Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob—Kabanata 8

Kapag nasa rurok na ang Aking mga paghahayag, at natapos na ang Aking paghatol, iyon ang panahon kung kailan lahat ng Aking tao ay mabubunyag at magagawang ganap. Naglilibot Ako sa lahat ng sulok ng mundo ng sansinukob sa walang-katapusang paghahanap sa mga yaon na nakaayon sa Aking layon at akma na kasangkapanin Ko. Sino ang maaaring tumayo at makipagtulungan sa Akin? Ang pagmamahal ng mga tao sa Akin ay kakatiting, at ang kanilang pananampalataya sa Akin ay napakaliit. Kung hindi Ko idinirekta ang sidhi ng Aking mga salita sa mga kahinaan ng mga tao, magyayabang sila at magmamalabis, na nangangaral at lumilikha ng bonggang mga teorya, na para bang alam nila ang lahat at napakarunong nila patungkol sa mga bagay sa lupa. Sa mga “tapat” sa Akin noong araw, at yaong “naninindigan” sa Aking harapan, sino ang nangangahas pa ring magsalita nang may kayabangan? Sino ang hindi lihim na nagagalak sa sarili nilang mga inaasam? Nang hindi Ko tuwirang inilantad ang mga tao, wala silang napagtaguan at nagdusa sila sa kahihiyan. Gaano pa kaya ito kalala kung nagsalita Ako sa ibang paraan? Lalo pang makakaramdam ng pagkakautang ang mga tao, maniniwala na walang anumang makakagamot sa kanila, at lahat ay lalong magagapos ng kanilang pagsasawalang-kibo. Kapag nawawalan ng pag-asa ang mga tao, pormal na umaalingawngaw ang pagpugay sa kaharian, na, tulad ng sabi ng mga tao, “ang panahon kung kailan nagsisimulang gumawa ang Espiritung pitong beses na pinaigting.” Sa madaling salita, ito ay kung kailan opisyal na nagsisimula ang buhay ng kaharian sa lupa; kung kailan lumalabas ang Aking pagka-Diyos upang kumilos nang tuwiran (nang walang “pagpoproseso” sa utak). Lahat ng tao ay abala, na para bang muli silang nabuhay o nagising mula sa isang panaginip, at, pagkagising, ay namanghang matagpuan ang kanilang sarili sa ganoong sitwasyon. Noong araw, marami Akong sinabi tungkol sa pagtatayo ng iglesia; inihayag Ko ang maraming hiwaga, ngunit nang nasa rurok na ang gawain, bigla itong nagwakas. Gayunman, ang pagtatayo ng kaharian ay iba. Kapag umabot ang digmaan sa espirituwal na dako sa huling yugto nito, saka Ko lamang sisimulang muli ang Aking gawain sa lupa. Ibig sabihin, kapag malapit nang tumalikod ang lahat ng tao, saka Ko lamang pormal na sisimulan at ibabangon ang Aking bagong gawain. Ang kaibhan sa pagitan ng pagtatayo ng kaharian at ng pagtatayo ng iglesia ay na sa pagtatayo ng iglesia, gumawa Ako sa pamamagitan ng isang pagkataong pinamahalaan ng pagka-Diyos; tuwiran Kong pinakitunguhan ang dating likas na pagkatao ng mga tao, na tuwirang ibinubunyag ang kanilang kapangitan at inilalantad ang kanilang kakanyahan. Dahil dito, nakilala nila ang kanilang sarili ayon dito, kaya nga sila nakumbinsi sa kanilang puso at sa kanilang mga salita. Sa pagtatayo ng kaharian, kumikilos Ako nang tuwiran sa pamamagitan ng Aking pagka-Diyos, at tinutulutan Ko ang lahat ng tao na malaman kung ano ang mayroon Ako at ano Ako batay sa pundasyon ng kanilang kaalaman sa Aking mga salita, na tinutulutan sila sa huli na magtamo ng kaalaman tungkol sa Akin bilang laman na nagkatawang-tao. Sa gayon nagwakas ang paghahangad ng buong sangkatauhan sa malabong Diyos, at sa gayon ay tumigil sila sa pagbibigay ng lugar sa kanilang puso para sa Diyos sa langit; ibig sabihin, hinahayaan Kong malaman ng sangkatauhan ang mga gawa na Aking ginagawa habang Ako ay isang laman na nagkatawang-tao, at gayon magwawakas ang Aking panahon sa lupa.

Ang pagtatayo ng kaharian ay tuwirang nakatuon sa espirituwal na dako. Ibig sabihin, ang kalagayan ng digmaan sa espirituwal na dako ay ginagawang malinaw nang tuwiran sa lahat ng Aking tao, at sapat na ito upang ipakita na hindi lamang sa loob ng iglesia, kundi pati na at lalo na sa Kapanahunan ng Kaharian, bawat tao ay palaging nasa digmaan. Sa kabila ng kanilang pisikal na katawan, ang espirituwal na dako ay tuwirang inihayag, at nakikipag-ugnayan sila sa buhay sa espirituwal na dako. Sa gayon, kapag nagsisimula kayong maging matapat, kailangan kayong maghanda nang wasto para sa susunod na bahagi ng Aking gawain. Dapat ninyong ibigay ang buong puso ninyo; saka lamang ninyo mapapalugod ang Aking puso. Wala Akong pakialam sa naunang nangyari sa iglesia; ngayon, ito ay nasa kaharian. Sa Aking plano, palagiang nakasunod si Satanas sa bawat hakbang at, bilang mapaghahambingan ng Aking karunungan, ay laging sinusubukang makahanap ng mga paraan upang gambalain ang Aking orihinal na plano. Subalit maaari ba Akong sumuko sa mapanlinlang na mga pakana nito? Lahat ng nasa langit at nasa lupa ay naglilingkod sa Akin; maaari pa bang maiba ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas? Dito mismo nagsasalikop ang Aking karunungan; ito mismo ang kamangha-mangha sa Aking mga gawa, at ito ang prinsipyo ng pagpapatakbo para sa Aking buong plano ng pamamahala. Sa panahon ng pagtatayo ng kaharian, hindi Ko pa rin iniiwasan ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, kundi patuloy Kong ginagawa ang gawaing kailangan Kong gawin. Sa sansinukob at sa lahat ng bagay, napili Ko na ang mga gawa ni Satanas bilang Aking paghahambingan. Hindi ba ito pagpapakita ng Aking karunungan? Hindi ba ito mismo ang kamangha-mangha tungkol sa Aking gawain? Sa panahon ng pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian, lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay lubos na nabago, at sila ay nagdiriwang at nagsasaya. Naiiba ba kayo? Kaninong puso ang walang tamis ng pulot? Sino ang hindi nag-uumapaw sa kagalakan? Sino ang hindi sumasayaw sa tuwa? Sino ang hindi sumasambit ng mga salita ng papuri?

Naiintindihan ba ninyo ang mga layunin at pinagmulan ng lahat ng Aking nabanggit at natalakay sa itaas, o hindi? Kung hindi Ko ito itinanong, maniniwala ang karamihan sa mga tao na puro daldal lamang Ako, at hindi Ko magagawang arukin ang pinagmulan ng Aking mga salita. Kung pagninilayan ninyong mabuti ang mga iyon, malalaman ninyo ang kahalagahan ng mga iyon. Makabubuting basahin mong mabuti ang mga ito: Alin sa Aking mga salita ang walang pakinabang sa iyo? Alin ang sadyang hindi magpapalago sa iyong buhay? Alin ang hindi bumabanggit sa realidad ng espirituwal na dako? Naniniwala ang karamihan sa mga tao na walang katwiran o dahilan sa Aking mga salita, na walang paliwanag at interpretasyon ang mga ito. Talaga bang napakalabo at mahiwaga ang Aking mga salita? Tunay ba kayong nagpapasakop sa Aking mga salita? Tunay ba ninyong tinatanggap ang Aking mga salita? Hindi ba ninyo ito pinaglalaruan? Hindi mo ba ginagamit ang mga ito bilang damit para takpan ang pangit mong hitsura? Sa malawak na mundong ito, sino ang personal Ko nang nasuri? Sino ang personal na nakarinig sa mga salita ng Aking Espiritu? Napakaraming taong nangangapa at naghahanap sa dilim; napakaraming nagdarasal sa gitna ng kahirapan; napakarami, gutom at giniginaw, ang nakamasid na umaasa; at napakaraming iginapos ni Satanas; subalit napakaraming hindi alam kung saan babaling, napakaraming nagtataksil sa Akin sa gitna ng kanilang kaligayahan, napakarami ang walang utang na loob, napakaraming walang utang na loob, at napakaraming tapat sa mapanlinlang na mga pakana ni Satanas. Sino sa inyo si Job? Sino si Pedro? Bakit paulit-ulit Kong nabanggit si Job? Bakit Ko natukoy si Pedro nang napakaraming beses? Natiyak na ba ninyo kung ano ang mga inaasam Ko para sa inyo? Dapat kayong gumugol ng mas maraming oras sa pagninilay sa gayong mga bagay.

Si Pedro ay tapat sa Akin sa loob ng maraming taon, subalit hindi siya bumulung-bulong ni nagreklamo kailanman; kahit si Job ay hindi niya kapantay at, sa nagdaang mga kapanahunan, lahat ng banal ay hindi nakapantay kay Pedro. Hindi lamang niya hinangad na makilala Ako, kundi nakilala rin niya Ako sa isang panahon kung kailan isinasakatuparan ni Satanas ang mapanlinlang na mga pakana nito. Humantong ito sa paglilingkod ni Pedro sa Akin sa loob ng maraming taon, na laging nakaayon sa Aking kalooban, at dahil dito, hindi siya napagsamantalahan ni Satanas kailanman. Natuto si Pedro mula sa pananampalataya ni Job, subalit malinaw niya ring nahiwatigan ang mga pagkukulang ni Job. Bagama’t naging matindi ang pananampalataya ni Job, wala siyang kaalaman tungkol sa mga bagay sa espirituwal na dako, kaya marami siyang sinabing mga salita na hindi tugma sa realidad; nagpapakita ito na ang kaalaman ni Job ay mababaw pa at hindi maaaring maging gawing perpekto. Samakatuwid, palaging nagtuon si Pedro sa pagtatamo ng diwa ng espiritu, at laging nakatuon sa pagmamasid sa mga kalakaran ng espirituwal na dako. Dahil dito, hindi lamang niya natiyak ang isang bagay sa Aking mga inaasam, kundi nagkaroon din ng kaunting kaalaman tungkol sa mapanlinlang na mga pakana ni Satanas. Dahil dito, mas dumami pa ang kanyang kaalaman tungkol sa Akin kaysa kaninuman sa pagdaan ng mga kapanahunan.

Mula sa karanasan ni Pedro, hindi mahirap makita na kung nais Akong makilala ng mga tao, kailangan silang magsaaalang-alang nang husto sa loob ng kanilang espiritu. Hindi Ko hinihiling na ipakita mo na “naglalaan” ka ng ilang bahagi sa Akin; hindi ito gaanong mahalaga. Kung hindi mo Ako kilala, lahat ng pananampalataya, pagmamahal, at katapatang binabanggit mo ay mga ilusyon lamang; bula ang mga ito, at tiyak na magiging isa kang tao na labis na naghahambog sa Aking harapan ngunit hindi kilala ang kanyang sarili. Sa gayon, minsan ka pang mabibitag ni Satanas at hindi ka makakawala; magiging isa kang anak ng kapahamakan at isang pakay ng pagwasak. Gayunman, kung nanlalamig ka at wala kang pakialam sa Aking mga salita, walang dudang kontra ka sa Akin. Ito ay totoo, at makabubuting tumingin ka sa pasukan ng espirituwal na dako sa marami at iba-ibang espiritung nakastigo Ko. Sino sa kanila, na naharap, walang kibo, walang malasakit, at ayaw tumanggap sa Aking mga salita? Sino sa kanila ang hindi mapangutya sa Aking mga salita? Sino sa kanila ang hindi sumubok na maghanap ng mali sa Aking mga salita? Sino sa kanila ang hindi gumamit ng Aking mga salita bilang “mga sandatang pananggalang” para “protektahan” ang sarili nila? Hindi nila ginamit ang nilalaman ng Aking mga salita bilang isang paraan para makilala Ako, kundi para paglaruan lamang. Dahil dito, hindi ba nila Ako direktang nilalabanan? Sino ang Aking mga salita? Sino ang Aking Espiritu? Napakaraming beses Ko nang naitanong sa inyo ang gayong mga bagay, subalit nagkaroon na ba kayo ng mas mataas at malinaw na mga kabatiran tungkol sa mga ito? Talaga bang naranasan na ninyo ang mga ito? Minsan Ko pa kayong pinapaalalahanan: Kung hindi ninyo alam ang Aking mga salita, ni hindi ninyo tinatanggap ang mga ito, ni hindi ninyo isinasagawa ang mga ito, siguradong magiging mga pakay kayo ng Aking pagkastigo! Siguradong magiging mga biktima kayo ni Satanas!

Pebrero 29, 1992

Sinundan: Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob—Kabanata 6

Sumunod: Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob—Kabanata 10

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito