Ang Pananaw na Dapat Panghawakan ng mga Mananampalataya
Ano na ang nakamit ng tao mula nang una siyang maniwala sa Diyos? Ano na ang nalalaman mo tungkol sa Diyos? Gaano na kalaki ang ipinagbago mo dahil sa paniniwala mo sa Diyos? Ngayon, alam na ninyong lahat na ang paniniwala ng tao sa Diyos ay hindi lamang para sa kaligtasan ng kaluluwa at kapakanan ng laman, ni hindi ito upang pagyamanin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos, at iba pa. Sa ngayon, kung mahal mo ang Diyos alang-alang sa kapakanan ng laman o panandaliang kasiyahan, kahit sa bandang huli ay umabot sa sukdulan ang pagmamahal mo sa Diyos at wala ka nang hinihiling pa, hindi pa rin puro ang pagmamahal na ito na hinahangad mo at hindi kalugud-lugod sa Diyos. Ang mga gumagamit ng pagmamahal sa Diyos upang pagyamanin ang nakababagot nilang buhay at punan ang kahungkagan sa kanilang puso ay ang uri ng mga tao na nagnanasa sa madaling buhay, hindi sila tunay na naghahangad na mahalin ang Diyos. Ang ganitong uri ng pagmamahal ay sapilitan, ito ay paghahangad ng kasiyahang pangkaisipan, at hindi ito kailangan ng Diyos. Kung gayon, anong klase ang pagmamahal mo? Para saan ang pagmamahal mo sa Diyos? Gaano kalaki ang tunay na pagmamahal sa Diyos na nasa iyong kalooban ngayon? Ang pagmamahal ng karamihan sa inyo ay katulad ng nabanggit. Mapapanatili lamang ng gayong pagmamahal ang kasalukuyang estado ng mga bagay-bagay; hindi nito makakamit ang kawalan ng pagbabago, ni hindi ito mag-uugat sa tao. Ang ganitong klaseng pagmamahal ay katulad lamang ng isang bulaklak na namumukadkad at nalalanta nang hindi namumunga. Sa madaling salita, matapos mong mahaling minsan ang Diyos sa gayong paraan, kung walang sinumang aakay sa iyo sa landas sa unahan, malulugmok ka. Kung kaya mo lamang mahalin ang Diyos sa oras ng pagmamahal sa Diyos ngunit pagkatapos ay hindi pa rin nagbabago ang iyong disposisyon sa buhay, hindi ka pa rin makakatakas sa pagkabalot ng impluwensya ng kadiliman, hindi ka pa rin makakalaya mula sa mga gapos ni Satanas at sa pandaraya nito. Walang sinumang tulad nito ang ganap na makakamit ng Diyos; sa huli, pag-aari pa rin ni Satanas ang kanilang espiritu, kaluluwa, at katawan. Walang alinlangan iyan. Lahat ng hindi ganap na makakamit ng Diyos ay babalik sa kanilang orihinal na lugar, ibig sabihin, babalik sila kay Satanas, at bababa sa lawa ng apoy at asupre upang tanggapin ang susunod na hakbang ng kaparusahan mula sa Diyos. Yaong mga nakamit ng Diyos ay yaong mga tinatalikdan si Satanas at tumatakas mula sa kapangyarihan nito. Sila ay opisyal na kabilang sa mga tao ng kaharian. Ganito ang kinahihinatnan ng mga tao ng kaharian. Handa ka bang maging ganitong klaseng tao? Handa ka bang makamit ng Diyos? Handa ka bang tumakas mula sa kapangyarihan ni Satanas at bumalik sa Diyos? Pag-aari ka na ba ngayon ni Satanas o kabilang ka sa mga tao ng kaharian? Dapat ay maliwanag na ang mga bagay na ito, at hindi na nangangailangan ng karagdagang paliwanag.
Noong araw, maraming naghangad nang may napakatayog na ambisyon at mga kuru-kuro, naghangad sila bunga ng kanilang sariling mga pag-asam. Isantabi natin ang ganitong mga isyu sa sandaling ito; ang pinakamahalaga ngayon ay humanap ng paraan ng pagsasagawa na magbibigay sa bawat isa sa inyo ng kakayahang mapanatili ang isang normal na kalagayan sa harap ng Diyos at unti-unting makawala sa mga gapos ng impluwensya ni Satanas, upang makamit kayo ng Diyos, at maisabuhay ninyo sa lupa ang hinihingi sa inyo ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang ninyo matutupad ang mga layunin ng Diyos. Maraming naniniwala sa Diyos, subalit hindi alam kung ano ang nais ng Diyos ni kung ano ang nais ni Satanas. Naniniwala sila nang may pagkalito, basta sumasabay na lamang sa daloy, kaya nga hindi sila kailanman nagkaroon ng isang normal na buhay-Kristiyano; higit pa rito, hindi sila kailanman nagkaroon ng normal na personal na mga relasyon, lalo na ng normal na relasyon sa Diyos. Mula rito makikita na maraming paghihirap at pagkukulang ang tao, at iba pang mga kadahilanang maaaring makahadlang sa kalooban ng Diyos. Sapat na ito upang patunayan na hindi pa nakatahak ang tao sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos, ni hindi pa sila nakapasok sa tunay na karanasan ng buhay ng tao. Kaya ano ang ibig sabihin ng tumahak sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos? Ang tumahak sa tamang landas ay nangangahulugan na maaari mong patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos sa lahat ng oras at matamasa ang normal na pakikipagniig sa Diyos, na unti-unting nalalaman kung ano ang kulang sa tao at dahan-dahang nagkakamit ng mas malalim na kaalaman tungkol sa Diyos. Sa pamamagitan nito, nagkakamit ng bagong kabatiran at bagong kaliwanagan ang iyong espiritu araw-araw; lumalago ang iyong pananabik, hinahangad mong makapasok sa katotohanan, at araw-araw ay may bagong liwanag at bagong pagkaunawa. Sa pamamagitan ng landas na ito, unti-unti kang makakalaya sa impluwensya ni Satanas at lalago sa iyong buhay. Ang gayong mga tao ay nakapasok na sa tamang landas. Suriin ang sarili mong aktwal na mga karanasan at siyasatin ang landas na natahak mo sa iyong pananampalataya: Kapag inihambing mo ang mga iyon sa inilarawan sa itaas, nakikita mo bang nasa tamang landas ka? Sa anong mga bagay ka na nakalaya mula sa mga gapos at impluwensya ni Satanas? Kung hindi ka pa nakakatahak sa tamang landas, hindi pa napuputol ang iyong kaugnayan kay Satanas. Dahil dito, aakayin ka ba ng iyong paghahangad na mahalin ang Diyos patungo sa isang pagmamahal na tunay, nakatuon, at wagas? Sabi mo, hindi natitinag at taos-puso ang pagmamahal mo sa Diyos, subalit hindi ka pa nakakalaya sa mga gapos ni Satanas. Hindi mo ba sinusubukang lokohin ang Diyos? Kung nais mong matamo ang isang kalagayan kung saan puro ang pagmamahal mo sa Diyos, at nais mong ganap na makamit ng Diyos at makabilang sa mga tao ng kaharian, kailangan mo munang itakda ang sarili mo sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos.