Magalak Kayong Lahat na mga Tao!
Sa Aking liwanag, muling nakikita ng mga tao ang liwanag. Sa Aking salita, nakakamit ng mga tao ang mga bagay na tinatamasa nila. Nagmula Ako sa Silangan, nagsimula Ako mula sa Silangan. Kapag sumisikat ang liwanag ng Aking kaluwalhatian, naiilawan ang di-mabilang na mga bansa, lahat ay nadadala sa liwanag, wala ni isa mang bagay ang nananatili sa kadiliman. Sa kaharian, ang buhay na ipinamumuhay ng mga tao ng Diyos sa Kanyang piling ay walang kapantay ang saya. Sumasayaw sa tuwa ang mga tubig sa pinagpalang buhay ng mga tao, nagagalak ang mga kabundukan sa Aking kasaganaan kasama ng mga tao. Lahat ng tao ay nagpupunyagi, nagtatrabaho nang husto, nagpapakita ng kanilang debosyon sa Aking kaharian. Sa kaharian, wala nang pagiging suwail, wala nang paglaban; umaasa ang kalangitan at ang lupa sa isa’t isa, nagkakalapit Ako at ang sangkatauhan na may malalim na damdamin, matatamis na namumuhay nang magkakasama, sumasandal sa isa’t isa…. Sa panahong ito, pormal Kong sinisimulan ang Aking buhay sa langit. Wala na ang panggugulo ni Satanas, at nagsisimula nang magpahinga ang mga tao. Sa sansinukob, ang Aking hinirang na mga tao ay namumuhay sa loob ng liwanag ng Aking kaluwalhatian, pinagpapala nang walang katulad, hindi bilang mga taong nabubuhay sa piling ng mga tao, kundi bilang mga taong nabubuhay sa piling ng Diyos. Napagdaanan ng lahat ng tao ang paggawang tiwali ni Satanas, at natikman na ang pait at tamis ng buhay hanggang sa latak. Ngayon, habang nabubuhay sa Aking liwanag, paanong hindi magagalak ang isang tao? Paanong basta na lamang babalewalain ng isang tao ang magandang sandaling ito at palalagpasin ito? Kayong mga Tao! Magmadaling kantahin ang awit sa inyong puso at sumayaw nang may kagalakan para sa Akin! Magmadaling itaas ang inyong taos na puso at ialay ito sa Akin! Magmadaling paluin ang inyong mga tambol at masayang tumugtog para sa Akin! Pinasisikat Ko ang Aking kasiyahan mula sa ibabaw ng sansinukob! Inihahayag Ko sa mga tao ang Aking maluwalhating mukha! Mananawagan Ako sa malakas na tinig! Lalagpasan Ko ang sansinukob! Naghahari na Ako sa gitna ng mga tao! Dinadakila Ako ng mga tao! Nagpapatangay Ako sa bughaw na kalangitan sa itaas at lumalakad ang mga tao na kasama Ko. Naglalakad Ako sa gitna ng Aking mga tao at pinalilibutan nila Ako! Nag-uumapaw sa kasayahan ang puso ng mga tao, niyayanig ng kanilang mga matunog na awit ang sansinukob, at binabasag ang kaitaasan! Hindi na nasusukluban ng ulap ang sansinukob; wala nang naiipong putik at dumi sa imburnal. Mga banal na tao ng sansinukob! Sa ilalim ng Aking inspeksiyon, ipinapakita nila ang kanilang tunay na mukha. Hindi sila mga taong natatakpan ng dumi, kundi mga banal na kasingpuro ng jade, lahat sila ay Aking minamahal, lahat sila ay Aking kasiyahan! Lahat ng bagay ay muling nabubuhay. Lahat ng banal ay bumalik upang paglingkuran Ako sa langit, pumapasok sa Aking mainit na yakap, hindi na luhaan, hindi na nababalisa, inaalay ang kanilang sarili sa Akin, bumabalik sa Aking tahanan, at sa kanilang bayang-tinubuan, mamahalin nila Ako nang walang humpay! Hindi nagbabago sa buong kawalang-hanggan! Nasaan ang kalungkutan! Nasaan ang mga luha! Nasaan ang laman! Wala na ang mundo, ngunit ang mga kalangitan ay magpakailanman. Nagpapakita Ako sa di-mabilang na mga tao, at pinupuri Ako ng di-mabilang na mga tao. Ang buhay na ito, ang kagandahang ito, noon pa mang unang panahon hanggang sa katapusan ng panahon ay hindi magbabago. Ito ang buhay ng kaharian.