Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos

Ang karaniwang problema na umiiral sa lahat ng tao ay yaong nauunawaan nila ang katotohanan ngunit hindi ito naisasagawa. Sa isang banda, dahil ito sa hindi sila handang magbayad ng halaga para rito, at sa kabilang banda, masyadong salat ang kanilang pagkahiwatig; hindi nila kayang makita ang marami sa mga paghihirap sa pang-araw-araw na pamumuhay sa kung ano ang mga ito, gayundin ay hindi nila alam kung paano magsagawa nang wasto. Sa dahilang ang mga karanasan ng mga tao ay masyadong mababaw, ang kanilang kakayahan ay masyadong mahina, at ang antas ng kanilang pag-unawa sa katotohanan ay limitado, wala silang kakayanang lutasin ang mga paghihirap na kanilang nararanasan sa araw-araw na buhay. Nananampalataya sila sa Diyos sa salita lamang, at hindi nila kayang dalhin ang Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ibig sabihin, ang Diyos ay Diyos, ang buhay ay buhay, at para bang ang mga tao ay walang relasyon sa Diyos sa kanilang buhay. Iyan ang iniisip ng lahat ng tao. Dahil sa gayong paniniwala sa Diyos, ang mga tao, sa realidad, ay hindi Niya makakamit at mapeperpekto. Sa katunayan, hindi sa hindi ganap ang pagpapabatid ng salita ng Diyos, bagkus ay sadyang hindi lang sapat ang kakayahan ng mga tao na makaunawa. Masasabi na halos walang isa mang tao na kumikilos ayon sa mga orihinal na layunin ng Diyos; sa halip, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay alinsunod sa kanilang sariling mga intensyon, sa kanilang mga relihiyosong kuru-kuro noong nakalipas, at sa kanilang sariling pamamaraan ng pagsasagawa ng mga bagay-bagay. Kakaunti ang mga sumasailalim sa pagbabago kasunod ng pagtanggap ng salita ng Diyos at nagsisimulang kumilos alinsunod sa Kanyang kalooban. Sa halip, nagpapatuloy sila sa kanilang mga maling paniniwala. Kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, ginagawa nila ito batay sa mga nakaugaliang patakaran ng relihiyon, at namumuhay at nakikihalubilo sila sa iba batay lamang sa kanilang sariling pilosopiya sa pamumuhay. Masasabing iyan ang kalagayan ng siyam sa bawat sampung tao. Napakakaunti ang bumubuo ng isa pang plano at nagbabagong-buhay pagkatapos umpisahang maniwala sa Diyos. Nabigo ang sangkatauhan na ituring ang salita ng Diyos bilang katotohanan, o, kung tinatanggap ito bilang katotohanan, na isagawa ito.

Tingnan bilang halimbawa ang pananampalataya kay Jesus. Baguhan man sa pananampalataya ang isang tao o matagal na panahon nang may pananampalataya, ang lahat ay ginagamit lamang ang anumang mga talento na mayroon sila at nagpapamalas ng anumang mga kasanayang kanilang angkin. Idinagdag lamang ng mga tao ang tatlong salitang “pananampalataya sa Diyos” sa normal nilang buhay, ngunit walang ginawang pagbabago sa kanilang disposisyon, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay hindi lumago kahit na katiting. Ang pagpupursigi nila ay hindi mainit at hindi rin malamig. Hindi nila sinabi na bibitiw sila sa kanilang pananampalataya, pero hindi rin nila inihandog ang lahat sa Diyos. Kailanman ay hindi nila tunay na minahal ang Diyos o sinunod Siya. Ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay pinaghalong tunay at huwad, ang naging pagdulog nila ay sa pamamagitan ng isang matang dilat at isang matang pikit, at hindi sila naging masigasig sa pagsasagawa ng kanilang pananampalataya. Nagpatuloy sila sa kalagayan ng pagiging nalilito, at sa huli ay namatay nang lango sa pagkalito. Ano ang punto ng lahat ng iyon? Ngayon, upang maniwala sa praktikal na Diyos, kailangan mong tumapak sa tamang landas. Kung naniniwala ka sa Diyos, hindi ka lamang dapat maghanap ng mga pagpapala, kundi mahalin ang Diyos at makilala ang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang kaliwanagan at ng iyong sariling paghahanap, makakain at maiinom mo ang Kanyang salita, makabubuo ka ng isang tunay na pagkaunawa sa Diyos, at magkakaroon ka ng isang tunay na pagmamahal para sa Diyos na nanggagaling sa kaibuturan ng iyong puso. Sa madaling salita, kapag ang iyong pag-ibig para sa Diyos ay tunay na tunay, at walang sinumang makasisira o makahahadlang sa daan ng iyong pag-ibig para sa Kanya, ikaw kung gayon ay nasa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Pinatutunayan nito na pag-aari ka ng Diyos, sapagkat ang puso mo ay naangkin na ng Diyos at sa gayon ay hindi ka na maaangkin ng iba pa. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, ng iyong ibinayad na halaga, at ng gawain ng Diyos, nagagawang umusbong nang kusa ng pag-ibig mo para sa Diyos—at kapag nagkagayon, ikaw ay mapapalaya mula sa impluwensya ni Satanas at mabubuhay sa liwanag ng salita ng Diyos. Tanging kapag ikaw ay nakalaya na mula sa impluwensya ng kadiliman, saka lang masasabing nakamit mo na ang Diyos. Sa iyong paniniwala sa Diyos, dapat mong subukang abutin ang mithiing ito. Ito ang tungkulin ng bawat isa sa inyo. Wala sa inyong dapat masiyahan sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay. Hindi kayo maaaring magdalawang-isip sa gawain ng Diyos o ituring ito na basta-basta lang. Dapat ninyong isipin ang Diyos sa lahat ng larangan at sa lahat ng panahon, at gawin ang lahat ng bagay para sa Kanyang kapakanan. At tuwing nagsasalita kayo o kumikilos, dapat ninyong unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tanging sa ganitong paraan kayo magiging kaayon ng puso ng Diyos.

Ang pinakamalaking pagkakamali ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay yaong sa salita lamang ang kanilang pananampalataya, at ang Diyos ay lubos na wala sa pang-araw-araw nilang buhay. Ang lahat nga ng tao ay naniniwala sa pag-iral ng Diyos, subalit ang Diyos ay hindi bahagi ng kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Namumutawi sa bibig ng mga tao ang maraming panalangin sa Diyos, ngunit ang Diyos ay may maliit lamang na lugar sa kanilang puso, at dahil dito ay paulit-ulit silang sinusubok ng Diyos. Sa dahilang ang mga tao ay hindi dalisay kung kaya’t ang Diyos ay walang mapagpipilian kundi subukin sila, upang mapahiya sila at makilala ang kanilang mga sarili sa gitna ng mga pagsubok na ito. Kung hindi, ang sangkatauhan ay magiging mga inapo ng arkanghel, at lalo’t lalong magiging tiwali. Sa proseso ng kanilang pananampalataya sa Diyos, iwinawaksi ng bawat tao ang marami sa kanilang personal na motibo at mga layunin habang sila ay walang-humpay na nililinis ng Diyos. Kung hindi, walang magiging paraan ang Diyos upang magamit ang sinuman, at walang paraan na gawin sa tao ang gawaing dapat Niyang gawin. Nililinis muna ng Diyos ang mga tao, at sa prosesong ito, maaaring makilala ng mga tao ang kanilang sarili, at maaaring mabago sila ng Diyos. Pagkatapos lamang nito saka inilalakip ng Diyos ang Kanyang buhay sa kanila, at sa ganitong paraan lamang lubusang makababaling ang puso nila sa Diyos. At kaya sinasabi Ko, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kasingsimple ng sinasabi ng mga tao. Sa paningin ng Diyos, kung may kaalaman ka lamang ngunit wala ang salita Niya bilang buhay, at kung limitado ka lamang sa iyong sariling kaalaman ngunit hindi kayang maisagawa ang katotohanan o maisabuhay ang salita ng Diyos, kung gayon ito ay patunay pa rin na wala kang pusong nagmamahal sa Diyos, at ipinakikita nito na ang iyong puso ay hindi pag-aari ng Diyos. Makikilala ng isang tao ang Diyos sa pamamagitan ng pananalig sa Kanya: Ito ang panghuling mithiin at ang mithiin ng pagsisikap ng tao. Dapat kang magsikap na isabuhay ang mga salita ng Diyos upang ang mga ito ay magbunga sa iyong pagsasagawa. Kung mayroon ka lamang kaalaman tungkol sa doktrina, ang iyong pananampalataya sa Diyos ay mauuwi sa wala. Tanging kung iyo ring isinasagawa at isinasabuhay ang Kanyang salita saka lamang maituturing na ganap ang iyong pananampalataya at ayon sa kalooban ng Diyos. Sa landas na ito, maraming tao ang makapagsasalita ng maraming kaalaman, ngunit sa oras ng kanilang kamatayan, ang kanilang mga mata ay umaapaw sa mga luha, at kinapopootan nila ang kanilang mga sarili sa pagkakasayang sa isang buong buhay at pagkabuhay hanggang sa katandaan nang para sa wala. Nauunawaan lang nila ang mga doktrina ngunit hindi nila kayang isagawa ang katotohanan o magpatotoo sa Diyos; sa halip ay tumatakbo lang sila paroo’t parito, abala na tulad ng isang bubuyog, at kapag naghihingalo na sila saka lang nila nakikita sa wakas na kulang sila sa tunay na patotoo, na hindi nila tunay na kilala ang Diyos. Hindi ba’t ito ay masyadong huli na? Bakit hindi mo samantalahin ang araw at hanapin ang katotohanan na iyong minamahal? Bakit maghihintay ka pa hanggang kinabukasan? Kung habang buhay ka ay hindi ka nagdurusa para sa katotohanan o naghahangad na makamit ito, maaari kayang ninanais mong maramdaman ang panghihinayang sa oras ng iyong paghihingalo? Kung gayon, bakit ka pa maniniwala sa Diyos? Sa katunayan, maraming bagay na kung saan ang mga tao, kung sila’y mag-uukol lamang ng katiting na pagsisikap, ay makapagsasagawa ng katotohanan at sa gayon ay mapalulugod ang Diyos. Dahil lamang ang puso ng mga tao ay palagiang nilulukuban ng mga demonyo kung kaya’t hindi sila makakilos para sa kapakanan ng Diyos, at palaging nagmamadali para sa kapakanan ng kanilang laman, nang walang anumang nakakamit mula rito sa katapusan. Dahil dito kung kaya’t ang mga tao ay palaging may mga problema at paghihirap. Hindi ba’t ito ang mga pagpapahirap ni Satanas? Hindi ba’t ito ang katiwalian ng laman? Hindi mo dapat subukang linlangin ang Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa salita lamang. Sa halip, dapat kang gumawa ng aktwal na pagkilos. Huwag mong linlangin ang iyong sarili—ano ang magiging punto niyon? Ano ang iyong makakamit sa pamumuhay para sa kapakanan ng iyong laman at pagpapagal para sa kapakinabangan at katanyagan?

Sinundan: Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?

Sumunod: Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito