Kabanata 23
Habang lumalabas ang Aking tinig, habang lumalabas ang apoy sa Aking mga mata, binabantayan Ko ang buong mundo, inoobserbahan Ko ang buong sansinukob. Nagdarasal sa Akin ang buong sangkatauhan, tumitingala sila sa Akin, nagmamakaawang tigilan Ko ang Aking galit, at sumusumpang hindi na maghihimagsik laban sa Akin. Ngunit hindi na ito ang nakaraan; ito ang kasalukuyan. Sino ang maaaring mag-urong sa Aking kalooban? Siguradong hindi ang mga panalangin sa kaibuturan ng puso ng mga tao, ni hindi ang mga salita sa kanilang bibig? Sino ang nanatiling buhay hanggang sa kasalukuyan, kung hindi dahil sa Akin? Sino ang nananatiling nabubuhay maliban sa pamamagitan ng mga salita sa Aking bibig? Sino ang hindi pinangangasiwaan ng Aking mga mata? Isinasagawa Ko ang Aking bagong gawain sa buong daigdig, at sino ang nakatakas na mula rito? Maiiwasan kaya ito ng kabundukan sa pamamagitan ng kanilang taas? Maitataboy kaya ito ng katubigan, sa pamamagitan ng kanilang maraming kalawakan? Sa Aking plano, hindi Ko basta hinayaang makalagpas ang anumang bagay, kaya nga wala pang sinuman, ni anuman, na nakaiwas sa paghawak ng Aking mga kamay. Ngayon, pinupuri ang Aking banal na pangalan sa buong sangkatauhan, at sa kabilang dako, lumalabas ang mga salita ng protesta laban sa Akin sa buong sangkatauhan, at laganap ang mga alamat tungkol sa Aking pagparito sa lupa sa buong sangkatauhan. Hindi Ko hinahayaan ang panghuhusga ng mga tao sa Akin, ni hindi Ko hinahayaang hati-hatiin nila ang Aking katawan, at lalong hindi Ko hinahayaan ang kanilang mga panlalait laban sa Akin. Dahil kailanman hindi niya Ako tunay na nakilala, palagi Akong sinusuway at nililinlang ng tao, na nabibigong itangi ang Aking Espiritu o pahalagahan ang Aking mga salita. Para sa bawat gawa at kilos niya, at para sa saloobing taglay niya tungo sa Akin, ibinibigay Ko sa tao ang “gantimpala” na nararapat sa kanya. Kaya nga, kumikilos ang lahat ng tao para matamo ang kanilang gantimpala, at wala ni isang nakagawa ng anumang gawaing may kasamang pagsasakripisyo ng sarili. Ayaw ng mga tao na magbigay ng di-makasariling dedikasyon, kundi sa halip ay nagagalak sila sa mga gantimpalang makukuha nang walang kapalit. Bagama’t inilaan ni Pedro ang sarili niya sa Aking harapan, hindi iyon para sa kapakanan ng gantimpala sa hinaharap, kundi para sa kapakanan ng kaalaman ng ngayon. Hindi pa tunay na nakipagniig sa Akin ang sangkatauhan kailanman, kundi paulit-ulit siyang nakitungo sa Akin sa mababaw na paraan, na iniisip na makukuha niya ang Aking pagsang-ayon nang walang kahirap-hirap. Natingnan Ko na ang kaibuturan ng puso ng tao, kaya nahukay Ko na sa kanyang kaloob-looban ang “isang mina ng maraming kayamanan,” isang bagay na hindi pa alam kahit ng tao mismo, subalit muli Kong natuklasan. Kaya nga, kapag nakita na nila ang “materyal na katibayan,” saka lamang tumitigil ang mga tao sa kanilang banal-banalang pagpapakumbaba sa sarili at, habang nakaunat ang mga palad, umaamin sa kanilang sariling maruming kalagayan. Sa mga tao, napakarami pang bago na naghihintay na “ilabas” Ko para sa kasiyahan ng buong sangkatauhan. Hindi Ko ititigil ang Aking gawain nang dahil sa kawalan ng kakayahan ng tao, pinupungusan Ko siya alinsunod sa Aking orihinal na plano. Ang tao ay parang isang puno ng prutas: Kung hindi tatabasin, hindi mamumunga ang puno at, sa huli, ang tanging nakikita ng tao ay mga lantang sanga at nahulog na mga dahon, at wala man lamang prutas na nahuhulog sa lupa.
Habang pinalalamutian Ko ang “silid sa loob” ng Aking kaharian araw-araw, walang sinumang biglang pumapasok sa Aking “pagawaan” kailanman para gambalain ang Aking gawain. Ginagawa ng lahat ng tao ang lahat ng kaya nila upang makipagtulungan sa Akin, na takot na takot na “mapaalis” at “mawala sa kanilang posisyon” at sa gayon ay makaabot sa katapusan ng kanilang buhay, kung saan maaari pa silang mahulog sa “disyerto” na nasasakupan ni Satanas. Dahil sa mga takot ng tao, inaaliw Ko siya bawat araw, inaantig siyang magmahal bawat araw, at bukod pa riyan ay pinagbibilinan Ko siya sa gitna ng kanyang pang-araw-araw na buhay. Para bang bagong panganak na mga sanggol ang mga tao; maliban kung mabigyan ng gatas, lilisanin nila kaagad ang daigdig na ito, upang hindi na makita. Sa gitna ng mga pagmamakaawa ng sangkatauhan, pumaparito Ako sa mundo ng mga tao at, agad-agad, nananahan ang sangkatauhan sa isang mundo ng liwanag, na hindi na nakakulong sa loob ng isang “silid” kung saan isinisigaw nila ang kanilang mga dalangin sa langit. Sa sandaling makita nila Ako, inirereklamo ng mga tao ang mga “hinaing” na nakatago sa kanilang puso, ibinubuka ang kanilang bibig sa Aking harapan upang magmakaawa na hulugan sila ng pagkain. Ngunit pagkatapos, kapag humupa na ang kanilang mga takot at nagbalik na ang kanilang kahinahunan, hindi na sila humihiling ng anuman sa Akin, kundi nakakatulog na nang mahimbing, o kung hindi, itinatanggi ang Aking pag-iral, inaasikaso na nila ang kanilang sariling mga gawain. Sa “pagpapabaya” ng sangkatauhan malinaw na malinaw kung paano isinasagawa ng mga tao, na walang “pakiramdam,” ang kanilang “katarungang walang kinikilingan” tungo sa Akin. Dahil doon, pagkakita sa tao sa kanyang di-kanais-nais na aspeto, tahimik Akong yumayaon at hindi na bababang muli kaagad kapag taimtim siyang nagmakaawa. Wala siyang kaalam-alam, lumalaki ang mga problema ng tao araw-araw, kaya nga, sa gitna ng kanyang kapaguran, kapag bigla niyang natuklasan ang Aking pag-iral, ayaw niyang tumanggap ng sagot na “hindi” at sinusunggaban Ako sa kuwelyo at hinahatak Ako papasok sa kanyang bahay bilang panauhin. Ngunit, bagama’t maaaring maghain siya ng masarap na pagkain para sa Aking kasiyahan, ni minsan ay hindi niya Ako itinuring na bahagi ng kanyang pamilya, sa halip ay tinatrato niya Ako bilang isang panauhin upang makakuha ng kaunting tulong mula sa Akin. Kaya nga, basta na lamang inilalahad ng tao ang kanyang nakakaawang kalagayan sa Aking harapan, sa pag-asang makuha ang Aking “lagda,” at, gaya ng isang nangangailangang umutang para sa kanyang negosyo, “nakikipagharap” siya sa Akin nang buong lakas niya. Sa bawat kilos at galaw niya, saglit Kong napapansin ang layunin ng tao: Sa kanyang pananaw, parang hindi Ko alam kung paano basahin ang kahulugang nakatago sa hitsura ng mukha ng isang tao o nakatago sa likod ng kanyang mga salita, o kung paano tingnan ang kaibuturan ng puso ng isang tao. Kaya nga ipinagtatapat sa Akin ng tao ang bawat karanasan sa bawat nakaharap niya, nang walang mali o kulang, at pagkatapos ay inilalatag niya ang kanyang mga kahilingan sa Aking harapan. Kinamumuhian at kinasusuklaman Ko ang bawat gawa at kilos ng tao. Sa buong sangkatauhan, wala ni isang nakagawa kailanman ng gawaing gustung-gusto Ko, na para bang sadyang kinakalaban Ako ng sangkatauhan, at sadyang inaakit ang Aking poot: Pabalik-balik silang lahat sa Aking harapan, na nagpapasasa sa sarili nilang kalooban sa harapan ng Aking mga mata. Wala ni isa sa sangkatauhan ang nabubuhay para sa Aking kapakanan, at dahil dito, walang halaga ni kahulugan ang pag-iral ng buong sangkatauhan, kaya nabubuhay ang sangkatauhan sa kawalan. Magkagayunman, ayaw pa ring gumising ng sangkatauhan, kundi patuloy na naghihimagsik laban sa Akin, na ipinipilit ang kanyang kawalang-kabuluhan.
Sa lahat ng pagsubok na napagdaanan nila, ni minsan ay hindi Ako nalugod sa sangkatauhan. Dahil sa kanilang malupit na kasamaan, hindi nilalayon ng sangkatauhan na magpatotoo sa Aking pangalan; sa halip, sila ay “tumatakbo sa kabilang daan” samantalang umaasa sa Akin para sa kanilang ikabubuhay. Ang puso ng tao ay hindi lubos na bumabaling sa Akin, kaya nga inaatake siya ni Satanas hanggang sa magkasugat-sugat siya, ang kanyang katawan ay natatakpan ng dumi. Ngunit hindi pa rin natatanto ng tao kung gaano kasuklam-suklam ang kanyang mukha: Noon pa niya sinasamba si Satanas habang nakatalikod Ako. Dahil dito, napopoot na inihulog Ko ang tao sa walang-hanggang hukay, para hindi na niya mapalaya ang kanyang sarili kailanman. Magkagayunman, sa gitna ng kanyang kalunus-lunos na paghagulgol, ayaw pa ring magbago ng isip ang tao, na masigasig na labanan Ako hanggang sa mapait na katapusan, at umaasa na sa pamamagitan noon ay sadyang mapukaw ang Aking poot. Dahil sa kanyang nagawa, itinuturing Ko siyang makasalanan at pinagkakaitan siya ng init ng Aking yakap. Noong una pa man, pinaglingkuran na Ako ng mga anghel at sinunod Ako nang walang pagbabago o pagtigil, ngunit kabaligtaran nito mismo ang palaging nagagawa ng tao, na para bang hindi siya nagmula sa Akin, kundi ipinanganak ni Satanas. Ibinibigay sa Akin ng lahat ng anghel ang kanilang lubos na debosyon mula sa kani-kanilang lugar; hindi sila natitinag ng mga puwersa ni Satanas, at tinutupad lamang nila ang kanilang tungkulin. Pinasuso at pinangalagaan ng mga anghel, lumalago at lumulusog ang lahat ng Aking napakaraming anak at Aking mga tao, walang isa man sa kanila ang mahina o sakitin. Ako ang gumawa nito, ang Aking himala. Sa sunud-sunod na pagputok ng kanyon na nagpapasinaya sa pagtatatag ng Aking kaharian, ang mga anghel, na lumalakad sa maindayog na saliw, ay lumalapit sa harapan ng Aking entablado para magpasakop sa Aking pagsisiyasat, dahil ang kanilang mga puso ay walang karumihan at mga diyos-diyosan, at hindi sila umiiwas sa Aking pagsisiyasat.
Sa pag-ugong ng malakas na hangin, bumababa ang kalangitan sa isang iglap, sinasakal ang buong sangkatauhan upang hindi na sila makatawag sa Akin kapag gusto nila. Hindi nila alam, bumagsak na ang buong sangkatauhan. Umiindayog ang mga puno sa ugoy ng hangin, naririnig paminsan-minsan ang pagkabali ng mga sanga, at tinatangay ng hangin ang lahat ng lantang dahon. Biglang naging malungkot at mapanglaw ang daigdig, at mahigpit na niyayakap ng mga tao ang kanilang sarili, handa para sa kalamidad na susunod na tatama sa kanila anumang sandali pagsapit ng taglagas. Lilipad-lipad ang mga ibon sa mga burol, na parang iniiyak ang kanilang kalungkutan sa isang nilalang; sa mga yungib sa bundok, umaatungal ang mga leon, sinisindak ang mga tao sa tunog, nanlalamig ang utak ng kanilang buto sa takot at kinikilabutan sila, at parang may isang napakasamang pakiramdam, isang pahiwatig ng katapusan ng sangkatauhan. Dahil ayaw nilang magpasakop sa Aking pakikitungo sa kanila kung loloobin Ko, tahimik na nagdarasal ang lahat ng tao sa Pinakamakapangyarihang Panginoon sa langit. Ngunit paano mapipigilan ng ingay ng tubig na dumadaloy sa isang maliit na sapa ang malakas na hangin? Paano ito biglang mapapatigil ng tunog ng taimtim na mga dalangin ng mga tao? Paano mapapatahimik ang galit sa puso ng dagundong ng kulog alang-alang sa pagkamahiyain ng tao? Pabalik-balik na umuugoy ang tao sa hangin; paroo’t parito siyang tumatakbo upang itago ang kanyang sarili mula sa ulan; at sa gitna ng Aking poot, nangangatal at nanginginig ang mga tao, takot na takot na dadaklutin Ko ng Aking kamay ang kanilang katawan, na para bang Ako ay nguso ng baril na laging nakatutok sa dibdib ng tao, at muli, para bang kaaway Ko siya, subalit siya ay Aking kaibigan. Hindi pa natutuklasan ng tao ang tunay Kong mga layunin para sa kanya, hindi pa niya nauunawaan ang tunay Kong mga layon, kaya nga, wala siyang kamalay-malay, sinasaktan niya Ako; wala siyang kamalay-malay, kinakalaban niya Ako; gayunman, hindi sinasadyang nakita na rin niya ang Aking pagmamahal. Mahirap para sa tao na makita ang Aking mukha sa gitna ng Aking poot. Nakatago Ako sa maiitim na ulap ng Aking galit, at nakatayo Ako, sa gitna ng mga dagundong ng kulog, sa ibabaw ng buong sansinukob, na ibinababa ang Aking awa sa tao. Dahil hindi Ako kilala ng tao, hindi Ko siya kinakastigo dahil sa kabiguan niyang maunawaan ang Aking hangarin. Sa mga mata ng mga tao, ibinubulalas Ko ang Aking poot paminsan-minsan, ipinapakita Ko ang Aking ngiti paminsan-minsan, ngunit kahit nakikita niya Ako, hindi pa talaga nakita ng tao kailanman ang kabuuan ng Aking disposisyon at hindi pa rin naririnig ang matamis na ingay ng korneta, sapagkat naging masyado na siyang manhid at walang pakiramdam. Para bang umiiral ang Aking larawan sa mga alaala ng tao, at ang Aking anyo sa kanyang mga kaisipan. Gayunman, sa buong pag-unlad ng sangkatauhan hanggang sa ngayon, wala pa ni isang tao ang tunay na nakakita sa Akin kailanman, dahil masyadong mahina ang utak ng tao. Para sa buong “pagsisiyasat” ng tao sa Akin, dahil hindi sapat ang naging pag-unlad ng kanyang siyensya, wala pang mga resulta ang kanyang mga pagsasaliksik sa siyensya. Kaya nga, palaging blangkong-blangko ang paksa ng “Aking larawan,” na wala ni isang pupuno rito, wala ni isang sisira sa talaan ng mundo, sapagkat kahit ang pananatili ng sangkatauhan sa kanyang kasalukuyang katayuan sa ngayon ay isa nang di-masukat na kaaliwan sa gitna ng matinding kasawian.
Marso 23, 1992