Kabanata 15

Ang mga tao ay pawang mga nilalang na hindi kilala ang sarili, at hindi nila kayang makilala ang kanilang sarili. Magkagayunman, kilala nila ang lahat ng iba pa na gaya ng likod ng kanilang mga kamay, na para bang lahat ng nagawa at nasabi ng iba ay “nasuri” na muna nila, sa harap nila mismo, at tumanggap ng kanyang pagsang-ayon bago isinagawa. Dahil dito, para bang nakuha pa nila ang buong sukat ng lahat ng iba pa, hanggang sa kalagayan ng kanilang isipan. Ganito ang lahat ng tao. Kahit nakapasok na sila sa Kapanahunan ng Kaharian ngayon, nananatiling walang pagbabago ang kanilang likas na pagkatao. Ginagawa pa rin nila ang Aking ginagawa sa Aking harapan, samantalang sa Aking likuran ay nagsisimula silang gumawa ng kanilang sariling kakaibang “kalakal.” Gayunman, pagkatapos nito, kapag humaharap sila sa Akin, parang ganap na ibang tao na sila, mukhang panatag at walang kinatatakutan, tiwasay ang mukha at matatag ang pulso. Hindi ba ito mismo ang dahilan kaya lubhang kasuklam-suklam ang mga tao? Napakaraming taong nagpapakita ng dalawang ganap na magkaibang mukha—ang isa habang nasa Aking harapan, at ang isa naman habang nasa Aking likuran. Napakarami sa kanila ang umaaktong parang mga bagong-silang na cordero kapag nasa Aking harapan, ngunit kapag nasa Aking likuran, nagiging mababangis silang tigre at kalaunan ay umaaktong parang maliliit na ibon na masayang lumilipad-lipad sa kaburulan. Napakaraming nagpapakita ng layunin at matibay na pagpapasya sa Aking harapan. Napakaraming humaharap sa Akin na hinahanap ang Aking mga salita nang may pagkauhaw at pananabik, ngunit kapag nasa Aking likuran, kinasusuyaan at inaayawan nila ang mga ito, na para bang pabigat ang Aking mga salita. Napakaraming beses, pagkakita Ko na ginawang tiwali ng Aking kaaway ang lahi ng tao, nawalan na Ako ng pag-asa sa mga tao. Napakaraming beses, nang makita Ko sila sa Aking harapan, na luhaang humihingi ng tawad, magkagayunman, dahil sa kawalan nila ng paggalang sa sarili at sa katigasan ng kanilang ulo, sa galit ay ipinikit Ko na ang Aking mga mata sa kanilang mga kilos, kahit wagas ang kanilang puso at tapat ang kanilang mga layon. Napakaraming beses, nakita Ko na ang mga tao na sapat ang tiwalang makipagtulungan sa Akin, na, kapag nasa Aking harapan, tila yakap-yakap Ko, na tinitikman ang init nito. Napakaraming beses, nang masaksikan Ko ang kawalang-malay, sigla, at pagiging kaibig-ibig ng mga taong Aking hinirang, paanong hindi Akong lubhang masisiyahan dahil sa mga bagay na ito? Hindi alam ng mga tao kung paano tamasahin ang kanilang itinakdang mga pagpapala sa Aking mga kamay, sapagkat hindi nila nauunawaan kung ano talaga ang kahulugan kapwa ng “mga pagpapala” at “pagdurusa.” Dahil dito, malayong maging tapat ang mga tao sa kanilang paghahanap sa Akin. Kung walang bukas, sino sa inyo na nakatayo sa Aking harapan ang magiging dalisay na katulad ng pinaspas na niyebe at walang-dungis na katulad ng jade? Maaari kayang ang inyong pagmamahal sa Akin ay isang bagay lamang na maaaring ipagpalit sa masarap na pagkain, magarang kasuotan, o mataas na katungkulan na may napakalaking suweldo? Maipagpapalit ba ito sa pagmamahal sa iyo ng iba? Maaari kaya na ang pagdaan sa mga pagsubok ay magtutulak sa mga tao na talikuran ang pagmamahal nila sa Akin? Magrereklamo kaya sila tungkol sa Aking mga plano dahil sa pagdurusa at mga kapighatian? Wala pang sinuman talagang nagpahalaga sa matalim na espadang nasa Aking bibig: Alam lamang nila ang mababaw na kahulugan nito nang hindi talaga iniintindi kung ano ang kinakailangan nito. Kung talagang nakikita ng mga tao ang talim ng Aking espada, magtatakbuhan sila na parang mga daga patungo sa kanilang mga lungga. Dahil sa kanilang pagkamanhid, walang nauunawaan ang mga tao sa totoong kahulugan ng Aking mga salita, kaya nga wala silang kaalam-alam kung gaano nakakatakot ang Aking mga pagbigkas o kung gaano talaga ang nabubunyag sa likas na pagkatao ng tao at kung gaano na sa kanilang sariling katiwalian ang nahatulan ng mga salitang iyon. Dahil dito, bilang resulta ng kanilang hilaw na mga ideya tungkol sa Aking sinasabi, nanlamig na ang damdamin ng karamihan sa mga tao.

Sa loob ng kaharian, hindi lamang lumalabas ang mga pagbigkas mula sa Aking bibig, kundi pormal na tumatapak ang Aking mga paa saanmang dako sa lahat ng lupain. Sa ganitong paraan, nagtagumpay na Ako laban sa lahat ng marumi at karumal-dumal na lugar, sa gayon ay hindi lamang ang langit ang nagbabago, kundi nasa proseso rin ng pagbabago ang mundo, at pagkatapos ay napapanibago. Sa loob ng kosmos, lahat ay nagniningning na parang bago sa kaningningan ng Aking kaluwalhatian, na naglalahad ng nakaaantig na aspeto na nagpapalugod sa pakiramdam at nagpapasigla sa espiritu ng mga tao, na para bang umiiral ito ngayon sa isang langit na lagpas pa sa kalangitan, na nabuo sa imahinasyon ng tao, na hindi nagugulo ni Satanas at malaya sa mga pag-atake ng mga kaaway sa labas. Sa pinakamataas na naaabot ng sansinukob, lumulugar ang napakaraming bituin sa kanilang nakatalagang posisyon sa utos Ko, na kumikislap ang liwanag sa rehiyon ng mga bituin sa mga oras ng kadiliman. Wala ni isang nilalang ang nangangahas na mag-isip ng kasutilan, kaya nga, alinsunod sa diwa ng Aking mga atas administratibo, ang buong sansinukob ay maayos na pinangangasiwaan at nasa perpektong kaayusan: Hindi nagkaroon ng kaguluhan kailanman, ni hindi nagkahati-hati ang kosmos kailanman. Nagpapairal Ako ng nagliliparang paglukso sa ibabaw ng mga bituin, at kapag naglalabas ng mga sinag ang araw, pinapawi Ko ang init ng mga ito, nagpapadala Ako ng mga malalaking umiikot na mga snowflake na sinlaki ng mga balahibo ng gansa na lumulutang pababa mula sa Aking mga kamay. Kapag nagbabago Ako ng isip, lahat ng niyebe ay natutunaw patungo sa ilog, at sa isang iglap, nagsimula na ang tagsibol sa lahat ng dako sa silong ng kalangitan at naging luntian nang tulad ng esmeralda ang buong tanawin sa ibabaw ng lupa. Nagpapagala-gala Ako sa itaas ng kalawakan, at ang daigdig ay nababalutan kaagad ng napakaitim na kadiliman dahil sa Aking anyo: Walang anu-ano, “gabi” na, at napakadilim ng buong mundo kaya hindi makita ninuman ang kanyang kamay na nakaharap sa kanyang mukha. Kapag napawi na ang liwanag, sinasamantala ng sangkatauhan ang sandaling ito upang magsimulang dumaluhong sa pagwasak sa isa’t isa, na nang-aagaw at nandarambong sa isa’t isa. Sa gayon ay nagkakagulo at nagkakawatak-watak ang mga bansa sa lupa at pumapasok sa maputik na kaguluhan, hanggang sa hindi na sila maaaring tubusin pa. Nahihirapan ang mga tao sa tindi ng pagdurusa, dumaraing at naghihinagpis sa gitna ng kanilang pasakit, at kalunus-lunos ang panaghoy sa kanilang pagdurusa, nananabik na minsan pang biglang lumitaw ang liwanag sa mundo ng tao at sa gayon ay mawakasan ang mga panahon ng kadiliman at maipanumbalik ang sigla na minsang umiral. Gayunman, matagal Ko nang iniwan ang sangkatauhan, sa isang pitik ng Aking mga manggas, at hindi na muling maaawa sa kanila kailanman para sa mga kamalian ng mundo: Matagal Ko nang kinamuhian at tinanggihan ang mga tao ng buong mundo, ipinikit ang Aking mga mata sa mga kundisyon doon, itinalikod ang Aking mukha sa bawat galaw at kumpas ng sangkatauhan, at tumigil sa pagkalugod sa pagiging batang-isip at kawalang-malay nito. Nagsimula na Ako sa isa pang planong panibaguhin ang mundo, upang mas maagang makasumpong ng panibagong pagsilang ang bagong mundong ito, at hindi na muling malubog. Sa gitna ng sangkatauhan, napakaraming kakatwang kalagayang naghihintay na itama Ko, napakaraming kamaliang kailangan Kong personal na pigilang mangyari, napakarami Kong wawalising alikabok, at napakarami Kong ilalantad na hiwaga. Hinihintay Ako ng buong sangkatauhan, at nananabik sila sa Aking pagdating.

Sa lupa, Ako ang praktikal na Diyos Mismo na nananahan sa puso ng mga tao; sa langit, Ako ang Panginoon ng lahat ng nilikha. Naakyat Ko na ang kabundukan at natawid ang mga ilog, at naglabas-pasok na Ako sa gitna ng sangkatauhan. Sino ang hayagang nangangahas na lumaban sa praktikal na Diyos Mismo? Sino ang nangangahas na umalpas sa paghahari ng Makapangyarihan sa lahat? Sino ang nangangahas na igiit, nang walang alinlangan, na Ako ay nasa langit? Bukod pa riyan, sino ang nangangahas na igiit na walang-alinlangan na narito Ako sa lupa? Wala ni isa sa buong sangkatauhan ang may kakayahang ipaliwanag nang malinaw ang bawat detalye ng mga lugar na Aking tinatahanan. Maaari kaya na tuwing Ako ay nasa langit, Ako ang higit-sa-karaniwang Diyos Mismo, at na tuwing Ako ay nasa lupa, Ako ang praktikal na Diyos Mismo? Ako man ang praktikal na Diyos Mismo o hindi, sigurado namang hindi ito matutukoy sa Aking pagiging Pinuno ng lahat ng nilikha o sa katotohanan na nararanasan Ko ang mga pagdurusa sa mundo ng mga tao, hindi ba? Kung ganyan ang mangyayari, hindi ba mawawalan ng pag-asa ang pagiging mangmang ng mga tao? Nasa langit Ako, ngunit nasa lupa rin Ako; Kasama Ko ang napakaraming bagay na nilikha, pati na ang masa. Nahahawakan Ako ng mga tao araw-araw; bukod pa riyan, nakikita nila Ako araw-araw. Pagdating sa sangkatauhan, tila kung minsan ay nakatago Ako at kung minsan ay nakikita Ako; tila talagang umiiral Ako, subalit tila hindi rin Ako umiiral. Nakasalalay sa Akin ang mga hiwagang di-maarok ng sangkatauhan. Para bang lahat ng tao ay sinisilip Ako sa isang mikroskopyo upang tuklasin ang iba pang mga hiwaga sa Akin, na umaasang sa gayong paraan ay maiwaksi ang kabalisahan sa kanilang puso. Gayunman, kahit gumamit pa sila ng mga X-ray, paano mabubuklat ng sangkatauhan ang anuman sa mga lihim na itinatago Ko?

Sa sandali mismo na ang Aking mga tao, dahil sa Aking gawain, ay magtamo ng kaluwalhatian kasama Ko, mahuhukay ang pugad ng malaking pulang dragon, maaalis ang lahat ng putik at dumi, at lahat ng maruming tubig, na naipon sa loob ng napakaraming taon, ay matutuyo sa Aking mga naglalagablab na apoy, upang hindi na umiral. Pagkatapos, masasawi ang malaking pulang dragon sa lawa ng apoy at asupre. Talaga bang handa kayong manatili sa ilalim ng Aking mapagmahal na pangangalaga upang hindi kayo maagaw ng dragon? Talaga bang kinamumuhian ninyo ang mapanlinlang na mga pakana nito? Sino ang matibay na makapagpapatotoo para sa Akin? Alang-alang sa Aking pangalan, alang-alang sa Aking Espiritu, at alang-alang sa Aking buong plano ng pamamahala, sino ang makapag-aalay ng lahat ng kanilang lakas? Ngayon, kung kailan ang kaharian ay nasa mundo ng tao, ang panahon na naparito Ako nang personal sa sangkatauhan. Kung hindi nagkagayon, mayroon bang magsasapalaran na pumasok sa digmaan para sa Akin nang walang anumang pangamba? Upang magkahubog ang kaharian, upang masiyahan ang Aking puso, at bukod pa riyan, upang sumapit ang Aking araw, upang dumating ang panahon na muling isilang at lumago nang sagana ang napakaraming bagay na nilikha, upang masagip ang mga tao mula sa dagat-dagatan ng pagdurusa, upang dumating ang bukas, at upang ito ay maging kamangha-mangha, at mamulaklak at yumabong at, bukod pa riyan, upang magkaroon ng kagalakan ang hinaharap, nagsusumikap nang husto ang lahat ng tao, na walang itinitira sa pagsasakripisyo ng kanilang sarili para sa Akin. Hindi ba ito isang tanda na Akin na ang tagumpay? Hindi ba ito isang tanda ng kaganapan ng Aking plano?

Kapag mas matagal na umiiral ang mga tao sa mga huling araw, mas madarama nila ang kahungkagan ng mundo, at mas kakaunti ang tapang na tataglayin nila para mabuhay. Dahil dito, napakaraming taong namatay sa kabiguan, napakaraming iba pang nabigo sa kanilang mga pakikipagsapalaran, at napakaraming iba pang nagdaranas mismo na mamanipula ng kamay ni Satanas. Nasagip Ko na ang napakaraming tao at nasuportahan ang napakarami sa kanila, at, napakadalas, kapag nawala ang liwanag sa mga tao, naibalik Ko sila sa lugar na may liwanag upang makilala nila Ako sa gitna ng liwanag at matamasa Ako sa gitna ng kaligayahan. Dahil sa pagdating ng Aking liwanag, sumisibol ang pagsamba sa puso ng mga taong nananahan sa Aking kaharian, sapagkat Ako ay isang Diyos na mamahalin ng sangkatauhan—isang Diyos na mapagmahal na kinakapitan ng sangkatauhan—at puspos sila ng may nananahang impresyon sa Aking kaanyuan. Magkagayunman, kapag nasabi at nagawa na ang lahat, walang sinumang nakakaunawa kung ito ay kagagawan ng Espiritu o gawain ng katawang-tao. Buong buhay ang kakailanganin ng mga tao para lamang maranasan ang isang bagay na ito nang detalyado. Hindi pa Ako kinamuhian ng mga tao kailanman sa kaibuturan ng kanilang puso; sa halip, kumakapit sila sa Akin sa kaibuturan ng kanilang espiritu. Pinag-iibayo ng Aking karunungan ang kanilang paghanga, pinagpipiyestahan ng kanilang mga mata ang mga kababalaghang Aking ginagawa, at nililito ng Aking mga salita ang kanilang isipan, subalit itinatangi nila ang mga ito nang buong pagmamahal. Ang Aking realidad ay iniiwan ang mga tao na nalilito, tulala at naguguluhan, subalit handa silang tanggapin ito. Hindi ba ito mismo ang sukatan ng mga tao kung ano sila talaga?

Marso 13, 1992

Sinundan: Kabanata 14

Sumunod: Kabanata 16

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito