Kabanata 5

Ang tinig ng Aking Espiritu ay isang pagpapahayag ng kabuuan ng Aking disposisyon. Nauunawaan ba ninyo? Ang maging malabo tungkol sa puntong ito ay katumbas ng paglaban sa Akin nang tuwiran. Talaga bang nakita na ninyo ang kahalagahan nito? Alam ba ninyo talaga kung gaano kalaking pagsisikap, kung gaanong lakas, ang ginugugol Ko sa inyo? Talaga bang nangangahas kayong ilantad ang nagawa ninyo at kung paano Kayo kumilos sa Aking harapan? At ang lakas pa ng loob ninyong tawagin ang inyong sarili na Aking mga tao sa Aking harapan—wala kayong kahihiyan, lalo nang wala kayong anumang pakiramdam! Sa malao’t madali, ang mga taong katulad ninyo ay paaalisin mula sa Aking bahay. Huwag kayong umakto na parang mas matalino kayo sa Akin, na ipinapalagay na nakapagpatotoo kayo para sa Akin! Isang bagay ba ito na kayang gawin ng sangkatauhan? Kung wala nang natira sa iyong mga layunin at mithiin, sana ay matagal ka nang nalihis ng landas. Iniisip mo ba na hindi Ko alam kung gaano karaming damdamin ang kayang itago ng puso ng tao? Simula sa oras na ito, sa lahat ng bagay, kailangan mong pumasok sa realidad ng pagsasagawa; kapag puro daldal ka lamang, tulad ng nagawa mo noong araw, wala ka nang mararating. Noong araw, karamihan sa inyo ay nagawang makinabang sa ilalim ng Aking bubong; ang katotohanan na kaya ninyong manindigan ngayon ay ganap na dahil sa kabagsikan ng Aking mga salita. Akala mo ba, basta na lamang Ako nagsasalita nang walang layunin? Imposible! Minamasdan Ko ang lahat ng bagay sa ibaba mula sa itaas, at gumagamit Ako ng kapangyarihan sa lahat ng bagay mula sa itaas. Sa gayon ding paraan, nailagay Ko na sa lugar ang Aking pagliligtas sa ibabaw ng mundo. Walang kahit isang saglit na hindi Ko minamasdan, mula sa Aking sikretong lugar, ang bawat galaw ng sangkatauhan at lahat ng kanilang sinasabi at ginagawa. Alam Ko ang iniisip at nadarama ng mga tao: nakikita at kilala Ko silang lahat. Ang sikretong lugar ay Aking tirahan, at ang buong kalangitan ang kamang Aking hinihimlayan. Hindi Ako kayang abutin ng mga puwersa ni Satanas, sapagkat nag-uumapaw ang Aking kamahalan, katuwiran, at paghatol. Ang di-maipahayag na hiwaga ay nananahan sa Aking mga salita. Kapag Ako ay nagsasalita, nagiging para kayong mga ibon na kahahagis lamang sa tubig, na litung-lito, o mga sanggol na katatapos pa lamang masindak, na tila walang alam, dahil ang inyong espiritu ay nahulog na sa isang kalagayan ng pagkatuliro. Bakit Ko sinasabi na ang sikretong lugar ay Aking tirahan? Alam mo ba ang mas malalim na kahulugan ng Aking mga salita? Sino sa mga tao ang may kakayahang makilala Ako? Sino ang may kakayahang makilala Ako na katulad ng pagkakilala nila sa sarili nilang ama at ina? Habang nagpapahinga sa Aking tirahan, nagmamasid Akong mabuti: Lahat ng tao sa mundo ay nagmamadali, “naglalakbay sa buong mundo” at nagpaparoo’t parito, lahat para sa kapakanan ng kanilang tadhana at kanilang hinaharap. Gayunma’y wala ni isa ang may lakas na mailalaan sa pagtatayo ng Aking kaharian, ni walang lakas na kailangan upang humugot ng hininga. Nilikha Ko ang mga tao, at nasagip Ko sila nang maraming beses mula sa kapighatian; gayunman, ang mga taong ito ay pawang mga walang utang-na-loob: Wala ni isa sa kanila ang may kakayahang isa-isahin ang mga pagkakataon na iniligtas Ko sila. Napakaraming taon na—napakaraming siglo—mula nang likhain ang mundo hanggang sa araw na ito; nakagawa na Ako ng napakaraming himala at naipakita ang Aking karunungan nang napakaraming beses. Gayunpaman, sira ang ulo at manhid ang mga tao na tulad ng baliw, at kung minsan pa nga ay parang mababangis na hayop ang mga tao na naghahangusan sa gubat, na wala ni katiting na hangaring pansinin ang Aking mga gawain. Maraming beses Ko nang sinintensyahan ng kamatayan ang mga tao at hinatulan silang mamatay, ngunit ang Aking plano ng pamamahala ay hindi mababago ng sinuman. At samakatuwid, sa Aking mga kamay, patuloy na naghahayag ang mga tao ng mga lumang bagay na kinakapitan nila. Dahil sa mga hakbang ng Aking gawain, minsan pa, sinagip Ko na kayong mga nilalang na isinilang sa isang malaking pamilyang bulok, masama, marumi, at nakakadiri.

Ang nakaplano Kong gawain ay patuloy na sumusulong nang walang-tigil kahit isang saglit. Dahil nakalipat na sa Kapanahunan ng Kaharian, at nadala Ko na kayo sa Aking kaharian bilang Aking mga tao, may iba pa Akong mga hihilingin sa inyo; ibig sabihin, sisimulan Kong ipahayag sa inyong harapan ang konstitusyong gagamitin Ko sa pamumuno sa kapanahunang ito:

Yamang tinatawag kayo na Aking mga tao, dapat ninyong makayang luwalhatiin ang Aking pangalan; ibig sabihin, magpatotoo sa gitna ng pagsubok. Kung tangkain ng sinuman na utuin Ako at itago ang totoo sa Akin, o sumali sa nakahihiyang mga gawain habang nakatalikod Ako, palalayasin ang gayong mga tao, lahat sila, at aalisin mula sa Aking bahay upang maghintay na harapin Ko sila. Yaong mga naging taksil at masuwayin sa Akin noong araw, at ngayon ay muling nagbabangon upang hatulan Ako nang lantaran—sila man ay palalayasin sa Aking bahay. Yaong Aking mga tao ay kailangang palaging magpakita ng konsiderasyon sa Aking mga pasanin at hangarin ding maunawaan ang Aking mga salita. Ang mga tao lamang na katulad nito ang Aking liliwanagan, at siguradong mabubuhay sila sa ilalim ng Aking patnubay at kaliwanagan, nang hindi kailanman humaharap sa pagkastigo. Yaong mga tao, na bigong magpakita ng konsiderasyon sa Aking mga pasanin, na nagtutuon sa pagpaplano para sa sarili nilang hinaharap—ibig sabihin, yaong mga walang layuning kumilos upang palugurin ang puso Ko, kundi sa halip ay naghahanap ng mga bigay-bigay—ang mga tila-pulubing nilalang na ito ang ayaw Ko talagang kasangkapanin, dahil mula nang ipanganak sila, wala silang anumang alam kung ano ang kahulugan ng magpakita ng konsiderasyon sa Aking mga pasanin. Sila ay mga taong walang normal na katinuan; ang gayong mga tao ay maysakit na “malnutrisyon” sa utak, at kailangang umuwi para sa kaunting “pangangalaga.” Walang silbi sa Akin ang gayong mga tao. Sa Aking mga tao, lahat ay kailangang maobligang ituring na tungkulin nilang makilala Ako na dapat makita hanggang sa huli, tulad ng pagkain, pagbibihis, at pagtulog, isang bagay na hindi kailanman nalilimutan ng isang tao sa isang saglit, upang sa bandang huli, ang pagkilala sa Akin ay maging kasing-pamilyar ng pagkain—isang bagay na ginagawa mo nang walang kahirap-hirap, na praktisado ang kamay. Tungkol naman sa mga salitang Aking sinasambit, bawat isa nito ay kailangang tanggapin nang may sukdulang pananampalataya at lubos na maunawaan; hindi maaaring magkaroon ng mga pagkilos na walang interes at hindi lubus-lubusan. Sinumang hindi pumapansin sa Aking mga salita ay ituturing na tuwirang lumalaban sa Akin; sinumang hindi kumakain ng Aking mga salita, o hindi naghahangad na malaman ang mga iyon, ay ituturing na hindi nakikinig na mabuti sa Akin, at tuwirang palalabasin sa pintuan ng Aking bahay. Ito ay dahil, tulad ng sinabi Ko na noong araw, ang nais Ko ay hindi ang maraming tao, kundi ang kahusayan. Sa isandaang tao, kung iisa lamang ang nakakakilala sa Akin sa pamamagitan ng Aking mga salita, handa Akong itapon ang lahat ng iba pa upang liwanagan at paliwanagin ang iisang ito. Mula rito ay makikita ninyo na hindi palaging totoo na sa mas malaking bilang ng mga tao lamang Ako maaaring makita at maisabuhay. Ang nais Ko ay trigo (kahit maaaring hindi puno ang mga butil) at hindi mga mapanirang damo (kahit puno ang mga butil para hangaan). Tungkol naman sa mga walang pakialam sa paghahangad, kundi sa halip ay pabaya kung kumilos, dapat silang kusang umalis; ayaw Ko na silang makita, kung hindi ay patuloy silang magbibigay ng kahihiyan sa Aking pangalan. Hinggil sa kinakailangan Ko sa Aking mga tao, titigil Ako sa mga panuntunang ito sa ngayon, at maghihintay upang gumawa ng karagdagang mga parusa, depende sa kung paano magbabago ang sitwasyon.

Sa nakalipas na mga araw, akala ng halos lahat ng tao ay Ako ang Diyos Mismo ng karunungan, na Ako ang mismong Diyos na nakakita sa kaibuturan ng puso ng mga tao; gayunman, mababaw na usapan lamang ito. Kung totoong nakilala Ako ng mga tao, hindi sana sila kaagad nagsalita nang patapos, kundi sa halip ay patuloy sana nilang sinubukang kilalanin Ako sa pamamagitan ng Aking mga salita. Kapag nakarating sila sa isang yugto kung saan totoong nakita nila ang Aking mga gawa, saka lamang sila magiging karapat-dapat na tawagin Akong Matalino at Kahanga-hanga. Napakababaw ng kaalaman ninyo tungkol sa Akin. Sa lahat ng kapanahunan, napakaraming taong nakapaglingkod sa Akin sa loob ng napakaraming taon at, dahil nakita nila ang Aking mga gawa, talagang may nalalaman silang isang bagay tungkol sa Akin. Dahil dito, dati-rati ay palagi silang nagpapasakop ng kanilang puso sa Akin, na hindi nangangahas na magtanim ni katiting na layunin na kontrahin Ako dahil napakahirap hanapin ng Aking mga yapak. Kung wala ang Aking patnubay sa mga taong ito, hindi sila mangangahas na kumilos nang padalus-dalos. Samakatuwid, matapos mabuhay sa maraming taon ng karanasan, kalaunan ay ginawa nilang pangkalahatan ang isang bahagi ng kaalaman tungkol sa Akin, na tinatawag Akong Matalino, Kahanga-hanga, at Tagapayo, na ang Aking mga salita ay parang espadang magkabila ang talim, na ang Aking mga gawa ay dakila, kagila-gilalas, at kamangha-mangha, na Ako ay nakasuot-maharlika, na ang Aking karunungan ay mas mataas pa sa kalangitan, at iba pang mga kabatiran. Gayunman, sa araw na ito, ang kaalaman ninyo tungkol sa Akin ay batay lamang sa pundasyong kanilang nailatag, kaya halos lahat kayo—tulad ng mga loro—ay inuulit lamang ang mga salitang nasambit nila. Ito ay dahil lamang sa isinaalang-alang Ko kung gaano kababaw ang paraan ng pagkilala ninyo sa Akin at kung gaano kababa ang inyong “pinag-aralan” kaya napapalibre Ko kayo sa napakaraming pagkastigo. Magkagayunman, halos lahat kayo ay hindi pa rin kilala ang inyong sarili, o iniisip ninyo na nahangad na ninyo ang Aking kalooban sa inyong mga gawa, at dahil dito ay natakasan na ninyo ang paghatol; o na, pagkatapos maging tao, hindi Ko na nasubaybayan ang mga ginagawa ng sangkatauhan, at na dahil dito ay natakasan na rin ninyo ang pagkastigo; o na ang Diyos na pinaniniwalaan ninyo ay hindi umiiral sa malalawak na bahagi ng sansinukob, kaya nga ang pagkilala sa Diyos ay ginawa na ninyong isang gawaing gagawin ninyo sa inyong libreng oras sa halip na isang bagay na isasapuso ninyo bilang isang tungkuling kailangang tuparin, gamit ang paniniwala sa Diyos bilang isang paraan para mabilis na palipasin ang oras na gugugulin sana ninyo sa katamaran. Kung hindi Ako naawa sa inyong kawalan ng mga kakayahan, katwiran, at mga kabatiran, malilipol kayong lahat sa gitna ng Aking pagkastigo, mabubura kayo sa mundo. Magkagayunman, hanggang sa matapos ang Aking gawain sa mundo, mananatili Akong maluwag sa sangkatauhan. Ito ay isang bagay na kailangang malaman ninyong lahat, at nang hindi na kayo malito sa pagitan ng mabuti at masama.

Pebrero 25, 1992

Sinundan: Kabanata 4

Sumunod: Kabanata 6

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito