Kabanata 100

Kinamumuhian Ko ang lahat ng hindi Ko naitalaga at pinili. Samakatuwid, kailangan ay isa-isa Kong alisin ang mga taong ito sa Aking bahay, sa gayon magiging banal at walang-bahid dungis ang Aking templo, laging bago ang Aking bahay at hindi kailanman maluluma, ang Aking banal na pangalan ay lalaganap magpakailanman, at ang Aking banal na bayan ay magiging Aking mga minamahal. Ang ganitong uri ng tagpo, ang ganitong uri ng bahay, ang ganitong uri ng kaharian ang Aking layunin at Aking tahanan; ito ang saligan ng Aking paglikha ng lahat ng bagay. Walang sinumang maaaring makapagpahapay o makapagpabago nito. Ako lamang at ang Aking minamahal na mga anak ang magkakasamang titira sa loob nito, at walang sinumang papayagang umapak dito, walang papayagang tumira rito, at lalong walang anumang hindi kanais-nais na bagay ang hahayaang mangyari. Ang lahat ay magiging pagpupuri at pagsasaya, at lahat ay magiging isang tagpo na hindi maguguni-guni ng tao. Nais Ko lang na ialay ninyo ang lahat ng inyong lakas sa Akin nang buong puso at isipan, at sa abot ng inyong makakaya. Ngayon man o bukas, naglilingkod ka man sa Akin o nagtatamo ng mga pagpapala, dapat ay ibuhos ninyong lahat ang buong lakas ninyo para sa Aking kaharian. Isa itong obligasyon na dapat gampanan ng lahat ng taong nilalang, at dapat itong maisagawa at maipatupad sa ganitong paraan. Aking pakikilusin ang lahat ng bagay upang maglingkod para sa kagandahan ng Aking kaharian upang maging laging bago, at upang may pagkakasundo at pagkakaisa sa Aking bahay. Walang sinumang pinahihintulutang sumuway sa Akin, at sinumang gumagawa noon ay dapat dumanas ng hatol at isumpa. Ngayon ang Aking mga sumpa ay nagsisimulang sumapit sa lahat ng bansa at lahat ng bayan, at ang Aking mga sumpa ay mas mabagsik pa sa Aking paghatol. Panahon na upang simulang hatulan ang lahat ng tao, kaya ito ay sinasabing mga sumpa. Ito ay dahil ngayon ang huling kapanahunan, at hindi ang panahon ng paglikha. Dahil nagpalit na ang mga kapanahunan, ibang-iba na ngayon ang bilis ng Aking gawain. Dahil sa mga pangangailangan ng Aking gawain, iba na rin ang mga taong Aking kailangan; yaong mga dapat pabayaan ay pababayaan; yaong mga dapat ihiwalay ay ihihiwalay; yaong mga dapat patayin ay papatayin, at yaong mga dapat itira ay kailangang itira. Ito ay isang di-maiiwasang kalakaran na bukod sa kalooban ng tao, at walang taong maaaring magpabago nito. Dapat itong magawa ayon sa Aking kalooban! Aking tinatalikdan yaong mga nais Kong talikdan, at inaalis yaong mga nais Kong alisin; walang sinumang kikilos nang walang pakundangan. Aking itinitira yaong mga gusto Kong itira at Aking minamahal yaong mga gusto Kong mahalin; kailangan itong magawa ayon sa Aking kalooban! Hindi Ako nagpapatangay sa emosyon; sa Akin, mayroon lamang katuwiran, paghatol at poot—walang anumang damdamin. Wala ni katiting na bakas ng tao sa Akin, sapagkat Ako ang Diyos Mismo, ang persona ng Diyos. Dahil nakikita ng lahat ng tao ang aspeto ng Aking pagkatao at hindi pa nila nakita ang aspeto ng Aking pagka-Diyos. Tunay na sila ay mga bulag at naguguluhan!

Kailangan ninyong ingatan sa inyong puso ang Aking sinasabi sa inyo, kailangan ninyong maunawaan ang Aking puso sa pamamagitan ng Aking mga salita at magpakita ng pagsasaalang-alang sa Aking pasanin. Sa gayon, malalaman ninyo ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat at makikita ang Aking persona. Sapagkat ang Aking mga salita ay mga salita ng karunungan, at walang sinumang makakaunawa sa mga prinsipyo o mga batas sa likod ng Aking mga salita. Iniisip ng mga tao na gumagamit Ako ng panlilinlang at kabuktutan at hindi nila Ako nakikilala sa pamamagitan ng Aking mga salita, ngunit sa kabaligtaran, nilalapastangan nila Ako. Napakabulag at napakamangmang nila! Wala silang kahit kaunting pagkaunawa. Bawat pangungusap na Aking binibigkas ay may taglay na awtoridad at paghatol, at walang sinumang maaaring magbago ng Aking mga salita. Sa sandaling lumabas ang Aking mga salita, tiyak na matutupad ang mga bagay ayon sa Aking mga salita; ito ang Aking disposisyon. Ang Aking mga salita ay awtoridad at sinumang bumabago sa mga iyon ay nagkakasala sa Aking pagkastigo, at kailangan Ko silang pabagsakin. Sa seryosong mga kalagayan, ipinapahamak nila ang sarili nilang buhay at napupunta sila sa Hades, o sa walang-hanggang kalaliman. Ito ang Aking tanging paraan ng pakikitungo sa sangkatauhan, at walang paraan ang tao para baguhin ito—ito ang Aking atas administratibo. Tandaan ninyo ito! Walang sinumang pinahihintulutang magkasala sa Aking atas; kailangang magawa ang mga bagay ayon sa Aking kalooban! Dati-rati, napakaluwag Ko sa inyo at ang Aking mga salita lang ang nakatagpo ninyo. Hindi pa nagaganap ang mga salitang Aking ipinahayag tungkol sa pagpapabagsak sa mga tao. Ngunit mula ngayon, lahat ng kalamidad (ang mga ito na may kaugnayan sa Aking mga atas administratibo) ay sunud-sunod na darating upang parusahan ang lahat ng hindi umaayon sa Aking kalooban. Kailangang magkaroon ng pagdating ng mga katotohanan—kung hindi ay hindi makikita ng mga tao ang Aking poot kundi paulit-ulit nilang durungisan ang kanilang sarili. Isa itong hakbang ng Aking plano ng pamamahala, at ito ang paraan kung paano Ko gagawin ang susunod na hakbang ng Aking gawain. Ipinagpapauna Ko ito sa inyo nang sa gayon ay maiwasan ninyong makagawa ng pagkakasala at mapahamak magpakailanman. Ibig sabihin, mula sa araw na ito, papupuntahin ko ang lahat ng tao, maliban sa Aking mga panganay na anak, sa kanilang dapat kalagyan ayon sa Aking kalooban, at isa-isa Ko silang kakastiguhin. Hindi Ko palalagpasin ang kahit isa sa kanila. Subukan lang ninyong magpakasamang muli! Subukan mo lang maging suwail na muli! Nasabi Ko na noon na matuwid Ako sa lahat, na wala Ako ni katiting na damdamin, at ipinapakita nito na hindi dapat magkasala sa Aking disposisyon. Ito ang Aking persona. Walang sinumang maaaring magbago nito. Naririnig ng lahat ng tao ang Aking mga salita at nakikita ng lahat ng tao ang Aking maluwalhating mukha. Kailangan Akong sundin ng lahat ng tao nang lubusan at ganap—ito ang Aking atas administratibo. Lahat ng tao sa buong sansinukob at sa mga dulo ng mundo ay dapat Akong purihin at luwalhatiin, sapagkat Ako ang natatanging Diyos Mismo, sapagkat Ako ang persona ng Diyos. Walang sinumang maaaring magbago ng Aking mga salita at pahayag, ng Aking pananalita at kilos, sapagkat ang mga ito ay mga bagay na para sa Akin lamang, at ang mga ito ay mga bagay na taglay Ko na noong una pa man at iiral magpakailanman.

Nagkikimkim ang mga tao ng paghahangad na subukin Ako, at nais nilang makasumpong sa Aking mga salita ng isang bagay na magagamit nila laban sa Akin, upang siraan Ako. Sisiraan mo ba Ako? Hahatulan ba Ako nang ganoon na lamang? Basta-basta na lang ba pag-uusapan ang Aking ginagawa? Isang grupo talaga kayo ng mga di-alam kung ano ang makakabuti sa inyo! Ni hindi man lang ninyo Ako kilala! Ano ang Bundok ng Sion? Ano ang Aking tirahan? Ano ang magandang lupain ng Canaan? Ano ang saligan ng paglikha? Bakit patuloy Kong binabanggit, sa nakaraang ilang araw, ang mga salitang ito? Ang Bundok ng Sion, ang Aking tirahan, ang magandang lupain ng Canaan, ang saligan ng paglikha—binabanggit lahat ng ito bilang pagtukoy sa Aking persona (bilang pagtukoy sa katawan). Iniisip ng lahat ng tao na ang mga ito ay mga lugar na pisikal na umiiral. Ang Aking persona ay ang Bundok ng Sion; ito ang Aking tirahan. Sinumang pumasok sa espirituwal na mundo ay aakyat sa Bundok ng Sion at papasok sa Aking tirahan. Nilalang Ko ang lahat ng bagay sa loob ng Aking persona; ibig sabihin, lahat ng bagay ay nilikha sa loob ng katawan, samakatuwid ay ito ang saligan. Bakit Ko sinasabing kasama Ko kayong babalik sa katawan? Naririyan ang orihinal na kahulugan. Tulad na lang ng katawagang “Diyos,” ang mga pangngalang ito ay walang kahulugan sa ganang sarili nila, kundi sa halip ay iba’t ibang pangalan na Aking ibinibigay sa iba’t ibang lugar. Kaya huwag ninyong masyadong pansinin ang literal na kahulugan ng mga iyon, kundi pagtuunan lamang ninyo ang pakikinig sa Aking mga salita. Kailangan ninyong makita ang mga iyon sa ganitong paraan, at pagkatapos ay mauunawaan na ninyo ang Aking kalooban. Bakit paulit-ulit Kong ipinaaalala sa inyo na mayroong karunungan sa Aking mga salita? Ilan sa inyo ang sinubukan nang alamin ang kahulugan sa likod nito? Lahat kayo ay pikit-matang nagsusuri at wala sa katwiran!

Hindi pa rin ninyo nauunawaan ngayon ang karamihan sa mga bagay na nasabi Ko na noon. Nananatili kayong nag-aalinlangan at hindi ninyo mabigyang-kasiyahan ang Aking puso. Sa anumang oras na magiging tiyak kayo tungkol sa bawat pangungusap na Aking binibigkas, iyon ang sandaling gugulang ang inyong buhay. Para sa Akin, ang isang araw ay gaya ng isang libong taon at ang isang libong taon ay gaya ng isang araw; paano ninyo iniisip ang tungkol sa oras na sinasabi Ko? Paano ninyo ito ipaliliwanag? Mali ang pakahulugan ninyo rito! At bukod pa riyan, karamihan sa mga tao ay inaabala Ako tungkol dito, inaasam na makakita ng isang bagay na magagamit laban sa Akin—hindi ninyo alam kung ano ang mabuti para sa inyo! Mag-ingat ka, dahil kung hindi ay pababagsakin kita! Kapag dumating ang araw kung kailan maliwanag na ang lahat, mauunawaan na ninyo nang lubos. Hindi Ko pa rin sinasabi sa inyo ngayon (ngayon ang panahon para ilantad ang mga tao; kailangang mag-ingat at magmasid ang lahat para mabigyang-kasiyahan ang Aking kalooban). Ilalantad Ko ang lahat ng tao sa pamamagitan ng Aking mga salita, at mabubunyag ang orihinal nilang anyo upang ipakita kung totoo sila o hindi. Kung ang isang tao ay isang patutot o isang masamang babae, kailangan Ko silang ilantad. Sinabi Ko na noon na ginagawa Ko ang mga bagay-bagay nang walang kahirap-hirap at ginagamit Ko lang ang Aking mga salita para ilantad ang mga tao. Wala akong kinatatakutang balatkayo; sa sandaling mabigkas ang Aking mga salita, kailangan mong ibunyag ang orihinal mong anyo, at gaano ka man kagaling magbalatkayo ay tiyak na hindi Ako malilinlang nito. Ito ang prinsipyo ng Aking mga gawa—ang gumamit lang ng mga pahayag at hindi gumugol ng anupamang lakas. Pinapagod ng mga tao ang kanilang sarili tungkol sa kung matutupad ang Aking mga salita o hindi, at nababalisa sila para sa Aking kapakanan at nag-aalala para sa Akin, ngunit hindi naman talaga kailangan ang mga pagsisikap na ito; hindi talaga kailangan ang mga sakripisyong iyon. Nag-aalala ka sa Akin, ngunit gumulang na ba ang sarili mong buhay? Paano naman ang iyong sariling tadhana? Tanungin mo nang madalas ang iyong sarili at huwag kang maging pabaya. Dapat isaalang-alang ng lahat ng tao ang Aking gawain at—sa pamamagitan ng Aking mga gawa at Aking mga salita—makita ang Aking persona, mas makilala Akong mabuti, malaman ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat, malaman ang Aking karunungan at malaman ang mga paraan at pamamaraan kung paano Ko nilikha ang lahat ng bagay, at sa gayon ay bigyan Ako ng walang-humpay na papuri. Ipakikita Ko sa lahat ng tao kung kanino Ko itinatalaga ang Aking mga atas administratibo, na siyang Aking ginagawaan, kung ano ang nais Kong gawin at kung ano ang nais Kong tapusin. Ito ay isang bagay na kailangang makamit ng bawat tao, dahil ito ang Aking atas administratibo. Tutuparin Ko ang Aking sinasabi. Walang sinuman ang dapat manuri nang basta-basta sa Aking mga salita; kailangang makita ng lahat ang mga prinsipyo sa likod ng Aking mga gawa sa pamamagitan ng Aking mga salita, at mula sa Aking mga salita ay malaman kung ano ang Aking poot, kung ano ang Aking sumpa at kung ano ang Aking paghatol. Ang mga bagay na ito ay nakasalalay sa Aking mga salita at mga bagay na dapat makita ng bawat tao sa loob ng bawat isa sa Aking mga salita.

Sinundan: Kabanata 99

Sumunod: Kabanata 101

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito