Kabanata 37
Sa buong kapanahunan, sa lahat ng gawaing Aking nagawa, bawat yugto noon ay nakasangkutan ng Aking angkop na mga pamamaraan sa paggawa. Dahil dito, ang minamahal kong mga tao ay napadalisay nang napadalisay at mas lalong naging angkop para kasangkapanin Ko. Dahil din doon, gayunman, ang “sawimpalad na bagay” ay na habang dumarami ang Aking mga pamamaraan sa paggawa, nababawasan ang bilang ng mga tao, at ito ang dahilan kaya sila nagmumuni-muni nang malalim. Mangyari pa, kasama pa rin dito ang gawaing ito ngayon, at karamihan sa mga tao ay muli na namang nagmumuni-muni; sa gayon, dahil sa mga pagbabago sa Aking mga pamamaraan, may ilan pa rin na kakailanganing umurong. Maaari itong ilarawan sa ganitong paraan: Ito ay isang bagay na Aking itinadhana, ngunit hindi isang bagay na Aking ginawa. Mula noong paglikha, napakaraming tao nang bumagsak, at napakarami nang naligaw ng kanilang landas, dahil sa mga pamamaraan ng Aking gawain. Gayunman, wala Akong pakialam kung anuman ang gawin ng mga tao—pakiramdam man nila ay hindi Ako mapagmahal o napakalupit Ko—tama man o mali ang kanilang pagkaunawa, iniiwasan Kong magpaliwanag. Magbahaginan muna tayo tungkol sa pangunahing punto ng talakayang ito upang lahat ay magtamo ng lubos na pagkaunawa, para maiwasan na hindi nila maunawaan kung bakit sila nagdurusa. Hindi Ko pipilitin ang mga tao na magdusa nang tahimik na parang mga pipi; sa halip, ilalarawan Ko nang malinaw ang lahat para hindi sila magreklamo laban sa Akin. Balang araw, bibigyan Ko ng dahilan ang lahat ng tao na magpahayag ng taos-pusong papuri sa gitna ng pagkastigo sa kanila. Sang-ayon ka ba sa pamamaraang ito? Tumutugon ba iyan sa mga kinakailangan ng mga tao?
Sa paunang salita sa panahon ng pagkastigo, sasabihin Ko muna sa mga tao ang pangkalahatang kahulugan sa likod ng “panahong” ito upang hindi sila magkasala sa Akin. Ibig sabihin, gagawa Ako ng mga pagsasaayos para sa Aking gawain na hindi mababago ng sinuman, at ganap na hindi Ko basta-basta palalagpasin ang sinumang magbabago sa mga ito: parurusahan Ko sila. Matatandaan ba ninyo iyan? Lahat ng ito ay “mga bakuna.” Sa mga bagong pamamaraan, kailangan munang maunawaan ng lahat ng tao na ang una at pinakamahalagang layuning kakamtin ay ang magkaroon ng pagkaunawa tungkol sa sarili nilang aktuwal na mga kalagayan. Bago magtamo ng kaunting pagkaunawa tungkol sa sarili, walang sinumang pahihintulutang magsalita nang walang-ingat sa iglesia, at tiyak na kakastiguhin Ko ang sinumang lumalabag sa panuntunang ito. Mula sa araw na ito, lahat ng apostol ay ililista sa mga iglesia at pagbabawalang magpalipat-lipat kung saan nila gusto—maliit ang ibubunga niyan. Lahat sila ay tila tumutupad sa kanilang mga tungkulin, ngunit ang totoo ay nililinlang nila Ako. Sa kabila ng nangyari, ngayon ay nakalipas na ang lahat ng iyon, at hindi na kailangang banggitin pang muli. Mula ngayon, aalisin na ang katagang “apostol” at hindi na muling gagamitin kailanman, upang lahat ng tao ay bumaba sa kanilang mga “posisyon” at makilala ang kanilang sarili. Ito, mangyari pa, ay alang-alang sa kanilang kaligtasan. Ang “posisyon” ay hindi isang korona; isang kataga lamang ito ng katawagan. Nauunawaan ba ang ibig Kong sabihin? Ang mga namumuno sa mga iglesia ay isasabuhay pa rin ang buhay-iglesia sa loob ng sarili nilang mga iglesia, bagama’t mangyari pa ay hindi ito isang mahigpit na panuntunan. Kapag kinakailangan, maaari silang bumisita sa mga iglesia sa pakikipag-ugnayan sa iba pang dating mga apostol. Ang pinakamahalagang bagay ay na kailangang maragdagan ang pagbabahaginan ng mga iglesia—maliban kung walang isa man sa kanilang mga miyembro ang totoong namumuhay ng buhay ng iglesia. Gayunpaman, kailangan Kong bigyan-diin na kailangang magkaisa kayong lahat sa kaalaman tungkol sa sarili at sa paghihimagsik laban sa malaking pulang dragon: Ito ang Aking kalooban. Hindi mahalaga kung gaano karaming magsalita ang mga tao; sa halip, ang pinakamahalaga ay ang magkasama-sama ang lahat ng Aking mga tao bilang isa, sapagkat iyon lamang ang paraan para tunay na magpatotoo. Noong araw, sinabi ng lahat ng tao na makikilala nila ang kanilang sarili, subalit nagpahayag na Ako ng di-mabilang na mga salita—at gaano na ninyo nauunawaan ang inyong sarili? Kapag mas tumataas ang posisyon ng isang tao, mas mahihirapan siyang isantabi ang kanyang sarili, mas malaki ang kanyang mga inaasam, at mas magdurusa siya kapag siya ay kinakastigo. Ito ang Aking pagliligtas sa sangkatauhan. Nauunawaan ba ninyo? Huwag ninyong basta tanggapin na totoo ito; ang paggawa nito ay magiging napakababaw at walang halaga. Nauunawaan ba ninyo ang ibang nauugnay na mga kahulugan dito? Kung tunay na kayang unawain ng mga miyembro ng iglesia ang kanilang sarili, ipamamalas nito na ang mga uring iyon ng mga tao ay tunay na nagmamahal sa Akin. Ibig sabihin, kung hindi kayo magputul-putol ng tinapay na kasama ng mga tao, hindi ninyo mauunawaan ang kanilang mga paghihirap. Paano ninyo binibigyang-kahulugan ang kasabihang ito? Sa huli, bibigyan ko ng dahilan ang lahat ng tao na makilala ang kanilang sarili sa panahon ng pagkastigo sa kanila, at paaawitin sila’t patatawanin habang nangyayari iyon. Tunay ba kayong magkakaroon ng pananampalataya na palugurin Ako? Kung gayon, ano ang dapat ninyong gawin sa inyong pagsasagawa? Mula ngayon, ang mga kaganapan ng bawat iglesia ay aasikusahin ng angkop na mga tao sa iglesiang iyon, at isasabuhay lamang ng mga apostol ang buhay ng iglesia. Tinatawag itong “pagdanas ng buhay.” Nauunawaan ba ninyo?
Bago opisyal na sumapit ang pagkastigo sa sangkatauhan, gagawin Ko muna ang “gawain ng pagbati” sa mga tao upang sa huli, mabigyang-kasiyahan nila Akong lahat. Kahit para sa mga uurong, kailangang magdusa sila at matapos na magpatotoo bago umalis, kung hindi ay hindi Ko sila basta-basta palalagpasin. Ipinakikita nito ang Aking disposisyon na hindi magparaya sa mga pagkakasala ng mga tao, gayundin ang Aking disposisyon na isakatuparan ang Aking sinasabi. Dahil dito, matutupad Ko na ang Aking pangako na “ginagawa Ko ang Aking sinasabi, mangyayari ang Aking sinasabi, at magtatagal magpakailanman ang Aking ginagawa.” Habang sinasambit ng Aking bibig ang mga salita, sinisimulan din ng Aking Espiritu ang Kanyang gawain. Sino ang mangangahas na sadyang paglaruan ang “mga laruan” na hawak nila sa kanilang mga kamay? Lahat ay dapat na tanggapin ang Aking pagkastigo nang may paggalang at pagkamasunurin. Sinong makatatakas dito? Maaari bang magkaroon ng ibang daan maliban sa Akin? Ngayon ay hinayaan kita na manatili sa lupa, at ikaw ay nagsasaya; bukas ay pahihintulutan kitang makapasok sa langit, at ikaw ay magpupuri. Sa araw pagkatapos niyon, ilalagay kita sa ilalim ng lupa, kung saan ikaw ay kakastiguhin. Hindi ba kinakailangan ang lahat ng ito sa Aking gawain? Sino ang hindi nagdaranas ng kasawian at tumatanggap ng mga pagpapala alang-alang sa Aking mga kinakailangan? Maaari bang hindi kayo kasali? Bilang Aking mga tao sa lupa, ano ang dapat ninyong gawin para sa Aking mga kinakailangan at Aking kalooban? Maaari kaya na pinupuri ninyo ang Aking banal na pangalan sa salita habang kinamumuhian Ako sa inyong puso? Ang paggawa ng gawain para sa Akin at pagbibigay-lugod sa Aking puso, gayundin ang pag-unawa sa inyong sarili at paghihimagsik laban sa malaking pulang dragon—hindi madaling gawin ang mga ito, at kailangang magsakripisyo kayo sa paggawa dito. Kapag sinabi Kong “sakripisyo,” ano sa palagay ninyo ang ibig Kong sabihin? Hindi Ko ito tatalakayin ngayon at hindi Ako magbibigay ng tuwirang mga sagot sa mga tao. Sa halip, hahayaan Ko silang pag-isipan itong mabuti sa kanilang sarili, at pagkatapos, sagutin ang Aking mga tanong nang praktikal sa pamamagitan ng kanilang mga kilos at pag-uugali. Kaya ba ninyong gawin iyan?
Abril 27, 1992