Kabanata 34
Minsan ay inanyayahan Ko ang tao bilang panauhin sa Aking sambahayan, subalit nagparoo’t parito siya dahil sa Aking mga tawag—na para bang, sa halip na anyayahan siya bilang isang panauhin, nadala Ko siya sa dakong bitayan. Sa gayon, naiwang walang laman ang Aking sambahayan, sapagkat iniwasan Ako palagi ng tao, at lagi siyang naging maingat laban sa Akin. Iniwan Ako nitong walang paraan para isagawa ang bahagi ng Aking gawain, ibig sabihin, kinailangan Kong bawiin ang piging na naihanda Ko para sa kanya, sapagkat ayaw ng tao na matamasa ang piging na ito, kaya nga hindi Ko siya pinilit. Subalit biglang natagpuan ng tao ang kanyang sarili na dumaranas ng gutom, kaya kumatok siya sa Aking pintuan na hinihingi ang Aking tulong—nang makitang matindi ang kanyang pangangailangan, paanong hindi Ko siya ililigtas? Sa gayon, minsan pa Akong naglatag ng piging para sa tao, upang matamasa niya ito, at saka lamang niya nadarama kung gaano Ako kahanga-hanga, at sa gayon ay umaasa siya sa Akin. Unti-unti, dahil sa Aking saloobin sa kanya, natutuhan niya Akong mahalin “nang walang mga pag-aalinlangan,” at hindi na siya naghihinala na ipadadala Ko siya sa “lupaing pinagsusunugan ng mga bangkay,” sapagkat hindi ito ang Aking kalooban. Kaya nga, matapos makita ang Aking puso, saka lamang tunay na umaasa ang tao sa Akin, na nagpapakita kung gaano siya “kaingat.” Subalit hindi Ako maingat sa tao dahil sa kanyang panlilinlang, kundi sa halip ay inaantig Ko ang puso ng mga tao sa Aking mainit na yakap. Hindi ba ito ang Aking ginagawa sa kasalukuyan? Hindi ba ito ang naipapamalas sa mga tao sa kasalukuyang yugto? Bakit kaya nilang gumawa ng gayong mga bagay? Bakit taglay nila ang gayong damdamin? Dahil ba tunay nila Akong kilala? Dahil ba talagang walang hangganan ang pagmamahal nila sa Akin? Hindi Ko pinipilit ang sinuman na mahalin Ako, kundi binibigyan Ko lamang sila ng kalayaang gumawa ng sarili nilang pagpili; dito, hindi Ako nakikialam, ni hindi Ko sila tinutulungang gumawa ng mga pagpili tungkol sa kanilang kapalaran. Naitakda na ng mga tao ang kanilang matibay na pagpapasya sa Aking harapan, dinala na nila ito sa Aking harapan upang masuri Ko, at nang buksan Ko ang bag na naglalaman ng “matibay na pagpapasya ng tao,” may nakita Akong mga bagay-bagay sa loob, na bagama’t halu-halo, medyo “sagana.” Tiningnan Ako ng mga tao na nanlalaki ang mga mata, takot na takot na baka bigla Kong alisin ang kanilang matibay na pagpapasya. Ngunit dahil sa kahinaan ng tao, hindi Ako gumawa ng paghatol sa pinakasimula, at sa halip ay isinara Ko ang bag at patuloy na ginawa ang kailangan Kong gawin. Ang tao, gayunman, ay hindi pumapasok sa Aking patnubay sa harap ng Aking gawain, kundi patuloy na nag-aalala kung napuri Ko na ang kanyang matibay na pagpapasya. Napakarami Ko nang nagawang gawain at napakarami Ko nang nasambit na salita, ngunit hanggang sa araw na ito, nananatiling walang kakayahan ang tao na maintindihan ang Aking kalooban, at sa gayon ay iniiwan Akong naguguluhan ng bawat nakalilito niyang kilos. Bakit lagi siyang walang kakayahang maintindihan ang Aking kalooban, at padalus-dalos niyang ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa gusto niya? Nakaranas na ba ng matinding dagok ang kanyang utak? Hindi kaya niya nauunawaan ang mga salitang Aking sinasabi? Bakit lagi siyang kumikilos nang nakadiretso ang tingin, ngunit hindi niya kayang tahakin ang isang landas at magpakita ng halimbawa sa mga tao ng hinaharap? Mayroon bang nagpakita ng halimbawa kay Pedro? Hindi ba dahil sa Aking patnubay kaya nanatiling buhay si Pedro? Bakit hindi ito kayang gawin ng mga tao ngayon? Bakit, pagkatapos magkaroon ng isang halimbawang susundan, hindi pa rin nila makayang mapalugod ang Aking kalooban? Nagpapakita ito na wala pa ring tiwala sa Akin ang tao, na siyang humantong sa mahihirap na sitwasyon ng ngayon.
Nasisiyahan Akong masdan ang maliliit na ibong lumilipad sa himpapawid. Bagama’t hindi pa sila nagtakda ng kanilang matibay na pagpapasya sa Aking harapan at walang mga salitang “mailaan” sa Akin, nakasusumpong sila ng kasiyahan sa mundong naibigay Ko sa kanila. Gayunman, hindi ito kaya ng tao, at puno ng kalungkutan ang kanyang mukha—may utang kaya Ako sa kanya na hindi Ko mabayaran? Bakit laging may bahid ng mga luha sa kanyang mukha? Hinahangaan Ko ang mga liryong namumukadkad sa kaburulan; umaabot ang mga bulaklak at damo patawid sa mga dalisdis, ngunit nagdaragdag ng kislap ang mga liryo sa Aking kaluwalhatian sa lupa bago sumapit ang tagsibol—makakamit ba ng tao ang gayong mga bagay? Maaari kaya siyang magpatotoo sa Akin sa lupa bago Ako bumalik? Maiaalay kaya niya ang kanyang sarili alang-alang sa Aking pangalan sa bansa ng malaking pulang dragon? Parang ang Aking mga pagbigkas ay puno ng mga kinakailangan sa tao—kinamumuhian niya Ako dahil sa mga kinakailangang ito; takot siya sa Aking mga salita dahil napakahina ng kanyang katawan, at una sa lahat ay wala siyang kakayahang isagawa ang Aking hinihingi. Kapag binuksan Ko ang Aking bibig, nakikita Ko ang mga tao sa lupa na nagtatakbuhan sa lahat ng direksyon, na parang sinusubukang matakasan ang taggutom. Kapag tinatakpan Ko ang Aking mukha at ipinipihit Ko ang Aking katawan, natatakot kaagad ang mga tao. Hindi nila alam kung ano ang gagawin, sapagkat takot silang umalis Ako; sa kanilang mga kuru-kuro, ang araw ng Aking pag-alis ay magiging araw kung kailan bababa ang sakuna mula sa langit, ang araw kung kailan magsisimula ang kanilang kaparusahan. Subalit ang Aking ginagawa ay kabaligtaran mismo ng mga kuru-kuro ng tao; hindi pa Ako kumilos kailanman ayon sa mga kuru-kuro ng tao, at hindi Ko pa tinulutan ang kanyang mga kuru-kuro na umayon sa Akin. Ang panahon kung kailan Ako kumikilos ay kung kailan mismo inilalantad ang tao. Sa madaling salita, hindi masusukat ang Aking mga kilos ayon sa mga kuru-kuro ng tao. Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, walang sinumang nakatuklas kailanman ng isang “bagong kontinente” sa mga bagay na Aking ginagawa; wala pang sinumang nakaintindi sa mga batas na pinagbabatayan ng Aking pagkilos, at wala pang sinumang nakapagbukas ng bagong daan palabas. Sa gayon, ang mga tao ngayon ay nananatiling walang kakayahang pumasok sa tamang landas—ito mismo ang kulang sa kanila, at ito ang dapat nilang pasukin. Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, hindi pa Ako kailanman nakapagsimula sa gayong proyekto. Nagdagdag lamang Ako ng ilang bagong piraso sa Aking gawain sa mga huling araw. Subalit kahit sa ilalim ng gayong malilinaw na sitwasyon, wala pa ring kakayahan ang mga tao na maintindihan ang Aking kalooban—hindi ba ito mismo ang kulang sa kanila?
Pagkatapos Kong pumasok sa bagong gawain, may bago Akong mga kinakailangan sa tao. Para sa tao, parang hindi nagkaroon ng epekto ang mga kinakailangan noong araw, kaya nakakalimutan niya ang mga iyon. Ano ang bagong kaparaanan ng Aking paggawa? Ano ang hinihingi Ko sa tao? Nasusukat ng mga tao mismo kung ang ginawa nila noong araw ay naaayon sa Aking kalooban, at kung nakaayon sa Aking hiningi ang kanilang mga kilos. Hindi na kailangang siyasatin Ko pang isa-isa ang lahat; naiintindihan nila ang kanilang sariling tayog, kaya nga sa kanilang isipan, malinaw sa kanila kung hanggang saan sila makakakilos, at hindi Ko na kailangang sabihin pa sa kanila nang tahasan. Kapag nagsasalita Ako, marahil, may ilang taong matitisod; sa gayon, iniwasan Ko nang sabihin ang bahaging ito ng Aking mga salita upang hindi manghina ang mga tao dahil dito. Hindi ba higit ang pakinabang nito sa hangarin ng tao? Hindi ba higit ang pakinabang nito sa pag-unlad ng tao? Sino ang hindi umaasam na kalimutan ang kanilang nakaraan at magsikap na sumulong? Dahil Ako ay “hindi nag-iisip,” hindi Ko alam kung nauunawaan ng mga tao na ang kaparaanan ng Aking pagsasalita ay nakapasok na sa isang bagong dako. Dagdag pa rito, dahil masyado Akong “abala” sa Aking gawain, hindi Ako nagkaroon ng panahong magtanong kung nauunawaan ng mga tao ang tono ng Aking pagsasalita. Sa gayon, hinihingi Ko lamang na maging mas maunawain ang mga tao sa Akin. Dahil masyado Akong “abala” sa Aking gawain, hindi Ko personal na nabibisita ang mga himpilan ng Aking gawain upang pamahalaan ang mga tao, kaya nga “kakaunti ang pagkaunawa” Ko tungkol sa kanila. Sa kabuuan, kahit ano pa ang ibang mangyari, sinimulan Ko na ngayong akayin ang tao na pormal na pumasok sa isang bagong simula tungo sa isang bagong pamamaraan. Sa lahat ng Aking pagbigkas, nakita na ng mga tao na may nakakatuwa, nakakatawa, at isang partikular na malakas na tono ng pangungutya sa Aking sinasabi. Sa gayon, naputol ang pagkakasundo sa pagitan Ko at ng tao nang hindi namamalayan, kaya may makakapal na ulap na nakatakip sa mukha ng mga tao. Gayunman, hindi Ako napigilan nito, kundi patuloy Ako sa Aking gawain, sapagkat lahat ng Aking sinasabi at ginagawa ay mahalagang bahagi ng Aking plano; lahat ng sinasambit mula sa Aking bibig ay tumutulong sa tao, at wala Akong ginagawa na walang-halaga; lahat ng ginagawa Ko ay nakakasigla sa lahat ng tao. Ito ay dahil ang tao ay nagkukulang kaya nagpaubaya Ako at nagpatuloy sa pagsasalita. May ilang tao, marahil, na desperadong naghihintay na gumawa Ako ng mga bagong kinakailangan sa kanila. Kung gayon, bibigyan Ko ng kasiyahan ang kanilang mga pangangailangan. Ngunit may isang bagay Akong kailangang ipaalala sa inyo: Kapag nagsasalita Ako, umaasa Ako na nagtatamo ang mga tao ng mas maraming kabatiran. Umaasa Ako na sila ay maging higit na mapaghiwatig, upang magtamo sila ng mas marami mula sa Aking mga salita at sa gayon ay matupad ang Aking mga kinakailangan. Dati-rati, sa mga iglesia, ang tuon ng mga tao ay ang maiwasto at madurog. Ang pagkain at pag-inom ng Aking mga salita ay nakasalig sa pundasyon ng pag-unawa sa mga mithiin at pinagmumulan ng mga iyon—ngunit ngayon ay hindi katulad ng nakaraan, at lubos na walang kakayahan ang mga tao na maintindihan ang pinagmumulan ng Aking mga pagbigkas, at sa gayon ay wala silang pagkakataong maiwasto at madurog Ko, sapagkat nagugol nila ang lahat ng kanilang lakas sa pagkain at pag-inom lamang ng Aking mga salita. Ngunit kahit sa ilalim ng mga sitwasyong ito, nananatili silang walang kakayahang bigyang-kasiyahan ang Aking mga hinihingi, kaya nga gumagawa Ako ng mga bagong kahilingan sa kanila: Hinihingi Ko na pumasok sila sa mga pagsubok na kasama Ko, na pumasok sila sa pagkastigo. Subalit ipinaalala Ko sa iyo ang isang bagay: Hindi ito paglalagay sa tao sa kamatayan, kundi sa halip ay ito ang kinakailangan ng Aking gawain, sapagkat, sa kasalukuyang yugto, masyadong hindi maintindihan ng tao ang Aking mga salita, at hindi kaya ng tao na makipagtulungan sa Akin—walang anumang magagawa! Ang kaya Ko lamang gawin ay papasukin ang tao sa bagong pamamaraan kasama Ko. Ano pa ba ang ibang gagawin? Dahil sa mga kakulangan ng tao, kailangan Ko ring pumasok sa daloy na pinapasukan ng tao—hindi ba’t Ako ang gagawang perpekto sa mga tao? Hindi ba’t Ako ang nagbalangkas ng planong ito? Bagama’t hindi mahirap ang iba pang kailangan, hindi ito pumapangalawa sa nauna. Ang Aking gawain sa grupo ng mga tao ng mga huling araw ay isang proyektong hindi pa kailanman nangyari, at sa gayon, upang mapuno ng Aking kaluwalhatian ang kosmos, lahat ng tao ay dapat magdusa ng huling paghihirap para sa Akin. Nauunawaan mo ba ang Aking kalooban? Ito ang huling hinihingi Ko sa tao, na ibig sabihin, umaasa Ako na lahat ng tao ay makapagpatotoo nang malakas at matunog sa Akin sa harap ng malaking pulang dragon, na maialay nila ang kanilang sarili sa Akin sa huling pagkakataon, at matupad ang Aking mga kinakailangan sa huling pagkakataon. Talaga bang magagawa ninyo ito? Hindi ninyo kinayang palugurin ang Aking puso noong araw—maaari kaya ninyong putulin ang huwarang ito sa huling pagkakataon? Binibigyan Ko ang mga tao ng pagkakataong magbulay-bulay; hinahayaan Ko silang magnilay-nilay na mabuti bago Ako sagutin sa huli—mali bang gawin ito? Hinihintay Ko ang tugon ng tao, hinihintay Ko ang kanyang “liham ng pagtugon”—mayroon ba kayong pananampalatayang tuparin ang Aking mga kinakailangan?
Abril 20, 1992