Ang Mahalagang Kaibhan sa Pagitan ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng mga Taong Kinakasangkapan ng Diyos
Maraming taon nang naghahanap ang Espiritu ng Diyos habang Siya ay gumagawa sa lupa, at marami na ang nakasangkapan ng Diyos upang isagawa ang Kanyang gawain sa paglipas ng mga kapanahunan. Subalit sa buong panahong ito, walang angkop na lugar na mahimlayan ang Espiritu ng Diyos, kaya nagpapalipat-lipat ang Diyos sa iba’t ibang tao upang gawin ang Kanyang gawain. Sa kabuuan, sa pamamagitan ng mga tao nagagawa ang Kanyang gawain. Ibig sabihin, sa lahat ng taong ito, hindi pa tumitigil kailanman ang gawain ng Diyos, kundi patuloy itong naisusulong sa mga tao, hanggang sa araw na ito. Bagama’t nangusap na ang Diyos ng napakaraming salita at nakagawa ng napakaraming gawain, hindi pa rin kilala ng tao ang Diyos, dahil hindi pa nagpakita ang Diyos sa tao kailanman at dahil din sa wala Siyang anyong nahahawakan. Kaya nga kailangang tapusin ng Diyos ang gawaing ito—ang gawaing ipaalam sa lahat ng tao ang praktikal na kabuluhan ng praktikal na Diyos. Para makamit ang layuning ito, kailangang ihayag ng Diyos nang malinaw ang Kanyang Espiritu sa sangkatauhan at isagawa ang Kanyang gawain sa gitna nila. Ibig sabihin, kapag ang Espiritu ng Diyos ay nagtataglay ng pisikal na anyo, nagkakaroon ng laman at buto, at nakikitang lumalakad sa gitna ng mga tao, sinasamahan sila sa kanilang buhay, kung minsan ay ipinapakita at kung minsan ay itinatago ang Sarili, saka lamang nagkakaroon ng mas malalim na pagkaunawa ang mga tao tungkol sa Kanya. Kung nanatili lamang ang Diyos sa katawang-tao, hindi Niya lubos na matatapos ang Kanyang gawain. At matapos gumawa sa katawang-tao sa loob ng ilang panahon, na tinutupad ang ministeryo na kailangang gawin sa katawang-tao, lilisanin ng Diyos ang katawang-tao at gagawa sa espirituwal na dako sa larawan ng katawang-tao, tulad ng ginawa ni Jesus pagkaraang gumawa Siya sa loob ng ilang panahon sa normal na pagkatao at matapos Niya ang lahat ng gawaing kinailangan Niyang tapusin. Maaaring naaalala ninyo ang siping ito mula sa “Ang Landas … 5”: “Naaalala Ko na sinabi sa Akin ng Aking Ama, ‘Sa lupa, hangarin lamang gawin ang kalooban ng Iyong Ama at tapusin ang Kanyang tagubilin. Wala Ka nang iba pang dapat alalahanin.’” Ano ang nakikita mo sa siping ito? Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, ginagawa lamang Niya ang Kanyang gawain sa loob ng pagka-Diyos, na siyang naipagkatiwala ng makalangit na Espiritu sa Diyos na nagkatawang-tao. Kapag dumarating Siya, nagsasalita lamang Siya sa buong lupain, upang isatinig ang Kanyang mga pagbigkas sa iba’t ibang paraan at mula sa iba’t ibang pananaw. Ang Kanyang mga layunin at prinsipyo sa paggawa una sa lahat ay tustusan ang tao at turuan ang tao, at hindi Niya inaalala ang mga bagay na tulad ng mga pakikipag-ugnayan sa tao o ang mga detalye ng buhay ng mga tao. Ang Kanyang pangunahing ministeryo ay ang magsalita para sa Espiritu. Ibig sabihin, kapag ang Espiritu ng Diyos ay pisikal na nagpapakita sa katawang-tao, tinutustusan lamang Niya ang buhay ng tao at inilalabas ang katotohanan. Hindi Siya nakikialam sa gawain ng tao, na ibig sabihin, hindi Siya nakikilahok sa gawain ng sangkatauhan. Hindi maaaring gumawa ng banal na gawain ang mga tao, at hindi nakikilahok ang Diyos sa gawain ng tao. Sa lahat ng taon mula nang pumarito ang Diyos sa mundong ito upang isagawa ang Kanyang gawain, lagi Niya itong ginawa sa pamamagitan ng mga tao. Gayunman, ang mga taong ito ay hindi maaaring ituring na Diyos na nagkatawang-tao—yaon lamang ay mga kinakasangkapan ng Diyos. Ang Diyos ng ngayon, samantala, ay maaaring magsalita nang tuwiran mula sa pananaw ng pagka-Diyos, na inihahatid ang tinig ng Espiritu at gumagawa sa ngalan ng Espiritu. Gayundin, lahat ng taong kinasangkapan ng Diyos sa paglipas ng mga kapanahunan ay mga pagkakataon na gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa loob ng katawang may laman—kaya bakit hindi sila maaaring tawaging Diyos? Ngunit ang Diyos ng ngayon ay Espiritu rin ng Diyos na tuwirang gumagawa sa katawang-tao, at si Jesus ay Espiritu rin ng Diyos na gumagawa sa katawang-tao; kapwa Sila tinatawag na Diyos. Kaya ano ang kaibhan? Ang mga taong kinasangkapan ng Diyos sa paglipas ng mga kapanahunan ay may kakayahang lahat na mag-isip at mangatwiran nang normal. Naunawaan nilang lahat ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao. Nagkaroon na sila ng normal na mga ideya ng tao, at nagtataglay na sila ng lahat ng bagay na dapat taglayin ng normal na mga tao. Karamihan sa kanila ay may pambihirang talento at likas na katalinuhan. Sa paggawa sa mga taong ito, ginagamit ng Espiritu ng Diyos ang kanilang mga talento, na mga kaloob sa kanila ng Diyos. Ginagamit ng Espiritu ng Diyos ang kanilang mga talento, gamit ang kanilang mga kalakasan sa paglilingkod sa Diyos. Subalit ang diwa ng Diyos ay walang mga ideya o kaisipan, walang halong mga layunin ng tao, at wala pa nga ng tinataglay ng normal na mga tao. Ibig sabihin, ni hindi Siya pamilyar sa mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao. Ganito ang sitwasyon kapag dumarating sa lupa ang Diyos ng ngayon. Ang Kanyang gawain at Kanyang mga salita ay walang halong mga layunin ng tao o kaisipan ng tao, kundi ang mga ito ay tuwirang pagpapakita ng mga layunin ng Espiritu, at gumagawa Siya nang tuwiran sa ngalan ng Diyos. Nangangahulugan ito na ang Espiritu ay tuwirang nagsasalita, ibig sabihin, ang pagka-Diyos ang tuwirang gumagawa ng gawain, nang hindi ito hinahaluan ng kahit katiting na mga layunin ng tao. Sa madaling salita, kinakatawan nang tuwiran ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagka-Diyos, walang kaisipan o mga ideya ng tao, at walang pagkaunawa tungkol sa mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao. Kung gumagawa lamang sana ang pagka-Diyos (ibig sabihin ay kung gumagawa lamang sana ang Diyos Mismo), walang paraan para maisagawa ang gawain ng Diyos sa lupa. Kaya kapag dumarating ang Diyos sa lupa, kailangan ay mayroon Siyang isang maliit na bilang ng mga tao na kinakasangkapan Niya upang gumawa sa loob ng sangkatauhan kasabay ng gawaing ginagawa ng Diyos sa pagka-Diyos. Sa madaling salita, ginagamit Niya ang gawain ng tao upang pagtibayin ang Kanyang banal na gawain. Kung hindi, walang paraan para tuwirang makisali ang tao sa banal na gawain. Ganito noon kay Jesus at sa Kanyang mga disipulo. Noong panahon Niya sa mundo, inalis ni Jesus ang mga lumang kautusan at itinatag ang mga bagong kautusan. Nangusap din Siya ng maraming salita. Lahat ng gawaing ito ay ginawa sa pagka-Diyos. Ang iba pa, tulad nina Pedro, Pablo, at Juan, ay isinalalay lahat ang sumunod nilang gawain sa pundasyon ng mga salita ni Jesus. Ibig sabihin, inilunsad ng Diyos ang Kanyang gawain sa kapanahunang iyon, na nagpasimula ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, pinasimulan Niya ang isang bagong kapanahunan, na inaalis ang luma, at tinutupad din ang mga salitang “Ang Diyos ang Simula at ang Katapusan.” Sa madaling salita, kailangang isagawa ng tao ang gawain ng tao ayon sa pundasyon ng banal na gawain. Nang masabi ni Jesus ang lahat ng kailangan Niyang sabihin at matapos ang Kanyang gawain sa lupa, iniwan Niya ang tao. Pagkatapos nito, lahat ng tao, sa paggawa, ay gumawa nga ayon sa mga prinsipyong ipinahayag sa Kanyang mga salita, at nagsagawa ayon sa mga katotohanang Kanyang sinabi. Lahat ng taong ito ay gumawa para kay Jesus. Kung si Jesus lamang ang mag-isang gumawa ng gawain, gaano man karaming salita ang Kanyang sinabi, walang anumang paraan ang mga tao para makibahagi sa Kanyang mga salita, dahil gumawa Siya sa pagka-Diyos at maaari lamang mangusap ng mga salita ng pagka-Diyos, at hindi Niya maaaring ipaliwanag ang mga bagay-bagay hanggang sa maaari nang maunawaan ng normal na mga tao ang Kanyang mga salita. Kaya nga kinailangan Niyang magkaroon ng mga apostol at propetang sumunod sa Kanya para tumulong sa Kanyang gawain. Ito ang prinsipyo kung paano ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain—gamit ang nagkatawang-taong laman upang magsalita at gumawa nang sa gayon ay matapos ang gawain ng pagka-Diyos, at pagkatapos ay kinakasangkapan ang ilan, o marahil ay higit pa, na mga taong kaayon ng sariling puso ng Diyos upang tumulong sa Kanyang gawain. Ibig sabihin, kinakasangkapan ng Diyos ang mga taong kaayon ng Kanyang puso upang gawin ang gawain ng paggabay at pagdidilig sa sangkatauhan upang lahat ng taong hinirang ng Diyos ay makapasok sa katotohanang realidad.
Kung, nang Siya ay magkatawang-tao, ginawa lamang ng Diyos ang gawain ng pagka-Diyos, at walang mga taong kaayon ng Kanyang puso upang gumawa na kasabay Niya, mawawalan ng kakayahan ang tao na maunawaan ang kalooban ng Diyos o makipag-ugnayan sa Diyos. Kailangang kasangkapanin ng Diyos ang normal na mga tao na kaayon ng Kanyang puso upang tapusin ang gawaing ito, upang bantayan at gabayan ang mga iglesia, nang sa gayon ay magkaroon ng kakayahan ang antas ng pag-unawa ng tao, ang kanyang utak, na isipin ang maaaring makamit. Sa madaling salita, kinakasangkapan ng Diyos ang maliit na bilang ng mga tao na kaayon ng Kanyang puso upang “isalin” ang gawaing Kanyang ginagawa sa loob ng Kanyang pagka-Diyos, nang sa gayon ay mabuksan ito—magawang wika ng tao ang banal na wika, nang sa gayon ay maintindihan at maunawaan ito ng mga tao. Kung hindi ito ginawa ng Diyos, walang sinumang makauunawa sa banal na wika ng Diyos, dahil ang mga taong kaayon ng puso ng Diyos, kung tutuusin, ay maliit na minorya, at ang kakayahan ng tao na makaunawa ay mahina. Iyan ang dahilan kaya pinipili lamang ng Diyos ang paraang ito kapag gumagawa Siya sa nagkatawang-taong laman. Kung mayroon lamang banal na gawain, walang paraan para makilala o makaniig ng tao ang Diyos, dahil hindi nauunawaan ng tao ang wika ng Diyos. Nauunawaan ng tao ang wikang ito sa pamamagitan lamang ng pagkakatawan ng mga taong kaayon ng puso ng Diyos, na nagpapalinaw sa Kanyang mga salita. Gayunman, kung mayroon lamang gayong mga tao na gumagawa sa loob ng pagkatao, maaari lamang mapanatili niyan ang normal na buhay ng tao; hindi nito mababago ang disposisyon ng tao. Ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring magkaroon ng panibagong panimula; magkakaroon lamang ng dati nang mga lumang awit, dati nang mga lumang bukambibig. Sa pamamagitan lamang ng pagkakatawan ng Diyos na nagkatawang-tao, na nagsasabi ng lahat ng kailangang sabihin at gumagawa ng lahat ng kailangang gawin sa panahon ng Kanyang pagkakatawang-tao, pagkatapos ay gumagawa at nakararanas ang mga tao ayon sa Kanyang mga salita, sa gayon lamang magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay, at sa gayon lamang nila magagawang sumama sa agos ng panahon. Siya na gumagawa sa loob ng pagka-Diyos ay kumakatawan sa Diyos, samantalang yaong mga gumagawa sa loob ng pagkatao ay mga taong kinakasangkapan ng Diyos. Ibig sabihin, ang Diyos na nagkatawang-tao ay may malaking kaibhan sa mga taong kinakasangkapan ng Diyos. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay kayang gawin ang gawain ng pagka-Diyos, samantalang ang mga taong kinakasangkapan ng Diyos ay hindi. Sa simula ng bawat isang kapanahunan, personal na nangungusap ang Espiritu ng Diyos at naglulunsad ng bagong kapanahunan upang dalhin ang tao sa isang bagong simula. Kapag tapos na Siyang magsalita, nagpapahiwatig ito na tapos na ang gawain ng Diyos sa loob ng Kanyang pagka-Diyos. Pagkatapos noon, lahat ng tao ay sumusunod sa pangunguna ng mga yaon na kinakasangkapan ng Diyos upang pumasok sa karanasan nila sa buhay. Sa ganito ring paraan, ito rin ang yugto kung saan dinadala ng Diyos ang tao sa bagong kapanahunan at binibigyan ang mga tao ng isang bagong panimula—kung kailan nagtatapos ang gawain ng Diyos sa katawang-tao.
Hindi dumarating ang Diyos sa lupa para gawing perpekto ang Kanyang normal na pagkatao, ni hindi para isagawa ang gawain ng normal na pagkatao. Pumaparito Siya para lamang gawin ang gawain ng pagka-Diyos sa normal na pagkatao. Ang binabanggit ng Diyos na normal na pagkatao ay hindi katulad ng iniisip ng mga tao. Binibigyang-kahulugan ng tao ang “normal na pagkatao” bilang pagkakaroon ng asawa at mga anak, na mga patunay na ang isang tao ay isang normal na tao; gayunman, hindi ganito ang tingin ng Diyos dito. Ang tingin Niya sa normal na pagkatao ay pagkakaroon ng normal na kaisipan ng mga tao, normal na buhay ng mga tao, at maisilang sa normal na mga tao. Ngunit hindi kabilang sa Kanyang normalidad ang pagkakaroon ng asawa at mga anak sa paraan ng pagsasalita ng tao tungkol sa normalidad. Ibig sabihin, para sa tao, ang normal na pagkataong binabanggit ng Diyos ay kung ano ang ituturing ng tao na kawalan ng pagkatao, na halos walang emosyon at tila walang mga pangangailangan ng laman, katulad ni Jesus, na mayroon lamang panlabas na anyo ng isang normal na tao at kinuha ang anyo ng isang normal na tao, ngunit sa diwa ay hindi ganap na taglay ang lahat ng dapat taglayin ng isang normal na tao. Mula rito ay makikita na ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi sumasaklaw sa kabuuan ng normal na pagkatao, kundi sa isang bahagi lamang ng mga bagay na dapat taglayin ng mga tao, upang suportahan ang mga karaniwang gawain sa buhay ng normal na tao at panatilihin ang mga kakayahang mangatwiran ng normal na tao. Ngunit walang kinalaman ang mga bagay na ito sa itinuturing ng tao na normal na pagkatao. Ang mga ito ang dapat taglayin ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayunman, may mga naninindigan na ang Diyos na nagkatawang-tao ay masasabing nagtataglay lamang ng normal na pagkatao kung mayroon Siyang asawa, mga anak, isang pamilya; kung wala ang mga bagay na ito, sabi nila, hindi Siya isang normal na tao. Sa gayon ay tatanungin kita, “Mayroon bang asawang babae ang Diyos? Posible bang magkaroon ng asawang lalaki ang Diyos? Maaari bang magkaroon ng mga anak ang Diyos?” Hindi ba mali ang mga paniniwalang ito? Subalit ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring sumibol mula sa isang bitak sa pagitan ng mga bato o mahulog mula sa langit. Maaari lamang Siyang isilang sa isang normal na pamilya ng tao. Kaya nga mayroon Siyang mga magulang at mga kapatid na babae. Ito ang mga bagay na dapat magkaroon ang normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao. Ganito ang nangyari kay Jesus; si Jesus ay mayroong ama at ina, mga kapatid na babae at lalaki, at lahat ng ito ay normal. Ngunit kung nagkaroon Siya ng asawa at mga anak, ang Kanyang pagkatao ay hindi sana naging ang normal na pagkatao na nilayon ng Diyos na taglayin ng Diyos na nagkatawang-tao. Kung ganito ang nangyari, hindi sana Niya nakayang gumawa sa ngalan ng pagka-Diyos. Ito ay dahil mismo sa hindi Siya nagkaroon ng asawa o mga anak, subalit isinilang Siya sa normal na mga tao sa isang normal na pamilya, kaya Niya nagawa ang gawain ng pagka-Diyos. Para mas mapalinaw pa ito, ang itinuturing ng Diyos na normal na tao ay isang tao na isinilang sa isang normal na pamilya. Gayong tao lamang ang karapat-dapat na gumawa ng banal na gawain. Kung, sa kabilang dako, ang tao ay nagkaroon ng isang asawang babae, mga anak, o isang asawang lalaki, hindi magagawa ng taong iyon ang banal na gawain, dahil magtataglay lamang siya ng normal na pagkatao na kinakailangan ng mga tao ngunit hindi ang normal na pagkataong kinakailangan ng Diyos. Yaong pinaniniwalaan ng Diyos, at ang nauunawaan ng mga tao, ay madalas na may malaking kaibhan, malayung-malayo sa isa’t isa. Sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, marami ang salungat at malaki ang kaibhan sa mga kuru-kuro ng mga tao. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay ganap na binubuo ng pagka-Diyos na aktwal na gumagawa, na ang pagkatao ay gumaganap sa tungkuling sumuporta sa Kanya. Dahil dumarating ang Diyos sa lupa upang isagawa Mismo ang Kanyang gawain, sa halip na tulutan ang tao na gawin ito, nagkatawang-tao Siya Mismo (sa isang di-ganap na normal na tao) upang gawin ang Kanyang gawain. Ginagamit Niya ang pagkakatawang-taong ito upang iharap sa sangkatauhan ang isang bagong kapanahunan, upang sabihin sa sangkatauhan ang susunod na hakbang sa Kanyang gawain, at upang hilingan ang mga tao na magsagawa alinsunod sa landas na inilarawan sa Kanyang mga salita. Sa ganito nagtapos ang gawain ng Diyos sa katawang-tao; malapit na Niyang lisanin ang sangkatauhan, at hindi na mananahan sa katawan ng normal na pagkatao, kundi sa halip ay lalayo mula sa tao upang tumuloy sa isa pang bahagi ng Kanyang gawain. Pagkatapos, habang kinakasangkapan ang mga taong kaayon ng Kanyang sariling puso, ipinagpapatuloy Niya ang Kanyang gawain sa lupa sa gitna ng grupong ito ng mga tao, ngunit sa kanilang pagkatao.
Ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring manatili sa piling ng tao magpakailanman dahil marami pang ibang gawaing gagawin ang Diyos. Hindi Siya maaaring nakatali sa katawang-tao; kailangan Niyang hubarin ang katawang-tao upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin, kahit ginagawa Niya ang gawaing iyon sa larawan ng katawang-tao. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, hindi Niya hinihintay na maabot Niya ang anyong dapat maabot ng isang normal na tao bago mamatay at lisanin ang sangkatauhan. Gaano man katanda ang Kanyang katawan, kapag natapos na ang Kanyang gawain, umaalis Siya at iniiwan ang tao. Walang kuwenta sa Kanya ang edad, hindi Niya binibilang ang Kanyang mga araw ayon sa haba ng buhay ng tao; sa halip, tinatapos Niya ang Kanyang buhay sa katawang-tao alinsunod sa mga hakbang ng Kanyang gawain. Maaaring may mga taong nakadarama na ang Diyos, sa pagpasok sa katawang-tao, ay kailangang magkaedad, kailangang mahusto ang gulang, tumanda, at lumisan lamang kapag bumigay na ang katawan. Ito ay imahinasyon ng tao; hindi ganyan ang Diyos. Siya ay nagkakatawang-tao upang gawin lamang ang gawaing dapat Niyang gawin, at hindi upang mamuhay ng buhay ng isang normal na tao na isilang sa mga magulang, lumaki, bumuo ng pamilya at magkatrabaho, magkaroon at magpalaki ng mga anak, o maranasan ang mga tagumpay at kabiguan sa buhay—lahat ng aktibidad ng isang normal na tao. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, ito ang Espiritu ng Diyos na nagbibihis ng katawang-tao, nagkakaroon ng katawang-tao, ngunit ang Diyos ay hindi namumuhay ng buhay ng isang normal na tao. Pumaparito lamang Siya upang tuparin ang isang bahagi ng Kanyang plano ng pamamahala. Pagkatapos niyan ay lilisanin Niya ang sangkatauhan. Kapag Siya ay nagkakatawang-tao, hindi ginagawang perpekto ng Espiritu ng Diyos ang normal na pagkatao ng katawan. Sa halip, sa panahong naitakda na ng Diyos, ang pagka-Diyos ang tuwirang gumagawa. Pagkatapos, matapos gawin ang lahat ng kailangan Niyang gawin at lubos nang natapos ang Kanyang ministeryo, tapos na ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa yugtong ito, kung kailan nagtatapos din ang buhay ng Diyos na nagkatawang-tao, naisabuhay man ng Kanyang katawang-taong may laman ang haba ng buhay nito. Ibig sabihin, anumang yugto ng buhay ang abutin ng katawang may laman, gaano man katagal itong nabuhay sa lupa, lahat ay ipinapasya ng gawain ng Espiritu. Wala itong kinalaman sa itinuturing ng tao na normal na pagkatao. Ipaghalimbawa natin si Jesus. Nabuhay Siya sa katawang-tao sa loob ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon. Patungkol sa haba ng buhay ng katawan ng tao, hindi Siya dapat na namatay sa edad na iyon, at hindi Siya dapat lumisan. Ngunit hindi ito problema ng Espiritu ng Diyos. Dahil tapos na ang Kanyang gawain, sa puntong iyon ay inalis na ang katawan, na nawala kasama ng Espiritu. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa katawang-tao. Kaya nga, sa madaling salita, hindi ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao ang pinakamahalaga. Inuulit Ko, pumaparito Siya sa lupa hindi upang ipamuhay ang buhay ng isang normal na tao. Hindi muna Siya nagtatatag ng isang normal na buhay ng tao at pagkatapos ay nagsisimulang gumawa. Sa halip, basta’t isinilang Siya sa isang normal na pamilya ng tao, nagagawa Niya ang banal na gawain, gawaing walang bahid-dungis ng mga layon ng tao, na hindi panlaman, na tiyak na hindi ginagaya ang mga paraan ng lipunan o nagkakaroon ng mga kaisipan o kuru-kuro ng tao, at bukod pa riyan, hindi kasali riyan ang mga pilosopiya ng tao para sa pamumuhay. Ito ang gawaing layong gawin ng Diyos na nagkatawang-tao, at ito rin ang praktikal na kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Ang Diyos ay nagkakatawang-tao una sa lahat upang gawin ang isang yugto ng gawain na kailangang gawin sa katawang-tao, nang hindi nagdaraan sa iba pang mga walang-kuwentang proseso, at, tungkol naman sa mga karanasan ng isang normal na tao, wala Siya ng mga iyon. Hindi kabilang sa gawaing kailangang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga karanasan ng normal na tao. Kaya ang Diyos ay nagkakatawang-tao para isakatuparan ang gawaing kailangan Niyang tuparin sa katawang-tao. Ang nalalabi ay walang kinalaman sa Kanya; hindi Siya dumaraan sa napakaraming walang-kuwentang proseso. Kapag natapos na ang Kanyang gawain, natatapos na rin ang kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Ang pagtatapos sa yugtong ito ay nangangahulugan na nagtapos na ang gawaing kailangan Niyang gawin sa katawang-tao, at kumpleto na ang ministeryo ng Kanyang katawang-tao. Ngunit hindi Siya maaaring patuloy na gumawa sa katawang-tao nang walang katapusan. Kailangan Niyang sumulong sa isa pang lugar upang gumawa, isang lugar sa labas ng katawang-tao. Sa ganitong paraan lamang lubos na maisasagawa ang Kanyang gawain, at sumulong nang may mas matinding epekto. Gumagawa ang Diyos ayon sa Kanyang orihinal na plano. Kung anong gawain ang kailangan Niyang gawin at anong gawain ang natapos na Niya, alam na alam Niya nang kasinglinaw ng palad ng Kanyang kamay. Inaakay ng Diyos ang bawat indibiduwal na lumakad sa landas na napagpasyahan na Niya noon pa man. Walang sinumang makakatakas dito. Yaon lamang mga sumusunod sa patnubay ng Espiritu ng Diyos ang makakapasok sa kapahingahan. Maaaring, sa gawain sa hinaharap, hindi ang Diyos ang mangungusap sa katawang-tao upang gabayan ang tao, kundi isang Espiritung may anyong mahahawakan na gumagabay sa buhay ng tao. Saka lamang makakaya ng tao na talagang mahawakan ang Diyos, mamasdan ang Diyos, at mas lubos na makapasok sa realidad na kinakailangan ng Diyos, upang magawang perpekto ng praktikal na Diyos. Ito ang gawaing layon ng Diyos na tuparin, at matagal na Niyang ipinlano. Mula rito, dapat ninyong makitang lahat ang landas na dapat ninyong tahakin!