Kabanata 19
Gamit ang Aking mga salita bilang batayan ng pananatili nilang buhay—ito ang obligasyon ng sangkatauhan. Kailangang itatag ng mga tao ang kanilang sariling bahagi sa bawat bahagi ng Aking mga salita; ang hindi paggawa nito ay paghahangad ng sarili nilang pagkawasak at pag-anyaya ng paghamak. Hindi Ako kilala ng sangkatauhan, at dahil dito, sa halip na ialay ang sarili nilang buhay sa Akin bilang kapalit, ang tanging ginagawa nila ay pumarada sa Aking harapan na dala ang basura sa kanilang mga kamay, na sinusubukang bigyan Ako ng kasiyahan. Gayunman, dahil hindi ako masaya sa mga bagay na katulad nito, patuloy Akong humihingi sa sangkatauhan. Gustung-gusto Ko ang mga kontribusyon ng mga tao, ngunit kinapopootan Ko ang kanilang mga kahilingan. Lahat ng tao ay may pusong puno ng kasakiman; parang inaalipin ng diyablo ang puso ng tao, at walang makakawala at makapag-alay ng kanilang puso sa Akin. Kapag nagsasalita Ako, nakikinig ang mga tao sa Aking tinig nang mapitagan; kapag tumatahimik Ako, sinisimulan nilang muli ang sarili nilang mga “pakikipagsapalaran” at ganap na tumitigil sa pakikinig sa Aking mga salita, na parang pandagdag lamang ang Aking mga salita sa kanilang mga “pakikipagsapalaran.” Hindi ako kailanman naging maluwag sa sangkatauhan, gayunman ay naging mapagpasensya at mapagparaya Ako sa sangkatauhan. Kaya nga, dahil sa Aking pagiging kaluwagan, lumalabis ang pagpapahalaga ng mga tao sa kanilang sarili at wala silang kakayahang kilalanin at pagbulay-bulayan ang kanilang sarili; sinasamantala lamang nila ang Aking pasensya para linlangin Ako. Wala ni isa sa kanila ang taos-pusong nagmalasakit sa Akin, at wala ni isa ang tunay na nagpahalaga sa Akin bilang isang bagay na taos-puso nilang mahal; binibigyan lamang nila Ako ng pansamantalang pagtingin kapag wala silang ginagawa. Ang pagsisikap na nagugol Ko sa sangkatauhan ay hindi na masusukat; bukod pa riyan, nakagawa na Ako sa mga tao sa mga paraang wala pang nakakagawa, at bukod pa riyan, nabigyan Ko na sila ng dagdag na pasanin, nang sa gayon, mula sa kung ano ang mayroon Ako at kung ano Ako, maaari silang magtamo ng kaunting kaalaman at magkaroon ng kaunting pagbabago. Hindi Ko hinihingi na maging mga “tagagamit” lamang ang mga tao; hinihingi Ko rin na maging mga “tagagawa” sila na nakakatalo kay Satanas. Bagama’t maaaring hindi Ko hinihingi na gumawa ng anuman ang sangkatauhan, magkagayunman, mayroon Akong mga pamantayan para sa mga hinihinging Aking ginagawa, sapagkat may layunin sa Aking ginagawa, at may batayan din ako para sa Aking mga kilos: Hindi Ako kagaya ng iniisip ng mga tao na naglalaro nang walang habas, ni hindi Ko binuo ang langit at lupa at napakaraming bagay na nilikha ayon sa gusto Ko. Sa Aking gawain, dapat ay may makita ang mga tao, at may mapala. Hindi nila dapat aksayahin ang panahon ng tagsibol ng kanilang kabataan, o tratuhin ang sarili nilang buhay na parang mga kasuotang naaalikabukan dahil sa kawalang-ingat; sa halip, dapat nilang bantayan nang mahigpit ang kanilang sarili, na kumukuha mula sa Aking kasaganaan para tustusan ang sarili nilang kasiyahan, hanggang, dahil sa Akin, hindi sila makabalik patungo kay Satanas, at, dahil sa Akin, nilulusob nila si Satanas. Hindi ba napakadali ng Aking mga hinihingi sa sangkatauhan?
Kapag nagsisimulang lumitaw ang bahagyang kislap ng liwanag sa Silangan, mas pinapansin ito nang kaunti ng lahat ng tao sa loob ng sansinukob. Hindi na gaanong mahimbing sa pagkatulog, nakikipagsapalaran ang mga tao upang pagmasdan ang pinagmumulan ng liwanag na ito sa silangan. Dahil sa kanilang limitadong kakayahan, wala pang nakakita sa lugar na pinagmumulan ng liwanag. Kapag lubos na naliliwanagan ang lahat ng nasa loob ng sansinukob, gumigising ang mga tao mula sa pagtulog at pananaginip, at saka lamang nila natatanto na unti-unti nang dumarating sa kanila ang Aking araw. Nagdiriwang ang buong sangkatauhan dahil sa pagdating ng liwanag, at dahil dito ay hindi na sila nahihimbing sa pagtulog o natitigilan. Sa ilalim ng ningning ng Aking liwanag, lumilinaw ang isipan at paningin ng buong sangkatauhan, at agad silang nagigising sa galak ng pamumuhay. Natatakpan ng makapal na ulap, minamasdan Ko ang buong mundo. Namamahinga ang lahat ng hayop; dahil sa pagdating ng bahagyang kislap ng liwanag, namalayan ng lahat na papalapit ang isang bagong buhay. Dahil dito, gumagapang din palabas ang lahat ng hayop mula sa kanilang mga yungib, na naghahanap ng pagkain. Ang mga halaman, siyempre pa, ay hindi naiiba, at sa ningning ng liwanag ay kumikinang ang kanilang luntiang mga dahon nang napakaningning, naghihintay na gampanan ang sarili nilang bahagi para sa Akin habang Ako ay nasa lupa. Lahat ng tao ay minimithi ang pagdating ng liwanag, subalit kinatatakutan nila ang pagdating nito, labis na nababahala na hindi na maitatago ang sarili nilang kapangitan. Ito ay dahil hubad na hubad ang mga tao, at walang anumang maitatakip sa kanila. Sa gayon, napakarami nang taong matindi ang takot dahil sa pagdating ng liwanag, at gulat na gulat dahil sa paglitaw nito. Napakaraming tao, nang makita ang liwanag, ang napupuspos ng walang-hanggang pagsisisi, nasusuklam sa sarili nilang karumihan, subalit, dahil walang kapangyarihang baguhin ang mga pangyayari, wala silang magagawa kundi hintayin Akong magpahayag ng kaparusahan. Napakaraming tao, na napino ng pagdurusa sa kadiliman, nang makita ang liwanag, ang biglang nakaramdam sa malalim na kahulugan nito, at mula noon ay niyayakap nila nang mahigpit ang liwanag, sa sobrang takot na mawala itong muli. Napakaraming tao, sa halip na magulat sa biglaang paglitaw ng liwanag, ang nagpapatuloy lamang sa pang-araw-araw na gawain dahil nabulag na sa loob ng mahabang panahon at sa gayon ay hindi lamang nila hindi napapansin na dumating na ang liwanag, kundi hindi rin sila nasiyahan dito. Sa puso ng mga tao, hindi Ako matayog ni mababa. Para sa kanila, hindi mahalaga kung umiiral Ako o hindi; para bang hindi magiging mas malungkot ang buhay ng tao kung hindi Ako umiral, at kung umiral nga Ako, hindi magiging mas masaya ang kanilang buhay. Dahil hindi Ako itinatangi ng mga tao, iilan lamang ang mga kasiyahang ipinagkakaloob Ko sa kanila. Gayunman, sa sandaling bigyan Ako ng mga tao ng kahit katiting pang pagsamba, babaguhin Ko rin ang Aking saloobin sa kanila. Dahil dito, kapag naintindihan ng mga tao ang batas na ito, saka lamang sila magiging mapalad nang sapat para ialay ang kanilang sarili sa Akin at hilingin ang mga bagay na hawak Ko sa Aking kamay. Sigurado bang hindi lamang sarili nilang interes ang pakay nila sa pagmamahal sa Akin? Sigurado bang hindi lamang mga bagay na ibinibigay Ko ang pakay nila sa pagsampalataya sa Akin? Maaari kayang, maliban kung makita nila ang Aking liwanag, hindi Ako kayang mahalin ng mga tao nang tapat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya? Sigurado bang ang kanilang lakas at sigla ay hindi tunay na para lamang sa mga kundisyon ng kasalukuyan? Maaari kayang kailangang maging matapang ang tao para mahalin Ako?
Dahil sa Aking pag-iral, masunuring nagpapasakop ang napakaraming bagay na nilikha sa mga lugar kung saan sila naninirahan, at, sa kawalan ng Aking pagdisiplina, hindi sila nagpapasasa sa mahalay na kapabayaan. Samakatuwid, ang kabundukan ay nagiging mga hangganan sa pagitan ng mga bansa sa lupa, ang mga tubig ay nagiging mga harang para mapanatiling magkakahiwalay ang mga tao sa iba’t ibang lupain, at ang hangin ay nagiging yaong umiihip sa pagitan ng mga tao sa mga espasyo sa ibabaw ng lupa. Ang sangkatauhan lamang ang walang kakayahang tunay na sumunod sa mga hinihingi ng Aking kalooban; ito ang dahilan kaya Ko sinasabi na, sa lahat ng nilikha, tanging ang mga tao lamang ang nabibilang sa kategorya ng mga suwail. Hindi talaga nagpasakop ang sangkatauhan sa Akin kailanman, at dahil dito, noon pa man, napanatili Ko ang mga tao sa mahigpit na pagdisiplina. Kung sakaling mangyari, sa gitna ng sangkatauhan, na umabot ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob, siguradong kukunin Ko ang Aking buong kaluwalhatian at ipapakita ito sa harap ng sangkatauhan. Dahil sa kanilang karumihan ang mga tao ay hindi karapat-dapat na tumingin sa Aking kaluwalhatian, sa loob ng libu-libong taon hindi Ako nagpakita kailanman, at nanatili Akong nakatago; dahil dito, hindi pa nila nakita kailanman ang Aking kaluwalhatian, at lagi silang nahuhulog sa malalim na bangin ng kasalanan. Pinatawad Ko na ang mga tao sa kanilang pagiging di-matuwid, ngunit hindi nila alam na lahat kung paano pangalagaan ang kanilang sarili, at sa halip ay lagi nilang inilalantad ang kanilang sarili sa pagkakasala, tinutulutan itong sirain sila. Hindi ba nito ipinapakita ang kawalan ng galang at pagmamahal sa sarili ng sangkatauhan? Sa piling ng sangkatauhan, maaari bang tunay na magmahal ang sinuman? Gaano ba kabigat ang debosyon ng sangkatauhan? Wala bang ibang mga bagay na nakahalo sa tinatawag ng mga tao na pagiging tunay? Hindi ba napakagulo ng kanyang debosyon? Ang hinihiling Ko ay ang kanilang buong pagmamahal. Hindi Ako kilala ng mga tao, at bagama’t maaaring hangad nilang makilala Ako, hindi nila ibibigay sa Akin ang kanilang tunay at taimtim na puso. Mula sa mga tao hindi Ko hinihingi ang ayaw nilang ibigay. Kung ibinibigay nila sa Akin ang kanilang debosyon, tatanggapin Ko iyon nang walang magalang na pagtutol. Gayunman, kung wala silang tiwala sa Akin, at ayaw nilang ialay kahit katiting ng kanilang sarili sa Akin, sa halip na lalo pang mayamot dahil diyan, itataboy Ko na lamang sila sa ibang paraan at magpaplano Ako ng isang angkop na hantungan para sa kanila. Ibubuwal ng kulog, na dumadagundong sa kalangitan, ang mga tao; habang nakabuwal sila, ibabaon sila ng matataas na bundok; lalapain sila ng gutom na mababangis na hayop; at lulunurin sila ng dumadaluyong na mga karagatan. Habang abala ang sangkatauhan sa alitan ng magkakapatid, hahangarin ng lahat ng tao ang sarili nilang pagkawasak sa mga kalamidad na nagmumula sa kanila.
Lumalawak ang kaharian sa gitna ng sangkatauhan, nabubuo ito sa gitna ng sangkatauhan, at nakatayo ito sa gitna ng sangkatauhan; walang puwersang maaaring magwasak sa Aking kaharian. Sa mga tao Ko na nasa kaharian ng ngayon, sino sa inyo ang hindi tao sa lahat ng tao? Sino sa inyo ang namamalagi sa labas ng kalagayan ng tao? Kapag ibinalita sa maraming tao ang Aking bagong panimula, paano tutugon ang sangkatauhan? Nakita na ng sarili ninyong mga mata ang kalagayan ng sangkatauhan; sigurado bang hindi na kayo umaasa pang magtiis sa mundong ito magpakailanman? Naglalakad Ako ngayon sa piling ng Aking mga tao at naninirahan Ako sa piling nila. Ngayon, yaong may tunay na pagmamahal sa Akin—mapalad ang gayong mga tao. Mapalad ang mga nagpapasakop sa Akin, siguradong mananatili sila sa Aking kaharian. Mapalad ang mga nakakakilala sa Akin, siguradong gagamit sila ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Mapalad ang mga naghahanap sa Akin, siguradong makakalaya sila mula sa mga gapos ni Satanas at magtatamasa ng Aking mga pagpapala. Mapalad ang mga nagagawang talikuran ang kanilang sarili, siguradong papasok sila sa Aking nasasakupan at magmamana ng kasaganaan ng Aking kaharian. Aalalahanin Ko ang mga nagsusumikap para sa Akin, yayakapin Ko nang may kagalakan ang mga gumugugol para sa Akin, at pagkakalooban Ko ng mga kasiyahan ang mga nag-aalay sa Akin. Pagpapalain Ko ang mga nasisiyahan sa Aking mga salita; siguradong magiging mga haligi sila na magtataas ng tukod sa Aking kaharian, siguradong magkakaroon sila ng walang-kapantay na kasaganaan sa Aking bahay, at walang maikukumpara sa kanila. Nakatanggap na ba kayo ng mga pagpapalang ibinigay sa inyo? Naghanap na ba kayo ng mga pangakong ginawa para sa inyo? Siguradong kayo, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, siguradong hindi mawawala sa inyo ang liwanag na gumagabay sa inyo. Siguradong kayo ang magiging panginoon ng lahat ng nilikha. Siguradong kayo ay magiging mananagumpay sa harap ni Satanas. Siguradong tatayo kayo, sa pagbagsak ng kaharian ng malaking pulang dragon, sa gitna ng napakaraming tao upang sumaksi sa Aking tagumpay. Siguradong kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at siguradong magniningning sa inyo ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob.
Marso 19, 1992