Kabanata 43
Marahil ay dahil lamang sa Aking mga atas administratibo kaya nagkaroon ng “malaking interes” ang mga tao sa Aking mga salita. Kung hindi sila pinamahalaan ng Aking mga atas administratibo, umaalulong na sana silang lahat na parang mga tigreng nagambala lamang. Araw-araw, gumagala-gala Ako sa mga ulap, minamasdan Ko ang sangkatauhang nakakalat sa lupa habang nagmamadali sila, na pinipigilan Ko sa pamamagitan ng Aking mga atas administratibo. Sa paraang ito, nananatiling maayos ang sangkatauhan, at ipinagpapatuloy Ko ang Aking mga atas administratibo. Mula sa sandaling ito, tinatanggap ng mga nasa lupa ang lahat ng paraan ng pagkastigo dahil sa Aking mga atas administratibo, at habang sumasapit ang pagkastigong ito sa kanila, nagsisigawan nang malakas at nagtatakbuhan ang buong sangkatauhan sa lahat ng direksyon. Sa sandaling ito, agad na nalilipol ang mga bansa sa lupa, naglalaho ang mga hangganan sa pagitan ng mga bansa, hindi na nahahati ang mga lugar, at wala nang naghihiwalay sa pagitan ng mga tao. Sinisimulan Kong gawin ang “gawaing ideolohikal” sa pagitan ng mga tao, upang payapang umiral nang magkakasama ang mga tao, kasama ang isa’t isa, hindi na nag-aaway, at, habang nagtatayo Ako ng mga tulay at nagtatatag ng mga koneksyon sa gitna ng sangkatauhan, nagkakaisa ang mga tao. Pupunuin Ko ang pinakamataas na langit ng mga pagpapamalas ng Aking mga kilos at papangyayarihin Kong magpatirapa ang lahat ng bagay sa lupa sa ilalim ng Aking kapangyarihan, sa gayon ay ipatutupad Ko ang Aking plano para sa “pandaigdigang pagkakaisa” at papangyayarihin Kong magkakatotoo ang isang pangarap Kong ito, upang hindi na “magpapagala-gala” ang sangkatauhan sa balat ng lupa, kundi makatagpo ng akmang hantungan nang walang pagkaantala. Iniisip Ko ang sangkatauhan sa lahat ng paraan, ginagawa ito upang mamuhay ang buong sangkatauhan sa isang lupain ng kapayapaan at kaligayahan sa lalong madaling panahon, upang ang mga araw sa kanilang buhay ay hindi na maging malungkot at mapanglaw, at upang ang Aking plano ay hindi mawalan ng saysay sa ibabaw ng lupa. Dahil umiiral doon ang tao, itatatag Ko ang Aking bansa sa ibabaw ng lupa, sapagkat ang isang bahagi ng pagpapamalas ng Aking kaluwalhatian ay nasa ibabaw ng lupa. Sa langit sa itaas, ilalagay Ko sa ayos ang Aking lungsod para magawang bago ang lahat sa itaas at ibaba. Pagkakaisahin Ko ang lahat ng umiiral sa itaas at ibaba ng langit, upang lahat ng bagay sa lupa ay makaisa ng lahat ng nasa langit. Ito ang Aking plano; ito ang isasakatuparan Ko sa huling kapanahunan—huwag hayaang makialam ang sinuman sa bahaging ito ng Aking gawain! Ang pagpapalawak ng Aking gawain sa mga bansang Hentil ang huling bahagi ng Aking gawain sa lupa. Walang sinumang nakakaarok sa gawaing Aking gagawin, at dahil dito, medyo naguguluhan ang mga tao. At dahil abalang-abala Ako sa Aking gawain sa lupa, sinasamantala ng mga tao ang pagkakataong “maglaro.” Para mapigilan ang sobrang katigasan ng kanilang ulo, inilagay Ko na muna sila sa ilalim ng Aking pagkastigo para tiisin ang pagdidisiplina ng lawa ng apoy. Ito ay isang hakbang sa Aking gawain, at gagamitin Ko ang kapangyarihan ng lawa ng apoy upang isakatuparan ang hakbang na ito ng Aking gawain; kung hindi, magiging imposibleng isagawa ang Aking gawain. Papangyayarihin Kong magpasakop ang mga tao sa buong sansinukob sa harap ng Aking luklukan, na hinahati sila sa iba’t ibang kategorya ayon sa Aking paghatol, pinagbubukud-bukod sila ayon sa mga kategoryang ito, at bukod pa riyan ay inaayos Ko sila sa kanilang mga pamilya, upang tumigil ang buong sangkatauhan sa pagsuway sa Akin, at sa halip ay bumagsak sa isang masinop at maayos na plano ayon sa mga kategoryang Aking napangalanan—huwag hayaang gumalaw ang kahit sino! Sa buong sansinukob, nakagawa Ako ng bagong gawain; sa buong sansinukob, buong sangkatauhan ay natutulala at napipipi sa Aking biglang pagpapakita, ang kanilang mga abot-tanaw ay lubhang pinalawak ng Aking hayagang pagpapakita. Hindi ba gayon ang nangyari ngayon?
Nagawa Ko na ang Aking unang hakbang sa lahat ng bansa at lahat ng tao, at napasimulan Ko na ang unang bahagi ng Aking gawain. Hindi Ko gagambalain ang Aking plano na magsimulang muli: Ang pagkakasunud-sunod ng gawain sa mga bansang Hentil ay batay sa proseso ng Aking gawain sa langit. Kapag iniangat ng lahat ng tao ang kanilang mga mata upang tingnan ang bawat galaw at kilos Ko, iyon ang panahon na nagpapakalat Ako ng hamog sa ibabaw ng mundo. Lumalabo kaagad ang mga mata ng mga tao, at hindi nila maaninaw ang anumang direksyon, gaya ng tupa sa isang tiwangwang na disyerto, at, kapag nagsimulang umugong ang malakas na hangin, nilulunod ng umuugong na hangin ang kanilang mga iyak. Sa gitna ng mga ihip ng hangin, makikita nang bahagya ang anyo ng mga tao, ngunit walang maririnig na tinig ng tao, at bagama’t nagsisigawan ang mga tao nang napakalakas, walang saysay ang pagsisikap nila. Sa panahong ito, nananangis at humahagulgol nang malakas ang sangkatauhan, umaasang biglang bababa ang isang tagapagligtas mula sa langit upang akayin sila palabas ng walang-hangganang disyerto. Ngunit, gaano man katindi ang kanilang pananampalataya, nananatiling walang tinag ang tagapagligtas, at naglalaho ang mga pag-asa ng tao: Ang apoy ng pananampalatayang naparingas ay hinipan ng malakas na hangin mula sa disyerto, at nakapatirapa ang tao sa isang tigang at walang-taong lugar, upang hindi na kailanman magtaas ng naglalagablab na sulo, at nawawalan siya ng ulirat…. Para samantalahin ang sandali, pinalilitaw Ko ang isang oasis sa harap ng mga mata ng tao. Ngunit, kahit maaaring labis ang kagalakan ng kanyang puso, ang katawan ng tao ay napakahina para tumugon, lupaypay at hilahod ang paa; at bagama’t nakikita niya ang magagandang prutas na lumalago sa oasis, kulang ang kanyang lakas para pitasin ang mga iyon, dahil naubos nang lahat ang “panloob na mga mapagkukunan” ng tao. Kinukuha Ko ang mga bagay-bagay na kailangan ng tao at iniaalok ang mga iyon sa kanya, ngunit ang tanging ginagawa niya ay ngumiti nang panandalian, napakalungkot ng kanyang mukha: Bawat kaliit-liitang lakas ng sangkatauhan ay naglaho na nang walang bakas, na naglalaho sa ihip ng hangin. Dahil dito, lubos na walang ekspresyon ang mukha ng tao, at isang sinag lamang ng pagmamahal ang nababanaag sa kanyang namumulang mga mata, na may kasamang maamong kabaitan na gaya sa isang inang nagbabantay sa kanyang anak. Paminsan-minsan, nanginginig ang tuyo at bitak-bitak na mga labi ng tao, na parang magsasalita siya ngunit walang lakas na gawin iyon. Binibigyan Ko ng kaunting tubig ang tao, ngunit ang tanging ginagawa niya ay umiling. Mula sa mga pabago-bago at di-mahulaang mga kilos na ito, nalalaman Ko na nawalan na ng buong pag-asa ang tao sa kanyang sarili, at nakatingin lamang nang may pagsusumamo sa Akin, na parang nagmamakaawa para sa isang bagay. Ngunit, walang-alam tungkol sa mga kaugalian at tradisyon ng sangkatauhan, naguguluhan Ako sa mga ekspresyon ng mukha at kilos ng sangkatauhan. Sa sandaling ito Ko lamang biglang natutuklasan na mabilis nang nalalapit ang wakas ng mga araw ng pag-iral ng tao, at tinititigan Ko siya nang may awa. At sa sandaling ito lamang nagpapakita ng ngiti ng kasiyahan ang tao, na tumatango sa Akin, na parang natupad na ang lahat ng kanyang inaasam. Hindi na malungkot ang sangkatauhan; sa lupa, hindi na nagrereklamo ang mga tao sa kahungkagan ng buhay, at humihinto na sila mula sa lahat ng pakikitungo sa “buhay.” Mula ngayon, wala nang mga paghihinagpis sa lupa, at mapupuno ng galak ang mga araw na nabubuhay ang sangkatauhan …
Aalisin Ko nang maayos ang mga gawain ng tao bago Ko gawin ang sarili Kong gawain, kung hindi ay baka patuloy na manggulo ang sangkatauhan sa Aking gawain. Para sa Akin, hindi ang mga gawain ng tao ang mahalagang isyu; walang katuturan ang mga gawain ng sangkatauhan. Dahil makasarili ang tao—mukhang ayaw magpakita ng awa ang sangkatauhan kahit sa isang langgam, o na mga kaaway ng sangkatauhan ang mga langgam—palaging nagtatalo ang mga tao. Kapag naririnig Ko ang pagtatalo ng mga tao, minsan pa Akong umaalis at hindi na pinakikinggan ang kanilang mga kasinungalingan. Sa mga mata ng sangkatauhan, isa Akong “komite ng mga residente,” na nagpapakadalubhasa sa paglutas ng “mga alitan sa pamilya” sa mga “residente.” Kapag lumalapit sa Akin ang mga tao, lumalapit sila na palaging may mga personal na kadahilanan at, may nangingibabaw na kasabikan, isinasalaysay ang kanilang sariling “mga di-pangkaraniwang karanasan,” na idinaragdag ang sarili nilang komentaryo habang ginagawa iyon. Tinitingnan Ko ang di-pangkaraniwang kilos ng sangkatauhan: Puno ng alikabok ang kanilang mukha—alikabok na nawawalan ng “kasarinlan,” sa ilalim ng “pagtulo” ng pawis, habang humahalo ito kaagad sa pawis, at ang mukha ng mga tao ay lalong nagiging “pinagyaman,” gaya ng buhangin sa tabing-dagat, kung saan may makikitang mga bakas ng paa paminsan-minsan. Ang kanilang buhok ay kahawig ng multo ng mga patay, walang ningning, nakatayo nang tuwid, parang mga piraso ng dayaming itinusok sa isang globo. Dahil napakainit ng kanyang ulo, kaya nangangalisag ang mismong buhok niya dahil sa galit, paminsan-minsan ay nagbubuga ng “singaw” ang kanyang mukha, na parang “kumukulo” ang kanyang pawis. Kapag sinusuri Ko siyang mabuti, nakikita Ko na “nag-aapoy” ang mukha ng tao na parang nagbabagang araw, kaya nga lumalabas ang mainit na gas mula roon, at talagang nag-aalala Ako na baka masunog ng kanyang galit ang kanyang mukha, bagama’t hindi niya ito mismo pinapansin. Sa sandaling ito, hinihimok Ko ang tao na palamigin nang kaunti ang kanyang init ng ulo, dahil anong buti ang magagawa nito? Bakit mo pahihirapan nang gayon ang sarili mo? Sapagkat sa galit, ang mga tangkay ng dayami sa mukha nitong “globo” ay talagang nasusunog sa lagablab ng araw; sa ganitong mga sitwasyon, kahit ang “buwan” ay pumupula. Hinihimok Ko ang tao na bawasan ang init ng kanyang ulo—mahalagang pangalagaan ang kanyang kalusugan. Ngunit hindi nakikinig ang tao sa Aking payo; sa halip, patuloy siyang “naglalabas ng mga reklamo” sa Akin. Ano ang silbi nito? Hindi pa ba sapat ang Aking kabutihan para masiyahan ang tao? O tinatanggihan ba ng tao ang ibinibigay Ko sa kanya? Sa biglang pagsilakbo ng galit, inaangat Ko ang mesa, at hindi na nangangahas ang tao na magsalaysay ng kapana-panabik na mga pangyayari mula sa kanyang kasaysayan; natatakot siya na baka dalhin Ko siya sa “piitan” para palamigin ang kanyang ulo nang ilang araw, at sinasamantala niya ang pagkakataong hatid ng Aking pagmamaktol para tumalilis. Kung hindi, hindi na kailanman papayag ang tao na hayaan na ang gayong mga bagay, kundi patuloy niyang sasabihin ang sarili niyang mga alalahanin. Nayayamot Ako sa mismong tunog nito. Bakit ba napakakumplikado ng sangkatauhan sa kaibuturan ng kanilang puso? Maaari kayang nakapaglagay Ako ng napakaraming “bahagi” sa loob ng tao? Bakit lagi siyang nagpapanggap sa Aking harapan? Sigurado kayang hindi Ako isang “tagapayo” para sa kalutasan ng “mga pagtatalo ng mga tao”? Hiniling Ko ba sa tao na lumapit sa Akin? Sigurado kayang hindi Ako isang mahistrado sa barangay? Bakit palaging inihaharap sa Akin ang mga gawain ng mga tao? Sana ay makita ng tao na akmang pamahalaan niya ang kanyang sarili at hindi Ako gambalain, sapagkat napakarami Kong gawaing gagawin.
Mayo 18, 1992