Kabanata 28
Nang dumating Ako mula sa Sion, hinintay Ako ng lahat ng bagay, at nang bumalik Ako sa Sion, binati Ako ng lahat ng tao. Nang dumating Ako at bumalik, ang Aking mga hakbang ay hindi kailanman hinadlangan ng mga bagay na salungat sa Akin, at mula noon ay sumulong nang maayos ang Aking gawain. Ngayon, kapag dumarating Ako sa lahat ng nilalang, sinasalubong Ako ng katahimikan ng lahat ng bagay, na lubhang natatakot na muli Akong lumisan at sa gayon ay mawawala sa kanila yaong inaasahan nilang suporta. Sinusunod ng lahat ng bagay ang Aking patnubay, at minamatyagan ng lahat ang direksyong itinuturo ng Aking kamay. Ang mga salitang nagmumula sa Aking bibig ay ginawang perpekto ang maraming nilalang at kinastigo ang maraming anak ng pagsuway. Sa gayon, lahat ng tao ay nakatitig na mabuti sa Aking mga salita, at nakikinig nang husto sa mga pahayag mula sa Aking bibig, at takot na takot na lumampas ang magandang pagkakataong ito. Dahil dito kaya Ako patuloy na nagsasalita, upang maisakatuparan nang mas mabilis ang Aking gawain, at upang lumitaw nang mas maaga ang nakalulugod na mga kundisyon sa mundo at lunasan ang mga tagpo ng kapanglawan sa daigdig. Kapag tumitingin Ako sa kalangitan, iyon ang pagkakataon na minsan Ko pang haharapin ang sangkatauhan; lahat ng lupain ay mapupuno kaagad ng sigla, wala nang alikabok sa hangin, at hindi na nababalot ng putik ang lupa. Magniningning kaagad ang Aking mga mata, kaya titingalain Ako ng mga tao sa lahat ng lupain at kakanlong sa Akin. Sa mga tao sa mundo ngayon—kabilang na ang lahat ng nasa Aking sambahayan—sino ang tunay na kumakanlong sa Akin? Sino ang nagbibigay ng kanilang puso bilang kapalit ng halaga na Aking nabayaran? Sino ang nakatahan na nang payapa sa loob ng Aking sambahayan? Sino ang tunay na nag-alay na ng kanilang sarili sa Aking harapan? Kapag may hinihingi Ako sa tao, agad siyang nagsasara ng kanyang “maliit na kamalig.” Kapag nagbibigay Ako sa tao, agad niyang binubuksan ang kanyang bibig upang lihim na kunin ang Aking mga kayamanan, at madalas manginig ang kanyang puso, sa sobrang takot na baka gantihan Ko siya. Kaya ang bibig ng tao ay nakabuka nang bahagya at nakasara nang bahagya, at wala siyang kakayahang tunay na tamasahin ang mga kayamanang ipinagkakaloob Ko. Hindi Ko pinarurusahan kaagad ang tao, subalit lagi niyang hinahatak ang Aking kamay at hinihiling na maawa Ako sa kanya; kapag nagsusumamo sa Akin ang tao, saka lamang Ako muling nagkakaloob ng “awa” sa kanya, at nagbibigay sa kanya ng pinakamabagsik na mga salita ng Aking bibig, kaya agad siyang nahihiya, at, dahil wala siyang kakayahang tanggapin nang tuwiran ang Aking “awa,” sa halip ay hinahayaan niyang ipasa ito sa kanya ng iba. Kapag lubusan na niyang naunawaan ang lahat ng Aking salita, nagiging akma ang tayog ng tao sa mga naisin Ko, at mabunga ang kanyang mga pagsusumamo, at hindi walang kabuluhan o walang saysay; pinagpapala Ko ang mga pagsusumamo ng sangkatauhan na taos-puso, yaong mga hindi pakunwari.
Kumikilos at nagsasalita na Ako sa nakalipas na mga kapanahunan, subalit hindi pa narinig ng tao kailanman ang mga pahayag na binibigkas Ko ngayon, at hindi pa niya natikman kailanman ang Aking pagiging maharlika at paghatol. Bagama’t may narinig nang mga alamat ang ilang tao sa mundo noong araw tungkol sa Akin, wala pang sinumang tunay na nakatuklas sa lawak ng Aking kayamanan. Bagama’t naririnig ng mga tao ngayon ang mga salitang nagmumula sa Aking bibig, nananatili silang walang alam kung ilang mga hiwaga ang nasa Aking bibig, at sa gayon ay itinuturing ang Aking bibig na isang kornukopya. Nais ng lahat ng tao na makakuha ng isang bagay mula sa Aking bibig. Mga lihim man ito ng kalagayan, o mga hiwaga ng langit, o mga puwersa ng espirituwal na mundo, o hantungan ng sangkatauhan, gustong matanggap ng lahat ng tao ang gayong mga bagay. Kaya, kung sama-sama Kong titipunin ang mga tao at magbabahagi Ako ng “mga kuwento” sa kanila, agad silang babangon mula sa kanilang “banig ng karamdaman” upang marinig ang Aking daan. Napakaraming kulang sa kalooban ng tao: Hindi lamang “mga suplementong pangkalusugan” ang kanyang kailangan, kundi higit pa riyan, kailangan niya ng “suportang pangkaisipan” at ng “espirituwal na panustos.” Ito ang kulang sa lahat ng tao; ito ang “sakit” ng lahat ng tao. Naglalaan Ako ng lunas para sa sakit ng tao upang magkamit ng mas magagandang epekto, para lahat ay maipanumbalik sa kalusugan, at, salamat sa Aking lunas, makabalik sila sa pagiging normal. Talaga bang namumuhi kayo sa malaking pulang dragon? Talaga bang tunay ninyong kinamumuhian ito? Bakit ba napakaraming beses Ko na kayong natanong? Bakit Ko ba palaging itinatanong sa inyo ang bagay na ito, nang paulit-ulit? Anong imahe ng malaking pulang dragon ang nasa inyong puso? Talaga bang naalis na ito? Talaga bang hindi ninyo ito itinuturing na inyong ama? Dapat mahiwatigan ng lahat ng tao ang layunin Ko sa Aking mga tanong. Hindi ito para pukawin ang galit ng mga tao, ni hindi para mag-udyok ng paghihimagsik sa tao, ni hindi para matagpuan ng tao ang kanyang sariling daan palabas, kundi para tulutan ang lahat ng tao na palayain ang kanilang sarili mula sa pagkaalipin sa malaking pulang dragon. Subalit hindi dapat mag-alala ang sinuman. Lahat ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng Aking mga salita; walang sinumang tao ang maaaring makibahagi, at walang taong makakagawa ng gawaing Aking isasagawa. Lilinisin Ko ang hangin sa lahat ng lupain at pupuksain Ko ang lahat ng bakas ng mga demonyo sa lupa. Nagsimula na Ako, at uumpisahan Ko ang unang hakbang ng Aking gawain ng pagkastigo sa tirahan ng malaking pulang dragon. Kaya makikita na sumapit na ang Aking pagkastigo sa buong sansinukob, at na ang malaking pulang dragon at lahat ng uri ng mga karumal-dumal na espiritu ay mawawalan ng lakas na takasan ang Aking pagkastigo, sapagkat nakatingin Ako sa lahat ng lupain. Kapag natapos na ang Aking gawain sa lupa, ibig sabihin, kapag nagwakas na ang panahon ng paghatol, pormal Kong kakastiguhin ang malaking pulang dragon. Makikita ng Aking mga tao ang matuwid Kong pagkastigo sa malaking pulang dragon, siguradong magbubuhos sila ng papuri dahil sa Aking pagkamatuwid, at siguradong pupurihin nila ang Aking banal na pangalan magpakailanman dahil sa Aking pagkamatuwid. Dahil dito ay pormal ninyong gagampanan ang inyong tungkulin, at pormal ninyo Akong pupurihin sa buong lupain, magpakailan pa man!
Kapag ang panahon ng paghatol ay umabot na sa rurok nito, hindi Ko mamadaliin ang pagtapos sa Aking gawain, kundi isasama Ko rito ang katibayan ng panahon ng pagkastigo at tutulutan Kong makita ng lahat ng tao Ko ang katibayang ito; dito lalabas ang mas malaking bunga. Ang katibayang ito ang kaparaanang gagamitin Ko sa pagkastigo sa malaking pulang dragon, at hahayaan Kong mamasdan ito ng Aking mga tao sa sarili nilang mga mata upang mas malaman nila ang Aking disposisyon. Ang panahon na matatamasa Ako ng Aking mga tao ay kapag kinastigo ang malaking pulang dragon. Plano Kong gawing dahilan ito upang magbangon at maghimagsik ang mga tao ng malaking pulang dragon, at ito ang pamamaraang ginagamit Ko upang gawing perpekto ang Aking mga tao, at magandang pagkakataon ito upang lumago sa buhay ang lahat ng tao Ko. Kapag lumitaw ang maliwanag na buwan, agad mababasag ang katahimikan ng gabi. Bagama’t pilas-pilas ang buwan, masaya ang tao, at nakaupo nang matiwasay sa ilalim ng liwanag ng buwan, hinahangaan ang magandang tanawin sa liwanag ng buwan. Hindi mailalarawan ng tao ang kanyang mga damdamin; para bang nais niyang alalahanin ang nakaraan, para bang nais niyang asamin ang kinabukasan, para bang nasisiyahan siya sa kasalukuyan. May ngiti sa kanyang mukha, at sa gitna ng nakasisiyang simoy ng hangin ay may tumatagos na sariwang bango; nang magsimulang umihip ang marahang simoy ng hangin, naaamoy ng tao ang mabangong halimuyak, at tila nilasing siya rito, at hindi niya magising ang kanyang sarili. Ito ang mismong oras na personal Akong naparito sa tao, at lalong naamoy ng tao ang mabangong halimuyak, at sa gayon ay nabubuhay ang lahat ng tao sa gitna ng halimuyak na ito. Payapa Ako sa tao, nabubuhay ang tao na kasundo Ko, hindi na siya pasaway sa pagtingin niya sa Akin, hindi Ko na tinatabas ang mga kakulangan ng tao, wala nang pagkabalisa sa mukha ng tao, at wala nang banta ng kamatayan sa buong sangkatauhan. Ngayon, sumusulong Ako na kasabay ng tao patungo sa panahon ng pagkastigo, sumusulong na kasabay siya sa Aking tabi. Ginagawa Ko ang Aking gawain, ibig sabihin, hinahampas Ko ng Aking tungkod ang tao at tumatama ito sa bahaging mapaghimagsik sa tao. Sa mga mata ng tao, tila may kakaibang mga kapangyarihan ang Aking tungkod: Sumasapit ito sa lahat ng Aking kaaway at hindi sila madaling pinatatawad nito; sa lahat ng kumokontra sa Akin, ginagampanan ng tungkod ang likas na tungkulin nito; ginagampanan ng lahat ng nasa Aking mga kamay ang kanilang tungkulin ayon sa Aking layunin, at hindi nila nasuway kailanman ang Aking mga naisin o nabago ang kanilang diwa. Dahil dito, raragasa ang mga tubig, guguho ang mga bundok, maglalaho ang malalaking ilog, magbabago palagi ang tao, lalamlam ang araw, magdidilim ang buwan, wala nang mga panahon na mamumuhay sa kapayapaan ang tao, mawawalan na ng katahimikan sa lupa, hindi na muling mananatiling panatag at tahimik ang kalangitan, at hindi na magtatagal. Mapapanibago ang lahat ng bagay at mababawi ang kanilang orihinal na anyo. Magkakawatak-watak ang lahat ng sambahayan sa lupa, at mahahati-hati ang lahat ng bansa sa mundo; mawawala na ang mga panahon na magbabalikan ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Dudurugin Ko ang lahat ng dating nasa lupa. Hindi Ko binibigyan ng pagkakataon ang mga tao na maglabas ng kanilang mga damdamin, sapagkat wala Akong mga damdamin, at natutuhan Kong kamuhian nang sukdulan ang mga damdamin ng mga tao. Dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako naitaboy sa isang tabi, at sa gayon ay naging “iba” Ako sa kanilang paningin; dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako nakalimutan; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya sinasamantala ang pagkakataong kunin ang kanyang “konsensya”; dahil sa mga damdamin ng tao kaya siya laging nanlulupaypay sa Aking pagkastigo; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya Ako tinatawag na hindi patas at hindi makatarungan, at sinasabing hindi Ko iniintindi ang mga damdamin ng tao sa Aking pamamahala sa mga bagay-bagay. May kamag-anak din ba Ako sa ibabaw ng lupa? Sino, katulad Ko, ang nakapagtrabaho na araw at gabi, na hindi iniisip ang pagkain o pagtulog, para sa kapakanan ng buong plano ng Aking pamamahala? Paanong maikukumpara ang tao sa Diyos? Paanong magiging kaayon ng Diyos ang tao? Paano maaaring maging kauri ng tao, na nilikha, ang Diyos, na lumilikha? Paano Ako maaaring manahan at kumilos na kasama ng tao sa lupa? Sino ang nagmamalasakit sa Aking puso? Ang mga dalangin ba ng tao? Sumang-ayon Akong minsan na sumama sa tao at lumakad na kasabay niya—at oo, hanggang sa araw na ito ay nabubuhay ang tao sa ilalim ng Aking pangangalaga at proteksyon, ngunit may araw pa kayang darating kung kailan maihihiwalay ng tao ang kanyang sarili mula sa Aking pangangalaga? Bagama’t hindi nagmalasakit ang tao sa Aking puso kailanman, sino ang patuloy na mabubuhay sa isang lupain na walang liwanag? Dahil lamang sa Aking mga pagpapala kaya nabubuhay ang tao hanggang ngayon.
Abril 4, 1992