Kabanata 7
Lahat ng sangay sa kanluran ay dapat makinig sa Aking tinig:
Noong araw, naging tapat ba kayo sa Akin? Nakinig ba kayo sa napakagaling Kong mga payo? Makatotohanan ba ang inyong mga inaasam at hindi malabo at walang katiyakan? Ang katapatan, pagmamahal, at pananampalataya ng sangkatauhan—wala kundi yaong nagmumula sa Akin, wala kundi yaong Aking ipinagkaloob. Mga tao Ko, kapag nakikinig kayo sa Aking mga salita, nauunawaan ba ninyo ang Aking kalooban? Nakikita ba ninyo ang Aking puso? Sa kabila ng katotohanan na, noong araw, habang kayo ay nasa landas ng pagseserbisyo, nagdanas kayo ng mga tagumpay at kabiguan, ng mga pagsulong at sagabal, at mga okasyon na nanganib kayong bumagsak at ipagkanulo pa Ako, alam ba ninyo na sa bawat sandali ay palagi Ko kayong inililigtas? Na sa bawat sandali ay lagi Akong bumibigkas sa Aking tinig upang tawagin at sagipin kayo? Napakaraming beses na kayong nahulog sa mga bitag ni Satanas; napakaraming beses na kayong nasilo sa mga bitag ng sangkatauhan; napakaraming beses na kayong nabigong palayain ang inyong sarili at nagsimula sa walang-katapusang pakikipagtalo sa isa’t isa. Napakaraming beses nang nakapasok ang inyong katawan sa Aking sambahayan habang hindi matagpuan ang inyong puso kahit saan. Magkagayunman, napakaraming beses Ko nang naiabot ang Aking nagliligtas na kamay upang suportahan kayo, at napakaraming beses Ko nang naisaboy sa inyo ang mga binhi ng Aking awa. Napakaraming beses Ko nang hindi natiis na makita ang inyong kaawa-awang kalagayan pagkatapos magdusa; napakaraming beses.… Alam ba ninyo ito?
Gayunman, ngayon, sa Aking pag-iingat, sa wakas ay nadaig na ninyo ang lahat ng hirap, at nagagalak Akong kasama ninyo; ito ang pagniningning ng Aking karunungan. Magkagayunman, tandaan ninyo itong mabuti! Sino ang bumagsak na, habang nananatili kayong matatag? Sino ang naging matatag, nang hindi nagkaroon ng mga sandali ng kahinaan? Sa mga tao, sino ang nagtamasa na ng anumang pagpapalang hindi nagmula sa Akin? Sino ang nakaranas na ng anumang kasawiang hindi nagmula sa Akin? Maaari kaya na tumatanggap lamang ng basbas ang lahat ng nagmamahal sa Akin? Maaari kaya na nangyari kay Job ang mga kasawian dahil nabigo siyang mahalin Ako, na sa halip ay pinili niyang labanan Ako? Maaari kaya na nagawa Akong paglingkuran ni Pablo nang may katapatan sa Aking presensya dahil nagawa niyang tunay Akong mahalin? Bagama’t maaaring naninindigan kayo sa Aking patotoo, mayroon bang sinuman sa inyo na ang patotoo ay walang halong mga dumi na tulad ng lantay na ginto? May kakayahan ba ang mga tao na magkaroon ng tunay na katapatan? Na ang inyong patotoong nagdudulot ng kasiyahan sa Akin ay hindi salungat sa inyong “katapatan,” dahil hindi Ako kailanman nanghingi nang labis kaninuman. Batay sa orihinal na layunin ng Aking plano, kayong lahat ay magiging “mga produktong may-depekto”—hindi umaabot sa pamantayan. Hindi ba ito isang halimbawa ng sinabi Ko sa inyo tungkol sa “pagsasaboy ng mga butil ng awa”? Pagliligtas Ko ba ang inyong nakikita?
Dapat ninyong gunitain at alalahaning lahat: Mula nang bumalik kayo sa Aking sambahayan, mayroon bang sinuman sa inyo na kumilala sa Akin sa paraang ginawa ni Pedro, nang hindi iniisip ang mga matatamo ninyo o mawawala sa inyo? Naisaulo nga ninyo nang husto ang mabababaw na parte ng Bibliya, ngunit naunawaan ba ninyo ang diwa nito? Sa gayon, kumakapit pa rin kayo sa inyong “puhunan,” at tumatangging tunay na pakawalan ang inyong sarili. Kapag bumibigkas Ako, kapag nagsasalita Ako sa inyo nang harapan, sino sa inyo ang nagbaba ng nakasarang balumbon upang tanggapin ang mga salita ng buhay na Aking inihahayag? Wala kayong galang sa Aking mga salita, ni hindi ninyo pinahahalagahan ang mga ito. Sa halip, ginagamit ninyo ang mga iyon para paputukan ang inyong mga kaaway na parang machine gun upang mapanatili ang inyong sariling katayuan; hindi ninyo sinisikap ni katiting na tanggapin ang Aking paghatol upang makilala Ako. Bawat isa sa inyo ay nagtututok ng armas sa ibang tao; lahat kayo ay “hindi makasarili” at “iniisip ang kapakanan ng iba” sa bawat sitwasyon. Hindi ba ito mismo ang ginagawa ninyo kahapon? At ngayon? Tumaas na nang ilang puntos ang inyong “katapatan,” at medyo mas bihasa na kayong lahat at medyo mas hinog na; dahil dito, naragdagan na nang kaunti ang inyong “pangamba” sa Akin, at walang isa mang “kumikilos nang basta-basta.” Bakit kayo umiiral sa kalagayang ito ng walang-hanggang pagsasawalang-kibo? Bakit walang matagpuang mga positibong aspeto sa inyo kahit saan? O, mga tao Ko! Matagal nang lumipas ang nakaraan; hindi na ninyo kailangan pang mangunyapit dito. Dahil nanindigan ka kahapon, dapat mong ibigay sa Akin ngayon ang iyong taos-pusong katapatan; bukod pa riyan, dapat kang magbigay ng magandang patotoo para sa Akin bukas, at mamanahin mo ang Aking basbas sa hinaharap. Ito ang dapat ninyong maunawaan.
Bagama’t wala Ako sa inyong harapan, tiyak na magkakaloob ng biyaya ang Aking Espiritu sa inyo. Umaasa Ako na pakakaingatan ninyo ang Aking mga pagpapala at, sa pag-asa sa mga ito, magagawa ninyong kilalanin ang inyong sarili. Huwag ninyong gawing puhunan ang mga ito; sa halip, dapat ninyong gamitin ang Aking mga salita upang punan kung ano ang kulang sa inyo, at kunin mula rito ang inyong mga positibong elemento. Ito ang mensaheng ipinamamana Ko sa inyo!
Pebrero 28, 1992