Kabanata 112

Na “magkaagapay na nagpapatuloy ang mga salita at realidad” ay bahagi ng Aking matuwid na disposisyon. Mula sa mga salitang ito, tiyak na hahayaan Ko ang lahat na makita ang Aking disposisyon sa kabuuan nito. Iniisip ng mga tao na hindi ito matatamo, subalit para sa Akin ay madali at kaaya-aya ito, at hindi kailangang pagsikapan. Sa sandaling lumabas ang Aking mga salita mula sa Aking bibig, kaagad na may isang katotohanang makikita ng lahat. Ito ang Aking disposisyon. Yamang nagsalita na Ako tungkol sa ilang bagay, tiyak na maisasakatuparan ang mga ito. Kung hindi, Ako ay hindi magsasalita. Sa mga kuru-kuro ng tao, ang salitang “kaligtasan” ay sinasabi para sa lahat ng tao, ngunit hindi ito tumutugma sa Aking intensyon. Sinabi Ko sa nakalipas, “Palagi Kong inililigtas ang mga mangmang at ang masisigasig na naghahanap.” Dito, ang salitang “inililigtas” ay sinabi patungkol sa mga gumagawa ng serbisyo sa Akin, at nilayon nito na magbigay Ako ng espesyal na pagtrato sa mga tagapagsilbing iyon. Sa madaling salita, babawasan Ko ang parusa para sa mga taong iyon. Gayunpaman, ang buktot at mapanlinlang na mga tagapagsilbi ay mapabibilang sa mga puntirya ng pagkawasak, na ibig sabihin, ipasasailalim Ko sila sa matinding kaparusahan. (Bagaman sila ay kasama sa mga puntirya ng pagkawasak, malaki ang pagkakaiba nila sa mga wawasakin: Tatanggap sila ng matinding kaparusahang walang hanggan, at ang kaparusahang tatanggapin ng mga taong iyon ay ang kaparusahan ng diyablo, si Satanas. Ito rin ang tunay na kahulugan ng ibig Kong sabihin nang sinabi Ko na ang mga taong iyon ay ang mga inapo ng malaking pulang dragon.) Pero hindi Ko ginagamit ang ganitong mga uri ng mga salita tungkol sa Aking mga panganay na anak; tungkol sa kanila, sinasabi Ko na babawiin Ko ang Aking mga panganay na anak at na muli silang babalik sa Sion. Samakatuwid, palagi Kong sinasabi na ang Aking mga panganay na anak ay ang Aking mga patiunang itinadhana at hinirang. Orihinal na kabilang sa Akin ang Aking mga panganay na anak at nagmula sila sa Akin, kaya dapat silang bumalik dito sa Akin. Kung ihahambing ang mga anak at mga tao sa mga panganay na anak—ito ang talagang kaibahan sa pagitan ng langit at lupa: Bagaman ang mga anak at ang mga tao ay higit na mas mabuti kaysa sa mga tagapagsilbi, sa anumang paraan ay hindi sila ang mga kabilang sa Akin. Masasabi rin na ang mga anak at ang mga tao ay karagdagang pinili mula sa sangkatauhan. Sa gayon, palagi Kong itinutuon ang Aking lakas sa mga panganay na anak, at pagkatapos ay hahayaan Ko ang mga panganay na anak na gawing ganap ang mga anak at ang mga taong ito. Ito ang Aking mga hakbang ng gawain sa hinaharap. Ngayon ay walang saysay na sabihin ito sa inyo, kaya bihira Ko itong nabanggit sa mga anak at sa mga tao, ngunit sa mga panganay na anak lang paulit-ulit Ko nang nasabi at paulit-ulit nang nabanggit ang mga usaping ito. Ito ang paraan ng pagsasalita at paggawa Ko. Walang makapagbabago nito—Ako lang ang may huling pasya tungkol sa lahat.

Araw-araw, nakikipaglaban Ako sa inyong mga kuru-kuro, at araw-araw, sinusuri Ko ang bawat isa sa inyo. Kapag nagsalita na Ako hanggang sa isang partikular na punto, bumabalik kayo sa dati at muling pinaghihiwalay ang Aking pagkatao mula sa Aking pagka-Diyos. Sa puntong ito, dumating na ang panahon para ilantad ang mga tao: Iniisip ng mga tao na nabubuhay pa rin Ako sa katawang-tao at talagang hindi ang Diyos Mismo, na tao pa rin Ako at ang Diyos ay Diyos pa rin, at na walang kinalaman sa Aking persona ang Diyos. Napakatiwaling sangkatauhan ito! Napakaraming salita ang nasabi Ko na noon, subalit matagal na ninyong itinuturing ang mga ito na parang hindi umiiral ang mga ito, at pinupuno Ako nito ng pagkamuhi sa inyo na sagad sa Aking mga buto! Tunay, dahil dito ay kinamumuhian Ko kayo! Sinong nangangahas na magkasala nang gayon lang sa Akin, Ako na ang ganap na Diyos Mismo, Ako na taglay ang kapwa pagkatao at ganap na pagka-Diyos? Sinong nangangahas na labanan Ako sa kanilang mga isipan? Matapos mag-umpisang pumanaog ang Aking kapaha-pahamak na sakuna, parurusahan Ko sila isa-isa, hindi hahayaang makawala ang sinuman, ngunit sa halip ay parurusahan silang lahat nang matindi. Personal na gumagawa ang Aking Espiritu. Hindi ibig sabihin nito na hindi Ako ang Diyos Mismo; sa kabaligtaran, mas lalo pa nga itong nangangahulugan na Ako ang Diyos Mismo na makapangyarihan sa lahat. Hindi Ako nakikilala ng mga tao—nilalabanan nila Akong lahat at hindi namamasdan ang Aking walang hanggang kapangyarihan mula sa Aking mga salita, ngunit sa halip ay sinusubukan nilang makakita ng kung ano sa Aking mga salita na magagamit nila laban sa Akin at maghanap ng kamalian sa Akin. Kapag nagpakita Ako isang araw kasama ng Aking mga panganay na anak sa Sion, uumpisahan Kong harapin ang masasamang nilalang na ito. Sa panahong ito, pangunahin Kong ginagawa ang gawaing ito. Kapag nagsalita na Ako hanggang sa isang partikular na punto, mag-aatrasan ang isang malaking bilang ng mga tagapagsilbi, at magdurusa rin ang mga panganay na anak ng lahat ng uri ng mga paghihirap. Sa pagsulong nitong dalawang hakbang ng gawain, magwawakas ang isang yugto ng Aking gawain. Kasabay nito, ibabalik Ko sa Sion ang Aking mga panganay na anak. Ito ang mga hakbang ng Aking gawain.

Isang kailangang-kailangang bahagi ng Aking kaharian ang Aking mga panganay na anak, makikita mula rito na ang Aking persona ay talagang ang kaharian—ang pagsilang ng Aking kaharian ay kasunod ng kapanganakan ng Aking mga panganay na anak. Sa madaling salita, umiiral na ang Aking kaharian simula pa noong panahon ng paglikha ng mundo, at ang pagkakamit sa Aking mga panganay na anak (ibig sabihin ay pagbawi sa Aking mga panganay na anak) ay pagpapanumbalik sa Aking kaharian. Mula rito, makikita mo na napakahalaga ng mga panganay na anak. Tanging kapag umiiral na ang Aking mga panganay na anak saka magkakaroon ng kaharian, mangyayari ang realidad ng paghahari sa kapangyarihan, magkakaroon ng bagong buhay, at maaari nang wakasan ang lumang kapanahunan sa kabuuan nito. Ito ang di-maiiwasang pangyayari. Dahil nasa posisyong ito ang mga panganay na anak, sumasagisag sila sa pagkawasak ng mundo, sa pagbagsak ni Satanas, sa paglalantad ng mga tunay na kulay ng mga tagapagsilbi, at ng katotohanan na hindi na magkakaroon ng mga inapo at bababa sa lawa ng apoy at asupre ang malaking pulang dragon—samakatuwid, ang mga humahawak ng kapangyarihan at lahat ng inapo ng malaking pulang dragon na paulit-ulit na nakikisangkot sa paghadlang, paglaban, at pagwasak. Samantala, paulit-ulit Kong itinataas, pinatototohanan, at inilalantad ang Aking mga panganay na anak. Sapagkat ang mga nagmula lang sa Akin ang karapat-dapat na magpatotoo sa Akin; sila lang ang nararapat na magsabuhay sa Akin, at sila lang ang may saligan na lumaban sa digmaan at manalo ng magandang tagumpay para sa Akin. Ang mga hiwalay sa Akin ay walang iba kundi isang pirasong putik sa Aking kamay—mga nilalang na bagay, bawat isa sa kanila. Silang mga anak at mga tao ay walang iba kundi ang mas mahuhusay na hinirang mula sa mga nilalang ng paglikha, pero hindi sila kabilang sa Akin. Kaya, may napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng mga panganay na anak at sa mga anak. Hindi talaga nararapat na ihambing ang mga anak sa mga panganay na anak—pinamamahalaan at pinangingibabawan sila ng mga panganay na anak. Dapat maging napakalinaw nito sa inyo ngayon! Totoo ang bawat salitang sinabi Ko na, at hindi mali sa anumang paraan. Bahagi ang lahat ng ito ng pagpapahayag ng Aking persona, at ito ang Aking pagbigkas.

Nasabi Ko nang hindi Ako nangungusap ng hungkag na mga salita, at hindi Ako nagkakamali; sapat na ito para ipakita ang Aking pagiging maharlika. Pero hindi kaya ng mga tao na masabi ang mabuti sa masama, at lubusan lang silang nakukumbinsi kapag sumasapit na sa kanila ang Aking pagkastigo; kung hindi, nananatili silang mapaghimagsik at matigas ang ulo. Ito ang dahilan kung bakit ginagamit Ko ang pagkastigo para gumanti laban sa buong sangkatauhan. Sa mga kuru-kuro ng tao, yamang mayroon lang Diyos Mismo, bakit napakaraming panganay na anak na nagmumula sa Akin? Masasabi Ko ito nang ganito: Sa Aking sariling mga gawain, nagsasalita Ako tungkol sa mga ito sa anumang paraang nais Ko. Ano ang kayang gawin ng tao sa Akin? Masasabi Ko rin ito nang ganito: Bagaman hindi Ko kaisa sa wangis ang mga panganay na anak, magkaisa kami sa Espiritu, kaya magagawa nilang maging kaisa Ko sa isipan habang nakikipagtulungan sila sa Akin. Ang dahilan kung bakit hindi iisa ang aming wangis ay upang maaaring makita ng lahat ng tao ang bawat bahagi ng Aking persona nang may pambihirang kalinawan. Kaya hinahayaan Ko ang Aking mga panganay na anak na magkaroon ng awtoridad kasama Ko sa lahat ng bansa at sa lahat ng tao. Ito ang pangwakas na tala ng Aking mga atas administratibo (ang “pangwakas na tala” na ito na sinasabi Ko ay nangangahulugan na ang Aking tono ay malumanay at nagsimula na Akong magsalita sa mga anak at sa mga tao). Mayroong pagdududa ang karamihan sa mga tao hinggil sa aspetong ito, pero hindi nila kailangang maging masyadong mapagduda. Isa-isa Kong ilalantad ang lahat ng kuru-kuro ng mga tao, para mahiya sila at walang mapagtaguan. Naglalakbay Ako sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo, at pinagmamasdan ang buong mukha ng sansinukob. Sinusuri Ko ang bawat uri ng tao—walang makatatakas sa Aking kamay. Nakikibahagi Ako sa bawat uri ng bagay, at walang hindi Ko personal na pinangangasiwaan. Sinong nangangahas na ikaila ang Aking walang hanggang kapangyarihan? Sinong nangangahas na hindi lubos na makumbinsi tungkol sa Akin? Sinong nangangahas na hindi ganap na magpatirapa ng kanilang mga sarili sa harapan Ko? Magbabago ang buong kalangitan dahil sa Aking mga panganay na anak, at lalong higit pa roon, matinding mayayanig ang buong daigdig dahil sa Akin at sa Aking mga panganay na anak. Luluhod ang lahat ng tao sa harapan ng Aking persona, at tiyak na mapasasailalim sa kontrol ng Aking mga kamay ang lahat ng bagay—nang walang kahit katiting na pagkakamali. Lahat ay dapat lubusang makumbinsi at darating ang bawat isang bagay sa Aking sambahayan at gagawa ng serbisyo sa Akin. Ito ang huling bahagi ng Aking mga atas administratibo. Simula ngayon, lahat ng sari-saring artikulo ng Aking mga atas administratibo, na tinatarget ang iba’t ibang tao, ay mag-uumpisang magbunga (dahil lubusang ipinaalam sa madla ang Aking mga atas administratibo, at nagawa na ang angkop na mga pagsasaayos para sa bawat uri ng tao at bawat isang bagay. Lahat ng tao ay paroroon sa kanilang tamang lugar, at malalantad ang tunay na mga kulay ng bawat uri ng tao dahil sa Aking mga atas administratibo). Sa gayon ang pagdating ng totoo, aktwal na mga atas administratibo.

Ngayon, ayon sa mga hakbang ng Aking gawain, sinasabi Ko ang nais Kong sabihin, at dapat seryosohin ng lahat ang Aking mga salita. Sa buong mga kapanahunan, nabanggit na ng bawat banal ang tungkol sa “Bagong Jerusalem,” at nalalaman ito ng lahat, ngunit walang nakauunawa ng tunay na kahulugan ng katagang ito. Habang nagpapatuloy ang gawain ngayon sa yugtong ito, ibubunyag Ko ang tunay na kahulugan ng katagang ito sa inyo, upang maaaring maunawaan ninyo ito. Ngunit may limitasyon sa Aking pagbubunyag—gaano Ko man ipaliwanag ito, at gaano Ko man kalinaw sabihin ito, hindi ninyo kailanman ganap na mauunawaan, dahil walang sinuman ang makaaabot sa realidad ng katagang ito. Sa nakalipas, tumutukoy ang Jerusalem sa dakong pinaninirahan Ko sa lupa, ibig sabihin, ang dako kung saan Ako lumalakad at gumalalaw. Subalit binabago ng salitang “bago” ang katagang ito, at hindi na ito kapareho ng dati. Hindi ito naiintindihan ng mga tao kahit kaunti. Iniisip ng ilang tao na tumutukoy ito sa Aking kaharian; iniisip ng ilang tao na ito ang personang Ako; iniisip ng ilang tao na ito ang bagong langit at lupa; at iniisip ng ilang tao na ito ang bagong mundo na darating matapos Kong wasakin ang mundong ito. Kahit na ang isip ng tao ay masyadong masalimuot at kaya ang mayamang imahinasyon, hindi pa rin nila kayang maintindihan ang anuman tungkol dito. Sa buong mga kapanahunan, inaasam-asam na ng mga tao na malaman o makita ang tunay na kahulugan ng katagang ito, ngunit hindi pa nila nagawang matupad ang kanilang mga kahilingan—nabigo silang lahat at namatay, naiiwan ang kanilang mga hangarin; dahil hindi pa dumarating ang Aking oras, hindi Ko basta-bastang sasabihin kaninuman. Yamang nagawa na ang Aking gawain hanggang sa yugtong ito, sasabihin Ko sa inyo ang lahat. Nasasaklaw ng Bagong Jerusalem ang apat na bagay na ito: Ang Aking poot, ang Aking mga atas administratibo, ang Aking kaharian, at ang walang katapusang mga pagpapalang ipinagkakaloob Ko sa Aking mga panganay na anak. Ang dahilan kung bakit ginagamit Ko ang katagang “bago” ay dahil nakatago ang apat na bahaging ito. Dahil walang nakaaalam sa Aking poot, walang nakakaalam sa Aking mga atas administratibo, wala pang nakakita sa Aking kaharian, at wala pang nakapagtamasa sa Aking mga pagpapala, ang “bago” ay tumutukoy sa kung ano ang natatago. Walang lubusang makauunawa sa kung ano ang nasabi Ko na, dahil nakababa na sa daigdig ang Bagong Jerusalem ngunit walang personal na nakaranas ng realidad ng Bagong Jerusalem. Kahit gaano Ako lubusang magsalita tungkol dito, hindi ito lubusang mauunawaan ng mga tao. Kahit na may isang nakauunawa, ang pagkaunawang ito ay mga salita, isipan, at mga kuru-kuro lang nila. Ito ang di-maiiwasang pangyayari; ito ang tanging daan pasulong, at walang makapag-aalis ng kanilang mga sarili mula rito.

Sinundan: Kabanata 111

Sumunod: Kabanata 113

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito