Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob

Ipinalalaganap Ko ang Aking gawain sa mga bansang Hentil. Kumikislap ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob; taglay ng lahat ng tala-tala-tuldok-tuldok na tao sa loob nila ang Aking kalooban, at silang lahat ay pinapatnubayan ng Aking kamay at sinisimulan ang mga gawaing itinalaga Ko. Simula sa puntong ito, nakapasok na Ako sa isang bagong kapanahunan, na dinadala ang lahat ng tao sa ibang mundo. Nang bumalik Ako sa Aking “bayang tinubuan,” sinimulan Ko ang isa pang bahagi ng gawain sa Aking orihinal na plano, para mas makilala Ako ng tao. Isinasaalang-alang Ko ang buong sansinukob at tinitiyak na[a] angkop ang pagkakataong ito para sa Aking gawain, kaya nagmamadali Ako sa lahat ng dako, na ginagawa ang Aking bagong gawain sa tao. Tutal, ito naman ay isang bagong kapanahunan, at nagdala Ako ng bagong gawain upang madala ang mas maraming bagong tao sa bagong kapanahunan at maalis ang mas marami sa mga palalayasin Ko. Sa bansa ng malaking pulang dragon, nagawa Ko na ang isang yugto ng gawain na hindi maarok ng mga tao, na dahilan upang umindayog sila sa hangin, pagkatapos ay marami ang tahimik na natatangay ng ihip ng hangin. Tunay na ito ang “giikan” na malapit Ko nang linisin; ito ang kinasasabikan Ko at ito rin ang plano Ko. Sapagkat maraming masasamang nakapasok habang gumagawa Ako, ngunit hindi Ako nagmamadaling itaboy sila. Bagkus, ikakalat Ko sila pagdating ng tamang panahon. Pagkatapos lamang noon Ako magiging bukal ng buhay, na nagtutulot sa mga tunay na nagmamahal sa Akin na matanggap mula sa Akin ang bunga ng puno ng igos at ang halimuyak ng liryo. Sa lupain kung saan pansamantalang naninirahan si Satanas, ang lupain ng alikabok, walang nananatiling purong ginto, buhangin lamang, kaya nga, sa pagtugon sa mga sitwasyong ito, ginagawa Ko ang yugtong ito ng gawain. Dapat mong malaman na ang natatamo Ko ay puro at dalisay na ginto, hindi buhangin. Paano makakapanatili ang masasama sa Aking sambahayan? Paano Ko matutulutan ang mga soro na maging mga parasito sa Aking paraiso? Ginagamit Ko ang lahat ng maiisip na pamamaraan para itaboy ang mga ito. Bago mabunyag ang Aking kalooban, walang nakakaalam sa gagawin Ko. Para masamantala ang pagkakataong ito, itinataboy Ko ang masasama, at napipilitan silang umalis sa Aking harapan. Ito ang ginagawa Ko sa masasama, ngunit darating pa rin ang araw na maglilingkod sila sa Akin. Napakatindi ng pagnanasa ng mga tao sa mga pagpapala; kaya pumipihit Ako at ipinapakita Ko ang Aking maluwalhating mukha sa mga Hentil, para mabuhay ang lahat ng tao sa sarili nilang mundo at husgahan ang kanilang sarili, habang patuloy Kong binibigkas ang mga salitang dapat Kong bigkasin, at ipinagkakaloob sa mga tao ang kanilang kailangan. Kapag natauhan na ang mga tao, matagal Ko nang naipalaganap ang Aking gawain. Pagkatapos ay ipapahayag Ko ang Aking kalooban sa mga tao, at sisimulan Ko ang ikalawang bahagi ng Aking gawain sa kanila, hinahayaan silang lahat na sundan Akong mabuti para makatugma sa Aking gawain, at hinahayaan ang mga taong gawin ang lahat ng kanilang magagawa upang maisagawang kasama Ko ang gawaing kailangan Kong gawin.

Walang sinuman ang may pananampalataya na makikita nila ang Aking kaluwalhatian, at hindi Ko sila pinipilit, kundi sa halip ay inaalis Ko ang Aking kaluwalhatian mula sa sangkatauhan at dinadala ito sa ibang mundo. Kapag muling nagsisi ang mga tao, kukunin Ko ang Aking kaluwalhatian at mas ipapakita ito sa mga may pananampalataya. Ito ang prinsipyong batayan ng Aking paggawa. Sapagkat may isang panahon na iniiwan ng Aking kaluwalhatian ang Canaan, at may isang panahon din na iniiwan ng Aking kaluwalhatian ang mga taong hinirang. Bukod pa rito, may isang panahon na iniiwan ng Aking kaluwalhatian ang buong mundo, kaya kumukulimlim ito at lumulubog sa kadiliman. Kahit ang lupain ng Canaan ay hindi makikita ang sikat ng araw; lahat ng tao ay mawawalan ng pananampalataya, ngunit walang makakatiis na iwan ang halimuyak ng lupain ng Canaan. Kapag nakapasok Ako sa bagong langit at lupa ay saka Ko kukunin ang isa pang bahagi ng Aking kaluwalhatian at ihahayag muna ito sa lupain ng Canaan, na magiging sanhi ng pagkislap ng liwanag sa buong mundo, na nakalubog sa napakadilim na gabi, upang maaaring lumapit sa liwanag ang buong mundo; upang maaaring humugot ng lakas mula sa kapangyarihan ng liwanag ang lahat ng tao sa buong mundo, na nagpapaibayo at muling nagpapakita ng Aking kaluwalhatian sa bawat bansa; at upang maaaring matanto ng buong sangkatauhan na matagal na Akong naparito sa mundo ng mga tao at matagal Ko nang dinala ang Aking kaluwalhatian mula sa Israel patungong Silangan; sapagkat ang Aking kaluwalhatian ay sumisikat mula sa Silangan at ito ay dinala mula sa Kapanahunan ng Biyaya hanggang sa araw na ito. Ngunit sa Israel Ako lumisan at doon Ako nagmula nang dumating Ako sa Silangan. Kapag unti-unti nang pumuputi ang liwanag ng Silangan ay saka lamang magsisimulang magliwanag ang kadiliman sa buong mundo, at saka lamang matutuklasan ng tao na matagal Ko nang nilisan ang Israel at muli Akong bumabangon sa Silangan. Dahil minsan na Akong bumaba sa Israel at kalaunan ay nilisan Ko ito, hindi na Ako maaaring isilang na muli sa Israel, dahil namumuno ang Aking gawain sa buong sansinukob at, bukod pa rito, kumikidlat mula sa Silangan patungong Kanluran. Dahil dito bumaba na Ako sa Silangan at dinala Ko ang Canaan sa mga tao ng Silangan. Dadalhin Ko sa lupain ng Canaan ang mga tao mula sa buong mundo, kaya nga patuloy Akong bumibigkas ng mga salita sa lupain ng Canaan upang kontrolin ang buong sansinukob. Sa pagkakataong ito, walang liwanag sa buong mundo maliban sa Canaan, at nanganganib na magutom at ginawin ang lahat ng tao. Ibinigay Ko ang Aking kaluwalhatian sa Israel at pagkatapos ay binawi Ko ito, sa paraang ito ay dinadala ang mga Israelita sa Silangan at ang buong sangkatauhan sa Silangan. Dinala Ko na silang lahat sa liwanag para muli nila itong makasama, at makasalamuha, at hindi na nila kailangan pang hanapin ito. Ipapakita Kong muli ang liwanag sa mga naghahanap dito at ang kaluwalhatiang tinaglay Ko sa Israel; ipapakita Ko sa kanila na matagal na Akong bumaba sakay ng puting ulap sa gitna ng sangkatauhan, ipapakita Ko sa kanila ang napakaraming puting ulap at kumpul-kumpol na saganang mga bunga, at, bukod pa rito, ipapakita Ko sa kanila ang Diyos na si Jehova ng Israel. Ipapakita Ko sa kanila ang Guro ng mga Hudyo, ang pinakahihintay na Mesiyas, at ang buong anyo Ko na pinag-uusig ng mga hari sa lahat ng panahon. Gagawa Ako sa buong sansinukob at magsasagawa Ako ng dakilang gawain, na inihahayag ang Aking buong kaluwalhatian at ang lahat ng Aking gawa sa tao sa mga huling araw. Ipapakita Ko ang kabuuan ng Aking maluwalhating mukha sa mga naghintay nang maraming taon para sa Akin, sa mga nanabik na pumarito Ako sakay ng puting ulap, sa Israel na nanabik na muli Akong magpakita, at sa buong sangkatauhan na umuusig sa Akin, para malaman ng lahat na matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian at dinala ito sa Silangan, at wala na ito sa Judea. Sapagkat sumapit na ang mga huling araw!

Sa buong sansinukob ay ginagawa Ko ang Aking gawain, at sa Silangan, walang humpay ang mga dagundong ng kulog, niyayanig ang lahat ng bansa at denominasyon. Ang Aking tinig ang umakay sa lahat ng tao sa kasalukuyan. Idinudulot Ko na malupig ng Aking tinig ang lahat ng tao, upang madala sila sa daloy na ito, at sumuko sa Aking harapan, sapagkat matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian mula sa buong mundo at muli itong inilabas sa Silangan. Sino ang hindi nasasabik na makita ang Aking kaluwalhatian? Sino ang hindi sabik na naghihintay sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nauuhaw sa Aking muling pagpapakita? Sino ang hindi nananabik sa Aking pagiging kaibig-ibig? Sino ang hindi lalapit sa liwanag? Sino ang hindi hahanga sa kasaganaan ng Canaan? Sino ang hindi nananabik sa pagbabalik ng Manunubos? Sino ang hindi sumasamba sa Kanya na dakila ang kapangyarihan? Ang Aking tinig ay lalaganap sa buong mundo; haharapin Ko ang mga taong Aking hinirang at sasambit Ako ng higit pang mga salita sa kanila, gaya ng isang malakas na kulog na yumayanig sa mga bundok at ilog, sinasambit Ko ang Aking mga salita sa buong sansinukob at sa sangkatauhan. Kaya naman ang mga salita sa Aking bibig ay naging yaman na ng tao, at itinatangi ng lahat ng tao ang Aking mga salita. Kumikidlat mula sa Silangan patungo sa Kanluran. Ang Aking mga salita ay ayaw isuko ng tao at kasabay nito ay hindi rin niya ito maarok, kundi mas nagagalak dito. Gaya ng isang bagong silang na sanggol, natutuwa at nagagalak ang lahat ng tao, ipinagdiriwang ang Aking pagparito. Sa pamamagitan ng Aking tinig, dadalhin Ko ang lahat ng tao sa Aking harapan. Mula roon, pormal Akong papasok sa lahi ng mga tao para lumapit sila upang sambahin Ako. Taglay ang kaluwalhatiang nababanaag sa Akin at ang mga salita sa Aking bibig, pahaharapin Ko ang lahat ng tao sa Akin at makikita nila na kumikidlat mula sa Silangan at na bumaba na rin Ako sa “Bundok ng mga Olibo” sa Silangan. Makikita nila na matagal na Akong nasa lupa, hindi na bilang Anak ng mga Hudyo kundi bilang Kidlat ng Silanganan. Sapagkat matagal na Akong nabuhay na muli, at lumisan mula sa sangkatauhan, at pagkatapos ay muli Akong nagpakita nang may kaluwalhatian sa mga tao. Ako Siya na sinamba napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon, at Ako rin ang sanggol na tinalikuran ng mga Israelita napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon. Bukod dito, Ako ang napakamaluwalhating Makapangyarihang Diyos ng kasalukuyang panahon! Palapitin ang lahat sa Aking luklukan at ipakita ang Aking maluwalhating mukha, iparinig ang Aking tinig, at patingnan ang Aking mga gawa. Ito ang kabuuan ng Aking kalooban; ito ang wakas at kasukdulan ng Aking plano, gayon din ang layunin ng Aking pamamahala: ang pasambahin sa Akin ang bawat bansa, ang kilalanin Ako ng bawat wika, ang isandig sa Akin ng bawat tao ang kanyang pananampalataya, at magpailalim sa Akin ang bawat tao!

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “tinitiyak na.”

Sinundan: Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos

Sumunod: Ang Mahalagang Kaibhan sa Pagitan ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng mga Taong Kinakasangkapan ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito