Kabanata 31
Hindi Ako kailanman nagkaroon ng puwang sa puso ng mga tao. Kapag tunay Akong naghahanap sa mga tao, ipinipikit nila ang kanilang mga mata at binabalewala ang Aking mga kilos, na para bang lahat ng Aking ginagawa ay isang pagtatangkang bigyan sila ng kasiyahan, na naging sanhi upang palagi silang mainis sa Aking mga gawa. Para bang wala Akong anumang kamalayan sa sarili, para bang lagi Kong ipinapasikat ang Aking sarili sa harap ng tao, sa gayon ay nagsiklab ang galit nilang mga “kagalang-galang at matuwid.” Subalit nagtitiis Ako kahit sa ilalim ng gayong masasamang kundisyon, at itinutuloy Ko ang Aking gawain. Sa gayon, sinasabi Ko na natitikman Ko ang matamis, maasim, mapait, at maanghang na mga lasa ng karanasan ng tao, at dumarating Ako sa hangin at sumasama sa ulan; sinasabi Ko na naranasan Ko na ang mga pag-uusig ng pamilya, naranasan Ko na ang mga tagumpay at kabiguan ng buhay, at naranasan Ko na ang sakit ng mahiwalay sa katawan. Gayunman, nang pumarito Ako sa lupa, sa halip na tanggapin Ako dahil sa hirap na naranasan Ko para sa kanila, “magalang” na tinanggihan ng mga tao ang Aking mabubuting layunin. Paanong hindi Ako masasaktan nito? Paanong hindi Ako malulungkot? Maaari bang nagkatawang-tao Ako para lamang magwakas nang ganito ang lahat? Bakit hindi Ako mahal ng tao? Bakit nasuklian ng galit ng tao ang Aking pagmamahal? Maaari ba na nararapat Akong magdusa sa ganitong paraan? Tumutulo ang mga luha ng simpatiya ng mga tao dahil sa paghihirap Ko sa mundo, at dumaing na ang mga tao sa kawalang-katarungan ng Aking kasawian. Subalit sino na ang tunay na nakaalam sa Aking puso? Sino ang makakahiwatig sa Aking damdamin kailanman? Minsan nang nagkaroon ang tao ng malalim na pagmamahal sa Akin, at minsang nanabik sa Akin sa kanyang mga pangarap—ngunit paano maaaring maunawaan ng mga tao sa lupa ang Aking kalooban sa langit? Bagama’t minsa’y nahiwatigan ng mga tao ang Aking kalungkutan, sino na ang nagkaroon ng simpatiya, bilang isang kapwa nagdurusa, sa Aking mga pagdurusa? Maaari kayang maantig at mabago ang Aking nalulungkot na puso ng konsiyensya ng mga tao sa lupa? Hindi ba masabi sa Akin ng mga tao sa lupa ang di-masabing paghihirap sa kaibituran ng kanilang puso? Ang mga espiritu at ang Espiritu ay umaasa sa isa’t isa, ngunit dahil sa mga harang ng laman, “nawalan ng kontrol” ang utak ng mga tao. Minsa’y pinaalalahanan Ko ang mga tao na humarap sa Akin, ngunit hindi nakahikayat sa mga tao ang Aking mga panawagan na tuparin ang Aking hiningi; tumingin lamang sila sa langit, puno ng luha ang mga mata, para bang may pasan silang di-mailarawang hirap, para bang may isang bagay na nakaharang sa kanilang daan. Sa gayon, mahigpit silang nagdaop ng mga kamay at yumuko sa silong ng langit na nagmamakaawa sa Akin. Dahil maawain Ako, ipinagkakaloob Ko ang Aking mga pagpapala sa tao, at sa isang kisapmata, dumating ang sandali ng Aking personal na pagparito sa tao—subalit matagal nang nakalimutan ng tao ang kanyang sumpa sa Langit. Hindi ba ito mismo ang pagsuway ng tao? Bakit laging may “amnesia” ang tao? Nasaksak Ko ba siya? Napatay Ko ba ang kanyang katawan? Sinasabi Ko sa tao ang damdaming nasa kaibuturan ng Aking puso; bakit niya Ako laging iniiwasan? Sa mga alaala ng mga tao, para bang may nawala sa kanila at hindi ito makita kahit saan, ngunit para bang hindi rin tumpak ang kanilang mga alaala. Sa gayon, palaging malilimutin ang mga tao sa buhay nila, at magulo ang mga panahon ng buhay ng buong sangkatauhan. Subalit walang ginagawang anuman ang sinuman para lutasin ito; walang ginagawang anuman ang mga tao kundi yurakan at paslangin ang isa’t isa, na humantong na sa nakakapinsalang pagkatalo ngayon, at nagsanhi na gumuho ang lahat ng bagay sa sansinukob sa maruming tubig at putik, na wala nang pagkakataong maligtas.
Nang dumating Ako sa lahat ng tao, iyon mismo ang sandali na naging matapat ang mga tao sa Akin. Sa panahong ito, nagsimula ring ilapat ng malaking pulang dragon ang nakamamatay na mga kamay nito sa mga tao. Tinanggap Ko ang “paanyaya,” at Ako ay “pinaupo sa hapag ng piging” kasama ng tao, na hawak ang “liham ng paanyaya” na ibinigay sa Akin ng sangkatauhan. Nang makita nila Ako, hindi Ako pinansin ng mga tao, sapagkat hindi Ko pinalamutian ng magagarang kasuotan ang Aking sarili at dala Ko lamang ang Aking “identity card” para makaupo sa mesa na kasama ng tao. Walang mamahaling pampaganda sa Aking mukha, walang koronang nakaputong sa Aking ulo, at isang pares lamang ng ordinaryong sapatos na gawang-bahay ang suot Ko sa Aking mga paa. Ang higit na nagpainis lamang sa mga tao ay wala Akong kolorete sa Aking bibig. Bukod pa riyan, hindi Ako sumambit ng magalang na mga salita, at hindi ang Aking dila ang pluma ng isang handang manunulat; sa halip, tumagos ang Aking bawat salita sa kaibuturan ng puso ng tao, na nagdagdag kahit paano sa “kanais-nais” na impresyon ng mga tao sa Aking bibig. Sapat na ang nabanggit na hitsura para bigyan Ako ng mga tao ng “espesyal na pagtrato,” at sa gayon ay tinrato nila Ako bilang isang simpleng probinsyano mula sa kanayunan na walang kaalaman tungkol sa mundo, at walang karunungan. Subalit nang mag-abot ng “mga regalong pera” ang lahat, hindi pa rin Ako itinuring ng mga tao na kagalang-galang, kundi lumapit lamang sa Akin nang walang anumang paggalang, nang dahan-dahan at nag-aatubili at maikli ang pasensya. Nang iabot Ko ang Aking kamay, agad silang nagtaka, at lumuhod sila at nagsigawan nang malakas. Kinolekta nila ang lahat ng “perang regalo” sa Akin. Dahil malaki ang halaga, bigla nilang naisip na milyonaryo Ako at pinunit ang gula-gulanit na mga damit mula sa Aking katawan nang walang pahintulot Ko, at pinalitan ang mga iyon ng mga bagong damit—subalit hindi Ako sumaya rito. Dahil hindi Ako sanay sa gayon kadaling pamumuhay at kinamuhian Ko ang ganitong “primera-klaseng” pagtrato, dahil isinilang Ako sa banal na tahanan, at, masasabi, dahil isinilang Ako sa “karukhaan,” hindi Ako sanay sa marangyang buhay na ang mga tao ay naglilingkod sa Akin na parang alipin. Sana lamang ay maunawaan ng mga tao ang Aking nadarama sa puso Ko, nang matiis nila ang kaunting hirap upang matanggap ang di-nakapapanatag na mga katotohanan mula sa Aking bibig. Dahil hindi pa Ako kailanman nakapagsalita tungkol sa teorya, ni wala Akong kakayahang gamitin ang lihim na mga paraan ng sangkatauhan sa pagkilos sa lipunan upang makihalubilo sa mga tao, at dahil wala pa Akong kakayahang iangkop ang Aking mga salita ayon sa mukha ng mga tao o sa kanilang sikolohiya, lagi Akong kinamumuhian ng mga tao, na naniniwala na hindi Ako karapat-dapat na makasalamuha, at sinasabi na matalim ang Aking dila at lagi Kong sinasaktan ang mga tao. Subalit wala Akong pagpipilian: “pinag-aralan” Kong minsan ang sikolohiya ng tao, “tinularan” Kong minsan ang pilosopiya ng tao sa pamumuhay, at minsan Akong nag-aral sa “kolehiyo ng wika” para matutuhan ang wika ng tao, upang makasanayan Ko ang kaparaanan ng pagsasalita ng mga tao, at makapagsalita nang nababagay sa kanilang mukha—ngunit kahit nagsikap Ako nang husto at bumisita sa maraming “eksperto,” nauwing lahat iyon sa wala. Hindi kailanman nagkaroon ng anumang pagkatao sa Akin. Sa lahat ng taong nagdaan, hindi kailanman nagkaroon ng kahit katiting na epekto ang Aking mga pagsisikap, at hindi Ako kailanman nagkaroon ng kahit katiting na kakayahan sa wika ng tao. Sa gayon, ang mga salita ng tao na “sulit ang maging masipag” ay “tumalbog” palayo sa Akin, at dahil dito, nagwawakas ang mga salitang ito sa lupa. Hindi natatanto ng mga tao, napabulaanan na ng Diyos mula sa langit ang talinghagang ito, at sapat na pinatunayan na walang silbi ang mga salitang iyon. Sa gayon ay humihingi Ako ng paumanhin sa tao, ngunit wala nang magagawa—iyon ang napapala Ko sa pagiging masyadong “mangmang.” Wala Akong kakayahang matutuhan ang wika ng tao, na maging magaling sa pilosopiya sa pamumuhay, na makisalamuha sa mga tao. Pinapayuhan Ko lamang ang mga tao na maging matiisin, na pigilan ang galit sa kanilang puso, na huwag saktan ang kanilang sarili nang dahil sa Akin. Sino ang nagbunsod sa atin na makihalubilo sa isa’t isa? Sino ang nagbunsod sa atin na magkita-kita sa sandaling ito? Sino ang nagbunsod sa atin na magkaroon ng magkakaparehong uliran?
Laganap ang Aking disposisyon sa lahat ng Aking salita, subalit hindi ito kayang maintindihan ng mga tao sa Aking mga salita. Nagtatalo lamang sila tungkol sa maliliit na bagay na sinasabi Ko—ano ang silbi niyon? Magagawa ba silang perpekto ng kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Akin? Maaari bang isakatuparan ng mga bagay sa lupa ang Aking kalooban? Patuloy Kong sinubukang turuan ang mga tao kung paano sambitin ang Aking mga salita, ngunit para bang hindi makaimik ang tao, at hindi niya natutuhan kailanman kung paano sambitin ang Aking mga salita tulad ng nais Ko. Tinuruan Ko siya nang bibig-sa-bibig, subalit hindi siya kailanman natuto. Pagkatapos nito, saka lamang Ako may natuklasang bago: Paano maaaring sambitin ng mga tao sa lupa ang mga salita ng langit? Hindi ba nito nilalabag ang mga batas ng kalikasan? Ngunit, dahil sa kasigasigan at pagkamausisa ng mga tao tungo sa Akin, nagsimula Ako sa isa pang bahagi ng gawain sa tao. Hindi Ko kailanman pinahiya ang tao dahil sa kanyang mga kakulangan, kundi sa halip ay tinutustusan Ko ang tao alinsunod sa kung ano ang wala sa kanya. Dahil lamang dito kaya mayroong medyo kanais-nais na impresyon sa Akin ang mga tao, at ginagamit Ko ang pagkakataong ito upang minsan pang pagsama-samahin ang mga tao, upang matamasa nila ang isa pang bahagi ng Aking mga yaman. Sa sandaling ito, minsan pang nalulong ang mga tao sa kaligayahan, ang mga pagbubunyi at tawanan ay nasa paligid ng iba-ibang kulay na mga ulap sa kalangitan. Binubuksan Ko ang puso ng tao, at nagkakaroon kaagad ng bagong sigla ang tao, at ayaw na niya Akong pagtaguan, sapagkat natikman na niya ang matamis na lasa ng pulot, kaya nga inilalabas niya ang lahat ng kanyang basura upang papalitan—na para bang naging isa Akong kolektahan ng basura, o isang istasyon ng pamamahala sa basura. Sa gayon, matapos makita ang nakapaskil na mga “anunsyo,” humaharap sa Akin ang mga tao at sabik na nakikilahok, sapagkat tila iniisip nila na makakakuha sila ng ilang “souvenir,” kaya pinadadalhan nila Akong lahat ng “mga liham,” upang makalahok sila sa mga kaganapang Aking itinakda. Sa sandaling ito hindi sila natatakot na mawalan, dahil hindi malaki ang “puhunan” na sangkot sa mga aktibidad na ito, kaya nga nangangahas silang makipagsapalaran sa paglahok. Kung walang mga souvenir na matatamo mula sa paglahok, lilisanin ng mga tao ang arena at babawiin ang pera nila, at kukuwentahin din nila ang “interes” na utang Ko sa kanila. Ito ay dahil tumaas na ang mga pamantayan ng pamumuhay ngayon, umabot na sa isang “disenteng antas ng kaunlaran” at naging “makabago,” at ang “nakatataas na opisyal” ay personal na “pumupunta sa kanayunan” upang isaayos ang gawain, kaya lumakas kaagad nang husto ang pananampalataya ng mga tao—at dahil pabuti nang pabuti ang kanilang “konstitusyon,” tinitingnan nila Ako nang may paghanga, at handa silang makipag-ugnayan sa Akin para makuha ang Aking tiwala.
Abril 11, 1992