Kabanata 30

Sa gitna ng tao, minsan Kong binuod ang pagsuway at kahinaan ng tao, at samakatuwid ay naunawaan Ko ang kahinaan ng tao at nalaman ang kanyang pagsuway. Bago ang pagdating sa gitna ng tao, matagal Ko nang naunawaan ang mga kagalakan at mga kalungkutan ng tao—at dahil dito, kaya Kong gawin ang hindi kayang gawin ng tao, at sabihin ang hindi kayang sabihin ng tao, at nagagawa Ko iyon nang walang kahirap-hirap. Hindi ba ito ang pagkakaiba sa pagitan Ko at ng tao? At hindi ba ito isang malinaw na pagkakaiba? Maaari kaya na ang Aking gawain ay kayang makamtan ng mga taong may laman at dugo? Maaari kaya na Ako ay kaparehong uri ng mga nilalang? Inihanay na Ako ng mga tao bilang isang “katulad na uri”—at hindi ba ito ay dahil sa hindi nila Ako nakikilala? Bakit, sa halip na umangat nang mataas sa gitna ng tao, ay dapat Akong magpakumbaba ng Aking sarili? Bakit patuloy Akong itinatakwil ng sangkatauhan, bakit hindi magawa ng sangkatauhan na ipahayag ang Aking pangalan? May matinding kalungkutan sa Aking puso, ngunit paano malalaman ng mga tao? Paano nila makikita? Ang hindi kailanman pagtrato sa yaong may kinalaman sa Akin bilang pinakamahalaga sa kanilang buong buhay ay iniwan na ang mga tao na tuliro at lito, na para bang kaiinom lang nila ng tabletang pampatulog; kapag tumatawag Ako sa kanila, nagpapatuloy lang sila sa pananaginip, kaya’t walang sinuman ang kailanma’y nagkamalay sa Aking mga gawa. Ngayon, tulog na tulog pa rin ang karamihan sa mga tao. Kapag tumutunog lang ang awit ng kaharian saka sila nagmumulat ng kanilang inaantok na mga mata at nakararamdam ng bahagyang kapanglawan sa kanilang mga puso. Kapag humahampas ang Aking pamalo sa sangkatauhan, katiting na pansin pa rin ang kanilang ibinibigay, na para bang ang kanilang kapalaran ay walang kabuluhan gaya ng buhangin sa dagat. Bagaman may kaunting kamalayan ang karamihan sa kanila, hindi pa rin nila nalalaman kung gaano kalayo ang narating na ng Aking mga hakbang—sapagkat hindi sinusubukan ng mga tao na maunawaan ang Aking puso, kaya’t hindi kailanman nakayang palayain ang kanilang mga sarili mula sa gapos ni Satanas. Gumagalaw Ako sa ibabaw ng lahat ng bagay, at nabubuhay sa gitna ng lahat ng bagay, at kasabay nito, Ako ang nangingibabaw sa puso ng lahat ng tao. Sa kadahilanang ito, iba ang tingin sa Akin ng mga tao, naniniwalang Ako ay di-pangkaraniwan, o kung hindi naman ay hindi Ako maaarok—at bilang resulta, ang pagtitiwala nila sa Akin ay nagiging mas matibay bawat araw. Minsan Akong humilig sa ikatlong langit, minamasdan ang lahat ng tao at bagay sa sansinukob. Kapag natutulog Ako, natatahimik ang mga tao, labis na nangatatakot na magambala ang Aking pamamahinga. Kapag gising Ako, agad silang sumisigla, na para bang ginagawa nila ang gawain ng hayagang pagdudulot sa Akin ng kagalakan. Hindi ba’t ito ang saloobin tungo sa Akin ng mga tao sa lupa? Sino sa mga tao sa ngayon ang nakakikita sa Ako sa langit at sa lupa bilang iisa? Sinong hindi gumagalang sa Ako sa langit? At sino ang hindi nangmamaliit sa Ako sa lupa? Bakit lagi Akong pinaghihiwalay ng tao? Bakit laging may dalawang magkaibang saloobin ang tao tungo sa Akin? Ang nagkatawang-taong Diyos sa lupa ay hindi ba ang Diyos na nag-uutos sa lahat sa langit? Ang Ako ba sa langit ay hindi ba narito ngayon sa lupa? Bakit nakikita Ako ng mga tao ngunit hindi Ako nakikilala? Bakit may gayong kalaking distansya sa pagitan ng langit at lupa? Ang mga bagay na ito ba ay hindi karapat-dapat na suriin nang mas malalim ng tao?

Kapag ginagawa Ko ang Aking gawain, at sa mga panahong nagpapahayag Ako, laging ninanais ng mga tao na dagdagan ito ng “pampalasa,” na para bang ang kanilang pang-amoy ay mas matalas pa kaysa sa Akin, na para bang mas pinipili nila ang mas malasa, at para bang wala Akong malay sa kung ano ang kinakailangan ng tao, at sa gayon ay dapat na “gambalain” ang tao para “punan” ang Aking gawain. Hindi Ko sinasadyang patamlayin ang pagka-positibo ng mga tao, bagkus ay hinihingi sa kanila na linisin ang kanilang mga sarili batay sa saligan ng pagkakilala sa Akin. Dahil napakalaki ng kanilang kulang, iminumungkahi Ko na sila ay mas magsumikap, at sa gayon ay makabawi sa kanilang mga pagkukulang upang mabigyang-kasiyahan ang Aking puso. Minsan na Akong nakilala ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro, gayunman ay lubos na hindi ito namamalayan, at sa gayon ang kanilang pagtatangi ay parang pagtrato sa buhangin bilang ginto. Nang paalalahanan Ko sila, tinanggal lang nila ang bahagi nito, ngunit sa halip na palitan ang bahaging nawala ng mga bagay na yari sa pilak at ginto, nagpatuloy silang tamasahin ang bahagi na nananatili pa rin sa kanilang mga kamay—at bilang resulta, palagi silang mapagpakumbaba at matiyaga sa harap Ko; hindi nila kayang maging kaayon sa Akin, sapagkat masyado silang maraming kuru-kuro. Sa gayon, ipinasya Kong samsamin ang lahat ng mayroon at kung ano ang tao at itapon ito nang malayo, upang ang lahat ay maaaring mabuhay kasama Ko at hindi na mawalay sa Akin. Dahil sa Aking gawain kaya hindi nauunawaan ng tao ang Aking kalooban. Naniniwala ang ilan na tatapusin Ko ang Aking gawain sa pangalawang pagkakataon at itatapon sila sa impiyerno. Naniniwala ang ilan na gagamit Ako ng isang bagong pamamaraan ng pagsasalita, at karamihan sa kanila ay nanginginig sa takot: Takot na takot sila na tatapusin Ko ang Aking gawain at iiwan sila na walang patutunguhan, at lubhang natatakot na iiwanan Ko silang muli. Laging gumagamit ang mga tao ng mga lumang kuru-kuro upang sukatin ang Aking bagong gawain. Sinabi Ko na hindi kailanman naintindihan ng mga tao ang pamamaraan ng Aking paggawa—makakaya ba nilang magbigay ng mabuting salaysay tungkol sa kanilang mga sarili sa pagkakataong ito? Hindi ba’t ang mga lumang kuru-kuro ng mga tao ang mga sandata na gumagambala sa Aking gawain? Kapag Ako ay nagsasalita sa mga tao, palagi nilang iniiwasan ang Aking titig, lubhang natatakot na mananatili ang Aking mga mata sa kanila. Sa gayon, iniyuyuko nila ang kanilang mga ulo, na parang tumatanggap ng pagsisiyasat mula sa Akin—at hindi ba dahil ito sa kanilang mga kuru-kuro? Bakit nagpakumbaba Ako ng Aking sarili hanggang ngayon, subalit walang sinuman ang nakapansin kahit kailan? Dapat ba Akong yumukod para sa tao? Pumarito Ako sa lupa mula sa langit, bumaba Ako mula sa itaas tungo sa isang lihim na dako, at dumating sa gitna ng tao at ibinunyag sa kanya ang lahat ng mayroon at ano Ako. Ang Aking mga salita ay taos-puso at taimtim, matiyaga at mabait—ngunit sino ang nakakita kahit kailan sa kung ano at kung anong mayroon Ako? Nakatago pa rin ba Ako sa tao? Bakit napakahirap para sa Akin na makipagtagpo sa tao? Dahil ba masyadong abala ang mga tao sa kanilang trabaho? Dahil ba pinababayaan Ko ang Aking mga tungkulin at ang mga tao ay determinadong lahat sa paghahangad ng tagumpay?

Sa isipan ng mga tao, ang Diyos ay Diyos, at hindi madaling pakisamahan, habang ang tao ay tao, at hindi dapat madaling maging talipandas—gayunman ang mga gawa ng mga tao ay hindi pa rin madala sa harap Ko. Maaari kaya na ang Aking mga hinihingi ay napakataas? Maaari kaya na ang tao ay napakahina? Bakit ang mga tao ay palaging tumitingin sa mga pamantayan na Aking hinihingi mula sa malayo? Talaga bang ang mga iyon ay hindi kayang maabot ng tao? Ang Aking mga hinihingi ay kinakalkula batay sa “konstitusyon” ng mga tao, kaya’t hindi kailanman lumampas sa tayog ng tao—subalit magkagayunman, ang mga tao ay nananatiling hindi kayang maabot ang mga pamantayang hinihingi Ko. Di-mabilang ang mga pagkakataon na tinalikdan Ako sa gitna ng tao, di-mabilang ang mga pagkakataon na tiningnan Ako ng mga tao nang may mga matang nanunuya, na para bang puno ng mga tinik ang Aking katawan at kasuklam-suklam sa kanila, at sa gayon ay kinamumuhian Ako ng mga tao, at naniniwalang Ako ay walang halaga. Sa ganitong paraan, ipinagtulakan Ako paroo’t parito ng tao. Di-mabilang ang mga pagkakataon na iniuwi Ako ng mga tao sa mababang halaga, at di-mabilang ang mga pagkakataon na ipinagbili nila Ako sa malaking halaga, at dahil dito kaya nasumpungan Ko ang Aking sarili sa kinalalagyan Ko ngayon. Para bang ang mga tao ay nag-iimbento pa rin ng mga pakana para sa Akin; karamihan sa kanila ay nais pa ring ipagbili Ako para sa daan-daang milyong dolyar na tubo, sapagkat hindi Ako kailanman itinangi ng tao. Para bang Ako ay naging tagapamagitan sa pagitan ng mga tao, o isang sandatang nukleyar kung saan nakikipaglaban sila sa isa’t isa, o isang kasunduang nilagdaan sa pagitan nila—at bilang resulta, Ako, sa kabuuan, ay lubos na walang halaga sa puso ng tao, Ako ay isang gamit sa bahay na mapapalitan. Gayunman ay hindi Ko kinukondena ang tao dahil dito; wala Akong ginagawa kundi iligtas ang tao, at laging naging mahabagin sa tao.

Naniniwala ang mga tao na mapapanatag Ako kapag itinapon Ko ang mga tao sa impiyerno, na parang Ako ay namumukod-tanging gumagawa ng pakikipagkasundo sa impiyerno, at parang Ako ay tila isang uri ng departamento na nagpapakabihasa sa pagbebenta ng mga tao, na parang Ako ay isang espesyalista sa panggagantso ng mga tao at ipagbibili sila sa mataas na halaga sa sandaling mahawakan Ko sila. Hindi ito sinasabi ng mga bibig ng mga tao, subalit sa kanilang mga puso ito ang kanilang paniniwala. Bagaman iniibig nilang lahat Ako, ginagawa nila ito nang palihim. Nagbayad ba Ako ng ganoon kalaking halaga at gumugol ng ganoon karami kapalit ng ganito kaliit na piraso ng pag-ibig mula sa kanila? Ang mga tao ay mga manloloko, at lagi Kong ginagampanan ang papel ng niloko. Para bang masyado Akong walang muwang: Sa sandaling nakita na nila ang kahinaang ito, patuloy nila Akong niloloko. Ang mga salita mula sa Aking bibig ay hindi naglalayong ilagay sa kamatayan ang mga tao o paratangan sila nang walang habas—ang mga ito ang realidad ng tao. Marahil ang iba sa Aking mga salita ay “lumalabis,” kung saan maaari lang Akong “magmakaawa” para sa kapatawaran ng mga tao; dahil hindi Ako “bihasa” sa wika ng tao, karamihan sa sinasabi Ko ay hindi kayang bigyang-kasiyahan ang mga hinihingi ng mga tao. Marahil ang ilan sa Aking mga salita ay tumatagos sa mga puso ng mga tao, kaya maaari lang Akong “magmakaawa” na maging mapagparaya sila; dahil hindi Ako sanay sa pilosopiya ng tao sa buhay at hindi mapili sa Aking paraan ng pagsasalita, marami sa Aking mga salita ay maaaring magdulot ng kahihiyan sa mga tao. Marahil ang ilan sa Aking mga salita ay nangungusap sa ugat ng karamdaman ng mga tao at inilalantad ang kanilang sakit, kaya’t ipinapayo Ko ang pag-inom ng ilan sa mga gamot na inihanda Ko na para sa iyo, sapagkat wala Akong intensyong saktan ka at walang masasamang epekto ang gamot na ito. Marahil ang ilan sa Aking mga salita ay hindi “makatotohanan” sa pandinig, ngunit “nagmamakaawa” Ako sa mga tao na huwag mataranta—hindi “maliksi” ang Aking kamay at paa, kaya hindi pa naisasakatuparan ang Aking mga salita. Hinihingi Ko na maging “matiisin” ang mga tao tungo sa Akin. Nakatutulong ba ang mga salitang ito sa tao? Umaasa Ako na may makamit ang mga tao mula sa mga salitang ito, upang hindi laging nawawalan ng kabuluhan ang Aking mga salita!

Abril 9, 1992

Sinundan: Kabanata 29

Sumunod: Kabanata 31

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito