Ang Pagpapataas ng Antas ng Kakayahan ay Alang-alang sa Pagtanggap ng Pagliligtas ng Diyos
Ang ibig sabihin ng taasan ang antas ng kakayahan ng mga tao ay kinakailangan ninyong paghusayin ang inyong kakayahang umunawa, upang maunawaan ninyo ang mga salita ng Diyos, at malaman ninyo kung paano isagawa ang mga ito. Ito ang pinakapangunahing pangangailangan sa lahat. Kung susundin ninyo Ako nang hindi nauunawaan ang Aking sinasabi, hindi ba magulo ang inyong pananampalataya? Gaano man karaming salita ang Aking binibigkas, kung hindi ninyo iyon magagawa, kung medyo hindi ninyo maunawaan ang mga ito anuman ang sabihin Ko, nangangahulugan ito na kulang ang inyong kakayahan. Kung wala kayong kakayahang umunawa, wala kayong mauunawaan sa sinasabi Ko, kaya napakahirap matamo ang hinahangad na epekto; marami akong hindi masabi sa inyo nang diretsahan, at hindi makakamtan ang epektong nilayon nito, kaya kinakailangang dagdagan ang gawain. Dahil kulang na kulang ang inyong kakayahang makaunawa, ang inyong kakayahang makita ang mga bagay-bagay, at ang mga pamantayang sinusunod ninyo sa buhay, kailangang maisagawa ang “pagpapataas ng antas ng kakayahan” sa inyo. Hindi ito maiiwasan, at walang alternatibo. Sa gayon lamang maaaring magkaroon ng kaunting epekto; kung hindi, lahat ng salitang Aking sinasabi ay mawawalan ng saysay. At hindi ba kayo maaalalang lahat sa kasaysayan bilang mga makasalanan? Hindi ba kayo magiging mga hamak na tao sa lupa? Hindi ba ninyo alam kung anong gawain ang isinasagawa sa inyo, at kung ano ang kinakailangan sa inyo? Kailangan ninyong malaman ang inyong sariling kakayahan: Ni hindi man lang ito tumutugon sa Aking mga kinakailangan. At hindi ba nito inaantala ang Aking gawain? Batay sa inyong kasalukuyang kakayahan at pag-uugali, walang sinuman sa inyo ang angkop na magpatotoo sa Akin, ni walang sinuman sa inyo ang handang balikatin ang mabibigat na responsibilidad ng Aking gawain sa hinaharap. Hindi ba kayo labis na nahihiya? Kung magpapatuloy kayo nang ganito, paano ninyo mapapalugod ang Aking kalooban? Dapat mong gawing makabuluhan ang iyong buhay. Huwag mong hayaang lumipas ang panahon nang walang kapararakan—walang halaga ang paggawa niyon. Dapat mong malaman kung ano ang dapat mong taglayin. Huwag mong isiping alam mong gawin ang lahat—marami ka pang dapat malaman! Ano pa ang maaaring sabihin kung wala ka kahit ng pinakamaliit na sentido komun ng sangkatauhan? Hindi ba walang kabuluhang lahat iyan? At tungkol naman sa pagkatao at kakayahang hinihiling Ko, walang isa man sa inyo ang lubos na karapat-dapat. Napakahirap makahanap ng isang taong akmang kasangkapanin. Naniniwala kayo na kaya ninyong gumawa ng mas dakilang gawain para sa Akin, at maipagkakatiwala sa inyo ang mas dakilang mga bagay mula sa Akin; sa katunayan, ni hindi ninyo alam kung paano pumasok sa marami sa mga aral na nasa harapan ninyo mismo—kaya paano kayo posibleng makapasok sa mas malalalim na katotohanan? Ang inyong pagpasok ay dapat gawin sa paisa-isang hakbang at paunti-unti. Kailangan ay hindi ito magulo—hindi maganda iyan. Magsimula sa pinakamababaw na pagpasok: Basahin ang mga salitang ito nang paisa-isang linya hanggang sa maunawaan at malinawan ninyo ang mga ito. Kapag binabasa ninyo ang mga salita ng Diyos, huwag lamang itong pasadahan nang mabilis na para bang humahanga kayo sa mga bulaklak habang humahagibis kayong sakay ng kabayo, at huwag lamang gumawa nang pakunwari. Maaari mo ring basahin nang regular ang ilang sangguniang aklat (gaya ng mga aklat sa gramatika o retorika) para maragdagan ang iyong kaalaman. Huwag magbasa ng mga aklat na gaya ng mga nobela ng pag-ibig, mga talambuhay ng mga dakilang tao, o yaong tungkol sa agham na panlipunan; walang pakinabang ang mga ito, at magdudulot lamang ng kapinsalaan. Kailangan mong alamin nang lubusan ang lahat ng dapat mong pasukin at unawain. Ang layunin ng pagtataas ng antas ng kakayahan ng mga tao ay upang bigyan sila ng kamalayan tungkol sa sarili nilang katayuan at halaga. Dapat mong maunawaan kung bakit kailangang patuloy na sikapin ng mga tao na matamo ang katotohanan sa paniniwala sa Diyos, at kung katanggap-tanggap ba na hindi itaas ng mga tao ang antas ng kanilang kakayahan. Mahalaga na manatili kayong edukado; huwag ninyo itong sayangin! Kailangan ninyong maunawaan kung bakit kailangang itaas ang antas ng kakayahan ng mga tao, kung paano ito mapapataas, at aling mga aspeto ang papasukin. Kailangan ninyong maunawaan ang kabuluhan ng magsabuhay ng normal na pagkatao, kung bakit kailangang gawin ang gawaing ito, at ang bahaging dapat gampanan ng tao. Halimbawa, sa pagiging edukado, dapat ninyong maunawaan kung aling mga aspeto ang dapat pag-aralan, at kung paano dapat pumasok ang isang tao sa mga ito. Dapat ninyong malamang lahat kung ano ang layunin ng pagiging edukado. Hindi ba para maunawaan ang mga salita ng Diyos at pumasok sa katotohanan? Ano ang nananaig sa lahat ng iglesia ngayon? Dahil hinihikayat ninyong turuan ng mga tao ang kanilang sarili, nalilimutan nila ang pagtatamasa ng mga salita ng Diyos, at wala silang ginagawa sa buong maghapon kundi mag-aral. Kung hihilingin ninyo na isabuhay nila ang normal na pagkatao, aasikasuhin lamang nila ang paglilinis ng kanilang bahay, pagluluto, o pagbili ng mga kagamitan sa pagluluto. Sa mga bagay na ito sila magtutuon; hindi pa nga nila malalaman kung paano mamuhay nang karaniwang buhay-iglesia. Kung matagpuan mo ang iyong sarili sa kasalukuyang sitwasyon, nalihis ka na sa iyong pagsasagawa. Kung gayon bakit ka hinihilingang pumasok sa espirituwal na buhay? Hindi ka magkakaroon ng kakayahang matupad ang hinihiling sa iyo sa pagkatuto lamang ng mga bagay na iyon. Ang buhay pagpasok pa rin ang pinakamahalaga; samantala, ginagawa ang gawaing ito para malutas ang mga paghihirap na nakakaharap ng mga tao sa kanilang mga karanasan. Ang pagpapataas ng iyong kakayahan ay nagbibigay sa iyo ng kaalaman tungkol sa likas na pagkatao at diwa ng tao, na ang pangunahing layunin ay para lumago ang espirituwal na buhay ng mga tao at magbago ang kanilang disposisyon. Maaaring alam mo kung paano magbihis nang maganda at pagandahin ang sarili mo, maaaring matalino ka at marunong, subalit sa huli, pagdating ng araw na papasok ka sa trabaho, hindi ka makakapasok. Gayon mo dapat malaman kung ano rin ang dapat gawin habang itinataas mo ang antas ng iyong kakayahan. Ang layunin ay baguhin ka; pandagdag lang ang pagpapataas ng antas ng iyong kakayahan. Hindi puwedeng hindi tumaas ang antas ng iyong kakayahan, at kung hindi magbago ang iyong disposisyon, mas malala pa iyon. Hindi puwedeng hindi isama ang kahit alin dito. Ang pagkakaroon ng normal na pagkatao ay hindi nangangahulugan na nagpatotoo ka nang matunog—hindi napakasimple ng hinihiling sa iyo.
Kapag napataas na ang antas ng kakayahan ng mga tao hanggang sa matamo nila ang pakiramdam at pamumuhay ng mga taong may normal na pagkatao, at magkaroon ng buhay pagpasok—saka lamang sila magkakaroon ng mga pagbabago at pagsaksing maibabahagi. Pagdating ng araw na magpapatotoo ka, kailangan mo ring ikuwento ang mga pagbabago sa buhay mo bilang tao, at ang kaalaman tungkol sa Diyos na nasa iyong kalooban. Ang kumbinasyon lamang ng dalawang aspetong ito ang tunay mong patotoo at ang tunay mong natamo. Hindi sapat ang magbago ang iyong panlabas na pagkatao ngunit wala kang pang-unawa sa iyong kalooban, ni hindi puwedeng mayroon kang pang-unawa at katotohanan sa iyong kalooban ngunit nakakaligtaan mong isabuhay ang iyong normal na pagkatao. Ang gawaing isinasagawa sa iyo ngayon ay hindi pakitang-tao, kundi para baguhin ka. Ang kailangan mo lamang gawin ay magtuon sa pagbabago ng iyong sarili. Hindi puwedeng magsulat at makinig ka araw-araw, nang wala ka nang ibang ginagawa sa buhay mo; dapat kang makapasok sa bawat aspeto. Dapat kang magkaroon ng normal na buhay ng isang banal. Maraming miyembrong babae na parang mabini kung manamit at miyembrong lalaki na parang maharlika o mayaman kung manamit, na lubos na nawalan ng kagandahang-asal ng mga banal. Katanggap-tanggap na itaas ng isang tao ang antas ng kanyang kakayahan—na natatamo nang hindi sinasadya. Mas katanggap-tanggap na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos—ito ang pinakamahalaga. Kung naitaas ang antas ng iyong kakayahan ngunit hindi naman ginamit dahil hindi ka kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, hindi ba nasayang lang ang mga pagsisikap mong matuto? Kailangang pagsamahin ang dalawang aspetong ito. Bakit binabanggit ang kaalaman tungkol sa Diyos kapag tinatalakay kung ano ang kinakailangan sa iyo? Hindi ba ito para sa kapakanan ng mga resulta ng gawaing darating? Matapos kang malupig, kailangan mong magawang magpatotoo mula sa sarili mong mga karanasan. Hindi puwedeng ang iyong panlabas na kaanyuan ay may normal na pagkatao, ngunit hindi mo naipapahayag ang iyong mga karanasan. Habang mayroon kang normal na espirituwal na buhay, dapat ka ring magkamit ng normal na pagkatao, kung saan maraming aspetong darating na matututuhan nang hindi sinasadya. Palagay mo ba kailangan ng partikular na pagsasanay ang pagwawalis ng sahig? Mas malala pang gumugol ng isang oras sa pagsasanay kung paano humawak ng chopsticks habang kumakain! Anong mga aspeto ang kabilang sa normal na pagkatao? Kabatiran, pakiramdam, konsiyensya, at pag-uugali. Kung maaari kang magkamit ng normalidad sa bawat isa sa mga aspetong ito, magiging katanggap-tanggap ang iyong pagkatao. Dapat kang maging kawangis ng isang normal na tao, at dapat kang maging kamukha ng isang nananampalataya sa Diyos. Hindi mo kailangang gumawa ng napakarami, o makibahagi sa diplomasya; kailangan mo lamang maging isang normal na tao, na may pakiramdam ng isang normal na tao, para maunawaan ang mga bagay-bagay, at makamukha man lamang ng isang normal na tao. Sapat na iyon. Lahat ng kinakailangan sa iyo ngayon ay naaayon sa iyong mga kakayahan; hindi ito pagtatangkang padapuin ang isang pato sa isang dapuan. Walang mga salita o gawaing walang kabuluhan na isasagawa sa iyo. Lahat ng kapangitang ipinahayag o ibinunyag sa iyong buhay ay kailangang maalis. Nagawa kayong tiwali ni Satanas at umaapaw sa inyo ang lason ni Satanas. Ang tanging hinihiling sa iyo ay alisin ang tiwali at napakasamang disposisyong ito. Hindi ka hinihilingang maging isang taong may mataas na ranggo, o isang sikat o dakilang tao. Walang kabuluhan iyan. Ang gawaing ginawa sa inyo ay isinasaalang-alang ang likas sa inyo. Ang hinihingi Ko sa mga tao ay itinatakda ng mga hangganan. Kung nagsasagawa ka sa paraan at tono ng pagsasalita ng mga intelektuwal, hindi ito mangyayari; hindi mo ito magagawa. Ayon sa inyong kakayahan, dapat ay magawa man lamang ninyong magsalita nang may karunungan at maingat at ipaliwanag ang mga bagay-bagay nang malinaw at nauunawaan. Iyon lamang ang kailangan para makatugon sa mga kinakailangan. Kung, kahit paano, magtamo kayo ng kabatiran at pakiramdam, puwede na iyan. Ang pinakamahalaga ngayon mismo ay itakwil ang iyong tiwali at napakasamang disposisyon. Kailangan mong itakwil ang kapangitang nakikita sa iyo. Paano ka magsasalita tungkol sa pinakadakilang pakiramdam at pinakadakilang kabatiran, kung hindi mo itatakwil ang mga ito? Maraming tao, nang makita na nagbago na ang kapanahunan, ang walang anumang kapakumbabaan o pasensya, at baka wala rin silang anumang pagmamahal o kagandahang-asal ng isang banal. Kakatwa ang ganitong mga tao! Mayroon man lamang ba silang kahit katiting na normal na pagkatao? Mayroon ba silang anumang patotoong maibabahagi? Lubos silang walang kabatiran o pakiramdam. Mangyari pa, kailangang itama ang ilang aspeto ng pagsasagawa ng mga tao na lihis at mali; ang dati nilang mahigpit na espirituwal na buhay at hindi kanais-nais na anyo, halimbawa—lahat ng ito ay kailangang baguhin. Ang pagbabago ay hindi nangangahulugan na hahayaan kang magpakasama o magpasasa sa laman, na sinasabi ang anumang naisin mo. Hindi ka dapat magsalita nang basta-basta. Ang magkaroon ng pananalita at tikas ng isang normal na tao ay ang magsalita nang may pagkakaugnay-ugnay, na sinasabing “oo” kapag “oo” ang ibig mong sabihin, at “hindi” kapag “hindi” ang ibig mong sabihin. Sabihin ang totoo at magsalita nang angkop. Huwag manloko, huwag magsinungaling. Kailangang maunawaan ang mga limitasyong maaaring maabot ng isang normal na tao tungkol sa pagbabago ng disposisyon. Kung hindi, hindi ka makakapasok sa realidad.