Kabanata 6

Pansinin ang mga bagay na nauukol sa espiritu, pakinggan ang Aking salita, at magkaroon ng tunay na kakayahang ituring ang Aking Espiritu at Aking pagkatao, at ang Aking salita at Aking pagkatao, bilang isang di-mapaghihiwalay na kabuuan, upang mapalugod Ako ng buong sangkatauhan sa Aking presensya. Napasok Ko na ang lahat ng naroon, natanaw Ko na ang buong kalawakan ng sansinukob, at nakalakad na Ako sa gitna ng lahat ng tao, na tinitikman ang tamis at pait sa piling ng tao—subalit hindi pa Ako totoong nakilala ng tao kailanman, hindi niya Ako pinakinggan kailanman sa Aking mga paglalakbay. Dahil tahimik Ako, at hindi Ako nagsagawa ng mga di-pangkaraniwan, walang sinumang tunay na nakakita sa Akin. Ang ngayon ay hindi na katulad ng nakaraan: Gagawa Ako ng mga bagay na hindi pa nakita kailanman mula noong panahon ng paglikha, magsasalita Ako ng mga salitang hindi pa narinig sa nakalipas na mga kapanahunan, sapagkat hinihiling Ko na lahat ng tao ay makilala Ako sa katawang-tao. Ito ang mga hakbang ng Aking pamamahala, ngunit wala ni katiting na ideya ang tao. Bagama’t nagsalita na Ako nang malinaw, nalilito pa rin ang mga tao; mahirap silang paliwanagan. Hindi ba ito ang kaabahan ng tao? Hindi ba ito mismo ang nais Kong lunasan? Sa loob ng maraming taon, wala Akong ginawang anuman sa tao; sa loob ng maraming taon, sa kabila ng tuwirang pakikipag-ugnayan sa Aking nagkatawang-taong laman, walang sinumang nakarinig kailanman sa tinig na tuwirang nagmula sa Aking pagka-Diyos. Kaya hindi maiwasan ng mga tao na mawalan ng kaalaman tungkol sa Akin, bagama’t hindi ito nakaapekto sa pagmamahal nila sa Akin sa paglipas ng mga kapanahunan. Gayunman, ngayon, nakagawa Ako sa inyo ng mahimalang gawain, gawaing di-maarok at di-masukat, at nangusap na Ako ng maraming salita. Gayunpaman, sa gayong mga sitwasyon, marami pa ring lumalaban sa Akin nang tuwiran sa Aking presensya. Hayaan ninyong bigyan Ko kayo ngayon ng ilang halimbawa:

Araw-araw kang nagdarasal sa isang malabong Diyos, na nagsisikap na maintindihan ang Aking kalooban at lumago sa buhay. Subalit kapag naharap sa Aking mga salita, iba ang tingin mo sa mga ito; itinuturing mo ang Aking mga salita at Aking Espiritu bilang isang buo, subalit isinasantabi Mo ang Aking pagkatao, na naniniwala na ang Aking persona ay talagang walang kakayahang bigkasin ang gayong mga salita, na ginagabayan ang mga ito ng Aking Espiritu. Ano ang kaalaman mo sa gayong mga sitwasyon? Naniniwala ka nang kaunti sa Aking mga salita subalit mayroon kang mga kuru-kuro na iba-iba ang tindi patungkol sa katawang-tao na Aking ginagamit. Pinalilipas mo ang bawat araw sa pag-aaral dito, at sinasabi mo: “Bakit Niya ginagawa ang mga bagay-bagay sa gayong paraan? Talaga bang nagmumula ang mga ito sa Diyos? Imposible! Hindi naman Siya gaanong naiiba sa akin—isa rin Siyang normal at ordinaryong tao.” Paano maipaliliwanag ang gayong sitwasyon?

Sino sa inyo ang hindi nagtataglay ng nabanggit sa itaas? Sino ang hindi abala sa gayong mga bagay? Mukhang mga bagay ito na pinanghahawakan mo na parang mga personal na ari-arian, na ayaw mong pakawalan kailanman. Lalong hindi ka aktibong nagsisikap para sa sarili mo; sa halip, hinihintay mong Ako Mismo ang gumawa noon. Sa totoo lang, walang isa mang taong hindi naghahanap na nakakakilala sa Akin nang gayon kadali. Hindi mababaw ang mga salitang ito na itinuturo Ko sa inyo. Sapagkat mabibigyan Ko kayo ng isa pang halimbawa mula sa isa pang pananaw para maging sanggunian mo:

Kapag nababanggit si Pedro, walang katapusan ang pagsasabi ng mga tao ng mabubuting bagay tungkol sa kanya. Agad nilang ginugunita ang tatlong beses na itinakwil niya ang Diyos, paano niya sinubok ang Diyos sa pagsisilbi kay Satanas, at paano siya ipinako sa krus nang patiwarik sa bandang huli para sa Diyos, at iba pa. Ngayon ay magtutuon Ako sa paglalarawan sa inyo kung paano Ako nakilala ni Pedro at kung ano ang kinahinatnan niya sa huli. Malaki ang kakayahan ni Pedro, ngunit ang kanyang sitwasyon ay hindi kagaya ng kay Pablo: Inusig Ako ng kanyang mga magulang, mga demonyo sila na nasapian ni Satanas at, dahil dito, wala silang itinurong anuman kay Pedro tungkol sa Diyos. Si Pedro ay mautak, matalino, at mahal na mahal ang kanyang mga magulang mula pa sa pagkabata. Subalit pagtanda niya, naging kaaway siya nila dahil hindi siya tumigil kailanman sa pagsisikap na makaalam tungkol sa Akin, at paglaon ay tumalikod siya sa kanila. Ito ay dahil, una sa lahat, naniwala siya na ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat at na lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos at tuwirang lumalabas mula sa Kanya nang hindi naiimpluwensyahan ni Satanas. Ang pagkakaiba ng mga magulang ni Pedro sa kanya ay nagbigay sa kanya ng higit na kaalaman tungkol sa Aking kagandahang-loob at awa, sa gayon ay nadagdagan ang kanyang hangaring hanapin Ako. Nagtuon siya hindi lamang sa pagkain at pag-inom ng Aking mga salita, kundi, bukod pa rito, sa pag-unawa sa Aking kalooban, at lagi siyang maingat sa kanyang puso. Dahil dito, lagi siyang sensitibo sa kanyang espiritu, at dahil dito ay nakaayon Siya sa Aking sariling puso sa lahat ng kanyang ginawa. Palagi siyang nakatuon sa mga kabiguan ng mga tao noong araw para magpasigla sa kanya, sa malaking pangamba na baka siya mabigo. Nagtuon din siya sa pakikibahagi sa pananampalataya at pagmamahal ng lahat ng nagmahal sa Diyos sa lahat ng kapanahunan. Sa ganitong paraan—hindi lamang sa mga negatibong aspeto, kundi ang higit na mahalaga, sa mga positibong aspeto—mas mabilis siyang lumago, kaya ang kanyang kaalaman ay naging pinakadakila sa lahat sa Aking presensya. Dahil dito, hindi mahirap isipin kung paano niya ipinaubaya ang lahat ng mayroon siya sa Aking mga kamay, paano niya isinuko maging ang paggawa ng mga desisyon tungkol sa pagkain, pananamit, pagtulog at kung saan siya nakatira, at sa halip ay tinamasa niya ang Aking mga kayamanan batay sa pagpapalugod niya sa Akin sa lahat ng bagay. Maraming beses Ko siyang isinailalim sa mga pagsubok—mga pagsubok, natural, na muntik na niyang ikamatay—ngunit sa kabila ng daan-daang pagsubok na ito, hindi siya nawalan ng pananampalataya sa Akin kailanman o nadismaya sa Akin. Kahit noong sabihin Ko na tinalikuran Ko na siya, hindi pa rin siya pinanghinaan ng loob, at patuloy niya Akong minahal sa isang praktikal na paraan at alinsunod sa dating mga prinsipyo ng pagsasagawa. Sinabi Ko sa kanya na hindi Ko siya pupurihin kahit minahal niya Ako, na sa huli ay ihahagis Ko siya sa mga kamay ni Satanas. Ngunit sa gitna ng mga pagsubok na ito, mga pagsubok na hindi sumapit sa kanyang laman, kundi sa mga salita, nanalangin pa rin siya sa Akin at nagsabing, “Diyos ko! Sa langit at sa lupa, at sa lahat ng bagay, mayroon bang sinumang tao, anumang nilalang, o anumang bagay na hindi Mo hawak sa mga kamay Mo, ang Makapangyarihan sa lahat? Kapag maawain Ka sa akin, labis na nagagalak ang puso ko sa Iyong awa. Kapag hinahatulan Mo ako hindi man ako karapat-dapat, lalo kong nadarama ang napakalalim na hiwaga ng Iyong mga gawa, dahil puno Ka ng awtoridad at karunungan. Bagama’t nahihirapan ang aking laman, naaaliw ang aking espiritu. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa? Kahit mamatay ako matapos Kang makilala, paanong hindi ko magagawa iyon nang may galak at masaya? Makapangyarihan sa lahat! Talaga bang ayaw Mo akong makita Ka? Talaga bang hindi ako karapat-dapat na tumanggap ng Iyong paghatol? Maaari kayang may isang bagay sa akin na ayaw Mong makita?” Sa gayong mga pagsubok, kahit hindi naintindihang mabuti ni Pedro ang Aking kalooban, malinaw na ipinagmalaki at ikinarangal niya na kinasangkapan Ko siya (kahit tinanggap niya ang Aking paghatol upang makita ng sangkatauhan ang Aking kamahalan at poot), at na hindi siya nabalisa sa mga pagsubok na ito. Dahil sa kanyang katapatan sa Aking harapan, at dahil sa Aking pagpapala sa kanya, naging isa siyang uliran at huwaran sa tao sa loob ng libu-libong taon. Hindi ba ito mismo ang dapat ninyong tularan? Pag-isipan ninyong mabuti at matagal kung bakit Ako naglahad ng ganito kahabang salaysay tungkol kay Pedro; dapat ay magsilbing mga prinsipyo ang mga ito na susundin ninyo sa inyong pagkilos.

Kahit kakaunting tao ang nakakakilala sa Akin, hindi Ko ibubuhos ang Aking poot sa sangkatauhan, sapagkat maraming pagkukulang ang mga tao, at mahirap para sa kanila na marating ang antas na hinihiling Ko sa kanila. Kaya, naging mapagparaya Ako sa tao sa loob ng libu-libong taon, hanggang sa ngayon, subalit umaasa Ako na hindi kayo magpapabaya sa inyong sarili nang dahil sa Aking pagpaparaya. Sa pamamagitan ni Pedro, dapat ninyo Akong makilala at hanapin; mula sa lahat ng kanyang pakikipagsapalaran, dapat kayong maliwanagan nang higit kaysa rati, at sa gayon ay makarating kayo sa mga dakong hindi pa narating ng tao kailanman. Sa buong kosmos at sa kalangitan, sa lahat ng bagay sa langit at sa lupa, lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa at sa langit ay ginagawa ang lahat para sa huling yugto ng Aking gawain. Sigurado kayang ayaw ninyong manatiling mga manonood lamang, na inuutus-utusan ng mga puwersa ni Satanas? Palaging nariyan si Satanas na nilalamon ang kaalaman tungkol sa Akin na nasa puso ng mga tao, na nagngangalit ang mga ngipin at nakaamba ang mga kuko sa huling yugto ng paghihingalo nito. Nais ba ninyong mabihag ng mga tusong pakana nito sa pagkakataong ito? Nais ba ninyong sirain ang inyong buong buhay kapag natapos na sa huli ang Aking gawain? Hinihintay ba ninyo na ipakita Kong muli ang Aking pagpaparaya? Ang paghahangad ng kaalaman tungkol sa Akin ang mahalaga, ngunit ang pagtutuon sa pagsasagawa ay kailangang-kailangan. Tuwirang inihayag sa inyo ang Aking mga salita, at umaasa Ako na masusunod ninyo ang Aking patnubay, at hindi na kayo magkakaroon ng mga plano at ambisyon para sa inyong sarili.

Pebrero 27, 1992

Sinundan: Kabanata 5

Sumunod: Kabanata 7

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito