Ang Landas … 7

Sa ating praktikal na mga karanasan, nakikita natin na maraming beses nang personal na nagbukas ang Diyos ng landas para sa atin, upang ang daang tinatapakan natin ay maaaring maging mas matatag, at mas totoo. Dahil ito ang daang binuksan na ng Diyos para sa atin mula pa noong unang panahon, at na siyang naipamana sa ating henerasyon matapos ang sampu-sampung libong taon. Kaya tinahak na natin ang landas ng mga nauna sa atin, na hindi ito tinahak hanggang sa dulo. Pinili tayo ng Diyos na tahakin ang huling yugto nito. At kaya, ang landas na ito ay espesyal na inihanda ng Diyos para sa atin, at maging tayo ay pinagpala o pinahihirapan ng kasawian, wala nang iba pang makalalakad sa landas na ito. Hayaang idagdag Ko ang Aking sariling kabatiran dito: Huwag isipin na subukang tumakas sa ibang lugar, o na subukang maghanap ng ibang landas, at huwag magnasa ng katayuan, o subukang magtayo ng sarili mong kaharian—lahat ng ito ay mga pantasya. Maaaring mayroon kang dati nang nabuong mga ideya tungkol sa Aking mga salita, kung gayon iminumungkahi Ko na huwag nang maging masyadong nalilito. Mas makabubuting pag-isipan mo nang higit ito; huwag subukang maging tuso, at huwag kalituhan ang mabuti at masama. Pagsisisihan mo ito sa sandaling maisakatuparan na ang plano ng Diyos. Ang ibig Kong sabihin, kapag dumating na ang kaharian ng Diyos, lahat ng mga bansa sa buong mundo ay pagdudurug-durugin. Sa sandaling iyon ay makikita mo na ang sarili mong mga plano ay nawasak na rin, at na yaong nakastigo ay dudurugin, at dito, lubos na ipakikita ng Diyos ang Kanyang disposisyon. Sa palagay Ko ay dahil napakalinaw ng mga bagay na ito sa Akin, dapat Kong sabihin ang mga ito sa iyo, para hindi mo Ako sisihin balang araw. Na nakayanan nating lakarin ang landas na ito hanggang ngayon ay inorden ng Diyos, kaya huwag mong isipin na espesyal ka, ni malas ka—walang sinuman ang maaaring gumawa ng mga panggigiit hinggil sa kasalukuyang gawain ng Diyos at baka pagdurug-durugin ka. Naliwanagan Ako sa pamamagitan ng gawain ng Diyos: Anuman ang mangyari, gagawing ganap ng Diyos ang pangkat na ito ng mga tao, hindi na muling babaguhin ang Kanyang gawain, at dadalhin Niya ang pangkat na ito ng mga tao sa dulo ng daan, at tatapusin ang Kanyang gawain sa lupa. Dapat maunawaan nating lahat ito. Ibig ng karamihan sa mga tao na “tumingin sa hinaharap,” at walang katapusan ang pagnanasa nila. Hindi nauunawaan ng sinuman sa kanila ang apurahang kalooban ng Diyos ngayon, kaya’t iniisip nilang lahat na tumakas. Para silang nakawalang mga kabayo na gusto lang magpagala-gala sa ilang; kakaunti ang nagnanais na manirahan sa magandang lupain ng Canaan upang hanapin ang paraan ng pamumuhay ng tao. Nang nakapasok na sa lupain na nananagana sa gatas at pulot, kung hindi nasisiyahan dito ang mga tao, ano pa ang gusto nila? Sa totoo lang, ang naroon sa labas ng hangganan ng magandang lupain ng Canaan ay tanging ilang. Kahit noong nakapasok na ang mga tao sa lugar ng kapahingahan, hindi nila napanindigan ang kanilang tungkulin; hindi ba’t talagang mga patutot sila? Kung mawala sa iyo ang pagkakataon na magawa kang perpekto ng Diyos dito, pagsisisihan mo ito sa mga nalalabing araw mo, walang hanggan ang magiging pagsisisi mo. Magiging katulad ka ni Moises, na pinagmasdan ang lupain ng Canaan nguni’t hindi magawang matamasa ito, nakatikom ang kanyang mga kamao, puno ng pagsisisi ang kanyang kamatayan—hindi mo ba naiisip na kahiya-hiya ito? Hindi mo ba naiisip na nakahihiya, na kutyain ng ibang tao? Handa ka bang hiyain ng ibang tao? Hindi mo ba hangad na mapabuti ang iyong sarili? Hindi mo ba nais na maging marangal at kagalang-galang na ginawang perpekto ng Diyos? Talaga bang wala kang hinahangad na anuman? Ayaw mong tahakin ang iba pang mga landas; ayaw mo rin bang tahakin ang landas na inorden na ng Diyos para sa iyo? Mangangahas ka bang kalabanin ang kalooban ng Langit? Gaano man kahusay ang iyong “kakayahan,” talaga bang kaya mong labagin ang Langit? Naniniwala Ako na makabubuti sa atin na subukang kilalanin nang maayos ang ating mga sarili. Ang isang salita mula sa Diyos ay makapagpapabago sa langit at lupa, kaya’t ano na lang ang isang payat at maliit na tao sa mga mata ng Diyos?

Sa Aking sariling mga karanasan, nakita Ko na kapag lalo mong kinakalaban ang Diyos, mas lalong ipakikita ng Diyos ang Kanyang maharlikang disposisyon, at mas lalong matindi ang pagkastigong “ibibigay” Niya sa iyo; kapag lalo mo Siyang sinusunod, mas lalo ka Niyang iibigin at poprotektahan. Ang disposisyon ng Diyos ay tulad ng isang kasangkapan sa pagpaparusa: Kung susunod ka, magiging ligtas at maayos ka; kapag hindi ka sumunod—kapag lagi mong tinatangkang magpakitang-gilas, at palaging nanlilinlang—agad na nagbabago ang disposisyon ng Diyos. Tulad Siya ng araw sa maulap na araw, magtatago Siya mula sa iyo at ipakikita sa iyo ang Kanyang poot. Kaya, gayundin, ang Kanyang disposisyon ay tulad ng klima sa buwan ng Hunyo, kung kailan maaliwalas ang kalangitan sa milya-milyang layo at ang mga alon ay mumunti lang sa ibabaw ng karagatan, hanggang sa biglang bumilis ang agos, at ang tubig ay naging isang dumadaluyong na malaking alon. Mangangahas ka bang maging walang-ingat sa harap ng gayong disposisyon ng Diyos? Sa inyong mga karanasan, mga kapatid na lalaki at babae, nakita na ng karamihan sa inyo na kapag ang Banal na Espiritu ay kumikilos sa liwanag ng araw, puno kayo ng pananampalataya—subali’t gayunman, nang hindi inaasahan, bigla kang tinalikdan ng Espiritu ng Diyos, at labis kang pinahihirapan na hindi ka makatulog sa gabi, hinahanap kung saang direksyon naglaho ang Kanyang Espiritu. Anuman ang gawin mo, hindi mo mahanap kung saan nagtungo ang Kanyang Espiritu—subalit gayunman, nang hindi inaasahan, muli Siyang nagpapakita sa iyo, at tuwang-tuwa ka na gaya ni Pedro nang bigla niyang nakitang muli ang kanyang Panginoong Jesus, tuwang-tuwa na halos mapahagulhol. Talaga bang nakalimutan mo na ito, matapos itong maranasan nang napakaraming beses? Ang Panginoong Jesucristo, na nagkatawang-tao, na ipinako sa krus, at pagkatapos ay nabuhay na mag-uli at umakyat sa langit, ay laging nakatago sa iyo sa sandaling panahon, at pagkatapos ay magpapakita sa iyo sa sandaling panahon. Ipinahahayag Niya ang Kanyang sarili sa iyo dahil sa iyong pagiging matuwid, at Siya ay nagagalit at nililisan ka dahil sa iyong mga kasalanan, kaya bakit hindi ka mas nananalangin sa Kanya? Hindi mo ba alam na pagkatapos ng Pentecostes, may isa pang atas ang Panginoong Jesucristo sa lupa? Ang tanging alam mo ay ang katotohanan na nagkatawang-tao ang Panginoong Jesucristo, naparito sa lupa, at ipinako sa krus. Hindi mo kailanman napagtanto na ang Jesus na sinampalatayanan mo noon ay matagal nang ipinagkatiwala ang Kanyang gawain sa iba, at na matagal na itong natapos, kaya muling naparito sa mundo ang Espiritu ng Panginoong Jesucristo sa anyong katawang-tao para gawin ang isa pang bahagi ng Kanyang gawain. May nais Akong isingit dito—sa kabila ng katotohanang kayo ay kasalukuyang nasa agos na ito, hayagan Kong sinasabi na iilan sa inyo ang naniniwala na ang taong ito ang Isa na ipinagkaloob sa inyo ng Panginoong Jesucristo. Alam lang ninyo na tamasahin Siya; hindi ninyo kinikilala na muling naparito sa mundo ang Espiritu ng Diyos, at hindi ninyo kinikilala na ang Diyos sa kasalukayan ay ang Jesucristo ng nakaraang libu-libong taon. At kaya sasabihin Ko na lahat kayo ay naglalakad nang nakapikit—tinatanggap lang ninyo kung saan man kayo humantong—at talagang hindi kayo seryoso tungkol dito. Kaya naniniwala kayo kay Jesus sa salita, nguni’t nangangahas na hayagang labanan ang Isa na pinatototohanan ng Diyos ngayon. Hindi ka ba hangal? Walang pakialam ang Diyos sa kasalukuyan sa iyong mga pagkakamali, hindi ka Niya kinokondena. Sinasabi mo na naniniwala ka kay Jesus, kung gayon papalampasin ka ba ng iyong Panginoong Jesucristo? Iniisip mo ba na ang Diyos ay parang isang lugar para sa iyo na mapaglalabasan ng matinding emosyon, mapagsisinungalingan at malilinlang? Kapag muling inihahayag ng iyong Panginoong Jesucristo ang Kanyang sarili, pagpapasyahan Niya kung ikaw ay matuwid o kung ikaw ay masama batay sa inaasal mo ngayon. Karamihan sa mga tao ay nagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa tinutukoy Ko na “Aking mga kapatid na lalaki at babae,” at naniniwala na ang mga paraan ng paggawa ng Diyos ay magbabago. Hindi ba naghahangad ng kamatayan ang gayong mga tao? Papatotohanan ba ng Diyos si Satanas bilang Diyos Mismo? Sa ganito, hindi mo ba kinokondena ang Diyos? Naniniwala ka ba na kahit sino ay kayang maging Diyos Mismo? Kung talagang alam mo, hindi ka magkakaroon ng anumang mga kuru-kuro. Nasa Bibliya ang sumusunod na talata: Lahat ng bagay ay para sa Kanya at lahat ng bagay ay mula sa Kanya. Dadalhin Niya sa kaluwalhatian ang maraming anak na lalaki at Siya ang ating Kapitan…. Kaya hindi Siya nahihiyang tawagin tayong mga kapatid na lalaki. Maaaring madali mong mabigkas ang mga salitang ito nang saulado, nguni’t hindi mo nauunawaan ang talagang kahulugan ng mga ito. Hindi ka ba naniniwala sa Diyos nang nakapikit?

Naniniwala Ako na pinagpala ang ating henerasyon upang makayanang tahakin ang daan na hindi natapos ng naunang mga henerasyon, at upang makita ang muling pagpapakita ng Diyos ng nakalipas na libu-libong taon—isang Diyos na kasama natin, at nananagana sa lahat ng bagay. Hindi mo man lang sana maiisip na tatahakin mo ang landas na ito—hindi ba ito ay isang bagay na magagawa mo? Ang landas na ito ay tuwirang pinangungunahan ng Banal na Espiritu, pinangungunahan ito ng makapitong beses na pinalakas na Espiritu ng Panginoong Jesucristo, at ito ang landas na binuksan na para sa iyo ng Diyos sa kasalukuyan. Maging sa iyong hinagap, hindi mo maiisip na ang Jesus ng nakalipas na ilang libong taon ay muling magpapakita sa harapan mo. Hindi ka ba magpapasalamat? Sino ang makalalapit nang harap-harapan sa Diyos? Madalas Akong nananalangin para sa ating pangkat na makatanggap ng higit pang dakilang mga pagpapala mula sa Diyos, na kalugdan tayo ng Diyos at makamit Niya, nguni’t mayroon ding di-mabilang na pagkakataon na tumangis Ako para sa atin, hinihiling na bigyang-liwanag tayo ng Diyos, nang sa gayon ay maaaring makita natin ang mas dakilang mga paghahayag. Kapag nakikita Ko ang mga tao na patuloy na nagtatangkang linlangin ang Diyos at hindi naghahangad ng anuman, o kaya naman ay isinasaisip ang laman, o nagsusumikap para sa mga interes at reputasyon upang itampok ang kanilang mga sarili, paanong hindi Ako makadarama ng matinding kirot sa Aking puso? Paanong naging napakamanhid ng mga tao? Talaga bang walang naging epekto ang gawain Ko? Kung suwail at di-mapagmahal tungo sa iyo ang mga anak mo, kung wala silang konsensiya, kung sarili lang nila ang iniisip nila at hindi kailanman isinasaalang-alang ang nararamdaman mo, at kung pinalayas ka nila sa bahay nang magsilakihan na sila, ano ang madarama mo sa puntong iyon? Wala bang luhang aagos sa mukha mo habang naaalala mo ang dugo, pawis, at sakripisyong inilagak mo sa pagpapalaki sa kanila? Kaya nanalangin na Ako nang di-mabilang na beses sa Diyos at sinabing, “Mahal na Diyos! Ikaw lang ang nakaaalam kung dinadala Ko ang isang pasanin para sa Iyong gawain. Kung ang mga ginagawa Ko ay hindi ayon sa Iyong kalooban, disiplinahin Mo Ako, gawin Akong perpekto, at ipaalam sa Akin. Ang tanging hiling Ko sa Iyo ay mas antigin Mo pa ang mga taong ito, upang Ikaw ay maaaring magtamo ng kaluwalhatian sa lalong madaling panahon at sila ay makamit Mo, upang matamo ng Iyong gawain ang Iyong kalooban, at mas maagang matapos ang Iyong plano.” Hindi nais ng Diyos na lupigin ang mga tao sa pamamagitan ng pagkastigo, hindi Niya nais pamunuan ang mga tao nang may pamimilit. Nais Niya na sumunod ang mga tao sa Kanyang mga salita at gumawa na may disiplina, at sa pamamagitan nito, masunod ang Kanyang kalooban. Ngunit walang kahihiyan ang mga tao at patuloy na naghihimagsik laban sa Kanya. Naniniwala ako na pinakamabuti sa atin na hanapin ang pinakasimpleng paraan upang bigyan Siya ng kasiyahan, iyon ay ang sundin ang lahat ng Kanyang pagsasaayos. Kung talagang magagawa mo ito, ikaw ay gagawing perpekto. Hindi ba’t madali, at masayang bagay ito? Tahakin ang daan na dapat mong tahakin; huwag pansinin ang sinasabi ng iba, at huwag masyadong mag-isip. Nasa mga kamay mo ba ang iyong kinabukasan at kapalaran? Palagi kang nagtatangkang tumakas, na naghahangad na tahakin ang makamundong daan—ngunit bakit hindi ka makatakas? Bakit nag-aalinlangan ka sa sangang-daan sa loob ng maraming taon at pagkatapos humahantong din sa pagpili muli sa daang ito? Matapos magpagala-gala nang maraming taon, bakit bumalik ka ngayon sa bahay na ito kahit ayaw mo? Ikaw ba ang nagpasya nito? Para sa inyo na nasa daloy na ito, kung hindi ninyo Ako pinaniniwalaan, pakinggan ito: Kung balak mong umalis, subukan mo kung papayagan ka ng Diyos, tingnan mo kung paano ka aantigin ng Banal na Espiritu—danasin mo ito para sa iyong sarili. Hayagan kong sasabihin, kahit magdanas ka ng kasawiang-palad, kailangan mong matiis ito sa daloy na ito, at kung may pagdurusa, dapat kang magdusa rito, ngayon; hindi ka makakapunta sa ibang lugar. Malinaw ba ito sa iyo? Saan ka pupunta? Ito ang atas administratibo ng Diyos. Iniisip mo ba na ang pagpili ng Diyos sa grupong ito ng mga tao ay walang kahulugan? Sa Kanyang gawain ngayon, ang Diyos ay hindi kaagad nagagalit—ngunit kapag tinatangka ng mga tao na sirain ang Kanyang plano, kaagad nagbabago ang Kanyang mukha, ang dating maaliwalas ay nagiging madilim. Kaya, pinapayuhan kita na magpakumbaba at sumunod sa mga plano ng Diyos, at tulutan Siya na gawin kang ganap. Tanging ang gumagawa nito ay matatalino.

Sinundan: Ang Landas … 6

Sumunod: Ang Landas … 8

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito