Kabanata 24
Sumasapit ang Aking pagkastigo sa lahat ng tao, subalit nananatili rin itong malayo sa lahat ng tao. Buong buhay ng bawat tao ay puspos ng pagmamahal at pagkamuhi sa Akin, at wala ni isang nakakilala sa Akin kailanman—kaya nga sala-sa-init, sala-sa-lamig ang saloobin ng tao sa Akin, at wala itong kakayahang maging normal. Subalit mahal at pinoprotektahan Ko na ang tao noon pa man, at mapurol lamang ang kanyang isip kaya hindi niya makita ang lahat ng Aking mga gawa at maunawaan ang masigasig Kong mga layunin. Ako ang Siyang nangunguna sa lahat ng bansa, at Ako ang Kataas-taasan sa lahat ng tao; hindi lamang talaga Ako kilala ng tao. Sa loob ng maraming taon nanahan na Ako sa piling ng tao at nakaranas ng buhay sa mundo ng tao, subalit lagi niya Akong binabalewala at tinatrato na parang isang nilalang mula sa kalawakan. Bunga nito, dahil sa mga pagkakaiba sa disposisyon at pananalita, tinatrato Ako ng mga tao na parang isang estranghero sa daan. Tila lubhang kakaiba rin ang Aking kasuotan, at dahil dito ay walang lakas ng loob ang tao na lapitan Ako. Saka Ko lamang nadarama ang kapanglawan ng buhay sa piling ng tao, at saka Ko lamang nadarama ang kawalan ng katarungan sa mundo ng tao. Lumalakad Ako sa gitna ng mga taong nagdaraan, habang inoobserbahan Ko ang mukha nilang lahat. Parang nabubuhay sila sa gitna ng isang karamdaman, isang karamdamang pinupuno ng kalungkutan ang kanilang mukha; at parang nabubuhay rin sila sa gitna ng pagkastigo, na pumipigil sa kanilang paglaya. Iginagapos ng tao ang kanyang sarili, at nagpapakita siya ng kababaang-loob. Karamihan sa mga tao ay lumilikha ng maling impresyon tungkol sa kanilang sarili sa Aking harapan para mapuri Ko sila, at karamihan sa mga tao ay sadyang nag-aanyong kaawa-awa sa Aking harapan upang makuha nila ang tulong Ko. Sa Aking likuran, sinusuyo at sinusuway Ako ng lahat ng tao. Hindi ba tama Ako? Hindi ba ganito ang pamamaraan ng tao para manatiling buhay? Sino ang nabuhay na para sa Akin sa kanilang buhay? Sino ang nagtaas na sa Akin sa iba? Sino ang nagapos na sa harap ng Espiritu? Sino ang nakapanindigan na sa kanilang patotoo sa Akin sa harap ni Satanas? Sino ang nakapagdagdag na ng pagiging totoo sa “katapatan” nila sa Akin? Sino ang naitakwil na ng malaking pulang dragon dahil sa Akin? Pumanig na ang mga tao kay Satanas at ngayon ay naglulunoy na kasama nito sa lusak; mga bihasa sila sa pagsuway sa Akin, sila ang mga imbentor ng pagkontra sa Akin, at sila ay “mauunlad na estudyante” sa kanilang padalus-dalos na mga paraan ng pakikitungo sa Akin. Alang-alang sa sarili niyang tadhana, paroo’t parito sa lupa ang tao sa paghahanap at kapag pinalalapit Ko siya, hindi pa rin niya madama ang Aking kahalagahan, at patuloy siyang “sumasampalataya” sa pag-asa sa kanyang sarili, ayaw niyang maging “pasanin” sa iba. Mahalaga ang “mga hangarin” ng tao, subalit kailanman ay hindi ganap na nakamtan ninuman ang kanyang mga hangarin: Gumuguho silang lahat sa Aking harapan, tahimik na bumabagsak.
Nagsasalita Ako bawat araw, at gumagawa Ako ng mga bagong bagay bawat araw. Kung hindi aasa ang tao sa kanyang buong lakas, mahihirapan siyang marinig ang Aking tinig, at mahihirapan siyang makita ang Aking mukha. Maaaring napakaganda ng minamahal, at napakahinahon Niyang magsalita, ngunit walang kakayahan ang tao na madaling mamasdan ang Kanyang maluwalhating mukha at marinig ang Kanyang tinig. Sa paglipas ng mga kapanahunan, wala pa ni isa na madaling nakakita sa Aking mukha. Kinausap Kong minsan si Pedro at “nagpakita” Ako kay Pablo, ngunit wala nang iba—maliban sa mga Israelita—na tunay na nakakita sa Aking mukha. Ngayon, personal Akong pumarito sa tao upang mamuhay sa piling niya. Maaari kayang tila hindi ito bihira at mahalaga sa inyo? Ayaw ba ninyong gamitin ang oras ninyo sa pinakamahusay na paraan? Gusto ba ninyong lumampas ito sa inyo sa ganitong paraan? Maaari kayang biglang tumigil ang mga kamay ng orasan sa isipan ng mga tao? O maaari kayang tumakbo nang paatras ang oras? O maaari kayang maging batang muli ang tao? Maaari kayang bumalik na muli ang pinagpalang buhay ng ngayon? Hindi Ko binibigyan ang tao ng angkop na “gantimpala” para sa kanyang “basura.” Nagpupumilit lamang Akong gawin ang Aking gawain, na hiwalay sa lahat ng iba pa, at hindi Ko pinipigil ang takbo ng panahon dahil abala ang tao, o dahil sa tunog ng kanyang mga pag-iyak. Sa loob ng ilang libong taon, wala pang sinumang nakapaghati ng Aking lakas, at wala pang sinumang nakapagpataob sa orihinal Kong plano. Lalampasan Ko ang kalawakan, at sasaklawin ang mga kapanahunan, at sisimulan ang buod ng Aking buong plano kapwa sa itaas at sa lahat ng bagay. Wala ni isang tao ang nakatanggap ng espesyal na pagtrato mula sa Akin o ng “mga gantimpala” mula sa Aking mga kamay, kahit binubuksan nila ang kanilang bibig at ipinagdarasal ang mga bagay na ito, at kahit inuunat nila ang kanilang mga kamay, at kinalilimutan ang lahat ng iba pa, hinihingi nila sa Akin ang mga bagay na ito. Wala ni isa sa mga taong ito ang nakaantig sa Akin kailanman, at napaurong silang lahat ng Aking “walang-pusong” tinig. Naniniwala pa rin ang karamihan sa mga tao na “napakabata” pa nila, kaya nga hinihintay nila Akong magpakita ng malaking awa, na maging mahabagin sa kanila sa pangalawang pagkakataon, at hinihiling nila na payagan Ko silang pumasok sa di-matapat na paraan. Subalit paano Ko basta na lamang panghihimasukan ang Aking plano? Maaari Ko bang patigilin ang ikot ng mundo alang-alang sa kabataan ng tao, upang mabuhay siya ng ilang taon pa sa lupa? Napakakumplikado ng utak ng tao, subalit tila may mga bagay ring kulang dito. Dahil dito, madalas lumitaw sa isip ng tao ang “kahanga-hangang mga paraan” para sadyang gambalain ang Aking gawain.
Bagama’t maraming beses Ko nang napatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan at naipakita sa kanya ang espesyal na tulong dahil sa kanyang kahinaan, maraming panahon Ko rin siyang napaglaanan ng angkop na pagtrato dahil sa kanyang kamangmangan. Hindi lamang talaga nalaman ng tao kailanman kung paano pahalagahan ang Aking kabaitan, kaya siya nalugmok sa kasalukuyan niyang sitwasyon: balot ng alikabok, punit-punit ang kasuotan, parang mga ligaw na damo ang buhok na nakatakip sa kanyang ulo, napakarungis ng kanyang mukha, ang suot niya sa mga paa ay hindi kininis na sapatos na siya lamang ang gumawa, ang mga kamay niya ay parang mga kuko ng patay na agila na hinang-hinang nakalaylay sa kanyang tagiliran. Kapag nagmumulat Ako ng mga mata at tumitingin, parang kaaahon lamang ng tao mula sa walang-hanggang hukay. Hindi Ko mapigilang magalit: Mapagparaya na Ako sa tao noon pa man, subalit paano Ko maaaring tulutan ang diyablo na maglabas-masok sa Aking banal na kaharian kung kailan nito gusto? Paano Ko maaaring tulutan ang isang pulubi na kumain nang libre sa Aking sambahayan? Paano Ko maaaring hayaang magkaroon ng isang maruming demonyo bilang panauhin sa Aking sambahayan? Ang tao noon pa man ay naging “mahigpit sa kanyang sarili” at “maluwag sa iba,” subalit hindi siya naging magalang ni katiting sa Akin kailanman, sapagkat Ako ang Diyos sa langit, kaya nga iba ang pagtrato niya sa Akin, at hindi siya nagkaroon ng kahit katiting na pagmamahal para sa Akin kailanman. Parang sadyang mas matalas ang mga mata ng tao: Sa sandaling makaharap niya Ako, nagbabago kaagad ang hitsura ng kanyang mukha at dinaragdagan niya ng kaunti pang ekspresyon ang kanyang malamig at manhid na pagmumukha. Hindi Ako naglalapat ng angkop na mga parusa sa tao dahil sa kanyang saloobin sa Akin, kundi tumitingin lamang Ako sa kalangitan mula sa itaas ng mga sansinukob at mula roon ay isinasagawa Ko ang Aking gawain sa lupa. Sa mga alaala ng tao, hindi Ako nagpakita kailanman ng kabaitan sa sinumang tao, ngunit hindi Ko rin minaltrato ang sinuman. Dahil hindi nag-iiwan ng “bakanteng upuan” ang tao para sa Akin sa kanyang puso, kapag hindi Ako naglalakas-loob at nananahan sa kanyang kalooban, marahas niya Akong itinataboy nang sapilitan, at pagkatapos ay gumagamit siya ng magagandang salita at pambobola para makapangatwiran, na nagsasabing napakalaki ng kanyang pagkukulang at wala siyang kakayahang tustusan ang kanyang sarili para sa Aking kasiyahan. Habang nagsasalita siya, madalas matakpan ang kanyang mukha ng “madidilim na ulap,” na parang may paparating na kalamidad sa tao anumang oras. Subalit pinaaalis pa rin niya Ako, nang hindi man lamang iniisip ang mga panganib sa paligid. Kahit nagbibigay Ako sa tao gamit ang Aking mga salita at init ng Aking yakap, parang wala siyang pandinig, at sa gayon ay hindi niya pinapansin kahit bahagya ang Aking tinig, sa halip ay hawak niya ang kanyang ulo habang mabilis siyang umaalis. Nililisan Ko ang tao na medyo dismayado, ngunit medyo napopoot din. Samantala, naglalaho kaagad ang tao sa gitna ng bugso ng malalakas na unos at malalaking alon. Maya-maya pa, dumaraing siya sa Akin, ngunit paano niya maaapektuhan ang galaw ng hangin at mga alon? Unti-unti, naglaho ang lahat ng bakas ng tao, hanggang sa tuluyan na siyang mawala.
Bago ang mga kapanahunan, tumingin Ako sa lahat ng lupain mula sa itaas ng mga sansinukob. Nagplano Ako ng isang malaking gawain sa lupa: ang paglikha ng isang sangkatauhan na naaayon sa sarili Kong puso, at ang pagtatayo ng isang kaharian sa lupa na katulad noong nasa langit, na nagtutulot na mapuno ng Aking kapangyarihan ang kalangitan at lumaganap ang Aking karunungan sa buong sansinukob. Kaya ngayon, pagkaraan ng libu-libong taon, nagpapatuloy Ako sa Aking plano. Subalit walang nakakaalam sa Aking plano o pamamahala sa lupa, at lalong hindi nila nakikita ang Aking kaharian sa lupa. Dahil dito, walang napapala ang tao, at lumalapit sa Aking harapan upang subukang lokohin Ako, na nagnanais na magbayad ng “suhol” para sa mga Aking pagpapala sa langit. Dahil dito, pinupukaw niya ang Aking poot at hinahatulan Ko siya, ngunit hindi pa rin siya nagigising. Para bang nagtatrabaho siya sa ilalim ng lupa, ganap na walang nalalaman tungkol sa nasa ibabaw ng lupa habang wala siyang ibang pinagsisikapang matamo kundi ang sarili niyang mga inaasam. Sa lahat ng tao, wala Akong nakitang sinuman kailanman na nabubuhay sa ilalim ng Aking nagniningning na liwanag. Nabubuhay sila sa isang mundo ng kadiliman, at tila nasanay na sila sa pamumuhay sa gitna ng dilim. Kapag dumarating ang liwanag nananatili sila sa malayo, at para bang nakagambala ang liwanag sa kanilang gawain; dahil dito, medyo naiinis sila, na para bang nabasag ng liwanag ang lahat ng kanilang kapayapaan at iniwan silang hindi makatulog nang mahimbing. Dahil dito, ibinubuhos ng tao ang lahat ng kanyang lakas upang itaboy ang liwanag. Tila kulang din sa kamalayan ang liwanag, kaya nga ginigising nito ang tao mula sa kanyang pagtulog, at kapag nagising ang tao, nagpipikit siya ng mga mata, na nadaraig ng galit. Medyo hindi siya nalulugod sa Akin, subalit sa puso Ko ay alam Ko ang totoo. Unti-unti Kong pinatitindi ang liwanag, kaya lahat ng tao ay nabubuhay sa gitna ng Aking liwanag, kaya hindi nagtagal ay nasasanay sila sa pakikihalubilo sa liwanag, at, bukod pa riyan, pinahahalagahan ng lahat ang liwanag. Sa panahong ito, dumating ang Aking kaharian sa tao, lahat ng tao ay masayang nagsasayawan at nagdiriwang, biglang napuno ng kasayahan ang lupa, at ang libu-libong taon ng katahimikan ay binasag ng pagdating ng liwanag …
Marso 26, 1992