Kabanata 11
Ako ba ang iyong Diyos? Ako ba ang iyong Hari? Tunay bang hinayaan mo Akong mamuno bilang Hari sa kalooban mo? Dapat kang lubusang magnilay sa iyong sarili. Hindi mo ba sinaliksik at tinanggihan ang bagong liwanag nang dumating ito, hanggang sa punto pa nga na huminto ka nang hindi ito sinusundan? Dahil dito, ikaw ay sasailalim sa paghatol at babagsak sa iyong kapahamakan; ikaw ay hahatulan at hahampasin ng bakal na pamalo, at hindi mo mararamdaman ang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi magtatagal ay iiyak ka at iluluhod ang iyong mga tuhod sa pagsamba, at mananaghoy nang malakas. Lagi Kong sinasabi sa inyo at lagi Akong nagsasalita sa inyo; at hindi Ko kailanman ipinagkait ang Aking mga salita sa inyo. Magbalik-tanaw: Kailan ba Ako nabigong sabihin sa inyo ang isang bagay? Gayunpaman, may mga tao na nagpipilit gawin ang mga bagay-bagay sa maling paraan. Sila ay nawawala sa isang kulumpon ng pag-aalinlangan na humaharang sa araw at kailanman ay hindi nila nakita ang liwanag. Hindi ba ito dahil sa ang palagay nila sa kanilang “sarili” ay lubhang malakas o ang kanilang sariling mga kuru-kuro ay napakarami? Kailan ka pa nagkaroon ng anumang pagsasaalang-alang sa Akin? Kailan ka pa nagkaroon ng puwang sa puso mo para sa Akin? Kapag ikaw ay nabigo na, kapag nakita mo ang iyong sarili na walang-kakayahan, at kapag ikaw ay wala nang mapagpilian, doon ka lamang nananalangin sa Akin. Kung gayon: Bakit hindi mo gawin ang mga bagay-bagay sa iyong sarili ngayon? Kayong mga tao! Ang inyong mga lumang sarili ang sumira sa inyo!
May mga tao na hindi masumpungan ang daan, at hindi sila makasabay sa bagong liwanag. Sila ay nakikipagbahagian lamang tungkol sa mga nakita nila noon; walang anumang bago para sa kanila. Bakit ganoon? Namumuhay kayo sa loob ng inyong mga sarili at pinagsarahan na ninyo Ako ng pinto. Nakikita na ang paraan ng gawain ng Banal na Espiritu ay nagbago, sa puso mo, ikaw ay laging maingat na magkamali. Nasaan ang pagpipitagan mo sa Diyos? Hinanap mo na ba ito sa katahimikan ng presensiya ng Diyos? Ikaw ay nag-iisip-isip: “Ganyan ba talaga gumawa ang Banal na Espiritu?” Ang nakita ng ilang tao ay ang gawain ng Banal na Espiritu, gayunman mayroon pa rin silang mga bagay na sinasabi tungkol dito; inaamin ng iba na ito ang salita ng Diyos, gayunman ay hindi nila ito tinatanggap. Magkakaibang kuru-kuro ang umuusbong sa loob ng bawat isa sa kanila, at hindi nila nauunawaan ang gawain ng Banal na Espiritu. Sila ay pabaya at hindi maingat, at hindi handang magbayad ng halaga at maging tapat sa Aking presensiya. Binigyang kaliwanagan na sila ng Banal na Espiritu, ngunit ayaw nilang lumapit sa harap Ko upang makipagniig at maghanap. Sa halip, sinusunod nila ang kanilang sariling mga pagnanais, ginagawa ang ano mang ikinasisiya nila. Anong klaseng hangarin ito?