Kabanata 27
Hindi kailanman naantig ng pag-uugali ng tao ang Aking puso, ni hindi Ko kailanman naisip na mahalaga ito. Sa mga mata ng tao, lagi Akong mahigpit sa kanya, at lagi Akong gumagamit ng awtoridad sa kanya. Sa lahat ng kilos ng tao, halos walang anumang nagagawa para sa Aking kapakanan, halos walang anumang naninindigan sa Aking harapan. Sa bandang huli, babagsak nang tahimik sa Aking harapan ang lahat ng bagay na nauukol sa tao; ipinamamalas Ko lamang ang Aking mga kilos pagkatapos niyon, kaya nakikilala Ako ng lahat sa pamamagitan ng sarili nilang kabiguan. Ang likas na pagkatao ng tao ay nananatiling hindi nagbabago. Ang nasa puso nila ay hindi alinsunod sa Aking kalooban—hindi iyon ang kailangan Ko. Ang kinamumuhian Ko sa lahat ay ang katigasan ng ulo at pagbalik sa dating gawi ng tao, ngunit anong puwersa ang nag-uudyok sa sangkatauhan na patuloy na mabigong makilala Ako, na lagi Akong layuan, at hindi kailanman kumikilos ayon sa Aking kalooban sa Aking harapan kundi sa halip ay nilalabanan Ako pagtalikod Ko? Ito ba ang kanilang katapatan? Ito ba ang pagmamahal nila para sa Akin? Bakit hindi sila makapagsisi at maisilang na muli? Bakit handang mamuhay ang mga tao sa latian magpakailanman sa halip na sa isang lugar na hindi maputik? Naging masama kaya ang naging pagtrato Ko sa kanila? Mali kaya ang direksyong naituro Ko sa kanila? Inaakay Ko kaya sila sa impiyerno? Lahat ay handang manirahan sa “impiyerno.” Kapag dumarating ang liwanag, dagling nabubulag ang kanilang mga mata, dahil lahat ng bagay na nasa kanilang kalooban ay nagmumula sa impiyerno. Subalit walang alam ang mga tao tungkol dito, at nagtatamasa lamang ng mga “pagpapala ng impiyerno.” Hinahapit pa nila ang mga ito sa kanilang dibdib bilang mga kayamanan, sa takot na baka agawin Ko ang mga kayamanang ito, kaya naiiwan silang walang “pinagmulan ng kanilang buhay.” Lahat ng tao ay takot sa Akin, kaya nga, kapag pumaparito Ako sa lupa, nananatili silang malayo sa Akin, sapagkat ayaw nilang “maghatid ng problema sa sarili nila,” kundi sa halip ay nais nilang mapanatili ang pagkakasundo sa kanilang pamilya upang magtamasa sila ng “kaligayahan sa lupa.” Ngunit hindi Ko mapapayagan ang sangkatauhan na gawin ang gusto nila, yamang ang pagwasak sa pamilya ng tao ang mismong dahilan kaya Ako narito. Mula nang dumating Ako, nawala ang kapayapaan sa kanilang tahanan. Balak Kong durugin ang lahat ng bansa sa maliliit na piraso, pati na ang pamilya ng tao. Sino ang makakatakas sa Aking pagdakma? Maaari kayang makatakas yaong mga tumatanggap ng mga pagpapala dahil sa kanilang pag-ayaw? Maaari kayang matamo ng mga nagdaranas ng pagkastigo ang Aking simpatiya dahil sa kanilang takot? Sa lahat ng Aking salita, nakita na ng mga tao ang Aking kalooban at Aking mga kilos, ngunit sino ang makakahulagpos kailanman sa gusot ng sarili nilang mga kaisipan? Sino ang makakahanap ng paraan kailanman para makalabas mula sa loob o labas ng Aking mga salita?
Naranasan na ng mga tao ang Aking kagiliwan, taimtim na Akong pinaglingkuran ng tao, at taimtim nang nagpasakop ang tao sa Aking harapan, na ginagawa ang lahat para sa Akin sa Aking presensya. Subalit hindi ito magawa ng mga tao ngayon; wala silang ginagawa kundi manangis sa kanilang espiritu na para bang naagaw sila ng isang gutom na lobo, at nakakatingin lamang sila sa Akin na walang magawa, na walang-tigil na nananawagan sa Akin. Ngunit sa huli, hindi nila matakasan ang kanilang masamang kalagayan. Naaalala Ko kung paano nangako ang mga tao noong araw sa Aking presensya, na sumusumpa sa langit at lupa sa Aking presensya upang suklian ng kanilang pagmamahal ang Aking kabaitan. Malungkot silang nanangis sa Aking harapan, at ang tunog ng kanilang mga pagtangis ay nakakadurog ng puso, mahirap tiisin. Dahil sa kanilang matibay na pagpapasiya, madalas Kong tulungan ang sangkatauhan. Sa maraming pagkakataon, humarap sa Akin ang mga tao upang magpasakop sa Akin, at mahirap kalimutan ang kanilang kaibig-ibig na paraan. Sa maraming pagkakataon, minahal na nila Ako, na may matibay na katapatan, kahanga-hanga ang kanilang kasigasigan. Sa maraming pagkakataon, minahal na nila Ako hanggang sa punto na isakripisyo nila ang buhay nila mismo, minahal na nila Ako nang higit sa kanilang sarili—at nang makita Ko ang kanilang katapatan, tinanggap Ko na ang kanilang pagmamahal. Sa maraming pagkakataon, inialay na nila ang kanilang sarili sa Aking presensya, alang-alang sa Akin ay hindi sila nabahala sa harap ng kamatayan, at pinalis Ko ang pag-aalala sa kanilang mukha at maingat Kong sinuri ang kanilang kalagayan. Maraming pagkakataon Ko na silang minahal na parang isang natatanging kayamanan, at maraming pagkakataon Ko na silang kinamuhian bilang sarili Kong kaaway. Gayunpaman, hindi pa rin naaarok ng tao ang nasa Aking isipan. Kapag nalulungkot ang mga tao, dumarating Ako upang aliwin sila, at kapag mahina sila, dumarating Ako upang tulungan sila. Kapag naliligaw sila, binibigyan Ko sila ng direksyon. Kapag nananangis sila, pinupunasan Ko ang kanilang mga luha. Ngunit kapag nalulungkot Ako, sino ang makakaaliw sa Akin nang taos-puso? Kapag labis Akong nag-aalala, sino ang nagsasaalang-alang sa Aking damdamin? Kapag nalulungkot Ako, sino ang makakapawi sa sugatan Kong puso? Kapag kailangan Ko ang isang tao, sino ang nagkukusang tumulong sa Akin? Maaari kayang nawala na ang dating saloobin sa Akin ng mga tao, at hindi na ito mabalik kailanman? Bakit wala nang anumang natitira nito sa kanilang alaala? Paano nalimutan ng mga tao ang lahat ng bagay na ito? Hindi kaya lahat ng ito ay dahil ginawang tiwali ng kanyang kaaway ang sangkatauhan?
Kapag ang mga anghel ay tumutugtog ng musika ng papuri sa Akin, hindi nito mapigilang pukawin ang Aking awa sa tao. Biglang napupuspos ng kalungkutan ang puso Ko, at imposibleng mapawi Ko sa Aking sarili ang masakit na damdaming ito. Sa mga kagalakan at kalungkutan ng mahiwalay at pagkatapos ay makasamang muli ang tao, hindi namin nagawang magpalitan ng mga damdamin. Magkabukod sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba, bihira Kong makatagpo ang tao. Sino ang makakahulagpos sa paggunita sa mga dating damdamin? Sino ang makakapigil sa pag-alaala sa nakaraan? Sino ang hindi aasam sa pagpapatuloy ng mga damdamin ng nakaraan? Sino ang hindi mananabik sa Aking pagbalik? Sino ang hindi aasam na makasama Akong muli ng tao? Labis na nababagabag ang puso Ko, at labis na nag-aalala ang espiritu ng tao. Bagama’t magkapareho sa espiritu, hindi kami maaaring magkasama nang madalas, at hindi namin makikita nang madalas ang isa’t isa. Sa gayon ay puno ng dalamhati at walang sigla ang buhay ng buong sangkatauhan, sapagkat lagi nang nananabik ang tao sa Akin. Para bang ang mga tao ay mga bagay na bumagsak mula sa langit; isinisigaw nila ang Aking pangalan sa lupa, tumitingala sila sa Akin mula sa lupa—ngunit paano nila matatakasan ang mga panga ng gutom na gutom na lobo? Paano sila makakahulagpos mula sa mga banta at panunukso nito? Paanong hindi isasakripisyo ng mga tao ang kanilang sarili dahil sa pagsunod sa pagkakaayos ng Aking plano? Kapag malakas silang nagmamakaawa, inilalayo Ko ang Aking tingin mula sa kanila, hindi Ko na matiis na tingnan pa sila; ngunit paanong hindi Ko maririnig ang kanilang mga pag-iyak? Itatama Ko ang mga kawalang-katarungan sa mundo ng tao. Gagawin Ko mismo ang Aking gawain sa buong mundo, pagbabawalan Ko si Satanas na muling saktan ang Aking mga tao, pagbabawalan Ko ang mga kaaway na muling gawin ang anumang gusto nila. Magiging Hari Ako sa lupa at ililipat Ko ang Aking luklukan doon, papangyayarihin Kong magpatirapa sa lupa ang lahat ng kaaway Ko at paaaminin Ko sa mga krimen nila sa Aking harapan. Sa Aking kalungkutan, na may kahalong galit, tatapakan Ko ang buong sansinukob, na wala ni isang matitira, at sisindakin Ko ang puso ng Aking mga kaaway. Paguguhuin Ko ang buong mundo, at pababagsakin Ko ang Aking mga kaaway sa mga guho, upang mula ngayon ay hindi na nila magawang tiwali ang sangkatauhan. Buo na ang Aking plano, at hindi ito dapat baguhin ng sinuman, maging sino man sila. Habang naglilibot Ako sa maringal na seremonya sa ibabaw ng sansinukob, gagawing bago ang buong sangkatauhan, at lahat ay bubuhaying muli. Hindi na iiyak ang tao, hindi na sila hihingi ng tulong sa Akin. Sa gayon ay magagalak ang Aking puso, at babalik ang mga tao upang ipagdiwang Ako. Magbubunyi ang buong sansinukob, mula itaas hanggang ibaba, dahil sa kagalakan …
Ngayon, sa mga bansa ng mundo, ginagawa Ko ang gawaing naitakda Kong isakatuparan. Naglilibot Ako sa gitna ng sangkatauhan, ginagawa Ko ang lahat ng gawain sa loob ng Aking plano, at pinagwawatak-watak ng buong sangkatauhan ang iba’t ibang bansa ayon sa Aking kalooban. Nakatutok ang pansin ng mga tao sa lupa sa sarili nilang hantungan, sapagkat tunay ngang papalapit na ang araw at hinihipan ng mga anghel ang kanilang trumpeta. Hindi na magkakaroon ng mga pagkaantala, at dahil doon ay magsisimulang magsayawan sa galak ang lahat ng nilikha. Sino ang makapagpapalawig nang kusa sa Aking araw? Isang taga-lupa? O ang mga bituin sa himpapawid? O ang mga anghel? Kapag Ako ay gumagawa ng isang pahayag upang simulan ang pagliligtas sa mga tao ng Israel, nalalapit na ang araw Ko sa buong sangkatauhan. Kinatatakutan ng bawat tao ang pagbalik ng Israel. Kapag nagbalik ang Israel, iyon ang magiging araw ng Aking kaluwalhatian, at sa gayon, iyon din ang magiging araw kung kailan lahat ng bagay ay nagbabago at napapanibago. Sa napipintong pagdating ng matuwid na paghatol sa buong sansinukob, pinanghihinaan ng loob at natatakot ang lahat ng tao, dahil sa mundo ng tao, wala pang nakarinig tungkol sa katuwiran. Kapag nagpakita ang Araw ng katuwiran, magliliwanag ang Silangan, at pagkatapos ay liliwanagan nito ang buong sansinukob, na umaabot sa lahat. Kung talagang maisasagawa ng tao ang Aking katuwiran, ano ang dapat ikatakot? Hinihintay ng Aking mga tao ang pagsapit ng araw Ko, inaasam nilang lahat ang pagdating ng araw Ko. Hinihintay nila Akong maghiganti sa buong sangkatauhan at planuhin ang hantungan ng sangkatauhan sa Aking papel bilang Araw ng katuwiran. Nagkakahugis ang Aking kaharian sa ibabaw ng buong sansinukob, at sinasakop ng Aking luklukan ang puso ng milyun-milyong tao. Sa tulong ng mga anghel, malapit nang magtagumpay ang Aking dakilang gawain. Sabik na hinihintay ng lahat ng Aking mga anak at Aking mga tao ang Aking pagbalik, inaasam na muli nila Akong makasama, upang hindi na muling magkahiwalay kailanman. Paanong hindi mag-uunahan ang napakaraming tao ng Aking kaharian patungo sa isa’t isa sa masayang pagdiriwang dahil makakasama nila Akong muli? Isa kaya itong muling pagsasama na hindi kailangang tumbasan ng anumang halaga? Ako ay marangal sa mga mata ng lahat ng tao, ipinahahayag Ako sa mga salita ng lahat. Bukod pa riyan, sa Aking pagbalik, lulupigin Ko ang lahat ng puwersa ng kaaway. Dumating na ang panahon! Pakikilusin Ko ang Aking gawain, mamamahala Ako bilang Hari sa gitna ng mga tao! Pabalik na Ako! At paalis na Ako! Ito ang inaasam ng lahat, ito ang kanilang nais. Ipamamalas Ko sa buong sangkatauhan ang pagsapit ng Aking araw, at sasalubungin nilang lahat ang pagdating ng Aking araw nang may kagalakan!
Abril 2, 1992