Kabanata 32
Kapag nagtitipon ang mga tao na kasama Ko, napupuno ng kagalakan ang puso Ko. Agad-agad, ipinagkakaloob Ko sa tao ang mga pagpapalang nasa Aking kamay, upang makipagtipon sa Akin ang mga tao, at hindi maging mga kaaway na sumusuway sa Akin kundi mga kaibigang kaayon Ko. Sa gayon, taos-puso rin ang pagtrato Ko sa tao. Sa Aking gawain, ang tao ay itinuturing na isang miyembro ng isang mataas-na-uri ng organisasyon, kaya pinag-uukulan Ko siya ng higit na pansin, sapagkat noon pa man ay siya na ang pakay ng Aking gawain. Nagtakda na Ako ng puwang sa puso ng mga tao, upang ang kanilang puso ay magkaroon ng galang sa Akin—subalit nananatili silang lubos na walang alam kung bakit Ko ginagawa ito, at wala silang ginagawa kundi ang maghintay. Bagama’t may puwang Akong naitakda sa puso ng mga tao, hindi nila hinihiling na manahan Ako roon. Sa halip, naghihintay sila na biglang dumating ang “Isang Banal” sa kanilang puso. Dahil masyadong “aba” ang Aking pagkakakilanlan, hindi Ako makakatugma sa mga hinihiling ng mga tao at sa gayon ay iwinawaksi nila Ako. Ang nais nila ay ang “Ako” na mataas at makapangyarihan, ngunit nang dumating Ako ay hindi Ako nagpakita sa ganitong paraan sa tao, kaya nga patuloy silang nakatanaw sa malayo, naghihintay sa isa na nasa kanilang puso. Nang humarap Ako sa mga tao, tinanggihan nila Ako sa harap ng masa. Tumayo na lamang Ako sa isang tabi, naghihintay na “pakitunguhan” ng tao, na pinagmamasdan kung ano ang gagawin ng mga tao sa Akin, ang di-sapat na “produktong” ito. Hindi Ako tumitingin sa mga pilat ng mga tao, kundi sa bahagi nila na walang pilat, at mula rito ay nasisiyahan Ako. Sa mga mata ng mga tao, isa lamang Akong “munting bituin” na nakababa mula sa kalangitan; Ako lamang ang pinakamunti sa langit, at ang Aking pagdating sa lupa ngayon ay atas ng Diyos. Dahil dito, nakabuo ang mga tao ng iba pang mga interpretasyon sa mga salitang “Ako” at “Diyos,” na takot na takot na ituring na ang Diyos at Ako ay iisa. Dahil walang anyo ng Diyos ang Aking imahe, naniniwala ang lahat ng tao na Ako ay isang lingkod na hindi kasama sa pamilya ng Diyos, at sinasabi nila na hindi ito ang imahe ng Diyos. Marahil ay may mga taong nakakita na sa Diyos—ngunit dahil sa kawalan Ko ng kabatiran sa lupa, hindi kailanman “nagpakita” sa Akin ang Diyos. Marahil ay napakaliit ng Aking “pananampalataya,” kaya nga mababa ang tingin sa Akin ng mga tao. Iniisip ng mga tao na kung talagang Diyos ang isang tao, tiyak na eksperto siya sa wika ng tao, sapagkat ang Diyos ang Lumikha. Ngunit kabaligtaran mismo ang mga katotohanan: Hindi lamang Ako hindi eksperto sa wika ng tao, kundi may mga pagkakataon na ni hindi Ko man lang “mapaglaanan” ang “mga kakulangan” ng tao. Dahil dito, pakiramdam Ko medyo “nakokonsensiya” Ako, sapagkat hindi Ako kumikilos ayon sa “hinihiling” ng tao, kundi naghahanda lamang ng materyales at gumagawa alinsunod sa kung ano ang kanilang “kakulangan.” Ang mga hinihingi Ko sa tao ay hindi masasabing malaki, subalit kabaligtaran ang pinaniniwalaan ng mga tao. Sa gayon, ang kanilang “pagpapakumbaba” ay nahahayag sa kanilang bawat galaw. Palagi silang nananagot sa paglakad sa Aking harapan, na inaakay Ako sa daan, sa malaking takot na baka Ako maligaw, nahihintakutan na gumala Ako papasok sa sinaunang kagubatan sa loob ng kabundukan. Dahil dito, lagi na Akong inaakay ng mga tao mula noon, na takot na takot na makapasok Ako sa piitan. Medyo mayroon Akong “kanais-nais na impresyon” tungkol sa pananampalataya ng mga tao, sapagkat “nagpakahirap” sila para sa Akin nang hindi iniisip na makakain o makatulog, hanggang sa punto na ang mga paggawa nila para sa Akin ay naging sanhi na hindi sila makatulog araw at gabi at mamuti ang kanilang buhok—sapat na ito upang ipakita na “nalampasan” na ng kanilang pananampalataya ang mga sansinukob, at “nahigitan” ang mga apostol at propeta sa buong kapanahunan.
Hindi Ako pumapalakpak sa tuwa dahil sa malaking kasanayan ng mga tao, at ni hindi malamig ang pagtingin Ko sa kanila dahil sa kanilang mga pagkukulang. Ginagawa Ko lamang yaong nasa Aking mga kamay. Wala Akong tinatratong sinuman nang espesyal, kundi gumagawa lamang Ako ayon sa Aking plano. Subalit hindi alam ng mga tao ang Aking kalooban at patuloy na nagdarasal para sa mga bagay mula sa Akin, na para bang ang mga kayamanang naipagkaloob Ko sa kanila ay walang kakayahang tugunan ang kanilang mga pangangailangan, na para bang nahihigitan ng kahilingan ang panustos. Ngunit sa kapanahunan ngayon, ramdam ng lahat ng tao na may “pagtaas ng presyo”—dahil dito, abalang-abala sila sa mga naibigay Ko sa kanila para tamasahin. Dahil dito kaya sila nanghihinawa sa Akin, kaya nga ang buhay nila ay puno ng kaguluhan at hindi nila alam kung ano ang dapat at hindi nila dapat kainin. Mahigpit pa nga ang hawak ng ilan sa mga bagay na naibigay Ko sa kanila para tamasahin, na minamasdang mabuti ang mga iyon. Dahil dati-rati ay nagtiis ang mga tao sa pagkagutom, at hindi madali para sa kanila ang matamasa ang mga kasiyahan ng ngayon, “walang hanggan ang pasasalamat” nilang lahat, at nagkaroon na ng kaunting pagbabago sa kanilang pakikitungo sa Akin. Patuloy silang umiiyak sa Aking harapan; dahil napakarami Ko nang naibigay sa kanila, panay ang hawak nila sa Aking kamay at nagpaparating ng “mga bulong ng pasasalamat.” Gumagalaw Ako sa ibabaw ng mga sansinukob, at habang naglalakad Ako ay pinagmamasdan Ko ang mga tao sa buong sansinukob. Sa maraming tao sa lupa, walang sinuman kailanman na angkop para sa Aking gawain o tunay na nagmamahal sa Akin. Sa gayon, sa sandaling ito ay naghihinagpis Ako sa pagkadismaya, at naghihiwa-hiwalay kaagad ang mga tao, upang hindi na muling magtipon, na takot na takot sa Aking “panghuhuli sa kanilang lahat sa isang lambat.” Ginagamit Ko ang pagkakataong ito upang pumarito sa tao, upang gawin ang Aking gawain—gawaing angkop—sa nagkahiwa-hiwalay na mga taong ito, na pinipili yaong mga angkop na pag-ukulan Ko ng gawain. Hindi Ko nais “pigilan” ang mga tao sa gitna ng Aking pagkastigo upang hindi sila makatakas kailanman. Ginagawa Ko lamang ang kailangan Kong gawin. Pumarito Ako upang humingi ng “tulong” sa tao; dahil walang mga gawa ng tao ang Aking pamamahala, hindi posibleng matagumpay na matapos ang Aking gawain, na humahadlang sa Aking gawain na magpatuloy nang epektibo. Umaasa lamang Ako na magkaroon ng matibay na pagpapasya ang mga tao na makipagtulungan sa Akin. Hindi Ko hinihingi na ipagluto nila Ako ng masarap na pagkain, o ayusin nila ang isang lugar na angkop na mahimlayan ng Aking ulo, o na igawa nila Ako ng magagandang damit—wala Ako ni katiting na pagsasaalang-alang sa mga bagay na ito. Kapag mauunawaan ng mga tao ang Aking kalooban at makakasulong sila na kasama Ko, nang magkaagapay, masisiyahan ang puso Ko.
Sino sa lupa ang tumanggap na sa Akin sa kanilang puso? Sino ang nagmahal na sa Akin sa kanilang puso? Ang pagmamahal ng mga tao ay palaging may halo; Ako man ay “hindi nakakaalam” kung bakit hindi mapatuyo at mapadalisay ang kanilang pagmamahal. Sa gayon, marami ring “mga hiwaga” sa kalooban ng tao. Sa mga nilalang, ang tingin sa tao ay “mahimala” at “hindi maarok,” kaya nga mayroon siyang “mga kwalipikasyon” sa Aking harapan, na para bang kapantay Ko ang kanyang katayuan—ngunit wala siyang nakikitang kakaiba tungkol sa “katayuan” niyang ito. Dito, hindi naman sa hindi Ko tinutulutan ang mga tao na tumayo sa katungkulang ito at masiyahan dito, kundi nais Ko silang maging wasto, na huwag nilang isipin na napakataas nila; may pagitan ang langit at ang lupa, maliban pa sa pagitan ng Diyos at ng tao. Hindi ba mas malaki pa ang pagitan ng Diyos at ng tao? Sa lupa, ang tao at Ako ay “nasa iisang bangka,” at aming “magkasamang binabata ang bagyo.” Ang Aking pagkakakilanlan ay hindi Ako pinalalaya mula sa pagdanas ng hirap ng mundo ng tao, at dahil dito kaya Ako nasadlak sa sitwasyong kinalalagyan Ko ngayon. Hindi Ako kailanman nagkaroon ng isang lugar para payapang makapanirahan sa lupa, kaya sinasabi ng mga tao na, “Ang Anak ng tao ay hindi nagkaroon ng isang dakong mahihimlayan ng Kanyang ulo kailanman.” Dahil dito, lumuha rin ang mga tao sa pagkahabag sa Akin at nagtabi ng ilang dosenang yuan para sa isang “pondong pantulong” para sa Akin. Dahil lamang dito kaya Ako mayroong isang dakong pahingahan; kung hindi sa “tulong” ng mga tao, sino ang nakakaalam kung saan Ako hahantong!
Kapag nagwakas ang Aking gawain, hindi Ko na hahanapin ang “tulong pinansyal” na ito mula sa tao; sa halip, gagampanan Ko ang Aking likas na tungkulin, at ibababa Ko ang lahat ng “bagay ng Aking sambahayan” para tamasahin ng mga tao. Ngayon, lahat ay pinatutunayan sa gitna ng Aking mga pagsubok. Kapag pormal na sumapit sa tao ang Aking kamay, hindi na Ako titingnan ng mga tao nang may paghanga, kundi kamumuhian nila Ako, at sa sandaling ito ay agad Kong dudukutin ang kanilang puso para magsilbing halimbawa. Sinusuri Ko ang puso ng tao sa ilalim ng isang “mikroskopyo”—walang tunay na pagmamahal doon para sa Akin. Sa loob ng maraming taon, nililinlang at niloloko na Ako ng mga tao—lumalabas na ang kaliwa at ang kanang bahagi ng kanilang puso ay kapwa nagtataglay ng lason ng pagkamuhi sa Akin. Kaya pala gayon ang Aking saloobin sa kanila. Magkagayunman ay nananatili silang lubos na mangmang tungkol dito, at ni hindi nila kinikilala ito. Kapag ipinapakita Ko sa kanila ang mga resulta ng Aking pagsusuri, hindi pa rin sila nagigising; para bang, sa kanilang isipan, lahat ng ito ay nakaraan na, at hindi na dapat na ungkating muli ngayon. Sa gayon, tinitingnan lamang ng mga tao ang “mga resulta ng laboratoryo” nang walang pakialam. Ibinabalik nila ang resulta at humahakbang na palayo. Bukod pa riyan, sinasabi nila ang mga bagay na gaya ng, “Hindi mahalaga ang mga ito, walang anumang epekto ang mga ito sa kalusugan ko.” Ngumingiti sila nang bahagya nang may panunuya, at pagkatapos ay may bahagyang tingin ng pagbabanta sa kanilang mga mata, na para bang nagpapahiwatig na hindi Ako dapat maging masyadong seryoso, na kailangan Akong maging mas mababaw. Para bang ang Aking paghahayag tungkol sa mga lihim sa kanilang kalooban ay labag sa “mga batas” ng tao, kaya nga lalo silang namumuhi sa Akin. Noon Ko lamang nakita ang pinagmumulan ng pagkamuhi ng mga tao. Ito ay dahil kapag nakatingin Ako, dumadaloy ang kanilang dugo, at pagkatapos dumaan sa mga ugat sa kanilang katawan ay pumapasok ito sa puso, at sa sandaling ito lamang Ako nagkakaroon ng isang bagong “tuklas.” Subalit hindi ito iniisip ng mga tao. Lubos silang pabaya at hindi nila iniisip ang kanilang kikitain o malulugi sa kanila, na sapat para ipakita ang kanilang diwa ng debosyon na “hindi makasarili.” Hindi nila isinasaalang-alang ang lagay ng kanilang sariling kalusugan, at “nag-aabala” sila para sa Akin. Ito rin ang kanilang “katapatan,” at kung ano ang “kapuri-puri” tungkol sa kanila, kaya minsan pa Akong nagpapadala ng liham ng “papuri” sa kanila, upang mapasaya sila nito. Ngunit kapag binabasa nila ang “liham” na ito, agad silang naiinis nang kaunti, sapagkat lahat ng ginagawa nila ay tinanggihan na ng Aking tahimik na liham. Palagi Kong pinapatnubayan ang mga tao sa pagkilos nila, subalit tila nasusuklam sila sa Aking mga salita; sa gayon, kapag ibinuka Ko ang Aking bibig, pumipikit sila nang mariin at tinatakpan ng kanilang mga kamay ang kanilang mga tainga. Hindi nila Ako tinitingnan nang may paggalang dahil sa Aking pagmamahal, kundi kinasuklaman nila Ako palagi, sapagkat tinukoy Ko ang kanilang mga kakulangan, na inilalantad ang lahat ng bagay na kanilang pag-aari, at sa gayon ay nalugi sila sa kanilang negosyo, at naglaho ang kanilang kabuhayan. Sa gayon, nadaragdagan ang kanilang pagkamuhi para sa Akin.
Abril 14, 1992