Kabanata 12
Kung pabagu-bago ang disposisyon mo, paiba-iba ng direksyon na gaya ng hangin o ulan, at kung hindi mo magawang patuloy na sumulong nang buo mong lakas, hindi malalayo sa iyo ang Aking pamalo. Kapag ikaw ay pinakikitunguhan, mas malupit ang kapaligiran at mas lalo kang inuusig, mas lalago ang pagmamahal mo sa Diyos, at titigil kang kumapit sa sanlibutan. Kung walang ibang paraan para sumulong, lalapit ka sa Akin at mababawi mo ang iyong lakas at tiwala. Gayunman, sa mas maginhawang mga kapaligiran, maguguluhan ka. Kailangan mong pumasok mula sa panig ng pagiging positibo, maging aktibo at huwag kang balintiyak. Hindi ka dapat mayanig ng kahit sino o kahit ano, sa lahat ng sitwasyon, at hindi ka dapat maimpluwensyahan ng mga pananalita ng sinuman. Kailangan mong magkaroon ng isang matatag na disposisyon; anuman ang sabihin ng mga tao, kailangan mong isagawa kaagad ang nalalaman mong katotohanan. Kailangan mong isaloob palagi ang Aking mga salita, kahit sino pa ang kaharap mo; kailangan mong magawang manindigan sa iyong patotoo sa Akin at magpakita ng konsiderasyon sa Aking mga pasanin. Hindi ka dapat pikit-matang sumasang-ayon sa iba nang wala kang sariling mga ideya; sa halip, dapat kang maglakas-loob na manindigan at tumutol sa mga bagay na hindi umaayon sa katotohanan. Kung alam na alam mo na may mali, subalit wala kang lakas ng loob na ilantad ito, hindi ka isang taong nagsasagawa ng katotohanan. May gusto kang sabihin, ngunit hindi ka naglalakas-loob na magsalita, kaya nagpapaliguy-ligoy ka at pagkatapos ay binabago ang paksa; nasa loob mo si Satanas na pinipigilan ka, na nagiging dahilan para magsalita ka nang walang anumang epekto at hindi mo magawang magtiyaga hanggang katapusan. May takot pa rin sa puso mo, at hindi ba ito ay dahil puno pa rin ng mga ideya ni Satanas ang puso mo?
Ano ang isang mananagumpay? Ang mabubuting sundalo ni Cristo ay kailangang maging matapang at manalig sa Akin upang maging malakas sa espirituwal; kailangan silang lumaban upang maging mga mandirigma at labanan si Satanas hanggang kamatayan. Kailangan mong manatiling gising palagi, kaya kita pinakikiusapan na aktibong makipagtulungan sa Akin sa bawat sandali at matuto kang mas mapalapit sa Akin. Kung, anumang oras at sa anumang sitwasyon, kaya mong manatiling tahimik sa Aking harapan, na nakikinig sa Aking pananalita at nakatuon sa Aking mga salita at kilos, hindi ka matatangay at mawawalan ng paninindigan. Anuman ang matanggap mo na niloloob Ko ay maaaring isagawa. Bawat isa sa Aking mga salita ay nakatutok sa iyong kalagayan, at tumatagos sa puso mo. Kahit maaaring itanggi ng bibig mo ang mga ito, hindi mo maitatanggi ang mga ito sa puso mo. Bukod pa riyan, kung pag-aaralan mo ang Aking mga salita, ikaw ay hahatulan. Ibig sabihin, ang Aking mga salita ang katotohanan, ang buhay, at ang daan; ang mga ito ay isang matalas na tabak na magkabila ang talim, at kaya ng mga itong magapi si Satanas. Yaong mga nakauunawa at may daan para maisagawa ang Aking mga salita ay pinagpapala, at yaong mga hindi nagsasagawa ng mga ito ay siguradong hahatulan; napakapraktikal nito. Sa panahong ito, lumawak na ang saklaw ng Aking hinahatulan. Hindi lamang yaong mga nakakakilala sa Akin ang hahatulan sa Aking harapan, kundi hahatulan din yaong mga hindi naniniwala sa Akin at ginagawa ang lahat upang labanan at hadlangan ang gawain ng Banal na Espiritu. Makikita ng lahat ng nasa Aking harapan na sumusunod sa Aking mga yapak na ang Diyos ay isang naglalagablab na apoy! Ang Diyos ay kamahalan! Isinasakatuparan Niya ang Kanyang mga paghatol, at sinesentensiyahan sila ng kamatayan. Yaong mga nasa iglesia na hindi nakikinig sa pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu, na gumagambala sa gawaing iyon, na nagyayabang, na mali ang mga hangarin at mithiin, na hindi nagsisikap na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, na nalilito at naghihinala, na sinusuring mabuti ang gawain ng Banal na Espiritu—ang mga salita ng paghatol ay darating sa mga taong ito anumang oras. Lahat ng kilos ng mga tao ay mabubunyag. Sinisiyasat ng Banal na Espiritu ang kaibuturan ng puso ng mga tao, kaya’t huwag kang hindi nag-iisip; mag-ingat at maging listo. Huwag kang kumilos mag-isa nang pikit-mata. Kung hindi naayon ang iyong mga kilos sa Aking mga salita, ikaw ay hahatulan. Hindi ka maaaring manggaya, magkunwari, o hindi tunay na makaunawa; kailangan mong lumapit sa Aking harapan at kausapin Ako nang madalas.
Anuman ang kunin mo mula sa Aking kalooban ay magbibigay sa iyo ng isang daan para magsagawa. Sasamahan ka rin ng Aking mga kapangyarihan, mapapasaiyo ang Aking presensya, at lalakad palagi ayon sa Aking mga salita; malalagpasan mo ang lahat ng makamundong bagay at magtataglay ka ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli. Kung wala ang Aking mga salita at Aking presensya sa iyong mga salita, ugali, at kilos, at inilalayo mo ang iyong sarili sa Akin at namumuhay ka sa iyong sarili, nabubuhay sa mga kuru-kuro ng isipan at sa mga doktrina at panuntunan, patunay iyan na naitakda mo na ang iyong isipan sa mga kasalanan. Sa madaling salita, patuloy kang nakahawak sa dati mong pagkatao, at hindi mo hinahayaan ang iba na saktan ka o sirain ang iyong kaluluwa kahit kaunti. Ang mga taong gumagawa nito ay napakahina ng kakayahan at medyo kakatwa, at hindi nila nakikita ang biyaya ng Diyos o napapansin ang Kanyang mga pagpapala. Kung patuloy kang iiwas nang husto, kailan mo Ako mahahayaang gawaan ang iyong kalooban? Pagkatapos Kong magsalita, nakinig ka nga ngunit wala kang natandaan, at nagiging napakahina mo tuwing natutukoy talaga ang mga problema mo. Anong uri ba ng tayog iyan? Kailan kita magagawang ganap kung lagi kang kailangang amuin? Kung natatakot kang mabunggo at magalusan, dapat kang magmadaling lumabas at magbabala sa iba na, “Hindi ko hahayaang pakitunguhan ako ng sinuman; kaya kong alising mag-isa ang likas at dati kong disposisyon.” Sa gayon, walang sinumang pupuna sa iyo o hihipo sa iyo, at magiging malaya kang maniwala sa anumang paraang nais mo nang walang sinumang nakikialam sa iyo. Kaya mo bang sundan ang Aking mga yapak nang ganito? Ang pagsasabing natitiyak mo na Ako ang iyong Diyos at iyong Panginoon ay hungkag na mga salita lamang. Kung talagang wala kang alinlangan, hindi magiging problema ang mga bagay na ito, at maniniwala ka na ang pagmamahal at mga pagpapala ng Diyos ang sumaiyo. Kapag nagsasalita Ako, ito ay sa Aking mga anak, at dapat tugunan ng pasasalamat at papuri ang Aking mga salita.