Kabanata 25
Lumilipas ang panahon, at sa isang kisap-mata, dumating na ang ngayon. Sa ilalim ng patnubay ng Aking Espiritu, lahat ng tao ay nabubuhay sa gitna ng Aking liwanag, at hindi na iniisip ninuman ang nakaraan o pinapansin ang kahapon. Sino ang hindi pa nabuhay at umiral sa kasalukuyan kailanman? Sino ang hindi pa nakagugol ng magagandang araw at buwan sa kaharian? Sino ang hindi pa nabuhay sa ilalim ng araw? Bagama’t bumaba na ang kaharian sa tao, wala pang sinumang tunay na nakaranas ng init nito; minamasdan lamang ito ng tao mula sa labas, nang hindi nauunawaan ang diwa nito. Noong panahon na binubuo ang Aking kaharian, sino ang hindi nagalak dahil dito? Talaga bang makakatakas ang mga bansa sa lupa? Talaga bang makakatakas ang malaking pulang dragon dahil sa katusuhan nito? Ipinapahayag ang Aking mga atas administratibo sa buong sansinukob, itinatatag ng mga ito ang Aking awtoridad sa lahat ng tao, at nagkakabisa ito sa buong kosmos; magkagayunman, hindi pa ito talaga nalalaman ng tao. Kapag inihayag ang Aking mga atas administratibo sa sansinukob, iyon din ang panahon na malapit nang matapos ang Aking gawain sa lupa. Kapag namumuno Ako at gumagamit ng kapangyarihan sa lahat ng tao at kapag kinikilala Ako bilang ang nag-iisang Diyos Mismo, lubos na bababa ang Aking kaharian sa lupa. Ngayon, lahat ng tao ay may bagong simula sa isang bagong landas. Nagsimula na sila ng isang bagong buhay, subalit wala pang sinumang tunay na nakaranas ng buhay sa lupa na katulad sa langit. Talaga bang nabubuhay kayo sa gitna ng Aking liwanag? Talaga bang nabubuhay kayo sa Aking mga salita? Sino ang hindi nag-iisip sa sarili nilang mga inaasam? Sino ang hindi nababalisa sa sarili nilang kapalaran? Sino ang hindi nagpupunyagi sa gitna ng dagat ng pagdurusa? Sino ang ayaw palayain ang kanilang sarili? Ibinibigay ba ang mga pagpapala ng kaharian kapalit ng pagpapagal ng tao sa lupa? Maaari kayang matupad ang lahat ng hangarin ng tao ayon sa kanyang mga pagnanais? Inilahad Kong minsan ang magandang tanawin ng kaharian sa harap ng tao, subalit tinitigan lamang ito ng kanyang natatakaw na mga mata, at walang sinumang tunay na naghangad na pumasok doon. “Iniulat” Kong minsan sa tao ang tunay na sitwasyon sa lupa, ngunit wala siyang ibang ginawa kundi makinig, at hindi niya isinapuso ang mga salitang nagmula sa Aking bibig; sinabi Kong minsan sa tao ang mga kalagayan sa langit, subalit itinuring niyang magagandang kuwento ang Aking mga salita, at hindi tunay na tinanggap yaong inilarawan ng Aking bibig. Ngayon, ang mga tagpo ng kaharian ay humahagibis sa gitna ng tao, ngunit mayroon na bang sinumang “tumawid sa tuktok at kapatagan” sa paghahanap dito? Kung hindi sa Aking paghimok, hindi pa sana nagising ang tao mula sa kanyang mga panaginip. Talaga bang lubha siyang nabighani sa kanyang buhay sa lupa? Talaga bang walang matataas na pamantayan sa kanyang puso?
Yaong mga itinalaga Ko na bilang Aking mga tao ay naiaalay ang kanilang sarili sa Akin at nabubuhay nang nakaayon sa Akin. Mahalaga sila sa Aking paningin, at nagniningning sa pagmamahal para sa Akin sa Aking kaharian. Sa mga tao ng ngayon, sino ang tumutupad sa gayong mga kundisyon? Sino ang nakakapasa ayon sa Aking mga hinihingi? Talaga bang nahihirapan ang tao sa Aking mga hinihingi? Sinasadya Ko bang magsanhi na makagawa siya ng mga pagkakamali? Maluwag Ako sa lahat ng tao, at binibigyan Ko sila ng natatanging pakikitungo. Gayunman, ukol lamang ito sa Aking mga tao sa Tsina. Hindi naman sa minamaliit Ko kayo, ni hindi rin mapaghinala ang pagtingin Ko sa inyo, kundi praktikal Ako at makatotohanan tungo sa inyo. Hindi maiiwasang magdanas ang mga tao ng mga problema sa kanilang buhay, ukol man sa kanilang pamilya o sa mas malawak na mundo. Subalit kaninong paghihirap ba ang naiplano ng sarili nilang kamay? Walang kakayahan ang tao na kilalanin Ako. May kaunti siyang pagkaunawa sa Aking panlabas na anyo, subalit wala siyang alam tungkol sa Aking diwa; hindi niya alam ang mga sangkap ng pagkaing kinakain niya. Sino ang maingat na nakakahiwatig sa Aking puso? Sino ang tunay na nakakaunawa sa Aking kalooban sa Aking presensya? Nang bumaba Ako sa lupa, nalalambungan iyon ng kadiliman at “mahimbing ang tulog” ng tao. Lumalakad Ako sa lahat ng dako, at lahat ng Aking nakikita ay punit-punit at sira-sira at hindi matitiis na tingnan. Ito ay parang handa lamang ang tao na magpakasaya, at walang pagnanais na pansinin ang “mga bagay mula sa labas ng mundo.” Lingid sa kaalaman ng lahat ng tao, sinisiyasat Ko ang buong daigdig, subalit wala Akong makitang puno ng buhay. Agad-agad, nagpapakinang Ako ng liwanag at init at tumitingin sa lupa mula sa ikatlong langit. Bagama’t ang liwanag ay lumalatag sa ibabaw ng lupa at ang init ay kumakalat dito, tila ang liwanag at init lamang ang nagagalak; walang napupukaw ang mga ito sa tao, na natutuwa sa ginhawa. Nang makita Ko ito, agad Kong ipinagkaloob sa tao ang “tungkod” na Aking naihanda. Habang nalalaglag ang tungkod, unti-unting nahahawi ang liwanag at init at nagiging mapanglaw at madilim kaagad ang daigdig—at dahil sa kadiliman, sinusunggaban ng tao ang pagkakataong patuloy na magpakasaya sa kanyang sarili. Ang tao ay may kaunting malabong kamalayan tungkol sa pagdating ng Aking tungkod, ngunit wala siyang reaksyon, at patuloy siyang nagtatamasa ng kanyang “mga pagpapala sa lupa.” Sumunod, ipinapahayag ng Aking bibig ang pagkastigo sa lahat ng tao, at ang mga tao sa buong sansinukob ay ipinapako sa krus nang patiwarik. Kapag dumarating ang Aking pagkastigo, nayayanig ang tao sa ingay ng gumuguhong kabundukan at pinaghihiwa-hiwalay ang lupa, pagkatapos ay nagugulat sa kanyang paggising. Sindak at takot, gusto niyang tumakbo palayo, ngunit huli na ang lahat. Sa pagbagsak ng Aking pagkastigo, bumababa sa lupa ang Aking kaharian at nagkakapira-piraso ang lahat ng bansa, naglalaho nang walang bakas at walang natitira.
Bawat araw ay pinagmamasdan Ko ang mukha ng sansinukob, at bawat araw ay ginagawa Ko ang Aking bagong gawain sa tao. Subalit lahat ng tao ay abala sa kanilang gawain, at walang sinumang pumapansin sa bilis ng Aking gawain o pumapansin sa kalagayan ng mga bagay-bagay na lampas sa kanilang sarili. Para bang ang mga tao ay nananahan sa isang bagong langit at isang bagong lupa na sarili nilang gawa, at ayaw nilang manggulo ang iba. Lahat sila ay abala sa gawaing magpakasaya sa kanilang sarili, at humahanga sa kanilang sarili habang ginagawa nila ang kanilang “mga pisikal na ehersisyo.” Talaga bang wala man lamang Akong puwang sa puso ng tao? Talaga bang wala Akong kakayahang maging Pinuno ng puso ng tao? Talaga bang nilisan siya ng espiritu ng tao? Sino ang nakapagnilay-nilay nang mabuti sa mga salitang nagmumula sa Aking bibig? Sino ang nakahiwatig na sa hangarin ng Aking puso? Talaga bang nasakop na ng iba pang bagay ang puso ng tao? Maraming beses na Akong nanawagan sa tao, subalit mayroon na bang nahabag? Mayroon na bang nabuhay sa pagkatao? Maaaring mabuhay ang tao sa laman, ngunit wala siyang pagkatao. Isinilang ba siya sa kaharian ng mga hayop? O siya ba ay isinilang sa langit, at nagtataglay ng pagka-Diyos? Gumagawa Ako ng Aking mga hinihingi sa tao, subalit parang hindi niya nauunawaan ang Aking mga salita, na parang Ako ay isang mahirap lapitang halimaw na dayuhan sa kanya. Napakaraming beses na Akong nadismaya sa tao, napakaraming beses na Akong galit na galit sa kanyang hindi magandang pagganap, at napakaraming beses na Akong naghinanakit sa kanyang kahinaan. Bakit hindi Ko magawang pukawin ang espirituwal na damdamin sa puso ng tao? Bakit hindi Ko magawang bigyan ng inspirasyon ang pagmamahal sa puso ng tao? Bakit ayaw Akong tratuhin ng mga tao bilang katangi-tangi sa kanyang mata? Hindi ba pag-aari ng tao ang kanyang puso? May iba na bang nananahan sa kanyang espiritu? Bakit nananaghoy ang tao nang walang tigil? Bakit siya miserable? Kapag siya ay nalulungkot, bakit ipinagwawalang-bahala niya ang Aking pag-iral? Maaari kayang naduro Ko siya? Maaari kayang sadya Ko siyang pinabayaan?
Sa Aking paningin, ang tao ang namumuno sa lahat ng bagay. Hindi kakatiting ang ibinigay Kong awtoridad sa kanya, na nagtutulot sa kanya na pamahalaan ang lahat ng bagay sa lupa—ang damo sa kabundukan, ang mga hayop sa kagubatan, at ang mga isda sa tubig. Subalit sa halip na maging masaya dahil dito, nabalisa ang tao. Ang buong buhay niya ay may dalamhati at pagmamadali, may sayang idinagdag sa kahungkagan; buong buhay niya ay walang mga bagong imbensyon at likha. Walang sinumang nagagawang ihiwalay ang kanilang sarili mula sa hungkag na buhay na ito, wala pang sinumang nakatuklas ng isang buhay ng may kabuluhan, at wala pang sinumang nakaranas ng tunay na buhay. Bagama’t lahat ng tao ng ngayon ay naninirahan sa ilalim ng Aking nagniningning na liwanag, wala silang alam tungkol sa buhay sa langit. Kung hindi Ako maawain sa tao at hindi Ko inililigtas ang sangkatauhan, walang katuturan ang pagparito ng lahat ng tao, walang kabuluhan ang kanilang buhay sa lupa, at lilisan sila nang walang katuturan, na walang anumang maipagmamalaki. Alam ng lahat ng tao sa bawat relihiyon, bawat sektor ng lipunan, bawat bansa, at bawat denominasyon ang kahungkagan sa lupa, at lahat sila ay naghahanap sa Akin at naghihintay sa Aking pagbalik—subalit sino ang may kakayahang makilala Ako sa Aking pagdating? Ginawa Ko ang lahat ng bagay, nilikha Ko ang sangkatauhan, at ngayon ay bumaba na Ako sa tao. Gayunman, lumalaban sa Akin ang tao, at naghihiganti sa Akin. Wala bang pakinabang sa tao ang gawaing ginagawa Ko sa kanya? Talaga bang hindi Ko kayang bigyang-kasiyahan ang tao? Bakit Ako tinatanggihan ng tao? Bakit lubhang malamig at walang malasakit ang tao sa Akin? Bakit nababalot ng mga bangkay ang lupa? Ito ba talaga ang kalagayan ng mundo na Aking ginawa para sa tao? Bakit Ko nabigyan ang tao ng walang kapantay na mga kayamanan, subalit mga kamay na walang laman ang iniaalay niya sa Akin? Bakit hindi Ako tunay na minamahal ng tao? Bakit hindi siya humaharap sa Akin kailanman? Talaga bang nabalewala ang lahat ng Aking salita? Naglaho bang parang init mula sa tubig ang Aking mga salita? Bakit ayaw makipagtulungan sa Akin ng tao? Talaga bang ang pagdating ng Aking araw ang sandali ng kamatayan ng tao? Talaga bang maaari Kong wasakin ang tao sa panahong binubuo ang Aking kaharian? Sa panahon ng Aking buong plano ng pamamahala, bakit wala ni isang nakaintindi sa Aking mga layon? Sa halip na mahalin ang mga pagbigkas ng Aking bibig, bakit kinasusuklaman at tinatanggihan ng mga tao ang mga ito? Wala Akong kinokondenang sinuman, kundi pinababalik Ko lamang ang kahinahunan ng mga tao at isinasagawa ang gawaing pagmuni-muni.
Marso 27, 1992