Kabanata 99

Dahil tumutulin ang takbo ng Aking gawain, walang sinumang makasasabay sa Aking mga yapak, at walang sinumang makapapasok sa Aking isipan, pero ito lamang ang daan pasulong. Ito ang “mga patay” (tinutukoy nito ang pagiging hindi kayang tarukin ang Aking kalooban, pagiging hindi kayang maunawaan ang ibig Kong sabihin mula sa Aking mga salita; isa pa itong paliwanag ng “mga patay,” at hindi nangangahulugang “pagiging pinabayaan ng Aking Espiritu”) sa pariralang “nabuhay na mag-uli mula sa mga patay,” na napag-usapan na. Kapag kayo at Ako ay nakalipat na mula sa yugtong ito papunta sa katawan, matutupad ang totoong kahulugan ng “muling pagkabuhay mula sa mga patay” (ibig sabihin, ito ang totoong kahulugan ng muling pagkabuhay mula sa mga patay). Ngayon, ito ang kalagayan kung saan kayong lahat ay umiiral: Hindi ninyo matarok ang Aking kalooban at hindi ninyo matagpuan ang Aking mga yapak. Bukod pa riyan, hindi kayo matahimik sa inyong mga espiritu, kaya nakadarama kayo ng pagkabalisa sa isipan. Ang ganitong uri ng kalagayan mismo ang “pagdurusa” na binanggit Ko, at sa ganitong pagdurusa, na hindi kayang tiisin ng mga tao, sa isang banda ay iniisip ninyo ang sarili ninyong hinaharap, at sa kabilang banda ay tinatanggap ninyo ang Aking panununog at Aking paghatol, na nanggagaling at tumatama sa inyo mula sa lahat ng direksyon. Dagdag pa, hindi ninyo matarok ang anumang mga alituntunin mula sa tono at paraan ng Aking pananalita, at sa isang araw ng pagbigkas, maraming uri ng tono, kaya lubha kayong nagdurusa. Ito ang mga hakbang sa Aking gawain. Ito ang Aking karunungan. Sa hinaharap, mararanasan ninyo ang mas matindi pang pagdurusa sa aspetong ito, na lahat ay para ibunyag ang lahat ng mapagpaimbabaw na tao—dapat malinaw na ito ngayon! Ganito ang paraan ng Aking paggawa. Sa motibasyon ng ganitong uri ng pagdurusa, at pagkatapos maranasan ang pasakit na ito na katumbas ng kamatayan, papasok kayo sa isa pang dako. Papasok kayo sa katawan at maghaharing kasama Ko sa lahat ng bansa at lahat ng bayan.

Bakit Ako nagsasalita kamakailan nang may mas marahas na tono? Bakit napakadalas magbago ang Aking tono, at bakit napakadalas na ring nagbago ang Aking paraan ng paggawa? Ang Aking karunungan ay nasa mga bagay na ito. Binibigkas ang Aking mga salita para sa lahat ng nakatanggap na ng pangalang ito (naniniwala man sila o hindi na maisasakatuparan ang Aking mga salita), kaya dapat mapakinggan at makita ng lahat ang Aking mga salita, at hindi dapat supilin ang mga ito, dahil mayroon Akong paraan Ko ng paggawa at mayroon Ako ng Aking karunungan. Ginagamit Ko ang Aking mga salita para hatulan ang mga tao, para ibunyag ang mga tao, at para ilantad ang kalikasan ng tao. Sa gayon, hinihirang Ko yaong Aking pinili, at inaalis Ko yaong mga hindi Ko paunang itinalaga o hinirang. Lahat ito ay Aking karunungan at pagiging kamangha-mangha ng Aking gawain. Ito ang Aking pamamaraan sa yugtong ito ng Aking gawain. Sa mga tao, mayroon bang sinumang makatatarok sa Aking kalooban? Sa mga tao, mayroon bang sinumang makapagsasaalang-alang sa Aking pasanin? Ang Siya na gumagawa ng gawain ay Ako, ang Diyos Mismo. Darating ang araw kung kailan lubusan ninyong mauunawaan ang kabuluhan ng mga salita Kong ito, at magiging ganap na malinaw sa inyo kung bakit nais Kong sabihin ang mga salitang ito. Ang Aking karunungan ay walang-katapusan, walang-hangganan, at di-masukat, at lubusan itong di-malirip ng mga tao. Kaya lamang makita ng mga tao ang isang bahagi nito mula sa mga bagay na ginagawa Ko, ngunit ang kanilang nakikita ay may depekto pa rin at hindi pa rin kumpleto. Kapag lubusan na kayong nakalipat mula sa yugtong ito papunta sa kasunod na yugto, malinaw na ninyo itong makikita. Tandaan! Ngayon ang pinakamahalagang kapanahunan—ito ang huling yugto kung saan kayo ay nasa laman. Ang inyong buhay ngayon ay ang panghuli ng inyong pisikal na buhay. Pagpasok ninyo sa espirituwal na mundo mula sa laman, sa panahong iyon, mawawala sa inyo ang lahat ng pasakit. Labis kayong magagalak at magbubunyi, at lulundag kayo sa galak nang walang tigil. Pero dapat maging malinaw sa inyo na ang mga salitang ito na sinasabi Ko ay para lamang sa mga panganay na anak, dahil ang mga panganay na anak lamang ang karapat-dapat sa pagpapalang ito. Ang pagpasok sa espirituwal na mundo ang pinakamalaking pagpapala, ang pinakamataas na pagpapala, at ang pinakamahalagang bagay para tamasahin. Ang inyong mga kinakamtan ngayon para kainin at isuot ay walang iba kundi mga kasiyahan ng laman; ang mga ito ay biyaya, at sadyang wala Akong pagpapahalaga sa mga bagay na ito. Ang pinagtutuunan ng Aking gawain ay nasa kasunod na yugto (ang pagpasok sa espirituwal na mundo at pagharap sa mundo ng sansinukob).

Nasabi Ko nang ang malaking pulang dragon ay Akin nang napabagsak at nadurog. Paanong hindi ninyo pinaniniwalaan ang Aking mga salita? Bakit hinahangad pa rin ninyo na magtiis ng pag-uusig at paghihirap para sa Akin? Hindi ba ito di-kinakailangang pagbabayad ninyo ng halaga? Naipaalala Ko na sa inyo nang maraming beses na kailangan lamang ninyong magtamasa, habang personal Kong ginagawa ang gawain: Bakit napakasigasig ninyong kumilos? Talagang hindi ninyo alam kung paano magtamasa! Lubusan Ko nang naihanda para sa inyo ang lahat—bakit wala pang sinuman sa inyo ang lumalapit sa Akin para kunin ito? Hindi pa rin kayo nakatitiyak sa nasabi Ko na! Hindi ninyo Ako naiintindihan! Iniisip ninyo na nagsasalita Ako ng mga walang-lamang mababait na pananalita; talagang naguguluhan kayo! (Ang ganap na mga paghahandang sinasabi Ko ay nangangahulugan na dapat kayong mas tumingala pa sa Akin at mas manalangin pa sa harapan Ko, habang personal Akong gagawa para sumpain ang lahat ng lumalaban sa Akin, at parusahan ang lahat ng umuusig sa inyo.) Wala kayong anumang alam tungkol sa Aking mga salita! Ibinubunyag Ko sa inyo lahat ng Aking hiwaga, ngunit gaano karami sa inyo ang talagang nauunawaan ang mga ito? Gaano karami sa inyo ang malalim na nauunawaan ang mga ito? Ano ang Aking trono? Ano ang Aking tungkod na bakal? Sino sa inyo ang nakaaalam? Kapag binabanggit ang Aking trono, iniisip ng karamihan sa mga tao na iyon ay kung saan Ako nauupo, o na tinutukoy nito ang Aking dakong tahanan, o na tinutukoy nito Ako, ang persona na Ako. Lahat ng ito ay maling pagkaunawa—isang magulong pagkaunawa lamang! Walang isa man sa mga pagkaintinding ito ang tama, hindi ba? Ganito ang pagkaunawa at pagtarok ninyong lahat dito—isa lamang itong matinding paglihis ng pagkaunawa! Ano ang awtoridad? Ano ang kaugnayan sa pagitan ng awtoridad at trono? Ang trono ang Aking awtoridad. Kapag itinataas ng Aking mga panganay na anak ang Aking trono, iyon ang panahon na tatanggapin ng Aking mga panganay na anak ang awtoridad mula sa Akin. Ako lamang ang may awtoridad, kaya Ako lamang ang may trono. Sa ibang salita, pagkatapos na magdusa ang Aking mga panganay na anak sa katulad na paraang nagdusa Ako, tatanggapin nila kung ano Ako at kung anong mayroon Ako, at tatanggapin nila ang lahat mula sa Akin; ito ang proseso kung paano nila maaabot ang katayuan ng panganay na anak. Ito ang magiging panahon kung kailan itataas ng Aking mga panganay na anak ang Aking trono, at ito rin ang magiging panahon na tatanggapin nila ang awtoridad mula sa Akin. Dapat nauunawaan na ninyo ito ngayon! Malinaw ang lahat ng sinasabi Ko at ganap na maliwanag para maunawaan ng lahat. Isantabi ninyo ang mga sarili ninyong kuru-kuro, at maghintay na tanggapin ang mga hiwaga na ibinubunyag Ko sa inyo! Kaya ano ang tungkod na bakal? Sa nakaraang yugto, tumukoy ito sa Aking mababagsik na salita, ngunit ngayon iba na ito sa nakaraan: Ngayon tumutukoy ang tungkod na bakal sa Aking mga gawa, na matitinding sakunang nagtataglay ng awtoridad. Kaya tuwing binabanggit ang tungkod na bakal, palagi itong nakaugnay sa awtoridad. Ang orihinal na kahulugan ng tungkod na bakal ay tumutukoy sa matitinding sakuna—bahagi ito ng awtoridad. Dapat malinaw na makita ito ng lahat at sa gayon lamang nila matatarok ang Aking kalooban at matatanggap ang pagbubunyag mula sa Aking mga salita. Sinumang taglay ang gawain ng Banal na Espiritu ay hawak ang tungkod na bakal sa kanyang kamay, at siya ang nagtataglay ng awtoridad at may karapatang ipatupad ang alinman sa matitinding sakuna. Isa ito sa Aking mga atas administratibo.

Lahat at ang bawat bagay ay bukas sa inyo (tumutukoy ito sa bahagi na itinuro na nang malinaw), at lahat at ang bawat bagay ay nakatago sa inyo (tumutukoy ito sa lihim na bahagi ng Aking mga salita). Nagsasalita Ako nang may karunungan: hinahayaan Ko kayong maunawaan lamang ang literal na kahulugan ng ilan sa Aking mga salita, habang hinahayaan Ko kayong tarukin ang kahulugan ng iba (pero karamihan sa mga tao ay hindi kayang makaunawa), dahil ito ang pagkakasunud-sunod ng Aking gawain. Masasabi Ko lamang sa inyo ang tunay na kahulugan ng Aking mga salita kapag naabot na ninyo ang isang partikular na tayog. Ito ang karunungan Ko at ang mga ito ang Aking mga kamangha-manghang gawa (nang sa gayon ay gawin kayong perpekto at para lubusang talunin si Satanas at hiyain ang mga diyablo). Kapag lamang nakapasok na kayo sa isa pang dako na magagawa ninyong lubusang maunawaan. Kailangang gawin Ko ito sa ganitong paraan dahil sa mga kuru-kuro ng tao, maraming bagay na sadyang hindi mawari ng mga tao, at kahit na malinaw Akong magsalita sa inyo, hindi pa rin ninyo mauunawaan. Ang mga isip ng mga tao, kung sa bagay, ay limitado, at maraming bagay na maipararating Ko lamang sa inyo pagkatapos ninyong makapasok sa espirituwal na mundo; kung hindi, hindi ito kayang gawin ng laman ng tao, at makagagambala lamang ito sa Aking pamamahala. Ito ang tunay na kahulugan ng “ang pagkakasunud-sunod ng Aking gawain” na sinasabi Ko. Sa inyong mga kuru-kuro, gaano ninyo Ako nauunawaan? Wala bang mali ang inyong pagkaunawa? Ito ba ay kaalaman na nasa espiritu? Kung gayon, dapat na hayaan Ko kayong makalipat sa isa pang dako upang matapos ninyo ang Aking gawain at magawa ang Aking kalooban. Kaya ano ba talaga itong isa pang dako? Ito ba talaga ay isang uri ng nangingibabaw na tanawin, gaya ng iniisip ng mga tao? Ito ba talaga ay isang bagay na gaya ng hangin na hindi nakikita o nararamdaman, pero umiiral? Gaya ng nasabi Ko na, ang pagiging nasa katawan ay isang pagkakaroon ng laman at buto, ng pagtataglay ng anyo at hugis. Talagang totoo ito at hindi mapag-aalinlanganan, at dapat itong paniwalaan ng lahat. Ito ang tunay na kalagayan sa katawan. Bukod pa riyan, sa katawan ay walang mga bagay na kinamumuhian ng mga tao. Pero ano ba talaga ang kalagayang ito? Kapag lumilipat ang mga tao mula sa laman papunta sa katawan, isang malaking pangkat ang dapat lumitaw. Na ibig sabihin, hihiwalay sila sa kanilang makalamang tahanan, at maaaring sabihin na bawat isa ay susunod sa kanyang sariling uri: Nagtitipon ang laman sa laman at nagtitipon ang katawan sa katawan. Ngayon yaong mga humihiwalay sa kanilang mga tahanan, sa kanilang mga magulang, mga asawang babae, mga asawang lalaki, mga anak na lalaki, at mga anak na babae, ay nag-uumpisang pumasok sa espirituwal na mundo. Sa katapusan, ganito ito: Ang kalagayan sa espirituwal na mundo ay yaong ang mga panganay na anak ay sama-samang nagkakatipon, umaawit at sumasayaw, pinupuri at ipinagbubunyi ang Aking banal na pangalan. Ito ay isang tagpo na maganda at palaging bago. Ang lahat ay mga minamahal Kong anak, na magpakailanmang pinupuri Ako nang walang tigil, magpakailanmang itinataas ang Aking banal na pangalan. Ito ang kalagayan pagkatapos ng pagpasok sa espirituwal na mundo, ito rin ang gawain pagkatapos ng pagpasok sa espirituwal na mundo, at ito rin ang kalagayan na Aking nasabi na, ng pagpapastol ng iglesia sa espirituwal na mundo. Bukod pa rito, nagpapakita ang Aking persona sa bawat bansa sa sansinukob at sa lahat ng bansa at lahat ng mga tao, taglay ang Aking awtoridad, ang Aking poot, at ang Aking paghatol, at higit pa roon, taglay ang Aking tungkod na bakal upang pamunuan ang lahat ng bansa at lahat ng mga tao. Ito, sa lahat ng mga tao at sa buong sansinukob, ang nagbibigay ng patotoo sa Akin na yumayanig sa langit at lupa, na nagsasanhi sa lahat ng mga tao at lahat ng bagay sa mga kabundukan, sa mga ilog, sa mga lawa, at sa mga dulo ng daigdig na purihin Ako at luwalhatiin Ako, at kilalanin Ako, ang nag-iisang Diyos Mismo, na ang Lumikha ng lahat ng bagay, at gumagabay sa lahat, namamahala sa lahat, humahatol sa lahat, nagsasakatuparan ng lahat, nagpaparusa sa lahat, at nagwawasak sa lahat. Ito, kung gayon, ang tunay na pagpapakita ng Aking persona.

Sinundan: Kabanata 98

Sumunod: Kabanata 100

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito