Kabanata 113
Bawat pagkilos na ginagawa Ko ay naglalaman ng Aking karunungan sa loob nito, pero wala talagang kakayahan ang tao na maaarok ito; maaari lamang makita ng tao ang Aking mga pagkilos at ang Aking mga salita, hindi ang Aking kaluwalhatian o ang pagpapakita ng Aking persona, dahil talagang walang ganitong kakayahan ang tao. Kaya, kung wala ang mga pagbabagong ginagawa Ko sa tao, babalik Ako at ang Aking mga panganay na anak sa Sion at magbabagong anyo, nang sa gayon ay maaaring makita ng tao ang Aking karunungan at ang Aking walang hanggang kapangyarihan. Ang Aking karunungan at Aking walang hanggang kapangyarihan na nakikita ng tao ngayon ay isang maliit na bahagi lamang ng Aking kaluwalhatian—at hindi pa nga karapat-dapat banggitin. Ipinakita mula rito na walang hanggan ang Aking karunungan at ang Aking kaluwalhatian—di-masukat ang lalim—at talagang walang kakayahan ang isip ng tao na isaalang-alang o unawain ito. Ang pagtatayo ng kaharian ay tungkulin ng mga panganay na anak, at gawain Ko rin ito. Ang ibig sabihin nito ay isang bagay ito sa Aking plano ng pamamahala. Hindi katulad ng pagtatayo ng iglesia ang pagtatayo ng kaharian; dahil ang Aking mga panganay na anak at Ako ang Aking persona at kaharian, kaya kapag pumapasok na ang Aking mga panganay na anak at Ako sa Bundok ng Sion, nagawa na ang pagtatayo ng kaharian. Sa ibang salita, isang hakbang ng gawain ang pagtatayo ng kaharian—ang hakbang ng pagpasok sa espirituwal na daigdig. (Gayunman, lahat ng ginawa Ko simula sa paglikha ng mundo ay para sa kapakanan ng hakbang na ito. Bagama’t sinasabi Kong isang hakbang ito, sa katotohanan ay hindi talaga ito isang hakbang.) Kaya ginagamit Ko lahat ng tagapagsilbi para magserbisyo sa hakbang na ito, at bunga nito, ngayong mga huling araw, uurong ang malalaking bilang ng tao; nagbibigay serbisyo silang lahat sa mga panganay na anak. Mamamatay sa Aking mga sumpa ang sinumang nagpapakita ng kabaitan sa mga tagapagsilbi. (Kinakatawan ng lahat ng tagapagsilbi ang mga balak ng malaking pulang dragon at silang lahat ay mga alagad ni Satanas, kaya ang lahat ng nagpapakita ng kabaitan sa mga taong ito ay mga kasabwat ng malaking pulang dragon at nabibilang kay Satanas.) Mahal Ko ang lahat na mahal Ko, at kinasusuklaman lahat ng pakay ng Aking mga sumpa at pagsunog. Kaya ba ninyong gawin din ito? Ang sinumang naninindigan laban sa Akin ay siguradong hindi Ko patatawarin, ni hindi Ko sila ililigtas! Kapag isinasakatuparan ang bawat gawa, isinasaayos Ko ang malalaking bilang ng mga tagapagsilbi upang magserbisyo sa Akin. Kaya makikita na sa buong kasaysayan, para sa hakbang na ito ngayon na ang lahat ng propeta at apostol ay nakapagbigay ng serbisyo, at hindi sila kaayon ng puso Ko, hindi sila galing sa Akin. (Bagama’t tapat sa Akin ang karamihan sa kanila, walang sinuman ang nabibilang sa Akin. Kaya, ang kanilang pagiging abala ay upang gawin ang saligan nitong huling hakbang para sa Akin, pero walang saysay na pagsisikap ang lahat ng ito para sa kanila.) Kaya nga, ngayong mga huling araw, higit pang magkakaroon ng malalaking bilang ng tao ang uurong. (Ang dahilan kung bakit Ko sinasabing “malalaking bilang” ay dahil nakarating na sa katapusan ang Aking plano ng pamamahala, nagtagumpay na ang pagtatayo ng Aking kaharian, at nakaupo na sa trono ang mga panganay na anak.) Lahat ng iyan ay dahil sa pagpapakita ng mga panganay na anak. Dahil sa pagpapakita ng mga panganay na anak, sinusubukan ng malaking pulang dragon ang lahat ng posibleng paraan para gumawa ng pinsala at ubusin ang lahat ng paraan. Nagpapadala ito ng lahat ng uri ng masasamang espiritu na dumarating upang gumawa ng serbisyo para sa Akin, na nagpakita ng mga tunay na kulay nito sa kasalukuyang panahon, at sumubok na gambalain ang Aking pamamahala. Hindi makikita ang mga ito ng mata ng tao; at ang lahat ng bagay na ito ay sa espirituwal na daigdig. Kaya hindi naniniwala ang mga tao na magkakaroon ng malalaking bilang ng tao na uurong, gayunman ay alam Ko ang Aking ginagawa, nauunawaan Ko ang Aking pamamahala; ito ang dahilan kaya hindi hinahayaan na manggambala ang tao. (Darating ang araw kung kailan ang bawat uri ng nakaririmarim na masamang espiritu ay magbubunyag ng tunay na sarili nito, at tunay na mahihikayat ang lahat ng tao.)
Mahal Ko ang Aking mga panganay na anak, pero ang mga inapo ng malaking pulang dragon na nagmamahal sa Akin nang labis, hindi Ko talaga sila minamahal; sa katunayan lalo Ko pa nga silang kinasusuklaman. (Hindi Akin ang mga taong ito, at kahit na nagpapakita sila ng mabubuting hangarin, at nagsasabi ng mga kaaya-ayang salita, pakana iyang lahat ng malaking pulang dragon, kaya kinamumuhian Ko sila nang sagad sa Aking mga buto.) Ito ang Aking disposisyon, at ito ang kabuuan ng Aking pagiging matuwid. Hindi talaga ito kayang maarok ng tao. Bakit ibinubunyag dito ang kabuuan ng Aking pagiging matuwid? Mula rito ay mahihiwatigan ang Aking banal na disposisyon, na hindi nagpapahintulot ng anumang paglabag. Magagawa Kong mahalin ang Aking mga panganay na anak at kasuklaman ang lahat ng hindi Ko panganay na anak (kahit na tapat silang mga tao). Ito ang Aking disposisyon. Hindi ninyo ba nakikita? Sa mga kuru-kuro ng mga tao, palagi Akong isang maawaing Diyos, at mahal Ko ang lahat ng nagmamahal sa Akin; hindi ba ito isang kalapastanganan laban sa Akin? Maaari Ko bang mahalin ang mga hayop at halimaw? Maaari Ko bang kunin si Satanas bilang Aking panganay na anak at masiyahan dito? Kalokohan! Isinasagawa ng Aking mga panganay na anak ang Aking gawain, at bukod sa Aking mga panganay na anak, wala na Akong ibang mamahalin. (Karagdagan ang mga anak at ang mga tao, pero hindi sila mahalaga.) Sinasabi ng mga tao na gumawa Ako noon ng napakaraming walang silbing gawain, pero sa Aking pananaw, ang gawaing iyon sa katunayan ang pinakamahalaga, ang pinakamakabuluhan. (Ito ay ganap na tumutukoy sa nagawa noong dalawang pagkakatawang-tao; dahil nais Kong ibunyag ang Aking kapangyarihan, dapat Akong magkatawang-tao para kumpletuhin ang Aking gawain.) Ang dahilan kung bakit sinasabi Kong dumarating ang Aking Espiritu para personal na gumawa, ay dahil kinumpleto ang Aking gawain sa katawang-tao. Ibig sabihin, nagsisimulang pumasok sa kapahingahan ang Aking mga panganay na anak at Ako. Mas matindi ang digmaan laban kay Satanas sa katawang-tao kaysa sa digmaan kay Satanas sa espirituwal na daigdig; kaya itong makita ng lahat ng tao, kaya maaari ding magpatotoo nang maganda sa Akin maging ang mga inapo ni Satanas, at ayaw umalis ang mga ito; ito ang ibig sabihin mismo ng Aking paggawa sa katawang-tao. Pangunahing layon nito na ipagawa sa mga inapo ng demonyo na lapastanganin ang demonyo mismo; ito ang pinakamakapangyarihang pagkapahiya na mangyayari sa demonyong si Satanas, napakamakapangyarihan na wala na itong pagtaguan ng kahihiyan nito, at paulit-ulit na itong nagmamakaawa sa harapan Ko. Nagwagi Ako, nakapanaig Ako sa lahat ng bagay, nakasulong Ako sa ikatlong langit at umabot sa Bundok ng Sion upang matamasa ang kaligayahan ng pamilya kasama ang Aking mga panganay na anak, mapupuspos magpakailanman sa malaking piging sa kaharian ng langit!
Para sa mga panganay na anak ay binayaran Ko ang lahat ng halaga at dinala ang lahat ng pasakit sa Aking pagsisikap. (Talagang hindi alam ng tao na lahat ng ginawa Ko, lahat na sinabi Ko, ang katotohanan na nakikita Ko ang lahat ng uri ng masasamang espiritu, at ang katotohanan na napaalis Ko ang lahat ng uri ng tagapagsilbi—lahat ng ito ay para sa kapakanan ng mga panganay na anak.) Pero karamihan sa Aking gawain ay mahusay ang Aking pagkakaayos; tiyak na hindi ito basata lamang ginawa. Sa mga salita Ko sa bawat araw, dapat na makita ninyo ang paraan ng Aking gawain at ang mga hakbang nito; sa mga pagkilos Ko sa bawat araw, dapat na makita ninyo ang Aking karunungan at ang Aking mga prinsipyo sa pagharap sa mga usapin. Tulad ng nasabi Ko, ipinadala ni Satanas ang mga gumagawa ng serbisyo para sa Akin upang gambalain ang Aking pamamahala. Mapanirang mga damo ang mga tagapagsilbing ito, pero hindi tumutukoy sa mga panganay na anak ang salitang “trigo,” kundi sa lahat ng anak at mga tao na hindi mga panganay na anak. “Palaging magiging trigo ang trigo, palaging magiging mapanirang damo ang mapanirang damo”; ibig sabihin ay hindi kailanman maaaring magbago ang kalikasan ng mga kay Satanas. Kaya, sa madaling salita, nananatili sila bilang Satanas. Ang “trigo” ay tumutukoy sa mga anak at sa mga tao, dahil bago ang paglikha ng mundo ay ikinintal Ko sa mga taong ito ang Aking katangian. Nauna Ko nang nasabi na hindi nagbabago ang kalikasan ng tao kaya palaging magiging trigo ang trigo. Ano kung gayon ang mga panganay na anak? Nanggagaling sa Akin ang mga panganay na anak; hindi Ko sila nilikha, kaya hindi sila maaaring tawagin na trigo (dahil anumang pagbanggit sa trigo ay palaging nauugnay sa mga salitang “maghasik,” at ang “maghasik” ay nangangahulugang “lumikha”; lihim na ihinahasik ni Satanas ang lahat ng mapanirang damo, para kumilos bilang mga tagapagsilbi). Maaari lamang masabi na ang mga panganay na anak ang ganap at masaganang pagpapamalas ng Aking persona; dapat ay kinakatawan sila ng ginto at pilak at ng mga mamahaling bato. Nauugnay ito sa katotohanan na ang Aking pagdating ay tulad ng isang magnanakaw, at naparito Ako upang nakawin ang ginto at pilak at ang mga mamahaling bato (dahil orihinal na pag-aari Ko ang mga ginto at pilak at ang mga mamahaling batong ito, at nais Kong ibalik ang mga ito sa Aking sambahayan). Kapag magkasamang bumalik ang mga panganay na anak at Ako sa Sion, nanakawin Ko ang mga ginto, pilak at ang mga mamahaling batong ito. Sa panahong ito, magkakaroon ng mga paghadlang at mga paggambala ni Satanas, at kaya kukunin Ko ang ginto, pilak at ang mga mamahaling bato at maglulunsad ng isang pangwakas na digmaan kay Satanas. (Tiyak na hindi Ako nagkukuwento rito; isa itong pangyayari sa espirituwal na daigdig, kaya ganap na malabo ito para sa mga tao, at napapakinggan lamang nila ito bilang isang kuwento. Pero dapat na makita ninyo mula sa sinasabi Ko kung ano ang Aking anim na libong taong plano ng pamamahala, at talagang hindi ninyo dapat na ituring ito na isang biro. Kung hindi, aalis ang Aking Espiritu mula sa lahat ng tao.) Ngayon, ganap nang tapos ang digmaang ito, at dadalhin Ko ang Aking mga panganay na anak (dala-dala ang ginto, pilak at mga mamahaling bato na pag-aari Ko) kasama Ko pabalik sa Aking Bundok ng Sion. Dahil sa kasalatan ng ginto, pilak at mga mamahaling bato, at dahil ang mga ito ay mahalaga, sinusubukan ni Satanas ang lahat ng posibleng paraan para agawin ang mga ito, pero sinasabi Ko nang paulit-ulit na kung ano ang mula sa Akin ay dapat maibalik sa Akin, ang ibig sabihin nito ay nabanggit sa itaas. Ang sinabi Ko na mula sa Akin ang Aking mga panganay na anak at nabibilang sila sa Akin ay isang pagpapahayag kay Satanas. Walang nakauunawa nito, at ito ay lubos na nangyayari sa espirituwal na daigdig. Kaya hindi nauunawaan ng tao kung bakit paulit-ulit Kong binibigyang-diin na nabibilang sa Akin ang mga panganay na anak; dapat nauunawaan ninyo ngayon! Sinabi Ko na may layon at karunungan ang Aking mga pagbigkas, pero nauunawaan lamang ninyo ito mula sa panlabas—wala ni isang tao ang malinaw na nakakakita nito sa espiritu.
Nagsasalita Ako ng mas marami pa, at habang mas nagsasalita Ako ay mas nagiging mahigpit ang Aking mga salita. Kapag nakarating ito sa isang partikular na antas, gagamitin Ko ang Aking mga salita upang hubugin ang mga tao sa isang antas, upang gawin ang mga tao na hindi lang nahihikayat sa puso at sa salita, ngunit higit riyan ay upang mabingit sila sa buhay at kamatayan; ito ang paraan ng Aking gawain at kung paano nagpapatuloy ang Aking gawain sa mga hakbang nito. Dapat itong maging ganito; sa gayon lang maipapahiya nito si Satanas at magawang ganap ang mga panganay na anak (ginagamit ang Aking mga salita upang magawang perpekto ang mga panganay na anak sa wakas, upang pahintulutan silang makawala sa laman at makapasok sa espirituwal na daigdig). Hindi nauunawaan ng tao ang paraan at ang tono ng Aking mga salita. Mula sa Aking paliwanag dapat magkaroon kayong lahat ng ilang kabatiran, at dapat sumunod kayong lahat sa Aking mga salita para makumpleto ang gawain na dapat ninyong gawin. Ito ang Aking ipinagkatiwala sa inyo. Dapat ay mayroon kayong kabatiran dito, hindi lamang mula sa panlabas na mundo, pero higit na mahalaga, mula sa espirituwal na daigdig.