Kabanata 39
Buksan ninyo ang inyong mga mata at tumingin, at makikita ninyo ang dakila Kong kapangyarihan sa lahat ng dako! Makatitiyak kayo sa Akin sa lahat ng dako. Pinalalaganap ng sansinukob at ng papawirin ang Aking dakilang kapangyarihan. Nagkatotoo nang lahat ang mga salitang sinabi Ko sa pag-init ng panahon, sa pagbabago ng klima, sa mga abnormalidad sa loob ng mga tao, sa kaguluhan sa galaw ng lipunan, at sa panlilinlang na nasa puso ng mga tao. Pumuputi ang araw at pumupula ang buwan; wala sa balanse ang lahat. Hindi pa rin ba talaga ninyo nakikita ang mga bagay ito?
Dito ibinubunyag ang dakilang kapangyarihan ng Diyos. Walang dudang Siya ang nag-iisang tunay na Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat—na maraming taon nang hinahangad na matamo ng mga tao! Sino ang kayang pangyarihin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan lamang ng pagbigkas ng mga salita? Tanging ang ating Makapangyarihang Diyos. Kaagad lumilitaw ang katotohanan sa sandaling magsalita Siya. Paano ninyo hindi masasabing Siya ang totoong Diyos?
Alam Kong sa kaibuturan ninyo ay handa kayong lahat na makipagtulungan sa Akin, at naniniwala Akong ang Aking mga hinirang, ang Aking mga minamahal na kapatid, ay lahat mayroon ng ganitong uri ng hangarin, pero hindi lamang makapasok o talagang makapagsagawa, at hindi makapanatiling mahinahon at panatag kapag nahaharap sa pangyayari ng mga realidad. Hindi kayo kailanman nagbibigay ng anumang pansin sa mga layunin ng Diyos, at inuuna ninyo ang sarili ninyong personal na mga kapakanan at kumikilos kayo mag-isa nang hindi naghihintay. Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo, ang ganitong paraan ay hindi kailanman mabibigyang kasiyahan ang Aking mga layunin! Anak! Ibigay mo lang sa Akin nang ganap ang puso mo. Malinawan ka! Hindi Ko nais ang pera mo ni ang mga pag-aari mo, ni na masigasig, mapanlinlang o makitid ang isip kang lumapit sa harapan Ko para maglingkod. Manahimik at maging dalisay ang puso, maghintay at maghanap tuwing dumarating ang mga suliranin, at bibigyan kita ng kasagutan. Huwag magduda! Bakit hindi kayo kailanman naniniwala na totoo ang mga salita Ko? Bakit hindi kayo makapaniwala sa Aking mga salita? Sukdulan ang katigasan ng inyong ulo, at ganito pa rin kayo maging sa ganitong panahon; napakaignorante ninyo at sadyang walang kaliwanagan ni bahagya! Gaano karami sa napakahalagang katotohanan ang natatandaan ninyo? Talaga bang naranasan na ninyo ito? Naguguluhan kayo at kumikilos nang padalus-dalos at dali-dali kapag nakakaharap ng mga problema! Ang pumasok kayo sa espiritu at mas makisalamuha sa Akin ang pangunahing bagay ngayon, sa parehong paraan na madalas na nagninilay ng mga tanong ang sarili ninyong puso. Nauunawaan ba ninyo? Ito ay mahalaga! Talagang isang problema ang naantalang pagsasagawa. Magmadali at huwag magpaliban! Ang mga taong naririnig ang Aking mga salita at hindi nagpapaliban kundi kaagad na isinasagawa ang mga ito ay labis na pagpapalain! Gagawaran Ko kayo nang dalawang ulit! Huwag mag-alala! Kumilos ayon sa sinasabi Ko, na walang pagkabalam kahit isang segundo! Madalas na ganito ang inyong mga pantaong kuru-kuro, at mahilig kayong magpaliban ng mga bagay-bagay, palaging ipinagpapabukas ang dapat gawin ngayon. Masyadong tamad at padaskul-daskol. Hindi ito mailalarawan ng mga salita! Hindi Ko ito pinapalabis—ito ay katunayan. Kung hindi mo ito pinaniniwalaan, maingat mong suriin ang iyong sarili at tingnan mo ang iyong kalagayan, at matutuklasan mong talagang ganito nga!