Kabanata 13

Nakatago sa loob ng Aking mga salita at pagbigkas ang ilan sa Aking mga layunin, ngunit walang nalalaman at nauunawaan ang mga tao tungkol sa alinman sa mga ito; at patuloy silang tumatanggap ng Aking mga salita mula sa labas at sinusunod ang mga ito mula sa labas, at hindi nila maunawaan ang Aking puso o mahiwatigan ang Aking kalooban mula sa Aking mga salita. Bagama’t pinalilinaw Ko ang Aking mga salita, sino ang nakakaunawa sa mga iyon? Mula sa Sion naparito Ako sa sangkatauhan. Dahil nadamitan Ko ang Aking Sarili sa normal na pagkatao at sa balat ng tao, nalalaman lamang ng mga tao ang Aking panlabas na anyo—ngunit hindi nila nalalaman ang buhay na nasa Aking kalooban, ni hindi nila nakikilala ang Diyos ng Espiritu, at ang alam lamang nila ay ang taong may laman. Maaari kayang hindi karapat-dapat ang praktikal na Diyos Mismo sa pagsisikap ninyong kilalanin Siya? Maaari kayang hindi karapat-dapat ang praktikal na Diyos Mismo sa inyong pagsisikap na “suriin” Siya? Kinasusuklaman Ko ang katiwalian ng buong sangkatauhan, ngunit nahahabag Ako sa kanilang kahinaan. Pinakikitunguhan Ko rin ang dating likas na pagkatao ng buong sangkatauhan. Bilang isa sa Aking mga tao sa Tsina, hindi ba bahagi rin kayo ng sangkatauhan? Sa lahat ng Aking tao, at sa lahat ng Aking anak, ibig sabihin, sa lahat ng Aking hinirang mula sa buong sangkatauhan, kabilang kayo sa pinakamababang grupo. Dahil dito, ginugol Ko na ang pinakamatinding lakas sa inyo, ang pinakamatinding pagsisikap. Hindi pa rin ba ninyo itinatangi ang pinagpalang buhay na tinatamasa ninyo ngayon? Pinatitigas pa rin ba ninyo ang inyong puso para maghimagsik laban sa Akin at itakda ang sarili ninyong mga plano? Kung hindi sa patuloy Kong awa at pagmamahal, matagal na sanang nabihag ni Satanas ang buong sangkatauhan at ginawa silang “masasarap na subo” sa bibig nito. Ngayon, sa gitna ng lahat ng tao, yaong mga tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Akin at tunay Akong minamahal ay bihira pa rin kaya mabibilang sa mga daliri ng isang kamay. Ngayon, maaari kayang maging personal na pag-aari ninyo ang titulong “Aking mga tao”? Talaga bang naging kasinlamig na ng yelo ang konsiyensya mo? Talaga bang karapat-dapat kang makabilang sa mga tao na Aking kinakailangan? Gunitain mo ang nakaraan, at tingnan mong muli ang kasalukuyan—sino sa inyo ang nakapagpalugod na sa puso Ko? Sino sa inyo ang nagpakita na ng tunay na malasakit sa Aking mga layunin? Kung hindi Ko pa kayo inudyukan, hindi pa kayo magigising, kundi mananatili pa rin kayong parang naninigas, at muli, na para bang tulog sa taglamig.

Sa gitna ng rumaragasang mga alon, nakikita ng tao ang Aking poot; sa marahas na paggalaw ng maiitim na ulap, manghang-mangha at takot na takot ang tao, at hindi alam kung saan tatakbo, na para bang natatakot tangayin sila ng kulog at ulan. Pagkatapos, pagkaraan ng nag-aalimpuyong bagyong niyebe, napapanatag at gumagaan ang kanilang damdamin habang natutuwa sila sa magandang tanawin ng kalikasan. Ngunit, sa gayong mga sandali, sino sa kanila ang nakaranas na ng Aking walang-hangganang pagmamahal para sa sangkatauhan? Ang Aking anyo lamang ang nasa kanilang puso, ngunit hindi ang diwa ng Aking Espiritu: Hindi ba Ako hayagang sinusuway ng tao? Kapag lumipas na ang bagyo, parang napanibago ang buong sangkatauhan; para bang, kasunod ng pagpipino sa pamamagitan ng mga pagdurusa, nabalik sa kanila ang liwanag at ang buhay. Matapos tiisin ang mga dagok na Aking ipinadala, hindi ba naging mapalad din kayo ngayon? Ngunit, kapag lumipas na ang araw na ito at dumating ang kinabukasan, magagawa ba ninyong panatilihin ang kadalisayang sumunod sa pagbuhos ng ulan? Magagawa ba ninyong panatilihin ang katapatang sumunod sa pagpipino sa inyo? Magagawa ba ninyong panatilihin ang pagsunod ng ngayon? Maaari bang manatiling matatag at hindi nagbabago ang inyong katapatan? Hindi ba kayang isakatuparan ng tao ang kinakailangang ito? Araw-araw Akong nabubuhay sa piling ng sangkatauhan, at kumikilos na kasama ng mga tao, sa gitna nila, subalit wala ni isa man ang nakapansin nito. Kung hindi sa patnubay ng Aking Espiritu, sino pa, sa buong sangkatauhan, ang mananatiling umiiral sa kasalukuyang panahon? Kapag sinasabi Kong Ako ay nabubuhay at kumikilos na kasama ng mga tao, nagsasalita ba Ako nang labis-labis? Noong araw, sinabi Kong “nilikha Ko ang sangkatauhan, at ginabayan ang buong sangkatauhan, at pinamunuan ang buong sangkatauhan”; hindi nga ba ganoon? Posible ba na hindi pa sapat ang inyong karanasan sa mga bagay na ito? Ang kataga lamang na “tagapagsilbi” ay mangangailangan na ng inyong buong buhay para ipaliwanag. Kung walang aktwal na karanasan, hindi Ako kailanman makikilala ng isang tao—hindi nila Ako makikilala kailanman sa pamamagitan ng Aking mga salita. Gayunman, ngayon ay personal Akong naparito sa gitna ninyo—hindi ba mas makakatulong ito sa inyong pag-unawa? Hindi ba kaligtasan din para sa inyo ang Aking pagkakatawang-tao? Kung hindi Ako bumaba sa sangkatauhan sa Aking sariling persona, matagal na sanang natagusan ng mga kuru-kuro ang buong sangkatauhan, na ibig sabihin ay ang maangkin ni Satanas, sapagkat ang pinaniniwalaan mo ay imahe lamang ni Satanas at walang anupamang kinalaman sa Diyos Mismo. Hindi ba ito ang Aking pagliligtas?

Kapag humaharap sa Akin si Satanas, hindi Ako napapaurong mula sa malupit na kabangisan nito, ni hindi Ako natatakot sa kapangitan nito: binabalewala Ko lamang ito. Kapag tinutukso Ako ni Satanas, nakikita Ko ang panlilinlang nito, na dahilan para tumalilis ito sa kahihiyan at paghamak. Kapag nilalabanan Ako ni Satanas at sinusubukang agawin ang mga taong Aking hinirang, nilalabanan Ko ito sa Aking katawang-tao; at sa Aking katawang-tao ay sinusuportahan at inaakay Ko ang Aking mga tao upang hindi sila madaling bumagsak o mawala, at ginagabayan Ko sila sa bawat hakbang ng daan. At kapag umuurong na si Satanas sa pagkatalo, magtatamo Ako ng kaluwalhatian mula sa Aking mga tao, at ang Aking mga tao ay makapagdadala na ng maganda at matunog na patotoo sa Akin. Dahil dito, aalisin Ko ang mga panghambing sa Aking plano ng pamamahala at itatapon ang mga ito nang lubusan sa walang-hanggang hukay. Ito ang Aking plano; ito ang Aking gawain. Sa inyong buhay, maaaring dumating ang araw na mahaharap ka sa gayong sitwasyon: Papayag ka bang maging bihag mismo ni Satanas, o hahayaan mo Akong makamit ka? Ito ang sarili mong kapalaran, at kailangan mong pag-isipan itong mabuti.

Ang buhay sa kaharian ay ang buhay ng mga tao at ng Diyos Mismo. Ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng Aking pangangalaga at proteksyon, at lahat ay kasali sa isang pakikipaglaban sa malaking pulang dragon hanggang kamatayan. Para magwagi sa huling labanang ito, para tapusin na ang malaking pulang dragon, dapat ihandog sa Akin ng lahat ng tao ang kanilang buong pagkatao sa Aking kaharian. Ang “kaharian” na binabanggit dito ay tumutukoy sa isang buhay na ipinamumuhay sa ilalim ng tuwirang pamamahala ng pagka-Diyos, kung saan Ako ang umaakay sa buong sangkatauhan, na tumatanggap nang tuwirang pagsasanay mula sa Akin, upang ang kanilang buhay, bagama’t nasa lupa pa rin, ay parang nasa langit na—isang tunay na pagsasakatuparan ng buhay sa ikatlong langit. Bagama’t Ako ay nasa Aking katawang-tao, hindi Ako nagdaranas ng mga limitasyon ng laman. Nakarating na Ako nang napakaraming beses sa gitna ng tao para pakinggan ang kanyang mga dalangin, at natamasa Ko na nang napakaraming beses ang mga papuri nila, habang namumuhay Ako sa piling nila; bagama’t hindi kailanman namamalayan ng sangkatauhan ang Aking pag-iral, patuloy pa rin Ako sa Aking gawain sa ganitong paraan. Sa Aking tirahan, na siyang lugar kung saan Ako nakatago—magkagayunman, sa Aking tirahan, natalo Ko na ang lahat ng Aking kaaway; sa Aking tirahan, nagtamo na Ako ng tunay na karanasan ng pamumuhay sa lupa; sa Aking tirahan, pinagmamasdan Ko ang bawat salita at kilos ng tao, at binabantayan at pinamamahalaan ang buong sangkatauhan. Kung may nadaramang pagmamalasakit ang sangkatauhan para sa Aking mga layunin, sa gayon ay napapalugod nila ang Aking puso at nabibigyan Ako ng kasiyahan, tiyak na pagpapalain Ko ang buong sangkatauhan. Hindi ba ito ang Aking layon para sa sangkatauhan?

Habang nakahigang walang-malay ang sangkatauhan, sa mga dagundong lamang ng Aking kulog sila nagigising mula sa kanilang mga panaginip. At kapag idinilat nila ang kanilang mga mata, marami ang nasasaktan ang mga mata rito sa mga pagsabog ng malamig na liwanag, kaya nawawalan sila ng direksyon, at hindi nila alam kung saan sila nanggaling ni kung saan sila patungo. Karamihan sa mga tao ay tinatamaan ng mga sinag na parang laser at bumabagsak sa isang tumpok sa ilalim ng bagyo, inaanod ng bumubulusok na mga agos ang kanilang katawan, na walang iniiwang bakas. Sa liwanag, sa wakas ay malinaw na nakikita ng mga nakaligtas ang Aking mukha, at saka lamang sila nagkakaroon ng kaalaman tungkol sa Aking panlabas na anyo, kaya hindi na sila nangangahas na tumingin nang diretso sa Aking mukha, sa sobrang takot na baka minsan pang dumalaw ang Aking pagkastigo at pagsumpa sa kanilang laman. Kaya napakaraming taong sumisigaw at umiiyak nang buong kapaitan; napakaraming nahuhulog sa kabiguan; napakaraming nakakabuo ng mga ilog gamit ang kanilang dugo; napakaraming nagiging bangkay, na inaanod kung saan-saan nang walang direksyon; napakaraming tao, na nakatagpo ng sarili nilang lugar sa liwanag, ang nakadarama ng biglang matinding kirot ng dalamhati at napapaluha dahil sa mahahabang taon ng kanilang kalungkutan. Napakaraming tao, na napilit ng liwanag, ang nangungumpisal ng kanilang karumihan at nagpapasyang baguhin ang kanilang sarili. Napakaraming tao, dahil nabulag, ang nawalan na ng siglang mabuhay at dahil dito ay wala nang interes na pansinin ang liwanag, at sa gayon ay patuloy na hindi gumagalaw, naghihintay sa kanilang wakas. At napakaraming tao ang nagtataas ng mga layag ng buhay at, sa ilalim ng patnubay ng liwanag, sabik na inaasam ang kanilang kinabukasan. … Ngayon, sino sa sangkatauhan ang hindi umiiral sa ganitong kalagayan? Sino ang hindi umiiral sa loob ng Aking liwanag? Kahit malakas ka, o bagama’t maaaring mahina ka, paano mo maiiwasan ang pagdating ng Aking liwanag?

Marso 10, 1992

Sinundan: Kabanata 12

Sumunod: Kabanata 14

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito