1000 Panahon na para Maghiwalay
1 Sa panahon ng paglikha, naipropesiya Ko na sa mga huling araw gagawa Ako ng isang grupo ng mga tao na kaisa Ko ang isipan. Nasabi Ko na noon pa man na matapos magtatag ng isang huwaran sa lupa sa mga huling araw, babalik Ako sa Aking tahanan. Kapag napalugod Ako ng buong sangkatauhan, natupad na nila ang hiniling Ko sa kanila, at hindi Ko na sila hihilingan ng anupaman. Sa halip, Ako at ang mga tao ay magpapalitan ng mga kuwento tungkol sa mga nakaraang panahon, at pagkatapos niyon ay maghihiwalay na kami. Umaasa Ako na kapag nagkahiwalay na kami, magagawa ng mga tao na ipagpatuloy ang Aking “pamana,” at hindi malimutan ang mga turong naibigay Ko habang nabubuhay Ako. Sana ay wala silang gawing anuman na maghahatid ng kahihiyan sa Aking pangalan, at na isasaisip nila ang Aking salita. Sana ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila upang palugurin Ako kapag nakaalis na Ako; sana ay gamitin nila ang Aking salita bilang pundasyon sa kanilang buhay, at hindi nila makaligtaang ipamuhay ang Aking mga inaasam, sapagkat palaging nag-aalala ang Aking puso para sa mga tao, at palagi Akong malapit sa kanila.
2 Nagtipun-tipon kami ng sangkatauhan, at tinamasa namin sa lupa ang mga pagpapalang kapareho ng nasa langit. Kasama Kong namuhay ang mga tao at nanahan Ako sa piling nila; palagi Akong mahal ng mga tao, at palagi Ko silang mahal. Malapit kami sa isa’t isa. Sa paggunita Ko sa panahon na kasama Ko ang mga tao, naaalala Ko ang mga panahon na puno kami ng tawanan at saya, at mayroon ding mga pag-aaway. Gayunpaman, ang aming pagmamahalan ay naitatag sa batayang ito, at ang aming pakikitungo sa isa’t isa ay hindi kailanman naputol. Sa gitna ng maraming taon ng aming ugnayan, nag-iwan ng malalim na impresyon ang sangkatauhan sa Akin, at nabigyan Ko ang mga tao ng napakaraming bagay na tatamasahin, na lagi nilang pinasasalamatan nang doble-doble. Ngayon, ang aming mga pagtitipon ay hindi na kailanman magiging tulad ng dati; sino ang makakalimot sa sandaling ito ng aming paghihiwalay? Mahal na mahal Ako ng mga tao, at walang-hanggan ang pagmamahal Ko sa kanila—ngunit ano ang magagawa tungkol diyan? Sino ang mangangahas na lumabag sa mga kinakailangan ng Ama sa langit?
3 Babalik Ako sa Aking tahanan, kung saan tatapusin Ko ang isa pang bahagi ng Aking gawain. Marahil ay magkakaroon pa kami ng pagkakataong magkitang muli. Sana ay hindi gaanong malungkot ang mga tao, at bigyang-kasiyahan nila Ako sa lupa; madalas silang bibiyayaan ng Aking Espiritu sa langit. Hayaang maiwan sa nakaraan ang lahat ng masasaklap na bagay na nangyari sa pagitan natin; hayaang palaging magkaroon ng pagmamahalan sa pagitan natin. Nabigyan Ko na ang mga tao ng labis na pagmamahal, at napakabigat ng ipinalit nila para mahalin Ako. Sa gayon, sana ay pahalagahan ng sangkatauhan ang walang-halo at dalisay na pagmamahalan sa pagitan namin upang umabot ang aming pagmamahal sa buong mundo ng tao at maipasa ito sa iba magpakailanman. Kapag nagkita tayong muli, mag-ugnayan pa rin tayo sa pagmamahal upang magpatuloy ang ating pagmamahalan hanggang kawalang-hanggan at mapuri at maipalaganap ng lahat ng tao. Masisiyahan Ako riyan, at ipakikita Ko ang Aking nakangiting mukha sa sangkatauhan. Sana ay maalala ng mga tao ang Aking mga payo.
Hango sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 47