Kabanata 12
Kapag kumikidlat mula sa Silangan, na siya rin mismong sandali na nagsisimula Akong bigkasin ang Aking mga salita—kapag kumikidlat, ang buong sansinukob ay nagliliwanag, at nagbabago ng anyo ang lahat ng bituin. Ang buong sangkatauhan ay para bagang napagbukud-bukod. Sa ilalim ng kinang ng sinag ng liwanag na ito mula sa Silangan, nahayag ang buong sangkatauhan sa kanilang orihinal na anyo, nasisilaw ang mga mata, hindi tiyak ang gagawin, at hindi pa rin gaanong sigurado kung paano itatago ang kanilang mga pangit na hitsura. Para din silang mga hayop na nagsisitakas mula sa Aking liwanag upang magkubli sa mga kuweba sa bundok—subalit wala ni isa sa kanila ang maaaring maglaho mula sa sakop ng Aking liwanag. Lahat ng tao ay labis na namamangha, lahat ay naghihintay, lahat ay nagmamasid; sa pagdating ng Aking liwanag, nagagalak ang lahat sa araw na sila ay isinilang, at isinusumpa rin ng lahat ang araw na sila ay isinilang. Ang magkakasalungat na damdamin ay imposibleng bigkasin; ang mga luha ng pagpaparusa sa sarili ay nagbubuo ng mga ilog, at natatangay ng rumaragasang tubig, naglalaho nang walang bakas sa isang iglap. Minsan pa, palapit nang palapit ang Aking araw sa buong sangkatauhan, minsan pang pumupukaw sa sangkatauhan, na nagbibigay sa sangkatauhan ng isa pang bagong simula. Tumitibok ang puso Ko at, sa pagsunod sa mga ritmo ng tibok ng Aking puso, naglulundagan sa galak ang kabundukan, nagsasayawan sa galak ang katubigan, at humahampas ang mga alon sa batuhan. Mahirap ipahayag kung ano ang nasa puso Ko. Nais Kong sunugin ang lahat ng maruming bagay hanggang sa maging abo sa ilalim ng Aking tingin; nais Kong maglaho ang lahat ng anak ng pagsuway mula sa Aking harapan, at hindi na umiral pa kailanman. Hindi lamang Ako nakagawa ng isang bagong simula sa tirahan ng malaking pulang dragon, nagsimula na rin Akong pumasok sa bagong gawain sa sansinukob. Hindi maglalaon, ang mga kaharian sa lupa ay magiging Aking kaharian; hindi maglalaon, ang mga kaharian sa lupa ay magwawakas na lahat magpakailanman dahil sa Aking kaharian, dahil nakamtan Ko na ang tagumpay, dahil nakabalik na Ako nang matagumpay. Naubos na ng malaking pulang dragon ang lahat ng paraang maiisip upang sirain ang Aking plano, sa pag-asang mabura ang Aking gawain sa lupa, ngunit maaari ba Akong mawalan ng pag-asa dahil sa mapanlinlang na mga pakana nito? Maaari ba Akong matakot hanggang sa mawalan Ako ng tiwala dahil sa mga banta nito? Hindi pa nagkaroon kailanman ng kahit isang nilalang sa langit o sa lupa na hindi Ko nahawakan sa palad ng Aking kamay; gaano pa ito higit na totoo sa malaking pulang dragon, ang kasangkapang ito na nagsisilbing mapaghahambingan sa Akin? Hindi ba isa rin itong bagay na paiikutin sa Aking mga kamay?
Nang magkatawang-tao Ako sa mundo ng tao, dumating na ang sangkatauhan, sa ilalim ng Aking patnubay, nang hindi sinasadya sa araw na ito at dumating nang hindi sinasadya upang makilala Ako. Ngunit, hinggil sa kung paano tahakin ang landas sa hinaharap, walang sinumang may ideya, walang sinumang nakakaalam—at lalo pang walang sinumang may ideya kung saang direksyon sila dadalhin ng landas na iyon. Sa pagbabantay lamang sa kanila ng Makapangyarihan sa lahat matatahak ng sinuman ang landas hanggang wakas; sa paggabay lamang ng kidlat sa Silangan matatawid ng sinuman ang pintuan papasok sa Aking kaharian. Sa mga tao, wala pa ni isang nakakita sa Aking mukha kailanman, isang nakakita sa kidlat sa Silangan; paano pa kaya magkakaroon ng isang taong nakarinig sa mga pagbigkas mula sa Aking luklukan? Sa katunayan, noon pa mang unang panahon, wala pa ni isang taong tuwirang nakipag-ugnayan sa Aking persona; ngayon lamang nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao, ngayong naparito na Ako sa mundo, na makita Ako. Ngunit kahit ngayon, hindi pa rin Ako kilala ng mga tao, tulad ng tinitingnan lamang nila ang Aking mukha at naririnig lamang ang Aking tinig subalit hindi nauunawaan ang ibig Kong sabihin. Ganito ang lahat ng tao. Bilang isa sa Aking mga tao, wala ba kayong nadaramang matinding karangalan kapag nakikita ninyo ang Aking mukha? At wala ba kayong nadaramang labis na kahihiyan dahil hindi ninyo Ako kilala? Naglalakad Ako sa piling ng mga tao, at namumuhay Ako sa piling ng mga tao, sapagkat Ako ay naging tao at naparito Ako sa mundo ng tao. Ang Aking layunin ay hindi lamang upang masilayan ng sangkatauhan ang Aking katawang-tao; ang mas mahalaga, ito ay upang makilala Ako ng sangkatauhan. Bukod pa riyan, sa pamamagitan ng Aking nagkatawang-taong laman, hahatulan Ko ang sangkatauhan sa kanilang mga kasalanan; sa pamamagitan ng Aking nagkatawang-taong laman, igugupo Ko ang malaking pulang dragon at sisirain Ko ang kuta nito.
Bagama’t ang mga taong naninirahan sa lupa ay kasindami ng mga bituin, kilala Ko silang lahat nang kasinglinaw ng palad sa sarili Kong kamay. At, bagama’t napakarami rin ng mga taong “nagmamahal” sa Akin na tulad ng mga butil ng buhangin sa dagat, iilan lamang ang Aking hinirang: yaon lamang mga sumusunod sa maningning na liwanag, na bukod pa sa mga “nagmamahal” sa Akin. Hindi Ko pinalalabis ang tingin Ko sa tao, ni hindi Ko siya minamaliit; sa halip, inuutusan Ko ang tao ayon sa kanyang likas na mga katangian, kaya nga ang kinakailangan Ko ay ang klase ng tao na taos-pusong naghahanap sa Akin, upang makamit Ko ang Aking layunin na humirang ng mga tao. Napakaraming mababangis na hayop sa kabundukan, ngunit lahat ng iyon ay kasing-amo ng mga tupa sa Aking harapan; nasa ilalim ng mga alon ang di-maarok na mga hiwaga, ngunit ipinapakita ng mga ito ang kanilang sarili sa Akin na kasinglinaw ng lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa; nasa kalangitan sa itaas ang mga dako na kailanman ay hindi mararating ng tao, subalit malaya Akong naglalakad doon sa mga dakong iyon na hindi mararating. Hindi Ako nakilala ng tao sa liwanag kailanman, kundi nakita lamang Ako sa mundo ng kadiliman. Hindi ba ganito mismo ang sitwasyon ninyo ngayon? Nasa rurok ng mga pagwawala ang malaking pulang dragon nang pormal Akong nagkatawang-tao upang gawin ang Aking gawain. Nang mahayag ang tunay na anyo ng malaking pulang dragon sa unang pagkakataon, nagpatotoo Ako sa Aking pangalan. Nang maglakad-lakad Ako sa mga landas ng sangkatauhan, wala ni isang nilalang ni isang tao ang nagising sa pagkagulat, kaya nga nang pumarito Ako na nagkatawang-tao sa mundo ng tao, walang sinumang nakaalam nito. Ngunit, sa Aking nagkatawang-taong laman, nang simulan Kong gawin ang Aking gawain, nagising ang sangkatauhan at nagulat mula sa kanilang mga panaginip sa dagundong ng Aking tinig, at mula sa sandaling ito, nagsimula silang mamuhay sa ilalim ng Aking patnubay. Sa Aking mga tao, minsan pa Akong nagsimula ng bagong gawain. Sapat nang masabi na ang Aking gawain sa lupa ay hindi pa tapos upang ipakita na ang Aking mga tao na binanggit Ko ay hindi yaong mga kinakailangan Ko sa puso Ko, ngunit magkagayunman, pumipili pa rin Ako ng ilan mula sa kanila. Malinaw mula rito na hindi Ko lamang binibigyan ng kakayahan ang Aking mga tao na makilala ang Diyos na nagkatawang-tao, kundi nililinis din sila. Dahil sa tindi ng Aking mga atas administratibo, karamihan sa mga tao ay nanganganib pa ring alisin Ko. Maliban kung gagawin ninyo ang lahat upang pakitunguhan ang inyong sarili, supilin ang inyong sariling katawan—kung hindi ninyo ito gagawin, tiyak na magiging isang pakay kayo na Aking kinasusuklaman at itinatakwil, upang ihagis sa impiyerno, tulad ng tuwirang natanggap na pagkastigo ni Pablo mula sa Aking mga kamay, kung saan walang makakatakas. May napulot ba kayo mula sa Aking mga salita? Tulad ng dati, layon Kong linisin ang iglesia, patuloy na dalisayin ang mga taong kailangan Ko, dahil Ako ang Diyos Mismo, na walang katapusan ang kabanalan at walang bahid-dungis. Gagawin Ko ang Aking templo na hindi lamang nagniningning sa mga kulay ng bahaghari, kundi wala ring bahid-dungis, na ang loob ay tugma sa labas nito. Sa Aking presensya, dapat ay gunitain ninyo, ninyong lahat, kung ano ang nagawa ninyo noong araw, at magdesisyon kayo kung kaya ninyong matibay na magpasiya na bigyan Ako ng perpektong kasiyahan sa puso Ko.
Hindi lamang Ako hindi kilala ng tao sa Aking katawang-tao; higit pa riyan, nabigo siyang unawain ang kanyang sarili na nananahan sa isang katawang-taong may laman. Sa loob ng napakaraming taon, nililinlang na Ako ng mga tao, itinuturing Akong isang panauhing tagalabas. Napakaraming beses nang pinagsarhan nila Ako sa labas ng “mga pintuan papasok sa kanilang tahanan”; napakaraming beses nang tumayo sila sa Aking harapan, at hindi Ako pinakinggan; napakaraming beses nang itinakwil nila Ako sa gitna ng ibang mga tao; napakaraming beses nang itinanggi nila Ako sa harap ng diyablo; at napakaraming beses nang inatake nila Ako sa kadaldalan ng kanilang bunganga. Subalit hindi Ako naglilista ng mga kahinaan ng tao, ni hindi Ako humihiling, dahil sa kanyang pagsuway, na gantihan niya ang ginawa Ko para sa kanya. Ang tanging nagawa Ko ay lapatan ng gamot ang kanyang mga karamdaman, upang pagalingin ang kanyang walang-lunas na mga sakit, sa gayon ay manumbalik ang kanyang kalusugan, upang makilala niya Ako. Hindi ba lahat ng nagawa Ko ay upang manatiling buhay ng sangkatauhan, upang bigyan ang sangkatauhan ng pagkakataon sa buhay? Maraming beses Akong naparito sa mundo ng mga tao, ngunit hindi Ako iginalang ng mga tao, dahil naparito Ako sa mundo sa Aking sariling persona; sa halip, bawat isa ay kumilos ayon sa tingin niyang angkop at naghanap ng malalabasan para sa kanyang sarili. Hindi nila alam na bawat isang landas sa silong ng kalangitan ay sakop ng Aking pagtatalaga! Sino sa inyo ang nangangahas na magkimkim ng sama ng loob sa kanilang puso? Sino sa inyo ang medyo nangangahas na gumawa ng matibay na pagpapasiya? Tahimik lamang Akong gumagawa ng Aking gawain sa gitna ng sangkatauhan—iyon lamang. Kung Ako, sa panahon ng Aking pagkakatawang-tao, ay hindi nakiramay sa kahinaan ng tao, buong sangkatauhan, dahil lamang sa Aking pagkakatawang-tao, ay natakot na sana nang husto at nahulog sa Hades dahil dito. Dahil lamang sa nagpakumbaba Ako at nagtago kaya nakaiwas ang sangkatauhan sa sakuna, napalaya mula sa Aking pagkastigo, at sa ganitong paraan ay umabot sa araw na ito. Nasasaisip kung gaano kahirap makaabot sa araw na ito, hindi ba dapat ay higit ninyong mahalin ang darating na bukas?
Marso 8, 1992