Kabanata 20

Hindi masukat at hindi maarok ang yaman ng Aking sambahayan, subalit hindi kailanman lumapit sa Akin ang tao para tamasahin ang mga iyon. Walang kakayahan ang tao na magpakasayang mag-isa, ni protektahan ang kanyang sarili gamit ang sarili niyang mga pagsisikap; sa halip, palagi siyang nagtitiwala sa iba. Sa lahat ng tinitingnan Ko, walang sinumang sadya at tuwirang naghanap sa Akin. Lumalapit silang lahat sa Akin sa paghihikayat ng iba, sumusunod sa karamihan, at ayaw nilang magsakripisyo o gumugol ng oras para pagyamanin ang kanilang buhay. Dahil dito, walang sinumang nabuhay sa realidad, at namumuhay ang lahat ng tao ng buhay na walang kahulugan. Dahil sa mga kagawian at kaugalian ng tao na matagal nang umiiral, umaalingasaw ang amoy ng lupa sa katawan ng lahat ng tao. Dahil dito, ang tao ay naging manhid, walang pakiramdam sa kapanglawan ng mundo, at sa halip ay nag-aabala siya sa gawain na magpakasayang mag-isa sa malamig na mundong ito. Ang buhay ng tao ay wala ni kaunting init, at walang anumang bakas ng pagiging tao o liwanag—subalit mapagpalayaw na siya sa sarili noon pa man, habambuhay na nananatiling walang halaga kung saan nagmamadali siya nang walang anumang napapala. Sa isang kisapmata, papalapit na ang araw ng kamatayan, at mapait ang kamatayang sumasapit sa tao. Sa mundong ito, wala siyang naisakatuparang anuman kailanman, o napalang anuman—nagmamadali siyang dumating dito, at nagmamadaling umalis. Wala sa mga yaon sa Aking paningin ang nakapagdala ng anuman, o nakakuha ng anuman, kaya pakiramdam ng tao ay hindi patas ang mundo. Subalit walang sinumang gustong magmadali. Hinihintay lamang nila ang araw kung kailan biglang darating sa tao ang Aking pangako mula sa langit, na natutulot sa kanila, sa panahon kung kailan sila ay naligaw, na minsan pang mamasdan ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. Kaya, nakatutok ang tao sa bawat gawa at kilos Ko upang makita kung talagang natupad Ko ang Aking pangako sa kanya. Kapag siya ay nasa gitna ng pagdurusa, o matinding kirot, o naliligiran ng mga pagsubok at malapit nang bumagsak, isinusumpa ng tao ang araw ng kanyang pagsilang upang mas mabilis niyang matakasan ang kanyang mga problema at makalipat sa isa pang magandang lugar. Ngunit kapag lumipas na ang mga pagsubok, napupuspos ng galak ang tao. Ipinagdiriwang niya ang araw ng kanyang pagsilang sa lupa at hinihiling na pagpalain Ko ang araw ng kanyang pagsilang; sa panahong ito, hindi na binabanggit ng tao ang mga sumpang nakaraan, takot na takot na sumapit sa kanya ang kamatayan sa ikalawang pagkakataon. Kapag itinataas ng Aking mga kamay ang mundo, nagsasayawan sa galak ang mga tao, hindi na sila nalulungkot, at umaasa silang lahat sa Akin. Kapag tinatakpan Ko ng Aking mga kamay ang Aking mukha, at idinidiin ang mga tao sa ilalim ng lupa, agad silang nahihirapang huminga, at halos hindi nila kayang manatiling buhay. Lahat sila ay nagsusumamo sa Akin, takot na lilipulin Ko sila, sapagkat gusto nilang lahat na makita ang araw na Ako ay nagtatamo ng kaluwalhatian. Itinuturing ng tao ang Aking araw na pangunahin sa kanyang pag-iral, at dahil lamang ito sa mahigpit na inaasam ng mga tao ang araw kung kailan darating ang Aking kaluwalhatian kaya nakapanatiling buhay ang sangkatauhan hanggang ngayon. Ang pagpapalang ipinahayag ng Aking bibig ay na yaong mga isinilang sa mga huling araw ay mapalad na mamasdan ang Aking buong kaluwalhatian.

Sa paglipas ng mga kapanahunan, marami nang lumisan sa mundong ito sa kabiguan, at nang may pag-aatubili, at marami ang nakapasok dito na may pag-asa at pananampalataya. Naiplano Ko nang dumating ang marami, at naitaboy Ko na ang marami. Napakaraming taong nagdaan sa Aking mga kamay. Maraming espiritu ang naitapon sa Hades, marami ang namuhay sa katawang-tao, at marami ang namatay at muling isinilang sa mundo. Subalit kailanman ay walang sinuman sa kanila ang nagkaroon ng pagkakataong matamasa ang mga pagpapala ng kaharian ngayon. Napakarami Ko nang naibigay sa tao, subalit kakatiting ang kanyang natamo, sapagkat ang pagsalakay ng mga puwersa ni Satanas ay naiwan siya na walang kakayahang tamasahin ang lahat ng Aking yaman. Naging mapalad lamang siyang matingnan ang mga ito, ngunit hindi niya lubos na natamasa ang mga ito kailanman. Hindi natuklasan ng tao kailanman ang kabang-yaman sa kanyang katawan upang matanggap ang mga yaman ng langit, kaya nawala sa kanya ang mga pagpapalang naipagkaloob Ko sa kanya. Hindi ba ang espiritu ng tao ang kakayahan mismo na nag-uugnay sa kanya sa Aking Espiritu? Bakit hindi nakipag-ugnayan ang tao sa Akin kailanman sa kanyang espiritu? Bakit siya lumalapit sa Akin sa katawang-tao, subalit hindi niya kayang gawin ito sa espiritu? Mukha ba ng katawang-tao ang tunay Kong mukha? Bakit hindi alam ng tao ang Aking diwa? Talaga bang hindi Ako nagkaroon ng anumang bakas kailanman sa espiritu ng tao? Ganap na ba Akong naglaho mula sa espiritu ng tao? Kung hindi papasok ang tao sa espirituwal na dako, paano niya maiintindihan ang Aking mga layon? Sa mga mata ng tao, mayroon bang direktang makakatagos sa espirituwal na dako? Maraming pagkakataon na nanawagan Ako sa tao sa pamamagitan ng Aking Espiritu, subalit kumikilos ang tao na para bang natusok Ko siya, sinisipat Ako mula sa malayo, sa malaking takot na baka akayin Ko siya tungo sa ibang mundo. Maraming pagkakataon na nagtanong Ako sa espiritu ng tao, subalit nananatili siyang lubos na malilimutin, na may malaking takot na papasok Ako sa kanyang tahanan at sasamantalahin Ko ang pagkakataon para alisin sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian. Sa gayon, pinagsasarhan niya Ako sa labas, iniiwan Akong nakaharap sa kawalan maliban sa isang malamig at mahigpit-na-nakasarang pinto. Maraming pagkakataong bumagsak na ang tao at nailigtas Ko siya, subalit pagkagising ay agad niya Akong iniiwan at, dahil hindi naantig ng Aking pagmamahal, maingat Akong sinusulyapan; hindi Ko kailanman napainit ang puso ng tao. Ang tao ay isang walang-damdamin at malupit na hayop. Kahit mainit ang Aking yakap, hindi siya lubhang naantig nito kailanman. Ang tao ay parang isang taong-bundok. Hindi niya pinahalagahan kailanman ang Aking buong pagmamahal sa sangkatauhan. Ayaw niya Akong lapitan, mas gusto niyang manahan sa kabundukan, kung saan tinitiis niya ang banta ng mababangis na hayop—subalit ayaw pa rin niya Akong gawing kanlungan. Hindi ko pinipilit ang sinumang tao: Ginagawa Ko lamang ang Aking gawain. Darating ang araw na lalangoy ang tao patungo sa Aking tabi mula sa kalagitnaan ng malawak na karagatan, upang matamasa niya ang lahat ng yaman sa mundo at iwan ang panganib na lamunin ng dagat.

Habang nagaganap ang Aking mga salita, unti-unting nabubuo ang kaharian sa mundo at unti-unting bumabalik sa normalidad ang tao, at sa gayon ay naitatatag sa lupa ang kahariang nasa Aking puso. Sa kaharian, nababawi ng lahat ng tao ng Diyos ang buhay ng normal na tao. Wala na ang nagyeyelong taglamig, napalitan ng isang mundo ng mga lungsod ng tagsibol, kung saan tumatagal nang buong taon ang tagsibol. Hindi na nahaharap ang mga tao sa malungkot at miserableng mundo ng tao, at hindi na nila tinitiis ang maginaw na mundo ng tao. Hindi nag-aaway-away ang mga tao, hindi nagdidigmaan ang mga bansa, wala nang patayan at dugong dumadaloy mula sa patayan; lahat ng lupain ay puspos ng kaligayahan, at lahat ng dako ay punung-puno ng init ng pagmamahal ng mga tao sa isa’t isa. Kumikilos Ako sa buong mundo, nasisiyahan Ako mula sa kaitaasan ng Aking luklukan, at naninirahan Ako sa piling ng mga bituin. Inaalayan Ako ng mga anghel ng mga bagong awit at mga bagong sayaw. Hindi na nagiging sanhi ng pagtulo ng luha sa kanilang mukha ang sarili nilang kahinaan. Hindi Ko na naririnig, sa Aking harapan, ang tinig ng mga anghel na umiiyak, at hindi na rin nagrereklamo ng paghihirap ang sinuman sa Akin. Ngayon, lahat kayo ay nabubuhay sa Aking harapan; bukas, mananatili kayong lahat sa Aking kaharian. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkakaloob Ko sa tao? Dahil sa isinakripisyo ninyo ngayon, mamanahin ninyo ang mga pagpapala ng hinaharap at maninirahan sa gitna ng Aking kaluwalhatian. Ayaw pa rin ba ninyong makipag-ugnayan sa diwa ng Aking Espiritu? Nais pa rin ba ninyong paslangin ang inyong sarili? Handa ang mga tao na pagsikapang matamo ang mga pangakong nakikita nila, kahit panandalian lamang ang mga iyon, subalit walang sinumang handang tumanggap sa mga pangako ng kinabukasan, kahit tatagal ang mga ito nang walang hanggan. Ang mga bagay na nakikita ng tao ay ang mga bagay na pupuksain Ko, at ang mga bagay na hindi nakikita ng tao ay ang mga bagay na tutuparin Ko. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng tao.

Natantiya na ng tao kung kailan darating ang araw Ko, subalit wala pang nakakaalam sa eksaktong petsa, kaya maaari lamang mabuhay ang tao sa pagkatuliro. Dahil ang mga pananabik ng tao ay umaalingawngaw sa walang-hangganang kalangitan at pagkatapos ay naglalaho, paulit-ulit na nawalan ng pag-asa ang tao, kaya bumaba na siya sa kanyang kasalukuyang sitwasyon. Ang layunin ng Aking mga pagbigkas ay hindi para alamin ng tao ang mga petsa, ni hindi para itulak siya sa kanyang sariling pagkawasak dahil sa kawalan niya ng pag-asa. Nais Kong tanggapin ng tao ang Aking pangako, at nais Kong magkaroon ng bahagi ang lahat ng tao sa buong mundo sa Aking pangako. Ang nais Ko ay mga nilalang na may buhay na puno ng sigla, hindi mga bangkay na nakalubog na sa kamatayan. Dahil nakasandal Ako sa mesa ng kaharian, uutusan Ko ang lahat ng tao sa lupa na tanggapin ang Aking pagsisiyasat. Hindi Ko tinutulutan ang presensya ng anumang maruming bagay sa Aking harapan. Hindi Ko hinahayaang manghimasok ang sinumang tao sa Aking gawain; lahat ng nanghihimasok sa Aking gawain ay itinatapon sa mga bartolina, at matapos silang pakawalan ay naliligiran pa rin sila ng sakuna, tumatanggap ng nakakapasong apoy ng lupa. Kapag Ako ay nasa Aking nagkatawang-taong laman, kasusuklaman Ko ang sinumang nakikipagtalo sa Aking gawain sa Aking katawang-tao. Maraming beses Ko nang naipaalala sa lahat ng tao na wala Akong kamag-anak sa lupa, at sinumang nagtuturing sa Akin bilang isang kapantay, at hinahatak Ako sa kanila upang magunita nila ang mga panahong nakaraan sa Aking piling, ay sasailalim sa pagkawasak. Ito ang Aking utos. Sa gayong mga bagay ni katiting ay hindi Ako maluwag sa tao. Lahat ng nanghihimasok sa Aking gawain at nagpapayo sa Akin ay kinakastigo Ko, at hindi Ko patatawarin kailanman. Kung hindi Ako nagsasalita nang malinaw, hindi matatauhan ang mga tao kailanman, at hindi sinasadyang mahuhulog sila sa Aking pagkastigo—sapagkat hindi Ako kilala ng tao sa Aking katawang-tao.

Marso 20, 1992

Sinundan: Kabanata 19

Sumunod: Kabanata 21

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito