Kabanata 13

Sa inyong kasalukuyang kalagayan, masyado kayong nakakapit sa mga kuru-kuro ng sarili, at talagang malubha ang mga paggambala ng mga relihiyon sa inyong kalooban. Hindi ninyo kayang kumilos sa espiritu, hindi ninyo maunawaan ang gawain ng Banal na Espiritu, at tinatanggihan ninyo ang bagong liwanag. Hindi mo nakikita ang araw sa maghapon dahil bulag ka, hindi mo nauunawaan ang mga tao, hindi mo kayang iwanan ang mga “magulang” mo, kulang ka sa espirituwal na pagtalos, hindi mo makilala ang gawain ng Banal na Espiritu, at wala kang ideya kung paano kumain at uminom ng Aking salita. Problema na hindi mo alam kung paano kumain at uminom nito sa iyong sarili. Sumusulong ang gawain ng Banal na Espiritu sa kagila-gilalas na bilis bawat araw. May bagong liwanag araw-araw, at may bago at sariwang mga bagay araw-araw. Gayunman, hindi mo naiintindihan. Sa halip, gusto mong gumawa ng pananaliksik, tinitingnan mo ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pananaw ng iyong sariling mga kagustuhan nang hindi maingat na isinasaalang-alang ang mga iyon, at nakikinig ka nang tuliro. Hindi ka masigasig na nananalangin sa espiritu, ni hindi ka rin bumabaling sa Akin o higit na nagbubulay-bulay sa Aking mga salita. Kaya ang tanging mayroon ka ay mga salita, mga tuntunin, at mga doktrina. Dapat kang magkaroon ng malinaw na ideya kung paano kumain at uminom ng Aking salita, at kailangang dalhin mo ang Aking salita sa harapan Ko nang mas madalas.

Hindi makabitaw sa kanilang mga sarili ang mga tao sa ngayon; lagi nilang iniisip na sila ay tama. Nakalubog sila sa kanilang sariling maliit na mundo, at hindi sila ang mga tamang uri ng tao. Mali ang kanilang mga layunin at hangarin, at kung magpapatuloy sila sa mga bagay na ito, tiyak na hahatulan sila, at sa malulubhang kaso, maaalis sila. Dapat kang higit na magsikap na magkaroon ng tuluy-tuloy na pakikisalamuha sa Akin, at hindi basta makisalamuha sa kanino pa mang gusto mo. Dapat kang magkaroon ng pagkaunawa sa mga taong iyong binabahaginan, at kailangan kayong magbahagian tungkol sa mga espirituwal na usapin sa buhay; sa ganitong paraan mo lamang matutustusan ng buhay ang iba at mapupunan ang kanilang mga kakulangan. Hindi ka dapat gumamit ng tonong nagsesermon sa kanila; iyon ay hindi talaga dapat gawin ng isang tao. Sa pakikisalamuha, dapat kang magkaroon ng pagkaunawa sa mga espirituwal na bagay, dapat kang magtaglay ng karunungan, at dapat maunawaan mo kung ano ang nasa mga puso ng mga tao. Dapat kang maging isang taong nasa tama kung maglilingkod ka sa iba, at dapat kang makisalamuha gamit ang lahat ng mayroon ka.

Ang napakahalagang bagay ngayon ay ang magawa mong makisalamuha sa Akin, na malapit na makipag-ugnayan sa Akin, na ikaw mismo ay kumain at uminom, at maging malapit sa Diyos. Dapat mong maunawaan sa lalong madaling panahon ang mga espirituwal na usapin, at makayang maunawaang mabuti ang iyong kapaligiran at kung ano ang isinaayos sa paligid mo. Kaya mo bang maunawaan kung ano Ako? Lubhang mahalaga na kumain at uminom ka ayon sa kakulangan mo, at mabuhay sa pamamagitan ng Aking salita! Kilalanin mo ang Aking mga kamay at huwag magreklamo. Kung magrereklamo ka at hihiwalay, maaaring mawala sa iyo ang pagkakataong matanggap ang biyaya ng Diyos. Magsimula ka sa pagiging malapit sa Akin: Ano ang kulang sa iyo at paano ka mapapalapit sa Akin at makakaunawa sa Aking puso? Mahirap para sa mga tao na mapalapit sa Akin, dahil hindi nila mabitawan ang sarili. Laging pabagu-bago ang kanilang disposisyon, sala sa init at sala sa lamig, at labis ang pagtingin at kasiyahan nila sa kanilang mga sarili sa sandaling makatikim sila ng kaunting tamis. May mga taong hindi pa nagigising; gaano karami sa sinasabi mo ang kumakatawan sa kung ano ka? Gaano karami rito ang pagtatanggol sa iyong sarili, at gaano karami rito ang panggagaya sa iba, at gaano karami rito ang pagsunod lamang sa mga tuntunin? Ang dahilan kaya hindi mo matarok o maunawaan ang gawain ng Banal na Espiritu ay dahil hindi mo alam kung papaano mapalapit sa Akin. Sa panlabas, palagi kang nagmumuni-muni hinggil sa mga bagay-bagay, umaasa sa mga kuru-kuro ng sarili at sa iyong isipan; lihim kang nagsasaliksik at nakikisangkot sa mga maliliit na pakana, at ni hindi mo nga ito maihayag sa lahat. Ipinakikita nito na hindi mo tunay na nauunawaan ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung talagang naiintindihan mo na ang isang bagay ay hindi nanggagaling sa Diyos, bakit hindi ka nangangahas na manindigan at tanggihan ito? Ilan ang makakapanindigan at makapagsasalita para sa Akin? Wala ka ni katiting na lakas ng karakter ng anak na lalaki.

Ang layunin ng lahat ng naisaayos ngayon ay ang sanayin kayo upang lumago sa inyong mga buhay, upang gawing matalas at listo ang inyong espiritu, at upang buksan ang inyong espirituwal na mga mata upang makilala ninyo ang mga bagay-bagay na galing sa Diyos. Ang galing sa Diyos ay nagbibigay-kakayahan sa iyo na maglingkod nang may kakayahan at dinadalang responsibilidad, at maging matatag sa espiritu. Ang lahat ng mga bagay na hindi galing sa Akin ay hungkag; walang ibinibigay sa iyo ang mga ito, nagiging sanhi upang maging hungkag ang iyong espiritu at mawala ang iyong pananampalataya, at naglalagay ng agwat sa pagitan natin, binibihag ka sa sarili mong isipan. Maaari mong mahigitan ang lahat sa sekular na mundo kapag nabubuhay ka sa espiritu, ngunit ang mabuhay sa isipan mo ay pagpapasakop kay Satanas; walang patutunguhan ito. Napakasimple nito ngayon: Tumingin ka sa Akin gamit ang iyong puso at kaagad na magiging malakas ang iyong espiritu. Magkakaroon ka ng landas sa pagsasagawa, at gagabayan Ko ang bawat hakbang mo. Mabubunyag sa iyo ang Aking salita sa lahat ng sandali at sa lahat ng dako. Saanman o kailanman, o gaano man kasama ang kapaligiran, bibigyan Kita ng malinaw na pagtingin, at mabubunyag sa iyo ang Aking puso kung titingin ka sa Akin gamit ang iyong puso; sa ganitong paraan ay tatakbo ka sa iyong patutunguhan at hindi kailanman maliligaw. Sinusubukan ng ilang tao na tumahak sa panlabas na landas nang nangangapa, ngunit hindi nila ito ginagawa sa loob ng kanilang espiritu. Madalas na hindi nila maunawaan ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag nakikisalamuha sila sa ibang tao, mas nalilito lamang sila, na walang landas na sinusundan at hindi nalalaman kung ano ang dapat gawin. Hindi alam ng ganitong mga tao kung ano ang masakit sa kanila; maaaring marami silang pag-aari at mukhang nasisiyahan sa panloob, ngunit iyan ba’y may anumang pakinabang? Mayroon ka ba talagang landas na susundan? Mayroon ka bang anumang pagtanglaw o kaliwanagan? Mayroon ka bang anumang bagong mga pagkaunawa? Umunlad ka ba o ikaw ba’y lumala? Makakasabay ka ba sa bagong liwanag? Wala kang pagpapasakop; ang pagpapasakop na madalas mong binabanggit ay walang iba kundi salita lamang. Namumuhay ka ba na masunurin?

Gaano kalaki ang hadlang na dulot ng pagmamagaling, pagiging-kampante, kasiyahan-sa-sarili at pagmamataas ng mga tao? Sino ang sisisihin kapag hindi ka makakapasok sa realidad? Dapat mong suriin nang maigi ang iyong sarili para makita kung ikaw ay taong nasa tama. Ginagawa mo ba ang mga mithiin at layunin mo na Ako ang nasa isip? Ang iyo bang mga salita at pagkilos ay sinasabi at ginagawa sa Aking presensiya? Sinusuri Ko ang lahat ng iyong mga iniisip at palagay. Hindi ka ba nakokonsensya? Nagbabalatkayo ka at mahinahon kang umaasta na may pagmamagaling; ginagawa mo ito para ipagsanggalang ang sarili mo. Ginagawa mo ito para ikubli ang iyong kasamaan, at naghahanap ka pa nga ng mga paraan upang itulak ang kasamaang iyan sa iba. Anong kataksilan ang nananahan sa puso mo! Isipin mo ang lahat ng nasabi mo na. Hindi ba’t para sa iyong kapakanan kaya natakot ka na ang sarili mong kaluluwa ang masasaktan at kaya ikinubli mo si Satanas, at pagkatapos ay sapilitan mong pinagkaitan ang iyong mga kapatid ng makakain at maiinom? Ano ang masasabi mo para sa iyong sarili? Iniisip mo ba na sa susunod ay makakaya mong punan ang pagkain at pag-inom na nakuha na ni Satanas ngayon? Kung gayon, nakikita mo na ito nang malinaw ngayon; ito ba’y isang bagay na matutumbasan mo? Mapupunan mo ba ang nasayang na panahon? Dapat ninyong masigasig na suriin ang inyong mga sarili para makita kung bakit walang pagkain at pag-inom na naganap sa ilang nakalipas na pagtitipon, at kung sino ang naging sanhi ng kaguluhang ito. Dapat kayong isa-isang magbahagi hanggang maging malinaw ito. Kung hindi labis na napipigilan ang gayong tao, hindi maiintindihan ng iyong mga kapatid, at pagkatapos ay muli lamang itong mangyayari. Nakasara ang inyong mga espirituwal na mata; masyadong marami sa inyo ang bulag! Higit pa rito, ang mga nakakakita ay pabaya tungkol dito. Hindi sila naninindigan at nagsasalita, at pati sila’y bulag. Ang mga nakakakita ngunit hindi nagsasalita ay mga pipi. Marami rito ang mga may kapansanan.

May mga tao na hindi nakakaunawa kung ano ang katotohanan, kung ano ang buhay, at kung ano ang daan, at hindi nila nauunawaan ang espiritu. Itinuturing nila ang Aking salita na pormula lamang. Masyado itong mahigpit. Hindi nila nauunawaan kung ano ang tunay na pasasalamat at papuri. May mga tao na hindi nauunawaan ang pinakamahalaga at pangunahing mga bagay; sa halip, nauunawaan lamang nila ang di-gaanong mahalaga. Ano ba ang ibig sabihin ng gambalain ang pamamahala ng Diyos? Ano ang ibig sabihin ng gibain ang pagtatayo ng iglesia? Ano ang ibig sabihin ng gambalain ang gawain ng Banal na Espiritu? Ano ang isang kampon ni Satanas? Dapat malinaw na maunawaan ang mga katotohanang ito, at hindi lamang ilarawan nang malabo. Ano ang dahilan na walang pagkain at pag-inom sa panahong ito? Sa palagay ng ilang tao ay dapat nilang purihin nang malakas ang Diyos ngayon, ngunit papaano nila Siya dapat purihin? Dapat ba silang umawit ng mga himno at sumayaw? Hindi ba ibinibilang ang ibang paraan bilang papuri? Dumadalo sa mga pagtitipon ang ilang tao na may kuru-kuro na ang masayang papuri ang paraan upang purihin ang Diyos. May ganitong mga kuru-kuro ang mga tao, at hindi nila binibigyang-pansin ang gawain ng Banal na Espiritu; ang kinalalabasan nito ay nangyayari pa rin ang mga pagkagambala. Walang pagkain at pag-inom sa pagtitipong ito; lahat kayo’y nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba sa inyo ang talagang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong sa iyong sarili: Ikaw ba’y isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Magagawa mo bang maging matuwid para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba’y may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapapahintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matupad sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahahalagang sandali? Ikaw ba’y taong gumagawa sa Aking kalooban? Itanong mo sa iyong sarili ang mga katanungang ito at madalas mong isipin ang mga ito. Ang mga kaloob ni Satanas ay nasa loob mo, at ikaw ang dapat sisihin para diyan—dahil hindi mo nauunawaan ang mga tao, at bigo kang makilala ang lason ni Satanas; inaakay mo ang iyong sarili tungo sa kamatayan. Lubusan kang nalinlang ni Satanas, hanggang sa punto na ganap ka nang nalilito; lasing ka sa alak ng kahalayan, at sumusuray ka paroo’t parito, hindi kayang magkaroon ng matatag na pananaw, at walang landas para sa iyong pagsasagawa. Hindi ka kumakain at umiinom nang tama, nakikisangkot ka sa mabangis na labanan at pakikipag-away, hindi mo alam ang tama sa mali, at sinusundan mo ang sinumang nangunguna. Mayroon ka bang anumang katotohanan? Ipinagtatanggol ng ilang tao ang kanilang mga sarili at nakikilahok pa sa panlilinlang. Nakikisalamuha sila sa iba ngunit dinadala lamang sila nito sa daang walang patutunguhan. Sa Akin ba nakukuha ng mga taong ito ang kanilang mga layunin, mithiin, pangganyak, at pinagkukunan? Sa palagay mo ba’y kaya mong mapunan ang pagkain at pag-inom na inagaw sa iyong mga kapatid? Maghanap ka ng ilang tao na makakasalamuha at tanungin sila; hayaan mo silang magsalita para sa sarili nila: Sila ba ay natustusan na ng anuman? O napuno ba ang kanilang mga tiyan ng maruming tubig at basura, na iniiwan silang walang landas na susundan? Hindi ba’t magigiba niyan ang iglesia? Nasaan ang pag-ibig sa kapatiran? Lihim kang nagsasaliksik kung sino ang tama at sino ang mali, ngunit bakit hindi ka nagdadala ng pasanin para sa iglesia? Karaniwan na napakahusay mo sa pagsigaw ng mga nakakaengganyong pananalita, ngunit kapag nangyayari na talaga ang mga bagay-bagay, paliguy-ligoy ka tungkol sa mga iyon. May ilang taong nakauunawa ngunit tahimik lamang na bumubulong, samantalang ang iba’y nagsasalita kung ano ang nauunawaan nila ngunit wala namang iba pang nagsasalita. Hindi nila alam kung ano ang nagmumula sa Diyos at kung ano ang gawain ni Satanas. Nasaan ang inyong mga panloob na damdamin tungkol sa buhay? Hindi niyo talaga maunawaan ang gawain ng Banal na Espiritu, ni hindi ninyo ito nakikilala, at nahihirapan kayong tanggapin ang mga bagong bagay. Tinatanggap mo lamang ang mga bagay na sekular at pangrelihiyon na umaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao. Bunga nito, walang patumangga kang lumalaban. Gaano karaming tao ang makakaunawa sa gawain ng Banal na Espiritu? Gaano karami ang nagdala na talaga ng pasanin para sa iglesia? Nauunawaan mo ba ito? Ang pag-awit ng mga himno ay isang paraan upang magpuri sa Diyos, ngunit hindi mo malinaw na nauunawaan ang katotohanan ng pagpupuri sa Diyos. Higit pa rito, mahigpit ka sa paraan mo ng pagpuri sa Kanya. Hindi ba’t sarili mong kuru-kuro iyan? Palagi kang walang humpay na kumakapit sa sarili mong mga kuru-kuro, at hindi ka makatuon sa gagawin ng Banal na Espiritu ngayon, hindi mo madama kung ano ang nararamdaman ng iyong mga kapatid, at hindi mo kayang matahimik na hanapin ang kalooban ng Diyos. Pikit-mata mong ginagawa ang mga bagay-bagay; maaaring inaawit mo ang mga kanta nang maayos, ngunit ang resulta ay ganap na kaguluhan. Talaga bang pagkain at pag-inom iyan? Nakikita mo ba kung sino talaga ang nagiging sanhi ng mga paggambala? Hinding-hindi ka talaga nabubuhay sa espiritu; bagkus ay nakahawak ka sa iba’t ibang kuru-kuro. Papaano ba iyan naging pagdadala ng pasanin para sa iglesia? Kailangan ninyong makita na ang gawain ng Banal na Espiritu ay sumusulong nang higit na mas mabilis ngayon. Hindi ba kayo nabubulagan kung mahigpit kayong nakahawak sa inyong sariling mga kuru-kuro at nilalabanan ninyo ang gawain ng Banal na Espiritu? Hindi ba iyan tulad ng isang langaw na umuuntog sa mga pader at humuhugong sa paligid? Kung magpupumilit ka sa paraang ito, maisasantabi ka.

Ang mga ginagawang ganap bago ang sakuna ay nagpapasakop sa Diyos. Nabubuhay silang umaasa kay Cristo, sumasaksi sila sa Kanya, at dinadakila nila Siya. Sila ang matagumpay na mga anak na lalaki at mabubuting mga kawal ni Cristo. Mahalaga ngayon na payapain mo ang iyong sarili, lumapit sa Diyos, at makisalamuha sa Kanya. Kung hindi mo kayang lumapit sa Diyos, nanganganib ka na mabihag ni Satanas. Kung makakalapit ka sa Akin at makikisalamuha sa Akin, ibubunyag sa iyo ang lahat ng katotohanan, at magkakaroon ka ng isang pamantayan kung paano mamuhay at kumilos. Dahil ikaw ang malapit sa Akin, hindi kailanman aalis ang salita Ko sa tabi mo, at hindi ka lilihis sa salita Ko sa buong buhay mo; hindi magkakaroon si Satanas ng paraan upang samantalahin ka, at sa halip ay mapapahiya at tatakas sa pagkatalo. Kung tinitingnan mo sa panlabas kung ano ang kulang sa loob mo, maaaring may mga pagkakataon na matatagpuan mo ang ilan dito, ngunit ang karamihan sa matatagpuan mo ay mga alituntunin at mga bagay-bagay na hindi mo kailangan. Dapat kang bumitaw sa iyong sarili, kumain at uminom ng mas marami pa ng mga salita Ko, at alamin kung papaano pagbulayan ang mga ito. Kung may isang bagay kang hindi nauunawaan, lumapit ka sa Akin at madalas na makisalamuha sa Akin; sa ganitong paraan, ang mga mauunawaan mo ay magiging tunay at totoo. Dapat kang magsimula sa pagiging malapit sa Akin. Napakahalaga nito! Kung hindi, hindi mo matututunan kung papaano kumain at uminom. Hindi ka makakakain at makakainom sa sarili mo; tunay na napakababa ng tayog mo.

Sinundan: Kabanata 12

Sumunod: Kabanata 14

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito