Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula—Kabanata 3
Ang matagumpay na Hari ay nakaupo sa Kanyang maluwalhating luklukan. Natapos na Niya ang pagtubos at naakay na ang lahat ng Kanyang tao upang magpakita sa kaluwalhatian. Hawak Niya ang sansinukob sa Kanyang mga kamay at sa Kanyang banal na karunungan at kapangyarihan ay naitayo at napatatag Niya ang Sion. Sa Kanyang pagiging maharlika hinahatulan Niya ang makasalanang sanlibutan; hinatulan na Niya ang lahat ng bansa at lahat ng bayan, ang lupa at ang mga dagat at lahat ng bagay na nabubuhay roon, gayundin sila na lasing sa alak ng kalaswaan. Tiyak na hahatulan sila ng Diyos, at tiyak na magagalit Siya sa kanila at sa ganito mahahayag ang pagiging maharlika ng Diyos, na ang paghatol ay agad-agad at ipinatutupad nang walang pagkaantala. Tiyak na susunugin ng apoy ng Kanyang poot ang kanilang karumal-dumal na mga krimen at sasapit sa kanila ang kalamidad anumang sandali; wala silang landas na matatakasan at walang lugar na mapagtataguan, sila ay tatangis at magngangalit ang kanilang mga ngipin at magdadala sila ng pagkawasak sa kanilang sarili.
Ang matagumpay na mga anak, na pinakamamahal ng Diyos ay tiyak na lalagi sa Sion, at hindi na lilisanin ito kailanman. Ang maraming bayan ay makikinig na mabuti sa Kanyang tinig, uunawain nilang mabuti ang Kanyang mga kilos, at ang mga tunog ng kanilang papuri sa Kanya ay hindi titigil kailanman. Nagpakita na ang nag-iisang tunay na Diyos! Makatitiyak tayo tungkol sa Kanya sa espiritu at susundan natin Siyang mabuti; magmamadali tayong sumulong nang buo nating lakas at hindi na mag-aalinlangan. Ang katapusan ng mundo ay nalalantad sa ating harapan; pinatitindi pa ngayon ng pagkakaroon ng wastong buhay-iglesia at maging ng mga tao, kaganapan, at bagay sa ating paligid ang ating pagsasanay. Bilisan natin ang pagbawi sa ating puso na labis na nagmamahal sa mundo! Bilisan natin ang pagbawi sa ating pananaw na lubhang nalalabuan! Pigilan natin ang mga hakbang natin, upang hindi tayo lumampas sa mga hangganan. Pigilan natin ang ating bibig upang makapamuhay tayo ayon sa salita ng Diyos, at hindi na tayo makipagtalo pa tungkol sa mga natamo at nawala sa atin. Ah, kalimutan na ninyo ito—ang sakim na pagkahilig ninyo sa sekular na mundo at sa kayamanan! Ah, palayain ninyo ang inyong sarili mula rito—sa pagkatali sa inyong asawa at mga anak na babae at lalaki! Ah, talikuran na ninyo ang mga ito—ang inyong mga pananaw at pagtatangi! Ah, gising; maikli ang panahon! Tumingala, tumingala, mula sa espiritu, at hayaang Diyos ang kumontrol. Anuman ang mangyari, huwag kayong tumulad sa asawa ni Lot. Kaawa-awa ang maitakwil! Talagang kaawa-awa! Ah, gising!