Kabanata 11
Bawat tao sa sangkatauhan ay dapat pumayag na masuri ng Aking Espiritu, dapat nilang siyasating mabuti ang bawat salita at kilos nila, at, bukod pa riyan, dapat nilang tingnan ang Aking kamangha-manghang mga gawa. Ano ang pakiramdam ninyo sa panahon ng pagdating ng kaharian sa lupa? Kapag dumaloy ang Aking mga anak at mga tao sa Aking luklukan, pormal Kong sinisimulan ang paghatol sa harap ng malaking luklukang maputi. Ibig sabihin, kapag sinisimulan Ko ang Aking gawain sa lupa nang personal, at kapag ang panahon ng paghatol ay malapit nang magwakas, sinisimulan Kong ituon ang Aking mga salita sa buong sansinukob, at inilalabas ang tinig ng Aking Espiritu sa buong sansinukob. Sa pamamagitan ng Aking mga salita, huhugasan Ko nang malinis ang lahat ng tao at bagay kasama ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, kaya’t ang lupain ay hindi na marumi at malaswa, kundi isang banal na kaharian. Paninibaguhin Ko ang lahat ng bagay, upang mailaan ang mga iyon para magamit Ko, upang hindi na mag-amoy lupa ang mga iyon, at hindi na mabahiran ng lasa ng lupa. Sa lupa, nangapa na ang tao para sa mithiin at mga pinagmumulan ng Aking mga salita, at naobserbahan na ang Aking mga gawa, subalit walang sinumang tunay na nakaalam sa pinagmumulan ng Aking mga salita, at walang sinumang tunay na nakakita sa pagiging kamangha-mangha ng Aking mga gawa. Ngayon lamang, na personal Akong pumaparito sa tao at binibigkas ang Aking mga salita, nagkaroon ng kaunting kaalaman ang tao tungkol sa Akin, na nag-aalis sa puwang na sakop “Ko” sa kanilang isipan, at sa halip ay lumilikha ng isang puwang para sa praktikal na Diyos sa kanilang kamalayan. Ang tao ay may mga kuru-kuro at puno ng pag-uusisa; sino ang hindi magnanais na makita ang Diyos? Sino ang hindi magnanasang makaharap ang Diyos? Subalit ang tanging sumasakop sa isang tiyak na puwang sa puso ng tao ay ang Diyos na sa pakiramdam ng tao ay malabo at mahirap unawain. Sino ang makatatanto nito kung hindi Ko sinabi sa kanila nang malinaw? Sino ang tunay na maniniwala, nang may katiyakan at walang bahid ng pagdududa, na Ako ay talagang umiiral? May malaking pagkakaiba sa pagitan ng “Ako” sa puso ng tao at ng “Ako” ng realidad, at walang sinumang may kakayahang ikumpara ang mga ito. Kung hindi Ako naging tao, hindi Ako kailanman makikilala ng tao, at kahit nakilala niya Ako, hindi ba isang kuru-kuro pa rin ang gayong pagkakilala? Bawat araw ay naglalakad Ako sa gitna ng walang-tigil na daloy ng mga tao, at bawat araw ay kumikilos Ako sa kalooban ng bawat tao. Kapag Ako ay tunay na nakikita ng tao, makikilala niya Ako sa Aking mga salita, at maiintindihan ang mga kaparaanan ng Aking pagsasalita gayundin ang Aking mga layon.
Kapag ang kaharian ay pormal na dumarating sa lupa, ano, sa lahat ng bagay, ang hindi tahimik? Sino, sa lahat ng tao, ang hindi natatakot? Lumalakad Ako sa lahat ng dako ng mundong sansinukob, at lahat ng bagay ay personal Kong ipinlano. Sa panahong ito, sino ang hindi nakakaalam na ang Aking mga gawa ay kamangha-mangha? Sinusuportahan ng Aking mga kamay ang lahat ng bagay, subalit nangingibabaw rin Ako sa lahat ng bagay. Ngayon, hindi ba ang Aking pagkakatawang-tao at ang Aking personal na presensya sa tao ang totoong kahulugan ng Aking pagpapakumbaba at pagiging tago? Sa tingin, maraming taong pumapalakpak at pumupuri na Ako ay marilag, ngunit sino ang tunay na nakakakilala sa Akin? Ngayon, bakit Ko hinihiling na kilalanin ninyo Ako? Hindi ba ang layunin Ko ay ipahiya ang malaking pulang dragon? Ayaw Kong pilitin ang tao na purihin Ako, kundi hikayatin siyang kilalanin Ako, na magiging daan upang mahalin niya Ako, at sa gayon ay purihin Ako. Ang gayong papuri ay karapat-dapat sa katawagan nito, at hindi hungkag na pananalita; ganitong papuri lamang ang maaaring umabot sa Aking luklukan at pumailanlang sa kalangitan. Dahil natukso at nagawang tiwali na ni Satanas ang tao, dahil nadala na siya sa pamamagitan ng mga kuru-kuro at pag-iisip, naging tao Ako upang personal na lupigin ang buong sangkatauhan, upang ilantad ang lahat ng kuru-kuro ng tao, at upang basagin ang iniisip ng tao. Dahil dito, hindi na muling nagmamalaki ang tao sa Aking harapan, at hindi na muling naglilingkod sa Akin gamit ang sarili niyang mga kuru-kuro, at sa gayon ay ganap nang naiwaksi ang “Ako” sa mga kuru-kuro ng tao. Kapag dumarating ang kaharian, ang una Kong ginagawa ay simulan ang yugtong ito ng gawain, at ginagawa Ko iyon sa Aking mga tao. Bilang Aking mga tao na isinilang sa bansa ng malaking pulang dragon, tiyak na hindi lamang maliit, o isang bahagi, ng kamandag ng malaking pulang dragon ang nasa inyong kalooban. Sa gayon, ang yugtong ito ng Aking gawain una sa lahat ay nakatutok sa inyo, at ito ay isang aspeto ng kabuluhan ng Aking pagkakatawang-tao sa Tsina. Karamihan sa mga tao ay hindi kayang maintindihan kahit ang kapiraso ng mga salitang Aking sinasambit, at kapag nagagawa nila, malabo at magulo ang kanilang pagkaunawa. Ito ay isang pagbabago sa pamamaraan ng Aking pagsasalita. Kung nabasa ng lahat ng tao ang Aking mga salita at naunawaan ang kahulugan ng mga iyon, sino sa mga tao ang maliligtas, at hindi itatapon sa Hades? Kapag nakikilala at sinusunod Ako ng tao, iyon ang panahon na nagpapahinga Ako, at iyon mismo ang sandali na naiintindihan ng tao ang kahulugan ng Aking mga salita. Ngayon, napakababa ng inyong tayog—halos nakakaawa iyon sa kababaan, ni hindi man lamang karapat-dapat na ipagmalaki—at lalo pa ngang napakababa ng inyong kaalaman sa Akin.
Bagama’t sinasabi Ko na nagsimula nang isugo ang mga anghel upang akayin ang Aking mga anak at mga tao, walang sinumang nakakaunawa sa kahulugan ng Aking mga salita. Kapag personal Akong pumaparito sa tao, sabay-sabay na sinisimulan ng mga anghel ang gawain ng pag-akay, at sa panahon ng pag-akay ng mga anghel, lahat ng anak at tao ay hindi lamang nakatatanggap ng mga pagsubok at pag-akay, kundi namamasdan din, sa sarili nilang mga mata, ang kaganapan ng lahat ng klase ng mga pangitain. Dahil tuwiran Akong gumagawa sa pagka-Diyos, lahat ng bagay ay pumapasok sa isang bagong simula, at dahil tuwirang gumagawa ang pagka-Diyos na ito, ni katiting ay hindi ito napipigilan ng pagkatao, at para sa tao ay tila malayang kumikilos sa ilalim ng higit-sa-karaniwang mga kalagayan. Subalit, para sa Akin, ganap na normal ito (naniniwala ang tao na ito ay higit-sa-karaniwan dahil kailanman ay hindi pa niya nakaharap nang tuwiran ang pagka-Diyos); wala itong taglay na anumang mga kuru-kuro ng tao, at walang bahid ng mga ideya ng tao. Makikita lamang ito ng mga tao kapag pumasok silang lahat sa tamang landas; dahil ngayon ang simula, pagdating sa kanyang pagpasok, maraming pagkukulang ang tao, at ang mga kamalian at kalabuan ay halos hindi maiwasan. Ngayon, yamang napangunahan Ko na kayo hanggang sa puntong ito, gumawa na Ako ng angkop na mga plano, at mayroon Akong sariling mga layunin. Kung sasabihin Ko sa inyo ang mga iyon ngayon, talaga bang malalaman ninyo ang mga iyon? Alam na alam Ko ang mga iniisip ng tao at ang mga ninanais ng puso ng tao: Sino ang hindi naghanap kailanman ng daan palabas para sa kanilang sarili? Sino ang hindi nag-isip kailanman tungkol sa sarili nilang mga inaasam? Subalit kahit mayroong mayaman at malaking katalinuhan ang tao, sino ang nakahula na, pagkatapos ng mga kapanahunan, magiging ganito ang kasalukuyan? Ito ba talaga ang bunga ng iyong sariling pagsisikap? Ito ba ang kabayaran para sa iyong walang-pagod na kasipagan? Ito ba ang magandang paglalarawang nakinita ng iyong isipan? Kung hindi Ko ginabayan ang buong sangkatauhan, sino ang makakayang ihiwalay ang kanilang sarili mula sa Aking mga plano at maghanap ng ibang daan palabas? Ang mga imahinasyon at pagnanais ba ng tao ang nagdala sa kanya sa ngayon? Maraming tao ang habambuhay na hindi natutupad ang kanilang mga inaasam. Talaga bang ito ay dahil sa isang kamalian sa kanilang pag-iisip? Ang buhay ng maraming tao ay puno ng di-inaasahang kaligayahan at kasiyahan. Talaga bang ito ay dahil napakaliit ng kanilang inaasahan? Sino sa buong sangkatauhan ang hindi inaalagaan sa paningin ng Makapangyarihan? Sino ang hindi nabubuhay sa gitna ng itinalagang tadhana ng Makapangyarihan? Nangyayari ba ang buhay at kamatayan ng tao ayon sa sarili niyang pagpapasiya? Kontrolado ba ng tao ang kanyang sariling kapalaran? Maraming taong gusto nang mamatay, subalit malayo iyon sa kanila; maraming taong nais maging yaong malalakas sa buhay at takot sa kamatayan, subalit lingid sa kanilang kaalaman, ang araw ng kanilang kamatayan ay nalalapit na, isinasadlak sila sa kailaliman ng kamatayan; maraming taong nakatingala sa langit at bumubuntong-hininga nang malalim; maraming taong umiiyak nang malakas, humahagulhol; maraming taong bumabagsak sa gitna ng mga pagsubok; at maraming taong nagiging bilanggo ng tukso. Kahit hindi Ako magpakita nang personal upang hayaan ang tao na malinaw Akong mamasdan, maraming taong takot na makita ang Aking mukha, takot na takot na pababagsakin Ko sila, na papatayin Ko sila. Totoo bang kilala Ako ng tao, o hindi? Walang makakapagsabi nang tiyakan. Hindi ba ganito? Ako at ang Aking pagkastigo ay pareho ninyong kinatatakutan, subalit pinaninindigan at lantaran din ninyo Akong kinokontra at hinuhusgahan. Hindi ba ganito ang nangyayari? Hindi Ako kailanman nakilala ng tao dahil hindi niya kailanman nakita ang Aking mukha o narinig ang Aking tinig. Sa gayon, kahit nasa loob Ako ng puso ng tao, mayroon bang sinuman na hindi Ako malabo at di-maaninag sa kanyang puso? Mayroon bang sinuman na ganap na malinaw Ako sa kanyang puso? Ayaw Ko ring makita Ako ng Aking mga tao na malabo at mahirap unawain, at sa gayon ay sinisimulan Ko ang dakilang gawaing ito.
Tahimik Akong pumaparito sa tao, at pagkatapos ay lumalayo Ako. May nakakita na ba sa Akin? Nakikita ba Ako ng araw dahil sa nagniningas na apoy nito? Nakikita ba Ako ng buwan dahil sa maningning na liwanag nito? Nakikita ba Ako ng mga konstelasyon dahil sa lugar ng mga ito sa kalangitan? Kapag dumarating Ako, hindi alam ng tao, at lahat ng bagay ay nananatiling walang-alam, at kapag Ako ay lumisan, hindi pa rin namamalayan ng tao. Sino ang maaaring magpatotoo sa Akin? Ang papuri kaya ng mga tao sa lupa? Ang mga liryo kayang namumulaklak sa kagubatan? Ang mga ibon bang nagliliparan sa himpapawid? Ang mga leon ba na umuungol sa kabundukan? Walang sinumang lubos na makasasaksi sa Akin! Walang sinumang makagagawa ng gawaing Aking gagawin! Kahit ginawa nga nila ang gawaing ito, ano ang magiging epekto nito? Bawat araw ay minamasdan Ko ang bawat kilos ng maraming tao, at bawat araw ay sinisiyasat Ko ang puso’t isipan ng maraming tao; wala pang sinumang nakatakas sa Aking paghatol kailanman, at wala pang sinumang nakapag-alis sa kanilang sarili ng realidad ng Aking paghatol kailanman. Nakatayo Ako sa ibabaw ng kalangitan at nakatingin sa malayo: Napakarami Ko nang napabagsak na tao, subalit napakaraming tao rin ang nabubuhay sa gitna ng Aking awa at pagmamahal. Hindi ba ganito rin ang inyong sitwasyon?
Marso 5, 1992