Kabanata 35
Nagsimula na Akong isakatuparan ang Aking gawain sa gitna ng sangkatauhan, tinutulutan ang mga taong mamuhay sa parehong daloy kasama Ko. Kapag natapos Ko na ang Aking gawain, mananatili Akong kasama ng sangkatauhan, sapagkat sila ang mga pinag-uukulan ng Aking pangangasiwa sa Aking buong plano ng pamamahala, at Aking inaasam na maging mga panginoon sila ng lahat ng bagay. Dahil dito, patuloy Akong lumalakad sa gitna ng sangkatauhan. Habang ang sangkatauhan at Ako ay pumapasok sa kasalukuyang kapanahunan, nakadarama Ako ng lubos na kaginhawahan, dahil ang pagtakbo ng Aking gawain ay bumilis. Paano makasasabay ang mga tao? Nakagawa na Ako ng maraming gawain sa mga taong manhid at mahina ang isip, gayunman ay halos wala silang natamo dahil hindi nila Ako itinatangi. Nanahan Ako sa gitna ng lahat ng tao at namasdan ang bawat galaw nila saan man sila naroroon, kapwa sa ibabaw ng lupa at sa ilalim. Lahat ng inilagay sa kategorya bilang “mga tao” ay lumalaban sa Akin, na para bang ang “paglaban sa Akin” ang kanilang trabaho, na tila kapag hindi nila isinakatuparan ang trabahong ito ay magiging mga ulilang palaboy sila na walang sinumang umaampon. Gayunman, hindi Ko basta-basta sinesentensyahan ang mga tao batay sa kanilang mga pagkilos at asal. Sa halip, sinusuportahan at tinutustusan Ko sila ayon sa kanilang tayog. Dahil ang mga tao ang pangunahing tauhan ng Aking buong plano ng pamamahala, iniuukol Ko ang higit na paggabay sa mga gumaganap ng papel na “tao” upang magampanan nila ito nang buong-puso at sa pinakamahusay nilang kakayahan, at upang ang palabas na ito kung saan ay Ako ang direktor ay maging ganap na matagumpay. Ito ang Aking panawagan sa sangkatauhan. Kung hindi ako nanalangin para sa sangkatauhan, hindi ba nila magagampanan ang kanilang papel? Ang kaso ba ay kaya Kong tuparin kung ano ang hinihiling sa Akin ng mga tao, ngunit hindi nila kayang tuparin ang hinihingi Ko sa kanila? Maaaring sabihin na hindi Ko ginagamit ang Aking lakas para pagmalupitan ang sangkatauhan. Sa halip, ito ang Aking huling pakiusap, na marubdob at taimtim Akong nagmamakaawa sa kanila. Tunay bang hindi nila kayang gawin ang Aking hinihingi? Maraming taon na Akong nagbibigay sa mga tao, gayunma’y wala Akong natanggap na kapalit. Sino na ang nakapagbigay sa Akin ng anuman? Ang Akin bang dugo, pawis, at mga luha ay tulad lamang ng mga ulap sa kabundukan? Nabigyan Ko na ang mga tao ng “pagbabakuna” nang maraming ulit, at sinabi sa kanila na ang Aking mga hinihingi sa kanila ay hindi mahigpit. Kung gayon, bakit patuloy Akong iniiwasan ng mga tao? Ito ba ay dahil sa ituturing Ko sila na gaya ng mga sisiw, na papatayin sa sandaling sila ay mahuli? Ako ba talaga ay napakalupit at hindi-makatao? Lagi Akong sinusukat ng mga tao batay sa kanilang sariling mga kuru-kuro. Ako ba, bilang Ako sa kanilang mga kuru-kuro, ay katulad ng kung ano Ako sa langit? Hindi Ko itinuturing ang mga kuru-kuro ng mga tao na mga bagay para sa Aking kasiyahan. Sa halip, nakikita Ko ang kanilang mga puso bilang mga bagay na dapat mapahalagahan. Gayunpaman, nadarama Kong punung-puno na Ako sa kanilang mga konsensya, dahil ayon sa kanila, Ako Mismo ay wala noon. Dahil dito, mayroon pa Akong ilang opinyon tungkol sa kanilang mga konsensya. Gayunpaman, ayaw Kong pulaan ang kanilang mga konsensya nang tuwiran; sa halip, patuloy Ko silang ginagabayan nang matiyaga at sistematiko. Sa kabila ng lahat, ang mga tao ay mahina, at hindi kayang magsakatuparan ng anumang gawain.
Ngayong araw, Ako ay opisyal na humakbang tungo sa dako ng walang-hanggang pagkastigo, na nasisiyahan Akong gawin sa tabi ng sangkatauhan. Nag-uutos Ako sa pamamagitan ng Aking kamay, at sa ilalim ng Aking pamamahala, ang sangkatauhan ay mabuti ang asal; walang sinumang nangangahas na salungatin Ako. Ang lahat ay nasa ilalim ng Aking paggabay, isinasakatuparan ang gawaing Aking iniatas, dahil ito ang kanilang “trabaho.” Sa lahat ng bagay sa langit at sa ilalim ng langit, sino ang hindi nagpapasakop sa Aking mga plano? Sino ang hindi Ko hawak? Sino ang hindi bumibigkas ng papuri at pagtataas para sa Aking mga salita at sa Aking gawain? Hinahangaan ng mga tao ang Aking mga gawa at mga pagkilos, kaya ibinubuhos nila ang kanilang mga sarili sa daloy ng Aking gawain dahil sa bawat galaw Ko. Sino ang kayang pakawalan ang kanilang mga sarili? Sino ang maaaring makatakas mula sa gawaing Aking isinaayos? Sa pamamagitan ng Aking mga atas administratibo, ang mga tao ay napipilitang manatili; kung wala nito, lahat sila ay palihim nang nakaurong mula sa “unahang hanay” at naging “mga kawal na tumalikod.” Sino ang hindi takot sa kamatayan? Magagawa ba talaga ng mga tao na ilagay ang kanilang mga sariling buhay sa bingit ng kamatayan? Ako ay hindi namimilit ng kahit sino, dahil matagal Ko nang natamo ang lubusang pagkaunawa sa kalikasan ng tao. Kaya, Ako ay palaging nagsasagawa ng mga proyekto na hindi kailanman nagawa dati ng mga tao. Dahil walang sinumang makakapagsakatuparan ng Aking gawain, sumabak Ako sa labanan nang personal upang makibahagi sa isang pakikipagtunggali ng buhay at kamatayan laban kay Satanas. Sa kasalukuyan, si Satanas ay sukdulan ang paglaganap. Bakit hindi Ko sinasamantala ang pagkakataong ito upang ipakita ang tuon ng Aking gawain at ibunyag ang Aking kapangyarihan? Gaya ng nasabi Ko noong una, ginagamit Ko ang panlilinlang ni Satanas bilang Aking panghambing; hindi ba ito ang pinakamagandang pagkakataon? Ngayon lamang Ako nakakangiti nang nasisiyahan, sapagkat nakamit Ko ang Aking minimithi. Hindi na Ako magpapaikut-ikot sa paghingi ng “tulong” sa mga tao. Huminto na Ako sa pag-aabala, at hindi na namumuhay bilang isang palaboy. Mula ngayon, mamumuhay Ako sa kapayapaan. Ang mga tao ay magiging ligtas din at maayos, sapagkat ang Aking araw ay dumating na. Sa lupa, namuhay Ako nang abala bilang isang tao, isang pamumuhay kung saan ay maraming kawalang-katarungan ang tila naganap. Sa paningin ng mga tao, nakibahagi Ako sa kanilang mga kagalakan at mga kalungkutan, gayundin sa kanilang mga kahirapan. Tulad ng mga tao, Ako rin ay namuhay sa lupa at sa ilalim ng langit. Samakatuwid, palagi nila Akong nakita bilang isang taong nilalang. Dahil hindi nakita ng mga tao kung ano Ako sa langit, hindi nila Ako kailanman pinagkaabalahan. Gayunpaman, sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon, walang pagpipilian ang mga tao kundi ang aminin na Ako ang Panginoon ng kanilang kapalaran at ang tagapagsalita na nagtatalumpati mula sa mga ulap. Ang mga tao samakatuwid ay iniyukod ang kanilang mga ulo sa lupa sa harap Ko sa pagsamba. Hindi ba ito ang patunay ng Aking matagumpay na pagbabalik? Hindi ba ito isang pagsasalarawan ng Aking tagumpay laban sa lahat ng puwersa ng kalaban? Lahat ng tao ay nagkaroon ng mga kutob na ang mundo ay darating na sa katapusan, at ang sangkatauhan ay sasailalim sa matinding paglilinis. Gayunpaman, sa katotohanan ay hindi nila makakayang kusang isakatuparan kung ano ang hinihingi Ko sa kanila, kaya wala silang pagpipilian kundi tumangis sa ilalim ng Aking pagkastigo. Ano ang maaaring gawin? Sino ang nagsabi sa mga taong ito na maging suwail? Sino ang nagsabi sa kanila na pumasok sa huling kapanahunan? Bakit sila ipinanganak sa mundo ng mga tao sa mga huling araw? Ang bawat isang bagay ay Aking isinasaayos at ipinlano nang personal. Sino ang maaaring dumaing?
Simula sa paglikha ng mundo, nakapaglibot na Ako sa gitna ng sangkatauhan, sinasamahan sila sa kanilang pamumuhay sa lupa. Gayunpaman, sa mga sinusundang salinlahi, wala Akong hinirang ni isa mang tao; ang lahat ay tinanggihan ng Aking tahimik na liham. Ito ay dahil ang mga tao noon ay hindi eksklusibong naglingkod sa Akin, kaya bilang ganti ay hindi Ko rin sila minahal nang bukod-tangi. Kinuha nila ang mga “regalo” ni Satanas at pagkatapos ay tumalikod at inialay ang mga iyon sa Akin. Hindi ba ito mapanirang-puri laban sa Akin? At habang iniaalay ang kanilang mga handog, hindi Ko ibinunyag ang Aking pagkasuklam; sa halip, sinubukan Kong gamitin ang kanilang pakana sa kanila sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga “regalo” na ito sa mga materyales na ginagamit sa Aking pamamahala. Kalaunan, sa sandaling naproseso ang mga iyon ng makina, Aking susunugin ang lahat ng lalabas na basura. Sa kasalukuyang kapanahunan, ang mga tao ay hindi nag-aalay sa Akin ng maraming “regalo,” bagama’t hindi Ko sila sinisisi dahil dito. Ang mga taong ito ay palaging hikahos at walang-wala; kaya matapos mamasdan ang realidad ng kanilang sitwasyon, hindi Ko sila kailanman isinailalim sa anumang di-makatwirang mga hinihingi simula nang naparito Ako sa mundo ng tao. Sa halip, pagkatapos na mabigyan sila ng mga “materyales,” hinanap Ko ang “produktong bunga” na nais Ko, sapagkat ito ang hangganan ng kayang makamit ng mga tao. Gumugol Ako ng maraming taon sa paghihirap at natutuhan kung ano ang kahulugan ng mabuhay bilang isang tao, bago gumawa ng isang akmang kahilingan. Kung hindi Ko naranasan ang buhay ng tao, paano Ko mauunawaan ang mga bagay na mahirap para sa mga tao na talakayin? Gayunpaman, hindi ito nakikita ng mga tao sa ganitong paraan; sinasabi nila na Ako ang makapangyarihan sa lahat at higit sa karaniwan na Diyos Mismo. Hindi ba ito ang eksaktong kuru-kuro na kinimkim ng lahat ng tao sa buong kasaysayan, na kinikimkim nila magpahanggang ngayon? Sinabi Ko na sa lupa, walang sinuman ang tunay at lubos na makakakilala sa Akin. Ang sinabi Kong ito ay mayroong mga ipinakakahulugan; ito ay hindi lamang hungkag na pananalita. Aking naranasan at napagmasdan ito Mismo, kaya mayroon Akong pagkaunawa tungkol sa mga detalye. Kung hindi Ako bumaba sa mundo ng mga tao, sino ang magkakaroon ng pagkakataong makilala Ako? Sino ang makakapakinig nang personal sa Aking mga salita? Sino ang makakakita sa Aking anyo sa gitna nila? Simula pa sa sinaunang mga panahon, nanatili Akong nakatago sa mga ulap. Hinulaan Ko sa simula pa lamang: “Ako ay bababa sa mundo ng mga tao sa mga huling araw upang magsilbing kanilang halimbawa.” Ito ang dahilan kung bakit tanging ang mga tao ngayon ang mapalad na napapalawak ang kanilang natatanaw. Hindi ba ito isang kabaitan na ipinagkaloob Ko sa kanila? Hindi ba talaga nila kayang maunawaan ang Aking biyaya? Bakit ang mga tao ay napakamanhid at mahina ang isip? Malayo na ang kanilang narating; bakit hindi pa rin sila natatauhan? Maraming taon na Akong naririto sa mundo, ngunit sino ang nakakakilala sa Akin? Hindi nakapagtataka na kinakastigo Ko ang mga tao. Tila sila ang mga kinauukulan ng paggamit Ko ng Aking awtoridad; tila sila ang mga bala sa Aking baril na sa sandaling paputukin Ko ito ay “tatakas” ang lahat. Ito ang nasa imahinasyon ng mga tao. Palagi Kong iginagalang ang mga tao; kailanman ay hindi Ko sila walang habas na pinagsamantalahan o ipinagbili na parang mga alipin. Ito ay dahil hindi Ko sila maiiwan, ni hindi nila Ako maiiwan. Kaya isang bigkis ng buhay at kamatayan ang nabuo sa pagitan namin. Palagi Kong pinahahalagahan ang sangkatauhan. Bagama’t hindi Ako kailanman itinangi ng sangkatauhan, lagi silang nakatingin sa Akin, na siyang dahilan kaya patuloy Akong nagsisikap para sa kanila. Mahal Ko ang mga tao tulad ng sarili Kong kayamanan, dahil sila ang “puhunan” ng Aking pamamahala sa lupa; samakatuwid ay tiyak na hindi Ko sila lilipulin. Ang Aking kalooban sa mga tao ay hindi kailanman magbabago. Magagawa ba nilang tunay na magtiwala sa Aking pangako? Paano nila Ako mabibigyang-kasiyahan para sa Aking kapakanan? Ito ang gawain para sa buong sangkatauhan; ito ang “takdang-aralin” na ibinigay Ko sa kanila. Aking inaasahan na silang lahat ay masigasig na gagawa upang tapusin ito.
Abril 23, 1992