Ang Landas … 8
Hindi lang isa o dalawang araw ang nakalilipas mula nang pumarito sa lupa ang Diyos upang makihalubilo sa sangkatauhan at mamuhay kasama ng mga tao. Marahil, sa panahong ito, ay lubusan nang nakikilala ng mga tao ang Diyos, at marahil ay nakamit na nila ang maraming kabatiran hinggil sa paglilingkod sa Diyos, at naging bihasa na sa kanilang paniniwala sa Diyos. Anuman ang kalagayan, sa paanuman ay nauunawaan na ng mga tao ang disposisyon ng Diyos, at ipinahahayag din nila ang kanilang sariling mga disposisyon sa di-mabilang na paraan. Sa tingin Ko rito, ang sari-saring paghahayag ng mga tao ay sapat para magamit ng Diyos bilang mga halimbawa, at ang kanilang mga gawaing pangkaisipan ay sapat para gamitin Niya bilang sanggunian. Maaaring ito ay isang aspeto ng pagtutulungan sa pagitan ng tao at ng Diyos, kung saan ay walang kamalayan ang tao, kaya’t ang pagganap na ito sa direksyon ng Diyos ay malinaw at buhay na buhay. Sinasabi Ko ang mga bagay na ito sa Aking mga kapatirang lalaki at babae bilang pangkalahatang direktor ng dramang ito—makapagsasalita ang bawat isa sa atin sa ating mga iniisip at nararamdaman pagkatapos gampanan ito, at pag-usapan ang tungkol sa kung paano dinaranas ng bawat isa sa atin ang ating mga buhay sa loob ng dramang ito. Maaari rin tayong magkaroon ng isang lubos na bagong uri ng talakayan upang buksan ang ating mga puso at magsalita tungkol sa ating sining ng pagganap, at tingnan kung paano ginagabayan ng Diyos ang bawat indibidwal upang sa susunod na pagganap ay kaya nating ihayag ang isang mas mataas na antas ng ating sining at bawat isa ay magampanan ang ating sariling papel sa abot ng makakaya, at hindi mabigo ang Diyos. Umaasa Ako na ang Aking mga kapatirang lalaki at babae ay seseryosohin ito. Walang dapat na bumalewala rito, sapagkat ang pagganap nang mabuti sa isang papel ay hindi isang bagay na makakamit sa loob ng isa o dalawang araw; kinakailangan nito na maranasan natin ang buhay at mas lumalim sa ating mga tunay na buhay sa matagal na panahon, at magkaroon ng praktikal na karanasan sa sari-saring uri ng pamumuhay. Doon lang tayo makaaakyat sa entablado. Puno Ako ng pag-asa para sa Aking mga kapatirang lalaki at babae. Naniniwala Ako na hindi kayo panghihinaan ng loob o mawawalan ng pag-asa, na anuman ang ginagawa ng Diyos, kayo ay magiging tulad ng isang palayok ng apoy: hindi kailanman malahininga, at nagpapatuloy hanggang sa katapusan, hanggang sa ang gawain ng Diyos ay lubos nang mabunyag, hanggang ang drama sa patnugot ng Diyos ay dumating sa pangwakas na konklusyon nito. Wala na Akong iba pang hinihiling sa inyo, umaasa lang Ako na magtitiis kayo, na hindi kayo magiging mainipin para sa mga resulta, na makikipagtulungan kayo sa Akin upang ang gawain na dapat Kong gawin ay magawa nang maayos, at na walang sinumang magdudulot ng mga pagkagambala o mga kaguluhan. Kapag ang bahaging ito ng gawain ay natapos na, ibubunyag ng Diyos ang lahat sa inyo. Matapos makumpleto ang Aking gawain, ihaharap Ko ang inyong karangalan sa harap ng Diyos upang magbigay-sulit sa Kanya. Hindi ba mas mabuti iyon? Nagtutulungan upang makamit ang ating sariling mga layunin—hindi ba ito ay isang perpektong solusyon para sa lahat? Ngayon ay isang mahirap na panahon, isang panahon na kakailanganin ninyong magbayad ng halaga. Sapagkat Ako ang direktor ngayon, umaasa Ako na wala sa inyong nayamot dahil dito. Ito ang gawain na Aking ginagawa. Marahil, isang araw, ay lilipat Ako sa isang mas akmang “sangay sa trabaho” at hindi Ko na pinahihirap ang mga bagay-bagay para sa inyo. Ipakikita Ko sa inyo ang anumang nais ninyong makita at ipagkakaloob sa inyo ang anumang nais ninyong marinig. Subalit hindi ngayon. Ang gawain ngayon ay ang gawaing ito, at hindi Ko kayo mabibigyang-kalayaan at hayaan kayong gawin ang anumang nais ninyo. Gagawin nitong mahirap ang Aking gawain; sa totoo lang, hindi ito magbubunga ng anuman, at hindi ito magiging kapaki-pakinabang sa inyo. Kaya ngayon, kailangan ninyong dumanas ng “kawalan ng katarungan.” Kapag dumating ang araw, at natapos na ang yugtong ito ng Aking gawain, magiging malaya na Ako, hindi na Ako magdadala ng gayong kabigat na pasanin, at sasang-ayon Ako sa anumang hingin ninyo mula sa Akin; hangga’t kapaki-pakinabang ito para sa inyong mga buhay, tutuparin Ko ang inyong kahilingan. Ngayon, naisabalikat Ko na ang isang mabigat na pananagutan. Hindi Ko maaaring salungatin ang mga utos ng Diyos Ama, at hindi Ko maaaring sirain ang mga plano para sa Aking gawain. Hindi Ko maaaring pamahalaan ang Aking pansariling mga gawain sa pamamagitan ng Aking pantungkuling mga gawain—at umaasa Ako na mauunawaan at mapatatawad ninyo Akong lahat, sapagkat ang lahat ng Aking ginagawa ay ayon sa mga kahilingan ng Diyos Ama; ginagawa Ko ang anumang ipinagagawa Niya sa Akin, anuman ang nais Niya, at hindi Ko pupukawin ang Kanyang galit o Kanyang poot. Ginagawa Ko lang ang dapat Kong gawin. Kaya, sa ngalan ng Diyos Ama, ipinapayo Ko sa inyo na magtiis nang kaunti pang panahon. Walang kailangang mag-alala. Pagkaraang matapos Ko ang kailangan Kong gawin, magagawa ninyo ang anumang nais ninyo at makikita ang anumang gusto ninyo—ngunit kailangan Kong tapusin ang gawaing kailangan Kong gawin.
Sa yugtong ito ng gawain ay hinihingi sa atin ang lubusang pananampalataya at pag-ibig. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng sangkatauhan, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita. Dapat makarating ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa sa pananampalataya ni Job. Dapat silang magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos magpakailanman. Kapag sila ay masunurin hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay kumpleto na. Ito ang gawaing isinabalikat Ko, kaya umaasa Ako na magagawang maunawaan ng Aking mga kapatirang lalaki at babae ang Aking mga suliranin, at walang hinging anupaman sa Akin. Ito ang hinihingi ng Diyos Ama sa Akin, at hindi Ako makatatakas mula sa realidad na ito; dapat Kong gawin ang gawaing nararapat Kong gawin. Umaasa lang Ako na hindi kayo gumagamit ng sapilitang mga argumento at baluktot na pangangatwiran, na kayo ay mas may kabatiran, at hindi tumitingin sa mga bagay nang masyadong payak. Ang inyong pag-iisip ay masyadong parang bata, masyadong walang muwang. Ang gawain ng Diyos ay hindi kasing-simple ng maaaring maisip ninyo, hindi Niya basta ginagawa ang anumang nais Niyang gawin; kung hindi, masisira ang Kanyang plano. Hindi ba ninyo sasabihin ang ganoon? Ginagawa Ko ang gawain ng Diyos. Hindi Ako basta gumagawa lang ng kakatwang gawain para sa mga tao, na ginagawa kung ano ang maisipan Kong gawin at personal na nagsasaayos kung gagawin Ko o hindi ang isang bagay. Hindi ganoon kasimple ang mga bagay sa ngayon. Isinugo Ako ng Ama upang gumanap na direktor—sa palagay ba ninyo ay Ako Mismo ang nagsaayos at pumili nito? Ang mga ideya ng tao ay madalas na nakakiling na gambalain ang gawain ng Diyos, kung kaya, matapos Akong gumawa sa loob ng isang yugto ng panahon, maraming kahilingan mula sa mga tao na hindi Ko nagawang tuparin, at binabago ng mga tao ang kanilang isipan tungkol sa Akin. Dapat kayong maging malinaw tungkol sa mga ideya ninyong ito; hindi Ko babanggiting isa-isa ang mga ito, ang magagawa Ko lang ay ipaliwanag ang gawaing ginagawa Ko. Ang Aking mga damdamin ay hindi nito nasasaktan kahit kaunti. Sa sandaling naunawaan na ninyo iyon, maaari ninyo itong tingnan sa paano mang paraang nais ninyo. Hindi Ako tututol, dahil ganito gumawa ang Diyos; hindi Ako obligadong ipaliwanag ang lahat ng ito. Naparito lang Ako upang isagawa ang gawain ng mga salita, upang gumawa at hayaang magampanan ang dramang ito sa pamamatnugot ng mga salita. Hindi Ko na kailangang magsalita ng anupaman, at wala rin Akong magagawang iba pa. Naipaliwanag Ko na ang lahat ng dapat Kong sabihin, wala Akong pakialam kung ano ang iniisip ninyo, at hindi ito mahalaga sa Akin. Nguni’t nais Ko pa ring paalalahanan kayo na ang gawain ng Diyos ay hindi kasingsimple ng iniisip ninyo rito. Habang mas hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, mas malalim ang kahalagahan nito; at habang mas nakaayon ito sa mga kuru-kuro ng mga tao, mas hindi ito gaanong mahalaga, mas lalo itong walang tunay na kahalagahan. Isaalang-alang ang mga salitang ito nang maingat—ito lang ang sasabihin Ko tungkol diyan. Kayo mismo sa inyong mga sarili ay makapagsusuri sa natitira nang mag-isa. Hindi Ko ipaliliwanag ito.
Iniisip ng mga tao na ang Diyos ay gumagawa ng mga bagay-bagay sa isang tiyak na paraan, nguni’t sa nakaraang taong ito o higit pa, ang nakita na ba natin at naranasan sa gawain ng Diyos ay naaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Mula sa paglikha ng mundo hanggang sa ngayon, wala ni isa mang tao ang nagawang mainitindihan ang mga yugto o mga panuntunan ng gawain ng Diyos. Kung nakaya nila, bakit hindi nauunawaan ng relihiyosong mga pinunong iyon kung paano gumagawa ang Diyos ngayon? Bakit napakakaunti ng mga taong nakauunawa sa realidad ng kasalukuyan? Mula rito ay makikita natin na walang nakauunawa sa gawain ng Diyos. Dapat lang gumawa ang mga tao ayon sa paggabay ng Kanyang Espiritu; hindi sila dapat basta mahigpit na maglapat ng mga tuntunin sa Kanyang gawain. Kung iyong kukunin ang larawan at ang gawain ni Jesus at ihahambing ito sa kasalukuyang gawain ng Diyos, ito ay gaya lang ng mga Hudyo na sinusubukang itugma si Jesus kay Jehova. Hindi ba kayo nawawalan sa paggawa nito? Kahit si Jesus ay hindi nakaalam kung ano ang magiging gawain ng Diyos sa mga huling araw; ang tanging nalaman Niya ay na ang kailangan Niyang tapusin ay ang gawain ng pagiging napako sa krus. Kaya paano malalaman ng iba? Paano nila malalaman kung anong gawain ang gagawin ng Diyos sa hinaharap? Paano ipaaalam ng Diyos ang Kanyang plano sa mga tao, na sinapian na ni Satanas? Hindi ba kahangalan iyon? Hinihingi ng Diyos na malaman at maunawaan mo ang Kanyang kalooban. Hindi Niya hinihingi na isaalang-alang mo ang Kanyang panghinaharap na gawain. Ang kailangan lang nating alalahanin ay ang pananampalataya sa Diyos, kumilos ayon sa Kanyang paggabay, maging praktikal sa pangangasiwa ng tunay na mga paghihirap, at huwag gawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa Diyos o magdulot ng kaguluhan sa Kanya. Dapat nating gawin ang dapat nating gawin; hangga’t makapananatili tayo sa loob ng kasalukuyang gawain ng Diyos, sa gayon ay sapat na iyon! Iyon ang landas kung saan kayo ay ginagabayan Ko. Kung nakatuon lang tayo sa pagpapatuloy pasulong, hindi pakikitunguhan nang di-maganda ng Diyos ang isa man sa atin. Sa huling taong ito ng inyong di-pangkaraniwang mga karanasan, nagkamit na kayo ng maraming dakilang bagay; naniniwala Ako na hindi ninyo ito masyadong didibdibin. Ang landas kung saan Ko kayo pinangungunahan ay ang Aking gawain at ang Aking misyon, at ito ay matagal nang itinalaga ng Diyos, na anupa’t tayo ay patiuna nang itinadhana na makarating sa ganito kalayo, hanggang sa ngayon. Na nakaya nating gawin ito ay ating malaking pagpapala, at kahit na hindi naging madali ang daang ito, ang ating pagkakaibigan ay walang hanggan, at ito ay magpapasalin-salin sa mga kapanahunan. Maging kasiyahan at tawanan o kalungkutan at mga luha man, hayaang maging magagandang alaala ang lahat ng ito! Marahil ay batid ninyong nabibilang ang mga araw ng Aking gawain. Marami Akong proyektong gawain, at hindi Ko kayo masasamahan nang madalas. Umaasa Ako na mauunawaan ninyo Ako—dahil ang ating orihinal na pagkakaibigan ay hindi pa rin nagbago. Marahil isang araw Ako ay muling magpapakita sa harap ninyo, at umaasa Ako na hindi ninyo gagawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa Akin. Matapos ang lahat, Ako ay naiiba sa inyo. Naglalakbay Ako sa lahat ng dako para sa Aking gawain, at hindi Ko ginugugol ang Aking buhay sa panunuluyan lang sa mga hotel nang walang ginagawa. Ano man ang kalagayan ninyo, ginagawa Ko lang ang dapat Kong gawin. Umaasa Ako na ang mga bagay na pinagsaluhan natin sa nakaraan ay maging bulaklak nawa ng ating pagkakaibigan.
Masasabi na Ako ang nagbukas ng landas na ito, at mapait man o matamis, napangunahan Ko ang daan. Na nakaya natin hanggang sa kasalukuyan ay sanhi lahat ng biyaya ng Diyos. Maaaring may ilang nagpapasalamat sa Akin, at maaaring may ilang dumaraing tungkol sa Akin—ngunit wala sa mga iyon ang mahalaga. Ang nais Ko lang makita ay na natamo kung ano ang dapat na matamo sa pangkat na ito ng mga tao. Ito ay isang bagay na nararapat na ipagdiwang. Kaya, hindi Ako naghihinanakit sa mga dumaraing laban sa Akin; ang tanging nais Ko ay matapos ang Aking gawain sa pinakamabilis na paraang posible upang ang puso ng Diyos ay makapamahinga sa lalong madaling panahon. Sa sandaling iyon, wala na Akong dadalhing anumang mabigat na pasanin, at mawawala na ang mga pag-aalala sa puso ng Diyos. Handa ba kayong pagbutihin ang inyong pakikipagtulungan? Hindi ba mas mabuti na maglayong gawin nang maayos ang gawain ng Diyos? Sa panahong ito, marapat na sabihing tayo ay sumailalim na sa di-mabilang na mga paghihirap at dumanas na ng lahat ng uri ng kagalakan at kalungkutan. Sa pangkalahatan, ang pagganap ng bawa’t isa sa inyo ay naging pasado kahit papaano. Marahil, sa hinaharap, ay mayroong mas mainam na gawaing kakailanganin sa inyo, subali’t huwag masyadong mag-isip tungkol sa Akin; basta gawin ang dapat ninyong gawin. Ang kailangan Kong gawin ay halos matatapos na; umaasa Ako na kayo ay magiging tapat sa lahat ng pagkakataon, at na kayo ay hindi mangungulila kaugnay sa Aking gawain. Dapat ninyong malaman na naparito lang Ako upang tapusin ang isang yugto ng gawain, at tiyak na hindi para gawin ang buong gawain ng Diyos. Dapat na maging malinaw sa inyo ito, at huwag magkaroon ng iba pang mga ideya tungkol dito. Ang gawain ng Diyos ay nangangailangan ng mas marami pang pamamaraan upang matapos; hindi kayo maaaring laging umasa sa Akin. Marahil ay napagtanto na ninyo na naparito lang Ako upang gawin ang isang bahagi ng gawain, isang hindi kumakatawan kay Jehova o kay Jesus; nahahati ang gawain ng Diyos sa maraming yugto, kaya hindi kayo dapat maging masyadong matigas. Habang Ako ay gumagawa dapat kayong makinig sa Akin. Sa bawat isang kapanahunan, nagbabago ang gawain ng Diyos; lahat ng ito ay hindi tinabas mula sa iisang molde, at hindi ito ang parehong lumang awitin sa bawat pagkakataon. At naaangkop sa kapanahunan ang Kanyang gawain sa bawat yugto, at nagbabago dahil hindi pareho ang kapanahunan. At kaya naman, yamang ikaw ay naipanganak sa kapanahunang ito, dapat kang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at basahin ang mga salitang ito. Maaaring dumating ang araw kung kailan ang Aking gawain ay magbabago, kung saan kayo ay dapat na magpatuloy gaya ng nararapat ninyong gawin; hindi maaaring maging mali ang gawain ng Diyos. Huwag bigyang-pansin kung paano man nagbabago ang mundo sa labas; hindi maaaring magkamali ang Diyos, at hindi maaaring magkamali ang Kanyang gawain. Kaya lang kung minsan ay lumilipas ang lumang gawain ng Diyos at nagsisimula ang Kanyang bagong gawain. Hindi nangangahulugan iyon, gayunpaman, na dahil ang bagong gawain ay sumapit na, ang lumang gawain ay mali. Iyon ay isang kamalian! Ang gawain ng Diyos ay hindi masasabing tama o mali, masasabi lang na ito ay mas nauuna o mas nahuhuli. Ito ang gabay para sa paniniwala ng mga tao sa Diyos at hindi ito dapat na ipagwalang-bahala.