Kabanata 14
Sa mga nagdaang kapanahunan, walang taong nakapasok sa kaharian, at sa gayon ay walang nagtamasa ng biyaya ng Kapanahunan ng Kaharian ni walang nakakita sa Hari ng kaharian. Sa kabila ng katotohanan na sa ilalim ng pagpapalinaw ng Aking Espiritu ay maraming taong nagpropesiya sa kagandahan ng kaharian, panlabas lamang ang alam nila, at hindi ang tunay na kabuluhan nito. Ngayon, habang nagiging pormal ang pag-iral ng kaharian sa lupa, hindi pa rin alam ng karamihan sa sangkatauhan kung ano talaga ang isasakatuparan o kung saang dako dadalhin sa huli ang mga tao sa Kapanahunan ng Kaharian. Ang kinatatakutan Ko ay na lahat ng tao ay nalilito tungkol dito. Dahil hindi pa lubos na dumarating ang araw ng ganap na pagsasakatuparan ng kaharian, lahat ng tao ay naguguluhan at hindi ito maunawaan nang malinaw. Ang Aking gawain sa pagka-Diyos ay pormal na nagsisimula sa Kapanahunan ng Kaharian, at sa pormal na pagsisimulang ito ng Kapanahunan ng Kaharian nagsisimulang sumulong na maipakita ng Aking disposisyon ang sarili nito sa sangkatauhan. Samakatuwid, sa sandaling ito mismo pormal na nagsisimulang tumunog ang banal na trumpeta, na nagpapahayag sa lahat. Kapag pormal Kong kinuha ang Aking kapangyarihan at namahala Ako bilang Hari sa kaharian, lahat ng tao Ko, sa paglipas ng panahon, ay gagawin Kong ganap. Kapag nagambala ang lahat ng bansa ng daigdig, iyon mismo ang oras na itatatag at huhubugin ang Aking kaharian, pati na kung kailan Ako magbabagong-anyo at babaling upang harapin ang buong sansinukob. Sa oras na iyon, makikita ng lahat ng tao ang Aking maluwalhating mukha at masasaksihan ang Aking totoong mukha. Mula nang likhain ang mundo, mula sa pagtitiwali ni Satanas sa mga tao hanggang sa lawak ng pagiging tiwali nila ngayon, dahil sa kanilang katiwalian kaya mas lalo Akong naging tago, mula sa kanilang pananaw, at lalong hindi maarok. Hindi pa kailanman nakita ng sangkatauhan ang Aking tunay na mukha at hindi kailanman tuwirang nakipag-ugnayan sa Akin. Sa sabi-sabi at gawa-gawa lamang nagkaroon ng “Ako” sa imahinasyon ng tao. Samakatuwid ay naaayon Ako sa imahinasyong ito ng tao—ibig sabihin, sa mga kuru-kuro ng tao—upang maharap “Ako” sa isipan ng mga tao, upang mabago Ko ang kalagayan ng “Ako” na natanim sa kanilang isipan sa loob ng napakaraming taon. Ito ang prinsipyo ng Aking gawain. Wala ni isang taong nakaalam nito nang lubusan. Bagama’t nagpatirapa ang mga tao sa Akin at humarap sa Akin upang sambahin Ako, hindi ako nasisiyahan sa gayong mga kilos ng tao, sapagkat sa kanilang puso, hindi hawak ng mga tao ang Aking larawan, kundi isang larawang hindi sa Akin. Samakatuwid, dahil hindi nila nauunawaan ang Aking disposisyon, hindi man lamang nakikilala ng mga tao ang Aking tunay na mukha. Dahil dito, kapag naniniwala sila na nalabanan nila Ako o nalabag nila ang Aking mga atas administratibo, hindi Ko pa rin sila pinapansin—at sa gayon, sa kanilang alaala, Ako ay isang Diyos na nagpapakita ng awa sa mga tao sa halip na kumakastigo sa kanila, o kaya ay Ako ang Diyos Mismo na hindi seryoso sa Kanyang sinasabi. Lahat ng ito ay mga imahinasyong bunga ng pag-iisip ng tao, at hindi naaayon sa mga katotohanan.
Araw-araw Kong inoobserbahan ang buong sansinukob, at mapagpakumbaba Kong itinatago ang Aking Sarili sa Aking tirahan, dinaranas ang buhay ng tao at pinag-aaralang mabuti ang bawat gawa ng sangkatauhan. Kailanma’y walang sinumang tunay na nag-alay ng kanilang sarili sa Akin; kailanma’y walang sinumang nagsikap na matamo ang katotohanan. Kailanma’y walang sinumang naging seryoso sa Akin o gumawa ng mga pagpapasiya sa Aking harapan at pagkatapos ay tumupad sa kanilang tungkulin. Kailanma’y walang sinumang nagtulot na manahan Ako sa kanila, ni nagpahalaga sa Akin na tulad ng pagpapahalaga ng mga tao sa sarili nilang buhay. Kailanma’y walang sinumang nakakita, sa praktikal na realidad, sa Aking buong pagka-Diyos; kailanma’y walang sinumang naging handang makipag-ugnayan sa praktikal na Diyos Mismo. Kapag nilalamon nang buung-buo ng mga tubig ang mga tao, inililigtas Ko sila mula sa mga tubig na iyon na hindi dumadaloy at binibigyan sila ng pagkakataong mabuhay na muli. Kapag nawawala ang kumpiyansa ng mga tao na mabuhay, inaahon Ko sila mula sa bingit ng kamatayan, pinagkakalooban sila ng lakas ng loob na magpatuloy sa buhay upang magamit nila Ako bilang pundasyon ng kanilang pag-iral. Kapag sinusuway Ako ng mga tao, nagpapakilala Ako sa kanila mula sa kanilang pagsuway. Dahil sa dating likas na pagkatao ng sangkatauhan, at dahil sa Aking awa, sa halip na ipapatay ang mga tao, tinutulutan Ko silang magsisi at magsimulang muli. Kapag nagdaranas sila ng taggutom, bagama’t isang hininga na lamang ang natitira sa kanilang katawan, inaagaw Ko sila mula sa kamatayan, pinipigilan silang mahulog sa bitag ng panlilinlang ni Satanas. Napakaraming beses nang nakita ng mga tao ang Aking kamay, napakaraming beses na nilang nasaksihan ang Aking mabait na mukha at nakangiting mukha, at napakaraming beses na nilang nakita ang Aking kamahalan at poot. Bagama’t hindi Ako nakilala ng sangkatauhan kailanman, hindi Ko sinasamantala ang kanilang kahinaan bilang mga pagkakataon na sadyang galitin sila. Sa pagdanas ng mga paghihirap ng sangkatauhan, nagawa Kong makiramay sa kahinaan ng tao. Tumutugon lamang Ako sa pagsuway at kawalan ng utang-na-loob ng mga tao kaya Ako nagpapatupad ng iba-ibang antas ng mga pagkastigo.
Itinatago Ko ang Aking Sarili kapag abala ang mga tao, at inihahayag Ko ang Aking Sarili sa libreng oras nila. Iniisip ng mga tao na alam Ko ang lahat ng bagay; itinuturing nila Ako bilang Diyos Mismo na sumasang-ayon sa lahat ng pagsusumamo. Sa gayon, humaharap sa Akin ang karamihan para lamang humingi ng tulong ng Diyos, hindi dahil hangad nilang makilala Ako. Kapag namimilipit sa tindi ng karamdaman, nagsusumamo kaagad ang mga tao para sa Aking tulong. Sa oras ng kagipitan, ipinagtatapat nila sa Akin ang kanilang mga paghihirap nang kanilang buong kakayahan, upang mas maibsan ang kanilang pagdurusa. Gayunman, walang isa mang tao na nagawang mahalin din Ako habang nagiginhawahan; walang isa mang tao na lumapit sa mga panahon ng kapayapaan at kaligayahan, upang makabahagi Ako sa kanilang kagalakan. Kapag masaya at malusog ang kanilang maliliit na pamilya, matagal na Akong isinantabi o pinagsarhan ng pinto ng mga tao, na pumipigil sa Akin na pumasok upang matamasa nila ang pinagpalang kaligayahan ng kanilang pamilya. Napakakitid ng isip ng tao; napakakitid para tanggapin man lamang ang isang Diyos na mapagmahal, maawain, at madaling lapitan na katulad Ko. Napakaraming beses na Akong tinanggihan ng mga tao sa mga panahon ng kanilang masayang tawanan; napakaraming beses na Akong sinandigan ng mga tao bilang isang saklay nang matisod sila; napakaraming beses na Akong napilitang maging doktor ng mga taong naghihirap sa karamdaman. Napakalupit ng mga tao! Lubos silang hindi makatwiran at imoral. Kahit ang mga damdaming dapat sana’y mayroon ang mga tao ay hindi madama sa kanila; halos ganap silang walang anumang bakas ng pagkatao. Pagnilayan ang nakaraan, at ikumpara ito sa kasalukuyan: Mayroon bang mga pagbabagong nangyayari sa inyong kalooban? Naiwaksi mo na ba ang ilan sa mga bagay mula sa iyong nakaraan? O kailangan pa bang palitan ang nakaraang iyon?
Nagpabalik-balik na Ako sa mga bulubundukin at lambak ng ilog, na nagdaranas ng mga tagumpay at kabiguan ng mundo ng mga tao. Nakagala na Ako na kasama sila, at namuhay na Ako nang maraming taon na kasama sila, subalit mukhang napakaliit ng ipinagbago ng disposisyon ng sangkatauhan. At parang nag-ugat na at umusbong ang dating likas na pagkatao ng mga tao sa kanila. Hindi nila kailanman nagawang baguhin ang dating likas na pagkataong iyon; pinabubuti lamang nila iyon kahit paano mula sa orihinal nitong pundasyon. Tulad ng sinasabi ng mga tao, hindi nagbago ang kakanyahan, ngunit nagbago nang husto ang anyo. Tila tinatangka Akong lokohin at silawin ng lahat ng tao, upang makalusot sila at makamit ang Aking pagpapahalaga. Hindi Ko hinahangaan ni pinapansin ang mga panlilinlang ng tao. Sa halip na magsiklab sa galit, nakatingin lamang Ako ngunit wala Akong nakikita. Plano Kong gawaran ng isang tiyak na antas ng kaluwagan ang sangkatauhan at, pagkaraan nito, sama-samang pakitunguhan ang lahat ng tao. Dahil mga walang silbi na kalunos-lunos ang lahat ng tao na hindi mahal ang kanilang sarili, at hindi man lamang itinatangi ang kanilang sarili, kung gayon, bakit pa nila kakailanganin na magpakita Akong muli ng awa at pagmamahal? Walang eksepsyon, hindi kilala ng mga tao ang kanilang sarili, ni hindi nila alam kung gaano sila kahalaga. Dapat nilang timbangin ang kanilang sarili. Hindi Ako pinakikinggan ng mga tao, kaya hindi Ko rin sila sineseryoso. Hindi nila Ako pinapansin, kaya hindi Ko rin kailangang higit pang magpakapagod sa kanila. Hindi ba ito ang pinakamasaya sa dalawang sitwasyong ito? Hindi ba kayo inilalarawan nito, Aking mga tao? Sino na sa inyo ang nakagawa ng pagpapasiya sa Aking harapan at hindi iwinaksi ang mga ito pagkatapos? Sino na ang nakagawa ng pangmatagalang mga pagpapasiya sa Aking harapan sa halip na madalas na itakda ang kanilang isipan sa mga bagay-bagay? Noon pa man, gumagawa na ang mga tao ng mga pagpapasiya sa Aking harapan sa mga panahon ng kaluwagan, at pagkatapos ay binabawing lahat ang mga ito sa mga panahon ng kagipitan; pagkatapos, kalaunan, muli nilang binubuhay ang kanilang pagpapasiya at inilalahad iyon sa Aking harapan. Lubha ba Akong hindi kagalang-galang para basta Ko na lamang tanggapin ang basurang ito na napulot ng sangkatauhan mula sa tambakan ng basura? Kakaunting tao ang kumakapit sa kanilang mga pagpapasya, kakaunti ang walang sala, at kakaunti ang nag-aalay ng mga bagay na pinakamahalaga sa kanila bilang sakripisyo sa Akin. Hindi ba ganoon kayong lahat? Kung hindi ninyo matupad ang inyong mga tungkulin bilang mga miyembro ng Aking mga tao sa kaharian, kamumuhian at tatanggihan Ko kayo!
Marso 12, 1992