Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob—Kabanata 4

Lahat ng Aking tao na naglilingkod sa Aking harapan ay dapat gunitain ang nakaraan: Nabahiran ba ng dumi ang inyong pagmamahal sa Akin? Dalisay ba at taos-puso ang inyong katapatan sa Akin? Totoo ba ang inyong kaalaman tungkol sa Akin? Gaano kalaki ang puwang Ko sa inyong puso? Napuno Ko ba ang buong puso ninyo? Gaano karami ang naisagawa ng Aking mga salita sa inyong kalooban? Huwag ninyo Akong ituring na isang hangal! Napakalinaw ng mga bagay na ito sa Akin! Ngayon, habang binibigkas ang tinig ng Aking pagliligtas, naragdagan ba ang inyong pagmamahal sa Akin? Naging dalisay ba ang bahagi ng inyong katapatan sa Akin? Lumalim ba ang inyong kaalaman tungkol sa Akin? Naglatag ba ng matibay na pundasyon ang papuring inialay noong araw para sa inyong kaalaman ngayon? Gaano kalaking bahagi ninyo ang okupado ng Aking Espiritu? Gaano kalaking puwang ang sakop ng Aking larawan sa inyong kalooban? Tumagos ba sa puso ninyo ang Aking mga pagbigkas? Nadarama ba ninyo talaga na wala kayong mapagtataguan ng inyong kahihiyan? Naniniwala ba talaga kayo na hindi kayo karapat-dapat na maging Aking mga tao? Kung kayo ay ganap na walang kamalayan sa mga katanungan sa itaas, nagpapakita ito na sinasamantala mo ang sitwasyon, na nariyan ka lamang para magparami sa bilang, at sa panahong Aking paunang itinalaga, tiyak na palalayasin ka at itutulak sa walang hanggang hukay sa ikalawang pagkakataon. Ito ang Aking mga salita ng babala, at ang sinumang nagbabalewala sa mga ito ay tatamaan ng Aking paghatol, at, sa takdang panahon, ay daranas ng kalamidad. Hindi nga ba ganito? Kailangan Ko pa bang magbigay ng mga halimbawa upang ilarawan ito? Kailangan Ko bang magsalita nang mas malinaw upang magbigay ng halimbawa sa inyo? Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, marami nang taong sumuway sa Aking mga salita at sa gayon ay inalis at pinalayas na mula sa daloy ng Aking pagbawi; sa huli, namamatay ang kanilang katawan at itinatapon ang kanilang espiritu sa Hades, at kahit ngayon ay isinasailalim pa rin sila sa mabigat na kaparusahan. Maraming tao na ang sumunod sa Aking mga salita, ngunit sumalungat na sa Aking kaliwanagan at pagtanglaw, at sa gayon ay sinipa Ko na sa isang tabi, nahulog sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at naging yaong mga tutol sa Akin. (Ngayon lahat niyaong mga direktang tumututol sa Akin ay sumusunod lamang sa kababawan ng Aking mga salita, at sumusuway sa diwa ng Aking mga salita.) Marami na rin ang nakinig lamang sa mga salitang Aking sinabi kahapon, na kumapit sa “basura” ng nakaraan at hindi pinahalagahan ang “bunga” ng kasalukuyan. Hindi lamang nabihag ni Satanas ang mga taong ito, kundi naging mga walang-hanggang makasalanan at naging Aking mga kaaway, at tuwiran nila Akong kinakalaban. Ang gayong mga tao ang mga pakay ng Aking paghatol sa kasukdulan ng Aking poot, at ngayon ay bulag pa rin sila, nasa loob pa rin ng madidilim na piitan (na ang ibig sabihin, ang mga taong tulad nito ay bulok at manhid na mga bangkay na kontrolado ni Satanas; sapagka’t ang kanilang mga mata ay Aking tinakpan, Aking sinasabi na sila ay mga bulag). Makabubuting magbigay ng isang halimbawa para sa inyong sanggunian, upang may matutuhan kayo mula rito:

Sa pagbanggit kay Pablo, iisipin ninyo ang kanyang kasaysayan, at ang ilan sa mga kuwento tungkol sa kanya na hindi tumpak at hindi umaayon sa realidad. Tinuruan siya ng kanyang mga magulang mula sa murang edad, at natanggap ang Aking buhay, at bilang resulta ng Aking paunang pagtatalaga ay nagtaglay siya ng kakayahang Aking kinakailangan. Sa edad na 19, binasa niya ang iba’t ibang libro tungkol sa buhay; kaya hindi Ko na kailangang idetalye kung paano, dahil sa kanyang kakayahan, at dahil sa Aking kaliwanagan at pagpapalinaw, hindi lamang siya nakapagsalita ng ilang kabatiran tungkol sa espirituwal na mga bagay, kundi nagawa niya ring tarukin ang Aking mga intensyon. Siyempre, hindi nito isinasantabi ang kombinasyon ng mga panloob at panlabas na kadahilanan. Gayon pa man, ang kanyang isang kapintasan ay, dahil sa kanyang mga talento, madalas siyang matamis magsalita at mayabang. Bilang resulta, dahil sa kanyang pagsuway, na bahagyang direktang kumatawan sa arkanghel, nang Ako ay nagkatawang-tao sa unang pagkakataon, ginawa niya ang lahat ng makakaya niya upang lumaban sa Akin. Isa siya sa mga hindi nakakaalam sa Aking mga salita, at naglaho na ang Aking lugar sa kanyang puso. Direktang tumututol ang nasabing mga tao sa Aking pagka-Diyos, at sila ay Aking pinababagsak, at yumuyuko lamang at nagkukumpisal ng kanilang mga kasalanan sa katapus-katapusan. Kaya, pagkatapos Kong magamit ang kanyang mga kalakasan—na ang ibig sabihin, matapos siyang makapaglingkod sa Akin nang kaunting panahon—bumalik siyang muli sa kanyang mga lumang gawi, at kahit na hindi niya direktang sinuway ang Aking mga salita, sinuway niya ang Aking panloob na gabay at kaliwanagan, at sa gayon ang lahat ng kanyang nagawa nang nakaraan ay walang-saysay; sa madaling salita, ang korona ng kaluwalhatian na sinabi niya ay naging hungkag na mga salita, isang produkto ng kanyang sariling imahinasyon, dahil kahit sa ngayon ay sumasailalim pa rin siya sa Aking paghatol sa loob ng pagkakabihag ng Aking mga gapos.

Mula sa halimbawa sa itaas, makikita na sinumang kumakalaban sa Akin (sa pagkalaban hindi lamang sa Aking sariling katawang-tao kundi ang mas mahalaga, sa Aking mga salita at Aking Espiritu—na ibig sabihin, sa Aking pagka-Diyos), ay tumatanggap ng Aking paghatol sa kanilang laman. Kapag iniiwan ka ng Aking Espiritu, bumubulusok ka pababa, bumababang direkta sa Hades. At bagaman ang iyong katawang laman ay nasa ibabaw ng lupa, tulad ka ng isang tao na mayroong sakit sa pag-iisip: Nawala mo na ang iyong katinuan, at agad mong nararamdaman na para kang isang bangkay, kung kaya’t nagmamakaawa ka sa Akin na agad nang wakasan ang iyong laman. Ang karamihan sa inyo na angkin ng espiritu ay may malalim na pagpapahalaga sa mga kalagayang ito, at hindi Ko na kailangang magdetalye pa. Sa nakaraan, gumawa Ako sa normal na pagkatao, karamihan sa mga tao ay sinukat na ang kanilang sarili laban sa Aking poot at pagiging maharlika, at mayroon nang kaunting kaalaman tungkol sa Aking karunungan at disposisyon. Ngayon, tuwiran Akong nagsasalita at kumikilos sa pagka-Diyos, at mayroon pa ring ilang tao na makikita ang Aking poot at paghatol sa sarili nilang mga mata; bukod pa riyan, ang pangunahing gawain ng ikalawang bahagi ng panahon ng paghatol ay ang tuwirang ipaalam sa lahat ng Aking tao ang Aking mga gawa sa katawang-tao, at tuwirang ipakita sa inyong lahat ang Aking disposisyon. Ngunit dahil Ako ay nasa katawang-tao, isinasaalang-alang Ko ang inyong mga kahinaan. Inaasahan Ko na hindi ninyo itinuturing ang inyong espiritu, kaluluwa at katawan bilang mga laruan, walang-pakialam na iniaalay ang mga iyon kay Satanas. Mas mabuti na pahalagahan ninyo ang lahat ng mayroon kayo, at hindi ito ituring na isang laro, dahil nauugnay sa inyong kapalaran ang gayong mga bagay. Naiintindihan ba talaga ninyo ang tunay na kahulugan ng Aking mga salita? May kakayahan ba talaga kayong maging mapagsaalang-alang sa Aking tunay na mga damdamin?

Handa ba kayong tamasahin ang Aking mga pagpapala sa lupa, mga pagpapalang katulad ng mga nasa langit? Handa ba kayong pahalagahan ang pag-unawa sa Akin, ang pagtatamasa ng Aking mga salita at ang pagkakilala sa Akin, bilang ang pinakamahalaga at makabuluhang mga bagay sa inyong buhay? Kaya ba talaga ninyong lubos na magpasakop sa Akin, na hindi iniisip ang inyong sariling mga interes? Kaya ba talaga ninyong tulutan ang inyong sarili na patayin Ko, at akayin Ko, gaya ng isang tupa? Mayroon bang sinuman sa inyo na may kakayahang kamtin ang ganyang mga bagay? Maaari kaya na ang lahat ng Aking tinatanggap at tumatanggap ng Aking mga pangako ay yaong mga nagkakamit ng Aking mga pagpapala? May naintindihan ba kayo na anuman mula sa mga salitang ito? Kung susubukin Ko kayo, kaya ba ninyong lubusang ilagay ang inyong mga sarili sa Aking pagsasaayos, at, sa gitna ng mga pagsubok na ito, hanapin ang Aking mga intensyon at damhin ang Aking puso? Hindi Ko nais para sa iyo na makapagsalita ng maraming makabagbag-damdaming salita, o makapagsabi ng maraming nakasasabik na kuwento; sa halip, hinihingi Ko na makaya mong magpatotoo nang mainam sa Akin, at na makapasok ka nang lubusan at malaliman sa realidad. Kung hindi Ako nagsalita nang tuwiran, tatalikuran mo kaya ang lahat ng bagay sa iyong paligid at tutulutan ang iyong sarili na gamitin Ko? Hindi ba ito ang realidad na Aking hinihingi? Sino ang nakakatarok sa kahulugan ng Aking mga salita? Subalit hinihingi Ko na huwag na kayong mabigatan pa sa mga pagdududa, na maging aktibo kayo sa inyong pagpasok at intindihin ang diwa ng Aking mga salita. Pipigilan kayo nito na magkamali sa pag-unawa sa Aking mga salita, at malabuan sa ibig Kong sabihin, at sa gayon ay lumabag sa Aking mga atas administratibo. Sana ay naiintindihan ninyo ang Aking mga layunin para sa inyo sa Aking mga salita. Huwag na ninyong isipin pa ang sarili ninyong mga pag-asam, at kumilos kayo ayon sa inyong matibay na pagpapasya sa Aking harapan na magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay. Dapat ang lahat niyaong tumatayo sa loob ng Aking sambahayan ay gawin ang lahat ng kanilang makakaya; dapat mong ihandog ang iyong pinakamahusay hanggang sa huling bahagi ng Aking gawain sa lupa. Handa ka ba talagang isagawa ang gayong mga bagay?

Pebrero 23, 1992

Sinundan: Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula—Kabanata 103

Sumunod: Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob—Kabanata 5

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito