Kabanata 33
Sa Aking pamamahay, minsang nagkaroon ng mga dumadakila sa Aking banal na pangalan, na gumawa nang walang kapaguran upang mapuno ang papawirin ng Aking kaluwalhatian sa lupa. Dahil dito, labis Akong natuwa, at napuno ang Aking puso ng kagalakan—ngunit sino ang kayang humalili sa Akin, na tinatalikdan ang tulog sa gabi at araw? Nagbibigay sa Akin ng kaluguran ang determinasyon ng tao sa Aking harapan, ngunit pinupukaw ng kanyang pagiging mapanghimagsik ang Aking galit, at samakatuwid, dahil hindi kailanman mananatiling tapat ang tao sa kanyang tungkulin, lalong tumitindi ang Aking pighati para sa kanya. Bakit laging hindi kaya ng mga tao na ilaan ang kanilang sarili sa Akin? Bakit nila palaging sinusubukang makipagtawaran sa Akin? Punong tagapamahala ba Ako ng isang sentro ng kalakalan? Bakit Ko kaya isinasakatuparan nang buong puso ang hinihingi ng mga tao sa Akin, habang nauuwi lang sa wala ang hinihingi Ko mula sa tao? Maaari kayang hindi Ako magaling sa mga pamamaraan ng pagnenegosyo, pero ang tao ay magaling dito? Bakit palagi Akong nililinlang ng mga tao sa pamamagitan ng mabuladas na pananalita at pambobola? Bakit palaging dumarating ang mga tao na may dalang “mga regalo,” humihingi ng daan pabalik? Ito ba ang itinuro Ko na gawin ng tao? Bakit ginagawa ng mga tao ang ganitong mga bagay nang mabilis at malinis? Bakit palaging nagaganyak ang mga tao na linlangin Ako? Kapag kasama Ko ang tao, tinitingnan Ako ng mga tao bilang isang nilikha; kapag nasa ikatlong langit Ako, itinuturing nila Ako bilang ang Makapangyarihan sa lahat, na Siyang may pamamahala sa lahat ng bagay; kapag nasa kalangitan Ako, nakikita nila Ako bilang ang Espiritu na pumupuno sa lahat ng bagay. Sa kabuuan, walang nararapat na lugar para sa Akin sa puso ng mga tao. Para bang isa Akong bisitang hindi imbitado, kinasusuklaman Ako ng mga tao, at kaya kapag kinukuha Ko ang tiket at nauupo Ako, itinataboy nila Ako, at sinasabing wala Akong mauupuan dito, na nagpunta Ako sa maling lugar, at kaya wala Akong pagpipilian kundi ang umalis kaagad nang galit na galit. Nagdesisyon Akong hindi na makihalubilo sa tao, dahil masyadong makitid ang utak ng mga tao at masyadong kakaunti ang kanilang kagandahang-loob. Hindi na Ako kakain sa mesang kinakainan din nila, hindi na Ako magpapalipas ng oras sa mundo na kasama sila. Ngunit kapag nagsasalita Ako, namamangha ang mga tao; natatakot sila na lilisan Ako, at kaya patuloy nila Akong ikinukulong. Habang nakikita ang kanilang pagkukunwari, agad Kong naramdamang tila malungkot at mapanglaw ang Aking puso. Natatakot ang mga tao na iiwan Ko sila, at kaya kapag humihiwalay Ako sa kanila, agad napupuno ang lupa ng tunog ng pag-iyak, at napupuno ng luha ang mga mukha ng mga tao. Pinupunasan Ko ang kanilang mga luha, muli Ko silang pinagiginhawa, at tinititigan nila Ako, ang kanilang mga mata ay tila nagmamakaawa sa Akin na huwag Akong lumisan, at dahil sa kanilang “pagiging busilak” ay kasama nila Ako. Ngunit sino ang makakaunawa ng sakit na nasa Aking puso? Sino ang nagsasaisip ng Aking mga bagay na hindi maaaring pag-usapan? Sa mga mata ng mga tao, para bang wala Akong emosyon, at kaya palagi kaming nagmumula sa dalawang magkaibang pamilya. Paano nila makikita ang pagkaramdam ng pighati sa Aking puso? Ninanasa lamang ng mga tao ang kanilang mga sariling kaaliwan, at hindi nila isinasaisip ang Aking kalooban, dahil, hanggang sa kasalukuyan, nananatiling mangmang ang mga tao tungkol sa layon ng Aking plano ng pamamahala, at kaya ngayon gumagawa pa rin sila ng tahimik na mga pagsamo—at ano ang benepisyo nito?
Kapag naninirahan Ako kasama ng tao, mayroon Akong puwang sa puso ng mga tao; dahil nagpakita na Ako sa katawang-tao, at nabubuhay ang mga tao sa lumang katawan, palagi nila Akong pinakikitunguhan sa katawang-tao. Dahil mayroon lamang laman ang mga tao at wala nang higit pang karagdagan, ibinigay na nila sa Akin ang “lahat ng mayroon sila.” Ngunit wala silang alam, “inaalay lamang nila ang kanilang debosyon” sa Akin. Walang kuwentang basura ang Aking inaani—ngunit hindi ganoon ang iniisip ng tao. Kapag inihahambing Ko ang “mga regalo” na ibinigay nila sa Aking mga bagay, agad na napapansin ng mga tao ang Aking kahalagahan, at saka lamang nila nakikita ang Aking pagiging di-masusukat. Hindi Ako nagmamalaki dahil sa kanilang papuri, kundi nagpapatuloy Ako na magpakita sa tao, upang maaari Akong makilala nang lubusan ng mga tao. Kapag ipinapakita Ko sa kanila ang Aking kabuuan, tinitingnan nila Ako nang may nanlalaking mga mata, nakatayo sa harapan Ko nang hindi gumagalaw, kagaya ng isang haliging asin. At kapag pinagmamasdan Ko ang kanilang pagiging kakaiba, nahihirapan Akong pigilan ang Aking sarili sa pagtawa. Dahil nakikipag-ugnayan sila upang humingi ng mga bagay mula sa Akin, ibinibigay Ko sa kanila ang mga bagay na nasa Aking kamay, at hinahawakan nila ito sa kanilang dibdib, itinatangi ang mga ito kagaya ng isang bagong silang na sanggol, isang gawi na ginagawa lamang nila nang sandali. Kapag iniiba Ko ang kapaligiran kung saan sila ay naninirahan, agad nilang inihahagis ang “sanggol” sa isang tabi at tumatakas nang nahihiya. Sa mga mata ng mga tao, Ako ang tulong na laging naroon sa anumang oras o lugar, na para bang isa Akong serbidor na dumarating sa oras na siya ay tinawag. Kaya palagi Akong “tinitingala” ng mga tao, na para bang mayroon Akong walang-hanggang kapangyarihan upang labanan ang sakuna, at kaya palagi nilang hinahawakan ang Aking kamay, dinadala Ako sa mga paglalakbay sa kabuuan ng lupa, upang maaaring makita ng lahat ng bagay na mayroon silang Pinuno, upang walang mangangahas na manlinlang sa kanila. Noon Ko pa nakikita ang panlalansi ng mga tao na isang “sorong nagtataglay ng pagiging maharlika ng isang tigre,” dahil “nagsisimula silang lahat sa kanilang negosyo,” nagnanais tumubo sa pamamagitan ng panlilinlang. Matagal Ko nang nakikita ang kanilang mapanira at malisyosong pakana, at ito ay dahil lamang sa hindi Ko lamang nais na saktan ang aming samahan. Hindi Ako gumagawa ng gulo nang walang dahilan—walang halaga o importansya roon. Ginagawa Ko lamang ang gawain na dapat Kong gawin alang-alang sa mga kahinaan ng mga tao; kung hindi, gagawin Ko silang abo at hahayaan silang hindi na mabuhay. Ngunit may kahulugan ang gawain na Aking isinasakatuparan, at kaya hindi magaan ang pagkastigo Ko sa mga tao. Sa kadahilanang ito kaya palaging nabibigyan ang mga tao ng kalayaan na pamahalaan ang kanilang katawan. Hindi nila sinusunod ang Aking kalooban, kundi lagi Akong nililinlang sa harap ng Aking hukuman. Napakatapang ng mga tao: Kapag pinagbabantaan sila ng lahat ng “kagamitan sa pagpapahirap,” hindi man lang sila nag-aalinlangan. Sa harap ng mga katotohanan, nananatili silang walang kakayahan na magbigay ng anumang katotohanan, at walang ginagawa kundi ang mahigpit na manlaban sa Akin. Kapag hinihingi Ko na ilabas nila ang lahat ng marumi, nagpapakita pa rin sila sa Akin ng dalawang kamay na walang dala—paanong hindi ito magagamit ng iba bilang isang “halimbawa”? Ito ay dahil ang “pananampalataya” ng mga tao ay labis na dakila kung kaya’t sila ay “kahanga-hanga.”
Nagsimula na Ako sa Aking gawain sa kabuuan ng sansinukob; biglang nagigising ang mga tao sa sansinukob, at gumagalaw nang paikot sa gitna, na siyang Aking gawain, at kapag “naglalakbay” Ako sa loob ng mga ito, tumatakas ang lahat sa pang-aalipin ni Satanas, at hindi pinahihirapan sa gitna ng pamiminsala ni Satanas. Dahil sa pagdating ng Aking araw, napupuno ng kasiyahan ang mga tao, nawawala ang lungkot sa kanilang mga puso, ang mga ulap ng kalungkutan sa kalangitan ay nagiging oxygen at lumulutang doon, at sa sandaling ito, tinatamasa Ko ang kasiyahan ng pagiging kasama ng tao. Binibigyan Ako ng mga gawa ng tao ng isang bagay na mananamnam, at kaya hindi na Ako agrabyado. At, kasama ng pagdating ng Aking araw, muling nakakamit ng mga bagay sa mundo na may sigla ang ugat ng kanilang pag-iral, muling nabubuhay ang lahat ng bagay sa mundo, at tinatanggap nila Ako bilang batayan ng kanilang pag-iral, dahil idinudulot Ko na ang mga bagay ay magningning nang may buhay, at kaya idinudulot Ko rin na sila ay mawala nang tahimik. Samakatuwid, naghihintay ang lahat ng bagay ng mga kautusan mula sa Aking bibig, at nasisiyahan sa Aking ginagawa at sinasabi. Sa lahat ng bagay, Ako ang Kataas-taasan—ngunit naninirahan din Ako kasama ng lahat ng tao, at ginagamit Ko ang mga gawa ng tao bilang mga pagpapamalas ng Aking paglikha ng langit at lupa. Kapag nagbibigay ang mga tao ng dakilang papuri sa Akin, nadadakila Ako sa lahat ng bagay, at kaya naman tumutubo nang mas maganda sa ilalim ng araw ang mga bulaklak sa lupa, nagiging mas luntian ang mga damo, at tila mas asul ang mga ulap sa langit. Dahil sa Aking tinig, tumatakbo ang mga tao nang paroon at parito; ngayon, napupuno ng kaligayahan ang mga mukha ng mga tao sa Aking kaharian, at umuusbong ang kanilang buhay. Gumagawa Ako kasama ng lahat ng Aking hinirang na mga tao, at hindi Ko pinahihintulutan ang Aking gawain na mabahiran ng mga ideya ng tao, dahil personal Kong isinasagawa ang Aking gawain. Kapag gumagawa Ako, nagbabago at napapanibago ang mga kalangitan at lupa at ang lahat ng narito, at kapag nakumpleto Ko na ang Aking gawain, lubos na napapanibago ang tao, hindi na siya namumuhay sa pagkabalisa dahil sa Aking hinihingi, dahil maaaring marinig sa buong mundo ang mga tunog ng kasiyahan, at kinukuha Ko ang oportunidad na ito upang magkaloob sa tao ng mga biyaya na ibinibigay Ko sa kanya. Kapag Ako ang Hari ng kaharian, natatakot ang lahat ng tao sa Akin, ngunit kapag Ako ang Hari kasama ng tao, at naninirahan Ako kasama ang tao, walang nakikitang kasiyahan ang mga tao sa Akin, dahil napakasama ng kanilang mga kuru-kuro sa Akin, kaya masyado nang nakabaon nang malalim ang mga ito kung kaya’t mahirap nang alisin. Dahil sa ipinapakita ng tao, ginagawa Ko ang Aking gawain, na siyang tama, at kapag umaakyat Ako sa langit at ipinamamalas ang Aking poot sa tao, agad na nagiging abo ang iba’t ibang opinyon ng mga tao ukol sa Akin. Hinihingi Ko na magsalita sila ng marami pa tungkol sa kanilang mga kuru-kuro sa Akin, pero nabigla sila na hindi na makapagsalita, na para bang wala sila nito, at na para bang mapagpakumbaba sila. Habang mas naninirahan Ako sa mga kuru-kuro ng mga tao, lalo nila Akong minamahal, at habang mas lalo Akong naninirahan sa labas ng mga kuru-kuro ng mga tao, lalo nila Akong nilalayuan, at nagkakaroon sila ng mas maraming opinyon ukol sa Akin, dahil, mula noong nilikha Ko ang daigdig hanggang ngayon, palagi na Akong naninirahan sa mga kuru-kuro ng mga tao. Kapag dumarating Ako sa mga tao ngayon, iwinawaksi Ko ang lahat ng kuru-kuro ng mga tao, at kaya tumatanggi lamang ang mga tao—ngunit mayroon Akong naaangkop na mga pamamaraan upang iwasto ang kanilang mga kuru-kuro. Hindi dapat mag-alala o maging balisa ang mga tao; ililigtas Ko ang buong sangkatauhan sa pamamagitan ng mga sarili Kong pamamaraan, na gagawin ang lahat ng tao na mahalin Ako, at tutulutan silang matamasa ang Aking mga biyaya sa langit.
Abril 17, 1992