Kabanata 22

Nabubuhay ang tao sa gitna ng liwanag, subalit hindi niya namamalayan ang kahalagahan ng liwanag. Wala siyang alam tungkol sa diwa ng liwanag, at sa pinagmumulan ng liwanag, at, bukod pa riyan, kung kanino ang liwanag na ito. Kapag ipinagkakaloob Ko ang liwanag sa tao, agad Kong sinusuri ang mga kundisyon ng tao: Dahil sa liwanag, lahat ng tao ay nagbabago at lumalago, at nilisan na ang kadiliman. Tinitingnan Ko ang bawat sulok ng sansinukob, at nakikita Ko na ang kabundukan ay nakabalot sa hamog, na ang mga tubig ay nagyelo na sa gitna ng lamig, at na, dahil sa pagdating ng liwanag, tumitingin ang mga tao sa Silangan, na nagbabaka-sakaling makatuklas pa ng isang bagay na mas mahalaga—subalit ang tao ay hindi pa rin makahiwatig ng malinaw na direksyon sa loob ng hamog. Dahil nalulukuban ng hamog ang buong mundo, kapag tumitingin Ako mula sa mga ulap, walang taong nakatutuklas sa Aking pag-iral kailanman. May hinahanap na isang bagay ang tao sa lupa; tila mayroon siyang sinisiyasat; mukhang layon niyang hintayin ang Aking pagdating—subalit hindi niya alam ang Aking araw, at makakatingin lamang siya nang madalas sa kislap ng liwanag sa Silangan. Sa lahat ng tao, hinahanap Ko yaong mga tunay na nakaayon sa Aking sariling puso. Nabubuhay Ako sa piling ng lahat ng tao, at naninirahan sa piling ng lahat ng tao, ngunit ligtas at matiwasay ang tao sa lupa, kaya nga walang sinumang tunay na nakaayon sa Aking sariling puso. Hindi alam ng mga tao kung paano magmalasakit sa Aking kalooban, hindi nila makita ang Aking mga kilos, at hindi sila makagalaw sa loob ng liwanag at masinagan ng liwanag. Bagama’t palaging pinahahalagahan ng tao ang Aking mga salita, wala siyang kakayahang maaninag ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas; dahil ang tayog ng tao ay napakababa, hindi niya magawa ang minimithi ng kanyang puso. Hindi Ako tapat na minahal ng tao kailanman. Kapag itinataas Ko siya, pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat, ngunit hindi niya sinusubukang palugurin Ako dahil dito. Hawak lamang niya ang “katayuan” na naibigay Ko sa kanyang mga kamay at sinusuri ito; hindi nadarama ang Aking pagiging kaibig-ibig, sa halip ay nagpupumilit siyang magpakabundat sa mga pakinabang ng kanyang katayuan. Hindi ba ito ang kakulangan ng tao? Kapag gumagalaw ang mga bundok, maaari ba silang lumihis ng daan para sa kapakanan ng iyong katayuan? Kapag dumadaloy ang mga tubig, maaari bang huminto ang mga ito sa harap ng katayuan ng tao? Mababaligtad ba ng katayuan ng tao ang kalangitan at ang lupa? Minsan Akong naging maawain sa tao, nang paulit-ulit—subalit walang sinumang nagmamahal o nagpapahalaga rito. Pinakinggan lamang nila ito bilang isang kuwento, o binasa ito bilang isang nobela. Hindi ba talaga naaantig ng Aking mga salita ang puso ng tao? Talaga bang walang bisa ang Aking mga pagbigkas? Maaari kayang walang sinumang naniniwala sa Aking pag-iral? Hindi mahal ng tao ang kanyang sarili; sa halip, nakikiisa siya kay Satanas para lusubin Ako, at ginagamit si Satanas bilang isang “pag-aari” upang paglingkuran Ako. Papasukin Ko ang lahat ng mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, at pipigilan ang mga tao sa lupa na tanggapin ang mga panlilinlang ni Satanas, upang hindi sila kumalaban sa Akin dahil sa pag-iral nito.

Sa kaharian, Ako ay Hari—ngunit sa halip na tratuhin Ako bilang Hari nito, tinatrato Ako ng tao bilang “Tagapagligtas na bumaba na mula sa langit.” Dahil dito, nasasabik siyang bigyan Ko siya ng limos at hindi nagsisikap na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Akin. Napakarami nang nagsumamo sa Aking harapan na parang mga pulubi; napakarami nang nagbukas ng kanilang “sako” sa Akin at nakiusap na bigyan Ko sila ng pagkain para mabuhay; napakaraming nagtuon ng kanilang gahamang mga mata sa Akin na parang gutom na mga lobo, na minimithing lamunin Ako at busugin ang kanilang tiyan; napakarami nang nagyuko ng kanilang ulo nang tahimik dahil sa kanilang mga paglabag at nakaramdam ng hiya, nagdarasal na kaawaan Ko sila, o kusang-loob na tinatanggap ang Aking pagkastigo. Kapag inilalabas Ko ang Aking mga pagbigkas, nagmumukhang kabaliwan ang iba’t ibang kalokohan ng tao, at nahahayag ang kanyang tunay na anyo sa loob ng liwanag; at sa nagniningning na liwanag, hindi mapatawad ng tao ang kanyang sarili. Sa gayon, nagmamadali siyang humarap sa Akin upang yumukod at ikumpisal ang kanyang mga kasalanan. Dahil sa “katapatan” ng tao, muli Ko siyang inilagay sa karwahe ng kaligtasan, at dahil dito ay nagpapasalamat siya sa Akin, at pinupukol Ako ng mapagmahal na sulyap. Subalit ayaw pa rin niyang tunay na humanap ng kanlungan sa Akin, at hindi pa niya lubos na naibibigay ang kanyang puso sa Akin. Ipinagyayabang lamang niya Ako, subalit hindi niya Ako tunay na mahal, sapagkat hindi pa niya naibaling ang kanyang isipan sa Akin; ang kanyang katawan ay nasa Aking harapan, subalit ang kanyang puso ay nasa Aking likuran. Dahil ang pang-unawa ng tao sa mga panuntunan ay kulang na kulang at wala siyang interes na humarap sa Akin, binibigyan Ko siya ng angkop na suporta, upang makabaling siya sa Akin mula sa gitna ng kanyang mapilit na kamangmangan. Ito mismo ang awang ibinibigay Ko sa tao, at ang pamamaraang ginagamit Ko sa pagsusumikap na iligtas siya.

Ipinagdiriwang ng mga tao sa buong sansinukob ang pagdating ng Aking araw, at lumalakad ang mga anghel sa piling ng lahat ng tao Ko. Kapag nagsasanhi ng kaguluhan si Satanas, ang mga anghel, dahil sa kanilang paglilingkod sa langit, ay laging tumutulong sa Aking mga tao. Hindi sila nalilinlang ng diyablo dahil sa kahinaan ng tao ngunit, dahil sa mabangis na pagsalakay ng mga puwersa ng kadiliman, lalo silang nagsisikap na maranasan ang buhay ng tao sa kabila ng hamog. Nagpapasakop ang lahat ng Aking tao sa ilalim ng Aking pangalan, at walang sinumang nag-aaklas upang lantaran Akong kalabanin. Dahil sa pagpapagal ng mga anghel, tinatanggap ng tao ang Aking pangalan, at lahat ay nasa gitna ng daloy ng Aking gawain. Bumabagsak ang sanlibutan! Paralisado ang Babilonia! Ah, ang relihiyosong mundo! Paanong hindi ito mawawasak ng Aking awtoridad sa lupa? Sino ang nangangahas pa ring sumuway at kumalaban sa Akin? Ang mga eskriba? Lahat ng opisyal ng mga relihiyon? Ang mga pinuno at awtoridad sa lupa? Ang mga anghel? Sino ang hindi nagdiriwang sa pagkaperpekto at kapuspusan ng Aking katawan? Sa lahat ng tao, sino ang hindi umaawit ng mga papuri sa Akin nang walang tigil, sino ang walang maliw ang kaligayahan? Naninirahan Ako sa lupain ng pugad ng malaking pulang dragon, subalit hindi ito nagiging sanhi na manginig Ako sa takot o tumakbo palayo, sapagkat lahat ng tao nito ay nagsimula nang masuklam dito. Hindi kailanman nagampanan ng anuman ang “tungkulin” nito sa harap ng dragon para sa kapakanan ng dragon; sa halip, lahat ng bagay ay kumikilos ayon sa nakikita nilang angkop, at bawat isa ay gumagawa sa sarili nitong paraan. Paanong hindi malilipol ang mga bansa sa mundo? Paanong hindi babagsak ang mga bansa sa lupa? Paanong hindi magbubunyi ang Aking mga tao? Paanong hindi sila aawit nang may kagalakan? Gawain ba ito ng tao? Mga kamay ba ng tao ang gumagawa nito? Ibinigay Ko sa tao ang ugat ng kanyang pag-iral, at pinagkalooban Ko siya ng mga materyal na bagay, subalit hindi siya nasiyahan sa kanyang kasalukuyang sitwasyon at hinihiling niyang makapasok sa Aking kaharian. Ngunit paano siya makakapasok sa Aking kaharian nang napakadali, nang walang isinasakripisyo, nang hindi handang ialay ang kanyang di-makasariling debosyon? Sa halip na maningil ng anuman sa tao, gumagawa Ako ng mga hinihingi sa kanya, upang mapuspos ng kaluwalhatian ang Aking kaharian sa lupa. Nagabayan Ko ang tao tungo sa kasalukuyang kapanahunan, umiiral siya sa ganitong kundisyon, at nabubuhay siya sa patnubay ng Aking liwanag. Kung hindi nagkaganito, sino sa mga tao sa lupa ang makakaalam sa kanilang mga inaasam? Sino ang makakaunawa sa Aking kalooban? Idinaragdag Ko ang Aking mga panustos sa mga kinakailangan ng tao; hindi ba ito naaayon sa mga batas ng kalikasan?

Kahapon, nabuhay kayo sa gitna ng hangin at ulan; ngayon, nakapasok na kayo sa Aking kaharian at naging mga tao nito; at bukas, matatamasa ninyo ang Aking mga pagpapala. Sino ang nakaisip ng gayong mga bagay? Gaano karaming kagipitan at paghihirap ang mararanasan ninyo sa inyong buhay—alam ba ninyo? Sumusulong Ako sa gitna ng hangin at ulan, at nakisalamuha sa tao taun-taon, at nakarating na sa panahong ito. Hindi ba ito mismo ang mga hakbang ng Aking plano ng pamamahala? Sino na ang nakaragdag sa Aking plano? Sino ang makakahiwalay mula sa mga hakbang ng Aking plano? Nakatahan Ako sa puso ng daan-daang milyong tao, Ako ay Hari sa daan-daang milyong tao, at tinanggihan na Ako at siniraang-puri ng daan-daang milyong tao. Wala talaga ang Aking larawan sa kaibuturan ng puso ng tao. Bahagya lamang ang pagkahiwatig ng tao sa Aking maluwalhating anyo sa Aking mga salita, ngunit dahil nagugulo ng kanyang mga saloobin, wala siyang tiwala sa kanyang sariling damdamin; malabo lamang Ako sa kanyang puso, ngunit hindi ito nagtatagal doon. Kaya nga, ganito rin ang kanyang pagmamahal sa Akin: Ang kanyang pagmamahal sa Aking harapan ay mukhang pasumpung-sumpong, na para bang minahal Ako ng bawat tao ayon sa kanyang sariling pag-uugali, na para bang ang kanyang pagmamahal ay pakindat-kindat sa ilalim ng malabong liwanag ng buwan. Ngayon, dahil lamang sa Aking pagmamahal kaya ang tao ay nananatili at nagkaroon na ng mabuting kapalaran upang mabuhay. Kung hindi nagkaganito, sino sa sangkatauhan ang hindi mapuputol ng liwanag ng laser dahil sa kanilang patpating katawan? Hindi pa rin kilala ng tao ang kanyang sarili. Nagpapasikat siya sa Akin, at nagmamayabang habang nakatalikod Ako, subalit walang sinumang nangangahas na kumalaban sa Akin sa Aking harapan. Gayunman, hindi alam ng tao ang kahulugan ng pagkalaban na Aking binabanggit; sa halip, patuloy niya Akong sinusubukang lokohin, at patuloy na itinataas ang kanyang sarili—dito, hindi ba siya lantarang kumakalaban sa Akin? Nagpaparaya Ako sa kahinaan ng tao, ngunit hindi Ako maluwag ni katiting sa pagkalabang siya mismo ang gumagawa. Bagama’t alam niya ang kahulugan nito, ayaw niyang kumilos alinsunod sa kahulugang ito at kumikilos lamang ayon sa kanyang gusto, at nililinlang ako. Nililinaw Ko ang Aking disposisyon sa Aking mga salita sa lahat ng oras, subalit ayaw tumanggap ng pagkatalo ang tao—kasabay nito, ipinapakita niya ang kanyang disposisyon. Sa gitna ng Aking paghatol, lubos na makukumbinsi ang tao, at sa gitna ng Aking pagkastigo, isasabuhay niya sa wakas ang Aking larawan at magiging pagpapakita Ko sa lupa!

Marso 22, 1992

Sinundan: Kabanata 21

Sumunod: Kabanata 23

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito