Kabanata 36

Ang lahat ng bagay ay isinasaayos ng Aking kamay. Sino ang nangangahas na gawin kung ano ang kanilang ikinasisiya? Sino ang maaaring makapagbago nito nang madali? Ang mga tao’y lumulutang sa hangin, gumagalaw gaya ng paggalaw ng alikabok, ang kanilang mga mukha ay nadungisan at ginagawa silang di-kanais-nais mula ulo hanggang paa. Ako’y nagmamasid mula sa mga ulap na may mabigat na puso: Bakit ang tao, na minsan nang naging puno ng kasiglahan, ay naging ganito? Bakit hindi niya ito namamalayan, at hindi ito nararamdaman? Bakit niya “binibitawan ang kanyang sarili” at hinahayaan ang kanyang sarili na mabalutan ng karumihan? Ganito ang kanyang kakulangan ng pagmamahal at paggalang sa kanyang sarili. Bakit laging iniiwasan ng tao ang Aking hinihingi? Talaga bang malupit Ako at di-makatao sa kanya? Talaga bang kumikilos Ako nang walang pakundangan at di-makatwiran? Kung gayon bakit laging tumitingin sa Akin ang mga tao na nanlilisik ang mga mata? Bakit lagi nila Akong kinamumuhian? Nadala Ko ba sila sa dulo ng daan? Kailanman ay hindi nakatuklas ang tao ng anuman sa Aking pagkastigo, sapagkat wala siyang ginagawa kundi ang hawakan ang pamatok sa kanyang leeg gamit ang dalawang kamay, ang mga mata’y nakatitig sa Akin, na para bang nakabantay sa isang kaaway—at sa sandaling ito Ko lamang napansin kung gaano siya kapayat. Dahil dito kaya Aking sinasabi na walang sinuman ang matatag na nakatayo sa gitna ng mga pagsubok. Hindi ba’t ang tayog ng tao ay talagang ganito? Kailangan Ko bang sabihin sa kanya ang mga numero para sa kanyang “mga sukat”? Ang “taas” ng tao ay hindi hihigit kaysa roon sa isang maliit na bulate na kumikislot-kislot sa lupa, at ang kanyang “dibdib” ay kasinglapad lamang sa isang ahas. Hindi Ko minamaliit ang tao rito—hindi ba’t ang mga ito ang eksaktong sukat ng kanyang tayog? Hinamak Ko ba ang tao? Ang tao ay gaya ng isang batang masayang naglalaro. May mga sandali pa nga na siya’y nakikipaglaro sa mga hayop, gayunma’y nananatili siyang masaya; at tulad siya ng isang pusa na namumuhay na walang pakialam o alalahanin. Marahil ito ay dahil sa pamamatnubay ng Espiritu, o sa papel ng Diyos sa langit, kaya nakadarama Ako ng labis na kapaguran sa maluhong mga estilo ng pamumuhay ng mga tao sa lupa. Dahil sa buhay ng tao—na tulad sa isang parasito—ay tumaas nang kaunti ang Aking “interes” sa mga salitang “buhay ng tao,” kaya’t Ako ay nagkaroon ng kaunting dagdag na “pagkatakot” sa buhay ng tao. Sapagkat tila ang tao lamang ang may kakayahang lumikha ng isang buhay na may kabuluhan, samantalang hindi Ko kaya ito. Kaya ang magagawa Ko lamang ay tumakas patungo sa “kabundukan,” dahil hindi Ko kayang danasin at pagmasdan ang paghihirap ng tao. Gayunman ay agaran Akong pinipilit ng tao—wala Akong pagpipilian! Wala Akong magagawa kundi ang sundin ang mga pagsasaayos ng tao, kinukuha ang kabuuan ng mga karanasan kasama niya at dinaranas ang buhay ng tao na kaagapay niya. Sa langit, minsan na Akong naglibot sa buong lungsod, at sa ilalim ng langit, minsan na Akong naglibot sa lahat ng bansa. Gayunman ay walang sinumang nakatuklas sa Akin; narinig lamang nila ang kaluskos ng Aking paggalaw sa paligid. Sa mga mata ng mga tao, Ako ay dumarating at umaalis nang walang bakas o anino. Para bang Ako ay naging isang di-nakikitang idolo sa kanilang mga puso, gayunman ay hindi gayon ang pinaniniwalaan ng mga tao. Maaari kayang ang lahat ng ito ay hindi mga katotohanang ikinumpisal ng bibig ng tao? Sa puntong ito, sino ang hindi kumikilala na dapat silang makastigo? Makakaya pa ba ng mga taong itaas ang kanilang mga ulo sa harapan ng kongkretong patunay?

Gumagawa Ako ng “kasunduan sa negosyo” sa mga tao, pinapawi Ko ang lahat ng kanyang karumihan at di-pagkamatuwid, at sa gayong paraan ay “pinoproseso” siya upang maaari siyang maging kaayon ng Aking sariling puso. Gayunman ang pakikipagtulungan ng tao ay hindi maaaring mawala sa yugtong ito ng gawain, sapagkat siya ay laging lumulukso at tumatalon na gaya ng isang isdang kahuhuli pa lamang. Kaya, upang hadlangan ang anumang mga aksidente, pinatay Ko ang lahat ng “isda” na nahuli, matapos nito ay naging masunurin ang mga isda, at hindi nagkaroon ng kahit katiting na pagdaing. Kapag kailangan Ko ang tao, siya ay laging nakatago. Para bang hindi pa siya kailanman nakakita ng nakakamanghang mga tagpo, na para bang siya ay ipinanganak sa probinsiya at walang alam sa mga usapin sa lungsod. Idinaragdag Ko ang Aking karunungan sa mga bahagi ng tao na nagkukulang, at idinudulot sa kanya na makilala Ako; dahil ang tao ay masyadong mahirap, Ako ay personal na dumarating sa gitna ng tao at ibinibigay sa kanya ang “landas tungo sa kayamanan,” at pinabubuksan ang kanyang mga mata. Hindi Ko ba siya inililigtas dito? Hindi ba ito ang Aking pagkahabag para sa tao? Ang pag-ibig ba ay pagbibigay nang walang kondisyon? Kung gayon, ang pagkamuhi ba ay pagkastigo? Naipaliwanag Ko na sa tao mula sa iba’t ibang mga pananaw, ngunit itinuturing niya ito na mga salita at mga doktrina lamang. Para bang ang Aking mga pagbigkas ay mga sirang kalakal, na ipinagbibili nang palugi sa mga kamay ng tao. Kaya kapag sinasabi Ko sa mga tao na isang malakas na bagyo ang paparating na magpapalubog sa kabahayan sa bundok, walang sinumang nag-iisip ng anuman tungkol dito, ilan lamang sa kanila ang naglilipat ng kanilang mga tahanan, ang kanilang mga puso ay nagdududa. Ang natitira ay hindi gumagalaw na parang walang-pakialam, na para bang Ako ay isang ibong langay-langayan mula sa himpapawid—wala silang nauunawaan sa Aking sinasabi. Kapag ang mga bundok ay gumuho at bumuka sa ilalim ang lupa ay saka lamang iniisip ng mga tao ang Aking mga salita, saka lamang sila nagigising mula sa kanilang mga panaginip, ngunit ang oras ay dumating na, sila ay lumulubog sa malaking baha, ang kanilang mga bangkay ay lumulutang sa ibabaw ng tubig. Pagkakita ng paghihirap sa mundo, napapabuntung-hininga Ako para sa kasawiang-palad ng tao. Gumugol Ako ng maraming panahon at nagbayad ng malaking halaga alang-alang sa kapalaran ng tao. Sa isipan ng mga tao, wala Akong daluyan ng luha—subalit Ako, itong “kakatwa” na walang daluyan ng luha, ay umiyak ng maraming luha para sa tao. Gayunman, ang tao ay walang nalalaman tungkol dito, nilalaro lamang niya ang mga laruan sa kanyang mga kamay sa lupa, na parang Ako ay hindi umiiral. Kaya sa mga pangyayari sa kasalukuyan, ang mga tao ay nananatiling manhid at mahina ang isip; sila ay “nagyeyelo” pa rin sa mga silong, na para bang sila ay nakahiga pa rin sa isang kuweba. Pagkakita sa mga kilos ng tao, ang pagpipilian Ko lamang ay ang umalis …

Sa mga mata ng mga tao, marami Akong nagawa na mabuti para sa tao, at kaya tinitingnan nila Ako bilang isang huwaran para sa kasalukuyang panahon. Gayunman, hindi nila Ako itinuring na Kataas-taasang Pinuno ng kapalaran ng tao at ang Lumikha ng lahat ng bagay. Tila ba hindi nila Ako nauunawaan. Bagaman ang mga tao ay minsan nang sumigaw ng “Mabuhay ang pagkaunawa,” walang sinuman ang gumugol ng maraming oras sa pagsusuri sa salitang “pagkaunawa,” na nagpapakita na ang mga tao ay walang pagnanasang mahalin Ako. Sa kasalukuyang mga panahon, hindi Ako kailanman pinahalagahan ng mga tao, wala Akong puwang sa kanilang mga puso. Maaari kaya silang magpakita ng tunay na pag-ibig sa Akin sa mga araw ng pagdurusang darating? Ang pagiging matuwid ng tao ay nananatiling isang bagay na walang anyo, isang bagay na hindi makikita o mahahawakan. Ang nais Ko ay ang puso ng tao, sapagkat sa katawan ng tao ang puso ang pinakamahalaga. Ang mga gawa Ko ba ay hindi karapat-dapat na mabayaran ng puso ng tao? Bakit hindi ibinibigay ng mga tao sa Akin ang kanilang mga puso? Bakit lagi nilang niyayakap ang mga iyon sa kanilang sariling mga dibdib at hindi handang pakawalan ang mga iyon? Maaari kayang masiguro ng puso ng tao ang kapayapaan at kaligayahan sa buong buhay ng mga tao? Kapag may hinihingi Ako sa mga tao, bakit lagi silang dumadakot ng isang dakot na alikabok mula sa lupa at isinasaboy iyon sa Akin? Ito ba ay tusong pakana ng tao? Para bang sila ay sumusubok na linlangin ang isang nagdaraan na walang pupuntahan, inaakit silang pabalik sa kanilang tahanan, kung saan sila ay nagiging walang-awa at pinapatay sila. Ninais din ng mga tao na gawin ang gayong mga bagay sa Akin. Para bang sila ay isang berdugo na papatay ng isang tao nang walang kakurap-kurap, na para bang sila ang hari ng mga diyablo, na halos likas na ang pagpatay ng mga tao. Ngunit ngayon ang mga tao ay lumalapit sa harap Ko, inaasam pa rin na gumamit ng gayong mga pamamaraan—gayunman ay mayroon silang mga plano, at mayroon Akong mga pangontra. Kahit na hindi Ako mahal ng mga tao, paanong hindi Ko maihahayag sa publiko ang Aking mga pangontra sa tao sa panahong ito? Ako ay may kasanayang walang-hangganan at di-masukat sa paghawak ng tao; bawat bahagi niya ay personal Kong hinahawakan, at personal Kong pinoproseso. Sa kahuli-hulihan, ipapatiis Ko sa tao ang sakit na humiwalay mula sa kanyang minamahal, at ipagagawa sa kanya na magpasakop sa Aking mga pagsasaayos, at sa panahong iyon, ano ang idaraing ng mga tao? Hindi ba ang lahat ng Aking ginagawa ay para sa kapakanan ng tao? Sa mga panahong nakalipas, hindi Ko kailanman sinabi sa tao ang tungkol sa mga hakbang ng Aking gawain—ngunit ngayon, sa isang panahon na hindi tulad ng nakaraan, dahil ang nilalaman ng Aking gawain ay naiiba, pauna na Akong nagsabi sa mga tao tungkol sa Aking gawain upang hadlangan sila sa pagkahulog bilang resulta nito. Hindi ba ito ang bakuna na Aking itinurok sa tao? Sa anumang dahilan, ang mga tao ay hindi kailanman seryosong isinaalang-alang ang Aking mga salita; tila ba may pagkagutom sa kanilang mga tiyan at hindi sila namimili kung ano ang kanilang kakainin, na nagpahina sa kanilang mga tiyan. Ngunit ginagawa ng mga taong puhunan ang kanilang “malusog na pangangatawan” at hindi pinapansin ang mga payo ng “doktor.” Pagkakita ng kanilang pagiging sarado, natatagpuan Ko ang Aking Sarili na nagmamalasakit sa tao. Dahil ang mga tao ay walang kahustuhan ng pag-iisip, at hindi pa nararanasan ang buhay ng tao, sila ay walang takot; sa kanilang mga puso, ang mga salitang “buhay ng tao” ay hindi umiiral, wala silang pagsasaalang-alang para sa mga iyon, at napapagod lamang sa Aking mga salita, na para bang Ako ay naging isang bungangerang matandang dalaga. Sa kabuuan, anuman ang katayuan, Ako ay umaasa na mauunawaan ng mga tao ang Aking puso, sapagkat wala Akong pagnanasang ipadala ang tao sa lupain ng kamatayan. Umaasa Ako na mauunawaan ng tao ang Aking pakiramdam sa mismong sandaling ito, at isaalang-alang ang pasaning Aking dinadala sa mismong oras na ito.

Abril 26, 1992

Sinundan: Kabanata 35

Sumunod: Kabanata 37

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito