Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob—Kabanata 10
Ang Kapanahunan ng Kaharian, kunsabagay, ay naiiba sa mga panahong nakaraan. Hindi ito tungkol sa kung paano kumikilos ang sangkatauhan; sa halip, bumaba na Ako sa lupa upang personal na isagawa ang Aking gawain, na isang bagay na hindi maiisip ni maisasakatuparan ng mga tao. Sa loob ng napakaraming taon, mula nang likhain ang mundo, ang gawain ay tungkol lamang sa pagtatayo ng iglesia, ngunit hindi kailanman naririnig ng sinuman ang pagtatayo ng kaharian. Kahit sinasambit Ko ito sa sarili Kong bibig, mayroon bang sinumang nakakaalam sa kakanyahan nito? Minsan na Akong bumaba sa mundo ng mga tao at naranasan at namasdan Ko ang kanilang pagdurusa, ngunit ginawa Ko iyon nang hindi tinutupad ang layunin ng Aking pagkakatawang-tao. Kapag umusad na ang pagtatayo ng kaharian, ang Aking nagkatawang-taong laman ay pormal nang sinimulang gampanan ang Aking ministeryo; ibig sabihin, ang Hari ng kaharian ay pormal nang ginamit ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Mula rito maliwanag na ang pagbaba ng kaharian sa mundo ng tao—na hindi lamang isang literal na pagpapakita—ay isang aktwal na realidad; ito ay isang aspeto ng kahulugan ng “ang realidad ng pagsasagawa.” Hindi kailanman nakita ng mga tao ni isa sa Aking mga kilos, ni hindi nila narinig kailanman ni isa sa Aking mga pagbigkas. Kahit nakita nila ang Aking mga kilos, ano ang matutuklasan nila? At kung narinig man nila Akong magsalita, ano ang kanilang mauunawaan? Sa buong mundo, lahat ay umiiral ayon sa Aking awa at kagandahang-loob, ngunit pati na buong sangkatauhan ay napapailalim sa Aking paghatol, at sumasailalim din sa Aking mga pagsubok. Naging maawain at mapagmahal Ako sa sangkatauhan, kahit noong nagawa silang tiwaling lahat sa ilang antas; nakastigo Ko na sila, kahit noong nagpasakop silang lahat sa harap ng Aking luklukan. Gayunman, mayroon bang sinumang tao na wala sa gitna ng pagdurusa at pagpipino na Aking naipadala? Napakaraming taong nangangapa sa dilim para sa liwanag, at napakaraming nahihirapan nang buong kapaitan sa kanilang mga pagsubok. Si Job ay may pananampalataya, ngunit hindi ba siya naghahanap noon ng paraan para makalabas para sa kanyang sarili? Bagama’t makakapanindigan ang Aking mga tao sa harap ng mga pagsubok, mayroon bang sinumang may pananampalataya, nang hindi ito binibigkas nang malakas, sa kanyang kaibuturan? Sa halip, hindi kaya nagsasatinig ang mga tao ng kanilang paniniwala habang nagkikimkim pa rin ng mga pag-aalinlangan sa kanilang mga puso? Walang sinumang mga taong nakapanindigan sa pagsubok o tunay na nagpasakop sa oras ng pagsubok. Kung hindi Ko tinakpan ang Aking mukha para maiwasang tumingin sa mundong ito, babagsak ang buong sangkatauhan sa ilalim ng Aking nakakapasong titig, sapagkat wala Akong anumang hinihiling sa sangkatauhan.
Kapag umalingawngaw ang pagpupugay sa kaharian—na kasabay ng pagdagundong ng pitong kulog—ang tunog na ito ay nagpapangatal sa langit at lupa, nagpapayanig sa kaitaasan ng langit at nagsasanhi ng panginginig ng damdamin ng bawat tao. Pormal na pumapailanlang ang awit sa kaharian sa lupain ng malaking pulang dragon, na nagpapatunay na nawasak Ko na ang bansang iyon at naitatag ang Aking kaharian. Ang mas mahalaga pa, nakatatag ang Aking kaharian sa lupa. Sa sandaling ito, sinisimulan Kong isugo ang Aking mga anghel sa bawat isa sa mga bansa ng mundo upang maakay nila ang Aking mga anak, ang Aking mga tao; ito ay para din matugunan ang mga kinakailangan sa susunod na hakbang ng Aking gawain. Gayunman, personal Akong pumunta sa lugar kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon, at nakikipaglaban dito. Kapag ang buong sangkatauhan ay nakilala Ako sa katawang-tao at nakikita nila ang Aking mga gawa sa katawang-tao, magiging abo ang pugad ng malaking pulang dragon at maglalaho nang walang bakas. Bilang mga tao ng Aking kaharian, dahil hanggang buto ang pagkamuhi ninyo sa malaking pulang dragon, kailangan ninyong palugurin ang Aking puso sa inyong mga kilos, at sa ganitong paraan ay mapapahiya ang dragon. Talaga bang nadarama ninyo na kasuklam-suklam ang malaking pulang dragon? Talaga bang nadarama ninyo na ito ang kaaway ng Hari ng kaharian? Talaga bang mayroon kayong pananampalataya na maaari kayong magbahagi ng magandang patotoo sa Akin? Talaga bang tiwala kayo na matatalo ninyo ang malaking pulang dragon? Ito ang hinihiling Ko sa inyo; ang tanging kailangan Ko ay makaabot kayo sa hakbang na ito. Magagawa ba ninyo ito? May pananampalataya ba kayo na magagawa ninyo ito? Ano ba talaga ang kayang gawin ng mga tao? Hindi ba mas mainam na Ako Mismo ang gumawa nito? Bakit Ko sinasabi na personal Akong bumababa sa lugar kung saan makakasali sa labanan? Ang nais Ko ay ang inyong pananampalataya, hindi ang inyong mga gawa. Lahat ng tao ay walang kakayahang tanggapin ang Aking mga salita sa tuwirang paraan, at sa halip ay sumusulyap lamang nang patagilid sa kanila. Nakatulong ba ito na makamtan ninyo ang inyong mga layunin? Nakilala na ba ninyo Ako sa ganitong paraan? Ang totoo, sa mga tao sa lupa, walang sinumang may kakayahang tingnan Ako nang tuwid sa mukha, at walang sinumang magagawang tanggapin ang dalisay at lantay na kahulugan ng Aking mga salita. Samakatuwid ay nagpasimula na Ako ng isang walang-katulad na proyekto sa ibabaw ng lupa, upang makamit ang Aking mga layunin at maitatag ang tunay Kong larawan sa puso ng mga tao. Sa ganitong paraan, wawakasan Ko ang panahon kung kailan nangingibabaw ang mga kuru-kuro ng mga tao.
Ngayon, hindi lamang Ako bumababa sa bansa ng malaking pulang dragon, bumabaling din Ako upang humarap sa buong sansinukob, na nagpapayanig sa buong kaitaasan ng langit. Mayroon bang iisang lugar kahit saan na hindi sumasailalim sa Aking paghatol? Mayroon bang iisang lugar na hindi umiiral sa ilalim ng mga kalamidad na ibinubuhos Ko roon? Saanman Ako magtungo, nagpakalat na Ako ng lahat ng uri ng “mga binhi ng sakuna.” Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinaaabot Ko sa kanila ay isang uri pa rin ng pagmamahal. Nais Kong tulutan ang mas maraming tao na makilala Ako at makita Ako, at sa ganitong paraan, katakutan ang isang Diyos na hindi nila nakikita sa loob ng napakaraming taon ngunit ngayon mismo ay praktikal. Bakit Ko nilikha ang mundo? Bakit, matapos maging tiwali ang mga tao, hindi Ko sila tuluyang nilipol? Bakit nabubuhay ang buong sangkatauhan sa gitna ng mga kalamidad? Ano ang Aking layunin sa pagkakatawang-tao? Kapag ginagampanan Ko ang Aking gawain, natitikman ng sangkatauhan hindi lamang ang pait, kundi maging ang tamis. Sa lahat ng tao sa mundo, sino ang hindi nabubuhay sa loob ng Aking biyaya? Kung hindi Ko napagkalooban ang mga tao ng materyal na mga pagpapala, sino sa mundo ang makakapagtamasa ng kasaganaan? Isang pagpapala kaya ang pagtutulot sa inyo na kunin ang inyong lugar bilang Aking mga tao? Kung hindi kayo Aking mga tao, kundi sa halip ay mga tagapagsilbi, hindi ba kayo mabubuhay sa loob ng Aking mga pagpapala? Wala ni isa sa inyo ang may kakayahang arukin ang pinagmulan ng Aking mga salita. Ang sangkatauhan—sa halip na pahalagahan ang mga titulong Aking iginawad sa kanila, napakarami sa kanila, dahil sa titulong “tagapagsilbi,” ay nagkikimkim ng sama ng loob sa kanilang puso, at napakarami, dahil sa titulong “Aking mga tao,” ang nagmamahal sa Akin sa kanilang puso. Hindi dapat subukin ninuman na lokohin Ako; nakikita ng Aking mga mata ang lahat! Sino sa inyo ang tumatanggap nang maluwag sa kalooban, sino sa inyo ang ganap na sumusunod? Kung hindi umalingawngaw ang pagpupugay sa kaharian, talaga bang magagawa ninyong magpasakop hanggang wakas? Ano ang kayang gawin at isipin ng mga tao, at gaano kalayo ang kaya nilang marating—lahat ng bagay na ito ay matagal Ko nang itinalaga.
Karamihan sa mga tao ay tumatanggap ng Aking pagsusunog sa liwanag ng Aking mukha. Karamihan sa mga tao, na pinasigla ng Aking panghihikayat, ay kumilos upang sumulong sa pagsisikap. Kapag ang mga puwersa ni Satanas ay sumalakay sa Aking mga tao, naroon Ako upang salagin ang mga iyon; kapag naminsala ang mga pakana ni Satanas sa kanilang buhay, pinakakaripas Ko ito ng takbo, kapag nakaalis na ay hindi na babalik kailanman. Sa lupa, lahat ng uri ng masasamang espiritu ay walang-tigil sa paggala sa paghahanap ng mapagpapahingahan, at walang-hinto sa paghahanap ng mga bangkay ng mga tao na maaaring lamunin. Aking mga tao! Kailangan kayong manatili sa loob ng Aking pangangalaga at proteksyon. Huwag magpakasama kailanman! Huwag kumilos nang walang-ingat kailanman! Dapat mong ialay ang iyong katapatan sa Aking sambahayan, at sa katapatan mo lamang malalabanan ang panlalansi ng diyablo. Anuman ang mangyari, hindi ka dapat kumilos na tulad noong araw, na gumagawa ng isang bagay sa Aking harapan at ng iba naman sa Aking likuran; kung kikilos ka sa ganitong paraan, hindi ka na puwedeng matubos. Hindi ba higit pa sa sapat ang nabigkas Kong mga salita na tulad ng mga ito? Ito ay dahil mismo sa hindi maitama ang dating likas na pagkatao ng sangkatauhan kaya kinailangan Kong paulit-ulit na paalalahanan ang mga tao. Huwag mainip! Lahat ng sinasabi Ko ay alang-alang sa pagtiyak ng inyong tadhana! Isang mabaho at maruming lugar ang kailangan mismo ni Satanas; kapag mas hindi na kayo matutubos pa at mas nagpakasama kayo, at ayaw ninyong magpasaway, mas magkakaroon ng pagkakataon ang maruruming espiritung iyon na pasukin kayo. Kung nakarating na kayo sa puntong ito, ang inyong katapatan ay magiging walang-kabuluhang satsat lamang, walang anumang realidad, at lalamunin ng maruruming espiritu ang inyong matibay na pagpapasiya at papalitan ito ng pagsuway at mga pakana ni Satanas na gagamitin upang gambalain ang Aking gawain. Mula roon, maaari Ko kayong hampasin anumang oras. Walang sinumang nakakaunawa sa bigat ng sitwasyong ito; talagang nagbibingi-bingihan lamang ang mga tao sa naririnig nila, at hindi man lamang sila nag-iingat. Hindi Ko naaalala ang ginawa noong araw; talaga bang naghihintay ka pa ring maging maluwag Ako sa iyo sa pamamagitan ng minsan pang “paglimot”? Bagama’t tinutulan na Ako ng mga tao, hindi Ko sila sisisihin, sapagkat napakaliit ng kanilang tayog, kaya nga hindi Ako gumagawa ng napakatataas na kahilingan sa kanila. Ang tanging hinihiling Ko ay huwag silang magpakasama, at na magpasakop sila sa pagsaway. Siguradong hindi ito lampas sa inyong kakayahang tumugon sa isang kundisyong ito, hindi ba? Karamihan sa mga tao ay naghihintay na magbunyag Ako ng mas marami pang hiwaga para pagpiyestahan ng kanilang mga mata. Gayunman, kahit naunawaan mo na ang lahat ng hiwaga ng langit, ano talaga ang maaari mong gawin sa kaalamang iyon? Madaragdagan ba nito ang iyong pagmamahal sa Akin? Mapupukaw ba nito ang iyong pagmamahal sa Akin? Hindi Ko minamaliit ang mga tao, ni hindi Ko sila basta-basta hinahatulan. Kung hindi ganito ang aktwal na sitwasyon ng mga tao, hindi Ko sila kailanman basta puputungan ng gayong mga katawagan. Gunitain ninyo ang nakaraan: Ilang beses Ko na ba kayo siniraan? Ilang beses Ko na ba kayo minaliit? Ilang beses Ko na ba kayo tiningnan nang hindi pinapansin ang inyong aktwal na sitwasyon? Ilang beses na ba nabigo ang Aking mga pagbigkas na akitin kayo nang buong puso? Ilang beses na ba Ako nagsalita nang hindi naaantig ang inyong damdamin? Sino sa inyo ang nakabasa na ng Aking mga salita nang walang takot at panginginig, na nahihintakutan na isasadlak Ko kayo sa walang-hanggang kalaliman? Sino ang hindi nagtitiis ng mga pagsubok mula sa Aking mga salita? Sa loob ng Aking mga pagbigkas ay naroon ang awtoridad, ngunit hindi ito para maglapat ng kaswal na paghatol sa mga tao; sa halip, nasasaisip ang kanilang aktwal na mga kalagayan, palagi Kong ipinapakita sa kanila ang kahulugang likas sa Aking mga salita. Sa katunayan, mayroon bang sinumang may kakayahang kilalanin ang Aking makapangyarihang lakas sa Aking mga salita? Mayroon bang sinumang maaaring tumanggap ng pinakadalisay na ginto kung saan gawa ang Aking mga salita? Ilang salita na ba ang Aking nasambit? Mayroon na bang sinumang nagpahalaga sa mga ito?
Marso 3, 1992