Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab
Sa dalawa hanggang tatlong taon na ito ng gawain, nakamtan na ang pangunahing dapat makamtan sa gawain ng paghatol na ginagawa sa inyo. Karamihan sa mga tao ay napakawalan na ang ilan sa mga inaasahan nila sa kanilang hinaharap at ang kanilang tadhana. Gayunpaman, kapag binabanggit na kayo ay mga inapo ni Moab, hindi ito matagalan ng marami sa inyo—ngumingiwi ang inyong mukha, tumatabingi ang inyong bibig, at nakapirmi ang inyong mga mata. Hindi talaga kayo makapaniwala na kayo ang mga inapo ni Moab. Si Moab ay itinapon sa lupaing ito pagkatapos maisumpa. Naipasa ng kanyang mga inapo ang kanyang lahi hanggang ngayon, at lahat kayo ay kanyang mga inapo. Wala Akong magagawa—sino ba ang nagsabi sa iyo na isilang sa sambahayan ni Moab? Naaawa Ako sa iyo at hindi Ko gustong mangyari iyon sa iyo, ngunit hindi mababago ng sinuman ang katotohanang ito. Isa kang inapo ni Moab, at hindi Ko masasabi na isa kang inapo ni David. Kanino ka mang inapo, isa ka pa ring nilikha, bagama’t mababa ang iyong posisyon, isang nilalang na hamak ang pagsilang. Lahat ng nilikha ay kailangang maranasan ang buong gawain ng Diyos; silang lahat ang pakay ng Kanyang paglupig, at kailangang makita nilang lahat ang Kanyang matuwid na disposisyon at maranasan ang Kanyang karunungan at walang-hanggang kapangyarihan. Ngayon, isa kang inapo ni Moab, at kailangan mong tanggapin ang paghatol at pagkastigong ito; kung hindi ka naging inapo ni Moab, hindi ba kakailanganin mo ring tanggapin ang paghatol at pagkastigong ito? Tanggapin mo ito! Ang totoo, ang paggawa ngayon sa mga inapo ni Moab ay lubhang mahalaga at lubhang makabuluhan. Yamang ang gawain ay ginagawa sa inyo, napakalaki ng kabuluhan nito. Kung ang gawain ay ginawa sa mga inapo ni Ham, hindi iyon magiging makabuluhan, dahil, hindi tulad ni Moab, hindi hamak ang kanilang pagsilang. Ang mga inapo ng pangalawang anak ni Noe na si Ham ay isinumpa lamang—hindi sila nagmula sa pakikiapid. Mababa lamang ang kanilang posisyon, dahil isinumpa sila ni Noe na maging mga alipin ng mga alipin. Mababa ang kanilang posisyon, ngunit hindi mababa ang kanilang orihinal na kahalagahan. Tungkol kay Moab, alam ng mga tao na ang kanyang orihinal na posisyon ay mababa dahil isinilang siya mula sa pakikiapid. Bagama’t napakataas ng posisyon ni Lot, si Moab ay nagmula kay Lot at sa kanyang anak na babae. Si Lot ay tinawag na matuwid, ngunit si Moab ay isinumpa pa rin. Mababa ang kahalagahan ni Moab at hamak ang kanyang posisyon, at kung hindi man siya isinumpa, nagmula pa rin siya sa karumihan, kaya nga iba siya kay Ham. Hindi niya kinilala si Jehova, kundi sa halip ay lumaban at naghimagsik siya laban kay Jehova—kaya nga siya nahulog sa pinakamadilim sa lahat ng lugar. Ang paggawa ngayon sa mga inapo ni Moab ay pagliligtas sa mga nahulog sa pinakamatinding kadiliman. Bagama’t sila ay isinumpa, ang Diyos ay handang magkamit ng kaluwalhatian mula sa kanila, sapagkat lahat sila noong una ay mga taong wala ang Diyos sa kanilang puso; ang mahikayat lamang yaong mga wala ang Diyos sa kanilang puso na sundin at mahalin Siya ang tunay na paglupig, at ang bunga ng gayong gawain ang lubhang mahalaga at lubhang kapani-paniwala. Ito lamang ang pagkakamit ng kaluwalhatian—ito ang kaluwalhatiang nais makamit ng Diyos sa mga huling araw. Bagama’t mababa ang posisyon ng mga taong ito, tunay na itinaas sila ng Diyos dahil nagagawa na nila ngayong makamit ang gayon kadakilang pagliligtas. Ang gawaing ito ay napakamakahulugan, at sa pamamagitan ng paghatol Niya nakakamit ang mga taong ito. Hindi Niya layon na parusahan ang mga taong ito, kundi iligtas sila. Kung, sa mga huling araw, isinasagawa pa rin Niya ang gawain ng paglupig sa Israel, mawawalan ito ng kabuluhan; magkaroon man ito ng bunga, mawawalan ito ng halaga o anumang malaking kabuluhan, at hindi Siya magkakamit ng buong kaluwalhatian. Gumagawa Siya sa inyo, yaong mga nahulog sa pinakamadilim sa lahat ng lugar, yaong mga pinakaatrasado. Hindi kinikilala ng mga taong ito na may Diyos at hindi nalaman kailanman na may Diyos. Ang mga nilalang na ito ay lubhang nagawang tiwali ni Satanas kaya nalimutan na nila ang Diyos. Nabulag na sila ni Satanas at ni hindi man lang nila alam na may Diyos sa langit. Sa inyong puso, lahat kayo ay sumasamba sa mga diyos-diyosan at sumasamba kay Satanas—hindi ba kayo ang pinakahamak, ang pinakaatrasadong mga tao? Kayo ang pinakahamak sa lahat ng laman, walang anumang personal na kalayaan, at dumaranas din kayo ng mga paghihirap. Kayo rin ang mga tao sa pinakamababang antas ng lipunang ito, na wala kahit ng kalayaang manampalataya. Narito ang kabuluhan ng paggawa sa inyo. Ang paggawa sa inyo ngayon, mga inapo ni Moab, ay hindi para hiyain kayo, kundi para ihayag ang kabuluhan ng gawain. Para sa inyo, ito ay isang dakilang pagtataas. Kung ang isang tao ay may katwiran at kabatiran, sasabihin niya: “Ako ay isang inapo ni Moab, na tunay na hindi karapat-dapat na tumanggap ngayon ng ganito kadakilang pagtataas ng Diyos, o ng gayon kadakilang mga pagpapala. Sa lahat ng aking ginagawa at sinasabi, at ayon sa aking katayuan at kahalagahan, ni hindi man lang ako karapat-dapat sa gayon kadakilang mga pagpapala mula sa Diyos. Ang mga Israelita ay may dakilang pagmamahal sa Diyos, at ang biyaya na kanilang tinatamasa ay ipinagkakaloob Niya sa kanila, ngunit ang kanilang katayuan ay mas mataas kaysa sa atin. Si Abraham ay lubhang matapat kay Jehova, at si Pedro ay lubhang matapat kay Jesus—ang kanilang katapatan ay isandaang ulit na nakahihigit kaysa sa atin. Batay sa ating mga kilos, talagang hindi tayo karapat-dapat na magtamasa ng biyaya ng Diyos.” Ang pagseserbisyo ng mga taong ito sa Tsina ay hindi talaga maaaring iharap sa Diyos. Napakagulo nito; ang labis na pagtatamasa ninyo ngayon ng biyaya ng Diyos ay pagtataas lamang ng Diyos! Kailan ba ninyo hinangad ang gawain ng Diyos? Kailan ba ninyo naisakripisyo ang inyong buhay para sa Diyos? Kailan ba ninyo natalikuran kaagad ang inyong pamilya, inyong mga magulang, at inyong mga anak? Walang sinuman sa inyo ang nakapagsakripisyo ng gayon kalaki! Kung hindi ka nailabas ng Banal na Espiritu, ilan kaya sa inyo ang nakapagsakripisyo ng lahat? Sumunod lamang kayo hanggang ngayon dahil napuwersa at napilitan kayo. Nasaan ang inyong katapatan? Nasaan ang inyong pagsunod? Batay sa inyong mga kilos, dapat ay matagal na kayong napuksa—lahat kayo ay dapat na naalis. Ano ang nagawa ninyo para magtamasa ng gayon kadakilang mga pagpapala? Ni hindi kayo karapat-dapat! Sino sa inyo ang gumawa na ng sarili nilang landas? Sino sa inyo ang nakakita mismo sa tunay na daan? Lahat kayo ay tamad, matakaw, at salbahe na puro ginhawa ang hanap! Palagay ba ninyo ay napakagaling ninyo? Ano ang ipinagmamayabang ninyo? Kahit balewalain pa na kayo ay mga inapo ni Moab, napakataas ba ng inyong kalikasan o lugar ng kapanganakan? Kahit balewalain pa na kayo ay kanyang mga inapo, hindi ba mga inapo kayong lahat ni Moab, nang buong-buo? Mababago ba ang katotohanan ng mga bagay-bagay? Salungat ba sa katotohanan ng mga bagay-bagay ang paglalantad ng inyong kalikasan ngayon? Tingnan ninyo ang inyong pagkabusabos, ang inyong buhay, at ang inyong pag-uugali—hindi ba ninyo alam na kayo ang pinakahamak sa lahat ng hamak sa sangkatauhan? Ano ang ipinagmamayabang ninyo? Tingnan ninyo ang inyong katayuan sa lipunan. Hindi ba nasa pinakamababang antas kayo? Palagay ba ninyo mali ang sinasabi Ko? Inialay ni Abraham si Isaac—ano na ang naialay ninyo? Inialay ni Job ang lahat-lahat—ano na ang naialay ninyo? Napakarami nang taong nag-alay ng kanilang buhay, nagyuko ng kanilang ulo, nagpadanak ng kanilang dugo upang hanapin ang tunay na daan. Nagawa na ba ninyo ang sakripisyong iyan? Kung ikukumpara, ni hindi man lang kayo nararapat na magtamasa ng gayon kalaking biyaya. Nasasaktan ba kayo kapag sinasabihan kayo ngayon na kayo ay mga inapo ni Moab? Huwag ninyong gaanong taasan ang tingin ninyo sa inyong sarili. Wala kang dapat ipagmayabang. Ang gayon kadakilang kaligtasan, ang gayon kadakilang biyaya ay buong layang ibinibigay sa inyo. Wala kayong naisakripisyo, subalit buong laya kayong nagtatamasa ng biyaya. Hindi ba kayo nahihiya? Ang tunay na daan bang ito ay isang bagay na hinanap at natagpuan ninyo mismo? Hindi ba ang Banal na Espiritu ang pumilit sa inyo na tanggapin ito? Hindi kayo nagkaroon kailanman ng pusong naghahanap, lalong wala kayong pusong naghahanap at nasasabik sa katotohanan. Nakaupo lang kayo at nasisiyahan dito; nakamit ninyo ang katotohanang ito nang wala ni katiting na pagsisikap. Ano ang karapatan ninyong magreklamo? Palagay mo ba napakahalaga mo? Kumpara sa mga nagsakripisyo ng kanilang buhay at nagpadanak ng kanilang dugo, ano ang inirereklamo ninyo? Tama at natural lamang na puksain kayo ngayon! Wala kayong ibang pagpipilian kundi tumalima at sumunod. Talagang hindi kayo karapat-dapat! Karamihan sa inyo ay tinawag, ngunit kung hindi kayo napilitan sa inyong sitwasyon o hindi kayo natawag, lubos ninyong aayawan ang lumabas. Sino ang handang gumawa ng gayong pagtalikod? Sino ang handang iwan ang mga kasiyahan ng laman? Kayong lahat ay mga taong buong-kasakimang nagpapasasa sa kaginhawahan at naghahangad ng marangyang buhay! Nagkamit kayo ng napakadakilang mga pagpapala—ano pa ang masasabi ninyo? Ano ang mga reklamo ninyo? Tinulutan na kayong matamasa ang pinakadakilang mga pagpapala at pinakadakilang biyaya sa langit, at ngayon ay inihahayag sa inyo ang gawaing hindi pa nagawa sa lupa kailanman. Hindi ba ito isang pagpapala? Kinakastigo kayo nang ganito ngayon dahil lumaban at naghimagsik kayo laban sa Diyos. Dahil sa pagkastigong ito, nakita na ninyo ang awa at pagmamahal ng Diyos, at nakita na rin ninyo ang Kanyang katuwiran at kabanalan. Dahil sa pagkastigong ito at dahil sa karumihan ng sangkatauhan, nakita na ninyo ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, at nakita na ninyo ang Kanyang kabanalan at kadakilaan. Hindi ba ito ang pinakapambihira sa mga katotohanan? Hindi ba ito isang buhay na may kahulugan? Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay puno ng kahulugan! Kaya, mas mababa ang inyong posisyon, mas pinatutunayan nito na itinataas kayo ng Diyos, at mas pinatutunayan nito ang malaking kahalagahan ng Kanyang gawain sa inyo ngayon. Ito ay sadyang isang kayamanang walang kasinghalaga, na hindi makukuha sa iba pang lugar! Sa pagdaan ng mga kapanahunan, walang sinumang nakapagtamasa ng gayon kadakilang kaligtasan. Ang katotohanan na mababa ang inyong posisyon ay nagpapakita kung gaano kadakila ang pagliligtas ng Diyos, at ipinapakita nito na ang Diyos ay tapat sa sangkatauhan—Siya ay nagliligtas, hindi namumuksa.
Ang mga tao sa Tsina ay hindi kailanman naniwala sa Diyos; hindi nila napaglingkuran si Jehova kailanman, at hindi napaglingkuran si Jesus kailanman. Sunud-sunuran lamang sila, nagsusunog ng insenso, nagsusunog ng papel na joss, at sumasamba kay Buddha. Sumasamba lamang sila sa mga diyos-diyosan—napakasuwail nilang lahat. Kaya, kapag mas mababa ang posisyon ng mga tao, mas nagpapakita ito na ang nakakamit ng Diyos mula sa inyo ay higit pang kaluwalhatian. Maaaring sabihin ng ilan, mula sa kanilang pananaw: “Diyos ko, ano ang gawaing Iyong ginagawa? Isang napakarangal na Diyos, isang napakabanal na Diyos na katulad Mo ang nagpupunta sa isang maruming lupain? Napakaliit ba ng palagay Mo sa Iyong sarili? Napakarumi namin, ngunit handa Kang makasama kami? Handa Kang mamuhay sa piling namin? Napakababa ng aming posisyon, ngunit handa Kang gawin kaming ganap? At gagamitin Mo kaming mga huwaran at uliran?” Sinasabi Ko: Hindi mo nauunawaan ang Aking kalooban. Hindi mo nauunawaan ang gawaing nais Kong gawin ni nauunawaan ang Aking disposisyon. Ang kabuluhan ng gawaing Aking gagawin ay hindi mo kayang matamo. Maaari bang umayon ang Aking gawain sa iyong mga kuru-kurong pantao? Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, kailangan Akong maisilang sa isang magandang bansa upang ipakita na nagmula Ako sa mataas na katayuan, upang ipakita na malaki ang Aking kahalagahan, upang ipakita ang Aking karangalan, kabanalan, at kadakilaan. Kung naisilang Ako sa isang lugar na nakikilala Ako, sa isang pamilyang nabibilang sa mataas na lipunan, at kung mataas ang Aking posisyon at katayuan, tatratuhin Ako nang napakaayos. Hindi iyan makakabuti sa Aking gawain, at ihahayag pa rin kaya ang gayon kadakilang kaligtasan kung nangyari iyon? Lahat ng nakakakita sa Akin ay susundin Ako, at hindi sila madurungisan ng dumi. Dapat naisilang Ako sa ganitong klaseng lugar. Iyan ang inyong pinaniniwalaan. Ngunit isipin ninyo ito: Pumarito ba ang Diyos sa lupa para masiyahan, o para gumawa? Kung gumawa Ako sa gayon kadali at komportableng lugar, matatamo Ko kaya ang Aking buong kaluwalhatian? Makakaya Ko kayang lupigin ang lahat ng Aking nilikha? Nang pumarito ang Diyos sa lupa, hindi Siya kabilang sa mundo, at hindi Siya naging tao upang masiyahan sa mundo. Ang lugar kung saan ipapakita ng paggawa ang Kanyang disposisyon at magiging pinakamakahulugan ay ang lugar kung saan Siya isinilang. Banal man o marumi ang lupain, at saan man Siya gumagawa, Siya ay banal. Lahat ng bagay sa mundo ay nilikha Niya, bagama’t lahat ay nagawa nang tiwali ni Satanas. Gayunpaman, lahat ng bagay ay pag-aari pa rin Niya; nasa mga kamay Niya ang lahat ng iyon. Pumupunta Siya sa isang maruming lupain at gumagawa roon upang ihayag ang Kanyang kabanalan; ginagawa lamang Niya ito alang-alang sa Kanyang gawain, na ibig sabihin ay tinitiis Niya ang malaking kahihiyan upang gawin ang gayong gawain upang iligtas ang mga tao ng maruming lupaing ito. Ginagawa ito upang magpatotoo, para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Ang ipinapakita sa mga tao ng gayong gawain ay ang katuwiran ng Diyos, at mas naipapakita nito ang pangingibabaw ng Diyos. Ang Kanyang kadakilaan at pagkamatuwid ay nakikita sa pagliligtas ng isang grupo ng hamak na mga tao na nililibak ng iba. Ang maisilang sa isang maruming lupain ay ni hindi man lang nagpapatunay na Siya ay hamak; tinutulutan lamang nitong makita ng lahat ng nilikha ang Kanyang kadakilaan at Kanyang tunay na pagmamahal para sa sangkatauhan. Habang mas ginagawa Niya ito, mas inihahayag nito ang Kanyang dalisay na pagmamahal, ang Kanyang perpektong pagmamahal sa tao. Ang Diyos ay banal at matuwid. Kahit isinilang Siya sa isang maruming lupain, at kahit kapiling Niya sa buhay ang mga taong iyon na puno ng karumihan, gaya noong namuhay si Jesus sa piling ng mga makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ba ginawa ang Kanyang buong gawain upang manatiling buhay ang buong sangkatauhan? Hindi ba lahat ng iyon ay upang magtamo ng dakilang kaligtasan ang sangkatauhan? Dalawang libong taon na ang nakararaan, namuhay Siya sa piling ng mga makasalanan sa loob ng ilang taon. Iyon ay alang-alang sa pagtubos. Ngayon, namumuhay Siya sa piling ng isang grupo ng marurumi at hamak na mga tao. Ito ay alang-alang sa kaligtasan. Hindi ba para sa kapakanan ninyong mga tao ang Kanyang buong gawain? Kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya nabuhay at nagdusa kasama ng mga makasalanan sa loob ng napakaraming taon pagkatapos maisilang sa isang sabsaban? At kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya magbabalik sa katawang-tao sa ikalawang pagkakataon, isisilang sa lupaing ito kung saan nagtitipon ang mga demonyo, at mamumuhay sa piling ng mga taong ito na lubhang nagawang tiwali ni Satanas? Hindi ba tapat ang Diyos? Anong bahagi ng Kanyang gawain ang hindi naging para sa sangkatauhan? Anong bahagi ang hindi naging para sa inyong tadhana? Ang Diyos ay banal—hindi iyan mababago! Hindi Siya narungisan ng dumi, bagama’t pumunta Siya sa isang maruming lupain; lahat ng ito ay maaari lamang mangahulugan na ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay lubhang hindi makasarili at ang pagdurusa at kahihiyang Kanyang tinitiis ay napakatindi! Hindi ba ninyo alam kung gaano kalaking kahihiyan ang Kanyang dinaranas, para sa inyong lahat at para sa inyong tadhana? Sa halip na iligtas ang mga dakilang tao o ang mga anak ng mayaman at makapangyarihang mga pamilya, tinitiyak Niyang iligtas yaong mga hamak at minamaliit ng iba. Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang kabanalan? Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang katuwiran? Para manatiling buhay ang buong sangkatauhan, mas gusto pa Niyang maisilang sa isang maruming lupain at magdusa ng lahat ng kahihiyan. Ang Diyos ay tunay na tunay—wala Siyang ginagawang huwad na gawain. Hindi ba ginagawa ang bawat yugto ng Kanyang gawain sa napakapraktikal na paraan? Kahit sinisiraan Siya ng lahat ng tao at sinasabi na nauupo Siya sa hapag na kasama ang mga makasalanan, kahit iniinsulto Siya ng lahat ng tao at sinasabi na namumuhay Siya sa piling ng mga anak ng karumihan, na namumuhay Siya sa piling ng pinakahamak sa lahat ng tao, iniaalay pa rin Niya nang buung-buo ang Kanyang Sarili, at sa gayo’y tinatanggihan pa rin Siya ng sangkatauhan. Hindi ba mas matindi ang pagdurusang Kanyang tinitiis kaysa sa inyo? Hindi ba mas malaki ang gawaing Kanyang ginagawa kaysa sa halagang inyong naibayad? Kayo ay isinilang sa isang lupain ng karumihan, subalit nakamit ninyo ang kabanalan ng Diyos. Isinilang kayo sa isang lupain kung saan nagtitipon ang mga demonyo, subalit labis kayong naprotektahan. Ano pa ang pagpipilian ninyo? Ano ang inirereklamo ninyo? Hindi ba mas matindi ang pagdurusang Kanyang natiis kaysa sa pagdurusang natiis ninyo? Naparito Siya sa lupa at hindi nagtamasa kailanman ng mga kasiyahan ng tao sa mundo. Kinasusuklaman Niya ang gayong mga bagay. Hindi pumarito ang Diyos sa lupa upang magtamasa ng mga materyal na bagay na bigay ng tao, ni upang masiyahan sa pagkain, damit, at mga palamuti ng tao. Hindi Niya pinapansin ang mga bagay na ito. Naparito Siya sa lupa upang magdusa para sa tao, hindi para magtamasa ng makamundong kayamanan. Naparito Siya upang magdusa, gumawa, at tapusin ang Kanyang plano ng pamamahala. Hindi Siya pumili ng isang magandang lugar, tumira sa isang embahada o isang magarang hotel, at wala rin Siyang mga katulong na magsisilbi sa Kanya. Batay sa inyong nakita, hindi ba ninyo alam kung naparito Siya upang gumawa o masiyahan? Hindi ba nakikita ng inyong mga mata? Gaano ba ang naibigay Niya sa inyo? Kung Siya ay naisilang sa isang komportableng lugar, magagawa kaya Niyang magtamo ng kaluwalhatian? Makakagawa ba Siya? Magkakaroon kaya ng anumang kabuluhan ang paggawa Niya noon? Malulupig kaya Niya nang lubusan ang sangkatauhan? Masasagip kaya Niya ang mga tao mula sa lupain ng karumihan? Itinatanong ng mga tao, ayon sa kanilang mga kuru-kuro: “Yamang ang Diyos ay banal, bakit Siya isinilang dito sa aming maruming lugar? Napopoot at nasusuklam Ka sa amin na maruruming tao; nasusuklam Ka sa aming paglaban at aming pagkasuwail, kaya bakit Ka namumuhay sa piling namin? Ikaw ay isang kataas-taasang Diyos. Maaari Kang isilang kahit saan, kaya bakit Mo kinailangang maisilang sa maruming lupaing ito? Kinakastigo at hinahatulan Mo kami araw-araw, at alam na alam Mo na kami ay mga inapo ni Moab, kaya bakit namumuhay Ka pa rin sa piling namin? Bakit Ka isinilang sa isang pamilya ng mga inapo ni Moab? Bakit Mo ginawa iyon?” Ang mga iniisip ninyong ito ay lubos na wala sa katwiran! Ang gayong gawain lamang ang nagtutulot sa mga tao na makita ang Kanyang kadakilaan, ang Kanyang kapakumbabaan at pagiging tago. Handa Siyang isakripisyo ang lahat alang-alang sa Kanyang gawain, at napagtiisan Niya ang lahat ng pagdurusa para sa Kanyang gawain. Kumikilos Siya para sa kapakanan ng sangkatauhan, at higit pa riyan, para lupigin si Satanas, upang lahat ng nilalang ay magpasakop sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Ito lamang ang makahulugan at mahalagang gawain. Kung naisilang ang mga inapo ni Jacob sa Tsina, sa piraso ng lupaing ito, at sila ay kayong lahat, ano ang magiging kabuluhan ng gawaing ginagawa sa inyo? Ano ang sasabihin ni Satanas? Sasabihin ni Satanas: “Dati ay takot sila sa Iyo, nasunod Ka nila sa simula pa lamang, at hindi Ka nila ipinagkanulo kailanman. Hindi sila ang pinakamadilim, pinakaaba, o pinakaatrasado sa sangkatauhan.” Kung ginawa nga ang gawain sa ganitong paraan, sino ang makukumbinsi nito? Sa buong sansinukob, ang mga Tsino ang pinakaatrasadong mga tao. Isinilang silang hamak, na may mababang integridad; mapurol ang kanilang isipan at manhid sila, at bastos at masama. Lubog sila sa napakasasamang disposisyon, marurumi at mahahalay. Taglay ninyo ang lahat ng napakasamang disposisyong ito. Kapag natapos na ang gawaing ito, iwawaksi ng mga tao ang mga tiwaling disposisyong ito at magagawa nilang lubos na sumunod at magagawa silang ganap. Ang gayong mga bunga lamang ng gawain ang patotoo sa loob ng paglikha! Nauunawaan mo ba kung ano ang patotoo? Paano ba talaga dapat magpatotoo? Ang klaseng ito ng gawain ay nagawa kayong mga panghambingan at mga bagay na gumagawa ng serbisyo; higit pa riyan, nagawa kayo nitong mga pakay ng pagliligtas. Ngayon, kayo ay mga tao ng Diyos; kalaunan kayo ay magiging mga huwaran at uliran. Sa gawaing ito, gumaganap kayo ng iba-ibang papel, at, sa huli, kayo ay magiging mga pakay ng pagliligtas. Maraming tao ang negatibo dahil dito; hindi ba sila lubos na bulag? Wala kang nakikitang malinaw! Matawag ka lamang nang ganito ay nagigimbal ka na? Nauunawaan mo ba kung ano ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Nauunawaan mo ba kung ano ang pagliligtas ng Diyos? Nauunawaan mo ba kung ano ang pagmamahal ng Diyos? Wala kang integridad! Kapag maganda ang pagtukoy sa iyo, masaya ka. Kapag masama ang pagtukoy sa iyo, ayaw mo at umuurong ka. Ano ka ba? Hindi mo hinahanap ang tunay na daan! Itigil mo na agad ang paghahanap—nakakahiya iyan! Hindi ba tanda iyan ng kahihiyan, na nadaraig ka ng isang napakaliit na bagay?
Mas makakabuting matuto ka na kilalanin nang kaunti ang iyong sarili. Huwag mong isiping napakataas mo, at huwag mong pangaraping makapunta sa langit—masunurin mo lamang na hangaring malupig ka sa lupa. Huwag mong isipin yaong mga di-makatotohanang pangarap na hindi umiiral. Kung may isang taong nagsasabi ng tulad ng sumusunod, ito ay mga salita ng isang taong may determinasyon at katatagan: “Kahit ako ay isang inapo ni Moab, handa akong magpunyagi para sa Diyos. Tatalikuran ko ang aking matandang ninuno! Isinilang niya ako at tinapakan ako, at hanggang ngayon ay nabubuhay ako sa kadiliman. Ngayon, pinalaya na ako ng Diyos, at sa wakas ay nakita ko na ang araw sa langit. Sa pamamagitan ng paglalantad ng Diyos, nakita ko rin sa wakas na ako ay isang inapo ni Moab. Dati-rati, nabubulagan ako, at hindi ko alam na napakarami nang nagawa ng Diyos, sapagkat nabulag ako ng matandang Satanas na iyon. Tatalikuran ko iyon at lubos iyong hihiyain!” Kaya, may gayon ba kayong determinasyon? Sa kabila ng katotohanan na bawat isa sa inyo ay mukhang tao, mas mabilis kayong manghina kaysa kaninuman, at kayo ang pinakasensitibo sa bagay na ito. Sa sandaling mabanggit na kayo ang mga inapo ni Moab, ngumingiwi agad ang bibig ninyo sa pagsimangot. Hindi ba ito ang disposisyon ng isang baboy? Wala kayong halaga. Isasakripisyo ninyo ang inyong buhay para sumikat at yumaman! Maaari mong naising hindi maging isang inapo ni Moab, ngunit hindi ba inapo ka nga niya? Sinasabi Ko ngayon na inapo ka niya, at kailangan mong tanggapin ito. Hindi Ako nagsasalita ng salungat sa katunayan. Negatibo ang ilang tao dahil dito, ngunit ano ba ang dapat mong ipagnegatibo? Hindi ba anak ka rin ng malaking pulang dragon? Hindi ba makatarungang sabihin na ikaw ay isang inapo ni Moab? Tingnan mo kung ano ang isinasabuhay mo, ang nasasaloob mo at ang ipinapakita mo. Mula ulo mo hanggang paa, walang kapuri-puri. Kahalayan, karumihan, kabulagan, paglaban, pagkasuwail—hindi ba lahat ng ito ay bahagi ng iyong disposisyon? Lagi kang nabubuhay sa isang lupain ng kahalayan, at gumagawa ng lahat ng kasamaan. Ipinapalagay mo na napakabanal mo. Tingnan mo ang mga bagay na nagawa mo, at labis ka pa ring nasisiyahan sa iyong sarili. Ano ang nagawa mo na kapuri-puri? Para kayong mga halimaw. Wala kayong pagkatao. Nakikisama kayo sa mga hayop at nabubuhay kayo sa gitna ng masasama at mahahalay na ideya. Gaano kalaki ang inyong kakulangan? Sumasang-ayon kayo na kayo ang mga anak ng malaking pulang dragon, at handa kayong gumawa ng serbisyo, ngunit kalaunan, kapag sinabing ikaw ay inapo ni Moab, nagiging negatibo ka. Hindi ba ito ang totoo? Gaya lamang iyan noong ipanganak ka sa iyong ama at ina—gaano man sila kasama, ipinanganak ka pa rin sa kanila. Kahit makahanap ka pa ng aampon sa iyo at lisanin mo ang inyong tahanan, hindi ba anak ka pa rin ng iyong orihinal na mga magulang? Mababago ba ang katotohanang iyan? Tinawag ba kitang inapo ni Moab nang walang dahilan? Sinasabi ng ilang tao: “Maaari Mo bang ibahin ang tawag Mo sa akin?” Sinasabi Ko: “Paano kung tawagin kitang isang hambingan?” Ayaw rin nilang maging mga hambingan. Kaya, ano ang gusto mong itawag sa iyo? Mga hambingan, mga tagapagsilbi—hindi ba ganyan naman kayo? Ano pa ang pipiliin mo? Hindi ka ba isang taong isinilang sa bansa ng malaking pulang dragon? Paano mo man sabihin na ikaw ay anak ni David, hindi iyon naaayon sa mga katunayan. Isang bagay ba ito na pinipili mo para sa iyong sarili? Makakapili ka ba ng anumang magandang pangalang gusto mo para sa iyong sarili? Hindi ba kayong mga tiwaling tao ang binanggit na mga anak ng malaking pulang dragon? Patungkol naman sa mga tagapagsilbi—hindi ba sila ay kayo ring mga tiwaling tao? Ang binanggit na mga uliran at huwaran ng pagiging nalupig—hindi ba kayo rin sila? Hindi ba binabanggit ang landas ng pagpeperpekto para sa inyo? Yaong mga kinastigo at hinatulan ay kayo; hindi ba ang ilan sa inyo ay yaong mga gagawing perpekto kalaunan? Mahalaga pa rin ba ang titulong ito? Masyado kayong walang katwiran; hindi man lamang ba ninyo makita nang malinaw ang gayon kaliit na bagay? Hindi mo alam kung sino ang inapo nino, ngunit malinaw sa Akin iyan, at sinasabi Ko sa inyo. Ayos lang na makilala ito ngayon. Huwag mong hamakin palagi ang iyong sarili. Kapag mas negatibo ka at umuurong, mas pinatutunayan niyan na inapo ka ni Satanas. May ilang nagsasabi, kapag sinabihan mo silang makinig ng mga himno: “Maaari bang makinig sa mga himno ang mga inapo ni Moab? Hindi ako makikinig; hindi ako kwalipikado!” Kung pakakantahin mo sila, sasabihin nila: “Kung kakanta ang mga inapo ni Moab, handa bang makinig ang Diyos? Kinasusuklaman ako ng Diyos. Hiyang-hiya akong humarap sa Diyos at hindi ako makakapagpatotoo para sa Kanya. Hindi na lang ako kakanta, dahil baka mainis ang Diyos kapag narinig Niya ito.” Hindi ba negatibong paraan ito ng pagharap dito? Bilang isang nilalang, isinilang ka sa isang lupain ng kahalayan, at isa kang anak ng malaking pulang dragon, isang inapo ni Moab; dapat mong talikuran ang iyong matandang ninuno at talikuran ang matandang Satanas. Ang isang taong gumagawa nito lamang ang tunay na nagnanais sa Diyos.
Sa simula, nang ibigay Ko sa inyo ang posisyong mga tao ng Diyos, nagtatalon kayo, na mas malaki ang katuwaan kaysa iba. Subalit noong sandaling sabihin Ko na kayo ang mga inapo ni Moab, ano ang nangyari sa inyo? Nanghina kayong lahat! Nasaan ang inyong tayog? Ang inyong konsepto ng posisyon ay napakatindi! Karamihan sa mga tao ay hindi maitaas ang kanilang sarili. Ang ilan ay nagnenegosyo, at ang ilan ay nagtatrabaho. Noong sandaling sabihin Ko na kayo ang mga inapo ni Moab, nais ninyong lahat na tumakbo palayo. Ito ba ang pagpapatotoo ninyo sa Diyos, na ipinagsisigawan ninyo sa buong maghapon? Makukumbinsi ba si Satanas sa ganitong paraan? Hindi ba ito isang tanda ng kahihiyan? Ano ang pakinabang ng makamtan kayo? Basura kayong lahat! Anong klaseng pagdurusa ang natiis ninyo para makaramdam na lubha kayong nagawan ng mali? Iniisip ninyo na kapag napahirapan na kayo ng Diyos nang kaunti, magiging masaya na Siya, na para bang pumarito Siya na layon kayong parusahan, at matapos kayong parusahan at puksain, matatapos na ang Kanyang gawain. Iyan ba ang sinabi Ko? Hindi ba ninyo iniisip na dahil ito sa inyong kabulagan? Dahil ba kayo mismo ay hindi nagsisikap na gumawa ng mabuti, o plano Kong parusahan kayo? Hindi Ko nagawa iyon kailanman—isang bagay lamang iyan na naisip ninyo. Kailanman ay hindi naging ganyan ang Aking paggawa, ni wala Akong ganyang layunin. Kung talagang nais Kong puksain kayo, kakailanganin Ko bang magdusa nang gayon katindi? Kung talagang nais Kong puksain kayo, kakailanganin Ko ba kayong kausapin nang napakasigasig? Ito ang Aking kalooban: Kapag nailigtas Ko na kayo, saka lamang Ako makakapahinga. Kapag mas hamak ang tao, mas nagiging pakay sila ng Aking pagliligtas. Kapag mas aktibo ninyong nagagawang makapasok, mas sasaya Ako. Kapag mas nanghihina kayo, mas nababalisa Ako. Gusto ninyo palaging lumakad nang buong yabang at maghari—sinasabi Ko sa inyo, hindi iyan ang landas ng pagliligtas sa inyo mula sa karumihan. Ang pantasyang maghari ay hindi kayo magagawang perpekto; hindi makatotohanan iyan. Sinasabi Ko na ikaw ay isang inapo ni Moab, at hindi ka masaya. Sinasabi mo: “Kung papupuntahin Mo ako sa walang hanggang hukay, hindi ako magpapatotoo para sa Iyo o magdurusa para sa Iyo.” Hindi ba pagsalungat sa Akin ang paggawa mo nito? Makikinabang ka ba sa paggawa nito? Nabigyan na kita ng napakalaking biyaya—nalimutan mo na ba? Tinanggihan at pinahiya mo na ang puso ng Diyos, na tulad ng sa isang mapagmahal na ina; ano ang mga ibubunga nito sa iyo? Hindi kita pipilitin kung hindi ka nagpapatotoo para sa Akin—ngunit dapat mong malaman na magiging puntirya ka ng pagkawasak sa huli. Kung wala Akong matatamong patotoo sa iyo, matatamo Ko iyon sa ibang mga tao. Walang halaga sa Akin iyan, ngunit sa huli, pagsisisihan mo ito, at sa oras na iyon, matagal ka nang nahulog sa kadiliman. Sa gayo’y sino ang makapagliligtas sa iyo? Huwag mong isiping hindi magagawa ang gawain nang wala ka—hindi malaking bagay ang makasama ka, at hindi rin malaking kawalan ang mawala ka. Huwag mong masyadong ikarangal ang iyong sarili. Kung ayaw mong sumunod sa Akin, ipinapakita niyan na suwail ka, at walang anumang kanais-nais sa iyo. Kung mahusay kang magsalita, hindi ba dahil lamang iyan sa nasangkapan mo ang iyong sarili ng mga salitang nadala Ko sa pamamagitan ng Aking gawain? Ano ang nasa iyo na kapuri-puri? Huwag kang padala sa iyong imahinasyon! Kung hindi Ako magtatamo ng kaluwalhatian mula sa inyo na mga inapo ni Moab, pipili Ako ng ikalawa at ikatlong grupo ng mga inapo ni Moab para sa Aking gawain hanggang sa magtamo Ako ng kaluwalhatian. Kung ayaw mong magpatotoo para sa Akin, umalis ka! Hindi kita pipilitin! Huwag ninyong isipin na hindi Ako makakakilos nang wala kayo. Ang paghahanap ng akmang mga pakay para sa Aking gawain sa lupaing ito ng Tsina ay walang kahirap-hirap. Wala nang ibang matatagpuan sa lupaing ito—talagang nasa buong paligid ang marumi at tiwaling mga tao, at ang Aking gawain ay magagawa kahit saan. Huwag kang masyadong magmalaki! Gaano ka man kayabang, hindi ba anak ka pa ring nagmula sa pakikiapid? Tingnan mo ang iyong kahalagahan—ano pa ang ibang pagpipilian mo? Ang pagtutulot lamang na mabuhay ka ay isang malaking pagtataas, kaya ano pa rin ba ang maaari mong ipagmayabang? Kung hindi dahil sa Aking gawaing wakasan ang kapanahunan, hindi ba matagal ka na sanang nahulog sa gitna ng mga kalamidad na dulot ng kalikasan at gawa ng tao? Maaari ka pa rin bang mamuhay nang napakakomportable? Lagi ka pa ring nakikipagtalo tungkol sa bagay na ito. Mula nang sinabi Ko na isa kang inapo ni Moab, lagi ka nang nakasimangot. Hindi ka nag-aaral, hindi ka nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at hindi ka makatagal na makita si ganito o ganoon. Kapag nakikita mo ang ibang mga tao na nag-aaral, ginugulo mo sila at sinasabihan ng mga bagay na nakapanghihina ng loob. Ang lakas ng loob mo! Sinasabi mo: “Ano ba ang mapag-aaralan ng mga inapo ni Moab? Hindi na ako mag-aabala.” Hindi ba ito isang bagay na sasabihin ng isang halimaw? Maituturing ka man lamang ba na isang tao? Marami na Akong nasabi, ngunit wala itong naging epekto sa iyo. Nasayang lang ba ang lahat ng gawaing ito na ginawa Ko? Nasayang lang ba ang lahat ng mga salitang ito na sinabi Ko? Kahit aso ay magwawagwag ng buntot; ni hindi kasimbait ng aso ang ganyang tao! Nararapat ka bang matawag na tao? Kapag binabanggit ko ang mga inapo ni Moab, sadyang hinamahak ng ilang tao ang kanilang sarili. Iba ang kanilang pananamit kaysa rati at hindi sila nag-aayos ng sarili kaya hindi sila mukhang tao, at bumubulong sila: “Inapo ako ni Moab, wala akong kuwenta. Nangangarap lamang ako nang gising sa pag-iisip na magtatamo ako ng anumang mga pagpapala. Maaari bang magawang perpekto ang mga inapo ni Moab?” Sa sandaling banggitin Ko ang mga inapo ni Moab, karamihan sa mga tao ay wala nang pag-asa; sinasabi nila: “Sabi ng Diyos, mga inapo kami ni Moab—ano ba ang ipinahihiwatig niyan? Tingnan ninyo ang tono ng boses Niya—hindi iyan mababawi! Walang pagmamahal sa Kanyang mga salita. Hindi ba tayo mga puntirya ng pagwasak?” Nalimutan mo na ba ang sinabi noon? Ang katagang “mga inapo ni Moab” na lamang ang naaalala mo ngayon? Sa katotohanan, layon ng maraming salita na magkaroon ng epekto, ngunit ibinubunyag din ng mga iyon ang katotohanan ng mga tunay na nangyari. Hindi naniniwala rito ang karamihan sa mga tao. Hindi ka handang magdusa nang labis para sa Akin. Natatakot ka sa kamatayan at gusto mo palaging tumakas. Kung gusto mong umalis, hindi kita pipiliting manatili, ngunit kailangan Kong malinaw na sabihin ito sa iyo: Huwag mong sayangin ang buong buhay mo, at huwag mong kalimutan ang mga bagay na nasabi Ko na sa iyo noon. Bilang isang nilikha, dapat mong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Huwag kang kumilos nang laban sa iyong konsiyensya; ang dapat mong gawin ay ialay ang iyong sarili sa Panginoon ng paglikha. Ang mga inapo ni Moab ay mga nilikha rin, kaya nga lamang ay mga panghambing sila, at isinumpa. Ano’t anuman, isa ka pa ring nilikha. Hindi ka nalalayo kung sasabihin mo ito: “Kahit inapo ako ni Moab, lubos akong nagtamasa ng biyaya ng Diyos kaya kailangan kong magkaroon ng kaunting konsiyensya. Kikilalanin ko lamang ito ngunit hindi ako mag-aalala tungkol dito. Kahit magdusa pa ako sa loob ng daloy na ito, magdurusa ako hanggang sa wakas, at kung ako ay inapo ni Moab, hayaan na iyon. Susunod pa rin ako hanggang wakas!” Kailangan mong sumunod hanggang wakas. Kung tatakbo ka palayo, wala ka talagang maaasahan—nakatapak ka na sa landas ng pagkawasak.
Makakabuting ipaunawa sa inyo ang inyong pinagmulan, at ipaunawa sa inyo na ang tunay na katotohanan ay kapaki-pakinabang sa gawain. Kung hindi, ang kalalabasang nais na makamit ay hindi makakamtan. Ito ay isang bahagi ng gawain ng paglupig, at ito ay isang mahalagang hakbang sa gawain. Totoo iyan. Layon ng gawaing ito na pukawin ang espiritu ng mga tao, gisingin ang diwa ng kanilang konsiyensya at tulutan silang matamo ang dakilang kaligtasang ito. Kung may konsiyensya ang tao, mas kailangan nilang pasalamatan ang Diyos kapag nakikita nila na mababa ang kanilang posisyon. Kailangan nilang hawakan sa magkabilang kamay ang Kanyang mga salita, hawakan nang mahigpit ang biyayang naibigay Niya sa kanila, at tumangis pa nang buong kapaitan at sabihing: “Mababa ang ating posisyon at wala tayong natamo sa mundo. Walang tumitingala sa atin na mga hamak na tao. Inuusig tayo sa ating tahanan, tinatanggihan tayo ng ating asawang lalaki, nilalait tayo ng ating maybahay, hinahamak tayo ng ating mga anak, at pagtanda natin, tatratuhin din tayo nang masama ng ating mga manugang na babae. Talagang hindi lamang kakaunti ang naging pagdurusa natin, at napakapalad nating magtamasa ngayon ng dakilang pagmamahal ng Diyos! Kung hindi tayo iniligtas ng Diyos, paano natin malilinawan ang pagdurusa ng tao? Hindi ba mabubulok pa rin tayo sa kasalanang ito? Hindi ba ito pagtataas sa atin ng Diyos? Isa ako sa pinakahamak na mga tao, at naitaas ako ng Diyos nang napakataas. Kahit mapuksa ako, kailangan ko pa ring suklian ang Kanyang pagmamahal. Mataas ang palagay ng Diyos sa atin at kinakausap Niya tayo, na napakahamak na mga tao, nang harapan. Hinahawakan Niya ako sa kamay upang turuan ako. Gamit ang Kanyang bibig, pinapakain Niya ako. Nabubuhay Siya sa aking piling at nagdurusang kasama ko. Kahit kinakastigo Niya ako—ano ang masasabi ko? Hindi ba ang makastigo ay ang maitaas din ng Diyos? Kinakastigo ako subalit nakikita ko ang Kanyang katuwiran. Hindi ako maaaring mawalan ng konsiyensya—kailangan kong suklian ang pagmamahal ng Diyos. Hindi ako maaaring maghimagsik pa laban sa Diyos.” Ang katayuan ng Diyos at ang Kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng sa mga tao—ang Kanyang pagdurusa ay kapareho, at ang Kanyang pagkain at mga damit ay kapareho, ngunit iginagalang Siya ng lahat ng tao, at ito lamang ang pagkakaiba. Hindi ba lahat ng tinatamasa Niya ay kapareho ng sa tao? Kaya, ano ang karapatan ninyong hilingin sa Diyos na tratuhin kayo sa isang paraan? Nagtiis na ang Diyos ng napakatinding pagdurusa at nakagawa ng napakadakilang gawain, at kayo—na mas mababa pa sa mga langgam, mas mababa pa sa mga surot—ay naitaas na nang napakataas ngayon. Kung hindi mo kayang suklian ang pagmamahal ng Diyos, nasaan ang iyong konsiyensya? Taos-pusong sinasabi ng ilan: “Tuwing iniisip kong tumalikod sa Diyos, napupuno ng luha ang aking mga mata at inuusig ako ng aking konsiyensya. May pagkakautang ako sa Diyos. Hindi ko kayang gawin ito. Hindi ko Siya maaaring tratuhin nang ganito. Kung mamamatay ako at ang pagkamatay ko ay magbibigay ng kaluwalhatian sa Kanyang gawain, labis-labis akong makokontento. Kung hindi, kahit mabuhay pa ako, hindi ako mapapayapa.” Pakinggan ang mga salitang ito—ipinaliliwanag ng mga ito ang tungkuling dapat gampanan ng isang nilalang. Kung palaging ganito ang pananaw ng isang tao sa kanyang kalooban, magiging malinaw at maginhawa ang kanyang kalooban; makatitiyak siya sa mga bagay na ito. Sasabihin mo: “Hindi ako sinasaktan ng Diyos, at hindi Niya ako sadyang pinagtatawanan o pinahihiya. Bagama’t medyo masakit Siyang magsalita at tumitimo sa puso, para iyon sa aking sariling kapakanan. Bagama’t napakasakit Niyang magsalita, inililigtas pa rin Niya ako, at isinasaalang-alang pa rin Niya ang aking mga kahinaan. Hindi Siya gumagamit ng mga katotohanan upang parusahan ako. Naniniwala ako na ang Diyos ay kaligtasan.” Kung totoong mayroon kang ganitong pananaw, malamang na hindi ka tumakas. Hindi ka pakakawalan ng iyong konsiyensya, at ang pagkondena nito ay magsasabi sa iyo na hindi mo dapat tratuhin ang Diyos sa gayong paraan. Iniisip mo ang lahat ng biyayang iyong nakamtan. Napakarami mo nang narinig sa Aking mga salita—maaari bang nasayang lang ang pakikinig mo sa mga iyon? Sinuman ang lumayas, hindi mo kayang gawin iyon. Hindi naniniwala ang ibang mga tao, ngunit kailangan mong maniwala. Tinatalikdan ng ibang mga tao ang Diyos, ngunit kailangan mong manindigan sa Diyos at magpatotoo sa Kanya. Sinisiraan ng iba ang Diyos, ngunit hindi mo kayang gawin iyon. Gaano man kalupit ang Diyos sa iyo, kailangan mo pa rin Siyang pakitunguhan nang tama. Dapat mong suklian ang Kanyang pagmamahal, at kailangang magkaroon ka ng konsiyensya, dahil ang Diyos ay walang sala. Dumanas na Siya ng malaking kahihiyan sa pagparito sa lupa mula sa langit upang gumawa sa sangkatauhan. Siya ay banal at wala ni katiting na karumihan. Sa pagparito sa isang lupain ng karumihan, gaano kalaking kahihiyan ang Kanyang natiis? Gumagawa Siya sa inyo para sa inyong kapakanan. Kung tatratuhin ninyo Siya nang walang konsiyensya, mas mabuti pang mamatay nang maaga!
Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay nagkukulang sa ganitong aspeto ng pananaw; lubos nilang hindi maarok ang gawaing ito at hindi alam kung ano ang nais makamtan ng Diyos dito. Lalo na yaong mga nalilito—para silang nakapasok sa isang lugar na maraming pasikut-sikot at naligaw matapos lumiko nang ilang beses. Kung lubusan mong ipaliliwanag sa kanila ang layon ng plano ng pamamahala ng Diyos, hindi sila malilito. Maraming tao ang hindi makaarok dito, at naniniwala sila na ang gawain ng Diyos ay ang pahirapan ang mga tao. Hindi nila nauunawaan ang karunungan at pagiging kamangha-mangha ng Kanyang gawain, at hindi nila nauunawaan na ang Kanyang gawain ay ang ihayag ang Kanyang dakilang kapangyarihan, at, higit pa riyan, ang iligtas ang sangkatauhan. Hindi nila nakikita ang lahat ng iyan; nakikita lamang nila kung mayroon silang anumang maaasahan, kung makakapasok sila sa langit. Sinasabi nila: “Ang gawain ng Diyos ay laging masyadong pasikut-sikot; makakabuting ipakita Mo sa amin nang tuwiran ang Iyong karunungan. Hindi Mo kami dapat pahirapan nang ganito. Kulang na kulang kami sa kakayahan, at hindi namin nauunawaan ang Iyong kalooban. Makakabuti kung magsasalita at kikilos Ka nang tuwiran. Gusto Mo kaming pahulain, ngunit hindi namin kaya. Makakabuti kung magmamadali Ka at tutulutan Mo kaming makita ang Iyong kaluwalhatian. Bakit kailangang gawin ang mga bagay-bagay nang lubhang pasikut-sikot?” Ang walang-wala kayo ngayon ay konsiyensya. Dagdagan ang inyong konsiyensya. Imulat nang husto ang inyong mga mata, upang makita kung sino talaga ang gumagawa ng mga hakbang ng gawaing ito. Huwag kayong mabilis humusga. Ngayon, ang pinakamaganda, may naunawaan ka nang mababaw na aspeto ng paraan ng pamumuhay na dapat mong maranasan. Marami pang katotohanang dapat mong maranasan, at kapag dumating ang araw na lubusan mo na itong nauunawaan, hindi ka na magsasalita nang ganyan, ni magrereklamo. Hindi ka rin magiging mabilis sa pagpapaliwanag ng mga bagay-bagay. Sasabihin mo: “Napakarunong ng Diyos, napakabanal ng Diyos, napakamakapangyarihan ng Diyos!”