuling ito? Ginagawa ko ba ito para sa Diyos, o sa iglesia, o sa ilang tao?” Dapat maging malinaw ito. Gayundin: “Sino ang nag-atas ng tungkuling ito sa akin? Ang Diyos ba, o isang lider o ang iglesia?” Kailangan din itong maging malinaw. Maaaring tila isang maliit na bagay lang ito, ngunit gayunman, kailangang hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Sabihin ninyo sa Akin, isang lider o manggagawa ba, o isang iglesia, ang nag-atas sa inyo ng tungkulin ninyo? (Hindi.) Mabuti iyan, basta’t sigurado ka sa puso mo tungkol dito. Dapat mong pagtibayin na ang Diyos ang nag-atas sa iyo ng tungkulin mo. Maaaring tila ito ay ibinigay sa iyo ng isang lider ng iglesia, pero sa katunayan, ang lahat ng ito ay galing sa pagsasaayos ng Diyos. Maaaring may mga panahon kung kailan malinaw na galing ito sa kalooban ng tao, pero kahit noon pa man, dapat mo muna itong tanggapin sa Diyos. Iyan ang tamang paraan para maranasan ito. Kung tatanggapin mo ito sa Diyos, at kusa kang magpapasakop sa pagsasaayos Niya, at lalapit ka para tanggapin ang atas Niya—kung dadanasin mo ito gaya niyan, sasaiyo ang gabay at gawain ng Diyos. Kung lagi kang naniniwala na ang lahat ng bagay ay ginagawa ng tao at nanggagaling sa tao, kung nararanasan mo ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, hindi mapapasaiyo ang pagpapala ng Diyos o ang gawain Niya, dahil labis kang tuso para riyan, labis kang walang espiritwal na pang-unawa. Wala ka nang tamang pag-iisip. Kung tinitingnan mo ang lahat ng usapin sa mga kuru-kuro at imahinasyon, hindi ka magkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil ang Diyos ang naghahari sa lahat ng bagay. Sinuman ang isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na gumawa ng anumang uri ng gawain, nanggagaling ito sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, at naroroon ang mabuting kalooban ng Diyos. Dapat mo munang malaman ito. Napakahalagang makita ito nang malinaw; hindi sapat ang maunawaan lang ang doktrina. Dapat mong pagtibayin sa puso mo, “Ang tungkuling ito ay ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. Ginagampanan ko ang tungkulin ko para sa Diyos, hindi para sa sarili ko, hindi para kaninuman. Ito ang tungkulin ko bilang isang nilikha, at ipinagkatiwala ito sa akin ng Diyos.” Dahil ang tungkuling ito ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, paano ito ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo? Kinapapalooban ba ito ng paggawa ng mga bagay-bagay nang buong puso mo? Kinakailangan bang hanapin ang katotohanan? Dapat mong hanapin ang katotohanan, ang mga hinihingi, pamantayan, at prinsipyo ng tungkuling ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, at kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos. Kung malinaw na ipinahayag ang mga salita Niya, panahon na para pag-isipan mo kung paano isasagawa at gagawing totoo ang mga ito. Dapat ka ding makipagbahaginan sa mga taong nakakaunawa ng katotohanan, at pagkatapos ay kumilos ka ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Iyan ang ibig sabihin, na gawin ito nang buong puso mo. At saka, sabihin natin na bago mo ginagampanan ang tungkulin mo, hinahanap mo ang layunin ng Diyos, nauunawaan ang katotohanan, at alam kung ano ang gagawin, pero nang oras na para kumilos, may mga hindi pagkakatugma at kontradiksyon sa pagitan ng mga sarili mong kaisipan at ng mga katotohanang prinsipyo. Kapag nangyari ito, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong panghawakan ang prinsipyo ng pagsasagawa ng iyong tungkulin nang buong puso mo, at ilagay ang buong puso mo sa pagpapasakop at pagpapalugod sa Diyos, nang walang anumang mga personal na halo, at nang tiyak na hindi pagkilos sa sarili mong kalooban. Sinasabi ng ilang tao, “Wala akong pakialam sa mga bagay na iyan. Sa akin ipinagkatiwala ang tungkuling ito kung tutuusin, kaya ako ang dapat may huling salita. May karapatan akong kumilos sa sarili kong inisyatiba, gagawin ko kung ano ang iniisip kong dapat gawin. Ginagawa ko pa rin ang tungkulin ko nang buong puso ko, kaya ano ang mga kamaliang papansinin mo?” At pagkatapos, nagsisikap silang unawain kung ano ang gagawin. Kahit na matapos ang gawain sa huli, tama ba ang paraang ito ng pagsasagawa at ang kalagayang ito? Ito ba ang paggawa sa mga tungkulin nila ng buong puso nila? (Hindi.) Ano ang problema rito? Ito ay pagmamataas, ang pagiging batas para sa sarili, ang pagiging pabasta-basta at walang ingat. Ito ba ay pagganap ng mga tungkulin nila? (Hindi.) Ito ay paggawa ng personal na gawain, hindi pagganap sa kanilang tungkulin. Ito ay simpleng paggawa ng kung ano ang makakapagbigay ng kasiyahan sa kanila at kung ano ang gusto nila batay sa sarili nilang kalooban, hindi ito paggawa sa mga tungkulin nila nang buong puso nila.
Pangunahin nating pinag-usapan ngayon lang ang tungkol sa mga talento at kaloob. Kasama ba ang kaalaman sa mga talento at kaloob na ito? Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng kaalaman at mga talento? Ang talento ay tumutukoy sa isang kahusayan. Ito ay maaaring isang larangan kung saan ang isang tao ay mas mahusay kaysa sa iba, isang bahagi ng kanilang kakayahan na mas kilala, kung ano ang pinakamahusay sa kanila, o isang kahusayan kung saan sila ay magaling at bihasa kung ihahambing sa iba. Ang lahat ng ito ay tinatawag na mga talento at kaloob. Ano ang kaalaman? Ano ang eksaktong tinutukoy ng kaalaman? Kung ang isang intelektuwal ay nag-aral sa loob nang maraming taon, nakapagbasa ng maraming klasiko, nag-aral ng isang partikular na propesyon o larangan ng kaalaman nang malalim, nagkamit ng mga resulta, at nagtataglay ng mga partikular at malalim na kadalubhasaan, mayroon ba itong anumang kaugnayan sa mga talento at kaloob? Maaari bang isama ang kaalaman sa kategorya ng mga talento? (Hindi.) Kung gumagamit ang isang tao ng mga talento para gawin ang trabaho niya, posibleng siya ay isang taong di-sibilisado at taga-bukid, na walang mataas na antas ng edukasyon, hindi nakapagbasa ng anumang kilalang libro, o ni hindi nakakaunawa ng Bibliya, pero maaari pa ring mayroon siyang kaunting kakayahan, at makakapagsalita nang mahusay. Talento ba ito? (Oo.) Ang taong ito ay nagtataglay ng gayong talento. Ibig sabihin ba nito na mayroon siyang kaalaman? (Hindi.) Kaya ano ang ibig sabihin ng kaalaman? Paano ito binibigyan ng kahulugan? Sabihin nating ganito, kung ang isang tao ay nag-aral ng edukasyon, halimbawa, mayroon ba siyang kaalaman ng propesyong ito? Ang mga bagay gaya ng kung paano turuan ang mga tao, paano magbahagi ng kaalaman sa iba, anong kaalaman ang ibabahagi, at iba pa? Mayroon siyang kaalaman sa larangang ito, kaya siya ba ay isang intelektuwal sa larangang ito? Matatawag ba siyang isang talentong indibidwal na nagtataglay ng kaalaman sa larangang ito? (Oo.) Gamitin natin ito bilang halimbawa, kung ang isang tao ay isang intelektuwal na nakikibahagi sa edukasyon, ano ang karaniwang gagawin ng taong ito kapag siya ay nagtrabaho o namuno ng iglesia? Ano ang mga karaniwan niyang pagsasagawa? Nakikipag-usap ba siya sa lahat gaya ng isang gurong nakikipag-usap sa isang estudyante? Hindi mahalaga ang tono ng boses na ginagamit niya, ang mahalaga ay kung ano ang itinatanim niya sa iba at itinuturo sa iba. Nabuhay na siya sa kaalamang ito nang maraming taon, at ang kaalamang ito ay naging karaniwang bahagi ng kanyang buhay, sa punto na sa bawat aspekto ng kanyang pag-uugali o buhay, makikita mong tinataglay niya ang kaalamang ito at ipinapamuhay ang kaalamang nakamtan niya. Napakanormal na makita ito. Kaya ano ang madalas sinasandigan ng mga taong gaya nito para gawin ang trabaho nila? Ang kaalamang nakamtan nila. Sabihin natin, halimbawa, narinig nilang sinabi ng isang tao, “Hindi ko kayang magbasa ng mga salita ng Diyos. Pinanghahawakan ko ang mga ito, pero hindi ko lang alam kung paano babasahin ang mga ito. Paano ko malalaman kung ano ang katotohanan, kung hindi ko kayang basahin ang mga salita ng Diyos? Paano ko mauunawaan ang Kanyang mga layunin kung hindi ko kayang basahin ang mga salita Niya?” Sinasabi nila, “Alam ko kung paano, may kaalaman ako, kaya matutulungan kita. Ang kabanatang ito ay nahahati sa apat na talata. Karaniwan, kung naratibo ang isang artikulo, mayroong anim na elemento: panahon, lugar, mga tauhan, ang dahilan ng pangyayari, ang proseso ng kaganapan, at ang pagtatapos. Ang panahon kung kailan nailathala ang kabanatang ito ng salita ng Diyos ay nasa dulo—Oktubre, 2011. Ito ang unang elemento. Pagdating sa mga tauhan, binabanggit ng kabanatang ito ng salita ng Diyos ang ‘Ako,’ kaya ang unang tao ay ang Diyos, at pagkatapos ay binanggit ng Diyos ang ‘kayo,’ na tumutukoy sa atin. Pagkatapos hinihimay nito ang mga kalagayan ng ilang tao; ang ilang kalagayan ay mapaghimagsik at mapagmataas, na tumutukoy sa mga taong mapagmataas at mapaghimagsik, na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, na gumagawa ng kalokohan, di-mabubuti at masasamang tao. Ang direksyon ng mga bagay-bagay ay na ang mga tao ay gumagawa ng masasamang bagay. Mayroon ding ilan pang bagay na may kaugnayan sa iba’t-ibang aspekto.” Ano ang tingin ninyo sa paraang ito ng gawain? Mabuting bagay na tumutulong sila sa mga tao nang may labis na pagmamahal, pero ano ang batayan ng mga kilos nila? (Kaalaman.) Bakit Ko ginagamit ang halimbawang ito? Para tulungan ang mga taong malinaw na maunawaan kung ano ang kaalaman. Hindi alam ng ilang tao kung paano magbasa ng salita ng Diyos, pero nakapag-aral sila at marahil ay naging mahusay sila sa mga asignatura ng araling pantao sa paaralan, kaya maaaring buksan nila ang isang pahina ng salita ng Diyos, basahin, at sabihin, “Ang kabanatang ito ng salita ng Diyos ay mahusay na naipahayag! Sa unang seksyon, direktang nagsasalita ang Diyos, at pagkatapos sa pangalawa, nakikita sa tono ang kaunting pagiging maharlika at ang poot. Sa pangatlong seksyon, partikular at malinaw na inilantad ang lahat. Ganito dapat ang salita ng Diyos. Ang pang-apat na seksyon, ang pangkalahatang buod, ang nagbibigay sa mga tao ng landas ng pagsasagawa. Perpekto ang salita ng Diyos!” Galing ba sa kaalaman ang kanilang konklusyon at buod ng salita ng Diyos? (Oo.) Kahit na hindi masyadong akma ang halimbawang ito, ano ang gusto Kong maunawaan ninyo sa pagsasabi nito? Gusto Kong malinaw ninyong makita ang kapangitan ng paggamit ng kaalaman para harapin ang salita ng Diyos. Nakakasuklam ito. Ang gayong mga tao ay sumasandig sa kaalaman para magbasa ng salita ng Diyos, kaya makakasandig ba sila sa katotohanan para gawin ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Tiyak na hindi.
Ano ang mga katangian ng kung paanong ginagawa ng mga taong nabubuhay sa kaalaman ang mga bagay-bagay? Una sa lahat, ano ang mga kalamangang iniisip nilang tinataglay nila? Ang kanilang kaalaman at edukasyon, ang katunayang sila ay mga intelektuwal, at ang katunayang nakapagtrabaho sila sa mga industriyang nakabatay sa kaalaman. Taglay ng mga intelektuwal ang mga estilo, katangian, at gawi ng mga intelektuwal kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, kaya hindi nila maiwasang magdala ng isang uri ng intelektuwal na kahambugan sa mga bagay na ginagawa nila, na nagdudulot para hangaan sila ng ilang tao. Ganyan gumawa ng mga bagay-bagay ang mga intelektuwal; palagi silang nakatuon sa intelektuwal na kahambugang iyan. Gaano man kahina o kaamo ang itsura nila sa panlabas, ang mga bagay sa kalooban nila ay tiyak na hindi mahina o maamo, at lagi silang may sarili nilang pananaw sa lahat ng bagay. Sa lahat ng bagay, palagi nilang gustong magyabang, gamitin ang mga walang kabuluhang paraan nila, at suriin at harapin ang mga bagay-bagay batay sa mga pananaw, saloobin, at gawi ng pag-iisip ng kaalaman. Ang katotohanan ay isang bagay na walang halaga sa kanila, at ito ay isang bagay na napakahirap para sa kanilang tanggapin. Samakatuwid, ang unang saloobin ng gayong tao sa katotohanan ay suriin ito. Ano ang batayan ng kanilang pagsusuri? Kaalaman. Bibigyan Ko kayo ng halimbawa. Ang mga tao bang nakapag-aral ng pagdidirektor ay may taglay na kaalaman tungkol sa pagdidirektor? Sistematiko man ang naging pag-aaral mo ng pagdidirektor sa mga libro, o napag-aralan ito nang praktikal at nakagawa ng ganyang uri ng trabaho, sa madaling salita, mayroon kang kaalaman sa larangang ito. Ikaw man ay nag-aral ng pagdidirektor nang malalim o mababaw lang, kung ikaw ay nakibahagi sa gawain ng pagdidirektor sa mundo ng mga walang pananampalataya, ang kaalamang nakamtan mo sa larangang ito o ang karanasan mo sa pagdidirektor ay magiging kapaki-pakinabang at mahalaga. Gayunpaman, ang pagkakaroon ba ng ganitong uri ng kaalaman ay nangangahulugan na tiyak na magiging mahusay ka sa gawain ng paggawa ng pelikula ng sambahayan ng Diyos? Talaga bang makakatulong sa iyo ang kaalamang nakamtan mo para gamitin ang mga pelikula para magpatotoo sa Diyos? Hindi laging gayon. Kung patuloy mong binibigyan ng diin kung ano ang mga itinuro sa iyo ng mga libro at ang mga panuntunan at hinihingi ng kaalaman ng industriya, maayos mo bang magagawa ang iyong tungkulin? (Hindi.) Hindi ba’t mayroong punto ng pagtatalo o salungatan dito? Kapag sumalungat ang mga katotohanang prinsipyo sa aspektong ito ng kaalaman, paano mo ito lulutasin? Tinatanggap mo ba bilang gabay mo ang iyong kaalaman, o ang mga prinsipyo ng katotohanan? Matitiyak ba ninyo na ang bawat kuha, bawat eksena, at bawat bahagi na ginagawa ninyong pelikula ay hindi nahaluan o na naglalaman ito ng napakakaunting halo ng inyong kaalaman, at na ganap itong naaayon sa mga panuntunan at prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos? Kung hindi ito posible, wala sa kaalamang nakamtan mo ang may pakinabang sa sambahayan ng Diyos. Pag-isipan mo ito, ano ang gamit ng kaalaman? Anong kaalaman ang kapaki-pakinabang? Anong uri ng kaalaman ang sumasalungat sa katotohanan? Ano ang dinadala ng kaalaman sa mga tao? Kapag nagtatamo ng mas maraming kaalaman ang mga tao, mas lalo ba silang nagiging makadiyos at nagtataglay pa ng may-takot-sa Diyos na puso, o lalo silang nagiging mapagmataas at mapagmagaling? Sa pagtatamo nila ng maraming kaalaman, ang mga tao ay nagiging komplikado, dogmatiko, at mapagmataas. May isa pang bagay na nakamamatay na maaaring hindi nila napagtanto: Kapag naging dalubhasa ang mga tao sa maraming kaalaman, nagiging magulo sila sa kalooban, at nawawalan ng mga prinsipyo, at mas maraming kaalaman ang napapagdalubhasaan nila, mas lalo silang nagiging magulo. Sa kaalaman, matatagpuan ba ang mga sagot sa mga tanong kung bakit nabubuhay ang mga tao at ang halaga at kabuluhan ng buhay ng tao? Matatagpuan ba ang mga konklusyon sa kung saan nanggaling ang mga tao at saan sila pupunta? Masasabi ba sa iyo ng kaalaman na nanggaling ka sa Diyos at nilikha ka ng Diyos? (Hindi.) Kaya, ano ba talaga ang eksaktong saklaw ng mga pag-aaral ng kaalaman o itinanim ng kaalaman sa mga tao? Mga materyal na bagay, mga bagay ng ateismo, mga bagay na nakikita ng mga tao at mga bagay ng isipan na nakikilala nila, na marami sa mga ito ay nagmumula sa mga imahinasyon ng mga tao at sadyang hindi praktikal. Ang kaalaman ay nagtatanim din sa mga tao ng mga pilosopiya ng mga tao, ideolohiya, teorya, likas na kautusan, at iba pa, subalit maraming bagay ang hindi nito malinaw na maipaliwanag. Paano nabubuo ang kulog at kidlat, halimbawa, o bakit nagbabago ang mga panahon. Maibibigay ba sa iyo ng kaalaman ang mga tunay na sagot na iyan? Bakit kasalukuyang nagbabago at nagiging abnormal ang klima? Malinaw bang maipapaliwanag ito ng kaalaman? Malulutas ba nito ang problemang ito? (Hindi.) Hindi nito masasabi sa iyo ang tungkol sa mga isyung may kaugnayan sa pinagmumulan ng lahat ng bagay, kaya hindi nito malulutas ang mga problemang iyon. Mayroon ding mga nagtatanong, “Bakit ang ilang tao ay muling nabubuhay?” Naibigay na ba sa iyo ng kaalaman ang sagot dito? (Hindi.) Ano kung ganoon, ang sinasabi sa iyo ng kaalaman? Sinasabi nito sa mga tao ang tungkol sa maraming kaugalian at regulasyon. Halimbawa, ang ideya na ang mga tao ay dapat na magpalaki ng mga anak at magpakita ng pagmamahal sa mga magulang nila ay isang uri ng kaalaman tungkol sa buhay ng tao. Saan nanggaling ang kaalamang ito? Ito ay itinuro ng tradisyonal na kultura. Ano ang dinadala ng lahat ng kaalamang ito sa mga tao? Ano ang diwa ng kaalaman? Sa mundong ito, maraming tao ang nakapagbasa ng mga klasiko, nakatanggap ng mataas na antas ng edukasyon, may kaalaman, o naging dalubhasa sa isang espesyal na larangan ng kaalaman. Kaya, sa landas ng buhay, tama ba ang direksyon at mga layunin ng gayong mga tao? May batayan at mga prinsipyo ba sila sa kanilang asal? Dagdag pa rito, alam ba nila kung paano sumamba sa Diyos? (Hindi.) Higit pa rito, nauunawaan ba nila ang anumang elemento ng katotohanan? (Hindi nila nauunawaan.) Kaya, ano ang kaalaman? Ano ang ibinibigay ng kaalaman sa mga tao? Marahil may kaunting karanasan ang mga tao tungkol dito. Sa nakaraan, nang hindi sila nagtataglay ng kaalaman, simple lang ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao—simple pa rin ba ang mga ito ngayong nagtamo ng kaalaman ang mga tao? Dahil sa kaalaman, nagiging mas komplikado ang mga tao at hindi na dalisay. Dahil sa kaalaman, ang mga tao ay lalong walang normal na pagkatao at walang mga layunin sa buhay. Mas maraming kaalaman ang natatamo ng mga tao, mas lalo silang lumalayo sa Diyos. Mas nagtatamo sila ng kaalaman, mas lalo nilang itinatanggi ang katotohanan at ang salita ng Diyos. Mas maraming kaalaman mayroon ang mga tao, mas lalo silang nagiging labis, matigas ang ulo at kakatwa. At ano ang resulta? Ang mundo ay gradwal na dumidilim at lalong nagiging masama.
Kababanggit lang natin kung paano lulutasin ang mga pagtatalo o labanan sa pagitan ng paggamit ng kaalaman at ng mga katotohanang prinsipyo kapag lumilitaw ang mga ito. Ano ang ginagawa ninyo tuwing nasa ganoon kayong sitwasyon? Ang ilan sa inyo ay mag-aalok ng doktrina: “Ano ang mahirap sa pagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ano ang mayroon na hindi maaaring pakawalan?” Pero kapag may nangyayari sa inyo, nagpapatuloy kayo gaya nang dati, sinusunod ang sarili ninyong kalooban at ang inyong mga kuru-kuro at imahinasyon, at kahit na maaaring may mga pagkakataon kung kailan gusto ninyong isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, tila hindi ninyo lang ito magawa, kahit ano pa. Alam ng lahat na tama, bilang usapin ng doktrina, na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo; alam nilang ang kaalaman ay tiyak na hindi aayon sa mga katotohanang prinsipyo, at na kapag nagkasalungat o naglaban ang dalawa, magsisimula sila sa pagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo at pagbitiw sa kanilang kaalaman. Pero ganyan ba kasimple iyan, bilang isang totoong usapin? (Hindi.) Hindi, hindi iyan ganyan kasimple. Kaya, ano ang mga paghihirap ang mayroon kapag nagsasagawa? Paano dapat magsagawa ang isang tao para makakilos siya ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ang mga ito ay mga praktikal na problema, hindi ba? Paano dapat lutasin ang mga ito? Una sa lahat, dapat magpasakop ang isang tao. Pero may mga tiwaling disposisyon ang mga tao at minsan, hindi nila magawang magpasakop. Sinasabi nila, “‘Madadala mo ang kabayo sa tubigan, pero hindi mo ito mapipilit na uminom’—ang pagpilit mo sa aking magpasakop ay ganyang kaso, hindi ba? Ano ang masama sa pagkilos ko batay sa aking kaalaman? Kung ipipilit mo na kumilos ako ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ako magpapasakop.” Ano ang ginagawa mo sa mga ganitong pagkakataon, kapag ang isang mapaghimagsik na disposisyon ay magdudulot ng gulo? (Manalangin.) Minsan hindi kayang lutasin ng panalangin ang isyu. Ang saloobin at kaisipan mo ay maaaring maging mas mabuti pagkatapos manalangin, at maaari mong mabago ang isang bahagi ng iyong kalagayan, pero kung hindi mo nauunawaan o hindi maliwanag ang mga kaugnay na katotohanang prinsipyo, maaaring mauwi ang iyong pagpapasakop sa simpleng pormalidad lang. Sa mga panahong ito, kailangan mong unawain ang katotohanan, hanapin ang mga kaugnay na katotohanan, at sikaping magawang alamin kung paanong ang ginagawa mo ay nagdudulot ng pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, sa patotoo sa Kanya, at sa pagpapalaganap ng mga salita Niya. Dapat maging malinaw sa puso mo ang tungkol sa mga bagay na ito. Anuman ang tungkulin mo, anuman ang ginagawa mo, dapat kang magsimula sa pag-iisip sa gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos, o sa kung ano ang nilalayong maisakatuparan ng pagganap ng tungkulin mo. Iyan ang mauuna. Walang lugar kailanman para sa pagiging malabo tungkol dito, o para sa kompromiso. Kung nagkokompromiso ka sa mga pagkakataong gaya nito, hindi mo ginagampanan nang buong puso ang tungkulin mo, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan—at ang mas masahol pa, makatwirang sabihin, na inaatupag mo ang sarili mong gawain. Ginagawa mo ang mga bagay-bagay para sa sarili mo sa halip na tinutupad ang tungkulin ng isang nilikha. Kung tutuparin ng isang tao ang atas ng Diyos at gagampanan nang mabuti ang tungkulin ng isang tao, ang katotohanang dapat niyang maunawaan at unang isagawa ay ang tuparin ang mga layunin ng Diyos. Dapat magkaroon ka ng pangitaing ito. Ang pagganap ng tungkulin ay hindi tungkol sa paggawa ng mga bagay-bagay para sa iyong sarili o pag-atupag sa sarili mong gawain, lalong hindi para magpatotoo sa sarili at itaguyod ang iyong sarili, hindi rin ito tungkol sa iyong katanyagan, kapakinabangan, o katayuan. Hindi iyan ang layunin mo. Sa halip, ito ay tungkol sa pagganap ng iyong tungkulin nang maayos at pagpapatotoo sa Diyos; ito ay tungkol sa pagtanggap ng iyong responsabilidad at pagpapalugod sa Diyos; ito ay tungkol sa pagsasabuhay ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, pamumuhay na kahawig ng isang nilikha, pamumuhay sa harap ng Diyos. Sa ganitong uri ng tamang pag-iisip, madaling malalampasan ng isang tao ang hadlang ng pamumuhay sa kanyang kaalaman. Kahit na may ilang natitirang hamon, unti-unting magbabago ang mga ito sa kabuuan ng prosesong ito, at bubuti ang mga pangyayari. Kaya, kumusta ang karanasan mo sa kasalukuyan? Bumubuti ba ito, o wala itong pagbabago? Kung lagi kayong kumikilos sa pamamagitan ng kaalaman at isipan ninyo, at hindi ninyo hinahanap kailanman ang mga katotohanang prinsipyo, magagawa ba ninyong lumago sa buhay? May naabot na ba kayong konklusyon tungkol diyan? Mukhang nalilito pa rin kayong lahat tungkol sa usapin ng buhay pagpasok at walang mga partikular na prinsipyo para rito, ibig sabihin na wala kayong mas malalim o mas totoong karanasan sa mga prinsipyo at landas para sa pagsasagawa ng katotohanan. May ilang taong laging kumikilos sa pamamagitan ng kanilang kaalaman, anuman ang mangyari sa kanila. Kaunting katotohanang prinsipyo lang ang pinaiiral nila sa pangkalahatang pagtingin sa mga simpleng usapin, hinahayaan na ang kaalaman nila ang nangunguna sa buong panahon, na pangalawa ang mga katotohanang prinsipyo. Nagsasagawa sila sa ganitong uri ng pinamagitan at kinompromisong paraan; hindi nila istriktong hinihingi sa mga sarili nila ang buong pagpapasakop o pagkilos na lubos na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Tama ba itong ginagawa nila, o hindi? Ano ang panganib sa ganitong uri ng pagsasagawa? Hindi ba’t malamang na lumihis ito ng landas? Ang labanan ang Diyos at salungatin ang Kanyang disposisyon? Ito ang isang bagay na dapat alamin ng mga tao. Malinaw ba sa inyo ngayon, kung ano ang kaibahan ng pagganap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos at paghahanap ng trabaho at pagraraos ng buhay sa mundo? May malinaw ba kayong kamalayan nito sa inyong puso? Dapat ninyong pag-isipan ang isyung ito at pagnilayan ito nang madalas. Ano ang pinakamalaking pagkakaiba ng dalawa? Alam ba ninyo? (Ang pagganap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay tungkol sa pagkakamit ng katotohanan at pagdudulot ng pagbabago sa ating tiwaling disposisyon; ang paghahanap ng trabaho sa mundo ay tungkol sa buhay ng laman.) Medyo malapit iyan, pero may isang bagay na hindi ninyo nabanggit: Ang gumanap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay mamuhay sa katotohanan. Ano ang halaga ng pamumuhay sa katotohanan? Para sa mga tao, ito ay na maaaring magbago ang disposisyon nila, at na maaari silang maligtas sa huli; para sa Diyos, ito ay na maaari ka Niyang makamit, isang nilalang, at makilala na ikaw ay nilikha Niya. Saan nabubuhay ang mga tao kapag naghahanap sila ng trabaho sa mundo? (Sa mga pilosopiya ni Satanas.) Sa mga pilosopiya ni Satanas—kapag pinagsama-sama, ibig sabihin nito ay namumuhay sila sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Pareho ito sa kung ikaw man ay para sa katanyagan, kapakinabangan, at katayuan, o para sa kayamanan, o para iraos ang mga araw mo at mabuhay—nabubuhay ka sa mga tiwaling disposisyon. Kapag nakahanap ka ng trabaho sa mundo, kailangan mong pigain ang utak mo sa pagsisikap na kumita ng pera. Para maabot mo ang katanyagan, kapakinabangan, at katayuan, kailangan mong sumandal nang lubos sa mga bagay tulad ng kompetisyon, labanan, pakikibaka, kalupitan, malisya, at pagpatay—iyan lang ang paraan para tumindig ka sa sarili mong paa. Para gumanap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat kang mamuhay sa mga salita ng Diyos, at dapat mong maunawaan ang katotohanan. Ang mga negatibong bagay ni Satanas ay hindi lang walang silbi—dapat ding iwaksi ang mga ito. Walang isang satanikong bagay ang makatwiran Kung nabubuhay ang isang tao sa mga satanikong bagay, dapat siyang husgahan at kastiguhin; kung nabubuhay ang isang tao sa mga satanikong bagay at determinado siyang hindi magsisi, dapat siyang itiwalag at talikuran. Iyan ang pinakamalaking kaibahan sa pagitan ng pagganap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos at paghahanap ng trabaho sa mundo.
Kapag nabubuhay ang mga tao sa pamamagitan ng kaalaman nila, sa anong uri ng kalagayan sila namumuhay? Ano ang pinakamalalim nilang nararanasan? Sa sandaling may natutunan kang isang bagay sa ilang larangan, pakiramdam mo ay magaling ka, na napakahusay mo—at pagkatapos ay iginagapos ka ng kaalaman mo bilang resulta. Itinuring mong buhay mo ang kaalaman, at kapag may nangyari sa iyo, ang kaalaman mong iyan ang lumilitaw, para diktahan kang gawin ang ganito-at-ganyan. Gugustuhin mong iwaksi ito, pero hindi mo magawa, dahil nakaukit na ito sa puso mo, at walang ibang makakapalit dito. Ito ang ibig sabihin ng “ang mga unang impresyon ay ang mga huling impresyon.” May ilang kalipunan ng kaalaman ang mas makakabuting hindi pinag-aralan ng isang tao. Isang pananagutan ang natutunan ang mga ito, at isang panggulo. Maraming larangan ang nasasaklaw ng kaalaman: edukasyon, batas, panitikan, matematika, medisina, biyolohiya, at iba pa, na lahat ng ito ay nanggaling sa aktwal na karanasan ng mga tao. Ang mga ito ay mga anyo ng praktikal na kaalaman; hindi mabubuhay ang mga tao nang wala ang mga ito, at dapat nilang pag-aralan ang mga ito. Pero may ilang anyo ng kaalaman na nakakalason sa sangkatauhan—mga satanikong lason ang mga ito, galing kay Satanas ang mga ito. Halimbawa, ang mga agham panlipunan, na ang mga katuruan ay kinabibilangan ng mga bagay gaya ng ateismo, materyalismo, at ebolusyonismo, pati na rin ang Confucianismo, komunismo, at mga pyudal na pamahiin: Ang lahat ng ito ay mga negatibong anyo ng kaalamang galing kay Satanas, at ang pangunahing layuning isinasakatuparan nito ay ang pamugaran, sirain, at baluktutin ang isipan ng tao, ginagapos at kinokontrol ang pag-iisip ng mga tao, tungo sa pakay na magawang tiwali, mapinsala, at malipol ang mga tao. Ang pagsasalin ng pangalan ng pamilya, halimbawa, at pagmamahal sa magulang, at pagpaparangal sa pamilya, at ang pormulang lumalaganap, “Linangin ang sarili, isaayos ang pamilya, pamahalaan ang bansa, at maghatid ng kapayapaan sa lahat”—ang lahat ng ito ay ang mga katuruan ng tradisyonal na kultura. At higit sa mga ito ay ang iba’t ibang mga teolohikal na teorya, na laganap sa lipunang sibil, ng Budismo, Taoismo, at modernong relihiyon. Ang mga ito rin ay saklaw ng kaalaman. Halimbawa, ang ilang tao ay naglingkod bilang mga pastor o mangangaral, o nag-aral sila ng teolohiya. Ano ang makukuha sa pagkakaroon ng ganitong kaalaman? Pagpapala ba ito o sumpa? (Isang sumpa.) Paano ito naging sumpa? Kung hindi magsasalita ang mga ganitong tao, hayaan na lang na ganoon—pero kapag binubuksan nila ang kanilang mga bibig, relihiyosong doktrina ang lumalabas. Palagi silang sumusubok na mangaral ng espirituwal na doktrina; itinatanim nila sa mga tao ang mga mapagkunwaring gawi ng mga Pariseo, sa halip na hinahayaan ang mga itong maunawaan ang katotohanan. Ang teolohikal na kaalaman ay pangunahing tungkol sa teolohikal na teorya. Ano ang pinakakilalang katangian ng teolohikal na teorya? Nagtatanim ito ng mga bagay sa mga tao na pinanghahawakan nila bilang espirituwal, at sa sandaling tanggapin ng mga tao ang ganitong huwad na espirituwal na bagay, ito ang kanilang una at huling impresyon. Kahit na nakinig ka sa mga salitang ipinahahayag ng Diyos, hindi mo mauunawaan ang mga ito sa sandaling iyon, at mapipigilan ka ng kaalaman at mga teorya ng mga Pariseo. Napakamapanganib na bagay ito. Hindi ba’t magiging mahirap para sa taong gaya niyan na tanggapin ang katotohanan? Sa pagbubuod, kung mabubuhay ka sa doktrina at kaalaman, at kung gagawin mo ang iyong tungkulin at kikilos nang sumasandal sa mga kaloob mo, maaaring makagawa ka ng kaunting mabuting bagay, gaya ng tingin ng iba. Pero kapag nabubuhay ka sa kalagayang gaya niyan, alam mo ba ito? Nakikilala mo ba na nabubuhay ka sa pamamagitan ng kaalaman mo? Nararamdaman mo ba kung ano ang mga kahihinatnang maaaring idulot ng pamumuhay sa kaalaman? Hindi ba’t nauuwi ka sa hungkag na pakiramdam sa iyong puso, pakiramdam na walang halaga ang buhay na gaya niyan? At bakit talagang ganyan? Dapat linawin ang mga katanungang ito. Naririyan tayo sa isyu ng kaalaman.
Katatapos lang nating talakayin ang mga isyu ng kaalaman at mga kaloob. May isa pang isyu: Maraming tao ang nanggaling sa pauna nilang paniniwala sa Diyos hanggang sa kasalukuyan nang hindi kailanman nalalaman kung ano ang katotohanan, o kung paano nila ito dapat isagawa at hanapin. Nabubuhay sila sa buong panahong ito sa paninindigan, o sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Sa madaling salita, nabubuhay sila sa mga bagay na pinaniniwalaan nilang tama. Kumikilos silang pinanghahawakan nang may pagkahumaling ang mga bagay na ito, at itinuturing pa nga nila bilang katotohanan ang mga ito. Iniisip nila na hangga’t nagsusumikap sila sa kanilang pagsasagawa hanggang sa huli, magiging mga mananagumpay sila, at mabubuhay sila sa hinaharap. Nananalig sila sa Diyos dahil sa ganoong kuru-kuro. Kaya nilang magdusa, at isuko ang mga pamilya at karera nila, at bitiwan ang mga bagay na minamahal nila—at nagpapatuloy sila para ibuod ang mga bagay-bagay sa kaunting regulasyon, na isinasagawa nila na parang ang mga ito ang katotohanan. Halimbawa, kapag may nakita silang isang taong mahirap ang pinagdaraanan, o pamilya ng isang taong dumaranas ng maraming problema, nagkukusa silang abutin at tulungan ito. Kinukumusta, inaalagaan, at kinakalinga nila ang mga ito. Kung saan mayroong trabahong marumi o mahirap, magkukusa silang puntahan at gawin ito. Hindi sila naaabala ng dumi at ng mga hinihingi. Hindi sila mapili. Hindi sila nakikipagtalo sa iba sa mga pakikitungo ng mga ito sa kanila, at ginagawa nila ang abot ng makakaya nila para magkaroon ng mabuting unawaan sa kaninuman at sa lahat ng tao. Hindi sila nakikipag-away sa iba, at natututo silang maging mabuti at magparaya sa mga tao, para ang lahat ng taong makakasama nila sa anumang oras ay magsasabing mabuting tao sila at tunay na mananampalataya. Pagdating sa Diyos, ginagawa nila ang anumang ipinapagawa Niya sa kanila at pumupunta sila saanman Niya sila pinapapunta. Hindi sila lumalaban. Ano ang ipinapamuhay nila? (Sigasig.) Ito ay hindi simpleng anyo lang ng pagiging masigasig—nabubuhay sila sa paninindigan na pinanghahawakan nilang tama. Hindi mauunawaan ng mga ganitong tao ang katotohanan kahit pagkatapos ng mga taon ng pananalig sa Diyos, ni hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng katotohanan, o kung ano ang pagpapasakop sa Diyos, o kung ano ang pagpapalugod sa Diyos, o kung ano ang paghahanap sa katotohanan, o kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila malalaman ang mga bagay na ito. Hindi rin nila malalaman kung ano ang isang tapat na tao o kung paano maging ganoon. Naniniwala sila, “Ang kailangan ko lang gawin ay mabuhay nang gaya nito at magpatuloy sa pagsunod. Anuman ang sermon na ipinapangaral sa sambahayan ng Diyos, panghahawakan ko ang mga pamamaraan ko ng paggawa ng mga bagay-bagay; paano man ako tratuhin ng Diyos, hindi ko isusuko ang paniniwala ko sa Kanya o iiwan Siya. Magagawa ko ang anumang tungkuling hihingin sa akin.” Mayroon silang impresyon na maliligtas sila sa pagsasagawa nang gaya nito. Kahabag-habag, gayunman, na kahit na walang anumang malaking problema sa saloobin nila, wala silang nauunawaang katotohanan, kahit pagkatapos makarinig ng mga sermon sa loob ng napakaraming taon. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan ng pagpapasakop o hindi nila alam kung paano ito isasagawa, hindi nila maunawaan ang katotohanan ng pagiging tapat na tao, o ang katotohanan ng tapat na pagganap ng tungkulin ng isang tao, o ano ang ibig sabihin ng pagiging pabasta-basta. Hindi nila alam kung sila ay nagsisinungaling o mapanlinlang na tao. Hindi ba’t dapat kaawaan ang mga ganitong tao? (Dapat.) Ano ang ipinapamuhay nila? Masasabi bang nabubuhay sila sa kanilang lantad na pusong tulad ng isang bata? Bakit masasabi ito? Dahil, gaya ng pinapaniwalaan nila, “Ang puso ko ay nakalantad para makita ng sanlibutan. Hindi ito malinaw sa mga tao; hindi nila ito makita—pero alam ito ng Langit.” Ganyan “katotoo” ang kanilang puso: Walang nakakaunawa rito, at hindi ito abot ng lahat. Bakit tinatawag itong lantad na pusong tulad ng isang bata? Dahil mayroon silang isang uri ng damdamin, isang sentimyento, at ginagamit nila ang personal na sentimyentong ito o pangangarap nila para bigyang-kahulugan kung ano ang dapat gawin ng isang mananampalataya ng Diyos at kung ano ang tungkulin. Ginagamit din nila ang mga ganitong sentimyento para isaayos ang mga hinihingi ng Diyos. Naniniwala sila, “Hindi talaga hinihingi ng Diyos na gumawa ng anumang bagay ang mga tao, o na magkaroon sila ng maraming kakayahan o makaunawa sa maraming katotohanan. Sapat na para sa isang tao ang magkaroon ng lantad na pusong tulad ng isang bata. Napakasimpleng manalig sa Diyos—ang kailangan mo lang gawin ay magpatuloy na kumilos batay sa lantad na pusong tulad ng isang bata.” Pero hindi tumitigil ang mga kasinungalingan nila, o ang kanilang paglaban, o ang kanilang pagrerebelde, o ang kanilang mga kuru-kuro, o ang kanilang pagtataksil. Anuman ang ginagawa nila, hindi nila nararamdaman na mahalaga ito, pero iniisip nila, “Mayroon akong mapagmahal-sa-Diyos na puso. Walang makakasira sa relasyon ko sa Diyos, walang makakapagpatamlay ng pagmamahal ko sa Diyos, at walang makakapanghimasok sa katapatan ko sa Diyos.” Anong uri ng kaisipan ito? Isang kakatwa, hindi ba? Kakatwa ito, at dapat kaawaan. May isang kalagayan sa espiritu ng ganitong tao—tuyot, nagdarahop, at nakakaawa. Bakit “tuyot”? Dahil kapag may kinakaharap silang ilang simpleng bagay—nagsisinungaling sila, sabihin natin—hindi nila ito alam o napapagtanto. Wala silang nararamdamang pagsisisi sa sarili; wala silang anumang nararamdaman. Sinundan nila ang Diyos hanggang ngayon nang walang mahigpit na pamantayan para sa pagsukat sa anumang ginagawa nila. Hindi nila alam kung anong uri ng tao sila, o kung sila ay mga mapanlinlang na tao, o kung talagang nagagawa nilang maging tapat na tao, o kung nagagawa nilang magpasakop sa mga hinihingi ng Diyos. Hindi nila alam ang alinman sa mga bagay na ito. Ganyan sila kahabag-habag, at tuyot sila sa espiritu nila. Bakit sinasabing tuyot sila sa kanilang espiritu? Dahil hindi nila alam kung ano ang hinihingi sa kanila ng Diyos, o kung bakit sila nananalig sa Diyos, o kung anong uri ng tao ang dapat nilang hangarin na maging. Hindi nila alam kung anong mga pagkilos ang walang katwiran, o kung anong mga pagkilos ang lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila alam kung anong saloobin ang dapat taglayin sa masasamang tao at kung anong saloobin ang dapat taglayin sa mabubuting tao; hindi nila alam kung kanino sila dapat makitungo o kung kanino sila dapat lumapit. Kapag naging negatibo sila, ni hindi nila alam kung ano ang mga kalagayang kinasadlakan nila. Iyan ang ibig sabihin ng maging tuyot sa espiritu. Ganito ba kayo? (Oo.) Hindi Ko ito gusto, ang marinig kayong sabihin iyan, pero iyan ang uri ng kalagayan ninyo. Paagi kayong emosyonal, at walang sinumang may alam kung kailan iyan magbabago.
Ano ang pagiging emosyonal? Titingnan natin ang isang halimbawa. May ilang taong pakiramdam nila sa sarili nila ay mahal na mahal nila ang Diyos. Sa partikular, pakiramdam nila ay malaking karangalan para sa kanila at dalawang beses silang pinagpala dahil ipinanganak sila sa mga huling araw, dahil tinanggap nila ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, at dahil narinig nila ang mga salita Niya sa mga sarili nilang tainga at personal na naranasan ang gawain Niya. Dahil dito, iniisip nila na dapat silang makahanap ng ilang paraan para ipahayag ang kanilang lantad na pusong tulad ng isang bata. At paano nila gagawin iyan? Lalabas ang mga emosyon nila, ang sigasig nila ay akma na para sumambulat, sila ay nagiging hindi makatwiran, at ang mga emosyon nila ay nagiging abnormal. At lumalabas ang kapangitan mula roon. Sa mainland China, sila ay nasa isang kasuklam-suklam na lugar para sa paniniwala sa Diyos at nabuhay sila sa pang-aapi. Mayroon silang sigasig noon, at nangarap na maisigaw, “Makapangyarihang Diyos, mahal Kita!” Pero walang g lugar para gawin ito—hindi nila magawa, dahil sa takot na maaresto. Ngayon ay nasa ibang bansa sila at malayang manalig; sa wakas ay may lugar na sila na mapaglalabasan ng kanilang lantad na pusong tulad ng isang bata. Kailangan nilang ihayag kung gaano nila kamahal ang Diyos. Kaya, lumalabas sila sa mga lansangan at humahanap ng lugar na walang maraming tao sa paligid, kung saan makakasigaw sila kung gusto nila. Gayunman, bago nila ito magawa, pakiramdam nila ay parang wala sila ng kumpiyansa para magpatuloy. Tinitingnan nila ang eksena sa paligid nila, at hindi nila mailabas ang sigaw nila. Ano ang tumatakbo sa mga isipan nila? “Hindi ito maaari. Hindi sapat na magkaroon lang ng lantad na pusong tulad ng isang bata. Wala pa akong mapagmahal-sa-Diyos na puso. Hindi nakapagtatakang wala akong maisigaw.” At kaya, nalulungkot at nasasaktan, uuwi sila at tatangis sa Diyos, “O Diyos, hindi ako nangahas sumigaw ng ‘Mahal Kita’ noong nasa lugar ako na hindi ito pinapayagan. Ngayon, nasa lugar ako na pinapayagan ito, pero wala pa rin akong kumpiyansa. Hindi ko mailabas ang sigaw ko. Mukhang napakaliit lang ng tayog at kumpiyansa ko. Wala akong buhay.” Mula noon, nananalangin sila tungkol sa isyung ito, at naghahanda, at ginagawa nila ito sa sarili nila. Madalas silang nagbabasa ng mga salita ng Diyos at napapaluha sila nito, at ang mga emosyon at kasigasigan nila ay kumukulo at naiipon sa puso nila. Tuloy-tuloy ito hanggang sa isang araw, pakiramdam nila ay punong-puno sila ng emosyon na maaari na silang lumabas sa pampublikong lugar na may kapasidad na ilang libong tao at sumigaw “Mahal Kita, Makapangyarihang Diyos” sa harap ng maraming tao—pero kapag pumunta sila sa lugar at nakita nila ang lahat ng taong naroon, hindi lumalabas ang sigaw nila. Baka hindi pa rin nila ito isinisigaw, kahit ngayon. Pero naisigaw man nila ito o hindi, ano ang ibig sabihin nito? Pagsasagawa ba ng katotohanan ang sumigaw nang ganyan? Patotoo ba iyan sa Diyos? (Hindi.) Kaya, bakit determinado silang isigaw iyan? Pinanghahawakan nila ang paniniwala na ang sigaw nila ay mas magiging malakas at mas magiging epektibo kaysa sa iba pang pamamaraan ng pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos at ng pagpapatotoo sa Diyos. Iyan ang ibig sabihin ng pagiging isang taong may lantad na pusong tulad ng isang bata. Mabuti o masamang bagay bang magkaroon ng ganyang mga emosyon ang isang tao? Normal ba ito o abnormal? Maiuuri ba ito na saklaw ng normal na pagkatao? (Hindi.) Bakit hindi? Ano ang layunin ng Diyos para ang mga tao ay gumanap ng mga tungkulin at para maunawaan at maisagawa nila ang katotohanan? Ito ba ay para pataasin ang emosyon ng pagmamahal ng mga tao para sa Kanya o ang emosyon nila sa pagganap ng tungkulin nila? (Hindi.) May mga ganito ba kayong emosyon paminsan-minsan, o baka madalas? (Oo.) Kapag mayroon, pakiramdam mo ba ay dumarating ang mga ito nang biglaan at nang hindi normal, o na mahirap pigilan ang mga ito? Dapat mong pigilan ang mga ito, mahirap mang sugpuin ang mga ito. Bukod sa lahat ng ito, ang mga ito ay pawang mga emosyon lang, hindi mga tagumpay na dumarating pagkatapos maunawaan at maisagawa ng mga tao ang katotohanan, o pagkatapos nilang sundin ang daan ng Diyos. Hindi normal na kalagayan ang mga ito. Maaari bang maiuri ang hindi normal na kalagayang ito na radikal na pagmamatigas? Nag-iiba iyan sa bawat kaso. May iba’t ibang antas; may ilang maaaring maiuri na radikal na pagmamatigas, at may ilang umaabot sa antas ng pagiging kakatwa. Normal para sa isang taong magbuhos ng kaunti ng pakiramdam na ito paminsan-minsan. Kaya, anong mga pagpapamalas nito ang abnormal? Ang paggawa ng isang bagay galing sa hindi mapigilang emosyon. Kapag nabubuhay ang isang tao araw-araw at kumikilos siya alang-alang sa bagay na iyan, nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nagpapalaganap ng ebanghelyo alang-alang din dito, at gumagawa ng anuman at lahat ng tungkulin alang-alang dito—kapag umiikot ang lahat sa bagay na iyan, at ito ang nagiging halaga at kahulugan ng kanilang pag-iral at buhay—may dulot na problema iyan. Nalihis ang layunin at direksyon ng taong iyan. Mayroong kapangitan sa mga taong nabubuhay sa kanilang lantad na mga pusong tulad ng isang bata. Mayroong katigasan ng ulo sa kanila, at mayroon silang mga hindi normal na emosyon. Kung nabubuhay ang isang tao sa mga bagay na ito at madalas na nabubuhay sa ganitong kalagayan, mauunawaan ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Kung hindi nila maunawaan ang katotohanan, ano ang takbo ng kanilang isipan tuwing nakikinig sila sa mga sermon? Ano ang intensyong mayroon sila sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos? Mauunawaan at makakamit ba ng isang taong palaging nananalig sa Diyos nang may lantad na pusong tulad ng isang bata at relihiyosong seremonya ang katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi? Ang lahat ng ginagawa nila ay hindi batay sa katotohanan, kundi sa relihiyosong teorya at sa mga kuru-kuro at imahinasyon. Hindi rin ito tungkol sa paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan. Wala silang anumang pakialam kung ano talaga ang katotohanan o kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos. Wala silang pakialam dito, na para bang ang kailangan lang ng isang tao para manalig sa Diyos ay ang lantad na pusong tulad ng isang bata, na para bang ang kailangan lang nilang gawin ay harapin ang mga bagay-bagay at magsikap sa iglesia. Ganyan iyan kasimple sa kanila. Hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng pag-unawa at pagsasagawa sa katotohanan, o kung ano ang dapat hangarin para maligtas. Maaaring iniisip nila ang tungkol sa mga bagay na ito paminsan-minsan, pero hindi lang talaga nila magawa ang mga ito. Sa buong panahon, iniisip nila, “Basta’t may sigasig ako, maaabot ang sukdulang antas ng emosyon, at makakapagtiyaga hanggang sa huli, maaaring maligtas ako,” at dahil dito, nadadala sila ng mga masisidhi nilang emosyon, wala silang ginagawang anuman kundi mga kamangmangan, mga bagay na salungat sa mga katotohanang prinsipyo. Sa huli, ibubunyag at itinitiwalag sila. Mukhang hindi naman dakilang bagay ang mga masidhing emosyon, kung tutuusin.
Mayroon pang isang medyo nakakakilabot na kalagayan sa pamumuhay sa lantad na pusong tulad ng isang bata, at iyan ay na may ilang taong laging sumasandig sa kasigasigan para manalig sa Diyos. Ang alab sa puso nila ay hindi kailanman nawawala; iniisip nilang ang kailangan lang nila para manalig sa Diyos ay lantad na pusong tulad ng isang bata. “Hindi ko kailangang maunawaan ang katotohanan, hindi ko kailangang suriin ang sarili ko, at hindi ko kailangang lumapit sa Diyos para aminin ang mga kasalanan ko at magsisi—at tiyak na hindi ko kailangang tanggapin ang anumang paghatol, pagkastigo, pagpupungos, o pagpuna at kritisismo mula sa sinuman” iniisip nila. “Hindi ko kailangan ang mga bagay na iyon. Ang kailangan ko lang ay lantad na pusong tulad ng isang bata.” Ito ang prinsipyo ng kanilang paniniwala sa Diyos. Iniisip nila, “Hindi ko kailangang tanggapin ang paghatol at pagkastigo. Sapat na para sa akin na makaramdam lang ng mabuti tungkol sa sarili ko. Naniniwala akong tiyak na magiging masaya ang Diyos sa paggawa ko niyan. Kung masaya ako, masaya ang Diyos—iyan lang ang mayroon dito. Maliligtas ako kung mananalig ako sa Diyos gaya niyan.” Hindi ba’t ito ay napakawalang-muwang na paraan ng pag-iisip? Dati kayong nasa kalagayang gaya niyan, hindi ba? (Oo.) Kung mabubuhay kayo hanggang sa huli sa kalagayang tulad niyan, walang kakayahan sa anumang pagbabago, makatwirang sabihin na hindi ninyo nauunawaan ang kahit katiting na katotohanan. Walang epekto ang katotohanan sa inyo. Hindi ninyo alam ang hangarin o kahalagahan ng pagliligtas ng Diyos sa tao, at hindi ninyo nauunawaan kung ano ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos. Ano ang pagkakaiba ng pananampalataya sa Diyos at paniniwala sa relihiyon? Nag-iisip ang lahat ng paniniwala sa relihiyon dahil walang ikinabubuhay ang taong iyon, na maaaring mayroon siyang mga paghihirap sa tahanan. Kung hindi man, ito ay dahil gusto niyang makakita ng isang bagay na sasandalan, makahanap ng espirituwal na pagkukunan ng lakas. Ang paniniwala sa relihiyon ay madalas hindi hihigit sa panghihikayat sa mga taong maging mabuti, maganda ang kalooban, matulungin sa iba, mabait sa iba, gumawa ng mas maraming mabuting gawa para makaipon ng kabutihan, hindi pumatay o manunog, huwag lumabag sa batas o gumawa ng mga krimen, huwag gumawa ng masasamang bagay, huwag manakit ng mga tao o magbitaw ng sumpa sa kanila, huwag magnakaw o manloob, at huwag mandaya o manloko. Ito ay isang konsepto ng “paniniwala sa relihiyon” na umiiral sa isipan ng bawat isa. Gaano karami sa konsepto ng paniniwala sa relihiyon ang umiiral sa puso ninyo ngayon? Ang mga bagay ba na nauugnay sa paniniwala sa relihiyon ay umaayon sa katotohanan? Saan, talaga, nanggagaling ang mga ito? Alam ba ninyo? Kung nananalig ka sa Diyos nang may pusong nagkikimkim ng paniniwala sa relihiyon, ano ang magiging resulta? Ito ba ang tamang paraan para manalig sa Diyos? May kaibahan ba ang kalagayan ng paniniwala sa relihiyon at kalagayan ng pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos? Ano ang pagkakaiba ng paniniwala sa relihiyon at pananampalataya sa Diyos? Noong una kang naniwala sa Diyos, maaaring nadama mo na ang paniniwala sa relihiyon at pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos ay magkapareho. Pero ngayon, pagkatapos mong manalig sa Diyos sa loob ng ilang taon, sa palagay mo ano ba talaga ang pagkakaroon ng pananampalataya? Mayroon ba itong anumang pagkakaiba sa paniniwala sa relihiyon? Ang ibig sabihin ng paniniwala sa relihiyon ay pagsunod sa ilang relihiyosong ritwal upang magdala ng kaligayahan at kapanatagan sa espiritu ng isang tao. Wala itong kaugnayan sa mga katanungang gaya ng kung anong landas ang nilalakaran ng mga tao, o kung paano sila namumuhay. Walang pagbabago sa iyong panloob na mundo; ikaw pa rin iyan, at ang iyong kalikasang diwa ay hindi nagbabago. Hindi mo pa tinatanggap ang mga katotohanang mula sa Diyos at ginagawang buhay mo ang mga ito, kundi gumawa ka lang ng ilang mabubuting gawa o sumunod sa seremonya at mga regulasyon. Nakibahagi ka lamang sa ilang aktibidad na may kaugnayan sa paniniwala sa relihiyon—ito lang, iyon lang iyon. Kung gayon ay ano ang tinutukoy ng pananampalataya sa Diyos? Ang ibig sabihin nito ay isang pagbabago kung paano ka nabubuhay, ibig sabihin nito ay nagkaroon na ng pagbabago sa halaga ng iyong pag-iral at mga hangarin mo sa buhay. Noon ay nabuhay ka para sa mga bagay na tulad ng pagbibigay-dangal sa iyong mga ninuno, pamumukod-tangi sa mga tao, pagkakaroon ng magandang buhay, at pagsisikap para sa katanyagan at kayamanan. Ngayon, tinalikuran mo na ang mga bagay na iyon. Hindi ka na sumusunod kay Satanas, bagkus ay nais mo na itong talikuran, na talikuran ang masamang kalakarang ito. Ikaw ay sumusunod sa Diyos, ang tinatanggap mo ay ang katotohanan, at ang landas na nilalakaran mo ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang direksyon ng buhay mo ay ganap nang nagbago. Pagkatapos mong manalig sa Diyos, hinaharap mo na ang buhay sa ibang paraan, nagkaroon ng ibang paraan ng pamumuhay, pagsunod sa Lumikha, pagtanggap at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha, pagtanggap sa pagliligtas ng Lumikha, at sa wakas ay pagiging isang tunay na nilikha. Hindi ba’t ito ay pagbabago sa iyong paraan ng pamumuhay? Ito ang ganap na kabaliktaran ng dati mong hangarin, paraan ng pamumuhay, at mga motibasyon at kahalagahan sa likod ng lahat ng ginawa mo—ang mga ito ay ganap na magkasalungat, ni walang pagkakatulad. Magtatapos tayo sa pagkakaiba ng pananampalataya sa Diyos at paniniwala sa relihiyon. Nakikita ba ninyo sa inyong sarili ang kalagayan ng pagkakaroon ng “lantad na pusong tulad ng isang bata” na pinag-uusapan natin? (Oo.) Kaya, namumuhay ba kayo sa lantad na pusong tulad ng isang bata kadalasan, o paminsan-minsan lang na mayroon kayong kalagayang ganyan? Kung paminsan-minsan ito, pinapatunayan niyan na iwinaksi mo na ang kalagayang iyan at nagsimula ka nang hanapin ang katotohanan, na nagsimula ka nang lumabas sa kalagayan ng mga bagay na iyan; kung ikaw ay madalas pa ring nabubuhay sa lantad na pusong tulad ng isang bata at hindi mo alam kung paano mamumuhay sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, o kung paano iwawaksi ang mga pumipigil sa iyong lantad na pusong tulad ng isang bata at lalabas sa kalagayang iyan, pinapatunayan niyan na hindi ka nabubuhay sa harap ng Diyos, na hindi mo pa nauunawaan kung ano ang katotohanan o kung paano ito hahanapin. Malaking pagkakaiba ba iyan? (Oo.) Kung ipagpapatuloy mo ang pamumuhay sa paraang iyan, nang walang ni katiting na pagkaunawa sa katotohanan, nasa panganib ka—dapat kang itiwalag, di-magtatagal. Tungkol sa kung paano lumilitaw ang lantad na pusong tulad ng isang bata, dapat mong hanapin ang katotohanan, himayin ang kalagayan, at baguhin ang kalagayang iyan. Bakit magkakaroon ang isang tao ng lantad na pusong tulad ng isang bata; ano ang mga bungang darating sa pagsandal sa alab para manalig sa Diyos; kung makakamit mo ang katotohanan sa pananalig sa Diyos gaya niyan; kung mapapatibay ba nito ang pananampalataya mo sa Diyos—dapat maging malinaw sa iyong puso ang mga katanungang ito. Hinihingi nito na panatilihin mo ang sarili mo para sa paghahambing, para magnilay, at para humanap ng resolusyon.
Ang isang uri ng tao ay masigasig sa puso sa kanyang paniniwala sa Diyos. Ayos lang sa kanya ang anumang tungkulin, at gayon din ang kaunting paghihirap, pero hindi matatag ang pag-uugali niya—emosyonal siya at kapritsoso, pabagu-bago. Kumikilos siya ayon lang sa damdamin niya. Kapag masaya siya, ginagawa niya nang maayos ang trabahong iniatas sa kanya, at nakakasundo niya nang maayos ang sinumang ipares sa kanya at ang sinumang nakakasalamuha niya. Handa rin siyang gumanap ng mas maraming tungkulin—anumang tungkulin ang ginagampanan niya, mayroon siyang diwa ng responsabilidad para rito. Ganyan siya kumikilos kapag siya ay nasa mabuting kalagayan. Marahil ay may dahilan kung bakit nasa mabuti siyang kalagayan: Marahil siya ay napuri sa mahusay na pagganap ng kanyang tungkulin, at nakuha niya ang paggalang at pagsang-ayon ng grupo. O, baka maraming tao ang nagpapahalaga sa trabahong nagawa niya, kaya sila ay nagmamalaki gaya ng isang lobong lumalaki sa bawat ihip ng papuri. At kaya, patuloy niyang ginagampanan ang parehong tungkulin bawat araw, pero sa buong panahong ito, hindi niya kailanman naaarok ang mga layunin ng Diyos o hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Palagi siyang kumikilos batay sa kanyang karanasan. Ang karanasan ba ang katotohanan? Maasahan ba ang kumilos batay sa karanasan? Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Ang pagkilos batay sa karanasan ay hindi naaayon sa mga prinsipyo; tiyak na may mga pagkakataong mabibigo ito. Kaya, darating ang araw kung kailan hindi niya gagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin. Maraming bagay ang hindi magiging maayos at siya ay pupungusin. Hindi masisiyahan ang grupo sa kanya. Magiging negatibo siya: “Hindi ko na gagampanan ang tungkuling ito. Hindi ko ito nagagawa nang maayos. Mas magaling kayong lahat kaysa sa akin. Ako ang walang kwenta. Sinumang gustong gumawa nito, sige lang!” May taong nagbabahagi sa kanya tungkol sa katotohanan, pero hindi ito tumatagos sa kanya, at hindi niya nauunawaan, na sinasabi, “Ano ang kailangang pagbahaginan tungkol dito? Wala akong pakialam kung ito ang katotohanan o hindi—gagawin ko ang tungkulin ko kapag masaya ako at hindi ko gagawin kapag hindi ako masaya. Bakit ginagawa itong komplikado? Hindi ko ito gagawin ngayon; maghihintay ako ng araw na masaya ako.” Ganito siya, palagi. Sa pagganap man ng tungkulin niya; sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, o sa pakikinig ng mga sermon at pagdalo sa mga pagtitipon; o sa kanyang mga pakikisalamuha sa iba—sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa anumang aspekto ng buhay niya, ang ibinubunyag niya ay maulap sa isang sandali at maaraw naman sa susunod, masigla sa isang sandali at nanlulumo sa susunod, malamig sa isang sandali at mainit sa susunod, negatibo sa isang sandali at positibo sa susunod. Sa madaling salita, ang kalagayan niya, mabuti o masama, ay palaging medyo hayag. Makikita mo ito sa isang sulyap. Pabagu-bago siya sa lahat ng bagay na ginagawa niya, nagpapadala lang siya sa damdamin niya. Kapag masaya siya, mas mahusay siyang magtrabaho, at kapag hindi, hindi rin siya mahusay—maaari pa nga niyang itigil ang paggawa ng isang bagay at sumuko. Anuman ang ginagawa niya, dapat niya itong gawin ayon sa pakiramdam niya, ayon sa kapaligiran, ayon sa mga hinihingi niya. Hindi talaga niya gustong dumaan sa paghihirap; pinapamihasa at sinusunod ang layaw niya, siya ay histerikal, hindi siya nakikinig sa katwiran, at wala siyang ginagawa para pigilan ito. Walang sinumang pwedeng sumalungat sa kanya; sinumang gumagawa nito ay magiging puntirya ng galit niya, na dumarating na parang bagyo—at pagkatapos nitong dumaan, siya ay negatibo at lugmok ang damdamin. Higit pa rito, ginagawa niya ang lahat batay sa mga kagustuhan niya. “Kung gusto ko ang trabahong ito, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko ito gagawin, at hindi kailanman. Puwede itong gawin ng sinuman sa inyo na may gusto. Wala itong kaugnayan sa akin.” Anong uri ng tao ito? Kapag masaya siya at mabuti ang kalagayan niya, nananabik siya sa puso at sinasabi na gusto niyang mahalin ang Diyos. Umiiyak siya dahil labis siyang nananabik, tumutulo ang mga luha sa mukha niya, humihikbi nang malakas. Ang puso ba niya ay isang pusong tunay na nagmamahal sa Diyos? Ang kalagayan ng pagmamahal sa Diyos sa puso ay normal, pero sa pagtingin sa kanyang disposisyon, mga pag-uugali, at pagbubunyag, iisipin mong para siyang batang may edad na humigit-kumulang sampung taon. Ang disposisyon niyang ito, ang paraan ng pamumuhay niya, ay pagkakapritsoso. Siya ay pabagu-bago, hindi tapat, iresponsable, at hindi epektibo sa lahat ng bagay na ginagawa niya. Hindi siya kailanman dumaan sa paghihirap at ayaw tumanggap ng responsabilidad. Kapag masaya siya, ayos lang sa kanyang gawin ang anumang bagay; ayos lang ang kaunting paghihirap, at kung mabigo ang mga interes niya, ayos lang din iyan. Pero kung hindi siya masaya, wala siyang gagawing anumang bagay. Anong uri siya ng tao? Normal ba ang kalagayang gaya niyan? (Hindi.) Ang isyung ito ay higit pa sa kalagayang hindi normal—ito ay pagpapamalas ng sukdulang pagkakapritsoso, sukdulang kahangalan at kamangmangan, sukdulang pagiging isip-bata. Ano ang problema sa pagkakapritsoso? May ilang maaaring magsabi, “Ito ay ang pagbabagu-bago ng damdamin. Masyado siyang bata at napakakaunti ng pinagdaanan niyang hirap, at hindi pa nakatakda ang kanyang personalidad, kaya madalas may pagkakapritsoso sa pag-uugali niya.” Ang katunayan ay walang pakialam ang pagkakapritsoso sa edad: Kung minsan ay kapritsoso din ang mga may edad apatnapu at pitumpung taon at higit pa. Paano ito maipapaliwanag? Ang pagkakapritsoso sa katunayan ay isang problema sa disposisyon ng isang tao, at ito ay sobrang seryoso! Kung may ginagampanan siyang importanteng tungkulin, maaaring maantala ang tungkuling iyan at ang progreso ng trabaho, nagreresulta ng mga pagkalugi sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; at sa mga ordinaryong tungkulin din, naapektuhan din ang mga tungkuling iyon kung minsan, at nahahadlangan ang mga bagay-bagay. Walang anuman dito ang napapakinabangan ng iba, ng sarili niya, o ng gawain sa iglesia. Ang maliliit na gawaing ginagawa niya at ang mga halagang binabayaran niya ay may netong pagkalugi. Ang partikular na mga kapritsosong tao ay hindi akmang gumanap ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at maraming ganitong tao. Ang pagkakapritsoso ay ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon. Sa praktikal, ang bawat tao ay may ganyang disposisyon. At ano ang disposisyong iyan? Sa natural, bawat tiwaling disposisyon ay isang uri ng mga disposisyon ni Satanas, at ang pagkakapritsoso ay isang tiwaling disposisyon. Sa mas banayad na salita, ito ay ang hindi pagmamahal o pagtanggap sa katotohanan; sa mas mabigat na salita, ito ay ang pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi rito. Kaya ba ng mga kapritsosong taong magpasakop sa Diyos? Tiyak na hindi. Kaya nila sa panandalian, kapag masaya sila at kumikita, pero kapag hindi sila masaya at hindi kumikita, mapupuno sila ng galit at mangangahas na labanan at ipagkanulo Siya. Sasabihin nila sa sarili nila, “Wala akong pakialam kung ito ay ang katotohanan o hindi—ang mahalaga ay masaya ako, na kontento ako. Kung hindi ako masaya, walang sasabihin ang sinuman na makakatulong! Ano ang halaga ng katotohanan? Ano ang halaga ng Diyos? Ako ang masusunod!” Anong klase ng tiwaling disposisyon ito? (Pagkamuhi sa katotohanan.) Ito ay isang disposisyong namumuhi sa katotohanan, isa na tutol dito. May elemento ba ng pagmamataas at pagkapalalo rito? May elemento ba ito ng pagiging mapagmatigas? (Oo.) May isa pang napakasamang kalagayan dito. Kapag maganda ang pakiramdam nila, mabait sila sa lahat ng tao at responsable sa pagganap sa kanilang tungkulin; iniisip ng mga tao na sila ay isang mabuti, mapagpasakop na tao, isang taong handang magbayad ng halaga, na talagang nagmamahal sa katotohanan. Pero sa sandaling maging negatibo sila, aalis sila, magrereklamo, at magiging sarado pa nga sa katwiran. Dito, lumalabas ang masama nilang bahagi. Walang maaaring mamahiya sa kanila. Sasabihin pa nila, “Nauunawaan ko ang bawat katotohanan, hindi ko lang ito isinasagawa. Ayos lang sa akin na maging panatag ako sa sarili ko!” Anong disposisyon ito? (Kasamaan.) Ang masasamang taong ito ay hindi lang handang lumaban sa sinumang maaaring magpungos sa kanila, sasaktan at pipinsalain din nila ang mga iyon, gaya ng isang masamang demonyo. Walang sinumang mangangahas na guluhin sila. Hindi ba’t napakakapristoso at napakasama nila? Isa ba itong problema na may kaugnayan sa pagiging kabataan? Hindi ba sila magiging kapritsoso kung mas matanda sila? Magiging mas maalalahanin at makatwiran ba sila kung mas matanda sila? Hindi. Hindi ito usapin ng kanilang personalidad o edad. May nagkukubli roong tiwaling disposisyong may malalim na ugat. Kinokontrol sila ng isang tiwaling disposisyon, at nabubuhay sila sa tiwaling disposisyon. May pagpapasakop ba sa isang taong nabubuhay sa isang tiwaling disposisyon? Kaya ba niyang hanapin ang katotohanan? May bahagi ba sa kanya na nagmamahal sa katotohanan? (Wala.) Wala, walang anuman sa mga iyon. Nagkaroon na ba kayong lahat ng kapritsosong kalagayan? (Oo.) Mararamdaman ba ninyong problema ito kung hindi tayo nagbahaginan tungkol dito? (Hindi.) Ngayon, sa pagbabahaginan tungkol dito, pakiramdam ba ninyo na ito ay isang medyo seryosong problema? (Oo.) Ang ilang paminsan-minsang pagkakapritsoso ay lumilitaw mula sa mga obhetibong sanhi. Iyan ay hindi problema sa disposisyon. Ang lahat ng mga problema sa disposisyon, at ang lahat ng pagbubunyag ng tiwaling disposisyon sa mga kilos ng isang tao, ay magbubunga ng mga negatibong kahihinatnan. Narito ang isang halimbawa ng isang obhetibong sanhi: Sabihin nating ang isang tao ay may matinding sakit ng tiyan ngayon. Labis ang nararamdaman niyang sakit na halos wala siyang lakas para magsalita. Gusto lang niyang humiga nang saglit. Maya-maya, may isang taong dumating at may kaunting sinabi sa kanya, at ang tono ng pagsagot niya ay medyo magaspang. Ito ba ay problema sa kanyang disposisyon? Hindi, hindi ito problema. Nagkakaganyan lang siya dahil siya ay may karamdaman at nasasaktan. Kung ganyan siyang uri ng tao sa mga normal na pagkakataon, isang nagsalita sa ganyang paraan, iyan ay magiging isang problema sa disposisyon. Sa kasong ito, may masamang tono sa kanyang pananalita dahil lumampas na ang kirot sa isang partikular na hangganan. Iyan ay normal lang na mangyari. Kung may obhetibong sanhi, at kinikilala ng lahat ng tao na ang pagsasalita o pagkilos sa ganitong paraan ay mapapatawad at makatwiran, dahil ganito ang pangyayari, at ito ay kalikasan lang ng tao, ito ay pag-uugali at pagbubunyag ng normal na pagkatao. Tingnan natin ang halimbawa ng isang taong namatayan ng kamag-anak at nagsimulang umiyak sa pagdadalamhati. Iyan ay normal lang. Pero may mga taong manghuhusga sa kanya at sasabihin, “Sentimental ang taong ito. Maraming taon na siyang nananalig sa Diyos pero hindi pa rin mabitiwan ang pagmamahal sa kanyang pamilya. Umiiyak pa nga siya kapag may kamag-anak siyang pumanaw. Anong kahangalan!” Pagkatapos, nangyayari na nang namatay ang ina ng nagsasalita, mas matindi pa ang pag-iyak niya kaysa sa sinuman. Paano ito dapat tingnan ng isang tao? Hindi maaaring pikit-mata kang maglalapat ng mga tuntunin o gagawa ng mga panlalahat tungkol dito—may ilang bagay na may obhetibong sanhi, at ang mga ito ay mga pag-uugali at pagbubunyag ng normal na pagkatao. Kung ano ang mga pag-uugali at pagbubunyag ng normal na pagkatao, at kung ano ang mga hindi ganoon—nag-iiba iyan sa mga pangyayari. Anuman ang nabanggit tungkol sa pamumuhay ng isang tao, anuman ang sinasabi ay tumatalakay, sa isang banda, sa mga problema sa mga disposisyon ng mga tao, at sa kabilang banda, ito ay tungkol sa mga problema sa mga pananaw ng mga tao, ang mga paraan nila ng paghahangad, at ang mga landas ng kanilang paghahangad. Ito ay hindi talaga tanong tungkol sa kanilang timpla o personalidad, o tungkol sa mga panlabas nilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay.
Mayroon pang isang uri ng kalagayan, at iyan ay ang pamumuhay sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Nais ng karamihan ng tao na maghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan sa kanilang paniniwala sa Diyos, nang hindi tumutuon sa paghahangad ng katotohanan. Hangga’t may kaunting kakayahan ang isang tao at kaunting ideya, may taglay siyang isang hanay ng mga pilosopiya ni Satanas at mga tuntunin ng pamumuhay. Bawat isa sa kanila ay may kanya-kanyang “tinatagong panlilinlang” tungkol sa kung paano mabubuhay nang masaya, paano mabubuhay sa isang paraan na magpapatanyag sa kanila at magbibigay ng karangalan sa pangalan ng pamilya nila, at magkakamit ng papuri ng lahat ng tao. Anong panlilinlang ang mga ito? Ang mga ito ay mga “pinakamataas” na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Maaaring katawa-tawa itong pakinggan sa ilang tao: Ang “pinakamataas” at “mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo” ay hindi maaaring magsama. Ang mga ito ay kakaibang pagpapares. Kaya, bakit ginamit ang salitang “pinakamataas” dito? Sa pangkalahatan, ang taong may pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ay naniniwala na para mabuhay, kailangan niyang magkaroon ng mga tuntunin para sa pag-iral, ibig sabihin, ilang sikreto para mabuhay. Iniisip niya na iyan lang ang paraan para makamit ang mga layunin niya sa buhay. Pinanghahawakan niya ang mga tuntuning ito para mabuhay, na mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, bilang mga pinakamataas niyang mga paniniwala, gaya ng mga kasabihang madalas sinasabi ng mga tao. Pinanghahawakan at pinaninindigan niya ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na parang ito ang katotohanan, nang hindi isinasantabi maging ang mga hinirang na mga tao ng Diyos sa pagtratong ito. Iniisip niya, “Walang sinuman ang magagawang ihiwalay ang sarili niya mula sa mga makamundong pakikitungo. Nananalig kayo sa Diyos, hindi ba? Sinusunod ninyo ang mga prinsipyo, hindi ba? Nauunawaan ninyo ang katotohanan, hindi ba? Kung gayon, may pilosopiya ako para sa mga makamundong pakikitungo para pangasiwaan kayo. Metikuloso kayo, hindi ba? Sumusunod kayo sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba? Hindi ko nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at maaari ko pa rin kayong gawing maging mabuti sa akin at gawin kayong nagsisikap nang walang nakakamit na resulta. Papanatilihin ko kayong lahat na malapit na nakaugnay sa akin; sasabihin ninyong mabuti akong tao at hindi kayo magsasabi ng anumang masama tungkol sa akin nang hindi ko alam. Huhusgahan ko pa nga kayo kapag wala kayo sa paligid, at gagawan kayo ng masasamang bagay, at pagtataksilan ko kayo—at wala kayong mauunawaang kahit ano.” Iyan ang taong nabubuhay sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Ano ang nakapaloob sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo? Pagkukunwari, panlilinlang, at mga taktika, gayundin ang mga diskarte at pamamaraan. Halimbawa, kapag may nakikita silang isang taong may katayuan, isang taong maaaring magamit, napakagalang nila, yumuyukod at lumuluhod at umaawit ng mga papuri nila. Sa mga taong sa palagay nila ay kaunti ang kayang ihandog, at hindi kasinggaling nila, palaging mapanghamak ang pagsasalita nila at mababa ang tingin nila sa mga ito, na pinaparamdam nila sa mga taong iyon na nakakataas sila at dapat silang palaging tingalain. Sa kanilang panloob na mundo, mayroon silang sistema sa paglalaro at pangmamanipula ng mga tao at isang paraan kung paano nila dapat tratuhin ang bawat uri ng tao. Kapag may nakilala silang isang tao, alam nila sa isang sulyap kung anong uri siya ng tao, at kung paano sila dapat humarap sa kanya at makitungo sa kanya. Ang isipan nila ay gumagawa kaagad ng pormula. Sopistikado sila at nagsasagawa rito. Hindi nila kailangang mag-isip tungkol sa pagpapatupad ng mga pilosopiyang ito—hindi nila kailangan ng mga panimulang plano o ang pagtuturo ng sinuman. May sarili silang paraan. Ang ilan sa mga ito, sila ang mismong nag-isip; ang ilan, natutunan nila sa iba, o napanood nila sa iba, o nakamit sa impluwensya ng iba. Marahil walang nagsabi sa kanila tungkol sa mga paraang iyon, pero mahihiwatigan nila ang lahat ng detalye, at kaya natututunan nila ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, mga teknika, diskarte at pamamaraan, mga pakana, at mga kalkulasyon. Taglay ba ng mga taong nabubuhay sa mga bagay na ito ang katotohanan? Mabubuhay ba sila sa katotohanan? (Hindi.) Hindi nila kaya. Kaya, ano ang epektong mayroon sila sa ibang tao? May ilang taong madalas nilang nalilinlang at nadadaya, nagagamit at napaglalaruan nila, at marami pa. Ang mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo ay hindi kinakailangang ang tanging saklaw ng mga intelektuwal, o ng ilang grupo ng mga tao—ang katunayan ay matatagpuan ito sa lahat ng tao.
Sa ano pang ibang paraan nagpapamalas ang mga satanikong pilosopiya? May ilang taong magaling magsalita. Nanghihimok sila ng kaligayahan at kasiyahan sa mga tao, na umaalis na naginhawahan dahil narinig nila silang magsalita, pero wala talaga silang ginagawang anumang aktuwal na trabaho. Anong klase ng tao ito? Isang taong nangmamanipula ng mga tao sa pamamagitan ng matatamis na salita. May ilang lider at manggagawa na nagtatrabaho nang sandali, pagkatapos ay iisipin nila sa mga sarili nila, “Nauunawaan ba ako ng Itaas? Kilala ba ako ng Diyos? Kailangan kong mag-ulat ng kaunting problema para malaman ng Itaas na nagtatrabaho ako. Kung nakikita ng Itaas na ang mga problemang iniuulat ko ay lubos na totoo at mahalaga, na pangunahing isyu ang mga ito, marahil pahahalagahan ako ng Itaas, dahil nakikita Niyang kaya kong gumawa ng aktuwal na gawain.” At kaya, naghahanap sila ng pagkakataong magbanggit ng mga problema. Sila ay may katwiran sa pagbabanggit ng mga problema, sentido komun iyan, at hinihingi ito ng gawain. Pero hindi ito dapat mahaluan ng personal nilang intensyon. Nakikita ba ninyo ang intensyong mayroon ang taong ito sa pag-uulat ng mga isyung ito? Ano talaga ang problema sa intensyong mayroon siya? Ang tanong na ito ay nangangailangan ng kaisipan at pagkilatis. Kung binabanggit nila ang mga isyu para magampanan nila nang maayos ang tungkulin nila at mapalugod ang Diyos, iyan ay magiging makatwiran; mangangahulugan iyan na sila ay responsableng tao, isang gumawa ng aktuwal na gawain. Pero sa kasalukuyan ay may mga lider at manggagawang hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, pero mga oportunista at nandaraya, na nagsisinungaling sa mga nakakataas sa kanila at nagtatago ng mga bagay sa mga nasa ilalim nila. Pero, gusto nilang maging pino at tuso, at mapalugod ang lahat ng tao. Sa pagsasagawa nila sa ganitong paraan, hindi ba’t nabubuhay sila sa mga satanikong pilosopiya? Kung gayon, paano dapat lutasin ang problema? Ano ang mga katotohanang dapat hanapin, paano ito malalaman at makikilatis—dapat maging malinaw ang mga bagay na ito bago maaaring malutas ang problema ng kanilang tiwaling intensyon. Narito ang isa pang halimbawa. Pinagpares ang dalawang tao para gumanap ng tungkulin. Pupunta sila sa isang iglesia sa ibang lugar para ayusin ang problema roon. Ang mga kondisyon ng pamumuhay doon ay medyo mahirap, hindi maganda ang pampublikong seguridad, at medyo mapanganib ang lugar na ito. Sinasabi ng isa sa kanila, “Ayaw sa akin ng mga tao sa iglesiang iyan. Kahit na pumunta ako, walang garantiyang malulutas ko ang problema roon. Pero, gusto ka nilang lahat. Magiging produktibo para sa iyo na pumunta at lutasin ang problema.” Tingin ng kasama niya ay totoo ito at umalis ito. Kung isasantabi ang lahat, hindi ba’t may problema sa taong nakahanap ng mga dahilan at palusot sa hindi pagpunta? Makatwiran man o hindi ang mga dahilan at palusot niya, isinasagawa ba niya ang katotohanan dito? Iniisip ba niya ang mga kapatid niya? Hindi; nagsisinungaling siya. Gumagamit siya ng matatamis na salita para isakatuparan ang mga sarili niyang layunin. Hindi ba’t teknika ito? Kung nag-iisip ka nang gaya nito at kumikilos nang gaya nito, hindi ka pa naghimagsik laban sa laman. Nabubuhay ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya. Pero paano kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mo at hindi ka nabuhay sa mga satanikong pilosopiya? Sa umpisa ay hindi mo gugustuhing pumunta sa iglesiang iyon para ayusin ang mga problema nito, pero matagal mo itong pag-iisipan: “Hindi iyan tama. Ang katunayang nag-iisip ako nang ganyan ay nangangahulugang masama akong tao, na imoral ako. Kailangan kong bawiin ang sinabi ko, simbilis ng kaya ko. Kailangan kong humingi ng tawad sa kanya at maging bukas sa katiwaliang ibinunyag ko. Dapat akong pumunta sa lugar na iyon ngayon, kahit na ang ibig sabihin nito ay mamamatay ako roon.” Hindi naman talaga tiyak na mamamatay ka roon. Kailan pa ganyan kadaling dumating ang kamatayan? Ang buhay at kamatayan ay paunang itinakda ng Diyos. Sa lahat-lahat, sa ganitong kaso, kailangan mong magkaroon ng paninindigan at ng kakayahang maghimagsik laban sa sarili mo. Saka pa lamang na magagawa mong mamuhay sa katotohanan. Bibigyan Ko kayo ng isa pang halimbawa. Pinagpares ang dalawang tao para gumanap ng tungkulin. Pareho silang takot na kunin ang responsabilidad para rito, kaya naging tagisan ito ng talino. Sinasabi ng isa, “Ikaw na ang umayos nito.” Sinasabi ng isa pa, “Mas mabuti kung ikaw ang haharap dito. Masahol ang kakayahan ko kumpara sa iyo.” Ang iniisip talaga nila ay: “Walang magiging gantimpala sa maayos na paggawa ng bagay na ito, at kung hindi maayos ang paggawa nito, pupungusan ako. Hindi ako pupunta—hindi ako ganyan kamangmang! Alam ko kung ano ang balak mo. Tigilan mo na ang panghihikayat sa aking pumunta.” Ano ang kahihinatnan ng palitan nila? Wala sa kanila ang pupunta, at naaantala ang gawain bilang resulta. Hindi ba’t imoral iyan? (Oo.) Hindi ba’t seryoso ang kahihinatnan ng pag-antala ng gawain? Masama ang resultang ito. Kaya, ano ang ipinapamuhay ng dalawang ito? Pareho silang namumuhay sa mga satanikong pilosopiya; pinipilit sila at ginagapos ng mga satanikong pilosopiya at ng sarili nilang panlilinlang. Nabigo silang isagawa ang katotohanan, at dahil diyan, hindi umabot sa pamantayan ang pagganap nila ng kanilang tungkulin. Walang ingat at pabasta-basta ito, at wala talagang anumang patotoo rito. Sabihin nating pinagpares ang dalawang tao para gumanap ng tungkulin. Isa sa kanila ay sumusubok na kunin ang dominanteng posisyon sa lahat ng bagay at palagi niyang gustong siya ang may huling salita, at maaaring isipin ng isa, “Siya ang matatag; gusto niyang mamuno. Puwede siyang mamuno sa lahat ng bagay, at kapag may nangyaring mali, siya ang pupungusan. ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril’! Hindi ako lalabas. Nagkataon lang na mahina ang kakayahan ko, at hindi ko gustong magambala ng mga bagay na ito. Gustung-gusto niyang mamuno, hindi ba? Kung may gagawing isang bagay, ipapaubaya ko ito sa kanya!” Ang taong magsasabi ng mga ganitong bagay ay natutuwang maging mapagpalugod ng mga tao, isang tagasunod. Ano ang palagay ninyo sa paraan niya ng pagganap ng tungkulin? Ano ang ipinapamuhay niya? (Ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo.) May iniisip din siyang iba. “Hindi ba siya magagalit sa akin kung kukunin ko ang papuring inaasahan niya? Hindi ba’t magkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sa aming dalawa sa pagpapatuloy? Kung makakaapekto ito sa aming relasyon, mahihirapan kaming magkasundo. Mas mabuti pa kung hahayaan ko siya sa gusto niya.” Hindi ba’t ito ay pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo? Ang paraan ng pamumuhay nila ay nagliligtas sa kanila sa gulo. Binibigyan sila nito ng kakayahang umiwas sa pagkuha ng responsabilidad. Susunod lang sila sa anumang ipagawa sa kanila, nang hindi kailangang mamuno o lumabas, at nang hindi kailangang mag-isip ng tungkol sa anumang problema. Ang lahat ay gagawin ng ibang tao para sa kanila, kaya hindi nila kailangang pagurin ang sarili nila. Ang kagustuhan nilang maging tagasunod ay nagpapatunay na wala silang diwa ng responsabilidad. Nabubuhay sila sa mga pilosopiya ng mga makamundong pakikitungo. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan o pinapanghawakan ang mga prinsipyo. Iyan ay hindi maayos na kooperasyon—ito ay pagiging tagasunod, isang mapagpalugod ng mga tao. Bakit hindi iyan kooperasyon? Dahil hindi sila tumutupad sa responsabilidad nila sa anumang bagay. Hindi sila kumikilos nang buong puso at isipan nila, at maaaring hindi rin sila kumikilos nang buong lakas nila. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na nabubuhay sila sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, sa halip na sa katotohanan. Narito pa ang isang halimbawa: May isang taong gumawa ng masamang bagay habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, isang bagay na nagdudulot ng pagkalugi sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nakikita mo ito, pero iniisip mo sa sarili mo, “Wala akong kinalaman diyan. Hindi nito nasaktan ang mga interes ko. At saka, hindi ako ang responsable. Ano ang ginagawa ko, nakikialam ako sa buhay ng iba? Ibang tao na lang ang dapat umayos nito, sinuman ang gusto. Ang kailangan ko lang gawin ay paghusayan ang sarili kong gawain. Walang kinalaman sa akin kung gumagawa ng masama ang ibang tao. Wala akong pakialam kung makita ko ito; wala akong pakialam kung naligaw sila; at kung may mawala sa gawain ng iglesia, wala akong kinalaman diyan.” Hindi ba’t ito ay isang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo? (Ganoon nga.) Mabuti ba ang mga intensyon ng taong ito? (Hindi.) Nabubuhay siya sa mga satanikong pilosopiya. May ilang taong gumagawa nito paminsan-minsan sa ilang usapin; ang iba ay madalas itong ginagawa, nang hindi kailanman naghahanap sa katotohanan o nagninilay sa sarili nila, at nang hindi nilulutas ang mga tiwaling disposisyon nila. Ang dalawang uri ng taong ito ay nasa magkaibang sitwasyon. Pero ito man ay ginawa sa mga hiwalay na insidente o sa lahat ng usapin, nasasaling nito ang problema ng tiwaling disposisyon. Hindi ito simpleng isyu ng pamamaraan ng isang tao—ito ay pamumuhay ng isang tao sa mga satanikong pilosopiya. Ano pang ibang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ang karaniwang nakikita at nakakatagpo ng isang tao? (Panunuhol sa ibang tao gamit ang maliliit na pabor, pagsunod sa mga kagustuhan ng ibang tao, pagpupuri sa mga tao, at panunulsol sa kanila.) Ang pagsunod sa mga kagustuhan ng ibang tao ay isang teknika, isang uri ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Ano pa? (Ang hindi direktang pagsasalita pagkatapos makita ang isang taong gumawa ng bagay na labag sa mga prinsipyo, sa takot na masaktan ang damdamin niya.) Ang pagiging hindi direkta sa pananalita, palaging pinapaikot ang isyu, palaging pumipili ng mga salitang magandang pakinggan na hindi kinapapalooban ng mga prinsipyo o ng pangunahing problema—ito ay isa pang uri ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. May iba pa ba? (Pangbobola at pagpapagiliw ng sarili sa sinumang may katayuan.) Iyan ay pagpapalakas para makakuha ng pabor, at ito rin ay isang uri ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. May mga tao na, sa kalikasan nila, ay palaging humahanap ng pagkakataon na manipulahin at samantalahin ang ibang tao. Sila ay mga partikular na taksil. May mga taong pino at tuso saan man sila pumunta. Ang sasabihin nila ay depende sa kung kanino nila ito sinasabi. Mabilis tumugon ang isipan nila: Alam nila kung paano harapin ang isang tao sa unang pagkakataon pa lang nilang makita ang isa’t isa. Ang mga ganoong tao ay labis na tuso; hindi nila kayang mabuhay sa katotohanan. Sa ano pang ibang paraan nagpapamalas ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo? (Hindi nangangahas magsalita pagkatapos makita ang isang problema sa takot na masisi siya kung lalabas na ito ay isang pagkakamali, pinapanood ang sinasabi at ginagawa ng iba, at hindi nagpapahayag ng pananaw hanggang magsalita na ang nakararami.) Ang mga tao ay may tendensiyang sumabay sa agos, iniisip na ang kautusan ay hindi pwedeng ipatupad kapag ang lahat ng tao ay lumalabag. Anong uri ng problema iyan? Anong uri ng disposisyon? Hindi ba’t ito ay mapanlinlang na disposisyon? Hindi nangangahas na panghawakan ang mga katotohanang prinsipyo dahil palagi mong gustong maging mapagpalugod ng mga tao at takot na magdulot ng pagkakasala, pero natatakot rin na ilalantad ka at ititiwalag dahil sa hindi pagsasagawa ng katotohanan—talagang problema iyan! Iyan ang nakakaawang kalagayan ng mga mapagpalugod ng mga tao. Kapag hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, ganito ang mga karima-rimarim na kondisyong ipinapamuhay nila; tinataglay ng lahat ng mga ito ang demonikong wangis ni Satanas. Ilan sa mga taong ito ay tuso, ang ilan ay taksil, ang ilan ay kasuklam-suklam, ang ilan ay kalunos-lunos, ang ilan ay hamak, at ang ilan ay kaawa-awa. Nabubuhay ba kayo sa mga satanikong pilosopiya? Binobola ang sinuman na isang lider habang hindi pinapansin ang mga lider na pinalitan at itiniwalag; pinapagiliw ang sarili sa sinumang piniling maging lider, sinuman siya; nagsasabi ng lahat ng uri ng mga nakakasukang bagay, “Grabe, ang ganda mo, at tamang-tama ang pangangatawan mo—ang mismong imahe ng kagandahan. Parang tagapag-ulat ng balita ang boses mo kapag nagsasalita at parang ibon ang boses mo kapag kumakanta,” naghahanap ng mga paraan para makuha ang pabor nito; binobola ito sa bawat pagkakataong nakukuha mo; sinusuhulan ito nang maliliit na pabor; sa pangkalahatan pinagmamasdan ang lahat ng ginagawa at sinasabi nito, at nag-iisip ng mga paraan para malugod ito kapag nakita mong may gusto itong isang bagay. Ang mga ito ba ay mga taktika na mayroon kayo? (Oo. Minsan nakikita ko na may ilang problema o pagkukulang ang isang lider o manggagawa, pero hindi ako nangangahas magsabi ng anuman, sa takot na sisisihin nila ako at magiging masama ang tingin nila sa akin.) Iyan ay kawalan ng mga prinsipyo. Alam mo ba kung natukoy mo ang mga problemang iyon nang tama at kung makikinabang ang gawain ng iglesia para magsalita ka tungkol sa mga ito? (Kaunti.) May kaunti kang alam—kaya ano ang dapat mong gawin para umayon sa mga katotohanang prinsipyo? Kung sigurado kang nakakita ka ng problema, at nauunawaan mo sa puso mo na dapat malutas ang problemang ito, kung hindi, maaantala nito ang gawain, pero hindi mo pa kayang sundin ang mga prinsipyo at takot kang salungatin ang ibang tao, ano ang problema rito? Bakit ka matatakot na sumunod sa mga prinsipyo? Seryoso ang kalikasan ng isyu na ito, at nasasaling nito kung mahal mo ang katotohanan at kung mayroon kang pagpapahalaga sa katarungan. Dapat mong sabihin ang opinyon mo, kahit hindi mo alam kung tama ito. Kung mayroon kang opinyon o ideya, dapat mo itong sabihin, at hayaan mo ang iba na suriin ito. Magkakaroon ng mga pakinabang sa iyo sa paggawa nito, at makakatulong ito sa paglutas ng problema. Kung iniisip mo sa iyong sarili, “Hindi ako makikialam. Kung tama ang sasabihin ko, hindi naman ako ang mapupuri, at kung mali naman ito, pupungusan ako. Hindi ito sulit,” hindi ba’t makasarili iyan at kasuklam-suklam? Palaging isinasaalang-alang ng mga tao ang mga sarili nilang interes, at hindi naisasagawa ang katotohanan. Iyon ang pinakamahirap na bagay tungkol sa mga tao. Hindi ba’t lahat kayo ay may ganoong maraming pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga pakana sa loob ninyo? Marami-raming bagay ng pilosopiya ni Satanas ang nasa bawat tao, at matagal na silang nalaganapan ng mga ito. Hindi na nakapagtataka na nakikinig ang mga tao sa mga sermon sa loob ng maraming taon nang hindi nauunawaan ang katotohanan, at na mabagal ang kanilang pagpasok sa katotohanang realidad, at nananatiling palaging napakaliit ng kanilang tayog. Ito ay dahil hinahadlangan at ginugulo sila ng gayong mga tiwaling bagay. Sa ano namumuhay ang mga tao kapag kailangan nilang isagawa ang katotohanan? Namumuhay sila ayon sa mga tiwaling disposisyong ito, ayon sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, pati na sa mga kaloob. Sa pamumuhay sa mga bagay na ito, napakahirap para sa mga tao na lumapit sa harapan ng Diyos. Bakit gayon? Masyadong malaki ang kanilang pasan at masyadong mabigat ang kanilang pamatok. Ang pamumuhay ng tao ayon sa mga bagay na ito ay malayong-malayo sa katotohanan. Pinipigilan ka ng mga bagay na ito na maunawaan ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, madadagdagan ba ang pananampalataya mo sa Diyos? (Hindi.) Siguradong hindi madadagdagan ang pananampalataya mo sa Diyos, lalo na ang pagkakilala mo sa Kanya. Isa itong nakalulungkot at nakatatakot na bagay.
Ang ipinapamuhay ng tao ay may kaugnayan sa mga pananaw nila sa mga bagay-bagay, gayon din sa mga disposisyon nila. May ilang taong laging nagsusumikap para sa mga pangarap at pagnanais nila. Ang mga iyon ay mga taong may mga pangarap. May ilang palaging nabubuhay sa mga pagnanais nila. Ano ang kalakip ng mga pagnanais nila? Naroon ang pagnanais na magtrabaho at mapatanyag ang sarili nila, at naroon ang pagnanais na magpakitang-gilas. Bilang halimbawa, may mga taong gusto ng katayuan. Kung walang katayuan, hindi sila mananalig sa Diyos; kung walang katayuan, hindi nila maiisip gumawa ng anumang bagay, at ang pananalig sa Diyos ay nakakabagot din para sa kanila. Nabubuhay silasa pagnanais nilang hangarin ang katayuan, at iniraraos nila ang mga araw nila, isa pagkatapos ng kasunod, na pinangingibabawan ng pagnanais na ito. Anuman ang katayuang maaaring mayroon sila ay lubhang mahalaga para sa kanila. Wala silang ginagawa para sa anumang bagay maliban sa katayuan: pagpapanatili ng kanilang katayuan, pagpapatibay ng kanilang katayuan, pagpapalawak ng kanilang nasasakupan—lahat ng ginagawa nila, sa bawat pagkakataon, ay tungkol sa pagnanais nilang ito. Nabubuhay sila sa pagnanais. May ibang may nakakaawang buhay sa mundo. Sila ay mga inosenteng taong palaging inaapi, na galing sa masasamang tahanan, mula sa mahirap na panlipunang kapaligiran, na walang masasandalang sinuman. Nag-iisa sila at napabayaan, hanggang sa nanalig sila sa Diyos, na sa puntong iyon ay naramdaman nilang nakatagpo na sila sa wakas ng haligi ng suporta. May mithiin sila, at ito ang nag-uudyok sa kanila sa paniniwala nila sa Diyos. Hindi kailanman nagbago ang mithiin nila, maging hanggang sa kasalukuyan. Iniisip nila, “Sa pananalig sa Diyos, nabubuhay ako nang may dignidad at lakas ng karakter; sa pananalig sa Diyos, kaya kong maging mas mahusay kaysa sa iba, at mabuhay nang nakatataas sa iba. Kapag pumunta na ako sa langit, dapat ninyo akong bigyang-galang. Walang nang manghahamak pa sa akin.” Ang pangarap na ito, ang pag-asa nilang ito ay napakababaw at hindi natatangi. Pakiramdam nila kahabag-habag ang buhay nila sa mundo, dahil sa sitwasyon ng pamilya nila o sa iba pang rason. Sa pamumuhay sa sambahayan ng Diyos, mayroon silang bagay na masasandalan. Hindi sila inaapi ng mga kapatid nila. Hindi na sila kahabag-habag; mayroon silang haligi ng suporta. Bukod pa rito, ang pinakadakilang pag-asa nila ay magkamit sila ng kahanga-hangang destinasyon para sa sarili nila pagkatapos nilang pumanaw, o sa buhay na ito, kung saan magagawa nilang magmalaki. Iyan ang layunin nila. Nabubuhay sila sa mithiing ito, at sa lahat ng lugar, sa lahat ng bagay, ginagamit nila ang kaisipang ito, ang pangarap na ito, bilang motibasyon nila. Sadyang mahirap para sa kanilang mabuhay sa katotohanan. Kaawa-awa ang pamumuhay ng mga ganitong tao. May ibang may hangaring magpakitang-gilas o mapatanyag ang mga sarili nila. Dahil diyan, gustung-gusto nilang mabuhay sa isang grupo, ginagawa ang ganito at ganyan para pahalagahan sila ng iba sa grupo, na nagbibigay ng kasiyahan sa kanilang kapalaluan. Naniniwala sila, “Maaaring hindi ako lider, pero hangga’t naipapakita ko sa grupo ang mga talento ko at tila nagniningning ako, may sinag sa ulo, sulit para sa akin na manalig sa Diyos. Iyan ang ipinapamuhay ko; walang mas masahol pa kaysa sa pagiging nasa mundo.” Kaya, iyan ang ipinapamuhay nila mula noon. Namumuhay sila nang ganyan sa lahat ng mga araw at taon nila, nang walang anumang pagbabago sa orihinal nilang intensyon. Ito ba ay pamumuhay sa katotohanan? Tiyak na hindi. Nabubuhay sila sa mga pangarap at pagnanais, gaya ng mga walang pananampalataya. Ito ay problemang may kaugnayan sa pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay, gayon din sa mga tiwaling disposisyon. Kung hindi malulutas ang problemang ito, walang paraan para maunawaan o maisagawa ang katotohanan, at sadyang mahirap mamuhay sa katotohanan kung gayon.
Mayroon ding ilang kababaihan na nabubuhay sa kanilang panlabas na anyo, na palaging nag-iisip na maganda sila, nag-iisip na saan man sila pumunta, gusto sila ng lahat ng tao, mataas ang tingin sa kanila, at sinasang-ayunan sila. Saan man sila magpunta, naririnig nila ang mga papuri ng mga tao sa kanila at nakikita nila ang mga nakangiting mukha ng mga tao sa kanila. Labis silang nalulugod sa sarili nila, at may kumpiyansa sila, na nabubuhay nang ganyan. Kaya, naniniwala sila na ang pamumuhay nang gaya nila ay nagbibigay sa kanila ng kapital, na may malaking halaga sa pamumuhay nila—na maraming tao ang nagpapahalaga sa kanila, kahit papaano. Hindi ba’t may mga kalalakihan ding may kinalaman sa pamumuhay sa panlabas nilang anyo? Sabihin nating gwapo ka, at sa pakikipag-usap mo sa mga kapatiran mong babae, ikaw ay matalino ka, magara, at romantiko. Sadyang nalulugod ka sa sarili mo, na mataas ang tingin ng lahat sa iyo at sa iyong ginagalawan. “Hindi sa parang sinusubukan kong ligawan ang sinuman. Nabubuhay lang ako nang ganito, at kaibig-ibig ito! Ang pagsasagawa ng katotohanan—nakakabagot!” May ibang taong nabubuhay sa isang uri ng kapital, at para magkaroon ng kapital, siyempre dapat silang magkaroon ng isang uri ng tunay na bagay. Ano kaya ang mga tunay na bagay na iyon? Halimbawa, pakiramdam ng ilang tao na nananalig sila sa Diyos mula sa sinapupunan. Nananalig sila sa Diyos sa loob ng limampung taon o higit pa, iyan ang kanilang kapital. Kapag may nakikita silang kapatid, tinatanong nila, “Ilang taong ka nang nananalig sa Diyos?” “Limang taon,” sabi ng isa. Nananalig sila sa Diyos nang sampung beses na mas matagal kaysa sa taong ito, at dahil nakita nila ito, iniisip nila sa sarili nila, “Halos kasingtagal na ba kitang nananalig sa Diyos? Napakabata mo pa. Dapat ayusin mo ang asal mo—malayo pa ang hahabulin mo!” Ganito sila namumuhay sa kapital nila. Ano pang ibang uri ng kapital ang nariyan? May ilang taong nakapaglingkod bilang mga lider at manggagawa sa lahat ng antas. Matagal na silang nasa labas, nagtatrabaho at umiikot at pumupunta sa mga iglesia, at napakarami nilang karanasan. Sila ay medyo pamilyar sa mga gawain ng pagsasaayos ng Itaas, gayundin sa iba’t ibang uri ng tao at mga larangan ng gawain sa iglesia. Kaya, naniniwala sila, “Beteranong lider ako na may kapital ng isang beterano. Matagal na akong gumagawa, at may karanasan ako. Ano ang alam ninyong lahat? Mga bata kayo. Ilang araw na ba kayong gumawa? Napakakaunti pa ng karanasan ninyo. Wala kayong anumang alam. Oo, makinig kayo sa akin, tama iyan!” At kaya, buong araw silang nangangaral, nang walang anumang praktikal dito—lahat ay mga salita at doktrina. Gayunman, gagawa sila ng mga palusot: “Masama ang timpla ko ngayon. May anticristo na nagdudulot ng paggambala at panggugulo, at naapektuhan ako nito. Mangangaral ako nang maayos sa susunod.” Ipinapakita niyan ang tunay nilang kulay, hindi ba? Nabubuhay sila sa kapital nila bilang beterano, at matindi ang pagkalugod nila sa sarili, kahit paano. Sa totoo lang, nakakasuklam, nakakasuka! Iyan ay isang uri ng kapital. May ibang taong nakulong dahil sa pananalig nila sa Diyos, o nagkaroon ng ibang natatanging karanasan, o nakagawa ng mga natatanging tungkulin. Nagdusa sila, at iyan din, ay nagsisilbi sa kanila na isang uri ng kapital. Bakit palaging nabubuhay ang mga tao sa kanilang kapital? May problema rito: Naniniwala sila na ang ganitong kapital ang buhay nila. Hangga’t ipinamumuhay nila ang kapital nila, magagawa nilang madalas na humanga at matuwa sa sarili nila, at magamit ang kapital na iyan para turuan at impluwensiyahan ang iba, na madaling magagamit sa pagkamit ng kanilang papuri. Naniniwala sila na taglay ang kapital nila bilang pundasyon, basta’t hinahanap nila ang kaunting katotohanan, o ginagampanan ang tungkulin nila nang maayos at mayroon silang naisakatuparang ilang mabuting gawain, kung gayon sila, gaya ni Pablo, ay maaaring magkaroon ng putong ng katuwirang naghihintay para sa kanila. Tiyak, mabubuhay sila; tiyak, makakarating sila sa mabuting destinasyon. Sa pamumuhay sa kanilang kapital, madalas silang nabubuhay sa isang nalulugod sa sarili, labis na nasisiyahan sa sarili, at kontentong kampanteng kalagayan. Pakiramdam nila ay nalulugod ang Diyos sa kapital nila, na natutuwa Siya sa kanila, na papayagan Niya silang manatili hanggang huli. Hindi ba’t pamumuhay ito sa kapital? Ibinubunyag nila ang ganitong pag-iisip sa bawat pagkakataon. Sa mga bagay na ibinubunyag nila, sa mga bagay na ipinapamuhay nila, at sa mga bagay na ipinapangaral nila sa iba sa bawat pagkakataong nakukuha nila, ang nasa isipan nila ay malinaw na makikita. May iba na nakakuha ng espesyal na biyaya o pangangalaga sa Diyos, isang bagay na walang iba pa ang mayroon—sila lang. Kaya, iniisip nilang espesyal sila, na kakaiba sila sa lahat. Sinasabi nila, “Ang paniniwala ninyo sa Diyos ay iba sa akin. Nagsisimula ang Diyos sa pagbibigay sa inyo ng maraming biyaya at sa pag-aakay sa inyo. Pagkatapos, sa sandaling unti-unti na ninyong maunawaan ang ilang katotohanan, pupungusan, hahatulan at kakastiguhin kayo ng Diyos. Ganyan ang nangyayari sa inyong lahat. Iba sa akin: Binibigyan ako ng Diyos ng espesyal na biyaya. Tinatrato Niya ako nang may espesyal na pabor, at ang espesyal na pabor na iyan ang aking kapital—iyan ang aking resibo at ang aking tiket sa kaharian.” Ano ang pakiramdam ninyo kapag naririnig ninyo silang sinasabi ang mga bagay na ito? May kaalaman ba sila sa gawain ng Diyos? May kaalaman ba sila sa sarili nila? Talagang wala. Patas na sabihing hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at na naniniwala sila na maliligtas sila nang hindi kailangang hangarin ang katotohanan, o hanapin ang katotohanan, o tanggapin ang paghatol at pagkastigo. Aling mga tao sila, na may mga kalagayang gaya nito? Sila ang ilan na nakakita ng ilang pangitain, na nakatanggap ng ilang espesyal na proteksyon at nakaligtas sa kalamidad. O, namatay sila at nabuhay muli, at mayroong espesyal na patotoo o karanasan. Itinuturing nilang buhay nila ang mga bagay na ito, bilang batayan ng pamumuhay nila, at ginagamit nila ang mga ito bilang kapalit ng pagsasagawa ng katotohanan. Higit pa rito, itinuturing nila ang mga bagay na ito bilang mga senyales at pamantayan ng kaligtasan. Iyan ang kapital. May mga ganyang bagay ba kayo? Maaaring wala kayong ganitong uri ng espesyal na karanasan, pero kung gumanap kayo ng partikular na tungkulin sa loob ng mahabang panahon at nagkamit ng resulta, iisipin ninyong may kapital kayo. Sabihin nang ginampanan mo ang tungkulin ng isang direktor sa loob ng mahabang panahon at nakagawa ka ng ilang magandang obra. Nabubuo iyan bilang kapital para sa iyo. Maaaring wala ka pang anuman dahil hindi ka pa nakagawa ng anumang obra. O, maaaring nakagawa ka ng dalawang pelikulang sa tingin mo ay hindi naman masama, pero hindi ka pa nangangahas na ituring ang mga ito na kapital mo. Wala kang kumpiyansa sa mga ito; pakiramdam mo ay wala ka pang sapat na karanasan o kapital, kaya ikaw ay nag-iingat, may pag-aalinlangan, at napipigilan. Hindi ka nangangahas na makasakit ng iba, lalo na ang maging mayabang at magparada saan-saan. Gayunpaman, matindi ang pagkalugod mo sa iyong sarili at hinahangaan ang sarili sa lahat ng oras, at ang mga iyan ang mga bagay na ipinapamuhay mo. Hindi ba’t iyan ang kaawa-awang buhay ng tiwaling sangkatauhan?
May ilang taong may napakasamang panlabas naanyo. Sila ay malaki, matipuno, at malakas, at palagi silang nag-aabang na makapang-api ng iba. Sa pananalita, sila ay sadyang dominante at mapagmataas; hindi sila nagpapatalo sa kaninuman, sinuman ang mga ito. Kaya, medyo natatakot ang mga tao kapag nakikita sila, at tinatrato sila nang may respeto, sinusubukan nilang magpalapad ng papel. Dahil dito ay nagiging napakayabang nila. Pakiramdam nila ay madali lang ang buhay, at naniniwala silang ang lahat ng ito ay talento nila—iniisip nilang walang sinuman ang mangangahas na apihin sila, nabubuhay nang gaya nila. Kung gusto mong manindigan sa maraming tao, kailangan mong asahan ang sarili, palakasin ang sarili, at maging malakas at matatag—ito ang paniniwala nila sa buhay. Para makapanindigan sa maraming tao, nang walang sinumang nangangahas na apihin sila o paglaruan sila, o na walang sinumang nangangahas na dayain at pagsamantalahan sila, ginagawa nilang mauwi ang lahat ng bagay sa isang paniniwalang gaya nito: “Kailangan kong maging malakas at matatag kung gusto kong mabuhay nang maayos—mas mabagsik ako, mas mabuti. Sa ganyang paraan, walang sinuman kahit saan ang mag-iisip pa na apihin ako.” Kaya, nabubuhay sila gaya nito sa loob ng ilang taon, at tunay nga, gaya ng lumalabas, walang sinumang nangangahas na apihin sila. Sa wakas ay naisakatuparan na nila ang kanilang layunin. Anumang grupo sila naroon, nagpapakita sila ng seryosong kaanyuan, isang walang emosyon, binibigyang-pansin ang kanilang asal at sumisinghal sa preskong panghahamak. Walang sinumang nangangahas magsalita kapag nariyan sila; umiiyak ang mga bata makita lang sila. Mga demonyo, ipinanganak na muli—ganyan sila! Nabubuhay sa kamao—anong disposisyon iyan? Iyan ay disposisyon ng kalupitan. Saan man sila magpunta, ang una nilang gagawin ay pag-aralan kung paano paglalaruan at pagsasamantalahan ang mga tao. Gusto rin nilang kontrolin ang mga tao, at pangibabawan ang mga ito. Nag-iisip sila ng mga paraan para pagalitan ang sinumang hindi sila inirerespeto, at humahanap sila ng mga pagkakataon para parusahan ang sinumang walang-galang na nagsasalita sa kanila ng masasakit na salita. Hindi ba’t malupit ang mabuhay sa mga bagay na ito? Ang paggamit ng kanilang mga kamao sa pangangasiwa sa mga bagay-bagay, gaya ng ginagawa nila, ay may ilang epekto: Maraming tao ang takot sa kanila, na naglilinis ng isang landas para sa kanila. Pero matatanggap ba ng mga ganitong tao ang katotohanan, samantalang sila ay namumuhay sa pagkamainitin ang ulo at sa malisyosong disposisyon? Kaya ba nilang tunay na magsisi? Imposible iyan, dahil itinataguyod nila ang mga satanikong pilosopiya at ang paggamit ng pwersa. Namumuhay lang sila sa mga satanikong pilosopiya at sa paggamit ng pwersa; ginagawa nila na ang lahat ay sumunod sa kanila at matakot sa kanila, para makakilos sila nang walang kontrol, ginagawa ang anumang gusto nila. Ang ikinababahala nila ay hindi ang pagkakaroon ng hindi magandang reputasyon, kundi ang hindi pagkakaroon ng masamang reputasyon. Iyan ang prinsipyo nila. Sa sandaling maisakatuparan nila ang kanilang layunin gaya nito, iniisip nila, “Nagawa kong manindigan sa sambahayan ng Diyos at sa mga grupong ito. Takot ang lahat ng tao sa akin; walang mangangahas guluhin ako. Magalang silang lahat sa akin.” Naniniwala silang nanalo na sila. Ito ba talaga ang kaso na walang mangangahas guluhin sila? Panlabas lang ang hindi pangangahas na guluhin sila. Paano tinitingnan ng lahat, sa kaibuturan ng puso nila, ang mga ganitong tao? Walang pagdududa rito: Sawang-sawa na ang mga ito sa kanila, nasusuklam, namumuhi, umaatras, at umiiwas. Gugustuhin ba ninyong magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa ganitong tao? (Hindi.) Bakit hindi? Palagi silang mag-iisip ng mga paraan para pahirapan ka. Magagawa mo bang tiisin ito? Minsan, sa halip na takutin ka nila gamit ang pwersa, gagamit sila ng ilang teknik para lituhin ka at pagkatapos ay tatakutin ka. May ilang taong hindi kayang tiisin ang pananakot, kaya nagmamakaawa sila at sumusuko kay Satanas. Nagsasalita at kumikilos ang masasamang tao sa anumang paraang kailangan. Ang mahina at matatakutin ay sumusuko sa kanila, pagkatapos ay sumusunod sa kanila sa pananalita at pagkilos. Sila ang mga kasabwat ng masamang tao, hindi ba? Ano ang gagawin ninyo kapag nakakita kayo ng ganitong masamang tao? Una, huwag kayong matakot. Dapat humanap kayo ng paraan para harapin siya at ilantad siya. Maaari rin kayong makipagtulungan sa mga kapatid na tunay na nananalig sa Diyos para isumbong siya. Walang kwenta ang takot—habang lalo kang natatakot sa kanya, lalo ka niyang aapihin at guguluhin. Ang paghahanap ng kakampi para isumbong ang masamang tao ay ang nag-iisang paraan para matakot at mapahiya siya. Kung masyado kang mahiyain at wala kang karunungan, ikaw ay tiyak na dadaluhungin ng masamang taong iyan. Napakaliit ng pananampalataya ng mga tao—kaawa-awa! Sa totoo lang, kahit gawin ng isang masamang tao ang lahat-lahat, ano ang magagawa niya sa mga tao? Mangangahas ba siyang kaswal na gamitin ang mga kamao niya at bugbugin ang isang tao hanggang mamatay? Tayo ngayon ay nasa isang lipunan ng mga batas. Hindi siya mangangahas. Higit pa rito, ang malulupit na gaya ng diyablo ay isang maliit, hiwalay na minorya ng mga tao. Kung mangangahas ang isang taong mang-api ng mga tao at kumilos nang walang pakialam sa iglesia, ang kailangan lang ay dalawa o tatlong taong magkakampi para isumbong at ilantad siya. Iyan ang tatapos sa kanya. Hindi ba’t ganoon iyon? Kung may ilan lang sa mga hinirang na tao ng Diyos ang nagkakaisa sa isipan at puso, madali nilang matatapos ang masamang tao. Dapat kang manalig na ang Diyos ay isang matuwid, makapagyarihang Diyos, na kinapopootan Niya ang masasamang tao, at na palalakasin Niya ang mga taong hinirang Niya. Hangga’t may pananampalataya ang isang tao, hindi siya dapat matakot sa isang masamang tao—at sa kaunting karunungan at estratehiya, kung kaya niyang makipagtulungan sa iba, natural na maglulubag ang loob ng masamang tao. Kung tunay kang walang pananampalataya sa Diyos, kundi natatakot ka sa masasamang tao at naniniwala kang kaya ka nilang kontrolin at diktahan ang kapalaran mo, tapos ka na. Hindi ka magkakaroon ng patotoo, walang maihahandog, at mabubuhay kang takot at kawawa. Ano ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon? May ibang taong palaging namumuhay sa walang kabuluhan nilang katusuhan, at iniisip, “Hindi ko alam kung nasaan ang Diyos, at hindi ko sigurado kung alam ba ng Itaas ang usaping ito. Kung magsusumbong ako at malalaman ito ng masamang tao, hindi ba niya ako lalong pahihirapan dahil dito?” Habang lalo nila itong iniisip, lalo silang natatakot, at gusto nilang yumuko at magtago sa ilalim ng mesa. Maisasagawa pa rin ba ng isang taong gumagawa ng ganyan ang katotohanan at mapapanghawakan ang mga prinsipyo? (Hindi.) Sila ay mga duwag na maliliit na tao, hindi ba? Ganyan ang karamihan sa inyo. Dati, may isang anticristo na nagpahirap sa mga tao. Napakaduwag ng mga taong iyon na pinahihirapan nila ang kanilang sarili. Mabuting bagay ba ang mapahirapan, o masamang bagay? Masamang bagay ito, sa pananaw ng tao: Ibig sabihin nito ay ginawan sila ng mali, dinulutan ng sakit. Pero ang isang tao ay may matututunang aral dito at makikinabang dito, at iyan ay hindi masamang bagay—mabuti iyan. Gayunpaman, may ilang taong walang karunungan at duwag. Kapag may taong nagpapahirap at nang-aapi sa kanila, hindi sila lumalaban, kahit na nasa tama sila. Alam nilang huwad na lider ang taong iyon, isang anticristo, pero hindi nila sinusumbong ang taong ito, ni hindi sila nangangahas na pasinungalingan at ilantad siya. Duwag na basura! Kung mapipigilan ang isang tao pagdating sa mga ganitong bagay, ipinapakita nito na napakaliit ng tayog niya at kaawa-awa ang pananampalataya: Hindi niya alam umasa sa Diyos, ni hindi niya iniisip kung paano pananatilihin ang gawain ng iglesia. Hindi niya nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. May karapatan ang mga hinirang na mga tao ng Diyos na tumindig laban sa masasamang tao at mga anticristo. Ang paggawa nito ay sinasang-ayunan at pinagpapala ng Diyos. Hindi ba’t kaawa-awa na hindi ka nakikidigma laban kay Satanas at hindi mo napapagtagumpayan ito? Malinaw na gumagawa ng masama ang taong iyan, isang negatibong puwersa; siya ay si Satanas, isang demonyo, siya ay isang marumi, masamang espiritu—pero pinapahirapan ka niya. At hindi lang ikaw—napakarami pang iba ang pinapahirapan din. Hindi ba’t karuwagan iyan? Bakit hindi kayo magkaisa para labanan siya? Wala kayong talino at karunungan. Humanap kayo ng ilang taong marunong kumilatis na nakakaunawa sa katotohanan para suriin ang pag-uugali ng taong iyon. Gawin ninyo ito, at makikita ng karamihan sa hinirang na mga tao ng Diyos kung ano talaga ang mga bagay-bagay at babangon sila. Hindi ba’t magiging madaling lutasin ang problema kung gayon? Kapag sunod kayong nakatagpo ng ganitong bagay, magagawa ba ninyong bumangon at makipaglaban sa mga anticristo? (Oo.) Gusto kong makita kung gaano karaming anticristo ang magagawa ninyong labanan at tapusin. Iyan ang patotoo ng mga mananagumpay. Sinasabi ninyong magagawa ninyo ngayon, pero magagawa ba ninyong panghawakan ang mga prinsipyo kapag talagang nangyari ito? Baka sobrang matakot kayo uli na magtatago kayo sa ilalim ng mesa. Ang kaawa-awa, kalungkot-lungkot na larawan na inukit nila, ang mga taong iyon na hindi nauunawan ang katotohanan kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay—masakit makita ang bagay na ito! Labis itong nakakaawa! Hindi sila nangangahas magsabi ng anuman kapag pinapahirapan sila, at nananatili ang takot sa kanila pagkatapos. Takot na takot sila. Napakaliit ng tayog ng isang tao, na hindi niya nakikilala ang isang masamang tao kapag nakakita siya ng isa. Wala talaga siyang nauunawaang katotohanan. Hindi ba’t nakakaawa siya? Nabubuhay ang masasamang tao sa kamao; nabubuhay sila sa pang-aapi sa mga tao, sa pang-aapi sa mabubuti, at sa pakikinabang sa ikapipinsala ng iba; nabubuhay sila sa kanilang mga malisyosong kalikasan at malupit na disposisyon, na ginagawang matakot sa kanila ang iba, makuha ang pabor nila, at magbigay-galang ang mga ito sa kanila. Iniisip nila na isang dakilang bagay ang mabuhay nang ganoon. Hindi ba’t sila ang mga punong tulisan? Hindi ba’t mga magnanakaw sila’t mga bandido? Hindi kayo masasamang tao, pero may ganito ba kayong kalagayan? Hindi ba’t nabubuhay din kayo sa mga ganitong bagay? Kapag ang ilan sa inyo ay ipinares sa isang tao at nakita ninyong bata siya, iniisip ninyo, “Wala kang nauunawaang anuman. Puwede kitang apihin, at wala kang magagawa rito. Mas malakas ako kaysa sa iyo at may kalamangan; mas malaki ako sa iyo, at mas malakas akong sumuntok—kaya, puwede kitang apihin.” Pamumuhay iyan sa ano? Pamumuhay iyan sa kamao; pamumuhay at pagkilos iyan sa malupit na disposisyon. Tuwing nakakakita sila ng isang inosenteng tao, inaapi nila ito, at tuwing nakakakita sila ng matibay na tao, nagtatago sila. Binibiktima nila ang mahihina at kinatatakutan ang malalakas. Takot ang mga masasamang tao na mag-isa kapag nakikita nilang nilalayuan sila ng mga tao, kaya pumipili sila ng ilang mahihina, mga duwag na tao para makisalamuha at makipagkaibigan. Kaya pinalalawak nila ang kapangyarihan nila, pagkatapos ay ginagamit nila ang mga inosente, duwag na taong iyon sa pagpapahirap sa mabubuting tao, inaatake ang mga taong naghahangad ng katotohanan, at pinapahirapan ang lahat ng taong hindi kuntento o hindi nagpapasakop sa kanila. Malinaw dito na ang masamang tao ay may intensyon at layunin sa pakikipagkaibigan sa ilang inosenteng tao. Sa pagbubuod, kung hindi mo matanggap ang katotohanan o mapagnilayan kung gumagawa ka ng masama o gumagawa ka ng mabuti sa mga pag-uugali at pagkilos mo, mabuting tao ka man o masama, at gaano karaming taon ka mang nananalig sa Diyos, hindi mo kayang magsisi nang totoo. Marahil hindi ka isang taong may malupit na disposisyon—nabubuhay ka lang sa mga satanikong pilosopiya. Maaaring hindi ka nakagawa ng kasamaan, o marahil may kaunti kang mabuting bagay na nagawa, pero, hindi ka pa rin nabubuhay sa katotohanan. Nabubuhay ka sa mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan. Sa pagbubuod, hangga’t mayroon kang tiwaling satanikong disposisyon, gaano karaming taon ka mang nananalig sa Diyos, maaaring nabubuhay ka sa mga bagay na walang anumang kinalaman sa katotohanan. Maaaring nahahawakan ang mga bagay na ito, o maaaring hindi nahahawakan ang mga ito; maaaring may kamalayan ka sa mga ito, o maaaring wala ka talagang kamalayan sa mga ito; maaaring galing sa labas ang mga ito, o maaaring ang mga ito ay may malalalim, matitibay na ugat sa iyong disposisyon—ano’t ano man, wala sa mga bagay na ito ang katotohanan. Ang lahat ng ito ay lumilitaw sa mismong tiwaling sangkatauhan—o, sa mas eksakto, ang pinagmulan ng mga ito ay si Satanas. Kaya, kapag nabubuhay ang mga tao sa mga satanikong bagay na ito, ano’ng uri ng landas sila eksaktong naroon? Sumusunod ba sila sa daan ng Diyos? Tiyak na hindi. Kung hindi isinasagawa ng isang tao ang katotohanan sa kanyang mga kilos at pag-uugali, sa istriktong pananalita, hindi niya ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Maaaring gumaganap siya ng tungkulin sa panlabas pero may ilang distansya sa pagitan niyan at ng pamantayan sa pagganap ng tungkulin, ang pangunahin ay nahahaluan ito ng mga intensyon niya at may pagkakasunduan. Maaaring gumaganap siya sa tungkulin, pero hindi siya tapat o may prinsipyo, at ang paggawa niya nito ay tiyak na hindi nagbubunga ng mga praktikal na resulta. Pinapatunayan nito na sa pagganap niya ng tungkulin, gumagawa talaga siya ng maraming bagay na walang kinalaman sa katotohanan. Wala sa mga bagay na iyon ang nauugnay sa mga katotohanang prinsipyo; ang mga bagay na ito ay ginawang lahat ayon sa sariling imahinasyon at kagustuhan ng taong iyon. Paano makakamit ng pagganap sa tungkulin sa ganoong paraan ang pagsang-ayon ng Diyos?
Nagbabahaginan tayo tungkol sa mga kalagayang ito sa lahat ng aspekto ng mga ito. Masusukat na ba ninyo ngayon kung ano ang ipinapamuhay ninyo? Madalas ba ninyong ipinamumuhay ang katotohanan, sa pagtupad man ng inyong tungkulin o sa inyong pang-araw-araw na buhay? (Hindi.) Tuwing nagbabahaginan tayo, palagi Ko kayong inilalantad hanggang sa kaibuturan ninyo, at nararamdaman ninyo na kahiya-hiyang buhay ang ipinapamuhay ninyo. Nawala na ang inyong kumpiyansa; hindi na kayo ganoon kaglamoroso. At maraming bagay ang ikinakahiya ninyong ipahayag—hindi ninyo nararamdamang lubos na makatwiran na pagpalain pa kayo o makarating sa mabuting destinasyon sa hinaharap. Ano ang dapat gawin tungkol diyan? Mabuting bagay ba na ilantad kayo kung ano kayo dati pa? (Oo.) Kung gayon, ano ang layunin ng paglalantad sa inyo hanggang sa kaibuturan ninyo? Dapat magkaroon ng malinaw na kaalaman ang mga tao sa mga uri ng mga kalagayan na ipinapamuhay nila, sa kung aling kalagayan ang ipinapamuhay nila; dapat silang magkaroon ng malinaw na kaalaman kung ano ang landas na tinatahak nila, kung ano ang paraan nila ng pamumuhay, kung ano ang mga hindi normal na pag-uugali nila, kung ano ang mga hindi nararapat na bagay na ginagawa nila, kung makakamit ba nila ang katotohanan at kung makakalapit ba sila sa Diyos, sa pamumuhay nila nang ganito. Ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay. Maaari mong sabihin, “Malinis ang konsensiya ko sa kung paano ako namumuhay. Hindi ko kailanman naramdamang hindi ako panatag o hindi ako masaya tungkol dito, at hindi ko kailanman naramdamang wala akong kabuluhan.” Pero ano ang magiging bunga niyan? Ang hindi pagkalugod ng Diyos. Hindi mo sinusundan ang daan Niya. Ang landas kung saan ka naroon ay hindi ang totoong landas ng buhay ng tao, na itinuturo ng Diyos para sa iyo—sa halip, nasa landas ka na natagpuan mo sa iyong mga imahinasyon, dahil sa iyong pangangarap. Kahit na masaya kang kumikilos at labis na abala, ano ang kalalabasan mo, sa huli? Ang mga intensyon at pagnanais mo at ang landas na nilalakaran mo ang nakakapinsala sa iyo at nagdadala sa iyo sa pagkawasak—ang pananalig mo sa Diyos ay tiyak na mabibigo. Ano ang ibig sabihin ng pagkabigo ng pananalig ng isang tao sa Diyos? (Na wala siyang kalalabasan.) Para makita ito ngayon, ito ay magiging bunga ng hindi mo pagkamit ng katotohanan. Ilang taon kang mananalig sa Diyos, pero nang walang pagtuon sa pagkakamit ng katotohanan, kaya darating ang araw kung kailan, sa isang dahilan o iba pa, ikaw ay mabubunyag at matitiwalag. At pagkatapos, magiging sobrang huli na para sa pagsisisi. Sinasabi mo, “Ito ay makatwirang paraan para mamuhay ako! Kampante akong namumuhay nang ganito, at lubos akong kontento at mayaman ang puso.” Makakatulong ba iyan? Kung tama ba kung paano mo tinatahak ang landas ng pananalig sa Diyos, kung paano ka nabubuhay, at kung ano ang mga bagay na ipinapamuhay mo ay depende sa mga resulta. Ibig sabihin, depende ito sa kung sa wakas ay makakamit mo ba ang katotohanan, at kung may tunay ka bang patotoo, at kung nagbago ba ang buhay disposisyon mo, at kung nabuhay ka ba nang may halaga. Kung nakamit mo ang lahat ng resultang ito, makakamtan mo ang pagsang-ayon ng Diyos at ang papuri ng mga hinirang na mga tao ng Diyos, na nagpapatunay na nasa tama kang landas. Kung hindi mo nakamit ang mga positibong resultang ito, at wala ka ring anumang tunay na patotoong batay sa karanasan o anumang tunay na pagbabago sa iyong buhay disposisyon, pinapatunayan niyan na wala ka sa tamang landas. Madali ba itong unawain, kapag ipinaliwanag nang ganyan? Sa madaling salita, paano ka man maaaring mamuhay, gaano ka man kakomportable sa buhay at kung anumang pagsang-ayon ang maaaring makamit mo mula sa iba, hindi iyan ang pinakamahalagang bahagi ng usaping ito. Sinasabi mo, “Napakaraming matatamasa sa kung paano ako mamuhay at magsagawa. Pakiramdam ko talaga ay mabuti ang aking kalagayan, pinararangalan ako, at mayroong pagpapatibay.” Hindi mo ba niloloko ang sarili mo? Sabihin nating may nagtanong sa iyo, “Naisagawa mo ba ang maging tapat na tao? Ano ang naging hamon para sa iyo sa pagsasagawang iyan? Anong mga pangyayari ang nagpahirap para sa iyo na maging tapat na tao? Magsalita ka nang kaunti tungkol diyan, kung may karanasan ka nito. May patotoo ka ba ng pagmamahal sa Diyos? May karanasan ka ba ng pagmamahal sa Diyos at pagpapasakop sa Kanya? May karanasan ka ba na nagbago ang iyong disposisyon pagkatapos mong tanggapin ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos? Ano ang mga espesyal na bagay na naranasan mo sa iyong landas ng paglago sa buhay na nagpanatiling patuloy na umiikot ang buhay mo, at patuloy na lumalago palapit sa mithiing itinakda ng Diyos para sa iyo, na hinihingi Niyang makamit mo?” Kung wala kang malilinaw na sagot sa mga bagay na ito, kung hindi mo alam, pinapatunayan nito na wala ka sa tamang landas. Iyan ay napakalinaw.
Ang mga salita ng pagbabahaginan sa itaas ay mga simpleng pahayag lamang. May ilang maliliit na punto, na hindi nangangailangan ng detalyadong pagpapaliwanag. Ang paggawa ng mga tao ng mga bagay-bagay sa pamamagitan ng kanilang pagtitiyaga, halimbawa, o sa kabutihan ng kanilang puso, o sa kagustuhan nilang magdusa, o sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at iba pa—wala sa mga ito ang pamumuhay ayon sa katotohanan. Ang mga ito ay mga halimbawang lahat ng pamumuhay ng mga tao ayon sa kanilang pangangarap, sa kanilang mga tiwaling disposisyon, sa kanilang pantaong kabutihan, at sa mga pilosopiya ni Satanas. Ang lahat ng bagay na ito ay nanggagaling sa utak ng tao, at kung palalawakin pa, galing kay Satanas. Ang pamumuhay ayon sa mga bagay na ito ay hindi posibleng makalugod sa Diyos. Hindi Niya gusto ang mga ito, gaano man kabuti ang mga ito, dahil hindi iyan ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang mamuhay ayon sa mga bagay na ito ay ang mamuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas at mga tiwaling disposisyon. Iyan ay isang insulto sa Diyos. Hindi iyan tunay na patotoo. Kung sasabihin mo, “Alam kong ang mga kilos na ito ay kabaitan lang, na hindi umaayon sa mga katotohanang prinsipyo; hindi ako dapat ganyan magsagawa,” sa totoong pag-unawa niyan sa puso, isang pakiramdam na maling kumilos gaya niyan, magkakaroon ka ng kaalaman. Mababago ang iyong perspektiba. Iyan ang resultang gusto ng Diyos. Dapat mong malaman kung saan naroroon ang iyong mga pagkabaluktot. Baguhin mo ang iyong perspektiba at bitiwan mo ang iyong mga kuru-kuro, at unawain mo ang katotohanan at mga layunin ng Diyos. Kapag nagawa mo na ito, unti-unti kang magsagawa sa direksyong iyan, at pumunta ka sa tamang landas. Iyan ang nag-iisa mong pag-asa na makamit ang layuning ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Kung hindi ka magsasagawa at papasok sa landas na hinihingi ng Diyos, pero sasabihin mo, “Ito ang ginagawa ko. Hindi naman sa wala akong ginagawa: Ginagampanan ko ang tungkulin ko. Tiyak akong isa akong nilikha, at kinikilala ko ang Lumikha sa akin,” makakatulong ba iyan? Hindi, hindi ito makakatulong. Lumalaban ka sa Diyos, mapagmatigas ka! Ngayon na ang panahon para pumili ng landas sa buhay. Ang mahalaga ay ang dapat mong gawin para masundan ang landas na hinihingi ng Diyos na tahakin mo. Una, huwag kang kumilos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; pangalawa, huwag kang kumilos batay sa mithiin ng tao; pangatlo, huwag kang kumilos batay sa mga kagustuhan ng tao; at pang-apat, huwag kang kumilos batay sa pagiging emosyonal ng tao. Mas importante, huwag kang kumilos batay sa tiwaling disposisyon. Dapat wala kang sayanging panahon sa pagwawaksi sa mga bagay na ito. Anumang kapital ang mayroon ka, sa Diyos, ang lahat ng ito ay walang kwentang bagay, mumurahing kalakal, na malayo sa katotohanan. Dapat mong itapon ang mga bagay na iyon, isa-isa, at bitawan ang lahat ng ito, at lalo mo pang mauunawaan na ang mga bagay lang na nakakamit sa pamamagitan ng pagsandig sa pagsasagawa ng katotohanan ang may halaga at umaayon sa mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa tao. Ang lahat ng nanggagaling sa tao ay walang halaga—walang kwenta sa huli, gaano man karami nito ang natutunan mo. Ang lahat ng ito ay mumurahing kalakal, basura; ang katotohanan lang na ipinagkakaloob ng Diyos sa tao ang kayamanan at ang buhay. Ito ang may walang-hanggang halaga. Palagi mong pinapanghawakan ang mga sarili mong bagay-bagay, iniisip na, “Taon ang ginugol ko sa mahirap na pag-aaral para makamit ang mga kasanayan ko. Labis na nagsikap ang mga magulang ko para sa kapakanan ko, at gumastos ng napakalaking pera, at nagbayad ng ganoong halaga, sa dugo, pawis, at luha—paano ko mahihimay at makokondena iyan, nang ganoon lang? Malaking bagay ito, isang usapin ng buhay at kamatayan! Ano ang ipapamuhay ko kung wala ang mga bagay na iyon?” Hangal ka. Mamuhay ka ayon sa mga bagay na iyon, at ikaw ay papuntang impiyerno. Dapat kang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos. Baguhin mo ang paraan mo ng pamumuhay; papasukin mo ang mga salita ng Diyos, at linisin mo ang mga lumang bagay na mayroon ka. Dapat mong himayin at alamin ang mga ito, buksan at ipakita ang mga ito para makita ng lahat, para magkaroon ng pagkilatis ang grupo. Hindi mo namamalayan, kamumuhian mo na ang mga bagay na iyon, kamumuhian mo ang mga bagay na minsan mong minahal, kamumuhian mo ang mga bagay na minsan mong sinandigan para mabuhay, kamumuhian mo ang mga bagay na minsan mong pinaniwalaang buhay mo at ang mga bagay na pinahahalagahan mo nang lubos. Iyan ang daan para ihiwalay at ganap na tanggalin ang mga bagay na iyon sa sarili mo, ang daan sa tunay na pag-unawa ng katotohanan, at ang landas sa pagsasagawa ng katotohanan. Siyempre, ito ay isang komplikado at mahirap na proseso, at masakit din ito. Pero ito ay prosesong dapat pagdaanan ng tao. Hindi pwedeng hindi. Ang pagdanas sa gawain ng Diyos ay parang pagpapagamot para sa isang sakit: Kung ikaw ay may tumor, ang nag-iisang paraan para gamutin ito ay sa mesang pang-opera. Kung hindi ka hihiga sa mesang iyan at hindi ka magpapahiwa sa kutsilyong hihimay at magtatanggal ng tumor, hindi magagamot ang sakit mo, at hindi ka gagaling.
Ang tingin ng maraming tao ay mga hangal ang mga tapat na tao, at iniisip nila, “Sinusunod nila ang anumang sinasabi ng Diyos. Sinasabi Niya na maging tapat na tao, at ginagawa talaga nila ito; nagsasabi sila ng katotohanan, nang walang isang salitang hindi totoo. Mga hangal sila, hindi ba? Maaari kang maging tapat na tao, pero hanggang sa punto lang na hindi ka magkakaroon ng anumang mga pagkalugi o pinsala. Hindi pwedeng sabihin mo lang ang lahat ng bagay! Ang ilantad ang mga intensyon mo—kahangalan iyan, hindi ba?” Iniisip nila na kahangalan ang pagiging tapat na tao. Ganoon nga ba? Ang ganitong tao ang pinakamatalino sa lahat, dahil naniniwala siya na, “Ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang pagiging tapat na tao ay ang katotohanan, kaya para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat maging tapat ang mga tao. Kaya, anuman ang sinasabi ng Diyos, ginagawa ko; kung gaano kalayo Niya ako gustong pumunta, ganoon kalayo ako pupunta. Hinihingi ng Diyos na magpasakop ako, kaya magpapasakop ako, at patuloy akong magpapasakop magpakailanman. Wala akong pakialam kung sasabihin ng isang tao na hangal ako—sapat na sa akin ang pagsang-ayon ng Diyos.” Hindi ba’t ang ganitong tao ang pinakamatalino sa lahat? Nakita niya nang tumpak kung ano ang mahalaga at kung ano ang hindi. May ilang taong may mga lihim na binabalak, na nag-iisip na, “Kahangalan ang pagpapasakop sa lahat ng bagay, hindi ba? Ang paggawa niyan ay pagkawala ng awtonomiya, hindi ba? May dignidad ba ang isang tao kung maging ang sarili niya ay wala sa kanya? Siguro naman, may pahintulot tayong panatilihin ang kaunting dignidad para sa mga sarili natin, hindi ba? Hindi pwedeng magpasakop tayo nang buong-buo, hindi ba?” At kaya, isinasagawa nila ang pagpapasakop sa paraang nabawasan nang husto. Maaabot ba niyan ang mga pamantayan ng pagsasagawa ng katotohanan? Hindi—napakalayo nito roon! Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan ayon sa mga prinsipyo, sa halip ay palagi mong pinipili ang mga paraan para magkompromiso na hindi bumabaling sa katotohanan ni kay Satanas, sa halip ay nananatili sa gitnang landas, isinasagawa mo ba ang katotohanan? Ito ang pilosopiya ni Satanas, ang bagay na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Kinamumuhian ng Diyos ang ganitong saloobin ng tao sa katotohanan; kinamumuhian Niya na ang mga tao ay palaging nagdududa tungkol sa katotohanan at sa mga salita Niya, na palagi silang hindi nagtitiwala sa mga salita Niya, o na palagi silang may taglay na mapanghusga, mapanghamak, at walang galang na saloobin. Sa sandaling magkaroon ng ganitong saloobin sa Diyos ang tao, pinagdududahan Siya, nagiging walang tiwala, nagtatanong, nagiging analitiko, at mali Siyang nauunawaan, palagi Siyang pinag-aaralan at sinusubukang timbangin sa isipan mo, magkukubli ang Diyos mula sa iyo. At makakamit mo pa rin ba ang katotohanan, sa sandaling magkubli ang Diyos mula sa iyo? “Kaya ko!” sinasabi mo. “Nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos araw-araw, lagi akong nasa mga pagtitipon, at nakikinig ako sa mga sermon linggo-linggo, at maingat na pinag-iisipan ang mga ito at gumagawa ng mga tala araw-araw pagkatapos. Umaawit din ako ng mga himno at nananalangin. Palagay ko ay kumikilos sa akin ang Banal na Espiritu.” Uubra ba iyon? Ayos lang ang mga paraang iyan ng pananalig sa Diyos, pero hindi ang mga ito ang kritikal; ang kritikal ay na ikaw ang tamang uri ng tao, at na tama ang iyong puso—saka lamang hindi ikukubli ng Diyos ang Kanyang mukha sa iyo. Kung hindi ikinukubli ng Diyos ang Kanyang mukha sa iyo, kundi nililiwanagan at ginagabayan ka Niya sa lahat ng oras, at ipinapaunawa Niya sa iyo ang Kanyang mga layunin at ang katotohanan sa lahat ng bagay, na sa ganitong paraan ay makakamit mo sa wakas ang katotohanan, lubos kang pagpapalain. Pero kung hindi tama ang puso mo, at ikaw ay palaging nagdududa sa Diyos, nagiging depensibo laban sa Kanya, sumusubok sa Kanya, at mali ang pagkakaunawa mo sa Kanya dahil sa iyong makikitid na katusuhan at opinyon, o sa natutunan mo at mga satanikong pilosopiya, nasa panganib ka. Ang ilang tao ay lumalagpas na sa pagiging depensibo, sa panunubok, pagdududa, at maling pag-unawa sa Diyos, at nauuwi na sa paglaban sa Kanya at pakikipagtunggalian sa Kanya. Sila ay naging mga Satanas na; nasa mas malalang problema sila. Hindi mo mauunawaan ang katotohanan sa pamamagitan lang ng pag-unawa sa literal na kahulugan ng mga salita at simpleng doktrina nito. Ang pag-unawa sa katotohanan ay hindi simpleng usapin. Karamihan ng tao ay naliligaw sa maling palagay na ito, at hindi sila natatauhan kahit paulit-ulit na itong binigyang-diin sa kanila. Iniisip nila, “Araw-araw, nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos at nakikinig ako sa mga sermon at pagbabahaginan, at ginagampanan ko ang tungkulin ko taun-taon. Ako ay tulad ng isang buto sa bukid—kahit na hindi mo ito diligan o lagyan ng pataba, dahan-dahan itong kusang tutubo dahil sa ulan, at mamumunga ito sa taglagas.” Hindi ito nangyayari nang ganyan. Ang bahagi ng tao na nakikipagtulungan, ang paraan nila ng pakikipagtulungan, ang puso nila, at ang saloobin nila sa katotohanan at sa Diyos ang kritikal. Ang mga ito ang napakahalaga. Hindi ba’t ang mga bagay na ito ay tumutukoy din sa kung ano ang ipinamumuhay ng tao? (Oo.) Kung palagi kang namumuhay ayon sa mga kagustuhan ng tao at mga satanikong pilosopiya, kung palagi mong binabantayan ang sarili mo laban sa Diyos, at hindi mo pinanghahawakan ang mga salita Niya bilang ang katotohanan, hindi na mag-aabala ang Diyos sa iyo. At ano ang magagawa mong makamit, kapag hindi na nag-aabala ang Diyos sa iyo? Kung hindi ka pinapansin ng Lumikha, ikaw ay hindi na isang nilikha Niya. Kung itinuturing ka Niya bilang diyablo, bilang Satanas, magagawa mo pa rin bang lumapit sa Diyos? Magiging pakay ka pa rin ba ng Kanyang pagliligtas? Magkakaroon ka pa rin ba ng pag-asang maligtas? Imposible na iyan. Samakatuwid, hindi mahalaga kung ano ang iyong buhay sa bahay, o kung anong uri ng kakayahan ang taglay mo, o kung gaano kadakila ang mga kaloob mo, hindi rin mahalaga kung ano ang gawaing ginagawa mo sa iglesia, kung anong tungkulin ang ginagampanan mo, o kung ano ang papel mo. Hindi mahalaga kung anong uri ng mga pagsalangsang ang nagawa mo sa nakaraan, o kung anong uri ng kalagayan ang mayroon ka sa kasalukuyan, o ang antas ng inilago mo sa buhay, o kung gaano kataas ang tayog mo. Wala sa mga ito ang pinakamahalaga. Ang pinakamahalaga ay kung paano ang relasyon mo sa Diyos, kung palagi ka bang nagdududa at mali ang pagkakaunawa sa Kanya o palagi ka bang gumagawa ng mga pag-aaral sa Kanya, kung tama ba ang puso mo. Kritikal ang mga bagay na ito. Paano malalaman ng mga tao ang mga kritikal na bagay na ito? Para magawa iyan, dapat palagi nilang sinusuri ang sarili nila, hindi nagpapakaabala nang may kalituhan gaya ng mga walang pananampalataya, nanoood ng mga sekular na video, naglalaro, at nakikipaglokohan kapag walang magawa. Paano gagampanan ng isang tao ang isang tungkulin kung hindi makalapit ang puso niya sa Diyos? Kung hindi ka magsusumikap na lumapit sa Diyos, hindi ka Niya pipilitin, dahil hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao na gumawa ng mga bagay-bagay. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para maunawaan at matanggap ito ng mga tao. Kung hindi babalik ang mga tao sa harap ng Diyos, paano nila tatanggapin ang katotohanan? Kung palaging pasibo ang mga tao, kung hindi nila hinahanap ang Diyos o hindi nila Siya kailangan sa puso nila, paano kikilos ang Banal na Espiritu sa kanila? Kaya, dahil nananalig ka sa Diyos, hindi ba’t kritikal na maging maagap ka sa paghahanap sa Kanya at pakikipagtulungan sa Kanya? Trabaho mo iyan! Kung ang pananalig sa Diyos ay dagdag na trabaho lang sa iyo, isang ekstrakurikular na libangan, nasa panganib ka! May mga taong nananatiling mananampalataya ngayon at nakinig na ng napakaraming sermon, pero iniisip pa rin nila na ang pananalig sa Diyos ay pananalig sa relihiyon, na ito ay isang libangan sa libreng oras nila. Napakawalang-halaga ng pagturing nila sa pananalig sa Diyos! Kahit ngayon, sa yugtong ito, pinanghahawakan pa rin nila ang pananaw na ito. Sa kanilang pananalig sa Diyos, hindi lang sila nabigong bumuo ng normal na relasyon sa Kanya—wala silang anumang relasyon sa Kanya. Kung hindi ka kinikilala ng Diyos bilang tagasunod Niya, may pag-asa ka pa rin bang maligtas? Wala, wala kang pag-asa. Iyan ang dahilan kung bakit mahalagang bumuo ng normal na relasyon sa Diyos! Sa anong pundasyon, kung gayon, itinatayo ang normal na relasyong iyan? Sa pakikipagtulungan ng mga tao. Kaya, anong uri ng paninindigan o pananaw ang dapat taglayin ng mga tao? Ano ang dapat nilang maging kalagayan? Anong uri ng kalooban ang dapat mayroon sila? Paano mo dapat tratuhin ang katotohanan sa puso? Nang may pagdududa? Nang may pag-aaral? Nang may kawalan ng pagtitiwala? Nang may pagtanggi? Tama ba ang puso mo kung taglay mo ang mga bagay na ito? (Hindi.) Kung nais mong maging tama ang puso, anong uri ng saloobin ang dapat mong taglayin? Dapat mayroon kang pusong nagpapasakop. Anuman ang sabihin ng Diyos, anuman ang hingin Niya, dapat may determinasyon kang magpasakop dito, nang walang mga pagdududa at pangangatwiran. Iyan ang tamang saloobin. Dapat kang manalig, tumanggap, at magpasakop nang walang anumang mga konsesyon. Madali bang isakatuparan ang hindi paggawa ng mga konsesyon? Hindi—pero dapat mong subukang pasukin ito. Isipin mo kung sasabihin ng Diyos sa iyo, “May sakit ka,” at sasabihin mo, “Hindi, wala akong sakit.” Hindi iyan magiging problema; marahil hindi mo ito pinapaniwalaan. Pero pagkatapos, sasabihin ng Diyos, “Talagang may sakit ka. Uminom ka ng gamot,” at sasabihin mo, “Wala akong sakit, pero iinom na rin ako ng ilang gamot, gaya ng sabi Mo. Wala namang mawawala, anuman ang kaso, at kung may sakit nga ako, maaaring para sa ikabubuti ito. Iinom na ako.” Ininom mo ito, at nag-iba ang pisikal mong pakiramdam kaysa sa dati; patuloy mo itong ininom, sa tinakdang dosis nito, at pagkatapos ng ilang panahon, bumuti nang bumuti ang pisikal mong pakiramdam. Pagkatapos, naniwala kang totoo talaga ang sakit na sinabi ng Diyos. Ano ang resulta na ibinubunga ng ganitong uri ng pagsasagawa? Nagamot ka sa iyong karamdaman, dahil nanalig ka at nagpasakop sa mga salita ng Diyos. Bagamat noong unang pagkakataon ay hindi ka uminom ng gamot na kasingdami ng sinabi sa iyo ng Diyos, kundi sa halip ay gumawa ka ng kaunting konsesyon para sa sarili mo, at nagkaroon ka ng kaunting kawalan ng pagtitiwala, at may kaunting sama ng loob at pag-aatubili, sa huli ay nauwi ka sa pag-inom ng gamot gaya ng sinabi ng Diyos sa iyo, at naramdaman mo ang mga benepisyo nito pagkatapos. Kaya, itinuloy mo ang pag-inom nito, at sa lalo mong pag-inom, mas lumago ang pananampalataya mo, at lalo mong naramdamang tama ang mga salita ng Diyos at mali ka, at na hindi mo dapat pagdudahan ang mga salita Niya. At sa huli, nang nainom mo na ang lahat ng gamot na pinainom ng Diyos sa iyo, nanumbalik ang kalusugan mo. Sa puntong iyon, hindi ba’t lalong tunay na lalago ang pananalig mo sa Diyos? Malalaman mo na tama ang mga salita ng Diyos, na dapat kang magpasakop sa Kanya nang walang konsesyon at magsagawa ng mga salita Niya nang walang konsesyon. Ano ang punto ng halimbawang ito? Ang sakit mo rito ay kumakatawan sa tiwaling disposisyon ng tao, at ang pag-inom ng gamot ay kumakatawan sa pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ang pangunahing mensahe nito ay kung kaya ng tao na tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, maaaring malinis ang kanilang katiwalian, at makakamit nila ang kaligtasan. Ito ang makakamit sa pagdanas ng gawain ng Diyos. Takot ba kayong mabigo? Maaari mong sabihin, “Kailangan kong hangarin ang pagiging perpekto. Sinabi ng Diyos na dapat akong lubos na magpasakop, nang walang konsesyon. Kaya, kailangan kong maisakatuparan ang ganap na pagpapasakop sa mga salita Niya sa unang pagkakataong isasagawa ko ang mga ito. Kung hindi ko ito maisasakatuparan sa pagkakataong ito, hihintayin ko ang susunod na pagkakataon, at sadyang hindi ako magsasagawa ng pagpapasakop sa panahong ito.” Maganda bang maging paraan iyan? (Hindi.) Sa pananaw ng Diyos, may proseso sa pagsasagawa ng mga tao ng katotohanan. Binibigyan Niya ng mga pagkakataon ang mga tao. Kapag may tiwaling kalagayan ang isang tao, ilalantad ito ng Diyos at sasabihin Niya, “Gumawa ka ng mga konsesyon, hindi ka nagpapasakop, mapaghimagsik ka.” Kaya, ano ang layunin ng Diyos sa paglalantad nito? Ito ay para gumawa ka ng mas kaunting konsesyon, at mas lalo pang magsagawa ng pagpapasakop, at para gawing mas lalong dalisay at mas malapit sa katotohanan ang pang-unawa mo, para tunay kang makapagpasakop sa Diyos. Pinarusahan ka ba ng Diyos habang inilalantad ka Niya? Kapag pinupungusan ka Niya at pinararanas ka ng mga pagsubok, ikaw ay dinidisiplina at kinakastigo lamang Niya. Ikaw ay nalantad nang kaunti, napagalitan nang kaunti, at naparamdam ng kaunting sakit—pero kinuha ba sa iyo ng Diyos ang buhay mo? (Hindi.) Hindi Niya kinuha ang buhay mo, at hindi ka Niya ibinigay kay Satanas. Diyan, maaaring makita ang Kanyang layunin. At ano ang Kanyang layunin? Ililigtas ka Niya. Minsan, pagkatapos ng kaunting paghihirap, nagdadalawang-isip ang mga tao at nag-iisip na, “Hindi ako gusto ng Diyos. Walang pag-asa para sa akin.” Nasa panganib ka kung palagi kang may maling pagkaunawa sa Diyos gaya niyan. Ito ay pagkaantala ng iyong paglago sa buhay. Kaya, anuman ang oras, ikaw man ay mahina o malakas, mabuti man o hindi ang kalagayan mo, gaano man kalawak ang paglago mo sa buhay—hindi mo kailangang alalahanin ang mga bagay na ito ngayon. Alalahanin mo lang ang pagsasagawa ng mga salitang sinabi ng Diyos, kahit na sinusubukan mo lang isagawa ang mga ito. Ayos din iyan. Subukan mong mabuti na makipagtulungan, at gawin mo ang kaya mo; pumasok ka sa kalagayang binanggit sa mga salita ng Diyos; tingnan mo kung ano ang pakiramdam para sa iyo na isagawa ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos, at kung nakinabang ka ba rito, at kung may buhay pagpasok ka ba. Dapat kang matutong pagsikapan ang katotohanan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang proseso ng paglago sa buhay. Lagi silang umaasang itayo ang Roma sa loob ng isang araw, iniisip na, “Kung hindi ko kayang maisakatuparan ang ganap na pagpapasakop, hindi na lang ako magpapasakop. Magpapasakop lang ako kapag kaya ko na itong gawin nang lubos. Hindi ako magiging walanghiya tungkol dito. Ipinapakita nito kung gaano katinding lakas ng loob mayroon ako, kung gaano katinding karakter at dignidad!” Anong klase ng “lakas ng loob” iyan? Iyan ay paghihimagsik at pagiging mapagmatigas!
Pag-isipan ninyong mabuti ang katatapos lang natin pagbahaginan. Natapos natin ang pagbabahaginan tungkol sa apat na mas maliliit na paksa sa tanong na, “Ano ang ipinapamuhay ng mga tao sa mga taon ng kanilang pananalig sa Diyos?” Sinasandigan nila ang mga kaloob nila para mabuhay; ang kanilang kaalaman; ang kanilang lantad na mga pusong tulad ng sa mga bata; at ang mga pilosopiya ni Satanas. Nauunawaan ba ninyo kung ano ang narinig ninyo tungkol sa apat na kalagayang ito? Nakikita ba ninyo kung alin sa mga ito ang nasa loob ninyo? Kaya ba ninyong unawain ito? Nagbahaginan na ba tayo tungkol sa mga bagay na ito noon? Maaaring nauunawaan ninyo ang ilang kalagayan at may kaunti kayong alam sa mga ito, pero hindi sa paraang tumutukoy sa pagsasagawa ng katotohanan o sa paksa ng ating pagbabahaginan ngayon. Ngayon, nagbahaginan tayo tungkol sa mga kalagayang ito mula sa paksa at anggulo ng “Ano ang ipinapamuhay ng mga tao sa mga taon ng kanilang pananalig sa Diyos?” Ito ay medyo malapit sa pagsasagawa ng katotohanan at pamumuhay nang ayon dito. May isa pa Akong tanong. Tandaan ninyo ito. Ito ay: Ano ang mga bagay na pinakamamahal mo? Ano ang saloobin ng Diyos tungkol sa mga bagay na iyon na pinakamamahal mo? Paglalaanan natin ng panahon ang pagbabahaginan tungkol sa tanong na ito sa hinaharap. Ngayon, pangunahin nating inilalantad ang ilang negatibong kalagayang galing sa mga bagay na ipinapamuhay ng mga tao; hindi tayo nagbahaginan tungkol sa kung paano isagawa ang katotohanan nang may partikular na pagtukoy sa mga negatibong kalagayang iyon. Kahit hindi tayo nagbahaginan tungkol diyan, alam ba ninyo kung nasaan ang mga mali sa mga kalagayang ito? Saan nanggagaling ang mga problema? Anong mga disposisyon ang kinabibilangan ng mga ito? Paano dapat isagawa ang katotohanan? Kapag may mga lumitaw na ganitong bagay, kapag ikaw ay may mga ganitong kalagayan at mga ganitong pamamaraan, alam mo ba kung paano dapat gamitin ang katotohanan para palitan ang mga ito? Aling mga katotohanan ang dapat mong isagawa? Ang importante at pangunahing bagay na dapat mong gawin ngayon ay ang magsimula sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga kalagayang ito at paghihimay ng sarili mo. Kapag nabubuhay ka sa mga kalagayang ito, dapat kahit papaano ay alam mo sa puso mo na mali ang mga ito. Ang pagbago sa mga ito ang hakbang matapos mong malamang mali ang mga ito. Kung hindi mo alam kung tama o mali ang mga ito, o kung nasaan ang mga mali sa mga ito, paano mo ito babaguhin? Kaya, ang pinakaunang hakbang ay ang magawa mong makilatis kung tama ba o mali ang mga kalagayang ito. Pagkatapos lamang niyan saka mo malalaman kung paano dapat isagawa ang susunod na hakbang. Nagbabahaginan pa lamang tayo tungkol sa isyu ng ilan sa iba’t ibang tiwaling kalagayan ng tao ngayon, at napakarami pang maaaring sabihin. Kaya, pagdating sa mga detalye kung paano mismo kayo maaaring magsimulang mamuhay ayon sa katotohanan, bigyan ninyo ng higit na konsiderasyon ang isyung ito nang kayo lang. Dapat ay makapagbunga kayo ng mga resulta.
Setyembre 5, 2017